3rd Drop: Notebook 📓
3rd Drop: Notebook 📓
“Uwian na!” Tuwang- tuwang sabi ni Asul matapos ang huling subject namin sa hapon. Tumayo pa ang loko at nagsusuntok sa hangin na para bang nanalo sa lotto. Engot.
“Boy, ‘yong pusta huh? Kapag natalo kita palit tayo ng bike ng isang linggo!” Sabi naman ni Jolo na nakasukbit na sa balikat ang backpack. Lumapit ito kay Asul kasama ng iba pa naming kaklaseng mga lalaki na gaya nito’y mahilig mag- online games.
“Paalam ka na sa babes mo, Asul. Sabihin mong saka na lang kayo mag-date.” Makahulugang sabi naman ni Lupin sabay nguso sa akin. Natigil ako sa pagliligpit ng gamit ko at binato ito ng nakamamatay na tingin.
“Sige na babes, alis na ako huh?” Pagsakay naman ni Asul sa trip ng mga kaibigan. Halata ang panunukso sa mapaglarong mga mata nito.
“Anong babes?!” Inis na sabi ko sabay tingin sa likuran ni Sage. Nagaayos na siya ng gamit niya. Sasabay ako sa kanya sa pag- uwi at wala na akong panahong makipaglokohan sa bwisit na Asul na ‘to.
“Sige, babes. Text kita mayang gabi. Mwah!” Mapang- asar pang sabi ni Asul sabay gulo sa dati ko ng magulong buhok. Nabwibwisit na hinampas ko ang kamay nito na ikinatawa lang ng mga kaklase naming lalaki na naghihintay rito.
“Yuni, kayo ang cleaners ngayon.” Pagpapaalala ni Pauleen sa akin na ikinaawang ng labi ko. Oo nga pala!
“Hoy, Etteng! Cleaners tayo!” Tawag ko sa siga kong kagrupo na tatakasan na naman ako.
“May LBM ako. Bukas na lang.” Sabi nito at walang pakialam na dumiretso na palabas ng classroom. At lalo pang bumagsak ang mga balikat ko ng lumabas na din si Sage kasunod ng grupo nina Asul. Sira na naman ang plano ko. Kainis!
“Yuni, tuwing kayo ang cleaners ang dumi ng classroom.” Sabi ni Pauleen na ‘di ko namalayang nakalapit na pala sa akin.
“Ang tamad- tamad naman kasi ng mga kagrupo niya.” Salo ni Mira sa akin. Kaming tatlo na lang ang naiwan sa loob. Gaya ng dati ay tinakbuhan na naman ako ng masisipag kong kagrupo.
“Ikaw ang leader, nasa sa’yo na ‘yon kung paano mo ima- manage ang grupo mo.” Sermon pa ni Pauleen na hindi pinansin ang sinabi ni Mira. Lalong humaba ang nguso ko.
“Oo na. Maglilinis na po.” Sarkastiko kong sabi.
“E bakit ka galit?” Nakataas ang kilay na tanong nito, halatang naiinis sa inasta ko.
“Hindi naman ako galit. Nadidismaya lang sa mga kagrupo ko.” Pagdadahilan ko. Totoo namang nakakadismaya sila. Ako na lang lagi ang kawawa tuwing kami ang cleaners.
“Mas madismaya ka sa sarili mo kasi hindi mo sila kayang i- handle.” Bitaw pa nito bago ako tinalikuran. Isinukbit nito sa balikat ang branded na shoulder bag saka nagmartsa palabas ng classroom.
“Mas madismaya ka sa sarili mo kasi hindi mo sila kayang i- handle.” Panggagaya ni Mira sa sinabi nito sa pinaarteng tinig, “ang arte- arte, nakarebond lang naman at naka- glutathione kaya mukhang maganda.” Ingos nito.
“Umuwi ka na. Hinihintay ka na ng isasaing mo.” Taboy ko sa kaibigan ko. Pumunta ako sa isang sulok ng classroom kung saan nakatago ang mga walis at dustpan.
“Tutulungan na kita nang makauwi ka ng maaga.” Anito. Lalapit na ito sa lagayan ng walis nang harangan ko ito.
“Huwag na. Pakopyahan mo na lang ako ng assignment bukas para hindi na ko kotongan ng unggoy na Asul na ‘yon.”
Pumalatak ito, “ako pa talaga ang kokopyahan mo? E tayong dalawa ang palaging lowest sa klase natin.”
Nginitian ko siya, pinalalakas ang loob, “Ayos lang ‘yan. Walong buwan na lang naman.”
“Hay naku, Yuni, sana nga makapasa tayo at maka- graduate.”
“Sigurado ‘yan. Layas na. Maglilinis na ako para makauwi na ako. Magkukunwari na lang lang akong hihiram ng notebook ni Sage para makita ko siya mamaya.” Kinikilig na sabi ko. Kapitbahay ko lang kasi si Sage. Tanaw na tanaw mula sa kwarto ko ‘yong balkonahe ng kwarto niya na nasa second floor ng two- storey house nila.
“Good luck na lang sa’yo. Alis na ‘ko. Sisilip pa ako sa gym e. Baka nandoon pa si Mayel kong sinta.” May halong kilig ding sabi nito.
Matapos kaming magpaalamanan ay naiwan akong mag- isa sa classroom. Hindi ko binilisan ang paglilinis. Winalis ko talaga ng mabuti lahat ng sulok para wala ng masabi ang mahaderang Pauleen na iyon bukas. Dinaig pa ang adviser naming kung maka- demand. Akala mo kung sino.
Mula nang mag- transfer siya dito noong grade 8 kami ay lalong nawalan ako ng pagkakataong lapitan si Sage. Paano e lagi ba naman itong nakabuntot sa kanya. Kung nasaan si Sage ay nandoon rin ito. Kung anong sasalihang contest ni Sage ay sasalihan rin nito. Lagi rin itong naipapares kay Sage. Pareho daw kasi silang matalino kaya bagay na bagay daw sila. Kaya nga ang lakas ng loob na dikit- dikitan ang lalaking sampung taon ko ng sinusundan- sundan.
Matapos kong maisara ang mga bintana at mapatay ang mga wall fans ay kinuha ko na ang bag ko at ‘di na nagabala pang ayusin ang sarili. Uwian na rin naman tapos nakauwi na rin si Sage. Para saan pa ang pagaayos ko?
Halos wala ng tao sa mga corridor ng bumaba ako sa first floor. Hindi naman ako nagmamadali sa paglalakad kaya nang madaanan ko ang faculty room ay agad akong napahinto nang makita ko na nakaupo sa harapan ng desk ni Ma’am Gina. Biglang bumilis ang tibok ng puso ko at kahit mainit ay nagawa ko pa ring mapangiti ng malawak. Makakasabay ko pa rin pala siya sa pag- uwi. Lumapit pa ako sa may pintuan para lang matigilan nang makita na naroon rin pala si Pauleen na nakaupo sa katapat na upuan ni Sage at ngitng- ngiti habang kausap siya.
“Pauleen, totoo ba ‘yong mga pinamamalita nilang kayo na nitong si Sage?” Biglang tanong ni Ma’am Gina kay Pauleen at bigla akong nanigas sa kinatatayuan ko. Nakita ko ang pag- angat ng mukha ni Sage kay ma’am kapagkuwa’y kay Pauleen na lalo pang lumawak ang pagkakangiti.
Bakit hindi tumatanggi si Sage? Bakit ganoon na lang kung makangiti si Pauleen? So sila na nga? Parang may kung anong dumagan sa dibdib ko na pakiramdam ko ay dahilan kung bakit bigla akong nahirapan sa paghinga. Aatras na sana ako pero nakita ako ni Ma’am Gina at tinawag pa ang pangalan ko kaya napalingon sa akin ang dalawa.Napalunok ako lalo na ng magtama ang mga mata naming ni Sage. Gaya pa rin naman iyon ng dati, malalim at hindi ko kayang arukin ang ibig sabihin. Kung dagat nga lang siguro ang mga mata niya ay matagal na akong nalunod dahil wala naman akong ideya kung paano ko lalanguyin ang lalim niya. Lagi na lang akong nangangapa. Pero gustong- gusto ko talaga siya.
“M- Ma’am…” Nauutak kong bati sa adviser ko, “t- tapos na po kaming maglinis. Uuwi na po ako.” Pagpapaalam ko dito.
“O sige, magiingat ka.” Sagot naman ng guro. Binalingan ko ang dalawa, “Pauleen, Sage, mauna na ako.” Wika ko bago ko sila tinalikuran. Malalaki ang hakbang na lumayo ako doon at halos takbuhin ko ang palabas sa gate ng school.
Humihingal ako nang bagalan ko ang paglalakad. Nagsisimula ng magligpit ang mga nadadaanan kong nagtitinda ng street foods sa labas ng eskwelahan at may mangilan- ngilan pa rin namang mga estudyante na nakatambay sa gilid ng daan. Nadaanan ko pa nga si Etteng doon na agad tinapos ang hinihithit na sigarilyo pagkakita sa akin. Matanda ito sa akin ng dalawang taon, ilang beses na kasing nagpabalik- balik ng high school kasi laging nada- dropped.
Huminga ako ng malalim at pilit pinapakalma ang sarili kahit gustong- gusto ko ng maiyak sa nakita kaninang eksena sa faculty room. Huminto ako sa tapat ni Etteng at pinukol ito ng masamang tingin habang mahigpit ang pagkakahawak sa strap ng bag ko.
“Akala ko ba may LBM ka?” Sita ko rito.
“Uminom na ako ng gamot.” Balewalang sagot nito. Nakakainis talaga.
“Bukas naman maglinis ka din.”
“Hindi ako nagaaral para maglinis.” Pilosopong sagot nito. Aba!
“Hindi ka rin naman nagaaral para lang manigarilyo sa gilid ng daan.” Matapang kong sumbat rito. Napaawang ang labi nito kapagkuwa’y sinalubong ako ng nanunukat na tingin. Malaking tao si Etteng, malaki din ang katawan kasi may katabaan. Mukhang gangster na gangster ang itsura lalo pa’t maitim. Kaya naman nakakatakot talaga ito kung tumingin lalo na’t nanlalaki ang nanlilisik na mga mata nito.
“Ano bang pakialam mo huh?” Maangas na anito habang humahakbang palapit at sumasalubong sa akin ang pinaghalong mabahong amoy ng usok ng sigarilyo at ng pawis nito . Napalunok ako, gaano man ako katapang ay marunong pa rin naman akong matakot. Sa itsura nito’y mukhang anumang sandali ay babangasan na ako nito. Pero bago pa man ito tuluyang makalapit sa akin ay humarang na sa pagitan namin ang pamilyar na bulto ng lalaking amoy pa lang ay kilalang- kilala ko na.
“Umuwi ka na, Lester.” Wika ni Sage sa blangkong ekspresyon. Saglit namang nakipagsukatan ng tingin si Etteng bago umatras at walang salitang umalis. Doon lang ako nakahinga ng maluwag.
“Noon lasing, ngayon naman ‘yong sigang kaklase natin?” Amused na tanong sa akin ni Sage, magkasalubong ang mga kilay. Nakapagitan sa amin ang bisikleta niya at hawak ng magkabilang kamay nito ang manibela no’n.
“Anong nangyari sa bike mo?” Sa halip ay tanong ko sabay baba ng tingin sa bike niya. Narinig ko ang malakas na pagbuntong- hininga niya.
“Naalis ‘yong kadena.” Sagot niya sa akin na agad kong ipinagtaka. Ang alam ko bago pa lang ang bike niya na regalo ng Mama niya noong magtapos kami ng grade 11. Narinig ko ngang sinabi ni Jolo na mahal daw ‘tong bike ni Sage.
“Ayusin natin.” Sabi ko at akma ng yuyuko ng hilain niya ang strap ng bag ko na muli kong ipinagtaka.
“Sa bahay ko na lang aayusin.” Kaswal niyang sabi matapos bitawan ang hawak na strap ng bag ko.
“Paano ka uuwi?” Maang kong tanong.
“Anong gamit ng mga paa ko?” Masungit niyang tugon at nagpatiuna ng maglakad habang tulak- tulak ang bike niya. Patakbo akong umagapay sa kanya.
Tumikhim ako saka tumingin sa kanya. Seryoso lang siyang naglalakad, marahil ay naiinis sa pagkasira ng bike niya. “May pinagawa ba sa’yo si Ma’am?” Tanong ko para maputol ang katahimikan sa pagitan namin.
“Nagpatulong lang siyang nag- print.” Sagot niya ng hindi man lang ako nililingon. Tumango- tango naman ako. Muli akong tumikhim.
“S- Si Pauleen din tumulong sa pagpiprint?” Sinilip ko ang mukha niya.
“Nagsa- suggest siya tungkol sa parating na Buwan ng Wika.”
Napasimangot ako. Si Pauleen ang nanalo na Binibining Buwan ng Wika noong nakaraang school year. May litrato pa nga sila noon ni Sage na magkasama matapos itong manalo. Selos na selos ako noon. Hindi nga ako pumasok ng isang araw at nagsakit- sakitan ako sa sama ng loob kay Sage. Paano’y maski anong pilit ko sa kanyang magpicture kaming dalawa ay ayaw niya. Tapos makikita ko na lang sa facebook ni Pauleen ang picture nila? Cover photo pa nga iyon ni Pauleen hanggang ngayon e. Tapos naka- tagged pa siya.
“Taga- cheer na lang siguro ako.” Pinilit kong pasiglahin ang tinig. Hindi naman kasi ako magaling magdrawing para makasali sa poster making. Lalong wala din akong alam sa pagsusulat para makasali sa poetry writing, sanaysay at slogan. At lalong hindi kaya ng kapasidad ko ang quiz bee! Maganda nga ako pero hindi naman pangcontest ang ganda ko.
“Ano pa nga ba? Wala naman ng bago.” Walang emosyong komento ni Sage na nagpalaglag sa mga balikat ko. Wala nga akong bilib sa sarili ko e, ‘di lalo na siya.
“Uhm, Sage.” Mahinang ungot ko sa kanya, patuloy pa rin kami sa paglalakad. Tahimik ang paligid dahil walang napapadaang tricycle at wala na ding tao pa sa bukid na nadadaanan namin.
“Hmm?” Tila walang interes niyang pag- ungol.
“K- Kayo na ba ni Pauleen?” Lakas loob kong tanong na nagpahinto sa kanya sa paglalakad. Mataman ako nitong tinitigan.
“Pati ba naman ikaw nakikitsismis din?” Tila dismayadong aniya.
“T- Tsismis?” Nagsalubong ang mga kilay ko. “Pero… k- kayo ‘di ba?” Paghingi ko ng kumpirmasyon na ayaw ko naman talagang makumpirma.
“Bakit, gusto mo ba?” Hamon niya sa akin.
“Syempre hindi!” Mabilis kong sagot.
Amused siyang napabuga ng hangin kapagkuwa’y umangat ang isang sulok ng labi. Sa gulat ay literal na napaawang ang labi ko habang nakatingin sa kanya. Lord, bakit ba ang gwapo niya pa rin kahit pa kalahati lang ‘yang ngiti niya?
Narinig ko ang pagpalatak niya. Hinawakan niya ang baba ko at iniangat iyon upang itikom ang mga labi ko.
“Nakakadagdag ka sa polusyon.” Aniya saka muling naglakad. Agad kong nakagat ang ibaba kong labi kasabay ng pagragasa ng init sa buo kong mukha. Hala! Nakakahiya talaga ako! Pero hindi ko pa rin mapigilang mapangiti.
So, mali pala ako ng akala. Hindi talaga sila ni Pauleen. May pag- asa pa ako! Pigil ang kilig na tinampal- tampal ko ang mga pisngi saka mabilis na naglakad para makaagapay sa kanya. Muli akong tumikhim para magbukas ng panibagong usapan.
“May nahanap ka ng reference para sa assignment natin sa English for Academic Purposes?” Magaan na ang mood na tanong ko sa kanya. Huminto siya sa paglalakad at sinipa ang stand ng bike para makatayo iyon. Nagtatakang pinanood ko siya habang binubuksan niya ang Jansport bag at inilabas doon ang Sterling na notebook niya. Ipinatong niya iyon sa ulo ko.
“Ano ‘to?” Nagtatakang tanong ko sa kanya. Hinawakan ko ang notebook at tiningnan iyon. Sa bandang ibaba ng plain black na notebook ay label na English for Academic Purposes.
“Basahin mo ‘yan. Makakatulong ‘yan para masagutan mo ‘yong assignment natin.” He said in a casual tone.
“Talaga?” Masaya kong tanong at delighted na nagpatalon- talon pa. “Ang galing! Salamat huh?”
Tiningnan lang niya ako at dahil sa hapon na at bukid pa ang tabi ng dinadaanan namin ay malakas na ang hangin kaya naman lalo malayang nilalaro ng hangin ang mahaba kong buhok na hindi ko man lang nagawang suklayin bago ako umuwi. At nanigas talaga ako sa kinatatayuan at literal na napigil ang paghinga ng iangat ni Sage ang isang kamay upang hawiin ang mga hibla ng buhok na humaharang sa mukha ko. Napalunok ako ng ipitin niya iyon sa likod ng tenga ko. Totoo palang nakakapanghina ng tuhod kapag nakatingin din sa'yo ang taong gustong-gusto mo. Ngayon kasi ay malinaw sa akin ang tila tinunaw na tsokolateng mga mata ni Sage at 'yong tingin niya, para bang hinuhugot palayo sa katawan ko ang kaluluwa ko.
Pero nahinto ako sa pananaginip ng tumikhim siya, "Mukha kang bruha." Komento nito saka sinipa ulit ang stand ng bike at nagpatuloy muli sa paglalakad.
Wala sa sariling napakurap- kurap ako at nasapo ko ang dibdib. Kulang na lang ay tumalon na palabas ang puso ko sa lakas ng kabog no'n. Sobrang init ng buong muka ko at umabot iyon sa tenga at leeg ko.
Si Sage... inayos niya ang buhok ko. Si Sage na sampung taon ko ng hinahabol-habol. Si Sage na—
"Yuni, bilis na!" Tawag sa akin ni Sage na nagpabalik sa akin sa reyalidad. Nang tingnan ko siya'y nakahinto siya habang tila naiinip na nakatingin sa akin. Gayunpaman ay hindi ko mapigilang mapangiti ng malawak habang niyayakap ang notebook niya. Patakbo akong lumapit sa kanya.
"Salamat ulit dito huh?" Masiglang sabi ko sabay angat ng notebook niya.
“Anong salamat? Ilibre mo ako bukas ng banana cue.” Aniya saka pinagpatuloy ang paglalakad at nagpatiuna na. Lalo pang lumawak ang ngiti ko.
“Sasamahan ko na rin ng juice!” Sagot ko bago muling humabol sa kanya.
🍃
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro