Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

13th Drop: Blush-on


“Yuni.”

Sa gulat ay nabitawan ko ang hawak na ballpen ng marinig ko ang mahinahong pagtawag sa akin ni Sage. Bilang lang sa daliri kung mangyari iyon. Madalas naman kasi ay parang lagi akong may atraso sa kanya kung kausapin niya ako. Mabilis kong pinatungan ng notebook ang sinusulatan kong papel nang makitang nakangiting palapit sa akin si Sage. Nagririgodon ang pusong napatayo ako. Tama ba ang nakikita ko? May dala siyang pulang  rosas! Para ba sa akin iyon?

“S- Sage? S- Sage!” Mautal- utal at parang tangang pag- ulit ko sa pangalan niya na para bang natatakot akong makalimutan iyon. Pakiramdam ko anumang oras ay bigla na lang ako lumupasay dahil nais ng tumalon ng puso ko palabas ng dibdib ko.

“’Yong tungkol kahapon…” Pabulong niyang panimula.

Napaawang ang aking mga labi. Si Sage ba talaga ang lalaking nasa harapan ko? Sa pinakaunang pagkakataon ay nakita kong namumula ang mukha niya dala marahil ng hiya. Nakayuko siya habang nakatingin sa hawak niyang pulang rosas.

“’Yong tungkol sa tula…”Bulong pa niya ngunit abot pa rin iyon ng sensitibo kong pandinig. Lalo pang nagrigodon ang puso ko. “Ang totoo kasi niyan…” ‘Di niya matapos- tapos na wika.

“A- Anong t-totoo?” Mas kabado pa ako kay Sage. Ito na ba ‘yon, Lord? Nauntog na po ba si Sage sa katotohanan at magtatapat na po siya sa akin? Tatatakan ko na po ba ang araw na ito para sa magiging monthsaries at anniversaries namin?

“’Yong tula…” Pagpapatuloy niya at pigil ang hiningang hinintay ko ang kasunod n’on. “’Yuni, ‘yong tula… para talaga sa—”

“Hoy Yuni!”

Napaigtad ako.

“Yuni!”

Wala sa sariling napamulat ako ng mga mata.

“Yuni! May gana ka pa talagang matulog diyan e ‘di mo pa nga nasisimulan assignment mo!”

Napatuwid ako ng upo sa narinig. Assignment? Anong assignment e nagtatapat lang sa akin si Sage kanina? Tila naaalimpungatang tumingin ako kay Mira. Teka, bakit si Mira ang nasa harapan ko at hindi si Sage?

“Nasaan si Sage?” Tanong ko sa kanya habang inililibot ang tingin sa paligid.

“Anong Sage pinagsasabi mo diyan? Punasan mo nga ‘yang laway mo, dugyot na ‘to!” Sermon sa akin ng mabuti kong kaibigan kaya agad ko namang pinunasan ang gilid ng mga labi ko gamit ang likod ng aking kamay.

“Wala namang laway e!” Yamot na wika ko. Tinapunan niya ako ng nakamamatay na tingin.

“Nasaan ba kasi si Sage?” Pangungulit ko pa.

Napapalatak na naupo sa tapat ko si Mira. Naroon kami sa bahagi ng school kung saan maraming puno at may mga hilera ng upuan at mga mesa.

“Yuni, nananaginip ka nga lang. Bakit ka naman pupuntahan ng sungit na ‘yon dito?”

Nalaglag ang aking mga balikat, “P-Pero…”

“Tapusin mo na lang ‘yang pesteng SWOT analysis na ‘yan. Ipapasa na natin ‘yan mamaya.”

Pero magtatapat pa sa akin si Sage… Kailangan kong matulog ulit!

Yuyuko na ako upang matulog ulit ng magsalitang muli si Mira.

“Kapag wala kang assignment hindi ka papapasukin sa classroom.”

Muli akong tumuwid ng upo.

“Kailangan ko pa ngang ituloy ‘yong panaginip ko!” Nagmamaktol na wika ko.

“Hoy, babae! Kapag ‘yang assignment mo ang ‘di mo tinuloy ikaw ang tutuluyan ko!” Nanlalaki ang mga matang sermon sa akin ng matali kong kaibigan. “Alalahanin mong bumagsak ka na naman noong last quiz natin sa UCSP, tapos ‘di ka pa makakapagpasa ng assignment? Gusto mo bang mag- grade 12 ulit?”

Patuloy lamang sa panenermon si Mira pero wala doon ang atensyon ko kun’di sa blankong papel na nasa mesa. Sa panaginip ko, magtatapat na sa akin si Sage. Pero sa reyalidad, mukang magsisimula na naman ako sa wala gaya ng blangkong papel kung saan ko isusulat ang assignment ko. Parang gusto ko tuloy kumanta ng Malaya ni Moira maski wala naman iyong kinalaman sa sitwasyon ko ngayon.

“Yoohooo! Yuni!”

Mula sa pagdadrama ay napapalatak ako sa inis ng marinig ko ang pagtawag ng paparating na si Asul sa pangalan ko. Mabilis na pinulot ko ang ballpen at nagkunwaring nagsusulat. Nakakayamot ang taong ito. Pati sa pagsesenti ko ay gustong umeksena.

“Problema mo?” Inis na puna rito ni Mira ng tuluyang makapalapit sa amin.

“I miss you, too, Mira!” Pangiinis naman ng engot sa kaibigan ko.

“Mamatay ka na rin!” Pikon na sagot ni Mira. Naramdaman kong tumabi sa akin si Asul.

“Babes, may surpresa ako sa’yo.” Pamemeste sa akin ni Asul. Nagpanggap akong walang naririnig at nagsulat ng kung ano- ano sa papel ko. “For sure mahahalikan mo ako sa tuwa pagkatapos nito!”

Lukot ang mukhang napalingon ako sa mayabang na lalaki. Umisod ako palayo rito.

“Hoy Asul na mukha namang black, lumayas ka nga dito!” Pagtataboy ni Mira rito.

“Oo na, Mira. I lab you, too.”

“Bwisit!”

“Hoy, Asul. ‘Di ka nakakatulong sa assignment ko kaya ilayo mo ‘yang pagmumukha mo dito.” Napipikong sabi ko rito.

“Alin? ‘Yong SWOT analysis ba? Ako na gagawa!” Mabilis itong umisod palapit sa akin at inagaw ang papel ko na mabilis kong inagaw pabalik.

“Wala akong pambili ng banana cue mo kaya tsupe!” Taboy ko rito. Pumalatak ito.

“Maski wala ng suhol basta tanggapin mo lang ‘yong surprise ko sa’yo.” Inagaw nitong muli ang papel sa akin. Narinig ko ang pag-ismid ni Mira.

“Wala akong tiwala kung si black na Asul ang nagsasalita.” Kaswal na komento ni Mira habang nags- scroll ng kung ano sa cellphone niya.

“Huwag ka ng magselos diyan, Mira, kasi kasama ka din sa surprise ko. Mas kailangan mo kasi ‘yon.” Sagot ng lalaki. “Girls, halina kayo, bilis!” Biglang pagtawag nito saka namang pagsulpot ng dalawang babae kung saan. Namumukhaan ko ang mga ito. Teka, junior high school ‘tong mga ‘to a?

“Babes, ito pala si James, pinsan ko. Pero mas gusto niyang matawag na Jane.” Pagpapakilala nito sa isang matangkad na lalakingnakalip- tint at mas maganda pa yata sa akin. Matamis ako nitong nginitian kaya nginitian ko na din. “Itong kasama niya naman si Fatima. Pareho silang Grade 10.”

“Bakit sila nandito? Magpapa- free taste ba kayo ng mga niluto niyo sa T.L.E.?” Tanong ni Mira na biglang naging interesado.

“Mas maganda pa diyan ang ibibigay nila sa inyo kaya sumama na kayo sa kanila.” Untag ni Asul sa amin habang marahang tinutulak ang balikat ko.

“Saan? Sa food lab?” Tanong ko.

“Oo.” Mabilis na sagot ni Asul. “Ako na bahala sa assignment mo. Promise, ako na din magpapasa.”

“Siguruhin mo. Kung hindi bubutasan ko gulong ng bike mo.” Pagbabanta ko dito.

“Oo.” Tulak pa nito sa akin ulit. “Bilis na.”

At dahil pagkain na ang usapan ay mabilis naman kaming nagpahila ni Mira sa dalawang Grade 10. At hindi ko alam kung matutuwa ba ako o maiinis ng sa halip na sa food lab kami mapunta ay naroon kami sa isang silid kung saan grupo- grupo ang mga estudyanteng nagmi- make up at mini- make-up- an.

“Ano ‘to? Akala ko ba may pagkain? Ipapakain niyo sa amin ‘yang mga make- up?” Tanong ni Mira.

“Ate, pakakainin naming kayo mamaya.” Maagap na sagot ni Fatima, “pero please, hayaan niyong make-up- an muna namin kayo. Para sa grade, please?” Pakiusap pa nito.

Napatingin ako kay James na mas mukhang Jane sa kinis ng mukha na mabilis akong nginitian na may halong pakikiusap.

“Please po, ate Mira.” Pinagdikit pa nito ang mga palad na tila ba’y nagdadasal, “promise, pagagandahin ko ‘yang forest region na kilay mo.”

Ano daw?! Pilit akong ngumiti saka lumapit rito. Tumiklay ako upang maakbayan ang malditong pinsan ni Asul. Magpinsan nga ang mga ito, magaling mamintas! HInigpitan ko ang pagpulupot ng kamay sa bandang leeg nito hanggang mapaigik ang mahaderong mas maganda pa sa akin.

“Alam mo, kung mamimilit ka, ‘wag ka ng mamintas.” Bulong ko dito habang pilit ang ngiti.

Napaubo ito saka nahihintakutan pero nakangiting inalis ang kamay ko sa balikat.

“Ayaw mo n’on ate Mira,” kinakabahang tawa nito, “pagagandahin kita para mapansin ka na ng crush mo.” Sa sinabi nito ay biglang may nag- click sa utak ko. Inalis ko ang bara sa lalamunan at tinaasan ito ng kilay.

“Sigurado ka ba diyan?” Binagga ko ito gamit ang balikat. “Baka inuuto mo lang ako para mapapayag mo ako?”

“Naku, trust me, ate. Lahat ng namake- up- an ko, pinansin ng lahat ng mga crush nila.” Panunuhol pa nito.

So mapapansin na din ako ni Sage?! Baka nga magkatotoo na din ang panaginip ko at magtapat na siya sa akin sa totoong buhay!

Pineke ko ang pag- ubo saka mas lumapit pa upang bumulong dito, “Kilala mo ba si Pauleen sa senior high school? ‘Yong anak ng principal?”

“Lahat naman yata kilala siya.” Sagot nito na nagpasimangot sa akin. Oo na, sikat na si Pauleen. Kailangang ipamukha sa akin? Kainis!

“Gawin mo akong kasing- ganda niya.”

Biglang napalayo sa akin si James saka seryosong tumingin sa akin, “Ate, hindi ako Diyos, huh? Grabe ka naman sa demand mo.”

“O, di sige. Alis na lang ako.” Pananakot ko dito at success ang plano dahil agad naman ako nitong pinigilan.  Lihim akong napangiti.

“Ano ka ba, ate, hindi lang kasing- ganda niya. Mas maganda pa. Magtiwala ka sa skills ko.” Confident na anito at biglang confidence ko naman ang umatras.

“Isang kondisyon.”

“Call.”

“’Wag mong kalbuhin kilay ko.” Banta ko dito.

“Call!”

Pinaupo ako ni James sa isang upuang nasa haraman ng kwadradong salamin. Kung namangha ako dahil napapayag ni Fatima si Mira, mas kinamanghaan ko ang make- up set na nasa harapan ko. Ito ‘yong mga make- up na madalas kong makita sa Watsons at sa SM department store.

“Teka, hindi ba mabubura ‘tong mukha ko kung ipapahid mo ‘yang lahat?” Nagdududang tanong ko.

“Gusto mong maging kasing- ganda ni te Pauleen ‘di ba?” Tanong nito, tumango ako. “Magtiis- ganda ka ‘te. Tsaka sa lapad ng noo mo, baka kulang pa ‘yan.”

“Mahal mo buhay mo?” Tiim bagang ngunit nakangiting tanong ko.

“Ang sabi ko maganda ‘pag malapad ang noo.” Maagap nitong sabi saka nagseryoso, “ate Mira, dito na magsisimula ang katuparan ng pangarap mong mapansin ka ni crush at magpapasalamat ka sa akin habang- buhay.” Humalakhak pa ito na tila ba’y gaya ng mga kontrabida sa pelikula.

Diyos ko, nawa po’y maging maganda ang resulta ng pagpapalitada ng mukha ko. Pero bago iyo’y kinuhanan niya muna ako ng picture para daw makita naming mamaya ang before at after na resulta. Baklang ‘to!

Mag- iisang oras na din ang nakalilipas ng matapos si James sa pagpapahid ng kung ano- ano sa mukha ko. Inalis niya ang salaaming nasa harapan ko dahil gusto niya dawn a ma- surprise ako. Naku, kung hindi lang talaga maganda ang kinalabasan nito ay kakalbuhin ko ang baklitang ito at isasama ko na din ang demonyitong pinsan nitong si Asul!

“Teka lang, may kulang pa rin.” Ani James na nagpalaglag ng panga ko.

“Anong kulang? Halos kulang na lang pinturahan mo na ‘tong buong mukha ko tapos may kulang pa rin?” Sa yamot isama na din ang pangangalay ay naibulalas ko na agad kong pinagsisihan dahil napunta sa akin ang atensyon ng mga nandoon at nasita pa ng nagbabantay na teacher.

Bigla na lamang ay naghalungkat sa bag si James at nanlaki ang mga mata ko ng makita ang hawak nitong gunting at suklay na panggupit.

“Hoy, paubos na ‘tong kilay ko kasi binunutan mo na tapos gugupitan mo naman ngayon?” Gusto ko na tuloy tumakbo paalis doon. Hindi ko tiniis na magpabunot ng kilay kahit masakit iyon para lamang pagupitan ulit ang kilay ko!

“Bruha ka, ‘te. Mukha bang panggupit ng kilay ‘tong gunting na hawak ko? ‘Yang buhok mo ang gugupitan ko.”

Mabilis na hinawakan ang nakatipong buhok sa isang ponytail, “Hindi pwede!”

“Hindi kita as in gugupitan ate. Lagyan lang natin ng kaunting bangs.”

“Anong bangs? Hindi pwede!” Tinutop ko ang noo ko.

“’Di ba gusto mong mapansin ni crush?”

BIglang rumehistro sa akin ang nakangiting mukha ni Sage sa panaginip ko. Napalunok ako, “O- Oo.”

“Kaya nga kailangan mo ng kaunting bangs para ‘di siya masilaw sa airport na noo mo.” Pamimintas pa nito sa akin. “Leave it to me, ate Mira. Mamaya, mapapansin ka na niya at sinisiguro kong hindi siya sa noo mo masisilaw kun’di sa kagandahan mo.”

…..🌼🌼🌼

Mamula- mula ang mga pisngi, may kulay ang talukap ng mga mata, maayos ang dating sabog na kilay, at lalo pang napansin ang lantik ng mga pilik- mata idagdag pa ang tila nagmumurang rosas na mga labi. Bahagyang kinulot ang mahabang buhok at natakpan na ng manipis at may kahabaang bangs ang dati’y proud na noo…

Ako ba talaga ito? Bakit parang ang liit ng mukha ko ngayon? Ako ba talaga ‘to?

Ibinalik ako sa reyalidad ng eksaheradong pagsinghap ni Mira. Nang lingunin ko ito’y napasinghap din ako at napaturo sa kanya gaya ng ginagawa niyang pagturo sa akin ngayon.

“M-Mira, bakit ang ganda mo ngayon?” Namamanghang tanong ko. Agad ako nitong nilapitan at kinutusan.

“Ang sakit mo magsalita a?” Palatak nito.

“Syempre, hindi ako sanay na makita kang naka- make- up!” Nakasimangot na sagot habang hinihimas ang kinutusan niya.

“Tch! Nahihiya akong maglakad ng ganito pabalik sa room. Tara na maghilamos!”

Paalis na ito ng mabilis koi tong mapigilan sa kamay, “P-Pero kasi…”

“Anong kasi?” Nakakunot- noong tanong nito at kimi akong napangiti. “Naku, Yuni! Huwag mong sabihing rarampa ka ng ganyan?” Nagdududang bulalas nito.

Kinagat ko ang ibabang labi upang pigulang mapangiti, “Sa tingin mo magugustuhan ni Sage ‘tong itsura ko?”

“Ano ba ‘yan, Mira.” Kinalas ni to ang kamay ko sa braso, “Kaya ka ba nandito dahil kay Sage?”

“E bakit ikaw? Bakit ka nila napapayag? Anong sinuhol sa’yo?” Bato ko pabalik dito. Nagdududa akong napangiti ng mapalunok ito. “Si Mayel noh?”

Mabilis nitong tinakpan ang bibig ko, “’Wag kang maingay!”

Nagaalalang inalis ko ang kamay nito sa bibig ko, “Mira naman e! Tingnan mo nga kung may liptint pa ako?” Sa halip na sumagot ay kinutusan lang ako nito.

“Kung gusto mong makita ka ni Sage mauna ka na sa classroom. Maghihilamos lang ako.”

“Maglalakad akong mag-isa na ganito?”Bulalas ko.

“’Di tara ng maghilamos.” Hila nito sa akin pero ‘di ako nagpahila.

“Oo na, oo na! Mauuna na ako sa classroom!” Mabilis akong tumayo at tumakbo palabas.

Kailangan akong makita ni Sage ngayong maganda ako. Excited na akong makita ang reaksyon niya! Napahagikgik ako sa antisipasyon.

Nagpapasalamat na lang akong wala ng mga estudyanteng pakalat- kalat sa hallway dahil tapos na ang breaktime. Tuwing may mangilan- ngilan naman akong nasasalubong ay mabilis akong nagbababa ng tingin at tinatakpan ang mukha dahil sa kakatwang paraan ng pagtingin nila sa akin. Nakakaramdam ako ng hiya dahil hindi naman ako sanay na ganoon pero kailangang magtiis para kay Sage!

Nang marating ko ang tapat ng classroom naming ay tila nais umurong ng natitirang lakas ng loob ko. Nakasara na iyon tandang nasa loob na ang teacher namin ng UCSP. Ginawa kaya ni Asul ang assignment ko? Kung hindi ay ‘di ako pwedeng pumasok. Pero paano ako makikita ni Sage kung ‘di ako papasok? Pagkatapos ng UCSP ay may isa pa kaming subject bago mag- uwian. Sa init dito sa labas ay tiyak na hulas na ang make- up ko bago pa man ako makita ni Sage.

Nakuyom ko ang aking mga palad. It’s now or never, Yuni!

Huminga ako ng malalim saka lakas loob na tinulak pabukas ang pintuan na laging takaw- atensyon ang pag- ingit kaya naman sabay- sabay na napalingon sa akin ang mga kaklase at teacher ko. Nahigit ko ang aking paghinga. Tila mauubusan ako ng hangin sa baga. Ramdam na ramdam ko ang pagpagaspas ng napakaraming paru- paro sa aking sikmura. Ngunit sa kabila n’on ay awtomatikong nahanap ng paningin ko si Sage na gaya ng iba’y nakatingin din sa akin. Bahagyang nakaawang ang kanyang mga labi at nanlalaki ang kanyang mga mata. Dumoble pa ang kabang nararamdaman ko.

Nagustuhan ba niya? Magugustuhan na rin kaya niya ako?

“Yunique Romero!” Putol ni Sir Aldrin sa lumulutang kong huwisyo. Agad akong napatuwid ng tayo. Kinatatakutan ng lahat si Sir Aldrin dahil sa sobrang pagkaistrikto nito. Libangan yata ng teacher na ito na mambagsak at pakiramdam ko’y isa ako sa mga magiging resulta ng libangan nito sa itsura pa lang ng iritable nitong mukha.

“S- Sir?”

“Inuna mo pa talagang kulayan ‘yang mukha mo kaysa pumasok on- time sa klase ko?” Striktong tanong ng guro sa akin.

Napalunok ako. Dahil kasalanan ko naman ay wala akong mahagilap na idadahilan rito. Nang tingnan ko si Sage ay hindi na siya nakatingin sa akin bagkus ay abala na naman sa anumang sinusulat  sa notebook niya. Nang mahagilap ko naman ng tingin si Pauleen ay halos mapaatras ako sa talim ng tingin nito sa akin.

“Hoy, Yuni!” Bigla’y tawag ni Kiko sa akin, “nagpapaganda ka ba para ‘di n aka ulit basted- in ni Sage?” Panunukso nito na ‘di alintana ang presensya ni Sir Aldrin.

“HUwag kang ganyan, boy!” Saway ni Lupin dito, “baka kay Asul siya nagpapaganda. Lagi ko silang nakikitang nagfi- fish ball tuwing uwian e!”

“Grabe ka, Asul! Dahil lang sa fishball naging marupok ka na!” Kantyaw pa ni Jolo na ikinatawa na ng iba pa.

“’Oy, wag kayo,” Pakikisali na rin ng baklang si Claro, “’yan ang comeback ng pusong sawi!”

“Kanino? Kay Sage o kay Asul?” Malisyosong tanong ni Erika at nagingay na ang buong klase. Doon na inihinto ni Sir Aldrin ang pananahimik.

“Tahimik!” Sigaw ng guro at tila naman napipi ang mga kaklse ko sa takot. Nang tumingin itong muli sa akin ay gusto ko na lang umatras ant tumakbo palayo. Huminga ito ng malalim tandang pilit kinakalma ang sarili. “Miss Romero, hindi lang iilang beses kitang winarningan na magseryoso sa klase ko. Pero mukhang hindi yata tayo nagkaintindihan nang huling pag- uusap natin?”

“Hindi po, sir!” Sa kaba ay naibulalas ko na agad ko ding pinagsisihan, “A- Ang ibig ko pong sabihin, hindi po sa gan’on—”

“Go out.” Mahinahon ngunit mapanganib na putol nito sa sasabihin ko.

“P- Po?” Napalunok ako sa takot.

“Labas!” Sigaw na ng guro at napaigtad ako sa gulat. Sobrang bilis ng tahip ng dibdub ko sa pinaghalong kaba at hiya. “Labas!” Ulit pa nito sa mas mataas na tinig at sa takot ay nagmamadali akong lumabas ng silid at sa sobrang pagmamadali ay nabagsak ko pa ang pintuan. Patay talaga ako nito! Baka hindi na ako makagraduate!

“O, Yuni, bakit nasa labas ka pa rin?” Tanong ng paparating na si Mira at gusto ko na lang umiyak nang makitang nakapaghilamos na ito. Sana ay naghilamos na lang din ako baka sakaling nabawasan pa ang galit ni sir sa akin. Bakit ba ang malas- malas ko ngayon?

Napapahikbing tumabi ako saka naupo pasandal sa pader ng classroom namin.

“Late na tayo. Hindi na tayo papapasukin.” Mahapdi ang lalamunang anas ko.

“Ano?! Naku, papatayin ko talaga ‘yang Asul na ‘yan! Pinahamak na naman tayo!” Nanggagalaiting bulalas ni Mira nang biglang sumigaw mula sa loob si sir.

“Ikaw d’yan Mira, isa ka pa! Manahimik ka o ‘di ka na makakapasok sa klase ko!”

Gulat na natutuop naman ni Mira ang mga labi at dahan- dahang humakbang  palapit sa akin para lamang hilain ako palayo doon. Huminto kami sa tapat ng bakanteng classroom. Inis na sinipa nito ang pader habang ako’y walang lakas na naupo sa sahig.

Gusto ko lang naman mapansin ako ni Sage. Gusto ko lang naman makita niyang may maganda din sa akin. Pero sa tuwing sinusubukan kong makita niya ako ay inuulan naman ako ng malas. Nagtiis akong maupo doon ng halos isang oras para mapahiran ng kung anu- ano sa mukha, napapayag na magpa- bangs para lang gumanda naman ako, pero anong naging resulta? Heto ako ngayon at nais na lang matunaw sa sobrang kahihiyan. Masyado na ba akong papansin? Masyado na ba akong desperada at uhaw sa atensyon ng lalaking gustong- gusto ko?

Naramdam kong tumabi sa akin ng upo si Mira.

“Yuni, tahan na. ‘Wag ka ng umiyak.” Nang- aalong anito at sa narinig ay wala sa sariling pinahid ko ang mga mata. Umiiyak nga ako. Pero bakit hindi ko iyon naramdaman?

“Yuni!” Napalingon ako sa tumawag sa pangalan ko. Si Asul.

Agad na tumayo si Mira at nanggagalaiting sinalubong si Asul ngunit natigilan ito ng lamapasan lamang siya ng lalaki. Bakas ang pag-aalalang nilapitan ako nito.

“Yuni, sorry.” Bakas sa tinig nito ang guilt na nararamdaman. Naupo ito sa harap ko at pinunasan ang luha ko. “Yuni, sorry na.”

Hindi ako umimik. Yumuko lamang ako at patuloy at pag- agos ng mga luha.

“Yuni,” Pangungulit pa nito pero di ko pinapansin, “sorry na talaga. Hindi ko inakala na sobrang tagal pala ng kailangan para gumanda ka.”

Sa narinig ay tila biglang umakyat lahat ng dugo sa ulo ko at mabilis na kwinelyuhan ang bwisit na lalaki na labis naman nitong ikinagulat. Nakatukod ang isang kamay nito sa sahig at bahagyang nakahiga dahil sa pagkakatulak ko rito. At dahil hawak ko ang kwelyo nito’y halos magkadikit na ang mga mukha namin. Pero bago pa man ako makalayo rito ay narinig ko ang pagtawag ng pamilyar na boses sa akin.

“Yuni!”

Nanggigilalas na napatingin ako sa dumating.

“Sage!” Mabilis kong itinulak palayo si Asul at nagmamadaling tumayo. Nakakunot ang noon i Sage habang nakatingin sa akin. Mas kinakabahan pa ako doon kaysa sa galit ni sir Aldrin sa akin.

“Hanggang ngayon ba ay ‘di mo pa rin alam na bawal ang PDA sa campus?” Malamig na tanong sa akin ni Sage.

Sa nangyayari’y lalo pang bumagal ang pagproseso ng utak ko. “P-PDA?”

Sarkastikong napangiti si Sage, “Marunong kang maglagay ng kolorete sa mukha mo pati na rin ang makipaglaro kay Asul sa corridor pero hindi moa lam kung ano ang PDA?”

“Hoy, Sage!” Sita ng galit na si Asul sa kanya.

“Hindi ba totoo?” Sarkastiko muli ang ngiting aniya, “na naglalaro kayo sa corridor habang nagkaklase ang iba?”

“Sumosobra ka na talaga huh!” Nanggagalaiting wika ni Asul saka sumugod kay Sage ngunit agad koi tong pinigilan at tinulak palayo.

“Lumayo ka kay Sage!” Galit na saway ko rito.

“Y- Yuni?” ‘Di makapaniwalang bulalas nito.

“Alis na, Asul!” Sigaw kong muli rito.

“’Yang Sage na ‘yan ang paalisin mo dahil wala namang magandang sinasabi ‘yang lalaking ‘yan sa’yo!”

Sa narinig ay lalo pang kumurot ang dibdib ko. Bakit ba sobrang galing ni Asul na pahiran ng asin ang mga sugat ko? Bakit ba laging totoo ang mga sinasabi nito?

“Umalis ka na lang.” Pakiusap ko dito sa paos na boses dahil sa pinipigilang pag-iyak, “Please…”

“Pero Yuni—”

“Pakiusap.” ‘Di ko na napigilan ang paghikbi.

“Asul!” Tawag ni Mira dito, “halika na.”

“Ano ako gago? Bakit ko iiwan si Yuni sa matalas ang dilang Sage na ‘yan?” Panduduro pa nito kay Sage.

“Halika na sabi e!” Galit na wika ni Mira na nang ‘di makapaghintay ay siya ng lumapit at humila dito palayo.

Mabilis kong pinahid ang mga luha at huminga ng malalim bago humarap kay Sage ng may ngiti.

“’Yong nakita mo kanina—”

“Kung ano ang nakita ko, at kung ano man ngayon ang nakikita ko, ‘di ko ‘yon gusto.” Putol niya sa sasabihin ko.

“A- Ano?” Sa hapdi ng lalamunan ko’y pumiyok ako. Nakita at nakikita? Ang make- up ko ba ang tinutukoy niya? Mapait akong napangiti. Kaninang maayos pa ang nasa mukha ko ay ‘di niya iyon gustong makita, at ngayong nahulas na iyon dahil sa pawis at luha ay ayaw niya din itong makita. Bakit ba hindi niya na lang sabihin ng diretsong ako ang ayaw niyang makita? Huminga ako ng malalim upang pigilang mapaiyak. Pinili kong ngumiti.

“S- Sorry… dahil ayaw mo sa nakikita mo.”

“Hindi ko—”

“Siguro sa daming beses kong sinabi sa’yo ‘to ay ‘di mo na ako paniniwalaan.” Muli akong huminga ng malalim upang pigilang mapaiyak, “pero titigil na ako.”

Napako si Sage sa kinatatayuan.

“Titigil na akong gustuhin ka, Sage.”

Tumalikod ako at humakbang palayo. Palayo sa kanya… at sana ay palayo sa walang pag- asang pag- ibig na nabuo mula pa noong mga bata pa kami. Hindi ko na pinigilan pa ang mapaiyak. Pinahid ko ang huling bakas ng blush- on sa aking mga pisngi.

Sana nga ay huli na iyon.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro