ONE
Sa tuwing maulan na gabi, inuusig ako ng dalawa sa hindi malilimutang kadiliman. Isa para sa aking ina, para sa akin naman ang pangalawa.
Nakakabingi ang mabigat na buhos ng ulan. Niyayanig kami ng bawat angil ng kulog. Kung normal na ulan lamang ito ay nagkakarinigan pa kami, kahit na ang mumunting tunog ay mahahagip. Ngayon ay hindi ko na matukoy kung nakarating na ba si Mama sa simpleng mga hakbang nito o sa pag-ingit man lang ng inaanay naming pinto. Natatabunan ang kadalasang ingay maliban lang sa walang humpay na iyak ng kapatid ko.
"Tim, tama na..." hindi pa rin siya tumatahan sa pang-ilang sita at reklamo ko.
Hindi iyon nakatulong dahil kahit ako ay ginagapangan na rin ng takot. Pero kailangan kong maging matapang sa harap niya. Kung hahayaan ko ang sariling magpadala sa pangambang nararamdaman, matatakot lang siya nang husto.
Panibagong kulog ang yumanig dahilan para masapawan pa niya ang ingay ng ulan. Pumalatak ako at mas lumapit upang tapikin siya sa hita at tahanin. Bumaling siya sa akin habang umiiyak. Sa natural na malaki at nangungusap nitong mga mata, para bang nagmamakaawa siya sa aking pagalitan ko ang ulan hanggang sa tumigil.
Tinitigan ko siya. "Ewan ko ba't pa kita binabantayan. Ang sama naman ng Papa mo sa 'min!"
Unti-unti siyang tumatahan, naiiwan ang mahihinang hikbi. Bumaba ang tingin ko sa pangangatal ng mga labi niya. Siguro doon talaga siya naiiyak, sa lamig.
Tinatanggal ko ang tumatakip sa aking kumot nang umagaw sa aking pansin ang pumapatak na tubig sa banig na hinihigaan namin. Sinundan ko ng tingin ang pinagmulan ng patak at natagpuan sa taas ang butas naming bubong. Inayos ko ang pagkakatakip ng kumot kay Tim bago siya pansamantalang iniwan para kumuha ng palanggana pansalo sa patak ng tubig ulan.
Mabilis kong nagawa iyon saka bumalik sa tabi ng kapatid, naging panulak ang panlalamig lalo na sa tumitinding unos at sipol ng hangin
Mag-aalas nuwebe na ng gabi at wala pa si Mama taliwas sa kadalasang uwi nito na alas sais. Buong araw siya ngayon marahil sa gilid ng kalsada kung hindi man sa talipapa o sa kahit saang nahahagip agad ng mga biyahero at iilang turistang napupunta rito sa bundok namin, nagtitinda ng mga tanim naming gulay.
Kung sabagay, talagang matatagalan siya. Pagkatapos akyatin ang bundok, tatahakin pa niya ang napakahabang daanang sinasakupan ng naglalakihang mga puno. Isang buong kagubatan ang maghahatid sa kanya pabalik rito sa amin. Sigurado akong puro putik ang paa niyon pagkarating at nakapayong man, sa lakas ng ulan ay mababasa pa rin.
At isa pa, madilim. Suwerte na lang talaga naming taga rito na pamilyar sa bahaging ito ng lupain na nakakauwi kahit pikit mata.
Pinagmasdan ko ang kumikidlap na kandila. Katabi nito ang sumasalong palanggana. Sumisilip sa amin ang dilim sa bawat patak ng tubig, tila ba ang pagbagsak na iyon ay nagdadala ng ihip na marahang binubugahan ang kandila dahilan para panghinaan ng alab. Napakurap-kurap ako, taimtim na hinihiling na hindi iyon mauupos.
Sinilip ko si Tim. HIndi na nga siya umiiyak pero halos tabunan na ang buong katawan sa lamig at takot habang nakatitig sa kandila, ramdam rin sigurong sa ilang segundo lang ay maaari kaming pagharian ng dilim.
Suminghap ako at umahon para maupo sa tabi niya.
"Tim, tignan mo." Tinapat ko ang mga kamay sa tanging liwanag na kinayang sakupin ng pag-iilaw ng kandila.
Hinugis ko sa mga kamay ang isang ibon na may pakpak: Hinarap sa akin ang mga palad at pinagkrus ang dalawang hinlalaki. Ginagalaw ko ang pinagdikit na mga daliri sa bawat kamay para maging pakpak.
Sa pader, sa loob ng bilugang liwanag, lumilipad ang anino ng ibon at ginagawan ko pa ng tunog. Kita ko ang mangha ni Tim na gusto nitong gayahin ang anino sa maliliit na kamay niya. Madalas na mababaw ang paghinga niya dahilo nga masakitin. Lumala ito ngayon dahil sa paghihirap na maggaya ang kamay ko kaya bago pa siya atakihin, tinulungan ko na. Dalawang anino na ang lumilipad sa aming pader, paikot-ikot sa liwanag at hindi lumalagpas sa bingit ng itim.
Nanatili sa taas ang anino niya, habang unti-unti akong bumababa hanggang sa naglaho noong tumama ang anino ng ibon ko sa hangganan ng liwanag at nakiisa sa dilim. Papaiyak si Tim nang nawala ako pero bago pa siya tumigil sa paglipad ay kinikiliti ko na siya sa tiyan.
Nanaig ang hagikhik niya. Medyo naibsan ang takot ko dahil hindi na siya natatakot. Nabalewala na namin ang ulan ngunit sa isang pagbagsak lang ng pinto—lumalakas na buhos ng unos at ang sumalakay na lamig sa loob ng bahay—naglaho ang lahat.
"Buong araw ka sa pagtitinda at ang sasabihin mo sa 'kin, wala kang kinikita? Napakalaking sinungaling mo talaga!"
Nahigit ko ang hininga sa sigaw ni Tito Martin. Lasing na naman.
"Kung mayroon man akong kinikita ay hindi ko rin maibibigay sa 'yo, Martin. Para iyon sa mga bata. Ikaw, may kinikita ka naman sa pamamasada mo. Bakit hindi iyon ang gamitin mo sa halip na ubusin lang sa sugal at alak—"
Bahagya akong natulala sa pagkapit ng takot, pinipilit na sa pagkakataong ito, sa ulan lamang ako makikinig. At sa mga oras na ito, hindi na nakakatakot para sa akin ang kulog dahil sa hiling ko pang tumindi para mabaon ng lakas nito ang sigawan.
Pero ang hirap lalo na at dinig ko ang sigaw ni Mama bago ang bagsakan ng kakarampot na gamit namin sa kusina.
"Huwag na huwag mo akong susubukan, Eugenia!" panibagong kalabog ang nahagip ng pandinig ko sa gitna ng patuloy na pag-ulan.
"Matulog ka na, Tim. Huwag kang makikinig sa kanila," sabi ko sa kapatid.
Inayos ko ang mga unan sa kanya, dinidikit ang dalawa sa magkabila niyang tenga saka ako umahon para silipin ang nangyayari. Hindi naman lumiliban ang away sa bahay sa tuwing lasing si Tito Martin, pero ngayong gabi yata ang pinakamalala.
Hindi ko narinig na sumagot si Mama. Nang makalapit na sa pader na nagbabahagi ng aming silid at sa pinag-isang kusina at salas, sumilip ako. Nahuli kong papaahon na siya mula sa pagkakasubsob sa lamesa habang si Tito Martin ay nakatalikod sa kanya, nagsasalin ng tubig mula sa pitchel.
Namilog ang mga mata ko, agad nakuha ang ginawa sa kanya dahil na rin sa tinatakpan nitong kanang pisngi. Nag-angat ng tingin si Mama at nahuli ang mga mata ko. Mabilis niyang ibinaba ang kamay sa mukha at inilag ang paningin.
Sa mga nagdaang segundong natatanto ko ang nangyari, dumaloy sa akin ang pananamlay. Ngunit sa panlalambot ng mga tuhod ko, ang ngumangawang guwang sa aking kalamnan at ang mainit na haplos ng panghihina ay hindi dinamay ang nag-aapoy na galit noong dumapo ang tingin ko kay Tito Martin. Patuloy itong pinagsasalitaan si Mama habang nagsasalin para sa pangalawang inom. Hindi ko mapigilan ang sariling mag-isip ng masama at hiniling na mabulunan siya.
"Ang kapatid mo, Eda?" Si Mama nang makalapit. Nilagpasan niya ako at tuloy tuloy na pumasok sa kuwarto, nagmamadali.
"Tulog na po..."
Kinuha niya sa Tim mula sa hinihigaang banig kasama na ang nakabalot nitong kumot.
"Doon muna kayo kay Manang Adring. Pupuntahan ko kayo roon. Hihintayin ko lang munang tumahan ang Tito Martin mo."
Umiling ako, tinatanaw na ang mangyayari sa dulo ng gabi habang inaabot niya sa akin ang kapatid kong walang muwang sa nangyayari.
"Paano po kayo?" kabado kong tanong, halos hindi mapansin ang inabot niyang bag laman ang iilang gamit ni Tim sapat para sa buong gabi.
"Kung sasama ako ay susugod lang din iyan doon."
Kumunot ang noo ko. Hindi naman siguro. Malakas ang ulan at lasing siya kaya imposibleng makalahati man lang nito ang kagubatan.
Pero kung makikipagtalo pa ako kay Mama ay wala ring mangyayari. Wala nang sapat na oras para igiit ko sa kanya ang sa tingin kong tama. Kaya bago pa kami matunugan, susunod na lang ako. Sa napapansin ko, kadalasan sa mga naliligtas ay iyong mga tumatakbo, lumalayo, lalo na kung wala nang ibang pagpipilian, kaya iyon ang gagawin ko. Ito lamang ang alam kong huwasto, sa ngayon.
"Yung tubo, Mama, gamitin mo. Ihampas mo sa kanya!" pahabol ko habang inaayos si Tim sa bisig ko at ang bag ng mga gamit niya sa kanang balikat.
"Ano ka ba! Hindi man naging mabuti ang Tito Martin mo ay hindi ka dapat nag-iisip nang ganyan, Eda, kahit sa ibang tao!"
"Para lang naman mawalan ng malay..." ngumuso ako, tinatakip nang mabuti ang kumot sa ulo ni Tim na magtatabon sa kanya sa ilalim ng ulan.
"Hindi kita pinalaki para manakit."
"Kahit tayo na po ang sinasaktan?"
Nagbuntong hininga siya. "Sige na, umalis na kayo. Basta at kung wala pa ako ng mga alas onse, bukas na kayo umuwi."
Binabaybay ang maulan na gubat, nagpaiwan ang isipan ko sa mga sinabi ni Mama, naguguluhan. Dapat ba hayaan na lang niya ang mga nananakit sa kanya? Ganoon ba iyon, Mama? Sapat ba ang salita at ang sabihing tama na para tuluyan na silang tumigil? Kung lalaban ako at angkop din naman sa akin ang kinalalabasan, maitatawag pa rin ba itong masama kung pinalaya rin naman ako nito sa mga nananakit sa akin? Hindi ba sapat na dahilan ang ipagtanggol ang sarili?
Dahil dito ay lalong bumilis ang mga hakbang ko, iniinda ang basa at humahapdi kong mga paa sa mahahabang damo na kumukurot sa balat at ang kumakapal na putik. Sa diklap ng kidlat bago ang ugong ng kulog, nasinagan nito ang maliit na kubo ni Manang Adring sa hindi kalayuan. Ang malamang papalapit na kami ay dumagdag sa bilis ko hanggang sa natagpuan ang sariling tumatakbo.
"Malapit na tayo, Tim. Kapit ka."
Hinigpitan niya ang pagpalibot ng mga kamay sa leeg ko. Ganoon din ang paghigpit ng hawak ko sa payong habang sa kabilang braso ay tinitiis ang kanyang bigat. Nabibingi man sa ulan, ipinagtaka kong tahimik si Tim ngayon. Parang umaalingawngaw naman ang mabilis na paghinga ko na siyang umaanod din sa mababang kalabog sa aking dibdib.
Basang-basa ako dahil maliban sa walang dagdag takip ang katawan, palihis din ang bagsak ng ulan. Nanunuyo ang aking lalamunan noong sumasaklolo na sa maliit na barung-baro.
Nagbukas ang pinto nang hindi pa ako nakatatlong katok. Umukit ang himagsikan sa may katandaan na ring mukha ni Manang Adring pagkadapo ng paningin kay Tim na balot na balot sa bahagyang basang kumot.
"Nako, bilisan mo rito at basang basa na iyang kapatid mo!" tarantang hila niya sa amin.
Nilakihan niya ang siwang ng pinto at sa pagpasok namin, mabilis niya ring isinara sa ragasa ng malamig na hangin at wisik ng ulan. Sa dalas ng away sa bahay, hindi na bago kay Manang ang pananatili namin dito. Kinuha niya sa Tim na muling humikbi kaya inaalo niya at sinasayaw.
"Nang-aaway na naman ang Papa mo noh, Timoteo..." alo ni Manang Adring. "Hmp! Sarap talagang ipanakaw iyon sa mga engkanto— O, saan ka pupunta?" anito nang mapansin ang pagpihit ko palabas.
"Babalikan ko po si Mama." Hawak ko na ang gilid ng pinto ngunit sa panimula ng sermon niya ay mapipigilan yata ang pag-alis ko.
"Anong babalikan? Nako, Eda. Ano bang sinabi ng Mama mo? Balikan mo raw siya roon?"
Umiling ako. "Pupunta raw po siya rito—"
"O, ganoon naman pala. Delikado na ngayon na bumaybay ka ulit sa dilim at maulan pa! Susunod din iyong Mama mo kapag tatahan na ang ulan."
May bahagi sa akin na hindi napapakali. Tila may gustong kumawala sa loob ko at mananatili itong gising kapag hindi napagbigyan. Muhi, o poot? Hindi ko alam. Basta ang alaala ng galit sa mukha ni Tito Martin ay naging ningas ng hamon ko sa sariling balikan si Mama.
"Lasing po si Tito Martin."
Umismid siya. "Kailan pa ba hindi lasing iyang ama-amahan mo? Kung nakinig lang sa akin si Eugenia at magpakalayo-layo kayo rito o 'di kaya'y doon kayo sa pinsan ko sa siyudad, hindi sana kayo magtitiis sa walang kuwentang sugarol na iyan! At makakapag aral ka pa nang mabuti, hindi tulad dito na ikaw pa ang nagbubungkal ng pangkabuhayan ninyo."
Tahimik kong tinanggap ang mga sermon. Lagi ko nga siyang naririnig na pinagsasabihan si Mama sa tuwing napupunta siya sa amin. Minsan, nagpapanggap ako na walang naririnig.
"Wala namang masama na tumulong ka sa Mama mo," dagdag ni Manang. "Pero ang bata mo pa para sa maagang paghahanap-buhay. Sa totoo niyan, kung hindi lang talaga kayo ganoon na nangangailangan, aba'y hindi kita irereto sa perya para lang gawin nilang isda! Pero sayang rin ang pagkakataon na habang nilalapag sa atin, dapat lang na sunggaban. Pero iyon nga, bata ka pa. Dapat nakikipaglaro ka sa mga ka edad mo at nag-aaral!"
Pinigilan kong tumili sa nagngangalit na kulog na yumanig sa buong paligid matapos ang nakakabulag na kidlat. Kailangan ko na talagang bumalik!
"Alis na po ako, Manang. Babalikan namin dito ni Mama si Tim," nanginginig kong paalam at tinalikuran sila.
"Eda—"
Sumulong ako sa ilalim ng panandaliang sinag sapat para bigyang linaw ang bakas ng daan tungong kagubatan. Mabilis itong sinundan ng mas marahas na dagundong sabay sa iyak ni Tim na siyang humahabol sa pandinig ko habang unti-unting nililisan ang barung-baro. Pinigilan kong isipin ang lamig sa kabila ng panginginig, hindi binigyang pansin ang nanunusok na mga patak ng ulan na tila mga tinik sa aking pisngi.
Panay ang hawi ko sa basang mukha at naramdaman ang nanghahapding paningin, dinaplisan ng alaala ng pag-iwan ko sa payong na panghina lamang sa mga hakbang ko dahil tatampalin lang din naman iyon ng unos.
Ayaw magpalamon sa pagod, mariin kong tinatak sa isip ang mukha ni Tito Martin dahilan para itulak ang bilis ng aking pagtakbo. Wala itong kinikilalang hina kahit hanggang sa pag-abot ko sa hamba ng aming barung-baro.
Natuldukan hindi lang ang aking pagtakbo. Hinihingal pa ay nahigit ko ang hininga sa gulat nang madatnan ang ginagawa kay Mama.
Nakahiga ang kalahating bahagi ng katawan niya sa mesa. Mga braso ay pilit inaabot ng kalmot at sampal si Tito Martin na ang malalaking kamay ay humihigpit sa leeg ng ina ko. Namumula sa gigil ang mukha nito na hindi na gawa ng alak habang kay Mama ay dahil sa kinikitil na paghinga. Ang impit na iyak ay hudyat ng pagsaklolo ngunit sa mariing pananakal ay imposibleng aabutin ang kanino mang pandinig.
Umaakyat ang sigaw sa aking lalamunan, pero ang loob at isip ko ay walang ibang dinidikta kundi ang pagkuha sa bakal na tubo sa ibabang gilid ng bintana ng silid ko. Sa sitwasyon namin ngayon, hindi magiging sapat ang sigaw lang!
Mabilis ang paghinga ko, limot na ang lamig at basang katawan. Hinawakan kong mabuti ang tubo at sa malalapad na hakbang ay walang pagdadalawang isip na sumugod at hinampas siya sa ulo. Dumaing sa sakit si Tito Martin, mabilis akong binalingan sa nanggagalaiti nang anyo. Lumala pa iyon nang matanto ang pananakit ko sa kanya kaya bago pa ako simulang gantihan, inunahan ko siya ng muling pagtama sa ulo at hindi ko na iyon tinigilan.
Bumalot ang mga ungol niya sa galit, pero iyon lang ang tanging magagawa niya dahil sa labis na kalasingan. Masyado na siyang lupaypay para ilagan ang bawat pagtama ko. Sa ulo, sa likod, braso at sa kanyang kalamnan. Sumisigaw na rin si Mama. Ako na inaalipin na ng poot at ilang taong pagkimkim ng galit ay walang balak tumigil hanggang sa nakikita ko pa siyang gumagalaw at may kakayahan pang tumayo para manakit.
"Eda! Tama na, anak! !"
Dahil hindi ako napigilan sa sigaw ay dinaan na ni Mama sa yakap sa aking baywang at hinigit ako palayo. Nakawala siya sa ilalim ng katawan ni Tito Martin na ngayo'y tinutukod ang mga braso sa mesa, nanghihina. Umaatras kami nang bumagsak siya, lupasay sa sahig. Naigtad ang katawan niya sa pagsabog ng kulog. Napasinghap kami sa inaakalang muli niyang pagbangon. Hawak ko pa ang tubo at hinaharang ko sa harapan kung sakaling gumalaw siya o kahit na dumaing man lang.
Pero sa tagal naming pagmamasid at natantong wala na siyang malay, unti-unting huminahon ang aming kaba. Dumapo ang tingin ko sa aking kamay na hinawakan ni Mama at mahinang ibinaba kasama ang hawak kong tubo.
"Huwag mo nang gawin iyon sa susunod. Palalagpasin ko ito ngayon dahil naagrabyado tayo. Pero kahit anong mangyari, hinding-hindi mo dudungisan ang mga kamay sa karahasan. Naiintindihan mo?" mariing bilin niya sa akin.
Kumunot ang noo ko at tiningala siya. Nanatili ang tulis ng tingin ni Mama sa wala nang malay na si Tito Martin. Dumapo ang paningin ko sa pamumula ng kanyang kanang pisngi, tapos ay bumaba sa leeg niyang bakas pa ang kamay na humihigpit doon kanina.
"Paano kung ako iyong mamatay dahil hindi ako lumaban?"
Natigilan si Mama. Namungay sa panghahapo ang mga mata at nag-iwas ng tingin. Sa halip na sagutin ang kanina pang nagmumulto sa aking tanong ay idinaan niya sa mahigpit na yakap na para bang ito lang muna ang alam niyang gawin pagkatapos ng nangyari.
Kinabukasan, maaga kaming umalis para kunin si Tim kina Manang Adring at dumiretso na sa paglalako ng mga gulay. Himbing pa si Tito Martin na hinayaan lang namin sa binagsakan niya kagabi. Ngayon pa lang ay pinaplano ko na ang mga gagawin sa oras na makaalala siya habang taimtim kong hinihiling na sana makalimot siya.
Bitbit ko ang mga paninda habang karga ni Mama si Tim. Sinipon ako dahil sa naulanan kagabi kaya hindi muna ako makakalapit sa kapatid ko. Huminto kami sa madalas naming puwesto sa labas ng simbahan. Dahil Linggo, tiyak na dagsa ang mga humihingi ng tawad.
"Tim, pag ang Papa mo pumasok diyan, tiyak na abo na siya paglabas niya."
Kumurap ang malalaking mata ni Tim na titig sa akin, nakausli ang mga labi.
"Eda," sita ni Mama at umiling. Humagikhik ako.
Tumunog ang kampana tanda ng pagsisimula ng misa. Tumayo si Mama, nakikisali rin. Gumaya ako ngunit hindi na sa simbahan nakatuon ang buong pansin.
"Mama, punta ako roon," turo ko sa hanay ng panindang laruan. Umalis ako pagkatapos ng seryoso at tahimik niyang pagtango. Sinipat lang ako dahil sa misa siya mas nakikinig.
Alam ko naman na wala akong pambili. Gusto ko lang tumingin dahil naaaliw ako sa mga bagong disenyo ng mga laruan na angkop sa nalalapit na Pasko. Isa pa, wala rin naman akong magawa sa puwesto namin dahil hindi pa tapos ang misa.
"Magkano po ito, Ate?" Tinuro ko ang manikang humuli sa atensyon ko. May Christmas hat at nakasuot na pula at sexyng damit.
"Bakit may pambili ka?"
Ngumuso ako. "Nagtatanong lang, e."
Hindi ako nagtagal at lumipat na sa kabilang paninda. Nawawalan na ng gana at wala sa sariling pinapasidahan ang mga hindi ko rin naman mabibili.
Hindi kailanman ako nilubayan ng nagmumultong tanong; Kailan kaya kami yayaman? Ngayon pa lang ay naglalaro na sa isip ko na binibiyayaan kami ng maraming salapi at nabibili ko lahat nang gusto ko. Siyempre, iyan ay pagkatapos naming magpatayo ng malaking bahay habang nakakapag-aral na ako at wala na ring sakit si Tim! Ito lang naman ang iilan sa imahinasyon ko sa tuwing pinapaalahanan ako sa estado namin kung saan hanggang tingin na lamang ako sa mga bagay na gusto ko dahil ang tanging libre sa aming mundo ay ang mangarap.
Malaki-laki ang kita ni Mama sa araw na iyon. Totoo ngang dagsa ang mga tao at dumadayo pa ang iilang turista dahil sa napapabalitang milagro ng simbahan. Medyo natagalan nga ang uwi namin dahil pumila pa si Mama para mahawakan ang estatwa ng poon na umano'y lumuha ng dugo!
Pero bakit kailangan pa mahawakan ang nagmimilagro? Humihiling din kaya sila? Sa dami ng humawak, kaninong hiling kaya ang tutuparin? O kaninong dasal ang didinggin? Ang dami naman naming nagpapakabait pero bakit naghihirap pa rin?
"Eda!"
Nilingon ko ang sabayang sambit nila Sergio at ang mga kaibigan nitong lalake. Papaakyat kami sa bundok na magtutulak sa amin sa gubat nang mamataan nila kami. Tumigil ako habang nagpatuloy si Mama karga si Tim.
"Eda, sali ka sa 'min!" aya ni Sergio habang papalapit.
Nakalayo na sila Mama. Saglit siyang lumingon subalit nagpatuloy pa rin sa bundok. Sa tingin ko ay hindi naman talaga ako pinagbabawalan. Ako lang ang tumatanggi sa mga anyaya dahil nakukuntento nang kalaro ang kapatid ko habang binabantayan siya. Wala namang kaso iyon, naaaliw na ring inaasar ko ang kapatid na hindi naman naiintindihan ang ibang sinasabi ko lalo na kapag kinakausap ko siya tungkol sa Papa niya.
Nasa harapan ko na si Sergio, ngiting-ngiting inaabangan ang hatol ko. Hindi ko na mamataan si Mama at wala rin akong narinig na tinatawag niya ako kaya ayos lang sigurong dito muna ako. Pero siyempre, hindi maaaring walang kapalit ito. Sayang din kasi ang pagkakataon na kahit hindi man ako naghahanap-buhay, kikita rin ako sa ibang bagay!
"Anong nilalaro niyo?" tanong ko, tinatanaw sa likod niya ang iniwang laro. May isa roong sinisipa ang puting bola. Pansin ko ring halos mga lalake ang naroon at dalawang babae na ka-edaran ko lang din.
"Dali! Sali ka sa 'min para mas masaya!"
Hindi yata narinig ni Sergio ang tanong ko dahil agad nagpatiuna pabalik. Pamilyar sa akin ang halos lahat sa kalaro niya dahil pinapanood ng mga ito ang pagtatanghal ko kasama ang ibang bata.
Hindi sila sabay bumati nang makalapit na ako sa kanila. Bihira lang akong mamansin pero lagi pa rin nila akong inaanyahang makipaglaro. Sa dami ng pagkakataon na iyon, ngayon ko lang yata sila pinaunlakan. Ang tanging mga araw na pinagbibigyan ko sila ay sa tuwing sinasama nila akong mangaroling.
Ang gusto ko lang naman kasi ay ang kumita. Masaya na ako roon, kaya ngayong makakapaglaro ako sa kanila sa unang pagkakataon, hindi maaaring uuwi akong luhaan. Para sa akin, aksaya sa oras ang isang gawain kung wala rin naman akong makakamit!
"Sige, sasali ako sa inyo. Sa isang kondisyon," deklara ko.
Natahimik sila maliban sa bolang tumatalbog talbog pagkatapos sipain. Kay Sergio ako bumaling na sa tingin ko ang unang papayag.
"Kahit anong kondisyon pa iyan, Eda. Hindi mo pagsisisihan pag sumali ka sa 'min. Masaya 'to!"
Tumango ako. "Ano nga muna ang nilalaro niyo?"
Tinuro niya ang bola. "Si Makmak ang taya ngayon. Ihahagis niya ang bola at kung sino man ang matamaan, siya na ang taya. Kapag naging taya ka at naka three strikes na wala kang matamaan, labas ka na sa laro."
Tinanaw ko sa isip ang paliwanag niya. Puro takbuhan kung ganoon? Ang sisiw lang pala. Magaling ako diyan!
"Paano kung hindi ka pa natatamaan?" Dagdag tanong ko.
"E 'di ikaw champion."
"Anong premyo?"
Nagkatinginan sila. Nakita ko ang isa o dalawa sa kanila na nagkibit balikat at tumawa.
"Ano nga pala ang kondisyon mo?"
Kumurap ako at nanumbalik kay Sergio. Ngumiti ako. Natulala siya.
"Kapag nanalo ako, bawat isa sa inyo na sumali ay magbibigay sa akin ng limang piso."
Nagpalakasan sila ng reklamo. May nagdabog pa dahil wala raw siya kahit barya at may umangal na baka pagalitan ng kanyang ina. Inasahan ko na ang ganitong reaksyon kaya may hinanda na agad akong pangungumbinse.
"Ang pangit naman kasi! Paano kayo gaganahang manalo kung wala namang premyo? Tsaka para rin naman to sa mananalo, hindi lang sa akin!"
"Oo nga naman, tama rin si Eda. Ang pangit ng laro kung walang prize," sabat ng batang babaeng mukhang ka-edad ko.
"Paano kung matalo ka?" tanong nung Makmak.
Dahan-dahan kong nilingon si Sergio. Umangat ang isang sulok ng labi ko. "Magpapaligaw ako sa 'yo kapag sixteen na ako."
Suminghap si Sergio at agad nagdeklara sa mga kasama. "Isali na natin si Eda!"
"Iyon lang naman pala, e!" tawanan ng mga kaibigan niya.
Napangiti ako at nakiisa na sa grupo.
Nilipad ang iilang hibla ng buhok ko sa mabining pag-ihip. Dinig ang huni ng mga uwak, tumingala ako pero wala nang naabutan kundi ang mabagal na paggapang ng mga ulap alinsunod sa pag-anod ng hangin. Nanliliit ang mga mata ko sa kulimlim na sa kabutihang palad ay hindi naman kumakapal kaya hindi pa siguro kami aabutan ng ulan.
Sa panunumbalik ng tingin ko sa harap, nahagip ko ang iilang matandang nanonood sa amin. Pamilyar ang iba na magulang ng mga kalaro ko. Kanina pa yata sila nandito at mukhang seryoso ang pinag-uusapan kasama ang isang lalake na sa palagay ko'y sa akin nakatingin.
Tantiya ko ay mas bata siya ng ilang taon kay Mama. Kapansin pansin din ang angat niya sa mga kasamang matanda dahil sa pananamit nito. Pormal, malinis at mukha ring mabango. Bibili yata ng lupa pero wala sa kausap niya ang buo nitong atensyon.
Kailanman ay hindi ko pa siya nakikita sa kung saan, ngayon pa lang. Kaya nakapagtataka ang paraan ng titig niya na tila ba dapat namumukhaan ko na siya. Nangingilatis pa ang nanliit kong mga mata nang bigla siyang kumaway.
Lumalim ang salubong ng kilay ko sabay baling sa likod, umaasang nandoon ang kinakawayan niya. Ngunit walang ibang naroon kundi ang mga kalaro ko at walang niisa sa kanila ang nakatingin sa matandang lalake. Sa panunumbalik ng paningin ko sa kanya, kakababa pa lang ng kamay nito sabay na ngumiti.
Lumingon ulit ako sa likuran, nagtatawanan ang mga lalakeng kalaro ko at sa bawat gilid ko naman ay ang mga babaeng ka-edad ko. May kanya-kanya silang kausap at wala pa ring niisa ang nakaharap sa mama. Buhos ng kaba ay halos umanod sa akin nang matantong wala nang ibang tao sa harap dahil ako ang nasa pinaka-unahan.
Ang kagabing kulog ay nanumbalik sa aking dibdib, nangingimbal, at isang baling ko pa muli roon, natitiyak ang pagsabog ko.
Mabuti na lang at nagsimula na ang laro. Naalis din naman iyon sa isip ko nang maaliw na sa panay takbo. Magaling din itong si Makmak, nakatama agad sa unang hagis pa lang ng bola. Ilang oras din ang itinagal namin na umabot pa sa sitwasyong kaming dalawa na lang ang natira. Mas sumaya pa dahil sa mga sigaw nila nang muntik na akong matamaan. Napatili ako sa muntikang pagkatalo at mabilis umilag. Sa pangalawang hagis ng bola ay tumama na ito kay Makmak.
Unang lumapit sa akin iyong dalawang babae at sinabayan akong magtatatalon. Pero agad ding huminto nang maalalang magbibigay pala sila sa akin ng limang piso.
"Ang daya naman, Eda!" naiiyak na protesta ni Sergio.
Nagtawanan ang mga kaibigan niya habang nagbibilang ng barya. "Nasasabi mo lang iyan dahil natalo ka!"
"Kaya nga. O, sa'n na singko?" Nilahad ko ang kamay ko.
Nagbigay naman halos lahat ng sumali. Umuwi iyong iba para manghingi ng pera. Halos mapakagat labi ako sa mga nilalapag na barya sa aking palad. Biglang lumitaw sa isip ko ang manika na pinagkainteresan kanina sa simbahan. Pero nang maalala ang sitwasyon namin, mabilis kong pinunit ang nanghahalinang imahe.
"Nubayan. Ang daya talaga!"
Inakbayan si Sergio ng isa sa mga alipores niya. "Magpapaligaw pa rin naman si Eda, 'Gio! Hindi ka nga lang sasagutin!"
Mas nagtawanan pa sila.
"Walang daya, Sergio," dagdag ko. "Panalo talaga ako. Ikaw ang magiging madaya kapag hindi ka tutupad sa usapan."
Sa huli ay tumupad naman siya. Hindi na ako sumali sa pangalawang laro. Baka matalo pa ako kaya nanood na lang sa kanila habang pinaplano na ang sasabihin kay Mama sakaling usisain ang pinanggalingan ng mga baryang nalikom ko.
Pero kahit sa pagtatapos ng pangalawang laro ay napapansin ko pa rin iyong mama. Wala na ang mga kausap nitong matatanda kanina. Mag-isa siyang nakatayo sa puwesto nito noong nahagip ko. Ganoon pa rin, nakamasid sa akin.
Nanuyo ang lalamunan ko. Balak ko pa naman sanang umuwi para sa tanghalian pero nagbago ang isip ko. Mag-isa lang akong tatahakin ang daan at sa gitna pa ng kagubatan. Isipin ko pa lang na susundan niya ako ay nangilabot na ako.
Sa halip na umuwi, sumama ako sa kanila papunta sa basketball court. Katabi lang iyon ng simbahan at ng health center. Narinig namin na may namimigay raw ng donasyon at maagang pamasko roon at dahil ayaw ko ring palagpasin, mas binigyan lang ako ng dahilan na ipagpaliban ang maagang pag-uwi.
Parang dumiretso ang mga nagsimba kanina dito sa court dahil sa haba ng pila. Pinagmasdan ko ang mga umaalis nang taong nakatanggap ng donasyon, may kanya-kanyang dalang supot laman ang mga de late at bigas. May matatanggap din palang basket na punong-puno ng pang-noche buena! Napabalis tuloy ang hakbang ko at halos humabol kina Sergio na nauna sa akin pero pinigilan ako ng nakakairitang sitsit.
Papalapit si Tito Martin. Ang malalaking hakbang niya ay nagtulak sa aking ibaon ang kamay sa bulsa para mas itago pang mabuti ang mga barya. Bumaba ang may panlilisik na tingin niya roon.
"Ano iyang tinatago-tago mo diyan? Pera ba iyan?" Tinuro niya ang bulsa ko.
Umatras ako kahit hindi niya naman ako sinusugod. Pansin ko na ngumunguya siya at may mumo pa ng tinapay sa bibig. Sinulyapan ko ang nilisan niyang bakery kanina at natanaw sa tapat ang nakaparada naming motor.
"Hindi po." Mas umatras ako nang sinilong ng anino niya sa tapat ko.
"O, akala ko ba sumama ka sa Mama mo? Sa'n na ang kita niya?"
Ba't ba ako ang hinahanapan? Hindi naman ako nagtitinda, a? Siya kaya, nasaan na ang kita niya at bakit panay ang hingi niya sa amin?
"Hindi ako sumama pauwi. Manghihingi ako ng pagkain doon." Tinuro ko ang humahaba nang pila.
Sinulyapan niya lang ang tinuro ko. Kung kanina pa siya rito at alam ang nangyayari, bakit hindi siya pumila at sa halip hinihingan pa ako sa kinikita ni Mama?
"Bibili rin pala ako ng gamot ni Tim. Inuubo siya dahil nilamig kagabi at naulanan..." Pinigilan ko ang sarili bago pa ipaalala sa kanya ang kagabi. Mukhang wala naman siyang matandaan kaya nagpatuloy ako. "Pahingi po sana pambili."
"Wala akong pera ngayon!" singhal niya. "Ke aga, aga, e. Doon ka manghingi sa Mama mo!"
Napapikit ako at pinagdikit ang mga labi, pinagtatiyagaan ang natitirang pasensiya lalo na't pinaalala sa akin ng kanyang tono ang pananakit niya kay Mama.
"Sige na, punta ka na doon at galingan mo sa panghihingi! Kailangan mas kaawa awa ang mukha mo, kaya mo iyan! Diyan ka naman magaling, 'di ba? Para may pakinabang ka rin at nabibigyan mo kami ng pera. 'Pag nalaman ko talagang may tinatago ka diyan..."
Tumalikod na ako at walang salita ko siyang iniwan doon, hindi gaanong nangamba dahil mukhang wala naman siyang naalala. Ibig sabihin ay sobrang lasing nga niya talaga, o baka napalakas ang hampas ko ng tubo at tumilapon sa kung saan ang alaala niya?
Ginutom ako sa pila kaya naman nang matanggap ko na ang mga donasyon, nagpasya akong kumain sa karinderia. Kahit alam kong nagluto na ng tanghalian si Mama sa bahay, malakas ang loob kong gumastos para sa amin mula sa baryang nalikom ko.
Dalawang ulam ang binili ko at ganoon din sa kanin dahil balak kong dito na kumain. Iuuwi ko ang binili kina Mama at Tim. Binibilang ko na ang mga barya at handa na sanang magbayad.
"A bottle of water, please. Isali mo na rin itong mga binili niya."
May biglang tumabi sa akin. Nakapagsalita na siya bago ko pa matingala. Namilog ang mga mata ko. Iyong mama!
Bumaba ang tingin niya sa akin at ngumiti. Hindi naman nambabastos, sa katunayan ay palakaibigan ito pero hindi ko pa rin siya kilala. Sa halip na gantihan ng ngiti, yumuko ako at humakbang sa kaliwa para dumistansiya.
"Ayos lang po. Ito na lang, Manang, nabilang ko na. Twenty five po, 'di ba? May sukli pa po iyan, pero candy na lang ipanukli niyo para sa kapatid ko."
"Keep it. Save it for yourself," pigil nung lalake sa malalim na boses.
Natigilan ako at natulala nang magaan niyang hinawakan ang kamay ko para pigilan sa pagbayad.
"Uh... s-sige po." Mabilis kong iniwas ang aking kamay. "Salamat."
Sinundan ko sa tingin ang parehong kamay niya na ngayo'y nag-aabot ng isang daan sa tindera. Inabutan siya ng namamawis sa lamig na bote ng tubig at maraming candy bilang panukli. Binigay niya ang mga ito sa akin na alinlangan ko pang tinanggap.
Tulala pa, hindi ko agad napigilan ang pag-kuha niya sa tray laman ang mga pagkain ko. Akala ko ay kukunin niya talaga iyon kaya sinundan ko siya. Pero noong nilapag niya sa mesa ang tray sa isang gilid at umupo sya sa katapat na silya, naginhawaan naman ako kahit papaano at umupo na.
Nagsimula akong kumain nang hindi siya kinikibo. Nagpasalamat na rin naman ako. At isa pa, siya naman ang nagprisintang ilibre ako, hindi ko siya pinilit kaya wala akong kahit anong atraso sa kanya.
"I've watched you play back there. How you handled the game. How you commanded the boys. You're a smart player. A bright kid. Ilang taon ka na?"
"Eleven," tugon ko dahil iyong huling tanong lang ang naintindihan sa mga sinabi niya.
At sa lamig ng pagsagot ko, pinapakita kong dahilan ay ang pagiging abala ko sa pagkain kahit na sa totoo lang, hindi ako kumportable sa kanya.
"Hmm... very bright." Tumatango tango siya at mas lalo ko pa yatang pinamangha.
Tinutungga niya ang tubig habang nanatili ang tingin sa akin, nangingislap ang mga mata.
Hindi ako kumibo at kumain lang. Nilibre niya man ako, may mas tiwala pa rin ako sa kutob kong hindi kumportable sa kanya. Hindi niya naman ako kilala, bakit niya ako nilibre at sinabayan pa ako sa mesa?
At ako nga talaga ang minatyagan niya kanina! Paano na lang pala kapag mas pinili kong umuwi mag-isa?
"May I know your name, bright kid?"
Nanghina ang pagnguya ko habang pinag-iisipan ang sagot. Name? Hindi ako marunong magsalita ng Ingles pero nakakaintindi ako minsan.
"Zea." Lumunok ako, nilunok ang kasinungalingan. Hindi niya naman siguro malalaman.
"Hmm...Zea. Nag-aaral ka ba?"
Nagbukas ang bibig ko para sa panibagong kasinungalingan ngunit sa kalabog ng boses ay naudlot iyon.
"Hoy, Eda! Nandito ka lang palang bata ka!"
Kinagat ko ang ibabang labi at hindi makatingin sa mama. Panira talaga 'tong lasinggero na 'to.
"O, akala ko ba manghihingi ka ng donasyon? Nasaan na? Kumakain ka pa talaga rito, may pera ka pala! Ano iyong sinabi ko sa 'yo kanina? Sa oras na malaman kong may tinatago ka—"
"Mawalang galang na po sa inyo pero kaano-ano po ninyo ang bata?" pigil ng mama. "At isa pa, Sir, hindi siya ang bumili ng pagkain. Mukha kasing gutom na at walang pambili kaya nagkusa akong bilhan siya."
Natahimik si Tito Martin. Ang walang hanggang simangot ay maangas na ibinaling sa nakangiting mama.
"Anak 'to ng misis ko sa unang asawa. Ikaw, sino ka naman?"
"Hindi sila kasal," sabat ko.
"Sumasagot sagot ka diyan—"
"May ulam na pala tayo para mamaya at bukas," putol ko sa kanya sabay angat ng supot. "Libre niya rin. Sabi sa 'yo wala akong pera, e."
"O, iyon naman pala. Ano pang hinihintay mo? Iuwi mo na ang mga iyan!"
"Mamaya na, kumakain pa ako."
"Alis na, bilis! Umuwi ka na at hinahanap ka ng Mama mo."
Tinutulak tulak niya ako at dahil mas malakas siya at malaki ng katawan, halos mahulog ako sa dulo ng silya kung hindi lang mabilis ang balanse ko.
Suminghap ako at nilukob ng muhi sa bilis niya akong palitan sa upuan at siyang umubos sa kinakain ko.
Nagtiim bagang ako, nagdidilim ang paningin. Bumaling ako sa matandanag lalake na nagulat sa away namin sa harapan niya. Binalikan ko ng tingin ang baboy sa harapan ko. Buo na ang pagiging alipin ko sa galit.
"Baboy!" sigaw ko sa tapat ng tenga niyang namumula. "Mabulunan ka sana!"
Tumakbo ako palayo bago pa niya ako mahabol. Pero sa palagay ko rin ay pinigilan siya ng mama. Nagpatuloy ako sa pagtakbo at huminahon lang nang malampasan ko na ang simbahan.
Nagdadabog ang mga paa kong binakas ang gubat. Lalo akong nairita sa naramdamang patak sa ilong ko. Tumingala ako, tanlaw sa langit ang bakas ng unos kagabi; Ang kulimlim at mahinang kulog hudyat ng muling pag-ulan. Pinaalala nito sa akin ang sinabi ni Mama at mas lalo pa akong naiinis!
Nalilito rin ako, lalo na't hindi niya sinagot ang tanong. Paano kung nanatili ako kina Manang Adring? Hindi ko maaabutan ang panganganib niya. Hindi ko kayang isipin ang kinalalabasan sakali man na hindi ako bumalik sa bahay. Pero bakit sa kabila niyon ay pinagbawalan niya pa rin ako? Hinampas ko si Tito Martin hindi dahil sa gusto ko siyang saktan kundi sa pananakit niya kay Mama. Kung hindi ko ginawa iyon, ano na lang ang mangyayari sa kanya? Isa pa, iyon lang din naman ang alam ko para tumigil siya. Sa taranta ko at sa takot, wala akong ibang pagpipilian kundi tuldukan ng malay ang taong hawak pa ang kakayahang manakit.
At pagkatapos ng nangyari kanina sa karinderia, mas nabuo ang pagsisising iyon na sana tinuluyuan ko na lang siya. Hindi ko nga lang matukoy kung mahahanap pa rin ba ako ng pakiramdam na ito kung hindi ako pinagsabihan ni Mama, dahil sa pagkakaalala ko kagabi, diktado ng galit ko ay determinado na akong kitilan ng malay ang ama-amahan.
Sa ilang minutong paglalakad, panay ang tingin ko sa likod, kabado na baka sinusundan ako. Sa huling lingon ko ay natanaw kong papalapit sina Sergio dala ang mga supot ng donasyon. Kanina pa pala nila ako tinatawag, hindi ko narinig. Kasama niya ang mga shokoy niyang kaibigan.
"Akala ko, Eda, sasabay ka sa kay Tito Martin. Kita ko kayo kanina, a?" ani Sergio, may dalang manipis na sanga at hinahawi ang mahahabang damong dinadaanan namin.
"Hindi ako isasabay nun." Inagawan nga niya ako ng pagkain.
"Naku, kapag maggagabing ganito, dapat hindi ka mag-isa lalo na rito sa gubat," ani ng isang kaibigan niya, limot ko ang pangalan.
"Oo nga! Narinig mo ba nangyari sa anak ni Ka Tinong? Nawawala mula pa noong isang gabi. Kaya usap-usapan tuloy ngayon ay may nangunguha ng mga bata rito!" Si Makmak.
"At hindi lang iyon, binibenta raw ang lamang loob." Nanginig si Sergio sa kilabot at umismid sa pandidiri.
"Kaya nga maaga kaming umuwi ngayon, e. Ang sarap pa sanang maglaro, noh?"
Tama. Sa anggulo ng araw, mukhang alas kuwatro na ng hapon. Madalas kapag ganitong Linggo ay umuuwi sina Sergio mula sa paglalaro ng mga alas sais o alas sais y media na. Alam ko ito dahil naaabutan ko pa sila sa tuwing napapatagal kami ni Mama sa pagtitinda.
"Mga bata?" pagtataka ko. "E, anak ni Ka Tinong lang naman ang nawala, 'di ba?"
"Oo, nitong linggo. Pero noong linggong nakaraan, tatlo ang nawala sa kabilang bayan. Kaya ang haka haka ng matatanda, dito naman daw nangunguha. Narinig ko 'to kay Mama, e. Kasi malapit iyon sa asawa ni Ka Tinong."
"Tsaka puro babae pa raw ang kinukuha, kaya mag-ingat ka talaga, Eda. Hindi ba 'to kinukuwento ng Mama mo sa 'yo?" tanong ni Sergio.
Umiling ako.
"Huwag kang gagala mag-isa lalo na kapag gabi. Dapat nasa bahay ka lang bago mag alas sais. Liligawan pa kita kaya hindi ka nila maaaring kunin!"
Natawa si Makmak sa pahayag ni Sergio tungkol sa panliligaw. Nagsalita ang isang kaibigan nila.
"Tsaka binibenta iyong lamang loob? Halimaw na iyon at hindi na tao! Ano kayang gagawin nila roon?" inosenteng tanong nito.
Maayos naman nila akong naihatid sa amin. Tumungo sila kina Manang Adring pagkatapos dahil may kukunin na ulam. Hindi mawaglit sa isip ko ang kinuwento nila sa mga kinukuhang bata. Hindi ko tuloy naiwasang banggitin ito kay Mama para kumpirmahin ang impormasyon. Sa buong buhay ko, sa kanya lang naman ako naniniwala.
"Kahit kailan ay hindi nawawala ang panganib, Eda. Sa gabi man o sa kaliwanagan ng umaga, may mga pagkakataon pa ring nagiging delikado ang buhay ng isang tao kaya ang nararapat na gawin ay matinding pag-iingat. Lalo ka na! Kung saan saan ka pa naman sumusuot! Nako, huwag kang pakumpiyansa sa tuwing mag-isa ka dahil kahit anong tapang mo, kung mas malakas ang kaharap mo, talagang matatangay ka! Lalo na ngayon sa mga sabi sabi ng mga taga bayan, mas iingatan mo ang sarili mo."
Nagliwanag din tuloy sa akin ang nangyari kagabi. Kahit nga siguro wala kami sa labas, sa loob ng bahay, may panganib pa rin.
"At saka, Mama, binibenta raw ang lamang loob?" may kaba na sa boses ko.
"Kaya nga huwag kang labas nang labas! Ano bang ginawa mo at natagalan ka? Hindi ka pa nakapagtanghalian! Hinanap ka ng kapatid mo, nasanay na ikaw ang kasabay."
Nilapag ko ang mga dalang supot at basket pang-noche buena. "Pumila ako sa basketball court, may namimigay doon ng donation. May pang-spaghetti na tayo! Hindi na tayo maglalaga ng kamote sa Pasko!"
Natigilan si Mama, pinasidahan ang mga dala ko. Numipis ang mga labi niya at kung hindi ako namamalikmata, may namumuong luha sa mga mata niya. Pansin ko rin na pinipigilan niyang magpatakas ng ngiti.
"Huwag mong maliitin ang kamote. Grasya pa rin iyon. Walang wala man tayo, magpasalamat ka pa rin dahil kahit papaano ay nabubusog tayo araw araw."
Natahimik ako.
"Itago na tin 'to." Suminghot siya at nag-ingay ang mga supot nang kinuha niya. "Makita pa ng Tito Martin mo. Kumain ka na diyan."
Natawa ako na unti-unting napawi sa biglang lusob ng kuryosidad.
Makukuntento na ba talaga kami sa ganito? Oo siguro, tulad ng sinabi niya ay magpapasalamat pa rin ako sa kung anong nakalahad sa aming grasya, pero hindi naman siguro ibig sabihin ay hindi na rin kami magsisikap na umangat sa buhay. Magpapasalamat ako, pero hindi maaaring makukuntento na ako sa katamtamang sitwasyon at tigilan nang mangarap na makaraos kung may kakayahan din naman akong maiahon kami sa hirap.
Sa mamang nanlibre sa akin kanina, binigyan ako nito ng lakas ng loob. Hindi man ako kumportable sa kanya pero inaasam ko ang mayroon siya. Yaman. Pati na ang pananalita niyang tunog mayaman, gusto kong matutunan!
"Mama, gusto ko mag-aral ng English."
Natigilan siya sa pagtatago ng mga pagkain namin. "S-sige... pero pag-iipunan muna natin iyan. O puwede tayong makalapit kay Rona baka may mapapahiram siyang mga aklat sa 'yo. Gusto mo na bang magsimula agad?"
Nahihimigan ko ang pag-aalangan niya. Siguro iniisip na niya ang pag-iiwanan kay Tim.
"Kung may sapat na pong pera. May naipon ako."
Dinukot ko ang mga barya ko at nilahad sa mesa. Binilang ko lahat. Seventy five ito kanina pero bumili ako ng ulam, naging fifty na lang.
"Sige, ipunin mo para sa pag-aaral. Hindi pa sapat iyan, Eda."
Malungkot kong isinuot lahat ng barya sa alkansiyang kawayan. Paano kaya iyong alok ni Ma'am Rona sa scholarship? Puwede pa kaya ako roon?
"Kakausapin ko si Rona kung libre siyang turuan ka rito sa bahay para hindi mo na kailangang lumabas at mababantayan pa si Tim. At kung papayag siya, baka makamura rin tayo o baka nga libre na lang ang pagtuturo niya. Papakainin na lamang natin ng juice at tinapay pang merienda."
Tahimik akong tumango, iniisip pa rin ang alok. Wala naman siguro akong babayaran kapag scholarship noh?
"Nak..."
Napabaling ako kay Mama nang lumapit ito. Kinuha niya ang kamay ko. Ang malamlam niyang mga mata ay laging nagpapaalala sa akin sa iyaking mga mata ni Tim, kaya parang naaapektuhan talaga ako sa tuwing tinitingnan niya ako nang ganito.
"Sana intindihin mo muna. Sa ating lahat, alam kong ikaw ang may pinakamatinding kakayahan sa lahat ng bagay. Na kahit anong balakid, kaya mong lagpasan. Hindi ko alam paano mo nagagawa iyan, pero natanto kong nagmana ka sa Papa mo. Matalino, madiskarte, at alam kong balang araw, makakaahon tayo dahil sa 'yo. Nakikita kong nagsisikap ka rin, pero sa ngayon, kaunting pasensiya muna, ha? Hayaan mo, kapag nakaluwang luwang tayo, pagsisikapan kong maipasok ka sa publikong eskuwelahan."
Nagbaba ako ng tingin, ayaw ipakita ang pamumuo ng luha ko. Tumango ako at hindi na kumibo pa. Alam sa pinakalikod ng isip ko na ang pasensiya na tinutukoy niya ay hindi na matutuldukan. At ang balang araw na katunog ng isang pangako at pag-asa ay malayo nang ipagkaloob sa nangangarap kong puso.
Nagbalik ako sa normal na mga gawain kabilang na ang pagtatanghal sa tuwing may okasyon. Hindi na binanggit pa ang tungkol sa aking pag-aaral pero nahihimigan kong kinakausap na ni Mama si Ma'am Rona. Nakita ko sila isang araw, nagtatawanan pa nga bago sabay na bumaling sa akin.
"Ma'am Rona, gusto ko puro english ang linya ko para sosyal," sabi ko isang hapon sa aming pag-eensayo.
Tumawa siya at tinapik ako sa balikat. Pero nang matanggap ko na ang script, aba'y tinupad nga nito ang gusto ko!
"No way!" maarte kong sabi, ginagaya ang nasa script. Umirap ako dahil sa mataray kong role. "Mom, Dad! I don't wanna be here anymore!"
Sumabog ang palakpakan lalo na sa dako nina Sergio, namangha sa page-english ko. May sumipol pa sabay palakpak!
Nga lang, mabilis ding napawi ang tuwa ko sa pagkakahagilap muli sa matandang lalake. Nanonood siya sa likod, pumapalakpak din. Pansin ko ang pagkapal ng bigote niya sa ibabaw ng labi at hindi ko mawari kung nakangiti ba siya, pero sa kislap ng tingin niya sa amin... o sa akin, halatado ang pagkamangha.
Dahil lagi talaga siyang namamangha sa akin, iisipin ko na lang na may-ari siya ng isang kompanya at naatasan na maghanap ng mga talento para gawing artista. Baka kukunin niya ako kaya lalo ko pang pinaghusayan!
Tagumpay ang huling pagtatanghal ko kaya naman kahit pagdating ko sa bahay, hindi tumigil ang sigaw ko ng saya habang binibilang sa harap ni Tim ang kinita kong pera. Habang nagbibilang ng isang daan, nahuli ko siyang sinusubo ang pisong barya. Impit siyang umiyak nang mabilis kong hinaklit iyon sa kamay niya.
"Hindi 'to nakakain, Tim! Sige ka, isubo mo uli 'to ilalabas talaga kita mamaya. May nangunguha pa naman ng bata ngayon. Hala ka..." banta ko sa kanya.
Natakot ko naman siya kaya tumahimik.
"Binibenta raw mga lamang loob. Kung ako sa kanila, ibebenta ko lamang loob ng Papa mo. Sigurado akong mataba ang atay nun."
Tumitig siya sa akin. "Papa?"
"Oo, Papa mo. Pero huwag na rin, baka hanapin mo siya paglaki mo. Iyakin ka pa naman."
Napabaling ako sa pinto dahil sa ugong ng motor. Sa lakas ng ingay ay madali kong nakuha na nakaparada na iyon sa harap ng bahay. Mabilis kong hinakot ang mga perang papel at barya at pinalapit kay Tim ang maliit na bag para ibuhos sa loob ang pera.
"Bilis, Tim. Nandiyan na Papa mo. Baka kukunin niya 'to!"
Saktong nailagay ko na ang huling barya nang pumasok si Tito Martin. Lihim kong binaba ang bag sa paanan ko, inasahan ang panunuri niya sa amin. Pero sa halip na tumigil ay dumiretso ang malalaki niyang hakbang sa mga silid saka pumunta sa likod ng bahay, natataranta at may kung anong hinahanap.
Humarap siya sa amin. Nakatayo siya sa likod ni Tim na nakaupo naman sa tapat ko.
"Eda, mag-impake ka na. Bilisan mo."
Kumunot ang noo ko. "Po? Para saan?"
"Huwag nang puro tanong! Kunin mo na ang mga gamit mo, bilis! Hakutin mo lahat!"
Hindi ko pa rin maintindihan ang dahilan ng pagmamando niya sa akin kaya nanatili akong nakaupo "Mga gamit ko? Paano kina Mama? Kay Tim? Saan tayo pupunta, Tito Martin?"
Nagpipigil siya ng galit sa buntong hininga. Doon pa lang niya napansin si Tim na nasa harapan niya. Kinuha niya ang kapatid ko at kinarga.
"Ako na rito kay Timoteo. Mag-impake ka na roon! Nasa kabilang bayan ang Mama mo at pupuntahan natin. Ako na rin ang maghahakot sa mga gamit namin."
Umilling ako. Wala pa rin akong maintindihan dahil bukod sa mga sinabi niya, ay biglaan din ang pagpunta kuno namin sa bayan. At kung may kaisa-isang tao man na aasahan si Mama sa mga gamit niya, ako iyon at hindi ang isang sugarol at lasinggerong katulad niya!
Tumayo pero hindi pa rin umaalis. Hindi ako kumbinsido dahilan para pandilatan niya ako at halos sugurin.
"Ano ba! Tatayo ka na lang ba diyan o kakaladkarin pa kita sa motor? Bilisan mo na at mahuli pa tayo ng biyahe sa bangka!"
Nakayuko, ang madilim kong paninitig ay impunto sa kanya. Karga niya si Tim, at kung hindi ako susunod ay posibleng masasaktan niya kaming dalawa tulad ng pananakit niya kay Mama. Hindi man siya lasing, pero dahil sa galit ay maaari pa ring mangyari iyon. Kaya labag man sa loob ko, pumasok ako sa silid at inimpake lahat ng mga gamit ko.
Isasali ko na rin sana kina Tim at Mama pero nahuli niya ako.
"Mga gamit mo lang, sabi ko. Ako nang bahala sa Mama mo at Kay Timoteo!"
"Ba't hindi pa kayo nag-iimpake kung ganoon?"
Binatukan niya ako sa ulo. Ipit na ipit ang mga labi ko. Kung hindi niya lang hawak si Tim ay kanina ko pa kinuha ang tubo at ihampas ulit iyon sa kanya.
Sa motor kami sumakay at habang papalapit sa bapor ay nadadagdagan ang kaba ko. Tumindi pa ito nang matantong iba ang daang tinahak ni Tito Martin. Pinakalma ko ang sarili sa pag-iisip na baka nag-short cut lang siya, pero nang unti-unting bumagal ang takbo ng motor sa walang katao-taong dalampasigan, tuluyan na akong inalipin ng takot.
Tiningala ko ang ugong ng kulog. Malakas ang hangin at ganoon din ang bilis ng paggapang ng madidilim na ulap para tabunan ang buong kalangitan. Unti-unti na ring pumapatak ang ambon.
"Tito Martin, saan po tayo pupunta?" Papaiyak na ako, napakurap-kurap sa patak na sinalo ng aking pilik mata.
Kinuha niya ang bag ko. Nakapako pa ang mga paa ko pagkatapos bumaba sa motor.
"Sa Mama mo nga! Halika na!"
Halos madapa ako nang tinulak niya sa unahan. Dahil hindi pa rin ako humahakbang, humawak siya sa likod ng balikat ko para igiya sa kanyang sumabay sa paglalakad. Nilalamig na ako sa lakas ng hangin, hindi pa nakatulong ang panginginig mula sa bumabalot na takot. Umiiyak na rin si Tim na tila ba ramdam din ang pangamba ko.
"Tito..." nangangatal ang mga labi ko, sa lamig at sa pagpipigil sa sariling iyak.
Nasa liblib na bahagi kami ng dalampasigan at ang natatanw kong nakalutang sa harap ay isang bangka na kadalasang ginagamit ng mga turista sa paga-island hopping. Dalawang lalake ang nakatayo roon, bumaba ang isa at ngayo'y sinasalubong kami.
Hindi na maipinta ang mukha ko at ang bumuhos na luha ay nawalan na ng disiplina nang matunghayan ko ang harap-harapan na pag-abot ni Tito Martin sa bag ko sa lalake na agad nitong tinanggap.
Dinungaw ako nito. Sa likod ng itim na salamin ay ramdam ko ang pangingilatis ng paningin.
"Ito, kunin niyo na. Hinding-hindi kayo malulugi diyan. Magaling dumiskarte, kaya sulit na sulit ang ibinayad niyo sa amin."
Nanlaki ang mga mata ko sa natanto. Pero kahit sa muling pagtulak sa akin ni Tito Martin ay nagawa ko nang magmatigas. Umatras ako at tatakbo na sana palayo nang maalala si Tim. Nanghina ang plano kong lumayo dahilan para agad akong mahuli at binuhat noong lalake.
"Bitawan niyo ako! Tito Martin, tulong! Mama!" Umalingawngaw ang buong sigaw ko sa dalampasigan.
Ininda ko ang sakit ng lalamunan sa walang hanggan kong pagsisisgaw, hindi tumitigil hangga't walang makakarinig sa akin na tutulong. Marahas akong namilipit, tinatadyak ang mga paa, inaabot ng kalmot sa mukha at braso ang lalake... Lahat na yata ay ginawa ko para masaktan siya at mabitawan ako pero mas humihigpit lang ang pagkakahawak niya sa akin.
Hinang hina ako nang ibinagsak sa loob ng bangka. Ang mga sigaw ay natutunaw bilang mga hikbi. Ayaw magpadala sa emosyon at panghinaan ng loob, pinilit ko pa ring bumangon. Hinawakan ko ang dulo ng bangka at hinila ang sarili paahon. Saktong sa pagsilip ko sa seryosong nakatitig sa aming ama-amahan, nabuhay ang makina ng bangka.
"Tim..." iyak ko nang marinig ang iyak niyang hinugot pa sa kalamnan. Umiling ako, hindi siya puwedeng makaramdam ng labis na lungkot.
Tinatawag niya akong 'Ate' habang sinusubukan akong abutin ng maliliit na kamay niya. Karga pa siya ni Tito Martin kaya mahirap sa kanya ang bumaba at lalong mas mahirap dahil hindi pa siya gaanong nakakapaglakad.
Nanlabo ang mga mata ko, pero nagiging malinaw ang paningin dahil sa natatanaw sa hindi kalayuan. Mabilis ang takbo habang naghahalo ang galit at pighati sa kanyang sigaw.
"Eda! Saan niyo dadalhin ang anak ko!"
Nahigit ko ang hininga sa boses ni Mama. Biglang nakalimutan ang iniindang sakit at panghahapo sa kakasigaw, umahon ako at tatalon na sana sa tubig kahit mabilis nang lumalayo ang bangka. Abot kamay ko na ang tubig kaya naging positibo akong itapon ang sarili sa dagat at languyin na lamang ang distansiya. Nababalot ng Iyak at sigawan ang dalampasigan at ang pinagbagsakan sa aking bangka. Lumala ang sumisigaw na iyak nang maramdaman ang pag-angat ko at muling ibinagsak sa loob ng bangka.
"Mama! Ma!!!" Sumasakit ang ulo sa buong puwersang sigaw. Hindi ako tumigil at may balak na ulitin ang ginawa kanina kahit nabigo ako sa unang subok.
Inaabot ko ang kamay ko sa kanila na tila ba maaabot ito ni Mama lalo na nang makitang sinusubukan niyang habulin ang bangka. Panay tawag ng Eda. Nasa tuhod na niya ang tubig at tumatakbo pa rin siya hanggang sa nanghinang bumagsak ang kanyang mga tuhod. Galit niyang hinahampas ang tubig habang umiiyak, hindi nawawala ang paningin sa amin. Dinig ko pa ang huling sigaw niya sa pangalan ko bago ang yumayanig niyang mga hikbi.
"Ma—"
Singhap ang dumugtong sa paghinga ko nang may kumulong sa aking pisngi at hinarap ang mukha ko sa kung sino. Kumukurap ang mga mata kong takip ng makapal na luha, humihikbi pa rin habang pinagmamasdan ang lalake sa harapan. Hindi ito ang bumuhat sa akin kanina perp pamilyar siya sa akin lalo na ang mahaba at makapal na bigote sa ibabaw ng labi.
Halos kapusin ako nang hininga sa unti-unting pagtanggal niya sa itim na salamin at nakumpirma ang mama na laging nagmamasid sa akin.
Nangingislap sa aliw ang mga mata na mas lalong naghatid sa akin sa tila pinakamalalim na bangin, walang katakas takas. Inangat niya ang hintuturo at nilapat sa gitna ng marahang nakanguso nitong mga labi.
"Shh..."
Buong katawan ko ay niyanig ng sariling hagulhol. At sa naramdamang paglapit ng piring, pumikit ako. Nanginginig sa buhos ng ulan, nahihilo sa malalaking alon, at mas nangatal sa lamig ng tela na tumatakip na ngayon sa aking mga mata na walang ibang nahahagip kundi purong dilim.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro