Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 1

DISCLAIMER: This story do not intend to change your perspective about God, the place where you go when you die, and reincarnation. This is purely from my imagination. If you don't like a plot like dis, please do find another story.

***
PAISA-ISANG kinolekta ni Heidi ang mga litrato nilang nagkalat sa iba't-ibang parte ng kanilang bahay: sa living room, sa mga kwarto, sa kusina, sa loob ng banyo at sa kahit saang lugar na kung iisipin ng iba ay hindi nararapat na lugar para sa isang litrato.

Mabuti nalang at kabisado niya ang kinalalagyan ng mga iyon dahil kung hindi ay baka matagalan siya sa kaniyang gagawin.

Plano niyang kunin ang mga litratong iyon sa kaniya-kaniyang frame ng mga ito upang ilipat sa bagong bili niyang photo album na kulay asul. Kapag natapos na siyang kunin ang lahat ng mga larawan at nailagay na sa album ay lalagyan niya ang mga bakanteng frames ng mga bagong kuhang larawan.

Larawan niya, ng kaniyang asawang si Jethan... at kasama na ang kanilang hindi pa naisisilang na sanggol, ang bunga ng kanilang pagmamahalan.

Pupunuin ni Heidi ang buong bahay nila ng mga litrato nilang tatlo mula sa unang araw na nalaman nila ng asawa niya na nagdadalang-tao siya hanggang sa araw na ito. Maging ang mga larawan sa araw na nalaman nilang mag-asawa na lalaki ang kasarian ng anghel sa kaniyang sinapupunan ay ipinatrampoline niya pa. Nakahawak sila sa ultrasound picture ng kanilang baby boy.

Nababagot na rin kasi siyang titigan ang mga litratong sila lang ni Jethan ang ipinapakita. Simula no'ng nalaman ni Heidi na nagdadalang-tao siya ay natatakot na siyang maging basehan ng Panginoon ang mga litrato sa kanilang bahay... na kunin ng Panginoon ang anak niya dahil hindi ito kasali at parte sa kanilang family picture.

Oo, naniniwala si Heidi sa gawa-gawa niyang paniniwala.

Tapos na ang marriage era nila, ngayon baby era na. Sa isip ni Heidi. Gusto niyang pati ang bahay ay magdiwang sa magandang balita.

Hanggang sa humihinga pa si Heidi, gusto niyang kuhanan ng litrato ang mumunting pangyayari sa kanilang buhay na para bang gagawan niya iyon ng mahabang picture sequence na naglalahad ng kanilang buong storya. Hindi dahil sa natatakot siya sa mga napanood niyang mga palabas patungkol sa mga taong nagkakaroon ng amnesia at Alzheimer's disease, kun'di dahil gusto niyang ipamukha sa kaniyang ina na sumakabilang bahay na naging, nagiging at magiging mabuting magulang siya. Na hindi niya pababayaan ang kaniyang anak 'gaya ng ginawang pag-iwan nito sa kaniya.

Tumayo si Heidi, suot-suot niya ang kulay peach na maternal dress na regalo ni Jethan noong third month ng pagbubuntis niya. Sa kasalukuyan, 34 weeks na ang tiyan niya at napa-praning na ang asawa niyang si Jethan. Nag-aalala na nga ang butihing mister niya na baka lumabas ang bata nang maaga pa sa inaasahan at wala ito sa tabi niya kapag nangyari iyon.

Tinawanan lang ni Heidi ang asawa no'ng sinabi nito ang mga iyon ngunit hindi naman niya maitatangging kinakabahan rin siya kung sakali mang maging totoo ang kinatatakutan ng kaniyang mister.

Nang matapos niyang gawin ang paglalagay ng mga bagong larawan sa album ay napangisi si Heidi. Alam na niya kung ano ang magiging reaksiyon ni Jethan kapag nakita niyang wala ni isang litrato ang bubungad sa kaniyang pagpasok sa bahay. Tiyak na matataranta iyon. Sinadya kasi ni Jethan na ikalat sa iba't-ibang parte ng bahay ang kanilang mga litrato.

Isinawalang-bahala na lang iyon ni Heidi dahil iba-iba naman ang trip ng mga tao, lalo na 'yong mga trip niya. Baka ayaw lang ni Jethan na makitang wala sila sa paningin nito kaya maging litrato nila ay pinagdidiskitahan.

Nang makaupo sa kulay asul na sofa ay inabot ni Heidi ang kaniyang teleponong selyular at nagtipa. Maaga ka ba uuwi?

Alas singko-trenta na kasi ng hapon at hindi pa nakakauwi ang mister niya. Sabi ng mister niya kahapon, matumal ang benta sa factory kaya pagsapit ng alas cuatro, nakarating na ito sa kanilang bahay.

Nakita niya ring hindi siya tinext ni Jethan kung sumigla na ba ulit ang benta nila ngunit inunahan nalang niya ito ng tanong ngayon at baka nakalimutan lang na ipaalam sa kaniya.

Matagal bago nakatayo si Heidi sa pagkakaupo sa sofa. Mabigat kasi ang tiyan niya at malaki kaya nahihirapan siyang tumayo, maging sa higaan, upuan at sa banyo. Binuksan niya ang kanilang ref at naghanda para magluto ng hapunan. Dalawang putahe ang nasa isip niya. Paborito ng kaniyang asawa na bawal sa kaniya at nag-iisang paborito niya na pwede niyang kainin habang nagdadalang-tao.

Umay na umay na si Heidi sa paulit-ulit na pagkaing ibinibigay ng kaniyang nutritionist ngunit wala siyang dahilan para tumanggi lalo na't hindi lang siya ang nag-iisang gumagamit ng kaniyang katawan.

Nang matapos siyang magluto ay kumain na siya nang kalahati sa normal niyang hapunan. Alas otso na ng gabi at lagpas na sa nakasanayang uwian ang kaniyang mister. Kahit late na makauwi ang mister niya ay balak niya pa ring samahan itong kumain. Tiyak naman si Heidi na gigisingin siya ng kaniyang asawa kapag nakita nitong nakatulog siya sa kanilang sofa.

Hindi na kasi mabuhat ni Jethan si Heidi dahil dumoble ang bigat niya kaysa noong dalaga pa siya.

Bago ipikit ni Heidi ang kaniyang mga mata ay nagdasal muna siya para sa kaligtasan ng pag-uwi ni Jethan.

***
"LAST na 'to, 'di ba?" Tanong ni Jethan sa kasama niya. Nais niya mang umuwi nang maaga ngunit hindi pa sa tanang buhay niya na ganito karaming order ng kutson ang maibebenta nila ngayong araw.

Halos triple na nga iyon sa normal na benta sa isang araw at wala naman siya sa lugar upang hindian ang napakagandang balitang ito para lang makauwi nang maaga.

Kasalukuyan na siyang nagmamaneho pabalik sa factory nila matapos niyang i-deliver ang pinakahuling order ngayong araw. Nagpaiwan ang kasama niya dahil may gagawin pa raw ito sa malapit na ospital kaya siya lang ang nakasakay ngayon sa trak.

Pinauna na rin siya nito nang banggitin niyang naghihintay ang asawa niyang buntis.

Dahil hindi naman paliko-liko ang daan ay ayos lang kahit isang kamay ang gamitin ni Jethan sa pagmamaneho. Ngayon ay ang kaniyang kanang kamay na lang ang nakahawak sa manibela dahil napagod ang kaniyang kaliwang kamay. Nakababa ang kaniyang pagod na kaliwang braso at abalang-abala ang kaniyang hinlalaki sa paghaplos sa singsing na nasa kaniyang palasingsingan.

Pagkuwa'y tumingin siya sa rosaryo na may kasamang imahe ng Panginoon na nakasabit sa rearview mirror ng sasakyan, nagpasalamat sa Panginoon sa tambak na orders ngayon at humiling na sana ganoon pa rin kinabukasan bago ibinalik ang tingin sa tahimik at matiwasay na daan.

"Kalye Valega." Bulalas niya ng makita ang karatula.

Pasipol-sipol pa siya habang pinapatalas ang mga mata. Gusto niyang pabilisin ang takbo ng trak na minamaneho niya ngunit ipinagbabawal iyon ng batas. Mahinahon niyang itinigil ang sasakyan nang makitang nagkulay pula ang ilaw ng traffic light.

Ano kaya ang bibilhin ko para kay Heidi? Tanong niya sa kaniyang sarili. Siguro naman may bukas pa na mga tindahan na madadaanan niya. Bibili lang siya ng pasalubong na siyempre, magbibigay ng sustansiya para rito at sa kanilang anak.

Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari, habang siya'y nakahinto, isang nakakasilaw na ilaw ang bumungad sa kaniyang harapan. Mabilis na inihiga ni Jethan ang kaniyang ulo sa headrest ng sasakyan at inilagay ang kaniyang mga kamay sa kaniyang ulo upang mabawasan ang impact ngunit hindi na siya naligtas nito...

***
"PUTI." At gaya nga ng naibulalas ni Jethan, puti nga ang halos lahat ng nakapalibot sa kaniya. Wala siyang alam kung bakit siya napunta sa lugar na iyon at kung paano siya napunta roon. Tumayo siya sa pagkakahiga at inilibot niya ang mga mata kung sakali mang may karatulang nagsasaad kung nasaan ang lugar na iyon.

Nang matapos siya ay napagtanto ni Jethan na bukod sa mabatong daan na kinanatatayuan niya at ang sapa sa kanang gilid ng mabatong daan ay wala na siyang ibang nakita pa. Puro puti sa kaliwang gilid niya at puti rin ang nakikita niya sa kanang gilid ng sapa. Na para bang inaanyayahan siyang maglakad na lang at ituon ang atensiyon sa daang nasa unahan niya upang marating ang bagong lugar na hindi niya pa nararating.

Dahil kuryosyo siya ay sinundan niya nga ang direksiyon ng agos sa pag-aakalang mayroon ngang lugar na naghihintay sa kaniya. Matagal-tagal ang ginawa niyang paglalakad at mukhang hindi pa iyon matatapos. Balak sanang umupo ni Jethan sa nag-iisang batong malaki na biglaan nalang sumulpot sa tabi ng sapa malapit sa kaniya upang magpahinga nang biglang humangin nang malakas mula sa kaniyang kaliwang direksiyon na naging sanhi ng pagkahulog niya sa rumaragasang tubig.

Naku! Sa isip ni Jethan. Sa tanang buhay niya ay hindi pa siya nakalangoy sa dagat o sa kahit anong sapa sapagkat sa siyudad siya lumaki kaya wala siyang panahon upang alamin kung paano lumangoy. Pinilit niyang igalaw ang mga kamay at paa ngunit patuloy lang ang paglubog ng kaniyang katawan. Ipinikit na lang niya ang mga mata niya at tinanggap na lang ang magiging pangalawang kamatayan niya.

Teka, pangalawa? Marahas na binuksan ni Jethan ang kaniyang mga mata at napasinghap nang malamang wala na pala siya sa tubig at nakatayo na lamang sa malaking ginintuang pintuan na sobrang tayog. Kinuskos pa niya ang mga mata upang siguraduhing totoo nga ang nakikita niya at hindi naman siya nagkakamali, totoo nga ang pintong nasa harapan niya.

At gaya no'ng kanina, maliban sa malaking pintuan na nasa gitna ay puti lang ang makikita sa bawat tagiliran ng pintuan. Maging sa kanan at kaliwa ni Jethan ay purong puti rin.

"Isa, dalawa, tatlo... tatlumpo." Napagtanto niyang hindi lang pala siya ang naroroon sa lugar na iyon. May nauna na pala kay Jethan na tatlumpong tao at tila ba may pinipilahan sila na kung ano.

Excited na napapila si Jethan dahil ito ang unang pagkakataon na nakakakita siya ng mga tao pagkatapos niyang napadpad sa misteryosong lugar na ito, at siyempre, gusto niya ring magtanong.

"Manong, para saan 'tong pila?" Nagtatakang tanong ni Jethan sa nakatalikod na lalaki. Nilingon siya nito ngunit pagngiwi lang ang isinagot ng lalaki. Nagkibit-balikat siya at pinagpatuloy ang pagpila, may nakasunod na rin sa kaniya at mukhang dadami at dadami pa sila.

Nagtaka si Jethan nang makitang bukod sa gitnang pila ng mga tao ay may dalawa pa palang pila ng mga tao sa kaniyang gilid. Para bang mahika na lumitaw ang mga iyon nang apat na lang ang taong nakapila sa unahan niya.

"Ikaw na!" Kinuha ni Jethan ang kaniyang sombrero at yumuko sa balbas-saradong matanda na nakaupo sa puting mesa na para bang may check-point sa harap ng malaking pintuan. Mahaba ang puting buhok ng matanda, puti rin ang mahabang balbas pati na rin ang damit ng matanda.

Hindi pa nga niya naitatanong kung nasaan siya ay naunahan na siya nito, "sabihin mo ang iyong pangalan at edad kung gusto mong malalaman ang mga kasagutan sa iyong katanungan."

Ibinalik niya sa kaniyang ulo ang sombrero ng kanilang factory at inayos ang pagtayo, "Jethan Virordo Jr. ho ang aking pangalan at bente-siete ho ang aking edad."

Nang matapos niyang sabihin ang hinihingi nito ay biglaang lumitaw ang isang bolpen at papel sa mga kamay ng matandang nasa harapan ni Jethan. Nagtataka na siya kung pinaglalaruan lang ba siya ng kaniyang paningin.

Nang matapos ang matanda sa pagsusulat ay nataranta si Jethan nang bigla nalang nitong itinuro ang pila na nasa kaniyang kanan.

Oh God!
ALL RIGHTS RESERVED
© 2022

@FORTYUNEYT

+
That was tough huhu. Nang basahin ko ulit napatawa ako HAHAHHA. Jethan po ang pangalan ng ating bida, hindi Jethro. Shutang autocorrect na ito!

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro