Chapter 3
"ILANG taon ka na nga ulit, Jethan?" Tanong ni Epe kay Jethan na mabilis na kumaripas ng takbo patungo sa kanilang kalendaryo.
"Naku, 'Nay, nakalimutan ko na rin." Napakamot ng ulo si Jethan. "Teka bilangin ko muna ha. 2023 minus 2001 is equals to 22, kaso Abril pa ngayon at Disyembre mo ako ipinanganak kaya bente-uno anyos na ako, 'Nay." Bumalik si Jethan sa pagkakaupo sa tabi ng kaniyang Nanay at kinuha ang mga kamay nito upang masahiin.
Malakas na napasinghap ang kaniyang Nanay na para bang may naalala. Pumikit ito,"Bente-uno. Ay oo, sabi ng butihin mong tatay puputulin niya na ang sustento mo kapag edad bente-uno ka na. Kaya pala wala na akong natatanggap mula sa kaniya."
"Sabi ko naman kasi sa 'yo, Jethan, na ipagpatuloy mo 'yang pag-aaral mo habang pinapadalhan pa tayo ng tatay mo ngunit hindi ka naman nakinig sa akin. Paano na ang kinabukasan mo?" Dagdag ni Epe.
Inilagay ni Jethan ang kaniyang kaliwang kamay sa balikat ni Epe habang patuloy pa rin sa pagmasahe ang kaniyang kaniyang kamay, "Pasensiya na, 'Nay Epe, ngunit mas nanaisin kong mapunta sa panggamot mo ang perang natatanggap ko sa tatay ko."
"Ano kasi anak, Jethan. Ang kamatayan ng isang tao hindi naman natin magagawang diktahan. Kahit baliktadin mo pa ang mundo, hindi niyon maaalis na malapit na ang oras ko." Tama naman si Epe at alam iyon ni Jethan ngunit mas pinili niyang ipalabas ang kaniyang mga narinig patungo sa kabilang tenga niya.
"Hindi, 'Nay. Kung pinakilala mo siya sa akin, baka nakahingi ako ng tulong kung sasabihin ko ang sitwasyon mo." Bulalas ni Jethan habang nakatingin sa mga nata ni Epe. Desidido si Jethan na baka maisalba pa niya ang Nanay niya kung sakaling makahingi siya ng tulong.
Hindi niya tinapos ang pag-aaral, hindi dahil gusto niya, kun'di dahil iyon ang nararapat na aksiyon ngayong nakabitin na lang sila sa isang manipis na alambre ng buhay. Kung gagastusin lang niya ang pera para sa kaniyang pag-aaral habang ang Nanay niya ay ngingitian lang siya na para bang wala ay baka pagsisihan niya pa sa tanang buhay niya kung mawala ito sa kaniya nang lingid sa kaalaman niya. Kung hindi pa grumabe ang sintomas ng sakit nito, ay hindi malalaman ni Jethan na may kidney stones pala ang Nanay niya.
"Hindi naman kasi ganoon kadali iyon, anak. Nakakabingi mang pakinggan ngunit ako ang may kasalanan dahil nagpabaya ako at hinayaan ang espirito ng alak na manguna sa sarili ko." Ngumiti nang mapait si Epe. Kasalanan man iyon ngunit wala siyang makapang pagsisisi mula sa puso niya. Nagsilang siya ng isang napakamabuti at maaalalahaning anak na tila ba galing pa sa Diyos ama.
Hindi niya pagsisisihang ipinanganak niya si Jethan.
"May asawa na rin siya ngayon at baka masabihan pa tayong makapal ang mukha kung biglaan tayong susulpot ngayong nabalitaan nating nagbalik na siya mula sa Amerika. Sabihin pa n'on na mapagsamantala at hindi na nakuntento sa sustento." Mas lalong umasim ang mukha ni Epe habang binabalikan ang nagdaan.
Ayon sa kaniyang Nanay, kababata raw nito ang lalaking nakakakuha ng pagka-birhen nito. Nagclass reunion raw sila, nalasing at sa isang kisap mata, nabuo si Jethan nang wala sa plano.
Ilang araw matapos malaman ng kaniyang ina na may nabuo pala ay kaagad niyang ipinaalam iyon sa kaniyang kababata. At malamang, dahil sa takot, mabilis na humanap ang lalake ng papangasawahin.
Mabuti nalang daw at sinabihan siya nitong magsusustento ito sa bata. Umalis na rin ito sa bansa dahil doon na raw maninirahan sa US kasama ang kaniyang pamilya hanggang dumating ang araw na ito. At kung hindi pa aksidenteng nabanggit ng kaniyang Nanay na bumalik na pala sa Pilipinas ang kaniyang Tatay kasama ng pamilya nito ay hindi ulit ito babanggitin ng kaniyang Nanay sa kaniya.
Mula pagkasilang hanggang ngayon, ni larawan ng kaniyang 'Tatay' ay hindi niya nasaksihan. Ano nga ba ang mukha nito? Anong hugis ng mata nito? Anong kulay ng buhok nito? Anong kulay ng maya nito? Saab ba siya nagmana?
At gaya nga ng nabanggit ng kaniyang Nanay, pinutol ng kaniyang Tatay ang sustento pagsapit ng kaniyang ika-bente-unong kaarawan.
"Naku! Hindi sa sinasabi kong hindi mali ang ginawa mo, 'Nay, ngunit nabiktima ka lang ng makamandag na lason ng pag-ibig. Ang tukso'y malakas, sabi mo nga." Swabeng sabi ni Jethan na ni minsan ay hindi inatupag ang pagkatok ng pag-ibig.
Ayon sa kaniya, iyon ay nag-aaksaya lang ng kaniyang oras.
Ngumisi ang matanda, "Jethan, h'wag kang manguna. Ako, malas ako sa pag-ibig, baka iyon lang ang ipamana ko sa iyo."
"Naku, huwag mo akong isumpa, 'Nay!" Sa totoo lang, ay wala pa siyang planong magpakasaya ngayong may dinaramdam na sakit ang kaniyang nag-iisang pamilya. Kung dumating ang araw at malasin man siya sa pag-ibig ay kaniyang itutuon ang pansin kay Epe gaya ng parati niyang ginagawa.
Hinawakan ng mga kamay na nagbigay kay Jethan ng ginhawa ang dalawang pisngi niya, "Nasabi ko na ba sa iyo kung gaano ako kaswerteng ikaw ang naging anak ko, Jethan? Ako, noon, nagpapasaway ako sa mga magulang ko. Ikaw, napakabuti mong bata, at nagta-trabaho ka pa upang may dagdag pantustos tayo sa bahay. Kung balak ka mang kunin ng Panginoon sa akin nang maaga, tiyak akong susunod kaagad ako sa iyo."
"Huwag ka namang magsalita ng ganiyan, 'Nay. Gusto ko pang mabuhay ng mahaba-haba kasi kapag naririnig ko 'yang 'maagang namatay', para akong nakukuryente. Siguro'y namatay ako nang maaga sa dati kong buhay." Umiwas siya sa hawak ng kaniyang Nanay na tila ba nabadtrip sa kaniyang narinig mula rito.
"Guni-guni mo lang iyan, 'Nak. Pa'no mo naman maalala ang dati mong buhay? Kung ako kapag naalala ko ang dati kong buhay, pakiramdam ko gagamitin ko ang kaalaman ko noon at magpapakayaman. Sabihin mo ang totoo, Jethan, nasobrahan ka ba sa tubig?" Tubig lang talaga siya masosobrahan dahil pahirapan ang pagbili ng bigas at ulam lalo nang pinag-i-ipunan niya pa ang dadating na operasyon ng kaniyang Nanay.
"Teka, 'di ka pa kakain, 'nak? May tuyo pa diyan, 'yung niluto mo kahapon. 'Di ba mamaya na ang gig mo sa bar ni Pasing? Baka pagalitan ka no'n." Pinagpagan ni Epe ang suot-suot na polo ni Jethan.
"'Nay, hindi ko ba nasabi sa iyo? Nagfile na si Ate Pasing ng bankruptcy kaya huling sweldo ko na ang ipinangbayad ko sa kuryente." Napasimangot si Jethan. Dahil kasi iyon sa bagong pub sa harap ng bar ni Pasing. Mayayaman at feeling mayaman lang ang pumapasok sa lugar na iyon.
Patok rin iyon sa masa dahil artista ang endorser, kaya ayun, bukod sa regulars at mga loyal customers, hindi na gaano karami ang pumapasok na pera sa bulsa ni Pasing.
Matapos ng ilang minutong pag-iisip ay binanggit ni Epe ang paksang nagpapakulo sa dugo ni Jethan, "Panahon na siguro upang kumayod ako, anak. Nakakalungkot naman kasi ang pagiging mag-isa rito sa bahay. Para makatulong na rin sa iyo-."
"Magpahinga ka lang, 'Nay. Nalalapit na ang petsa ng operasyon mo sa kidney. Hindi ka dapat nagpapagod. H'wag mo akong aalalahin." Kunot-noong sabi ni Jethan. Sabi na nga ba, ipapalusot nitong gusto nitong magtrabaho.
"Pero-." Pagpupumilit nito.
"Walang pero pero, 'Nay. Maghahanap ako ng bagong trabaho. At 'pag sinabi kong maghahanap ako, makakahanap ako, 'Nay. 'Yan ang sabi mo sa akin."
"Sige na nga, mag-iingat ka palagi sa daan, Jethan, anak!" Inayos ni Jethan ang kaniyang suot na polo. Hinalikan niya muna sa pisngi ang kaniyang Nanay bago nagdasal para sa kaniyang kaligtasan sa labas ng bahay at kaligtasan ng kaniyang Nanay sa loob na nag-iisa lang sa kanilang bahay.
Lumabas siya sa kanilang bahay at naglakad patungo sa pinakamalapit na supermarket. Naalala niyang naghahanap sila ng kahero. Iniisip ni Jethan na wala siyang makukuhang kinabukasan kung ang paggitara lang sa mga bar ang kaniyang gagawin.
Pumasok siya sa loob ng supermarket, dala-dala ang kaniyang resume na nagpapakita ng kaniyang experience sa pakikisalamuha sa mga tao. Iniisip niyang malaki ang ambag no'n kung sakali mang tanggapin siyang kahero.
Iyon ang akala niya...
***
HINDI siya natanggap bilang kahero sa pinag-applyan niyang supermarket ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay pumasa naman siya na maging driver para sa kanilang delivery van. Urgent hiring raw kaya kahit dise-otso, pwedeng magtrabaho. Lalo na kaya siyang bente-uno na.
Kilala niya ang sarili, wala siyang kamuwang-muwang sa pagmamaneho, lalo na ang magpakita ng driver's license para may maipakita sa mga traffic enforcers kapag nakalabag ng batas sa daan. Ngunit nang sinabi ng boss niya na subukan niyang gawin ay mirakulong nagawa niyang paandarin ang sasakyan at magmaneho.
Hindi ito kapani-paniwala.
Balak niya mang umatras dahil walang kasiguraduhan ang swerte niya ngunit hindi naman daw araw-araw ang pagmaneho niya. Lunes, miyerkules, at biyernes lang naman dahil iyon ang datingan ng mga supplies. Nagkataon kasing binalita ng kanilang supplier na hindi na nila kayang magpunta at balik dahil nagretiro ang nag-iisang driver nila.
Kailangan niya lang raw niya na mag-ingat sa pagmamaneho upang hindi hingan ng lisensiya.
Alam niyang imposibleng hindi kaagad siya mahuli ng mga traffic enforcers dahil nagkataon lang na gumalaw nang mag-isa ang kaniyang kamay na para bang sauludo nito ang pasikot-sikot ng isang sasakyan.
Alam niyang mahuhuli siya ngayon sa unang araw ng kaniyang trabaho at mapupunta pa siya sa kulungan.
***
TATLONG buwan ang nagdaan at matagal nang nakuha ni Jethan ang kaniyang hinahangad na driver's license. Hindi na rin niya kinikwestiyon ang dahilan kung bakit nagkaroon siya ng kakayahang magmaneho sa unang beses na pagtapak niya sa loob ng isang kotse.
Basta lang, may trabaho na siya.
Nagta-trabaho pa rin siya sa nabanggit na supermarket ngunit kapag martes at h'webes, ay nagpapasada siya gamit ang taxi ng kaniyang kababatang si Garod.
Himihingi lang ito ng 500 na renta.
Naisagawa na rin ang operasyon sa kaniyang Nanay kaya masigla na ito at nagbabalak pa ngang maglabada sa mga kapitbahay ngunit siyempre, hindi ito pinayagan ni Jethan.
Tuwing sabado at linggo naman ay nagiging driver siya ng mga pribadong sasakyan. May app kasing naglilink ng mga available drivers at mga may-ari ng pribadong sasakyan. Nangyayari talagang may naghahanap ng driver gamit ang app upang magpadrive patungo sa kanilang destinasyon dahil sila ay lasing, pagod o hindi kaya'y may naiwang sasakyan sa kung saang lugar at ibabalik sa may-ari.
Parang taxi na rin o jeep na ginagamit pang-transportasyon ng mga tao, ang kaibahan lang ay pribado ang sasakyang gagamitin niya at ang may-ari nito mismo ang nagpapa-maneho.
Naghihintay na lang siya ng notification.
Marami ang nagpapa-drive ngayong weekends dahil day-off. Kung tutuusin ay mas malaki ang nakukuha niyang pera sa ganitong trabaho, ang nakakalungkot nga lang ay sabado at linggo lang marami ang kliyente. Atsaka base sa oras na nilalaan ng temporary hired driver ang perang ibinabayad nito sa kanila.
Kung buong araw ang kaniyang pagmamaneho para sa isang kliyente, mas mabuti. Ngunit kapag paunti-unti lang, iba't-ibang lugar dapat nakastandby ang mga available temporary drivers.
May option rin na 'bookmark' na ibig sabihin 'trust' na nagpapamahal ng serbisyo nilang mga temporary hired driver. Kapag may maraming bookmarks, mataas rin ang tiyansang may magpadrive kahit na weekdays kasi nga trusted na sila.
Gaya ngayon, pagkatapos niyang magsimba, ay nakaabang lang siya sa harap ng simbahan. Binuksan niya muna ang kaniyang location upang malaman ng mga kliyente na may driver na malapit. Marami ang nagpapa-drive rito sa simbahan, lalo na iyong kasama ang pamilya at hindi gustong mapagod mag-drive.
Dalawang tunog ang maririnig sa cellphone ni Jethan. Ibig sabihin nito, dalawa ang may interest na kunin siyang temporary driver. Tinawagan niya ang unang nagpop-up sa kaniyang screen upang kumpirmahin na kukunin nga ba siyang driver.
Ilang beses niyang tinawagan ang number ngunit hindi ito sumagot. Isang prank call, pambungad ng hapon. Mabilis niyang tinawagan ang pangalawa upang sabihin ang sasabihin niya sana kanina.
"Hello, ma'am, sir! Totoo bang kukunin niyo akong driver?" Masiglang tanong ni Jethan.
Ngunit walang sumagot sa kanilang linya. Dalawang prank call sa iisang oras. Masiyado naman nilang pinagbubutihan. Hiling ni Jethan na sana hindi sila papatulugin ng konsensiya nila ngayong gabi.
"Ahh, yes, h-hello. You can come at the parking lot on the right side of the c-church." Hindi maipaliwanag ni Jethan kung bakit napakahina ng boses at pautal-utal ang tao sa kabilang linya.
May problema kaya?
Pinagsiglang muli ni Jethan ang boses niya at tumakbo patungo sa parking lot ng simbahan. "Sige, Sir. H'wag niyo po munang ibababa. Tinatakbo ko na po."
Hingal-hingal na nakasandal si Jethan sa pader.
"Have you a-arrived?" Mahinang tanong nito kay Jethan.
"Yes, Sir. Sa'n ka po? Ano pong kulay ng sasakyan niyo? Anong brand?" Pinasadahan ni Jethan ng tingin ang punong-punong parking lot habang mahigpit pa ring nakahawak sa kaniyang cellphone.
Gusto niya kaagad na mahanap ang lalaking kliyente at baka may kung anong nangyari na rito. Nasa boses kasi nito ang paghihirap at mabigat rin ang paghinga nito mula sa kabilang linya.
"Easy, e-easy. I'm in a gorgeous blue convertible lamborghini." Maririnig sa tono nito ang pagmamayabang.
"Yes, sir, nakikita na kita." Ani Jethan nang makita ang sasakyang inilarawan nito.
Dahan-dahang lumapit si Jethan sa kumakaway na kliyente. Ang ganda nga ng sasakyan.
Ngunit nang makalapit na siya sa kliyente at laking gulat niya nang makitang nakayuko ito at nakasandal ang dumudugong ulo sa manibela.
Gusto niyang magsisigaw at humingi ng tulong ngunit inunahan na siya nito, "no need to panic, you just have to drive me to the nearest hospital quietly but quickly. I don't want to have unnecessary attention here. "
Nagtangkang tumutol si Jethan, "P-Pero-."
Ngunit mariin ang utos ng kliyente sa kaniya. "I don't really like to repeat myself."
"R-Right away, Sir."
Oh God!
ALL RIGHTS RESERVED
©2022
@FORTYUNEYT
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro