Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

TWO



TW: lewd language

Ang tanging nagpapanatili sa aking gising ay ang takot. Hindi mapakali kung ano ang susunod at saan ako dadalhin habang wala akong kalaban-laban. Pinanghihinaan man ng lakas mula sa mga iyak at pagpupumiglas, ngayo'y natanto ko na wala iyong silbi. Walang luha ang maghahatid ng awa sa kanila. Walang sigaw ang mag-uudyok sa kanilang magpalaya.

Ngunit sadyang namuo ang mga luha ko sa huling tanaw kay Mama bago ako piniringan. Ang pagngawa ni Tim at ang pag-abot ni Tito Martin ng mga gamit ko sa pinagbentahan sa akin na siyang naghatid muli sa aking muhi.

Nanghahapdi ang mga mata ko nang pumikit tanda ng labis na pamumugto ng mga ito. Nanginginig na rin ako sa damit kong pinapatuyo ng malamig na hangin salin ng katatapos na unos. Sumasakit ang ulo ko tila may pinipisil na ugat sa bungo. Sa hindi malamang dahilan, at sana'y hindi lang imahinasyon, para bang inaabot pa kami ng sigaw ni Mama. Lumingon ako kahit na alam kong wala akong makikita kundi kadiliman at lalo naman kapag dumilat ako, ang kulimlim.

Ayon sa patuloy na pag-alon at hampas ng hangin, natanto kong nasa gitna pa kami ng karagatan. Inasahan  kong dadaong kami sa kalapit na isla o 'di kaya'y pinatulog ako para hindi magtangkang tumakas at mapigilan ang panlalaban. Maliban sa piring, nakataling lubid sa mga kamay at paa ang nagsisilbing sumansala sa aking makagalaw.

Ngunit ni hindi na ako makaiyak kahit sa sakit at panghihina ng katawan ko. Kailangan kong makatakas. Pero paano?

"Tatanggalan na ba ng tali 'to? Mukhang malayo pa tayo, a?" Dinig ko ang boses sa tabi ko.

"Lalong hindi tatanggalan ng tali at baka tumakas pa!" sambit ng nasa harapan.

Naalala ko ang pagpupumiglas kanina habang binabalik sa akin ang piring. Tila bagong huling isda, kumikislot-kislot ako bilang pagtatangkang makababa sa bangka. Malapit pa kami sa dalampasigan at kaya ko pang languyin kung sakaling nakatakas ako sa mga sandaling iyon.

Ngunit isang sampal sa akin, natigilan ako. Sinamantala ang pagkakataon, dali-daling pinulupot ang lubid sa mga paa at palapulsuhan ko. 

"Nasa gitna tayo ng dagat. 'Di rin makakaligtas 'to pag sumubok. Lunod agad pag tumalon!" 

"Huwag tayong pakumpiyansa. May dahilan bakit siya ang pinili. Matagal nang minamanmanan iyan."

Natawa ang nasa tabi ko. "Isang bata? Kunsabagay, kapag nagdalaga 'to, siguradong mapapakinabangan. Ang kinis o..."

Tono pa lang nitong naglalaman ng laswa, pinanginigan na ako ng kalamnan. At nang may dumaang kamay sa hita ko, parang kidlat sa bilis akong umigkas at sumikad. Nangatal ang mga labi ko at ramdam ang buong paninigas ng katawan, dinagdagan ang pagbalot ng lamig.

Sa reaksyon ko, nagtawanan pa sila.

Tinulak ng desperasyon at muhi, sumigaw ako. Buong katawan ko ang humigpit, pumirmi para mapanatili ang lakas ng sigaw sapat na marating ang mga karatig isla, kung meron man. Ramdam ko ang pagsabog ng baga at dibdib ko sa mas buong sigaw na ngayon ko lang din narinig sa sarili ko. At kahit na ramdam kong puputok na ang ugat sa ulo ko, hindi ko pinutol ang sigaw kahit na umaalingawngaw lamang ang boses ko sa kawalan.

"Hoy!" saway sa akin sabay mahigpit na dinakma ang buhok ko para ipirmi ang aking ulo at tinampal ang bibig ko.

Nagbubuo ako ng laway. Nang may halong tulak niyang pinakawalan ang aking buhok, pinihit ko lang din ang aking ulo upang maharap ang mukha ko sa kanya at dinuraan siya! Nasakto yata sa mukha dahil sa marahas itong nagmura.

Tumawa ang kasama niya sa harap samantalang sampal ang nakuha ko. Impit akong naiyak sa sakit mula sa rahas ng pag-ikot ng leeg ko.

"Tanginang batang 'to! Kung 'di lang talaga sayang ang binayad namin sa ama-amahan mo nilulunod na kita ngayon! Benta ko 'yang atay mo, e."

"Ibebenta ko muna ang ulo mong walang laman," malamig na bulong ko na narnig naman ng dalawa.

Pinagkakatuwaan pa ng isa ang tugon ko.

"Sabi sa 'yo matapang iyan. Wag mo nang patulan at nagmumukha ka lang ding bata." 

"Aba'y puta, lakas ng loob, e! Simulan na kaya nating pagpiyestahan dito habang walang istorbo at tayo-tayo lang."

Suminghap ako at napagpasiyahan agad na kahit anong mangyari, gugulong ako hanggang bumagsak sa dagat. Mas pipiliin ko pa ang malunod kesa magalaw ng kung sino!

"Tapos nakapiring pa," may nakakakilabot na tuwa sa tono nito. "Nasa gitna tayo ng karagatan. May tali pa siya habang uurong sulong tayo. O, 'di ba may thrill? Sarap ng labas niyan. Malamig pa naman, kailangan ko ng init."

Nanginig akong napapikit sa kilabot at pandidiri. Sa pagkakataong ito, nanghahapdi ang mga mata ko sa luha na mula sa takot sa sarili. Asido na ang namuo sa bibig ko at buong hiniling ko na sana'y nakakamatay 'to nang maidura ko ulit sa kanya. Sa kanila! 

"Magdahan-dahan ka sa sinasabi mo. Bata iyan."

"E ano naman? Tutal bawal na rin 'tong ginagawa natin, kaya ano pang mawawala sa atin, 'di ba? Kaya pagsamantalahan na ang pagkakataon habang presko pang nakahain. Sa impyerno rin naman tayo babagsak!"

"At mauuna ka dun, gago! Ako na nga diyan!"

May nginig ang singhap at bawat paghinga ko lalo na nang maramdaman ang mas dumidiing hangin sa harap mula sa mga kilos nila. Sa bagong tumabi sa akin, humigpit muli ang katawan ko. Tila ba sa sarili ko lang din ako sumisiksik dahil bawat sulok, kahit sa kanipis-nipisang puwang, dala ay mas malalang panganib.

Kahit anong iyak ng pagmamakaawa ko at hingi ng tulong, hindi na nila ako ibabalik lalo't bayad na kaya mananahimik na lang muna ako.

Dinala ako sa natitirang pag-asa ko na kay Mama. Nakita niya ang pagtangay sa akin kaya ipagpapalagay kong nalaman na ng mga tao roon ang nangyari at marahil naisumbong na sa pulis. Si Tito Martin ang ituturo niya na siyang nagbenta sa akin. *

Pero paano pala iyong mga nawawala ring mga bata noong isang linggo? Tinangay rin ba sila o kusa ring ibinenta?

At kung nakahingi man ng saklolo si Mama, dapat may humahabol na sa amin! Saan banda na kami sa karagatan? Hindi pa naman siguro kami nakakalayo pero ramdam ko ang matuling takbo ng bangka base sa rumarahas na hangin. Saan kami dadaong? At kung dadaong man, pipiringan pa rin ako? Posibleng hindi na at makikita ko na ang paligid, mas madali ang paghingi ko ng saklolo!

Maliban sa kapakanan ko, lumala ang takot ko para kina Mama at Tim. Paano na kung hindi pala nakapagsumbong si Mama dahil pinagbantaan ni Tito Martin? Mas malala kung sinasaktan ulit siya. Bigo mang makapagsumbong si Mama, imposibleng walang nakarinig sa amin doon sa lakas ng sigaw at iyak namin.

Sa paglala ng mga iniisip ko, bumibilis din ang paghinga ko hanggang sa matigilan. Umikot ang nanlalamig kong kalamnan.

Paano kung higit pa sa pananakit ang ginawa kay Mama dahil siya ang testigo sa nangyaring kalakalan at ang balak nitong magsumbong? Si Tim, anong ginawa sa kanya? May natira pa kayang isa sa kanila roon at pinagbantaan din ang mga tao? Ako lang ba ang kinuha at ibinenta sa araw na 'to? Kung may iba mang nakasaksi sa nangyari, malaki ang posibilidad na pinaligpit na iyon at hinding-hindi palalagpasin si Mama!

Malubha ang kaba ko sa mga segundong ito hindi para sa akin kundi sa kanila. Pakiramdam ko ay dumidiin at kumakapal ang nakabalot sa aking dilim kahit paningin ko lamang ang natatabunan. Hindi ko na natiis ang manahimik. Kahit puso ko nagwawala at parang takot na rin sa kumukulong rito. Nanginig ang mga balikat ko at humagulhol.

Makatakas man ako ngayon, ano naman ang madadatnan ko pagbalik? Marahas akong napailing sa pag-aasang matapon ang mga duguang imahe sa isip ko ko. Dumoble ang lakas ng aking hikbi. *

Nanamlay ako sa matagal na pag-iyak. Nang makabawi ay huminga ako nang malalim at pinakalma ang sarili para makapag-isip ulit. Halos hindi ko na maibuka ang mga mata ko sa hapdi at pamamaga, hinigpitan ko pa rin ang sariling hindi mapaidlip. Nakapiring pa nga ako, kaya kahit isip ko man lang ay pananatilihin kong bukas.

Sa sitwasyong ito, imposiblle pa ang pagtakas. Marunong naman akong lumangoy pero tatlo sila laban sa isa, kaya maaabutan pa rin ako.

Isa pa, masyado pa akong pinanghihinaan para mag-isip ng paraan. Lumalakas man ang loob ko, katawan ko naman ang bibigay at siyang magpapahamak lang ulit sa akin. Kung tatakas man ako, dapat nakaplano. At kasali sa plano ay dapat alam ko ang bawat galaw nila.

Kailangan kong maghintay, magtiyaga... tapos mag-isip. Siguro kailangan ko munang makisama nang sa ganoon, maliit ang tsansang mapahamak ako. Makuha ko pa ang loob nila at sa oras na magtiwala sila sa akin, doon na ako gagalaw.

Hindi ko matiyak gaano katagal na kaming nasa dagat hanggang sa marinig ko ang ugong ng barko at tawag ng lalake hindi kalayuan. Bago pa ako makatiyak sa pinagdaungan namin, naramdaman ko ang pagluwang ng tali sa mga paa ko saka ang pag-alis ng piring. Inasahan kong makakalaya rin ang mga kamay kong nakatali sa likod pero pinatungan lang ako ng jacket sa balikat na amoy sigarilyo at tuyong pawis saka sinuotan ng sumbrero, tinatakpan pa rin ang aking paningin.

"Saan niyo ako dadalhin--" pinutol ang tanong ko ng marahas na paghila sa akin patayo.

Kulang na lang ay kaladkarin ako dahil hindi mapantayan ang hakbang nila. Halos matumba pa ako nang bumaba ng bangka kung hindi lang ako hawak sa likod.

Mga bobo ba sila? Hinaharangan ng sumbrero ang paningin ko kaya paano ko mapapantayan? Paano ko malalaman saan hahakbang?

Takip man ng sumbrero, may manipis na puwang pa rin sa pagitan ng noo ko at ng tela kaya nang binaba ko ang paningin, tanaw ko ang napuputikan ko nang mga paa. May lagkit ang tunog ng tsinelas ko sa bawat hakbang mula sa basang konkretong daan na tinatahak namin. Nalalanghap ko pa rin ang simoy ng dagat na hinahaluan ng polusyon at bakal at hamog ng katatapos na ulan.

Umaalingawngaw ang ugong ng siyudad, pagdaan ng mga sasakyan at bawat malalagkit na mga hakbang. Sa hindi kalayuan ay sunod-sunod na kalabog na mga kargamento. Sa naririnig kong mga boses at 'di kalayuang sigaw, masasabi kong nasa pampublikong daungan kami at may ibang mga tao!

Nanatili ang pag-akbay sa akin para magabayan sa mga hakbang. Malakas ang kutob ko na pakitang tao lamang ang akbay, at ang nakikita ng mga tao ay kilala o kamag-anak ako ng umaakbay sa akin. Sa nakapatong na jacket, hindi kita ang nakatali kong mga kamay sa likod.

Pero kaya kong hilain ang jacket pababa...

Nilunok ko ang tuyo sa aking lalamunan. Sinubukan kong ikaway ang mga kamay ko, hinahagip ang dulo ng jacket para mahila. Mahina lang naman ang ginawa kong galaw pero natunugan pa rin iyon ng kasama ko nang nilaliman ang pagsuot ng jacket sa balikat at binutones sa harap.

Napasinghap ako sa paghigit sa akin. Sa puwersa ay sumakit ang balikat ko sa pagkakatama nito sa katigasan ng katawan. May naramdaman din akong tila bakal sa braso ko na ang kutob ko'y armas. *

Nangilabot ako sa kumalat na hininga sa aking tainga. "Huwag kang magtangkang sumigaw o malilintikan ka. Mapipilitan kaming patulugin ka at baka hindi na maggising."

Humigpit ang tikom ng bibig ko. Hindi naman nila ako ililigpit. Inalala ang banta kanina, sayang raw ang ibinayad nila kay Tito Martin. Nga lang, mapapakinabangan pa rin ako kung patayin nga sa pagbenta ng mga lamang loob! 

Nasa isip ko pa lang iyon pero ramdam kong isusuka ko na ang kumakalabog kong puso. Nanahimik na lang ako at labag man sa aking loob, kailangan kong sumunod at makisama.

Pero, Eda, puwede kang sumigaw! At wala nang tali sa mga paa, makakatakbo ka na! Kaunting iling at matatanggal rin ang sumbrero para wala nang takip sa mata. Hindi ako mapakali sa kaisipan na magagawa ko iyon!

Kung sisikuhin ko siya at kagatin ang braso, luluwang ang akbay niya sa akin at doon, tatakbo ako. Sinubukan kong igalaw ang aking siko kung makakaabot ba sa tagiliran niya ngunit may pumipigil. Mahigpit ang tali sa dalawang palapulsuhan ko at kung matatamaan ko siya, walang bisa. Mahina ang magiging tama nito sa kanya at baka nga kikiliti lang.

Isa pa, may armas siya. Ako, boses lang.

Kung tadiyakan ko kaya siya tapos ay babayagan?

Pero ang hirap tumakbo habang nakatali ang mga kamay ko. At paano kung lahat sila magkakasabwat dito? Pero bakit pa nila tatakpan ang pagkakatali ko kung magkakampi-kampi lang naman sila?

"Boss!" Tawag ng nagbabantay sa akin. "Diretso na kami?"

Ilang sandaling katahimikan saka ko narinig ang papalapit na hakbang.

"Mag-ingat ka sa susunod at huwag kang sisigaw-sigaw!" pabulong ngunit may riing banta ng nasa harapan. "May mga sibilyan at pasahero pa rin sa barko, matunugan tayo."

"Pasensiya na."

"Sige, idiretso na iyan. Naghintay na sila sa van kasama ang ilang karga."

Ang sila na tinutukoy ay nasa van at kung tatakbo ako sa labasan ng daungan, posibleng mahahagip lang nila ako. Habang mga sibilyan at pasahero ang nasa barko, makakahingi ako ng tulong!

Parang nilipat ang kumakabog kong puso sa aking tainga nang biglang maisip na puwede akong tumalon sa dagat at doon, matatanggal ko ang tali sa kamay tsaka ako lalangoy papunta sa barko. Naalala ko ang itinuro ni Papa sa akin noon na dati'y na rin kaming pinagbantaan sa mga ganitong pangyayari.

Pinakiramdaman ko ang ingay ng aming mga hakbang. Dalawang pares ng mga paa na lang, katulad kanina, ang naririnig ko. Ibig sabihin nakalayo na ang tinatawag niyang boss.

Huminga ako nang malalim at naghintay ng tamang tiyempo.

"Aray! Kuya, iyong mata ko po, may surot yata," daing ko nang huminto at umaktong masakit ang pagkakapuwing. Kiniskis ko pa ang harap ng sumbrero sa braso ng umaakbay sa akin dahil hindi ko maabot ang balikat ko. Ito ay parang luwangan ang kapit ng sumbrero sa aking ulo habang lumalakas ang ihip ng hangin.

"Huwag ka ngang mag-inarteng bata ka!" Tsaka ako hinigit at halos kaladkarin na.

"Ang sakit po talaga," iyak ko. "Sasama naman ako, pakitanggal lang po ng nasa mata ko."

Singhap itong nagmura at siguro kung wala lang makakasaksi, kanina pa ako pinagbuhatan ng kamay.

Nakikisama ang hangin. Kaunting kiskis ko pa sa sumbrero, nilipad ito. Pansamantalang nanlabo ang paningin ko, naninibago sa liwanag at ang hanging nagpapalihis sa bagsak ng ambon para tumama sa akin ngunit hindi na ako nagpaligoy-ligoy. Kinagat ko ang braso ng umaakbay sa akin at sa pag-luwang ng kanyang kapit, lumayo ako sapat para matadiyakan ko pa ang gitna ng kanyang binti. Isinigaw niya ang pagdaing sa sakit.

Tumakbo ako nang napakabilis, binalewala ang bawat tinik ng ambon na tumatama sa aking balat at kagat ng lamig ng umaambang unos. Hindi ko inisip kung hinahabol ba ako dahil ang tanging sigaw na naririnig ko ay ang sariling boses sa aking isip, bilis ng paghinga at ang kalabog ng puso ko habang papalapit ako sa dulo ng daungan.

Habang tumatakbo, nagawa ko pang makapag-ipon ng sapat na hangin saka walang pagdadalawang isip na tumalon sa tubig. Hindi nababahag ang buntot sa may kaitimang tubig mula sa nananalamin na kulimlim. Bago bumaon sa ilalim ay narinig ko pa ang ugong ng barko, hudyat ng pag-alis nito.

Nanunuot ang lamig sa ilalim ngunit mabilis iyong tinupok ng nag-aalab kong desperasyon na makalas ang lubid. Nakalutang at nakayukod ang katawan, dinulas ko mula sa likod ang nakataling mga kamay pababa sabay na nilusong ang mga binti sa namamagitang espasyo ng aking mga braso.

Habang nagtatanggal ng tali, pinapadyak ko na ang mga paa para masimulan ang paglangoy palayo. Napabilis nang marinig ang sunod-sunod na paulan ng bala sa ibabaw. Kinakagat ko na ang lubid para mahila dahil hindi sapat gamit ang kamay lang. Kailangan ko itong madaliin bago pa ako maubusan ng hininga kung matagalan ako rito sa ilalim ng dagat.

Nanlaki ang mga mata ko nang nakalas ang tali. Sa taranta ay napalingon pa ako sa pinagbagsakan ko kanina at natanaw ang bakas ng paglusong ng mga bala tila kakadaang mga bulalakaw.

Natantong walang bumagsak na tauhan para sundan ako, mabilis akong lumangoy pailalim at nang makapasok sa anino ng dambuhalang barko, unti-unting inaangat ang sarili, pinupuwersang panatilihin ang bilis ng paglangoy.

Ngunit habang tumatagal ay nararamdaman ko ang pagkakaubos ng hangin sa aking baga. Namimilipit na ang mukha ko, tinitiis ang hapdi sa aking dibdib sabay pamamanhid at pangambang hindi na ako makakaahon. Natanaw ang lapit ko sa ibabaw, mas naging agresibo ang paglangoy ko.

Isang malaking hagod pa sa tubig ay umangat ako. Binanat ang leeg sa ibabaw ng mga alon sabay ang matinding pagsinghap. Naubo ako nang marahan sa pagpasok ng umaalong tubig sa aking ilong, ang iba nainom ko pa. Sa bawat malalalim na paghinga ay parang inubos ko na rin ang lahat ng hangin sa buong isla.

Lumilinga ako, tinitiyak na nasa kabilang bahagi ako ng bapor at wala pang nakakahuli sa akin. Tumindi ang pagbayo sa dibdib ko sa nahagip na ladder na nakalambitin sa gilid ng barko.

Medyo may kalawakan ang agawat nito sa pagitan ng unang baitang at sa linya ng tubig pero malakas ang loob kong maaabot ko rin iyon sa maramihang tangka at kung gagawa ako ng malaking alon para iangat ako sa taas.

Mabigat ang bagsak ng tubig pagdapo ng mga paa ko sa sahig. Dito ko natantong wala na ang tsinelas ko dahil halos hindi na maigalaw ang mga paa sa lamig. Hindi ko matukoy saang parte ako ng barko pero walang katao-tao rito.

Sa mga segundong ito, wala na silang mahagip sa ilalim kaya siguradong natatanto na nilang nakaakyat ako sa barko--kung hindi man nila maisip na nalunod ako--at dito ang sunod nilang hahalughugin!

Ilang sandali kong pinagbigyan ang sariling makahinga. Binaba ang tingin, Kita ang pagkapal ng tubig sa aking kinatatayuan. Malalaman nilang dito ako galing pero hindi naman na siguro importante iyon. Umulan kanina habang ambon na lang ngayon kaya basa pa ang karamihang bahagi ng barko, lalo na rito sa labas. Humakbang man ako, mahirap masundan ang bakas ko sa pumapatak na tubig mula sa akin dahil nakikiisa na iyon sa maliliit na sanaw sa sahig gawa ng ulan.

Gusto kong tanggalin ang ladder na nagtutulay sa mga tauhan para mahanap ako-- iyon ay kung hindi pa nila hinalughog ang barko-- pero mag-aaksaya lang ako ng oras. Maliban sa matatagalan ako dahil sa kapal ng lubid na mahigpit ang tali sa tig-isang butas na kadena, positibo akong hindi ako nasundan sa tubig. Walang sumunod sa akin kanina at lalung wala rin akong narinig na bagsak o ingay ng pagkapa sa dagat.

Tumulak ako sa pinakaloob ng deck para maghanap ng pagtataguan.

Tumatagal ang pagdiskubre ko sa loob ng deck laman ang mga kinakalawang na makina na hindi pamilyar sa akin. Natanto ko na hindi ito pampasaherong barko. Mas nakumpirma ko ito dahil sa tinahak kong pasilyo na inihatid ako nito sa pinaka-gitna ng barko-- na tantiya kong may pinakamalaking espasyo rin. Napupuno ng mga magkapatong-patong na mga kargamento.

Kung ganoon, ano pala iyong binanggit ng isang tauhan kanina na mga sibilyan at pasaherong makakatunog umano sa ginagawa nila? Namali pa yata ako ng pinuntahan at sana'y tumakbo nalang sa labasan ng daungan!

"Halughugin niyo diyan! Hindi pa nakakalayo ang batang iyon!"

Naigtad ako sa pamilyar na sigaw kasunod ang nagmamadaling hakbang. Siya iyong narinig ko rin kaninang tinawag na boss.

"Bossing, paano makakalayo iyon kung tumalon sa dagat. Baka nalunod na nga iyon at 'di na nakaahon. Maghanap na lang tayo ng bata diyan na puwedeng ipampalit doon."

"Mga punyeta! Nakakahiya kayo kung hahayaan niyo lang maisahan kayo ng isang bata at babae pa!"

Unang balak ko sana'y isiksik ang sarili sa mga kargamento pero huwag na lang pala. Sigurado akong iisa-isahin nila ang bawat maninipis at kadilimdilimang sulok. Binalikan ko ang tinahak na pasilyo at lumiko sa isa pang daanan na hindi ko pinagbigyan kanina sa pag-aakalang ihahatid ako nito sa kabilang bahagi na nakaharap sa daungan. Dito kasi sa parteng inakyatan ko, kaharap ang lawak ng karagatan.

Sa namataan na malaking butas sa sahig na kalauna'y nalaman ko na isang lagusan at may nakadikit na hagdan pababa, lumusong ako.

Maliwanag ang binabaan ko at sa gilid, may maikling bakal na barandilya at bilohabang bintana. Madilim sa labas ng bintanang iyon at inakala kong walang laman. Ngunit nang sinilip ko, nalula ako sa taas mula sa kinatatayuan ko hanggang sa ibaba. Kung wala lang itong barandilya, siguradong mahuhulog ako!

May mga kargamento rin doon na isiniksik sa pinakasulok habang malawak pa ang espasyo sa gitna. Nilingon ko ang maarkong pintuan at nalaman na magdadala iyon sa akin sa ibaba. Isang hakbang ko, umaalingawngaw kaya nag-ingat na ako sa mga sumunod na pagtapak ng paa pababa ng hagdan.

Narating ang huling palapag at nagpunta sa gitna, tiningala ko ang pinakatuktok nitong silid. Mga sampo hanggang labinlima na malalaking magkapatong-patong na kargamento ang nagkasya, ganoon kataas! Tantiya ko nasa sampung metro at sa paraan ng alingawngaw ng bawat mahinang ingay at lamig dito, parang nasa loob ako ng simbahan na napapaligiran ng mga kabaong.

Pero habang tumatagal natanto ko na magkarugtong ang mga pile na cargo rito sa main deck. Bawat apat na sulok ay napapaligiran ng mga kargamento at nakikita ko pa sa itaas ang manipis na silip ng liwanang dahil sa puwang mula sa butas na hinugis sa kargong pinagkasya roon at nagpapatuloy na pinag-pile hanggang sa main deck sa itaas.

Binalikan ko ng tingin ang tanging bintana na sinilipan ko kanina. Maliwanag ang puting ilaw doon sa binabaan ko mula sa lagusan. Kung wala iyon, maigting na kadiliman ang babalot dito lalo't wala niisang bintana para matanaw ang labas ng barko.

Gusto kong matawa sa sitwasyon. Lumusob sa mahabang dilim at nang makaapak naman ng liwanag ay singbilis lang din ng pagkurap ang itinagal bago muling bumagsak sa kadiliman.

Dilim, lamig at bakal. Pero mas mabuti na rin ito kaysa ang mahuli ako ng mga lalaking iyon at dalhin ako sa kung saan.

Nanghihina at tulala kong nilapitan ang sulok katabi ang mataas na pile ng mga kargamento. Ngayon ko mas naramdaman ang pag-iisa. Hindi man lang nakarating ang saklolo. Wala ba talagang nagtataka sa mga putok ng baril kanina? Dinig ko pa iyon mula sa ilalim ng dagat.

Umupo ako sa sahig at mas nag-isip. Binalot ang magkadikit kong mga tuhod ng aking mga braso. Bumibigat na ang mga talukap ko at ngayong nakapirmi sa iisang lugar, mas bumibigat ang pananamlay at hapdi ng buong katawan, siguro sa lamig ng tubig na lamig ng hangin lang din ang tumutuyo. Hindi ko nga lang magawang ipahinga ang isip ko, lagi'y bumabalik sa amin.

Magkano ang ibinayad kay Tito Martin para pumayag siyang ipamigay ako? May alam ba siya sa pagdadalhan sa akin o ang ginagawa sa mga batang ibinenta? Salapi lang ba talaga ang nagpapayag sa kanya o gusto na niya akong maidispatsa?

Ayaw kong isipin ang posibilidad na tumawid sa isip niya ang ipagbili si Tim dahil sa kalagayan nito. Ang mga tulad niya ang madaling mapakinabangan. Pero anak niya iyon! Gagaan siguro ang loob kong malaman na may pupuntahan ang kinita niya sa pagbenta sa akin at iyon ay ang maipagamot si Tim.

Pero sino bang niloloko ko? Ni hindi nga nag-iipon iyon at napupunta ang kaliit-liitang kinikita sa pamamasada sa sugal. Ngayong malaki ang kinita niya sa akin, lalo pa iyong magsusugal!

Mama, gusto ko nang umuwi. Si Tim, siguradong hinahanap na rin ako.  Mas sanay siya sa akin kesa kay Mama kaya umiiyak pa siguro iyon ngayon.

Binagsak ko ang ulo sa pagitan ng mga tuhod at hinayaan ang patak ng maiinit na luha sa nanghahapdi ko pang mga mata. Nanggigigil sa posibilidad na pinaglaro ko na ang mga imahe sa isip ko; Bukas, pagsikat ng araw, lalabas ako rito at maghahanap ng bangka na maghahatid pauwi sa amin...

Pansamantalang tumalon ang kaluluwa ko sa lakas ng alon, haplos ng malamig na hangin at kung anu-ano pang nakakatindig balahibong ingay. Nakatulugan ko na ang pag-iisip at ngayong gising, nanunuyo naman ang lalamunan ko sa uhaw at ang tiyan kumakalab na sa gutom. Medyo nakahinga rin ako ng maluwang na wala pang nakakahanap sa akin dito. Ganoon pa rin ang ayos ng lahat katulad ng ilaw sa labas ng pinto.

Natigilan ako. Wala pang nakahanap sa akin dito. Ibig sabihin sumuko na ang mga naghahanap sa akin? Puwede na akong lumabas!

Inakyat ko ulit ang lagusan. Sarado ang bilugang pinto at may kabigatan nang tinulak pero nabuksan ko rin kalaunan. Nilabas ko ang kalahati ng aking mukha at natagpuan ang purong kadiliman maliban sa iilang ilaw sa deck.

Gabi na. At maliban doon, naririnig ko ang ugong ng makina at lagaslas ng mga alon.

Lumalayag ang barko!

Sandali akong natulala. Parang binuhos sa dagat at hinayaang malunod ang lahat ng plano kong pagbalik sa amin bukas. Hindi nakatulong ang humihilab kong tiyan sa gutom kaya iyon na muna siguro ang uunahin ko dahil ano pa bang magagawa ko?

Para makasiguro ay lumabas ako at tinungo ang ayaw kong puntahan kanina dahil nakaharap sa daungan. Lumalayag nga kami. Walang bakas ng kidlap sa labas nitong barko. May binabaan ulit akong lagusan at iilang pagbaba pa ang ginawa ko hanggang may mahanap na pinto. Katulad ng pinasukan kanina, may bintana rin iyon.

Sumilip ako, inasahan ang mga naglalaman na kargamento. Nanlaki ang mga mata ko sa mga nakahilerang mga pagkain sa mesa! Lumipat ang tingin ko sa nagbukas na pinto sa dulo at katapat nitong kinatatayuan ko dahil may lumabas na babae roon. Dinagdagan niya ang mga nakahain na pagkain.

Hindi ko alam hanggang kailan lalayag ang barko at kung saan muling dadaong. Wala pa mang katiyakan ang patutunguhan ng sitwasyon ko, isa lang ang alam ko. Ayaw kong mabulok rito!

Pagkapasok ng babae sa kabilang pinto, mabilis din akong pumasok at walang pag-aalangang kumuha ng dalawang plato na kumpleto ang laman mula sa kanin at dalawang ulam, naisip na mas ligtas sa aking kumain sa pinagtataguan. Pahirapan nga lang ng pagbalanse sa may lagusan kaya natagalan ako pero nagawa ko naman iyon at nakabalik nang walang nakakahalata sa akin.

Nilapag ko ang mga plato sa harap ko sa sahig at sinimulang lantakin ang hita ng manok. Binuhos ko ang laman ng isa sa kabila para magamit ko pa pantakip dahil hindi ko naman uubusin ito lahat ngayong gabi. Kasya na siguro ito sa tatlong araw kung titipirin. Lalagpas man sa tatlong araw, puwede akong bumalik sa kusina nila at maghahanap na rin ng tubig.

Natigil ako sa pagnamnam ng manok. Manghingi kaya ako ng tulong sa mga staff dito?  Pansin ko kanina ay parang walang laman sa itaas na palapag at kadalasang mga naririnig kong boses ay nasa ibaba, o baka dahil sa paghahapunan lang iyon?

Subalit naisip ko rin na ang dali namang makapasok ng mga lalakeng naghahanap sa akin kanina. Tatlo pa yata sila at may mga armas. Pinayagan ba sila o namuwersa? Paano kung kasabwat din kaya wala akong narinig na nagkagulo tulad ng nanggigiit silang makapasok?

At saka yung paulan ng bala, wala talagang nangamba roon? Inasahan ko na may sigawan man lang dahil sa takot pero wala.

Kung tumuloy lang sana ako sa labasan ng daungan, ngayon ko pa natantong mas makakahingi pa marahil ako ng tulong kaysa rito na nakakulong ako sa pagtatago.

Nakatulugan ko na lang ulit ang pag-isip pagkatapos kumain at naggigising sa mumunting pag-alon at kalabog. Nanatili ako sa aking puwesto. Sumuko na nga siguro ang mga naghahanap sa akin.

Tumigil na nga marahil nang tuluyan dahil bakit pa sila mag-aaksaya ng oras sa isang batang katulad ko? Dahil lang sa nasayangan sa ibinayad nila? Ganoon nga siguro kalaking halaga ang natanggap ng hayop na Tito Martin na iyon.

Tatlong araw. Ito ang tantiyang itinagal ko rito. Noong unang araw ay ang bilis ko pang makaidlip dahil sa pagod pero habang nagtatagal, pansin ko na ang kakaibang ingay. Oo naririnig ko ang sipol ng hangin at dagundong ng mga bakal, pero may iba pang ingay na ang naniniwala sa multo lang yata ang makakasagot.

May bumababa na rin dito paminsan-minsan. Tinatago ko ang mga plato sa manipis na puwang sa pagitan ng mga kargamento para pag tumakbo ako roon para magtago sa tuwing may bumababa, hindi ako mataranta at baka may maiwan pa akong ebidensiya. Mabibisto ako.

At hindi ko man maipunto ang tamang oras, nahihimigan ko naman kung umaga o hapon na dahil sa manipis na silip ng liwanag mula sa butas sa taas. Iyon din ang pagkakataon na may bumababa rito, sinusuri ang mga kargo. Naka-uniporme sila at nagsusuot ng puting helmet. Wala naman akong namukhaan na kasabwat sa mga naghahabol sa akin pero nagtatago pa rin ako, nakikiisa sa pinakamadilim na anino para kumubli.

Nalalaman ko naman na hatinggabi o madaling araw dahil tahimik--maliban sa mga nakakakilabot na ingay-- at wala ring bumababa. 

Kaya naman isang beses sa kalagitnaan ng gabi, nagawa kong pumuslit ng baso ng tubig sa kusina nila. Namataan ko rin ang pantry nilang puno ng snacks  na hindi ko pinalagpaas at dinala ko sa aking lungga.

Ito ang naging buhay ko sa tatlo't kalahating araw.

Isang umaga namulat ako sa init sa aking pisngi. Dahan-dahan ang pagbukas ng mga mata ko na medyo nanlalabo pa sa antok. Tumingala, pansin ko na hindi gaanong gumagalaw ang mga kargo na tila ba... nakahinto ang barko.

Ganoon din ang nararamdaman ko habang nakahiga pa. Walang sikdo mula sa makina ang dumadaloy sa katawan ko't kalmante lang.

Unti-unti akong umahon at humikab. Nagawa ko pang mag-inat habang sinilip ang natitira sa aking pagkain. May maliit na piraso pa ng manok at kanin na pinang-almusal ko. Inubos ko na lahat ng natirang pagkain  sa kaalaman na lalabas ako ngayong malakas ang kutob kong nakahinto ang bapor sa daungan.

Pinakiramdaman ko muna ang paligid lalo na sa lagusan kung saan ako lalabas para matiyak na wala akong makasalubong. Panay ang kalabog sa taas, sa tingin ko ay naglilipat o nagdadagdag sila ng mga kargamento. Kung ganito na abala sila, dapat ay madaliin ko na ang pag-alis bago pa may makahanap sa akin dito!

Nagmadali akong tumakbo at umakyat sa lagusan. Wala na ulit ang pinto pero sumilip muna ako bago tuluyang umahon sa kubyerta. Wala namang mga tauhang nagkalat kaya tumuloy na ako sa pasilyo na maghahatid sa pangunahing kubyerta. Humihinot ako at nagtatago sa bawat kargamento, at nang matiyak na walang papalapit na tauhan, lumilipat ako sa sunod na karga.

Mabilis ang hininga ko. Namamawis dahil sa sumisikat nang araw. Sa kalagitnaan ng paghinto, pansin ko ang aninong kumukulong sa akin. Nanlaki ang mga mata ko sa kargamentong lulan sa kreyn at ibabagsak iyon sa akin!

"Tangina," sambit ko at tumakbo nang mabilis. Hindi na humihinto at nawalan na rin ng pakialam kung may makahuli sa akin basta ba hindi ako mapipisa!

Nakakabinging kalabog na may dalang yanig sa kubyerta pagkabagsak ng kargamentong halos pumisa sa akin. Lumiko ako at nagtago ulit sa bawat karga ngunit sa pagkakataong ito, sinama na ang pagtingala kung sakaling maulit ang kanina.

Hindi ko mabilang ilan ang pinagtaguan ko pero masasabi kong nagtagal ako sa ganoon hanggang sa natanaw ko ang hagdan na nagsisilbing tulay papunta sa daungan.  Wala na rin naman siguro silang magagawa kung maispatan man ako dahil paalis na kaya binilisan ko na lamang ang pagtawid ko.

"Whooh, muntik na iyon!" Bulong ko sa sarii, sinusuntok-suntok nang marahan ang aking dibdib.

Nanginginig pa ang mga tuhod ko. Kumakalabog ang puso na may mahinang haplos ng ginhawa dahil makakabalik na ako sa amin. Hindi ko alam saang lugar na ako napadpad  pero natitiyak kong hindi kami nakalabas ng bansa. Malalaman ko rin naman iyon kapag nahanap ko na ang sakayan ng bus. Sa ngayon ay tinutulak pa ako ng katawan kong magbanyo kaya iyon na muna ang pinuntahan ko.

Naghugas ako ng kamay pagkatapos at nakalma sa tilamsik ng malamig na tubig sa aking mukha. Sa pagpikit, naisip ko na naman sina Mama at kung anong paghihintay ang nag-aabang sa akin. Pero unang-una, mangangailangan ako ng pera dahil tiyak walang libre na tiket pauwi. Paniguradong may kamahalan iyon kung kokonsiderahin ko ang layo ng biyahe.

Tinungo ko ang pinto para lumabas na. Naigtad ako na bumukas iyon at bumungad sa harap ang lalake.

"Akala mo makakatakas ka sa 'ming bata ka."

Nagyelo ako sa gulat at bago pa makasigaw, tinabunan na niya ang ilong at bibig ko ng panyo. Nagawa ko pang makapagpumiglas ngunit sa amoy ng kemikal galing sa telang tinatakip sa akin, unti-unti akong pinapanawan ng lakas.

Ang natitirang diwa ko bago buong nilamon ng dilim ang paningin ay naalala ang paglagay sa akin sa sako.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro