2nd Drop: Doughnut 🍩
2nd Drop: Doughnut 🍩
“Romero?”
Naririnig ko ang pagtawag sa apelyido ko pero hindi ko maimulat ‘tong mga mata ko. Sobrang inaantok talaga ako.
“Romero?”
Iniangat ko ang isang kamay para punasan ang patulong laway ko. Grabe, ang sarap matulog. Malamig kasi ang panahon dala ng pag- ulan kahapon. Napangiti tuloy ako. Sulit ang isang oras na sermon sa akin ni Mama dahil sa pagkawala ng payong ko. Sana umulan ulit para pasukubin ako ulit ni Sage sa payong niya.
"ROMERO!”
Kasabay ng mas malakas na pagtawag sa pangalan ko ay ang medyo malakas ding pagsipa ng kung sinoman sa paa ko. Dahil doon ay gulat akong napamulat at napatayo.
“Sage, pasukob ulit sa payong mo!” Gulat na bulalas ko at ganoon na lamang ang panggigilalas ko ng ma- realized na nasa klase pala ako at kaharap ko na ngayon ang adviser kong daig pa ang Mama ko kung makapanermon. Gusto ko na lang lumubog sa labis na hiya ng magtawanan ang mga kaklase ko. Nang lingunin ko ang katabi kong si Sage ay kulang na lang na patayin ako niya ako ng tingin.
Narinig ko ang nakakalokong paghagikgik nng katabi kong si Asul na sigurado akong siyang sumipa sa paa ko kanina. Nagtagis ang aking mga bagang habang iniingusan ang sutil na lalaki. Mula ng mag- transfer ang lalaking ito noong grade 8 palang kami ay lagi na ako nitong binu- bully. Sabay silang nagtransfer dito ni Pauleen. Pasimple ko din itong sinipa na agad naman nitong ikinangiwi. Napangisi ako pero agad ding naitikom ang mga labi ng bumuga na naman ng apoy ang dragonesang adviser namin.
“MANAHIMIK!” Galit na galit na saway ni Ma’am Gina Serrano sa mga kaklase ko. Hindi pa naman siya ganoon katanda pero sobrang sungit talaga niya. Siya ang teacher namin sa Pagsulat sa Filipino sa Piling Larangan at wala ka ding aasahan sa akin kung pagsusulat ang paguusapan. Pagsalitain mo na lang ako maghapon, ‘yon ang siguradong kaya ko.
“Ikaw, Yunique, wala na akong naibabalitang iba sa Mama mo kundi ‘yang kapasawayan mo!” ‘Yan, nagsimula na itong manermon, “Panay pasang-awa na nga ang scores sa quizzes mo ay tutulugan mo pa ang subject ko! Teacher naman ang mama mo. Bakit ‘di mo magawang magtino sa pagaaral?” Sita pa nito sa akin. Doon na ako napasimangot. Araw- araw ko naman iyong naririnig. Hindi lang kay Ma’am Serrano pero pati sa mga kapitbahay namin.
Public school teacher si Mama ‘dyan sa may Casa Rosa Elementary School. Matalino at maganda si Mama. Hindi gaya ko, maganda lang. Kung may maipagmamalaki man siguro ako ay ‘yong kaunting kaalaman ko sa pagsasalita sa wikang Ingles.
“S- Sorry po, ma’am.” Nakayukong sagot ko. Napaigtad ako sa gulat ng pabagsak niyang inilapag sa mesa ko ang hawak na papel na essay ko pala. Marami na namang berdeng marka doon isama pa ang mga nabilugang bahagi ni ma’am. Napansin niya yata ‘yong lyrics ng kanta na isiningit ko sa pinakagitnang bahagi ng essay ko. Kainis, lagot na! Ipinikit ko ang mga mata dahil alam ko na ang susunod na mangyayari.
“May gana ka pa talagang singitan ng lyrics ng kanta ‘yang sanaysay mo, Yunique!” Labis ang kunsomisyong sigaw pa sa akin nito, “akala mo siguro porke rap ang isinulat mo ay hindi ko malalaman? Aba! Sukat ba namang lyrics ng Hayaan mo sila ang isulat mo!”
As if on cue, nagtawanan ang buong klase namin at syempre pinakamalakas ang tawa ng unggoy na katabi ko. Nakasimangot at napapahiyang pasimpleng sumilip ako kay Sage. Nakatuon sa aklat ang hawak niya pero iiling- iling na tila ba’y dismayadong- dismayado sa akin. Lalo pa akong napasimangot ng makita ko kung paano ngumisi si Pauleen na katabi lang ng upuan ni Sage. Parang sayang- saya pang napapagalitan na naman ako.
“Paano kayo matatanggap sa magandang kolehiyo kung ganyan naman ang mga performances niyo? Sanaysay na nga lang sa Filipino hindi niyo pa maayos!” Anito at ibinagsak din ang papel ni Mira sa mesa nito. Nagmartsa na ito patungo sa harapan at nakita ko ang pagpukol sa akin ng masamang tingin ng mga kaklase ko dahil makakatanggap na naman kami ng maagang sermon dahil sa akin.
“Ano bang kailangan kong gawin para sumipag kayong mag- aral?” Tila aburido pang dagdag ni Ma’am Serrano, “mabuti pa itong sina Sage, Pauleen at itong maingay na si Asul, laging matataas ang marka. Sila ang gayahin niyo. Sigurado na ang kinabukasan nila sa magagandang eskwelahan dahil nagsisipag sila. E ‘yong iba sa inyo? Mahina na nga sa klase ay may gana pang tulugan ang lesson ko!” Matalim akong tinitigan ni Ma’am na halos ikangiwi ko. Napaigtad ako sa gulat ng ituro ako ni Ma’am. “Ikaw naman Yuni, pumunta ka sa sulok at face the wall! Maigi na ‘yan ng magtanda ka!”
Wala na akong nagawa kundi sundin ang sinabi ni Ma’am. Nang lingunin ko ulit si Sage ay tila walang pakialam na nagbabasa lang ito ng aklat. Buti pa kahapon medyo mabait siya. Ngayon parang hangin na naman ako sa paningin niya. Lulugo- lugo akong pumunta sa sulok at humarap sa pader. Paano naman ako matututo kung ‘yong walang muwang na pader naman ang pinanonood ko? Visual learner pa naman ako, dapat nakikita ko talaga para matuto ako. Walang papasok sa utak ko ng pakinig- kinig lang.
Hindi pa natatapos ang klase namin nang lumabas si Ma’am Gina kasi daw pinatatawag sa principal’s office. Mabilis akong nag- inat saka pasimpleng humakbang palapit sa upuan ni Asul. Nasa likod kasi kami, sa special seats kung tawagin ni Ma’am. Doon kami sa may aisle, sa bandang likod kaya kitang- kita sa harap kung anong ginagawa naming dalawa. Maski naman kasi may utak ‘yang lalaking ‘yan e siya namang pinakamaingay sa klase. Sunod daw ako sabi ni Ma’am. Pinanindigan na namin ng dalawang buwan ang pagiging special namin. Gustong- gusto ko ng malipat ng upuan pero ako lang yata ang nakikita ni ma’am bukod kay Asul na nagiingay.
“Hoy, Asul!” Mahina ngunit madiin kong sabi habang hinihila- hila ang manggas ng uniporme nito, “nasa’n na ‘yong pinapadrawing kong project sa Biology?”
“Meryenda ko muna.” Nakangising sabi ng tuso. Dismayado akong napabuntong- hininga saka dumukot sa bulsa ng palda ko. Nakasimangot na ipinakita ko sa kanya ang sampung pisong laman ng bulsa ko.
“’Yan lang pera ko ngayon, o. Kokotongan mo pa ba ako?” Nangongonsensyang sabi ko na lalo lamang nagpalawak sa ngisi nito. Naubos na kasi ‘yong allowance ko hanggang byernes. Ipinambili ko ng posters ng EXO at Seventeen. Itinatago ko pa nga ang mga ‘yon kay Mama kasi mapapagalitan na naman ako kung malaman niyang doon napunta ang allowance ko ng isang linggo.
“O, pwede ng pambili ‘yan ng banana cue. Utang mo na lang ‘yong juice sa akin.” Sabi pa ng damuho saka ipinagpatuloy ang paggawa ng assignment namin sa English for Academic Purposes. Luh! ‘Di ko pa pala nagawa ‘yan!
“Asul, pakopya ako!” Natatarantang sabi ko sabay hablot ng notebook niya.
“Hoy, Yuni!” Pagrereklamo nito pero hindi ko na lang pinansin. Nagmamadaling naupo ako sa upuan at inilabas ang notebook para kopyahin ang nakalimutang assignment.
“Ang tapang- tapang mong kumuha ng STEM, ang tamad- tamad mo naman!” Naiinis na anito sa akin at saglit akong natigilan sa pangongopya. Napabaling ang tingin ko kay Sage na nakaupo sa unang upuan sa huling row na katabi lamang ng aisle. Napasimangot ako ng makitang naguusap sila ni Pauleen. Wala sa sariling hinawi ko ang mga takas na hibla ng buhok kong hindi nakuha sa ponytail.
Ang ganda- ganda ng buhok ni Pauleen, ang kintab tapos nagkukulay pula kapag natatamaan ng araw. Palibhasa anak ng principal kaya hindi nasisita ng SSG. Laging nakalugay ‘yong rebonded niyang buhok tapos makintab din lagi ‘yong lips niya. Naabutan ko siya minsan sa CR na nagpapahid ng lipgloss. May sarili ngang bag ‘yan para sa mga make- up niya e. Dalagang- dalaga na ito kumilos. Ganyan nga kaya talaga ang gusto ni Sage sa isang babae?
“’Wag mong sabihin sa aking crush mo si Pauleen?” Namamanghang tanong sa akin ni Asul. Sinamaan koi to ng tingin. Kainis, ‘yan ba ang matalino e ang engot engot naman?
“Pwede ba! Sasagutin ko na lang ‘yong baliw sa may bayan kesa naman magpakatomboy ako sa babaeng ‘yan noh.” Naiinis kong sabi na ikinahalakhak ng malakas ng walang breeding na si Asul. Napatingin tuloy ‘yong mga kaklase namin sa amin. Tila aliw na aliw pa nitong ginulo- gulo ang buhok ko habang patuloy pa rin ang paghalakhak sa labis na iritasyon ko. Pinulot ko ang notebook ko at hinampas iyon rito.
“Sabi mo ‘yan huh? Kapag nakita ko ‘yong baliw na ‘yon papaligawan kita!” Tumatawa pang sabi nito ulit kaya sa inis ay sinipa ko na. Maski napapangiwi na sa sakit ay nagawa pa ring tumawa ng sutil na lalaki.
“Yuni, Asul! Tumahimik na nga kayo diyan. Kaya kayo hindi naililipat ng upuan e.” Inis na sita sa amin ni Pauleen. Bakas sa mga mata nitong nakita ko minsang sinusulatan nito ng itim na lapis ang labis na iritasyon sa amin. Class president kasi ito kaya naman nauutos- ustusan kami nito. At oo, paborito kami nitong utusan ni Asul.
Nang tingnan ko naman si Sage ay walang emosyong nakatingin lang siya sa amin ni Asul. Turned off na naman siya sa akin. Lagi na lang. Nang hindi na sila nakatingin sa amin ay hinampas ko ng malakas ang balikat ng katabi ko. Namilipit ito sa sakit.
“Aray ko!” Malakas na sabi nito sa akin, pinandilatan pa ako ng mga mata.
“Nakakainis ka! Pahamak ka talaga!” Naiinis na sabi ko sabay hila palayo ng upuan ko sa kanya. Pero ang sutil, hinila din palapit sa akin ang upuan niya. Nakakainis!
“Hoy, boy! Hayaan mo munang mangopya ng assignement mo si Yumi. Mamaya mo na ligawan!” Natatawang sabi ni Jolo, kaklase namin at barkada nitong si Asul.
“Hoy! Anong nililigawan?” Agap ko kay Jolo saka nagaalalang napatingin sa likuran ni Sage. Baka maniwala siyang nanliligaw sa akin sa Asul. Bwisit talaga ‘tong magbarkadang ‘to e!
“Boy, huli ka na talaga sa balita. E ako ang nililigawan niyang si Yuni e,” Nagmamayabang na sabi ni Asul na ikinalaglag ng panga ko, “pero wala akong balak sagutin kasi bukod sa kakisigan ko e mga assignment ko lang naman habol niya.”
“Ang yabang mo!” Naiinis na ibinato ko pabalik ang notebook nito. Tumawa lamang ito at si Jolo kasama na ng ibang mga lalaking kaklase namin. Halos mapaiyak na ako sa inis.
“Hoy! Tigilan niyo na nga si Yuni!” Saway naman ni Mira sa kanila nang biglang tumayo si Sage na ikinatahimik naming lahat.
“Masyadong maingay dito. Pupunta muna ako sa library.” Aniya at dala ang isang aklat ay tuloy- tuloy na lumabas ng silid. Tahimik ang buong classroom hanggang sa makalabas si Sage. Nirerespeto kasi siya ng mga kaklase namin. Asahan mong tatamihik talaga lahat maski ‘yong siga naming kaklase na si Lester o mas kilala sa tawag na Etteng ay tumitiklop.
Nang tuluyang makalabas ng classroom si Sage ay naiinis na ibinato ko kay Asul ang notebook ko.
“Peste ka talaga!” Naiinis na sigaw ko rito.
……………………
“Iisang banana cue na nga lang nabili mo pinahingi mo pa sa unngoy na Asul na ‘yon.” Sermon sa akin ni Mira. Abot langit ang inis nito kay Asul kasi madalas siya nitong tuksuhing uling. Nakaupo kami sa damuhan sa may malawak na field ng school namin at pinaghahatian ang turon na binili ni Mira. Mabuti na lang at may baon akong tubig.
“Hindi niya ibibigay ‘yong assignment ko sa Bio ng ‘di ko siya binibigyan ng banana cue.” Nakasimangot na sagot ko habang palinga- linga sa paligid. Nasa harap ng dalawang palapag na gusali ng senior high school na binubuo ng humigit kumulang benteng classroom kasama na ang Faculty office, laboratory, library, H.E room, computer lab at learning resource center ang field na kinaroroonan namin. Isang mababang gate lang ang naghihiwalay sa campus ng senior high at junior high kaya marami ring nakakapuntang mga junior high school dito kapag break time para silipin ang mga crush nila. Nasa sentro kasi ang barrio ng Casa Rosa kaya’t maraming nagaaral ditong taga San Luis, Villa Luna pati na rin San Pablo at Union.
Napasimangot na lang ako at pinagtyatyagaan ang kakapiranggot na turon na bigay ni Mira habang nakatingin sa canteen na tanaw na tanaw mula sa kinaroroonan namin. Sinong nagsabing sa drama lang mapapanood ang mga ganyang eksena? Naguunahan ‘yong mga babaeng estudyante ng TVL na ipatikim kay Sage ‘yong mga niluto nila para sa practical exam nila.
“Hmpf, ‘yang mga TVL na ‘yan, ginagamit nila ‘yong strand nila para makalapit ng libre kay Mayel kong sinta.” Nakaingos na komento ni Mira. Nang tingnan ko ito ay nakasimangot itong sumusubo ng turon habang masama ang tingin sa mga babaeng lumalapit sa crush nitong si Mayel Lozano ng GAS. Sikat itong volleyball player ng school. Para din itong si Sage. Kung si Sage sikat sa academics, si Mayel sikat naman sa sports. Walang lahing koreano si Mayel pero mukha naman itong Korean dahil maputi at singkit. Malapit lang ang bahay nito kina Mira. At kung may masasabi mang close na kaibigan si Sage dito sa school, si Mayel siguro iyon.
“Lapitan mo din kasi.” Sabi ko rito.
“Ikaw nga hindi makalapit kay Sage, e.” Ingos nito sa akin, “tsaka ang puti- puti niya, nahihiya ako tumabi kasi ang itim ko.” Nanliliit pang anito. Maski naman titibo- tibo itong si Mira ay mas malakas pa makafan- girl sa akin.
Wala sa sariling napatingin naman ako sa braso ko. Hindi ako maitim at hindi rin naman masasabing maputi. Napaangat ako ng tingin kay Sage na pinalilibutan pa rin ng mga babaeng taga- TVL na may hawak na kanya- kanyang tray. Bumagsak ang mga balikat ko. Kung tatabi ako kay Sage tiyak na magmumukha akong negra.
Hopeless akong napabuntong- hininga, “Sana may pambili tayo ng gluthatione.” Bitaw ko habang nakatingin kay Sage.
“Turon nga lang nahihirapan pa tayong bilhin gluthatione pa kaya?” Nega namang komento nitong kasama ko. Nakasimangot na inagaw ko ang kapirasong turon na hawak ni Mira at isinubo iyon.
“Luh! Patay- gutom ‘to o!” Pagrereklamo ni Mira na masama ang tingin sa akin.
“Kung ‘di ko pa sinubo ‘yon baka nga mamatay na ako sa gutom.” Nakasimangot na sagot ko sa kanya ng magulat kami kasi bigla kaming nilapitan ng dalawang babaeng mula sa TVL na may hawak na tray ng bagong gawang doughnut.
“Wala kaming pambili niyan.” Ingos ni Mira sa mga ito.
“Libre ‘to, girl. Tikman niyo tapos iri- rate niyo.” Paliwanag ng babae na inabutan kami ng papel na may nakasulat na rubrics.
“Mira, libre daw!” Tuwang tuwa kong sabi pero ‘tong si Mira nakasimangot pa rin kasi isa kanina ‘yong babaeng nagaalok sa amin ng doughnut sa mga kumakausap sa crush nitong si Mayel. Lihim akong napapalatak sa pagpapabebe nito pero nakangiti pa ring bumaling sa babae.
“Ako na lang bigyan mo, Miss.” Excited na sabi ko at mabilis naman ako nitong inabutan ng mainit- init pang doughnut. Lalo pa akong napangiti ng kumagat ako doon at nanuot sa dila ko ang sarap no’n. Pwede kaya akong magshift ng TVL? Tapos kapag practical exam kami sa cooking si Sage agad ang pupuntahan ko para patikimin ng luto ko. O kaya naman ay siya ang lagi kong bibigyan ng mga naburda at natahi ko sa home economics. Hay, kung pwede lang sana.
Agad ko namang sinulatan ng grado ang papel at umalis din naman agad ang dalawang babae matapos akong bigyan pa ng dalawang piraso.
“Mira o!” Inilapag ko sa kandungan nito ang isang doughnut na kinain din naman nito matapos yatang orasyunan.
“Anong nakain ng mga ‘yon? ‘Di naman tayo kilala tayo ang nilapitan para tikman doughnut nila?” Nakatikwas pa rin ang kilay na tanong ni Mira.
“Ang dami mong reklamo, libre na nga e.” Saway ko rito saka masayang kumagat ulit ng doughnut nang madako ang tingin ko sa canteen. Nabitin ang pagkagat ko ng doughnut sa ere ng makita kong nakatingin sa akin si Sage. Luh! Parang patay gutom pa naman ako kung kumagat ng doughnut kanina!
Nahihiyang ngumiti ako at ibinaba ang kamay na may hawak na doughnut para kawayan siya.
“Sage!” Masaya at todo ngiti ko pang tawag sa kanya habang kumakaway pero agad siyang tumalikod saka umalis. Nakasimangot na ibinaba ko ang kamay at sumubo na lang ulit ng doughnut.
“Mira!” Pagtawag ni Mayel kay Mira na sinabayan pa ng kaway. Halos malaglag naman ang panga ni Mira sa lupa sa gulat. Hindi naman sa snob si Mayel gaya ni Sage pero iyon ang unang pagkakataong unang namansin si Mayel. “Ayos ba? Kain kayong marami huh?!” Pasigaw pang sabi nito at itong kilos lalaki kong kaibigan ay nagtransform at impit na nagtitili habang niyuyogyog ang balikat ko.
“Yuni! Si Mayel ang nagutos sa mga taga TVL na bigyan tayo ng doughnout! Ang saya- saya ko!” Kinikilig na wika ni Mira na halata ang labis na excitement at tuwa.
Malungkot na napatingin ako kay Mira kapagkuwa’y kay Mayel na nakangiting kumakaway sa kanya. Sana ay ganoon din ka- sweet si Sage.
🍃
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro