Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

THREE


TRIGGER WARNING: mentions of rape, violence, abuse


Ang alam ko ay matagal akong nanirahan sa dilim.

Hindi ko maigalaw ang katawan ko. Hapdi at matinding pagod ang agad nagparamdam sa unang kalabit ng kamalayan. Sa tigas at nanunuot na mga kagat sa aking balat, unti-unti kong natanto ang pinaghihimlayan sa aking magaspang na konkreto.

Kumunot ang noo ko. Sinubukan kong gumalaw ngunit sadyang may nakadagang bigat sa aking katawan. Sa mga matang ayaw ko pang idilat, nanghihikayat ang sinag ng araw na para bang ilaw na sinadyang itinapat sa akin.

"Ano pa bang hinihintay niyo? Ang tagal maggising niyan tanghali na! Madedehado na tayo!" reklamo ng hindi pamilyar sa aking boses.

"Eto na nga!"

Bago pa ako makapagpalagay kung nasaan ako, naigtad ako sa buhos ng tubig yelo. Umuubo pa sa nalanghap na tubig ay hinila na ang buhok ko at ginamit ang puwersang iyon para itayo ako. Nasa kalagitnaan pa lang ng paghila at hindi pa tuluyang napapapirmi, biglang binitawan ako ng humila sa kin. Kung hindi ko agad naibalanse ang sarili sa kabila ng panghihina at sakit ng katawan, tatama ulit ako sa sahig!

Nanginginig at nakayuko, agad kong pinagkrus ang mga braso para tabunan ang dapat matakpan, lalo na sa may dibdib dahil dumidikit na ang basang tela sa aking balat. Likas na ito muna ang magagawa kong pagtatanggol sa sarili gayong 'nangangapa pa ako sa sitwasyon. At lalung-lalo naman na ang mga lalake kanina ay nasa likod ko lang at nadadagdagan pa, handa ulit akong ipahamak.

"Labas na! Ang tagal kasing gumising."

Napadilat ako pagtulak sa akin. Muntik na ring madulas dahil sa naapakang yelo at nag-iipong tubig sa aking paanan. Sa panandaliang dilat ng mga mata ay napariin ang muling pagpikit ko sa bumungad na sinag ng araw. Nanghapdi lalo ang paningin ngunit dumikit sa isip ang magkakalapit na hanay ng parisukat na mga bintana sa itaas ng dingding malapit sa kisame.

Hindi ko pa natunton ang pinto o ang ibang bahagi ng lugar para malaman nasaan ako. Isang bahay ba ang pinagdalhan sa akin? Kung oo, kanino at bakit?

"Bilisan mo! Ang bagal." Tulak ulit sa akin ng lalake.

Sumunod ako at medyo binilisan ang paglalakad. Sa pagkakataong ito ay magaan ko nang naidilat ang mga mata at kaagad pinaglakbay ang paningin sa bahaging ito lamang ng isang abandunadong bodega. Titignan ko pa lang ang kabilang bahagi ay isang tulak muli sa akin, nasa labas na ako at nasilaw sa nakakabulag na sinag ng araw.

Pikit mata kong isinangga ang braso sa aking mukha.

"O, bakit nandiyan pa iyan? Kanina pa nasa labas ang lahat, a?" bagong boses ulit ang narinig ko mula sa hindi kalayuan.

"Bagong salta kaya pagbigyan muna!" Tugon ng lalake sa likod ko. Nasakal ako sa biglang paghigit niya sa aking tshirt sa may batok para ikutin ako paharap sa kanya. Dinuro niya ako. "Hoy, kapag 'di ka nakaabot sa quota, malilintikan ka. Naiintindihan mo?"

Napakurap ako. Naguguluhan ang tingin sa kanya. Anong quota? Para saan?

Hawak pa rin ang kinuyumos na bahagi ng damit ko sa batok ay inikot niya ako paharap sa nag-aabang na kawalan at muling itinulak saka pa pinakawalan.

Nag-aatubili ang mga hakbang ko, hindi malaman saan pupunta. Maliban sa abandunadong bodega na babakasin pa sa isang papasok na lubak na daanan, kahit ang mga karatig gusali rito ay mukhang gutom din sa panustos at kabuhayan. Isang lingon ko sa pinanggalingan, kitang kita ang itim at kapal ng bumubugang usok sa likod ng inabandunang bodega at isa pa sa karatig gusali. Nalalanghap ko pa ang polusyon, pahiwatig na malapit lang ito sa kalsada.

Mataas ang araw at nakakapaso ang init. Unti-unti nang natutuyo ang aking damit. Mas masaklap, hindi nakatulong ang ihip ng hangin na nagtulak sa buhangin ng lubak na daan na parang pinapaliguan ako ng dagdag alikabok. Napuwing ako.

"Hoy! Ano pang tinatayo tayo mo diyan! Malilintikan ka talaga!" 

Hinihingal ako sa kaba habang kinukusot ang mga mata. Gusto kong tumakbo at humingi ng saklolo. Ito na ang pagkakataon ko. Ngunit noong huli kong subok na tumakas, nahuli ako, sinako at dinala rito. Kung uulitin ko ang tangka ngyaon, hindi ko na alam saan ako ilalagay o ang mas malala, baka ipatapon pa ako!

Mas mabuti pa nga siguro iyon kaysa babuyin ako dito.

Nilingon ko ulit ang pinanggalingang bodega, sunod ang buong paligid. Parang nasa gitna ng disyerto o isang lupang tuluyan nang inabanduna at tapunan na lamang ng mga walang halaga. Ang umaalingawngaw na ingay, kung hindi mula sa busina ng mga sasakyan ay puro namang pinupukpok na bakal at bagsak ng yero. 

"Psst!"

Nanliit ang mga mata't medyo napupuwing pa, tinalunton ko ang pinagmulan ng sitsit. Hindi mahirap hagilapin dahil halata ang pagsenyas sa akin ng dalawang bata sa likod ng plywood na ginawang panakip sa sunog na dingding. Lumapit ako.

Naaninag ko na ang kabuuan ng dalawang bata habang papalapit. Ang lalake ay tantiya kong dalawa o tatlong taon ang tanda sa batang babae na hanggang balikat lang niya. Kita ko ang agad paggaya ng batang babae sa lalake na isandal ang likod sa plywood na parang bang takot silang mahuli na nakikipag-usap sa akin.

Kaya naman nang tuluyan nang nakapasok sa pinagtataguan nila, sinikap ko ring sumiksik sa pinakadulo para hindi kami mahagip.

"Ang tagal mo! Kung hindi ka pa naggising doon, siguro pinilayan ka na," ani ng batang lalake.

Naguguluhan pa rin ako. "S-sino ba kayo? Nasaan ako? Taga doon din ba kayo sa bodega?"

"Oo, matagal na. Ikaw yung pinakabagong salta. Anong pangalan mo? Ako si Dino, ito si Daisy."

Nagtagal ang tingin ko sa batang babae. Namimilog ang inosente niyang mga mata at pinasidahan ako mula ulo hanggang paa. Para bang nakahanap siya ng pag-asa sa akin kahit wala naman akong ginagawa. 

Kung madungis na ako sa kalagayan kong ito at nakaligo pa ng hindi humigit sa isang linggo, hindi ko na alam paano ilalarawan ang dungis ng dalawa. May amoy na sinegundahan ng butas butas nilang suot. Malaking t-shirt at shorts. Nangingitim na rin ang alikabok sa kanilang mga mukha at magrasa ang buhok na tatlong ligo yata ang kailangan bago mabuhaghag. Kaya ang dali ring paniwalaan na ang tagal na nga siguro nila rito.

"Zea..." Hindi ko alam kung bakit ibang pangalan ang sinabi ko. 

Tumango si Dino. "Tara, Zea. Doon tayo sa nahanap namin. Maraming tao roon."

"Ano ba ang gagawin? At ba't tayo nandito? Binenta rin ba kayo?"

"Mamamalimos tayo. Dinig ko 'yong banta sa 'yo ni Sebio kanina. Malilintikan ka talaga at damay rin kami kung hindi ka aabot sa quota kaya tara na!"

Marahan ko silang hinarangan nang akmang aalis. "Ba't tayo 'yong mamamalimos? Para saan?"

Nagkamot ng ulo si Dino. "Alam mo mamaya na 'yang tanong mo at gawin muna 'yung pinagawa sa 'tin bago pa tayo mahuli! Apat na oras lang ang binigay sa atin bago tayo papalit sa mga nagtatrabaho sa likod. Ilaan mo na lang 'yang mga tanong mo para mamaya kay Liam. Maraming alam 'yon!"

"Bakit marami siyang alam?"

"Tsk," padabog siyang nagkamot sa ulo. "Siya ang pinakamatagal na dito. Bago pa kami dumating, nandito na siya kaya alam na niya mga pasikot-sikot."

"E 'di mas madaling tumakas kung ganoon? Bakit hindi niya ginawa? Magsumbong sa pulis o humingi ng tulong?"

Mukhang nakaligtaan ni Dino ang iritasyon sa sunod sunod kong pagtatanong nang manahimik. Nagkatinginan sila ni Daisy. Medyo nagtagal ang tingin ko sa kanya dahil sa napansin. Hindi naman kasi nagsasalita, nalalaman ko ang laman ng isip dahil sa mga reaksyon niya o baka may kinalaman ang bilugan niyang mga mata.

"Sinubukan na niya," may bigat sa tahimik na tono ni Dino. "Makikita mo mamaya kung bakit 'di na niya inulit."

Tinitigan ko sila. May nakita sila sa akin na labag sa kaalaman ko dahilan kung bakit hindi ko na kailangan maghintay ng mamaya para malaman. Maluha-luha ang mga mata ni Daisy nang sa wakas ay umimik.

"Pinutulan si Liam ng daliri nung nalaman nilang nagsumbong siya. Dito," Tinuro niya ang kanang hinlalaki.

Para akong binuhusan ulit ng yelo sa narinig. Wala sa sariling namuo ang kamao ko para damhin ang sariling hinlalaki.

"Pero alam mo, dumami ang nagbibigay sa kanya nang makita 'yong putol na daliri. Kaya para mas kumita kami, may iilan na binubulagan pa at pinipilayan para mas maawa sa amin ang mga tao at mas malaki ang ibibigay!"

Nanlaki ang mga mata ko.

"Pero minsan lang mangyari iyon. Madalas sa mga hindi sumusunod o nagpapasaway. Kaya kung ako sa 'yo, sumunod ka nalang sa amin kung ayaw mong mabulag o pilayan."

Hindi pa lubos na pumapasok sa isip ko ang nalaman ay sumunod ako. Pinagmamasdan ko sila mula sa likod. Pakiramdam ko ay ako ang pinakamatanda sa kanila. Pinakamatangkad din. Ako nga lang ang nakasunod ngayon dahil naninibago pa at walang maintindihan kung bakit nandito ako at para saan itong ginagawa namin.

Nakalabas na kami sa lubak na daanan at ngayong binabakas ang gilid ng pangunahing kalsada. Tiningala ko ang pinaglabasan namin at binasa ang bawat tindahan na dinadaanan namin. Malapit ang papasok na daanan sa Nena's bakery.

Impit ako napatili sa malakas na busina ng higanteng trak na muntik na sumagasa sa akin kung hindi lang ako nagulat at pumagilid. Nanginig ang mga tuhod ko ngunit nagpatuloy na sinusundan sina Daisy at Dino na halatang alam na ang mga pamamalakad dito.

Maraming tao. Ilan na ang nakabunggo sa akin dahil kung saan napupunta ang paningin ko, iniikot ang sentro ng kalakalan. Sa naglalakihang mga gusali, naalala ko ang ganito katayog na pangarap na makatuntong din dito at ang hiling na pumayag si Mama na makitira kami sa kakilala sa siyudad. Hindi ko akalain na ganito kalawak at mas hindi ko inasahan na makakapunta ako rito, sa ganitong paraan nga lang.

Nahahagip ko rin ang sa tingin kong kasamahan nina Dino at Daisy, mga batang nanlilimos sa gilid ng daan at ang iba'y kumakatok sa nakahintong mga sasakyan.

Muntik na akong tumigil sa nakitang bulag na bata na dadaanan pa lang namin sa hanay ng mga kuwadrang puno ng tinda. Nagpatuloy ako sa paglalakad ngunit naiiwan ang paningin ko sa batang iyon kahit lumalagpas na kami.

"Sino 'yon? Kilala niyo?" Habol ko kina Daisy. Sinasabayan namin ang pagtawid ng mga tao sa isang crossing pagkatuntong sa pula ng traffic light.

"Si Mavy. Ang tapang pa niyan dati at nagyabang na anak mayaman kaya paniniwalaan daw agad ng mga pulis. Tapos iyon..."

Binulag siya. Patuloy ko sa aking isip.

Parang may pumipiga sa kalamnan ko't nangalay. Dala na rin siguro ng uhaw at gutom.  Sana paghahanap muna ng pagkain ang inuna namin dahil paano kami makakalikom ng pera kung nanghihina kami sa gutom?

Malayo-layo pa ang nilakad namin. Wala pa talaga ako ibang magawa kundi ang maging sunod-sunuran. May nagtulak sa loob kong dumiretso sa police station o lapitan ang kahit sino para hingan ng tulong pero baka isasalang ko lang kami sa panganib kung ganitong magpadalos dalos ako. Ngayon dito, susunod ako tapos mamaya, magtatanong kay Liam sa mga nalaman niya.

O 'di kaya'y magpapalakas ako kina Serbio...

"Dito!"

Umupo si Dino sa tapat ng isa pang gusali na naiwang lamay ng sunog.

Ngumuso ako. "Walang taong gustong dumaan dito dahil mabaho iyong basurahan sa tabi. Doon kayo."

Tumunganga pa sila at hindi agad sinundan ang itinuro ko. Siguro natanto ang punto ko, mabilis napatango si Dino at umupo sa tinuro kong puwesto. Tahimik na sumunod si Daisy.

"Ikaw, puwede ka roon, Zea." Tinuro niya ang kasunod na gusali isang tawid lang galing sa pinaghintuan namin. "O kaya doon!" Turo niya sa tapat.

Nag-aliinlangan ako. Parang hindi naman yata magandang ideya na magkalapit lang kami ng teritoryo. Kung manlilimos ako, doon sa malayo at 'yung wala akong karibal!

'Dito lang kayo. Doon ako sa malayo."

Tumulak na ako para tumawid. Lalagpasan ko na sana ang basurahan nang pinigilan ng maliit at malambot na kamay. Tiningala ako ng isang pares ng bilugang mga mata.

"Mag-ingat ka, Ate Zea. Minsan kasi nagmamasid sila sa atin."

Natunugan ko ang papaiyak at pag-aalala sa tinig niya. Hindi ko alam kung anong pumukaw sa loob ko ngunit pinapaalahanan niya ako bilang ibang bersyon ng isang Eda. Eda sa ibang mundo. Si Eda na naninirahan sa isang buhay na malayo sa sinusubukan kong takasan.

Tumango ako at tumulak na sa malayo. Habang nag-iisip paano ako makaabot sa quota gayong dalawang oras na lang ang natitira, inaagaw talaga ng gutom ang atensyon ko kaya inuna ko ang nakaugaliang magnakaw ng tinda para pantawid gutom.

"'Yung bata ninanakawan ako!"

Sisiw na lamang sa akin ang pagtakbo. Ang mga taong humaharang, tinuturing kong mga puno sa aming kakayuhan na nadadaanan ko tuwing tumatakas sa mga naghahabol sa akin. Nakahanap ako ng pagtataguang sulok para doon na tapusin ang nakuhang tinapay. Nagsiksik din ako ng dalawa para kina Dino at Daisy.

"Pucha, e kulang 'to! Lagot ka talaga mamaya. Limang daan nga dapat 'di ba?"

Tinatapos ko na ang huling patak ng softdrinks sa plastic nang makarinig ng mga batang nagtatalo sa kabila.

"Nakakahalata na kasi 'yung mga bantay doon! Kaya nga palit tayo ng puwesto."

"Ayoko! Ako nakauna rito, e."

Tinapon ko ang mga supot sa katabing basurahan saka lumabas sa aking lungga. Limang daan ang quota... sa isang araw ba? Paano ko kaya gagawin iyon?

Naghahanap ng sagot ay nahagip ko ang malaking orasan na parte ng isa sa mga matatayog na gusali. Kung manlilimos lang, hindi aabot ng limang daan sa dami namin. Iyong mga tao, paniguradong may mga nabigyan nang mga bata na nadadaanan nila. Hindi naman sila bobo para hindi makuha iyon. Ang bobo rito, si Tito Martin!

Lumingon ako sa kaliwa. Nanliit ang mga mata ko sa lalakeng naglalabas ng salapi sa pitaka para bayaran ang nagbebenta ng sigarilyo. Pagkatapos masuklian ay naglakad na patungo rito. Tumulak na rin ako para salubungin siya at--

"Sorry po," sinabi ko pagkatapos siyang bungguin sabay mabilisang dukot ng pitaka sa bulsa niya sa likod ng pantalon.

Wala na akong oras matigilan pagkakita sa limang daan na pinong pino pa sa loob ng pitaka! Parang kalabit lang nang kinuha ko iyon saka sinarado at binagsak sa lupa. Patuloy sa paglalakad 'yung mama ngunit hindi pa gaanong nakakalayo. 

"Mawalang galang na po, kuya. Nahulog po wallet ninyo," tawag atensiyon ko sa kanya... sa pinahinhin kong boses.

Lumingon siya nang hindi tumitigil sa paglalakad. Doon pa lamang siya tuluyang huminto nang matanto na siya ang tinatawag ko. Tinuro ko ang wallet niya. Kinapa niya ang bulsa at bahagyang natigilan.

"Oh," marahang natatawa, binalikan niya ang hakbang at umiiling na kinuha ang pitaka.

Tumalikod na ako at babalikan na sana sila Daisy tutal ay may limang daan na ako. Maghahanp na lang ako ng tindahan na puwedeng tanggapin ang salapi kapalit ng mga barya at iilang perang papel sa mas maliit na halaga.

"Hey, kid!" Tawag sabay kinalabit ako sa balikat. "Ito. Salamat."

Inabutan niya ako ng bente. Tinitigan ko lang iyon. Pinako ako ng guilt dahil nakupitan ko na siya ng limang daan.

"Tanggapin mo na. Bilang pasasalamat 'yan."

Hindi sadyang namuo ang mga luha ko nang tiningala siya. Mas inengganyo pa niya akong tanggapin iyong pera.

"H-huwag na po. Ayos lang..."

Kinuha niya ang kamay ko at doon nilagay ang pera. Nagpaalam siya habang ako ay nanatiling nakatitig sa bente sa palad ko. Bakit mas mabigat pa ito kaysa sa salaping nakatago sa bulsa ko?

Kinagat ko ang ibabang labi. Iipunin ko na lang 'to. Kung magkulang man, ito ang ipangdagdag ko o 'di kaya'y kung gugutumin, ipambibili ko ng pagkain.

May kumalabit na mga galaw sa gilid ng aking paningin. May grupo ng mga batang lalake doon na masama ang tingin sa akin. Nakaharang pa sila sa dadaanan ko pabalik sa puwesto nila Dino. Babalewalain ko na sana iyon at magtuloy-tuloy sa paglalakad ngunit sinalubong nila ako.

Hindi ako huminto at gumilid pa para doon dumaan. Agad akong hinarangan ng isa sa kanila. Inulit ko ang tangkang pagdaan sa kabilang gilid at iyong pinakamatangkad naman ang humarang sa akin.

Hindi ko naitago ang iritasyon sa mukha ko. Mga letche! Anong problema ng mga 'to?!

"Paano mo ginawa 'yun?" Umabante at para bang nanghahamon ang isa sa apat na lalakeng nasa grupo. Tantiya kong kaedad o mas bata sila sa akin ng isang taon.

"Ang alin ba?"

"'Yung kanina! Bagong salta ka, a."

"Tsaka bawal 'yun!" sabat ng pinakapandak sa kanila.

Isa-isang dumapo ang paningin ko sa kanila. Sila yata itong narinig kong nagtatalo kanina at ngayo'y ang sasama ng tingin sa akin.

"E bakit ang ginagawa niyo, legal ba? Pareho lang naman tayo rito na gustong umabot sa quota. Para-paraan lang 'yan kakapal ng mukha niyo!"

"Pero bawal pa rin iyon!" giit ng katabi nung unang bata na nagpatiunang humamon sa akin.

"Kaysa naman mapilayan ako. Ikaw, kayo, gusto niyong mabulag? Huwag niyo akong inaano sumbong ko kayo diyan!"

Natahimik sila at parang nabahag ang buntot nang binanggit ko ang sumbong. Umirap ako at aalis na sana nang magsalita ang lalakeng nasa pinakalikod. Kung hindi siya umimik, hindi ko aakalin na kasama siya sa grupo.

"Turuan mo kami," anito, mas kalmado kumpara sa tono ng tatlong kalbo ngunit seryoso.

"Ayoko. Tsaka akala ko ba bawal? Paano kung mahuli kayo ni Sebio?"

"E kung gawin mo ulit iyon tapos paghahatian namin yung nakuha mo hanggang umabot kami sa quota?" ani nung pandak.

Nilapit ko ang kamao ko sa mukha niya. "Suntok, gusto mo?"

Naduling siya sa lapit ng kamao ko at napakurap. Kita ang laki ng ginhawa niya pagkababa ko sa aking kamay. Sabay silang umatras isang hakbang ko pa lang at walang gumagalaw habang nilalagpasan ko.

Napapunas ako sa pawis ko sa noo gamit ang likod ng kamay at huminga nang malalim. Hindi ko akalain na malalagpasan ko iyon. Nagtaka nga ako bakit pa ako kinabahan habang nakikipagtalo sa kanila kung nagawa ko na ito noon. Siguro ay hindi ko sila ganoon kakilala at takot ko na lang anong gawin sa akin. Paano pala kung mga sugo iyon ni Sebio? O kung sino man ang pasimuno ng mga pagdukot sa amin?

Totoong kabado pa ako. Nanginginig pa ang mga tuhod nang mahagip na sina Dino at Daisy na nagbubungkal na ngayon sa basurahan. Unti-unting bumagal ang mga hakbang ko nang may biglang natanto sa sitwasyon.

Puwede naman talaga akong tumakbo at magtago-tago sa mga sulok ng siyudad. At habang  tinatanaw sa isip ang mga nahagip na pagtataguan kanina, nangangati ang mga paa ko na gawin na ito ngayon din. Sa bilis ko ba namang tumakbo, malakas ang loob ko na matatakasan ko na sila! Mangyari man iyon, sisikapin kong pagkasyahin itong limang daan para mabuhay ng ilang araw at habang naghahanap ng paraan pauwi. 

Ngunit pagkatapos ng mga nalaman ko, hindi man karamihan dahil wala pa nga akong isang araw rito, ang karahasan ay sapat nang pumigil sa akin na huwag muna. Kung aalis man ako rito. Kung tatakas man ako. Hindi ako tatakas na mag-isa.

At lalong hindi mapapanatag ang loob ko na habang nakawala nga sa kanila, mananatiling buhay ang kalakalan na itong panggagamit sa mga bata. 

"Dino, tignan mo!" Si Daisy, masayang pinakita ang nabungkal na ipit ng buhok sa basurahan.

Hinahanda na ni Dino sa inuupuang semento ang naungkat na mga tinapong pagkain mula sa basurahan. Tumigil siya para tugunan si Daisy.

"Kunin mo rin iyan. Bagay 'yan sa 'yo."

Patalon-talon si Daisy at humahagikhik pa na lumapit sa inuupuan ni Dino. Nakasunod ako sa likod niya habang dinudukot sa bulsa ang nakupit na mga tinapay. Kukuha pa lamang si Dino ng natirang buto ng manok, binagsak ko na ang tinapay sa gitna nila.

Parehong gulat o namamangha ba, sinundan nila ng tingin ang pag-upo ko sa semento kasama nila. Pinapalibutan namin ang mga pagkain.

"Kumain na ako," simpleng deklara ko.

Kumurap si Daisy at inosenteng nagtanong, "Para sa 'min ito, Ate Zea?"

"Ayaw niyo?" hamon ko.

Para bang takot na magbago ang isip ko, mabilis nilang pinaghatian ang dalawang tinapay. Nanginginig pa nga ang mga kamay, sa gutom ba o sa takot sa akin.

"Huwag mong ubusin, Daisy. Magtira ka para bukas," si Dino.

Maganang kumakain si Daisy habang tinatanguan ang sinabi ni Dino. Binuksan niya ang maliit na kamay at roon nakahimlay ang ipit ng buhok. May disenyo itong bulaklak na kulay puti ang petals at dilaw naman sa gitna. Kinuha ito ni Dino at inipit sa buhok ni Daisy.

Nagtataka sa pagiging malapit nila, hindi ko na mapigilan ang magtanong.

"Magkapatid kayo?"

Umiling sila pareho. Abala sa sunod-sunod na pagkagat kaya walang namutawing salita hanggang matapos si Dino.

"Pero parang ganoon na nga." Lumunok siya. "Kinalabit niya ako para magpatulong na mamalimos. Sinamahan ko na lang. Iyakin ka kasi."

Ngumuso si Daisy sa marahang pagsiko sa kanya.

"Binenta ka rin ba? Paano ka napunta rito?"

Umiling siya. "Naligaw ako sa mall. Tapos sabi nung lalake, ihahatid niya ako kay Mommy pero dito ako dinala. Sabi niya dito  raw ako kukunin ni Mommy. Hindi naman totoo," puno ng pagtatampo niyang sinabi at papaiyak pa nga ngunit nagpatuloy pa rin sa pagnguya.

Lalake lang ang sinabi niya at hindi Sebio na siyang kilala na nila. Baka isa sa mga kasamahan niya roon sa bodega o ibang tao ang kumuha sa kanya? Anong dahilan bakit nila ginagawa ito sa amin? Alam ko ang dahilan ni Tito Martin ay dahil sa pera. Binenta niya ako't  may nakuhang salapi iyon panigurado. Ngunit sa mga naliligaw tulad ni Daisy, anong dahilan?

Nakatitig ako sa mga tira-tirang buto ng manok sa gitna namin habang iniisip ito nang biglang dumilim iyon sa paglukob ng anino. Nasali ako sa pananakop ng aninong iyon hudyat na may nakatayo sa likod ko.

"Bakit ka nandito? Puwesto namin to, a?" agresibo agad si Dino na muntik pang tumayo ngunit sa huli'y piniling humarang sa harap ni Daisy.

"Alis ka rito, Tim. Wala naman na kaming ginawa sa grupo n'yo! Doon 'yung puwesto niyo."

"Aawayin niyo na naman si Daisy!"

Tumatalon ang paningin ko kay Tim at Dino bawat palitan ng salita.

"Iyakin kasi. Pero hindi ako nandito para magaksaya ng oras diyan." Tumingin siya sa akin at tinuro ako. "Ikaw, ituro mo sa 'kin yung ginawa mo kanina!"

Kumunot ang noo ko. Siya 'yung bata na tahimik lang na nakatayo sa likod ng grupong humarang sa akin kanina.

"Tim pangalan mo?"

"Oo, may angal ka?"

Umangat ang kilay ko. Sayang, kakaibiganin ko na sana dahil magkapangalan sila ng kapatid ko.

Huminga ako nang malalim at pinagpag ang mga kamay ko habang umaahon. Hinarap ko siya.

"Kung gaganyanin mo lang ako, mas lalong hindi kita tuturuan. Ang kapal naman ng mukha mo. Ako na nga magtuturo, sisigawan mo pa ako! At tsaka mas matanda ako sa 'yo kaya ayus-ayusin mo iyang pananalita mo sa 'kin!"

Nagulat siya sa mahabang sinabi ko. Humakbang ako at kinulong siya ng matangkad kong anino. Kumurap-kurap siya saka nagyuko.

"Iyan kasi..." bumubulong-bulong si Dino.

"At kung gusto mo talagang maturuan ko, hindi ka na babalik sa grupo mo doon. Pili ka lang, babalik ka sa kanila o dito ka sa amin para turuan kita." Sandaling tumigil ako. "At dapat hindi mo na aawayin si Daisy."

"Oo na. Hindi na nga ako mang-aaway." Inadjust niya ang sarili at para bang hindi kumportable. "P-pahingi na lang ako ng tinapay."

Agad niyakap ni Daisy ang natirang tinapay niya. Bumaling ako kay Dino.

"Bigay mo na 'yang sa 'yo, Dino. Ikukuha ko kayo bukas. Pero ikaw." Gumaganti kong tinuro si Tim. "Ikaw ang kukuha nang sa 'yo. Tuturuan kita ngayon!" 

Na siyang hindi naman ako nahirapan. Maliban sa gusto talaga niyang matuto, sumusunod siya sa akin marahil ayaw ulit mapagalitan. Hindi na rin siya bumalik sa grupo niya kanina at kitang-kita namin ang inggit sa kanila nang magtagumpay si Tim pagkatapos nitong gawin ang mga itinuro ko.

"Subukan niyong magsumbong!" banta ko sa kanila nang may isang pagkakataong dinaanan namin.

Ngunit naisip ko lang na kung bawal ito, dapat kanina pa kami pinigilan nila Sebio o kung sinong mga tauhan kanina sa bodega. Kaya nakakapagtaka na paniwalang paniwala sila na bawal ang ginawa namin kung makakalikom pa rin naman kami ng limang daan o higit pa.

Kaya kung isusumbong nila kami, eh ano naman?

Saktong alas dose nang tanghali ay bumalik kami sa bodega. Nasa sampung bata yata kaming pumipila para iabot sa dalawa pa niyang tauhan ang mga nalikom namin.

Habang naghihintay, hindi ko mapigilang pagtakhan na wala rito ang de-bigoteng lalake na kumuha sa akin sa dalampasigan. Si Sebio lamang ang kilala ko habang ang dalawa pa niyang kasamahan ay wala naman noon sa bangka. Ang dami nga siguro nila sa grupo at hindi lang itong nakikita namin. Baka nga pinuno pa 'yung may bigote!

Nagtagal ang tingin nung lalake sa akin pagkatapos kong ibigay ang salapi. Hindi ko na napasukli iyon dahil naubos ang oras kakaturo kay Tim. Sa halip na alamin ang kahulugan ng tingin ay nagkunwari akong walang napansin at tinanggap ang mangkok na may lamang lugaw. Tanghalian namin iyon at kapalit na rin yata ng binigay naming limos.

Umikot ako at tumigil para iligid ang paningin sa bodega. Dito na nga kami matutulog nang wala man lang banig at kumot, dito pa kami kakain na walang mauupuan at mesa!

"Ang pangit talaga ng lasa ng lugaw nila. Pawis yata pinangsahog dito ang alat alat!" Dinig kong reklamo ni Dino habang papalapit ako.

Umupo ako sa tabi ni Daisy na siyang naglaan na ng espasyo sa akin. Si Tim sa kabilang tabi ko. Nakaupo kaming lahat sa sahig.

"Lagyan mo nalang ng water," si Daisy na inilingan ni Dino at nawalan ng ganang ibinagsak ang mangkok sa harap.

Kaunting tikim pa lang ng lugaw ay gusto ko nang idura pabalik sa mangkok. Kita kong gayon din si Tim na napilitan na lang lumunok at si Daisy na hindi na binawasan ang mangkok at may lungkot iyong tinitigan, nasasayangan. Alam kong hindi na kami dapat maging mapili sa pagkain pero sadyang hindi talaga kaaya-aya ang lasa ng luto nila!

Ano pa nga ba ang inaasahan ko? Magkasakit man kami sa pantog nitong kinakain namin, ibebenta na lang ulit nila kami, 'di ba? Kung susuwertehin ay baka ibalik sa pinanggalingan o... idispatsa!

Hindi ko na talaga kaya at binaba na ang mangkok. Kainis! Wala pang tubig. Sa putikan yata ako mapapainom nito.

Pinagtaka ko ang namamanghang titig sa akin ni Daisy. Lalong nalukot ang mukha ko.

"Ang ganda ganda mo pa rin Ate Zea. I like your eyes the very best." Lumawak ng ngiti niya sa akin.

Tinitigan ko siya. Cute siyang bata at masasabi kong maganda rin paglaki katulad ko. Natatabunan lang talaga ng ilang taong alikabok sa mukha at grasa sa buhok.

"Bago pa lang kasi ako nakaligo kaya hindi pa ako ganoon ka-maalikabok. Hayaan mo sa susunod na linggo, baka magkasing dumi na tayo."

Nanunubig ang mata niya. "Madumi ako?"

"Hindi mo naman kasalanan iyon, Daisy," sabat agad ni Dino. "Hindi sila nagbibigay ng panligo sa 'tin kaya kasalanan nila! Buti nga may ihian pa tayo diyan sa likod, e. O baka mas masahol pa tayo sa marumi."

"Hoy! Ang iingay niyo ubusin niyo na 'yan nang mapalitan niyo na ang nasa likod!" sita ng isa sa mga bantay na lalake.

Tahimik kaming yumuko ngunit hindi na ulit binawasan ang mangkok.

"Mangungupit na lang ulit ako mamaya. Sasama ako kay Liam"

Nilingon ko si Tim pagkabanggit niya kay Liam na siyang may alam na sa halos lahat. Oo nga, kakausapin ko pa iyon!

"Kahit kailan ba talaga hindi niyo naisip na tumakas? Siguradong may mga pulis na nagkakalat dito para mag ronda. Nagsumbong sana kayo," ganting bulong ko para ilayo sa pandinig ng nagbabantay sa amin.

"Hind ganoon kadali iyon. Marami na kaming nagtangka, binabalik lang din kami rito at mas masahol pa ang sinasapit dahil--"

"Pinipilayan. Binubulag..." ulit ko sa nalaman mula kay Dino.

Tumango si Tim. "Tsaka hindi naman naniniwala ang mga pulis sa 'min. Inaakala nila, ginogood time lang namin sila. Isa pa nagmamasid sila Sebio sa atin nang palihim kaya hahakbang pa lamang tayo papunta sa pulis, hawak na tayo sa leeg!"

Natahimik ako. Ipagpalagay ko na lang na nagmasid sila sa akin kanina. Hindi ako nanlimos sa halip ay nangupit. Kung bawal iyong ginawa ko, kanina pa sana ako pinilayan o kung anumang pagpaparusa pero wala.

O baka wala pa. Kaya ba ganoon kalagkit ang tingin sa akin nung lalake kanina? Baka pinag-iisipan na ng parusa sa akin para mamayang gabi!

Napalunok ako. Ang alat ng lugaw ay pumait sa aking lalamunan.

"Itanong mo pa kay Liam. Ayun sya."

Sinundan ko ang tinuturo ni Tim at nahinto sa lalakeng kumakain mag-isa.

"Mukhang masungit," sabi ko dahil parang bugnutin ang lilok ng mukha mula pa lang rito.

"Medyo suplado nga. Tipid magsalita depende rin kung sino ang kausap. Pero sa tagal na yata niya rito ay pinapalagpas na lang siya nina Sebio at siguro dahil nagawa na nila ang parusa sa kanya kaya malakas ang loob nilang hindi na siya uulit sa pagtakas at pagsusumbong."

Ayaw ko nang mag-aksaya ng panahon. Dinala ko ang mangkok sa pagtayo at  kunwaring sasaluhan si Liam sa pagkain.

Bahagya siyang natigilan nang tinabihan ko ngunit hindi rin naman humarap. At dahil nakayuko at hindi ako nililingon, gilid lang ng mukha niya ang natatanaw ko. Kitang-kita na agad sa anggulong ito ang tangos ng kanyang ilong.

Medyo namangha pa ako. Pinagtiisan niya ang lasa ng lugaw at may kutob akong may ibang lahi siya. Kung wala siguro ang pangingitim ng polusyon sa mukha, sa tingin ko makikita ang pagiging mestiso niya o bakas ng dugong banyaga. Pero puwedeng mali rin ako.

Tinantiya ko ang tangkad niya. Sa halip ay una kong nahagip ang grasa sa buhok at dikit dikit na mga hibla katulad ng iba. Pero halata na rin naman na mas matangkad siya sa akin kahit nakaupo.

"Ikaw si Liam?"

Mabagal siyang ngumunguya at para bang walang naririnig, hindi ako pinansin.

"May itatanong ako, Liam. Magkasing-edad lang yata tayo. Eleven ako. Ikaw rin?"

Ganoon pa rin ang trato niya sa akin. Akala ko hindi na siya magsasalita ngunit pagkatapos lumunok...

"Dose."

Sa mababa at mahinang boses na halos hindi ko marinig kung hindi ko lang binasa ang hinugis ng bibig niya.

"Ah, isang taon lang pala. Kita mo ba 'yung sign sa labas? 'Yung Nena's bakery--" 

"Hindi ako nagbabasa," agad na putol niya sa akin at sumubo ulit sa maalat na lugaw.

Kaliwang kamay niya ang ginamit sa paghawak ng kutsara sa pagsubo. Binakas ko agad ang isang kamay at nahagip ang kulang na daliri. Totoo nga. Apat lang ang daliri niya sa kanang kamay. Walang hinlalaki. 

Umawang ang bibig ko. "Hindi nga? D-dahil ba hindi ka marunong magbasa..."

Sa pagkakataong ito, binalingan na niya ako dala ang masamang tingin. "Anong kailangan mo?"

Dumoble ang lakas ng kutob kong may ibang dugo siya. Natatabunan man ng pinaghalong buga ng polusyon at grasa ang mukha, umaangat naman ang kakaibang hugis ng mga mata niya na medyo may kabilugan at ang tila naliligwak na itim na tinta sa loob nito. Ang lalim niyon ay kaya yatang humigop ng kaluluwa... sa murang edad lang.

Kumurap ako at hinila ang sariling isipin ang sadya.

"Gusto kong tumakas."

Para bang nahihibang na ako kung makatitig siya sa akin.

"Sige, kung gusto mong maputulan ng kamay..." Malalim siyang nag-isip. "O ipadala sa ibang lugar."

Pinasidahan niya ako. Pansin kong may awa na sa tingin niya at wala na siyang magagawa kung mangyari man ang kung ano sa akin.

"May pinapadala sa ibang lugar? E 'di mas mabuti iyon kaysa babuyin tayo rito."

"Pinapadala sa ibang lugar para magbenta ng laman," mas malamig niyang sinabi.

Natahimik ako. Lahat yata ng buto sa katawan ko ay humigpit kung 'di ko man mayakap ang sarili.

"H-hindi nila gagawin 'yon. Onse pa ako."

Sa huling subo niya sa lugaw ay padabog niyang binagsak ang kutsara sa mangkok at inis na pinunasan sa likod ng kamay ang bibig. Hindi ko siya nakitang ngumuya at diniretsong lunok lang ang pagkain.

"Ang huling babae na isang taong mas bata sa 'yo, pinaghubad sa harap ng mga banyaga sa computer. Ang iba pinapadala sa ibang bansa para maging tauhan sa mga transaksyon sa droga. Basta maganda ang mukha, ganoon ang pinapagawa."

Para na rin niyang sinabi na maganda ako. Pero hindi iyon ang punto!

Mas sumiksik ako sa kanya para bumulong. "Kung ganoon, mas lalong tatakas tayo! Ayaw kong matulad sa mga batang iyon! Ikaw, kung gusto mong paghubarin..."

"Ito, gusto mo?" Hinarap niya sa akin ang kamay niyang apat na lang ang daliri.

Matagal kong tinitigan ang pinutol na hinlalaki. Sa pag-iwas ko, nahagip ang nananantiyang tingin sa amin ng bantay. Humiwalay ako kay Liam at tiniis ang alat ng lugaw sa huling subo.

Hindi pa tumigil ang tanong ko noong pumunta kami sa likod ng warehouse para roon hugasan ang pinagkainan namin. Dito na rin yata niluto ang lugaw dahil sa malaking kawa, mga uling at kahoy at nagkalat na mga tirang balat at buto ng sahog.

"Bakit daw nila ginagawa 'to?"

Tinabihan ko ulit si Liam habang hinuhugasan ang mga mangkok sa malaking palanggana. Ako na rin ang nagprisintang maghugas sa pinagkainan nina Dino, Daisy at Tim para mahaba-haba ang usapan namin ni Liam. Hindi ko alam saan nila kinukuha ang tubig pero binigay lang yata sapat para hugasan ang kagamitan o tamang wisik lang sa mukha at paa. Wala man lang panligo.

"Para mas madaling kumita. Isang bata, kumikita ang mandurukot ng libo agad agad. May quota sila. Dalawang bata sa isang inggo."

"Sino ang nagbibigay ng pera sa kanila?"

Nagkibit siya. ""Di ko alam. Pero minsan may kausap sila sa opisina sa loob. Kung hindi humihithit, nag-uusap. Hindi ko kilala. Hindi pa rin namin nakikita."

Bumagal ang kilos ko. May opisina sa loob. At... humihithit sila?

"Ano pang alam mo sa mga pasikot-sikot dito? Yung taguan ng mga gamit nila o... may mga baril ba sila? O telepono. Mas madaling tumakas pag marami tayong alam kaya kailangan talaga namin ang mga nalalaman mo, Liam."

Nagbuntong hininga siya at tumigil.

"Karamihan sa mga nasasawi ay iyong mga may maraming alam. Kaya kung ako sa 'yo, hindi na ako magtatangka. Ayaw kong braso ko naman ang sunod na putulin nila!" giit niya't tagos buto ang inis.

"Mag-isa ka lang naman kasi noong nagtangka kang tumakas!" ganting giit ko. "Ngayon, sasabihin na natin ang plano sa ibang mga bata. Sino bang aayaw na makaalis dito kaya siyempre makikipagtulungan sila. Kung marami tayong makawala at sabay sabay na magsusumbong, mas paniniwalaan tayo. Utak lang 'yan, Liam!" Turo ko sa aking sentido.

"Wala ka ngang plano. Tanong ka lang ng tanong."

'Malamang magtatanong ako! Paano mabubuo ang plano kung wala tayong alam? Para kang nakikipaghamon ng suntukan nang putol naman ang kamao!"

Agad ang pagsisisi ko matapos sabihin iyon. Lalo na't bumagsak ang tingin niya sa kanyang kamay.

Napanguso ako. Ilang sandaling pinadaan ang katahimikan para bigyang pugay ang pagkakailang mula sa pagsisisi ko. Narinig ang sita ng isa sa mga bantay sa loob, nagpasya na akong tapusin ang paghuhugas at umahon.

Sinundan ko ng tingin ang isa sa mga batang lumabas dito sa likod at nakasunod sa kanya ang pagsisisigaw ng isa sa mga tagabantay. May kinakaladkad na itim at matabang supot laman ang pinagtapunan namin ng pagkain at sa kabila ay may dala siyang pulang galon. Pinanood ko ang pagtapon ng supot sa bundok ng mg basurahan at hindi nagtagal, nagliyab na ang bahaging iyon.

"Paano makakapasok sa opisina?"

Umahon na rin si Liam at tinutuyo ang kamay gamit ang harapan ng butas butas at malaking t-shirt.

"May isang silid pa pagkapasok mo. Hanggang doon lang ako sa unang silid, naghahatid ng pagkain tuwing tanghali at hapunan."

Hindi ako sigurado sa gagawin ko pero bahala na. Kaysa naman wala akong gagawin. At anuman ang mahanap ko sa opisina na makakatulong sa amin, e 'di mabuti.

Nagkasundo kami ni Liam na ako ang maghahatid ng pagkain sa mga ugok at mamamalimos siya sa gabi sa halip na sa madaling araw.

"Basta mag-ingat ka lang, " may nahihimigan akong banta sa sinabi niya noong paalis na. "Huwag kang magpadala sa sasabihin nila. Alam mo naman na siguro ang gagawin para depensahan ang sarili mo."

Dala ang tray, tinulak ko ang pinto gamit ang paa. Akala ko ay kukunutan ng noo ang pagpasok ko dahil sa iba ang naghatid sa halip na iyong batang nakasanayan nila. Lihim akong huminga nang malalim at ganoon din ang paglanghap ko sa paalala ni Liam sa akin lalung-lalo na sa tingin na pinupukol nilang tatlo.

"Hapunan," simpleng sinabi ko at isa-isa nang nilalapag ang mga pagkain.

Parang karayom na nanunusok sa aking mukha ang pakiramdam ko sa mga titig nila sa akin. Hindi man lang nagawang pawiin ang disgusto ko ng buga ng bentilador sa likod ng isa sa kanila. Gusto ko mang madaliin ang ginagawa dahil sa pandidiri, kailangan kong dahan-dahanin ang bawat kilos dahil sinasabay kong pinag-aaralan ang kabuuan ng paligid.

Maliit ang silid at tatlo lang silang pinagsasaluhan ang parihabang lamesa. Isang angat ko kay Sebio na tahimik at walang kurap na nakatitig sa akin, ningitian ko ng tipid at nilihis agad sa likod niya ang paningin. Madalian lang para hindi halata, ngunit sapat na maisiksik ko sa isip ang kabuuan ng silid. May drawer sa cabinet. Nakapatong na bentilador, iilang papeles at lumang computer.

Yumuko ako hudyat na mamamaalam na saka pumihit para sa pinto. Sinabay ko ang paghuli ng tingin sa isa pang pinto na siguradong para sa pangalawang silid na tinutukoy ni Liam.

"Sandali lang."

Tumigil ako. Kaharap ko ang isang pinto sa pangalawang silid. Napalunok ako,  pinapakiramdaman ano ang meron sa loob ng silid na iyon habang inuugoy ng rumaragasang alon ng kaba ko.

"Ikaw 'yung bago, 'di ba?"

Tumango ako.

"Sige, labas na. Ikaw ulit dito bukas."

Tahimik akong tumungo sa pinto. Bago ko pa maisara iyon, narinig ko ang makahulugang tawanan nilang walang niisang bahid ng kamusmusan.

Mabilis ang paglayo ko sa pintong iyon nang wala sa sarili. Inuugoy pa ng kaba, natulala ako. Hindi makapaniwalang kagagaling ko lang roon at gusto pa nilang bumalik ako bukas. Agad akong nilapitan nila Daisy, naghihintay ng ibabalita lalo na't nakita nila marahil ang pagpasok ko sa opisina.

Hindi ako nakatulog kinagabihan. Hindi naman madilim pero gugustuhin ko pang manatili sa dilim kung saan puwede akong makakilos nang panakaw. O di kaya'y kitain ang imahe nina Mama at Tim. Hinihele ko na lamang ang sarili sa ugong ng gabi. Bawat pagdaan ng mga sasakyan at ang malalayong boses na walang kamuwang-muwang sa kababalaghan sa loob ng inabandunang gusali.

Kumunot ang noo ko at napahiga nang tihaya. Sa tagal nang kalakalan dito, imposible naman yatang wala niisang nakatunog sa mga nagpapangyari sa bodegang 'to. Ang mga trabahador na nagtatapon ng basura sa likod o ang mga construction workers, hindi ba nakapansin? Kahit pa papasok ang daanan dito at halos nasa liblib, may isa naman sigurong tinamaan ng kuryosidad sa rami naming mga bata rito.

Inilapit ko agad kay Liam ang tanong ko kinabukasan.

"Simple lang. Wala silang pakialam," walang kabuhay-buhay na tugon niya.

Nakuha ko namang buong magdamag siyang namalimos at ngayon lang makakapagpahinga, pero napakawalang kuwenta naman ng sagot niya!

"O inakala nilang mga trabahante tayo. O mga palaboy-laboy..." Humina ang boses dahil papatulog na.

Pinagmamasdan ko ang likod ng malagkit at de-grasa niyang buhok. Patagilid siyang nakahiga at nakaharap ang likod niya sa aking nakaluhod.

"Pinakabata si Daisy. Sa pagkakaalam ng lahat, bawal magtrabaho ang ganoong edad lalo na kung walang dirihi ng magulang at sa sitwasyon ni Daisy, dinukot siya. Walang talaga niisang nagtaka na makakita ng ganoon kabatang trabahante rito?"

Sa marahas na pagpihit pa lang niya ay halatang nagambala ko siya.

"Sino bang gustong lumapit dito? Wala ka bang pang-amoy? Mabaho at mausok pa kaya malamang, walang gustong makialam!"

Hindi ako nabagabag sa tono niya. At kahit na muli niya akong tinalikuran para ipagpatuloy ang pagpapahinga, may naiwan sa isip ko mula sa sinabi niya.

Tama, mausok nga rito. Kung hindi buong magdamag, walang araw na hindi ko nakikita ang itim na usok sa labas. Kaya kung may usok.... may apoy. Saan nanggaling ang apoy? Paano sila nakapagsindi ng liyab?

"Mabaho nga at mausok. At wala talagang nakiusyoso rito para masulusyunan iyon?Siguro nga walang may pakialam. Pero hinding-hindi ako papayag na hindi makaalis dito!" huling sinabi ko saka siya iniwan at nagpatuloy sa normal na gawain namin sa kalye.

Bawat minuto ay hindi ako mapakali. Katulad ng malaking orasan sa lumang gusali sa gitna ng siyudad, tumatakbo ang isip kong bumabakas ng plano sa pagtakas. Madali  lang naman sana ito kung ako lang. Ngunit sa tuwing nakikita ko si Daisy, maliit at walang kamuwang-muwang, alam ko nang sa oras na lumuwas ako nang mag-isa, hindi ako mapapanatag na iniwan ko sila.

"Salamat po..."

Kahuhulog lang ng barya sa lata ni Dino. Tiningala ko ang mama na naglalakad palayo hanggang napabaling ulit ang tingin sa orasan. Ang tagal pa naming matapos. Nakahuthot ulit ako ng limang daan kaya nakaupo na lang ako ngayon, katatapos lang din dumakwit ng tinapay. Para malibang ay pinagtuunan ko ang malalaking billboard malapit sa nagtatangkarang gusali.

Tulala ako sa pananatili ng tingin ko sa nakalalasing na inumin. At ang pawisang bote ay pinalilibutan ng apoy, tulad ng mga nakikita ko sa mga patalastas sa TV na nilalagyan ng effects para bumenta.

"May nahakot ka ulit, Daisy?" tanong ni Dino nang makabalik si Daisy sa amin, nilalapag ang mga nabungkal sa basurahan.

Wala sa sarili kong pinulot ang itim na bandana. Ang gintong nakasulat roon ay dikitdikit ang mga letra kaya pinagtiisan kong basahin kahit wala akong maintindihan.

Flectere si nequeo superos, Acheronta movebo

'Ano 'yan? Nababasa mo, Ate Zea? Marunong kang magbasa?" tanong ni Dino.

Tumango ako.

"Buti ka pa. Andami nga namin dito na hindi marunong. Kahit si Liam na maraming alam, hindi rin marunong magbasa 'yun. Lalo na ikaw, Daisy."

"Magpapaturo ako. 'Di ba, Ate Zea, you will teach me?"

Napangiti ako nang dumikit siya sa akin na para bang hihigpit ang hawak niya kapag umiling ako.

"Turuan mo rin ako ng English."

Napanguso siya at mukhang nalilito pa sa sinabi ko.

Kinagabihan, nagtitirintas ako sa buhok ni Daisy nang pinatawag ako sa tanggapan. Nagkatinginan kami, kapwa nagtataka dahil kanina pa ako tapos sa paghatid ng hapunan sa kanila.

"Dito ka lang." Binalik ko ang bulaklakin na ipit sa buhok niya.

Ang daming posibilidad na naghahalo sa isip ko bago tinulak ang pinto. Parang nanlalanta ang tagabantay sa kanyang upuan at nang mag-angat ng tingin, mabigat ang pagkurap ng mga mata. Tinuro niya ang kanyang likod.

"Masahiin mo 'ko."

Lumunok ako at dahan-dahang tumungo sa kanyang likod. Pagkalapat ng kamay ko sa balikat niya at sinimulang masahiin, animo'y may naramdaman siyang ligaya kung makaungol! Nalasahan ko ang dugo sa bibig ko nang may gigil sa pandidiri kong kinagat ang loob ng aking pisngi!

"Ganito po?" Kunwaring inosente kong tanong habang mabagal na minamasahe ang balikat niya. Pero sa totoo lang, nagpipigil na ako't nanggigigil na!

"Hmm... ganyan nga," nalalasing nitong sabi.

Sa harap niya ay ubos na ang apat na bote ng alak na nakita ko lang sa billboard kanina.

"Alam mo... ang ganda ganda mong bata. Ilang taon ka na ulit?"

Huminga ako nang malalim at pinaikot ang mga mata. "Eleven po."

"Onse ka pa lang. Ang layo pa ng hihintayin pero siguro wala namang makakaalam, hindi ba?" Lasing itong tumawa.

Inalis ko ang isang kamay sa balikat niya at sa likod ng kanyang ulo, tinigasan ko ang pag-angat ng gitnang daliri ko.

"Putangina mo!" sinabi ko nang walang boses.

Tumikhim ako at sa pagkakataong ito, pinaamo ko ang mukha para mahulma ko rin ang paglalambing sa aking tinig.

"Hihintayin po saan?"

"Hmm... "Tumawa siya nang marahan, nalalasing at puno ng laswa. "Malalaman mo kung babalik ka bukas."

Habang nagsasalita siya ay nililibot ko na ang paningin sa buong silid. Naririndi ako sa puting ilaw pero sapat na rin para mahagilap ang dapat kong isiksik sa alaala. Ganoon pa rin ang ayos katulad kahapon maliban sa pagkakalat ng mga bote, upos ng sigarilyo, mga puti na parang pulbo at pahina ng mga dyaryo sa likod ko.

Umawang ang bibig ko sa nakitang katabi ng dyaryo.

"Bakit bukas pa? Kung gusto niyo po babalik ako rito mamaya?" sa pinalambing kong boses nang hindi inaalis ang paningin sa balisong.

"Talaga?" Kiniling niya ang ulo para lingunin ako. "Aba, edi mabuti pala. Hayaan mo, hindi ka magsisisi sa gagawin natin..."

Hindi ko na kayang itago ang pagkulo ng dugo ko. Sa mga tonong ganito, hindi ako kumportable at naiinis ako dahil gusto kong gawan ng paraan para tigilan na nila. Tahimik ang pagbilis ng aking hininga kahit na sa isip ko, binasag ko na ang isa sa mga bote ng alak para isaksak ang bubog sa leeg niya! Nang hindi kayang bumuo ng kamao sa nagmamasahe ko pang mga kamay, mariin kong kinagat ang mag labi at napangiwi sa alingawngaw ng paalala ni Mama sa akin tungkol sa pagbabawal na manakit ng kapwa.

Ngunit ngayon, ayaw ko ng manakit lang. Gusto kong pumatay!

"Anong oras po ba gusto niyong bumalik ako?"

"Kapag tulog na ang lahat..." Napawi ang mga salita niya hanggang sa bumagsak ang ulo sa sandalan ng silya, pikit mata.

"Ah, sige po. Babalik po ako..."

Unti-unti kong iginapang ang isang kamay sa balisong sa likod ko. Tagumpay kong naihulog iyon sa aking bulsa nang hindi inaalis ang paningin sa humihilik niyang pagmumukha.

Dinadama ko ang bigat ng balisong paglabas ko sa tanggapan pati na hanggang sa paghiga. Hirap pa rin akong makatulog. Dagsa ang isip mula kina Mama at Tim, kung ano na ang nangyayari sa amin. Hindi sa masama na iniisip ko sila, pero may kahaharapin akong panganib mamaya. Iyon na muna dapat ang atupagin ko. Kung ano ang magagawa ko sa oras na tumuntong ulit ako sa tanggapan.

Kalaunan ay unti-unting bumibigat ang mag talukap ko hanggang sa lumabo ang tanawin ng tinitigang kisame sa paghalik sa akin ng dilim.

Mabilis ang kalabog sa dibdib ko nang magising. Una kong hinagilap ang balisong sa bulsa. Kahit papaano'y tumahan ang kaba ko pero hindi na ako makatulog ulit. Anong oras na kaya? Babalik na ba ako sa tanggapan? Lasing naman yung tagabantay kanina kaya marahil walang maalala sa mga pinagsasabi sa akin.

Nanatili ang pagdama ko sa balisong nang sa paglingon ko sa aking tabi, sumuntok ang guwang sa kalamnan ko.

"Daisy?" bulong ko, kinapa ang aking tabi. Baka nanlalabo ang paningin ko dahil kagigising pa lang.

Napabalikwas ako pagkatapos makapa ang lamig ng sahig. Kabado kong dinulas ang paningin sa kabuuan ng bodega at sa purong katahimikan, masasabi kong mahimbing na ang lahat.

"Daisy!" mas mariin kong bulong.

Nilingon ko ang hanay ng mga bintana malapit sa kisame. Tanaw ang tatlong ilaw sa magkakaibang kreyn mula sa hindi kalayuang construction. Ang mga ilaw roon ang natatanging gabay ko para makita kahit papaano ang loob ng bodega lalo na sa tuwing pumapanaw ang umaga.

Lagpas hatinggabi na yata dahil himbing na himbing ang lahat. Sa pangatlong tawag ko kay Daisy, wala pa ring sagot.

Imposibleng nasa labas siya. Kinakandado ang buong bodega pagsapit ng alas diyez kaya wala sa amin ang nakakalabas. Hindi rin nakakapasok ang mga nanlilimos sa madaling araw hangga't bubuksan ang bodega ng alas singko.

Umatras ang tingin ko sa pinto ng tanggapan. May sandaling pagdaplis ng ilaw roon na nagmumula sa loob. Dala na ang kaba at sama ng tingin, lumapit ako.

Sa hindi malamang dahilan ay dahan-dahan ang bawat hakbang ko. May pag-iingat na wala akong maaapakang tulog na bata. Palapit na sa pinto, sinuot ko ang kamay sa aking bulsa, hinagilap ang balisong at hindi na pinakawalan.

Dinikit ko ang tenga sa pinto dahil sa narinig na mga kaluskos mula sa loob.

"Huwag po, ayaw ko--mmp!" Pagtatakip ng iyak ng pamilyar na boses. At sa kabila ng pagtakip ay dinig ko ang ungot. Sa pagpupumiglas na naririnig ko, siguradong may pamimilit din!

"Shh... Sige na. Sandali lang naman 'to. Hindi masakit, pramis...' agik-ik nung lalake. Ang tagabantay!

"No, I don't like you! Hahanapin na ako ni Ate Zea."

Daisy!

"Hindi... Hindi ka hahanapin ng Ate Zea mo. Alam mo ba na ikaw raw ang dalhin ko rito? At mas masaya 'yun! Maglalaro tayo. Kaya sige na, hubarin na natin 'to, ha?"

Pabilis nang pabilis ang paghinga ko habang nakikinig. Sa isang takas ng hikbi, sinampal ko ang kamay sa aking bibig, dilat ang mga mata. Parang masusunog ang mga mata ko sa nag-iinit na mga luhang may paligsahan sa pagbagsak.

Nag-aapoy na luha, nanlalamig ang mga kamay. Tinitigan ko ang pinto at tinatanaw sa isip ang nagpangyari sa loob sa gabay ng mga naririnig kong ungot at pagpupumiglas. Nagtiim bagang kong nilabas ang balisong sa nanginginig kong kamay na basa rin sa malamig na pawis.

Unti-unti kong binubuksan ang pinto. At sa ambag ng mahinang ilaw sa labas, sa galit ko'y luminaw ang imahe sa harap kong nakahiga si Daisy sa mesa at hinuhubaran ng pang-ibaba habang tinatabunan ang bibig.

"Huwag ka nang makulit. Bibigyan kita ng regalo pagkatapos nito..."

Sumigaw ako. Bago pa siya makalingon, inunahan ko na ng pagsaksak sa bandang likod. Umarko ang likod niya habang napapasigaw sa sakit. Nanindig ang balahibo ko sa malalim na sigaw na tumama sa tanang sulok ng bodega. Binubulag ng galit sa nakita at sa mga pinapagawa nila sa amin, sa halip na tigilan ko, hinila ko pa ang balisong para saksakin lang ulit siya sa hita!

"Tangina!!!"

"Takbo, Daisy!" ganting sigaw ko.

Mabilis siyang bumaba. Humihikbi pa rin. Pinauna ko siyang lumabas saka ako susunod. Hahakbang pa lang ako ay nahila ako sa pagsabunot sa buhok ko at tinulak pababa. Napaaray ako sa malakas na pagbagsak ng mga tuhod ko sa sahig.

"Sino kang tangina ka?!" Namimilipit sa sakit niyang sigaw.

Umaanghang na ang mga mata ko pero sinikap pa ring tignan ang susunod niyang gagawin, para malaman ko rin ang igaganti. Isang kamay ay nakasabunot pa sa akin at pinipirmi ako sa pagkakaluhod. Ang isa ay sinusubukang abutin ang ilaw malapit sa pintuan.

Pero buhok ko lang ang hawak niya. Kaya ko pa ring iikot ang ulo ko.

Pagbaling ko sa kanan ay bumungad sa akin ang malinaw na umbok sa pagitan ng mga hita niya. Muling umakyat ang hikbi sa lalamunan ko at mas matinding pagkulo n g dugo nang maalala ang nadatnan ko kanina.

"Sorry, Mama," hikbi ko at nilipat ang balisong sa kaliwa kong kamay para madaling isaksak sa ari ng lalake.

Parang sandaang halimaw na binalatan ng buhay kung makasigaw siya na sigurado akong nagpagising sa buong siyudad, daig pa ang tilaok ng manok. Sumabay ang sigaw ko sa galit na imbes hatakin ang balisong, inikot ko pa habang nakadiin pa rin sa maselang bahaging iyon ng lalake.

Natunaw sa iyak ang sigaw niya. Nagtatalo ang iyak at paghihingalo sa sakit sa puntong namamaos na. Nanghihina sa sakit ay nabitawan niya ang buhok ko. Sabay sa aking pag-ahon, doon ko pa tinanggal ang balisong at hinablot ang kanina pa kumakalansing sa gilid ng kanyang pantalon saka mabilis na tumakbo.

Nabalot ng sigaw ng mga bata ang buong bodega. Bumuntot sila sa likod ko at nag-ipon, sabayang nanghihimok sa aking bilisan ang pagbubukas ng kandado. Nanginginig ang mga kamay at basa sa halong pawis at dugo, naiiyak ako sa inis at bahagyang takot na maabutan kami!

"Hoy!"

May iyak sa tilian ng mga bata pagkatapos ng nakabibinging putok ng baril. Naigtad ako, parang sinisilaban ang buong katawan at ang paningin sa init ng pawis ngunit hindi tumitigil hanggang sa tuluyan kong natanggal ang kandado at kinalas ang pagkakabuhol ng kadena sa bakal na pinto.

Nagsigawan ang mga bata at may iilan na tumulong sa pagtulak ng dalawang higanteng pinto para magbukas. Ang pakawala ng bala ang pumigil sa iba pero hindi ako. Walang pagdadalawang isip akong tumakbo.

Sa nipis ng tsinelas ko ay damang-dama ang pagdiin ng bawat bato sa mga paa ko. Bawat paghinga, sumisibol ng malamig na usok mula sa bibig. Bawat hakbang palayo ay pinanatili ko ang bilis at diretso lamang ang tingin. Malinaw na sa isip ang gagawing pagsusumbong at positibong may maniniwala sa akin sa oras na makita ang talsik ng dugo sa damit at danak ng dugo sa mga kamay ko.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro