FOUR
Hindi pa umaangat ang araw kaya mas matindi ang lamig mula sa bumabalot na hamog. Nang papaliko ay nakasalubong ko si Liam, kagagaling lang sa panlilimos.
Natigilan siya. Luminaw ang puti sa namimilog niyang mga mata pagkakita sa duguan kong kamay.
"Anong nangyari?"
Ang palahaw sa bodega ang nagpabaling sa kanya bago ibinalik ang tingin sa kamay ko. Dinig ang lalim at bilis ng paghinga ko habang pinapanood siyang nag-iisip ng malalim.
Sinundan ko ang sama ng tingin niya sa tshirt ko. Ang linaw ng talsik ng mga dugo sa puting damit!
"Magpalit tayo."
"Huh?" Hinihingal pa ako. At bawat hingal, naglilikha pa rin ng usok mula sa hamog.
Tinalikuran niya ako at naglakad papunta sa likod ng bundok ng basura. Hindi ko alam bakit ko siya sinusundan. Natigilan na lamang nang hinubad niya ang malaking tshirt niyang butas butas. Inabot niya iyon sa akin. Kukunin ko na sana ngunit binagsak niya sa paanan ko.
"Anong..."
Hinarap niya ako para lang kunin ang aking kamay at pinagkiskis ang mga kamay namin sa isa't isa. Hawak ko pa ang balisong na siyang pinakanabalutan ng dugo pero hindi man lang niya pinansin iyon. Para bang... nililipat niya ang mantsa ng dugo sa kamay niya.
"Maghugas ka ng kamay at isuot mo 'to," sabay tadyak niya sa hinubad na tshirt. "Ako magsusuot ng damit mo."
"Liam, kailangan kong magpunta sa police station! O baka may tutulong na sa atin kapag makita 'to. Paniniwalaan na nila tayo!" Inangat ko ang duguang kamay.
Sa nangingitim na alikabok na bumabalot sa mukha niya, halata ang pagdidikit ng dalawang makakapal na kilay at rahas sa binatilyong mga mata.
"Marami nang nagtangka sa gusto mong gawin pero binabalik lang din sila rito na kulang kulang at may mga kapansanan na! Sa gagawin mo, hindi lang ikaw ang puputulan o ibebenta sa kung saan. Sabi mo si Daisy ang pinakabata? Baka siya pa mismo ang uunahin kaya huwag padalos dalos diyan sa plano mo!"
Ang rami niyang sinabi ngunit nahinto ang isip ko sa plano ko... na hindi naman talaga. Wala sa plano na si Daisy ang babalik sa tanggapan. Ako iyon at doon na dapat magsisimula ang plano ko!
"P-puwede naman akong tumakbo sa malayo at doon maghanap ng pagsusumbungan..." pag-aalangan ko.
"Sa hindi mo nalalaman, hawak sa leeg ng grupong iyan ang buong siyudad. Kaya kung nagtaka ka kung bakit wala niisang nag-atubuling sumilip, suminghot o nangisda sa bahaging 'to, ito na ang sagot sa tanong mo. Hindi man sila Sebio ang magbibigay ng parusa sa oras na malaman ang pagsusumbong mo, pero ang pinakapinuno nila, may mata sa bawat sulok, Zea."
"Sino?" buong loob kong tanong.
I was yet so young when I asked this. Still so young when I hoped to defeat him and everyone under him, whoever he was.
Sa halip na sagutin ako ay umalis si Liam. Bagsak ang mga balikat kong sinimulan ang pagtatanggal ng mantsa sa kamay gamit ang pahina ng isang lumang diyaryo.
Itatapon ko na sana iyon nang mahagip ang kapansin-pansin na makapal at naglalakihang letra sa pahina na tinatabunan ng nagkalat na dugo mula sa kamay ko.
La Nostra Vittoria. At sa ibaba ay litrato ng grupo ng mga kalalakihan. Dalawang hanay at wala niisa ang nakangiti. Hindi ko alam kung dahil nalukot na o sa kalumaan ba kaya ganito ang pagkahabi ng litrato sa diyaryo.
Nagtagal ang tingin ko sa pamilyar na mukha. O baka pamilyar lang dahil sa bigote. Gayunpaman, isa ang mukha niya sa mga natatakpan ng dugo ko.
Bumalik si Liam na may dala nang balde ng tubig. Hinugasan ko ang kamay ko, sinigurong walang maiiwang bakas at lalung-lalo na ang balisong na ginamit ko.
Tumalikod siya nang hinubad ko ang damit ko saka sinuot ang sa kanya. Pagkatapos namin magpalit ng damit ay sabay kaming bumalik sa bodega.
Bumungad sa amin ang pila ng mga bata. Sa harapan nila ay si Sebio na pinagigitnaan ng dalawa niyang kasamahan kabilang na ang sinaksak ko kanina. Siya ang tanging nakaupo sa puti ngunit duguang silya at nakayukod ang katawan, inuugoy ang sarili.
Buhay pa siya?
"Ikaw! Ikaw gumawa nito?!" Si Sebio pagkakita sa duguang kamay ni Liam.
Natahimik ang pila. Nakayuko silang lahat, walang niisang nag-aangat ng tingin. Alam nilang ako ang gumawa niyon ngunit pinili nilang manahimik?
"Oo," walang pag-aatubiling tugon ni Liam.
May suminghap. Nahuli ko naman ang panlalaki ng mga mata nina Dino at Tim. Hindi ko alam bakit ginagawa ito ni Liam at kung ano ang plano niya. Bago pa ako manghula, tumama na sa akin ang katawan ni Daisy at ibinaon ang umiiyak na mukha niya sa tiyan ko.
"Ikaw, ba't kayo magkasama? Magkasabwat kayo?" Tinuro ako.
"Hinabol niya ako," si Liam ulit.
"Tsk. Hindi ka ba nagtanda? Ano, gusto mo 'yang isang hinlalaki mo naman ang putulin, ha?!"
"Nakarinig ako ng ungol. Akala ko nilooban tayo kaya hindi na ako nag-atubili. Pasensiya na." Walang kalasa-lasang dahilan ni Liam.
"Ungol? Bakit naman..."
Unti-unting natigilan si Sebio at binalingan ang paghihikbi ni Daisy. Sa katahimikan, narinig ang hikbi. Lumipat ang tingin niya sa duguang kasamahan saka dumulas sa kamay ni Liam at nagbalik ulit sa kasama niya na pabulong na ang mga nguyngoy ng sakit. Dugo niya'y pumapatak sa semento.
Tinadyakan ni Sebio ang silya ng kasamahan na halos ikinatumba nito.
"Tangina, dapat lang pala iyan sa 'yo! Nakahithit ka na namang puta ka! Ang usapan limos lang, hindi na kasali ang tawag ng laman! Kung gusto mong maputulan ng ulo, huwag mo kaming idamay!"
"Wag mo na ako isumbong. Ang sakit sakit na nga. 'Di ko naman sinasadya..." iyak nito.
"Anong 'di sinasadya? Kapag ito nalaman ni boss, wala na akong magagawa. Nakakarami ka na, a? Swerte ka't pinagtatakpan tayo rito kaya nakakalusot. Pero nauubos din ang swerte, Gibs, tandaan mo 'yan. Huwag mo akong idamay sa katarantaduhan mo. Mga alagad nga tayo ni Satanas dito, pero ikaw parang gustong pumalit na sa trono niya. Daig mo pa demonyo! Doon ka humithit sa impiyerno, tangina mo!"
Tinatakpan ko ang mga tenga ni Daisy habang nanonood kami sa kanila.
"Hoy, psst!" Tawag ng isang lalake kay Liam. "Paano ka nakapasok para masaksak 'to e ang kakabalik mo lang? Saan na limos mo?"
May kulog sa dibdib ko. Parang bumigat ng ilang kilo ang susi sa bulsa ko. Wala akong maisip kung paano ilulusot iyon.
"Dalawang libo ang nalikom ko kaya maaga akong napabalik," si Liam. "Bukas na ang pinto, kaya inakala kong nilooban tayo."
"O, eh ba't ka tumakbo?"
Ilang sandaling tahimik si Liam. Wala na akong malunok sa nanunuyo kong lalamunan at nananakal na kaba. Sabi na sana nagsumbong na lang ako sa malayo, e!
"Natakot ako na nagawa ko 'yon nang matanto na isa sa atin ang nasaksak ko. Gusto kong hugasan ang bakas ng kasalanan pero wala nang tubig."
Habang inaalo ang tumatahan nang si Daisy, wala sa sariling napakunot ang noo ko. Halos balingan ko si Liam dahil sa tagumpay ng mga palusot niya.
Isang beses pang nagbanta si Sebio sa amin bago kami pakawalan para simulan ang bagong umaga sa pamamalimos. Si Liam, hindi naman pinarusahan sa halip ay hiningi lang ang nalikom na dalawang libo. Hindi ko alam kung paano nila ipapagamot si Gibs o kung may balak ba sila. Wala na rin namang may pakialam doon pagkatapos ng narinig at nalaman nila.
Pagkatapos ng mga sinabi ni Liam, nawalan ako ng gana. Parang wala na kaming pag-asa na makaalis pa rito kung totoo man ang sinabi niya na hawak ng grupo sa leeg ang buong siyudad. Dagdagan pa ng alaala ko noong gabi sa ginawa kay Daisy na nahuhuli kong tulala at ayaw nang lapitan si Dino. Bawat suyo ni Dino, inaalis ni Daisy ang kamay niya at humihikbing dumidikit sa akin.
"Wala naman akong ginagawa..." yakap ni Dino ang mga tuhod at pinunas ang isang kamay sa naluluhang mata.
Huli ko ang bawat malulungkot na sulyap niya sa kaibigan.
Huminga ako nang malalim. Nauwi muli ang tingin ko sa mataas na billboard ng nag-aapoy na rum sa gusali.
Si Tito Martin lang ang naaalala ko sa alak pero hindi ko rin maintindihan kung bakit wala sa isip ko sina Mama. Dapat sila ang ginagawa kong inspirasyon na lumakas ang loob ko. Natanto ko rin kalaunan na sa bawat pasok nila sa isip ko, nanghihina lang ako. Nauuna lagi ang emosyon ko sa tuwing iniisip si Mama at Tim sa halip na utak ko ang pairalin.
At isa pa, hindi rin ako sigurado kung uuwi ba talaga ako makatakas man kami. Ano naman kasi ang babalikan ko sa amin? Ipagpapalagay ko na lang na kumita nga si Tito Martin sa pagbenta sa akin, pero may binigay kaya yun kay Mama? Paano ako makasisiguro na aangat kami kapag makauwi na ako?
Sa ingay at polusyon dito sa impiyernong ginagalawan namin, hinanap ko ang payapa sa maaliwalas n kalangitan. Nakatingin sa mataba na ulap, pumikit ako at humiling... nagdasal.
I can only pray. But we can't deny that a guaranteed prayer takes time. We need to escape now... I recalled.
Sumasabog ang buhok ko habang tinatakbuhan ang pinagkupitan ko. Sa ibang pagkakataon, malakas ang loob kong sundin ang simbuyong lumayo at magsumbong ngunit panay sumisingit sa isip ko ang mga sinabi ni Liam.
"Hawak ng grupo sa leeg ang buong siyudad..."
Naliligaw ang isip at naguguluhan sa gagawin, huli na nang namalayan ko ang pagtawid sa intersection kung hindi sa mahabang silbato ng sasakyan.
Namilog ang mga mata ko. Una kong dapat gawin ay magpatuloy sa pagtakbo ngunit sa kotseng babangga sa akin, maraming dahilan ang pagkakatigil ko. Parang natapon lahat ng iniisip ko sa gulat, sa pag-aasa kong mabubunggo ako at sa naisip na pagkakataon upang makahingi ng tulong!
Umingit ang gulong ng sasakyan habang nagpatuloy ang silbato. Sinundan ko ng tingin ang bibig ng kotse. Kalahating pulgada ay tatamaan na sa ako! Agad kong tinapon ang sarili paatras at bumagsak sa lupa na parang nabunggo kahit wala naman talaga akong maramdaman. Nilukot ko agad ang mukha ko, tinatakpan ang bahagi ng balakang na kunwari'y natamaan sa pagkakabangga sa akin.
"A-Aray..." nagtulak ako ng hikbi sa lalamunan at kunwaring nahihirapang makatayo.
Nagbukas ang sasakyan at niluwa ang isang magandang babae. Maputi at malinis ang plantsadong blazer dress. Siguradong mamahalin. At ang pagkalaki laki niyang sumbrero na tinatakpan ang buong ulo niya at mukha, kulay puti rin na may manipis lang na linya ng itim na pumapalibot sa gilid.
"Oh dear! Are you alright?"
Tinanggal niya ang itim na salamin. Kitang kita ang pag-aalala nito habang mabilis akong dinaluhan. Bawat nagmamadali na hakbang ay umalingawngaw sa tulis ng takong ng puti niyang sapatos.
"I'm so sorry, hija. Saan 'yung masakit. Dito ba? Tell me. I will bring you to the hospital ngayon din!"
Marahan ang hawak niya sa akin nang tinulungan akong makatayo. Umaarte pa ako na nahihirapan. Habang abala siya sa pagtulong, tinitigan ko siya. Matangos ang ilong at mahaba ang pilikmata. Nahuhuli ko rin ang malaking bilog na hikaw na sumasayaw sa bawat marahang galaw niya. Ngayon ko lamang siya nakita kaya magpapalagay akong hindi siya tagarito. Hindi siya taga siyuad!
Papatuwid na ako sa pagtayo sa tulong niya. Hawak na ang kanyang siko, hinila ko siya pababa kasabay ng sadyang pagbagsak ng mga tuhod ko sa lupa, kunwaring nanginginig ang mga binti sa sakit ng pagkakabangga.
"Tulungan niyo po kami. Nagmamakaawa po ako," bulong ko sa mabilis na paraan.
Natigilan siya. Ayaw ko nang hintayin na makabawi siya sa gulat kaya isinuka ko na ang mga importanteng impormasyon sa abot ng makakaya ko!
"Sa Nena's bakery, may daanan diyan papasok sa isang bodega. Maraming mga bata doon, kabilang na ako at pinupuwersa kaming mamalimos. Pinaparusahan ang hindi makakaabot sa quota. Ang iba ay binibenta sa ibang lugar o pinaghuhubad sa harap ng mga banyaga. Plano na namin ang tumakas pero kontrolado ang buong lugar ng grupo nilang nandudukot ng mga bata. Nagmamakaawa po ako. Tulunguan niyo po kami. Walang naniniwala sa amin..."
"I am listening, my dear--"
"Please po..." gigil akong napahawak sa braso niya at mas sinsero na sa pagkakataong ito.
Sa nag-ipon na galit, sakit at iritasyon at takot ay hindi ko na mapigilan ang maiyak.
"At hindi niyo po ako natamaan. Gusto ko lang pong manghingi ng tulong. Hindi pera o ano. Gusto na po naming makawala dito..."
"I know what you mean." Hinaplos niya ang buhok ko at pinunasan ang luha. "And I will help you. That's a promise."
Naguguluhan ako sa pag-iingles niya. "Help? Tutulungan niyo po kami, iyon po ang ibig ninyong sabihin?"
Tumango siya. "You do what you have to do. Malalaman ito ng asawa ko ngayon din at babalikan kita, kayo, ng mga kasama mo. But you have to trust me."
"Trust... me?"
"Magtiwala ka lang sa akin... What should I call you, my dear?"
May sumita sa amin bago ko pa masabi ang pangalan ko.
Malalaki ang hakbang ni Sebio na para bang nag-aalalang ama samantalang ramdam ko na hindi nito nagugustuhan ang pakikipag-usap ko sa estranghero o... dahil ba hindi siya taga-rito?
"I'm so sorry. Is she your daughter?" ani ng magandang ginang. "I believe I hit her with my car and I think she needs proper treatment."
Diniretsong hila ako ni Sebio sa tabi niya. Halos nakalimutan kong nagpapanggap nga pala akong natamaan kaya agad akong ngumiwi sa kunwaring sakit.
"Makakalakad ka ba?" may banta sa tanong.
Tumango ako.
"Kaya niya naman daw, Ma'am. Ayos lang 'to."
"Is that so?" May dinukot ang ginang sa puting bag. Isang bukas at isang dukot lang, may salapi na sa kamay niya at walang pagdadalawang isip na inabot sa amin. "Here, just in case she needs the treatment. At bilhin niyo na rin ang mga gamot na kailangan niya."
Sa lihim ay nagpapangyari ang giyera sa dibdib ko habang tinatanggap ni Sebio ang salapi. Nag-angat ng tingin sa ginang, nagtagpo ang paningin namin at siguradong kitang-kita niya ang reaksyon kong pinagtaksilan.
Hindi ba niya naalala ang sinabi kong hindi pera ang tulong na kailangan ko? Babalikan niya ba talaga kami?
"Salamat po, Ma am. Makakatulong po ito sa amin." Tuwang-tuwa naman 'tong si Sebio.
Nag-taas ng kilay ang ginang ngunit nang bumaling sa akin, "Anyways, hija. You do what you have to do to escape... the pain."
May kakaibang kislap sa mga mata niya habang sinasabi ang huling kataga. Ilang sandali rin ang itinagal ng paningin niya sa akin. Kumindat siya at may kakaiba sa pag-angat ng mapupulang mga labi bago siy pumasok sa magara niyang sasakyan.
Pinapanood ko ang pagliko ng sasakyan. Hindi pa rin matanggal sa isip ko ang ibig sabihin ng iniwan niyang kindat at ngisi. Hindi niya gagawin iyon sa harap ni Sebio kung alam nitong mahahalata siya. Pag-lingon ko, tutok naman pala ang ugok sa pagbibilang sa pera!
"Aba, magaling ka nga talaga, ha?" Akbay sa akin ni Sebio nang isinama ako pabalik sa bodega. "Turuan mo ang mga kasama mo para mas makarami pa tayo ng kikitain. At dahil dito, masarap ang magiging hapunan ninyo mamaya!"
I called it my version of the last supper before the betrayal hits. Yet in here, Judas ventures to be the hero. In here, I was Judas. Not that any of these men were my friends. But in some ways I sought their trust in me. They all have trusted me to be an ally.
"Kaya tularan niyo itong si Zea para lagi tayong may piyesta!" deklara ni Sebio pagkatapos inanunsiyo sa lahat ang nangyari kanina at kung paano ito ang gawin nilang stratehiya para sa mas malaking kita.
Nagkalat ang bulungan. Tinanggap ko ang iilang masamang tingin sa akin. Noong isang gabi lang ay tatakas na kami dahil sa akin pero biglang nagpapabango ako kina Sebio ngayon? Kahit sina Dino at Tim ay iniiwasan ang tingin ko.
"Sige na. Kumain na kayo at bukas na bukas din, panibagong piyesta na naman!'
Walang nagbunyi. Sa halip ay mabigat ang bawat kilos sa pagbubukas ng supot laman ang mga pagkain sa isang sikat na fast food chain. Tig-iisa kaming lahat at kahit ang mga dapat namamalimos sa madaling araw ay pinagliban.
Sino ba naman kasi ang masisiyahan? Ganito nga ang pagkain namin pero tinaasan naman nila ang quota sa isang libo!
Inosente kong hinarap si Sebio. "Babalik po ba ako mamaya sa tanggapan? Alam niyo na po, para sa masahe ninyo. Kayo pong tatlo."
"Mamasahiin mo kaming tatlo?" May mangha sa pagtataka nito.
Ngiti akong tumango.
"Hmm... puwede rin. Pero dalawa lang kami mamaya. Nagpapahinga ang isang kasama namin pagkatapos magamot."
Oh... 'E di mas mabuti naman pala!
"Saan po ba siya nagpapahinga?" Sa mas pinalungkot kong boses. "Kawawa naman. Hindi na po ba siya makakalakad para kumuha ng pagkain niya? Puwedeng ako na rin po ang maghatid ng pagkain para sa kanya!"
Nananantiya ang tingin niya sa akin. Tinamaan ako ng kaba.
"Alam mo maganda ka nga talagang bata ka pero nasasayang rito sa paninilbihan mo. Pero siguro may mas halaga talaga ang talino kaysa ganda noh? Di bale, irereto kita kay boss. Magugustuhan ka nun! Maganda na nga, magaling pa at maaasahan kaya rin siguro ikaw ang pinipilit nilang dalhin dito. Nung tumakas ka, ayaw kang pakawalan, e."
Yumuko ako. "Salamat po."
Bago ako pakawalan, binilin niya sa akin ang oras ng pagpunta ko sa tanggapan at kung saan namamahinga si Gibs para madalhan ko ng pagkain.
"Ako na rin po ang magla-lock mamaya pagkatapos ng hapunan," dagdag ko. Nasa akin pa ang susi. Hindi ko alam kung alam ba nilang wala na iyon kay Gibs.
Inaayon ko ang hugis ng aking mga mata sa matamis kong ngiti. Saglit natulala si Sebio, umawang ang bibig at para bang nahihipnotismo. Kung walang bumagsak na mangkok ay matagal siyang nakalutang sa gising niyang pananaginip.
"Oo na, sige na. Ikaw na bahala!"
Lumabas ako dala ang pagkain ko. Mag-isa ulit si Liam na kumakain at walang salita ko siyang tinabihan. Hindi man lang siya nagulat. Nagpatuloy lang sa masaganang pag kain. Kalaunan ay nilantakan ko na rin ang manok at kanin habang pinapanood ang paggalaw ng isa sa mga umiilaw na kreyn sa hindi kalayuang construction site.
Nag-aagaw na ang iba't ibang uri ng asul, rosas at lila sa kalangitan. Mas madilim nga lang sa bahaging ito dahil sa bundok ng mga basura at maiitim na usok. Hindi nagtagal ay tumingkad na ang maliliit na ilaw sa unti-unting paghahari ng gabi.
Nilingon ko ang paglabas ng isa sa mga bata para magtapon ng basura at dala ulit ang pulang galon. Sa pagkakataong ito, kita ko ang pagbuhos niya sa laman niyon. Nagsindi siya ng posporo at nang itinapon sa basurang binuhusan ng laman ng galon, nagliyab.
Napakurap ako. Sumasayaw ang apoy sa loob ng nandidilat kong mga mata. Nagkatinginan kami ni Liam. Sa tagal ng titigan ay nahihimigan kong iisa lang ang nasa isip namin.
"Ate Zea, turuan mo kami..."
Isa sa mga bata ang lumapit sa akin isang oras matapos ang hapunan ng lahat.
Alam kong napipilitan lang ang ilan sa kanila na hingin ang pagkadalubhasa ko pero sa kailalim-laliman ay masama talaga ang loob nila sa akin dahil sa pagtataas ng quota.
"Sa isang kondisyon. Kailangan may tiwala kayo sa 'kin."
Nagkatinginan pa sila at may pag-aalangan na tumango.
Huminga ako nang malalim. "Sige, ito ang gagawin natin mamaya bago maghatinggabi."
Nilapag ko sa gitna ang malapad na kahoy at gamit ang uling, ginuhit ang naisip kong plano. Hindi ko alam kung tutulungan nga ba kami nung ginang pero may kakaiba akong naramdaman sa sinabi niya. At dapat magtiwala rin daw ako.
"E pinataas mo nga yung quota e. Kaya paano kami magtitiwala sa 'yo?" reklamo ng isang bata.
"Shh! E hindi ko naman sinabi na taasan nila 'yon! Malay ko ba? At saka kunwari nabunggo ako para makahingi ako ng tulong para tumakas! Kung ako lang sana ang tatakas mas madali. E isasama ko kayo, magrereklamo ka pa? Kung ayaw niyo sa plano ko, e di tatakas ako mag-isa. Bahala na kayong maiwan dito. Gusto niyo 'yon?"
Tahimik silang yumuko. Kumapit si Daisy sa akin na naiiyak na naman.
"Sasama ako sa 'yo, Ate Zea..."
"Nagkunwari ka lang talaga? Parang umaarte lang?" manghang mangha si Tim. Hindi makalimutan ang kinuwento ko tungkol sa magandang ginang na hiningan ko ng tulong.
Tumango ako. Huli ko ang pagnguso ni Liam katabi ni Dino, parang nagpipigil ng kung ano.
"Anong ningisi-ngisi mo diyan, Liam? Tulungan mo ako rito."
Tinigilan niya ang ginawa at ipinagtaka kong walang bahid ng protesta mula sa kanya nang tumabi siya sa akin. Sa bawat paliwanag ko sa gagawin, nagdadagdag si Liam ng mga alam niya katulad ng pag-ilaw ng tatlong kreyn hudyat ng hatinggabi. Kapag dalawa ay alas diyez pa. Sa oras na iyon kami magsisimula.
"Ito lang ang tatandaan ninyo. Walang lingon lingon. Tumakbo kayo. Naiintindihan niyo?"
Sabay silang tumango.
Ito ang itinanong ko pagkapasok namin sa bodega. Pinapaniwala ang dalawang tagabantay na tinuturan ko silang makakupit ng isang libo. Pero sa lihim, iba na pala ang tinuturo ko.
"Dala mo pa ang balisong. Kapag nandoon ka, saksakin mo na!" bulong ni Liam sa akin habang kinakandado ko na ang pinto.
Nasa amin pa rin ang mga mata ng tagabantay kaya ipapakita ko sa kanilang sumusunod ako sa utos.
"Tandaan mo na dalawa sila sa loob mamaya, Liam. Mag-isa lang akong magmamasahe. Maliit yung balisong. Pagtutulungan nila ako. Isa pa, ayaw kong pumatay, noh."
Umirap siya. "Tinanggalan mo na nga ng tite yung isa."
Nagulat ako. "Sinaksak ko, hindi hiniwa. Dun ka na nga!"
Nanatili siya sa harap ko.
"Hindi pa rin ako sigurado rito, Zea. Ngayon mo lang nakita ang babaeng iyon pagkakatiwalaan mo agad? Tsaka sabi mo mayaman. Ang mga uri nila ay hindi tutulong sa mga katulad natin. Ano lang ba tayo? Sapat na sa kanilang magbigay at magwaldas ng ganoon kalaking salapi dahil barya lang naman iyon sa kanila. Wala silang pakialam!"
Napahinga ako nang malalim at bahagyang napaisip. May tiwala o wala, itutuloy ko pa rin ang plano ko. Susubukan ko pa rin. Kung mabigo man kami, siguro ay hindi talaga para sa amin ang pagtakas. Siguro ay hindi talaga para sa akin ang kalayaan.
Bahala na.
Wala pang alas diyez ay pinatulog na kami. Aagahan nalang daw namin bukas dahil walang pinaglimos sa madaling araw. Masyado silang nasiyahan sa natanggap na salapi para makalusot ang init ng ulo. Higit sa tatlong libo yata ang ibinigay kaya siguro ganito sila kaluwang sa amin.
At gagamitin namin ang pagkakataon na ito ngayon.
Nasa tapat ako ng pinto ng tanggapan. Oras na para sa masahe nila. Nilingon ko sina Liam, Tim, Dino at Daisy na titignan ang pagpasok ko saka sila aaksyon. Dala nina Tim at Dino ang mga pulang galon laman ang gasolina. Binigay ko naman kay Liam ang susi para buksan ang pinto. Tumango ako sa kanila saka ako pumasok.
Alam na ng mga bata ang gagawin; Walang matutulog ngayong gabi.
Si Sebio ang inuna ko. Ginawa ko ang gusto niyang istilo sa pagmasahe kaya ramdam kong unti-unti na siyang natutunaw sa antok. Sa isang kasama niya ako nainis dahil gising na gising pa!
"Yung pinto?" anito sabay tinungga ang usuwal na alak na iniinom nila.
"Na-lock na niyan kanina, hindi mo ba nakita?" Si Sebio ang sumagot.
Lihim akong napahinga nang malalim. Sigurado man ako sa plano, hindi ko maintindihan ang kaba ko. Paano kung hindi pala kami babalikan nung ginang? Saan kami pupunta sa oras na makalayo na kami rito? O kung magtagumpay man kami sa pagtakas namin... kanino kami makakahingi ng tulong o kahit pansamantalang masisilungan man lang?
Bakit ba hindi ko naisip iyon? Ang tanga naman, Zea! Tama si Liam. Sa yaman ng babaeng iyon, hindi ito mangangahas na tulungan ang isang palaboy na tulad ko! Umamin na nga akong nagkukunwaring nabunggo niya kanina at sinabi ko pa lahat ng impormasyon sa kalakalakan dito kaya siguro ganoon kalaking salapi ang binigay niya na para bang makakabawas iyon sa paghihirap namin. Ilang araw lang ba ang itatagal na tatlo o limang libo?
Pero magtiwala lang raw ako. Hindi ko na alam...
"Ano bang nangyayari sa 'yo? Kanina ka pa hindi mapakali diyan!" Sigaw ni Sebio sa kasama.
Nilingon ko siya. Panay galaw ng isang binti at hindi nito tinitigilan ang pagtungga ng rum habang halata ang guhit ng pangamba sa mukha.
"Tangina mo 'wag kang gagaya kay Gibs na sa gabi humihithit! Alam kong masasamang tao na tayo rito pero yung ginawa niya, hindi ako sang-ayon don. Buti nga't natanggalan ng tite 'yon!"
Hinanap ng paningin ko sa Gibs na kanina lang ay nakahiga pa sa isang sulok nitong silid noong hinatiran ko sila ng hapunan. Ngayon ay wala nang bakas niya. Baka nasa isa pang silid na kailanma'y hindi ko pa napasok.
"Hindi ko alam, Tol. Masama ang kutob ko. Bigla akong kinakabahan, e."
Nagtiim bagang ako.
"Mamasahiin na lang po kita para ma-relax ka po," matamis kong sinabi at ngumiti na para bang isang nakakaengganyo alok ang hinahain ko.
Padarag na tumayo si Sebio. "O ayan ikaw na mauna! Tangina mo naman binibigyan mo pa ako ng problema. Mabuti't nandito ang batang 'to o kanina pa kita pinatulog sa suntok!"
Isang beses pa siyang nagmura bago tuluyang umalis sa harap ng silya. Nagpalit sila ng upuan ng kasama niya. Si Sebio ay nanlalanta pa sa antok mula sa masahe ko at muling pumikit.
Patuloy ako sa pagmamasahe nitong isa. Napahinga siya nang malalim at unti-unti ko nang nararamdaman ang pagtahan ng mga balikat niya mula sa kaninang tensiyon.
"Nakakatulong din po siguro ang iniinom ninyong alak sabay sa masahe kaya nare-relax po kayo, hindi ba?"
Mahinang ugong na lang ang narinig ko, katulad ng ingay sa lalamunan na naririnig ko kay Tito Martin tuwing umuuwi siyang lasing. Hudyat na nanghihina ang katawan nito para makatayo o manlaban.
Narinig ko na ang pagtulak sa pinto sa labas. Napapikit ako, inaasahan ang paggising ng dalawa samantalang hinihiling din na wala sa kanila ang pagtuunan ng pansin anag ingay sa labas. Hinilot ko na lang ang tenga ng tagabantay para ang paglukot sa tenga ang tanging maririnig niya sa halip na ang gasgasan ng tinutulak na pinto at semento.
Tinatanaw ko na sa isip ang paglabas ng mga bata habang sina Dino at Tim ay nagbubuhos ng gasolina sa buong bodega.
Dahil kung sa taimtim na mga kahilingan ko ay hindi ko pa maantig ang damdamin ng langit, sa impiyernong ito mismo isisilang namin ang apoy sakali mang nagmamasid sa amin ang mga diyos.
If I can't touch the heaven's heart then I might as well trigger it. Inflame the hell beneath it...
"Ano 'yon?!"
Halos tumalon ang tagabantay sa silya. Nalukot ang ilong sa panay singhot sa hangin.
"Relax lang po kayo. Alak mo lang yata naaamoy mo..." Diniin ko ang mga kamay sa mga balikat niya para ipirmi siya sa upuan!
"Putangina ina naman, Teng! Ano, di pa ba tapos iyan? Di yata epektibo masahe sa 'yo kaya bugbugin na lang kita nang matahaimik ka!"
"Hindi, e. May naaamoy ako!" Panay pa rin ang pagsinghot nito, parang aso na nakalanghap ng bagong luto.
Nanlalamig na ang mga kamay ko. Gusto kong ipagpatuloy ang pagmasahe pero si Teng ay pinipilit nang tumayo at lumabas sa tanggapan!
Tuluyan nang namuti ang dugo ko sa nahuling pagkakatigil ni Sebio. Wala nang bakas ng antok. Hindi ko alam kung pinagbigyan ba niya ang seryosong pangangamba ni Teng o sadyang naaamoy na rin niya ang gasolina.
Damang-dama ko ang rahas ng pagkakaugoy ng katawan ko sa sariling kaba. At nang magsalita ay hindi na maitago ang buong panginginig ng boses ko.
"Iche-check ko po sa labas."
Bumitaw ako sa balikat ni Teng at tinungo ang pinto, handa nang lumabas.
May ideya nga lang na pumasok sa isip ko. Sinadya kong bungguin ang mesa pagkadaan ko para matumba ang mga bote ng rum doon. Ang mga hindi ba nabubuksan ay nahulog at nabasag nang tumama sa sahig. Agad nagkalat ang laman. Habang ang inumin ni Teng ay nabuhos sa pantalon niya.
"Dito ka lang. Ako na ang titingin," pigil ni Sebio.
"Po?"
"Tangina, may usok!"
Hudyat ko na iyon para tumakbo, hindi na kailangan tignan ang tinutukoy nitong pagpasok ng usok sa tanggapan. Sumiklab na ang apoy sa loob kaya nasisigurado kong nakalabas na ang lahat. At hindi magtatagal, sa pagkalat ng mga alak sa tanggapan, susundin ng apoy ang bakas doon.
Nararamdaman ko ang pagkakapaso ng isang bahagi ng katawan ko habang dumadaan sa gilid ng lumalaking liyab. Ang tunog ng siklab at sigawan sa labas ay sinir ang katahimikan ng gabi at lalung-lalo naman ang humabaol na sigaw sa likod ko!
Sa halip na manghina at magpadala sa takot na maabutan, mas binilisan ko ang pagtakbo sa kabila ng pangangalay ng aking mga binti at pamamawis sa nakakapasong silab.
Hindi ako lumingon. Nanatili ang tingin sa harap samantalang mapaghanap ang mga mata sa kaisa-isang pahiwatig na bumalik ang ginang para tulungan kami. Ang malinaw lang sa akin ay ang pag-ilaw ng paligid mula sa higanteng siklab ng apoy na iniwan ko na siguradong gumapang pa sa bundok ng mga basura kaya kitang-kita ko ang pagkakalat ng mga bata. Tumatakbo at umiiyak.
"Ate Zea!"
Hinanap ko ang pinanggalingan ng sigaw ni Daisy. Agad ko siyang nahagip sa kaparehong sirang pader na pinagtaguan nila noong unang pagkikita namin. Naninilaw ang buong bulto nila dahil sa repleksyon ng apoy. Nahihirapan si Dino na umiiyak na rin habang pinipigilan ang bata na gustong lumapit sa akin. Ako na ang tumakbo tungo sa kanila.
"Ate Zea, sama ako sa 'yo," iyak niya at sinubukan akong abutin. Hinayaan ko siyang mahakawan ako kahit nag-aalangan na akong isama siya sa akin.
"Hindi namin alam saan pupunta!" Si Dino.
"Saan yung iba?"
"Yung mga kasama ni Tim... May sumalubong sa kanilang mga unipormadong lalake. Pinapapasok sa malaking sasakyan. Mga armado, Ate Zea. May mga baril. Natatakot kami!"
Napaisip ako. Hindi kaya galing iyon sa ginang kanina? Binalikan niya kami?
"Si Liam?" tanong ko.
Umiling siya. "Hindi na namin siya nakita pagkatapos niyang silaban ang bodega--"
"Ayun siya!" sigaw ni Daisy. Sinundan namin ang tinuturo niya.
Ang usapan namin kanina ay walang hintayan sa oras na makatakbo na. Pero ang init na nga ng apoy, uminit lalo ang ulo ko sabayan pa ng takot nang makita siyang tumatakbo pabalik sa nasusunog na bodega!
Hindi ko naisipan na paunahin sina Dino sa maaaring naghihintay na tulong at hinabol agad si Liam. Walang hinto sa pagtakbo ay hinila ko siya sa braso nang maabutan.
"Tangina, 'yung usapan, Liam. Tara na!"
"May sanggol sa loob!" sigaw niya at ang buong boses ay hindi dahil sa inis sa pagpigil ko.
Natigilan ako. Nalilito sa sinabi niya. Babalewalain ko na sana at hinila siya ulit para sumama sa amin pero narinig ko ang iyak ng bata mula sa loob.
"P-paanong may sanggol? Kagagaling ko lang roon sa tanggapan. Saan nila..." naglaho ang tanong ko nang may matanto. Iyong isang silid ba?
"Babalikan ko ang sanggol. Hindi maaaring maiwan iyon doon!"
Patuloy ang ngawa ng bata sa loob. Sa likod ko ay nakalapit na sila Dino bitbit si Daisy na siguradong nainig ang sinabi ni Liam.
"Kanino 'yung sanggol, Liam?"
Nilingon niya ako. Hindi ko matukoy kung dahil ba sa higanteng pagliliyab sa likod niya o totoong luha na ang nasa mga mata kaya ganoon ang tingin nitong pag-uumapaw ng tinta sa itim niyang mga mata. Ang matinding pamamawis ay tinutunaw na rin ang itim sa mukha niya at halatado na ang pamumula ng totoong kutis.
"Kitain niyo ako sa tulay..." huling sinabi niya at para bang isang paalam.
Walang lingon siyang tumakbo palayo sa amin hanggang sa ginupo na ang bulto niya ng apoy.
Hindi ko sinasadya ang patak ng luha sa mga mata ko. Hindi kami nagtagal at inutusan ko si Dino na buhatin si Daisy habang tumatakbo kami. Nakasunod ako sa likod, siniguradong makikita pa rin ako ng bata para hindi na siya umiyak.
Nahagip ko ang bilugang mga mata ni Daisy na kahit hindi man magsalita, ay nahahanap ko ang katotohanan. Kaya naman sa panlalaki ng mga mata niyang hinugis ng takot, parang binabalaan din ako ng sariling kalabog sa dibdib ko sa nagbabadyang panganib sa likod.
Kasabay ng sigaw niya ay ang paghila sa buhok ko. Huli nang balaan ko sila na huwag akong hintayin at patuloy lang sa pagtakbo nang bumagsak ang likod ko sa mabatong lupa. Tinakasan ako ng hangin sa lakas ng pagkakabagsak ko. Bago ko pa matulungan ang sarili ay dinambhan na ako ni Sebio. Sunog ang isang bahagi ng mukha!
Nagpumiglas ako laban sa pilit niyang pagsakal sa akin. Sa hindi kalayuan ay naririnig ko ang lumalayong mga sigaw at iyak ni Daisy, pahiwatig sa aking nagpatuloy si Dino sa pagtakbo at unti-unti nang nakakalayo.
"Tangina mong bata ka. Inisahan mo kami. Tangina mo!"
Bubunot si Sebio ng baril. Naalala ang balisong sa bulsa ko, mabilis kong dinukot ang maliit na sandata at diniretso ang patalim sa kamay niyang hawak na ang baril ngunit bubunutin pa lang mula sa lalagyan nito sa gilid ng pantalon.
Napasigaw siya sa sakit ngunit hindi ito nakapigil sa kabilang kamay niya na tamaan ako ng sampal. Naluha ako sa hapdi at sakit na parang inikot nang buo ang leeg ko.
"Ang tapang tapang mo! Puwes, hindi ka lang mapipilayan ngayon. Duguan iyang matalino mong ulo, ha?! Tignan natin kung makakapag-isip ka pa habang nagkakalat ang utak mo sa punyetang lugar na 'to!"
Ang pinakasadya niya ay bunutin ang baril para mapatay ako sa halip na tanggalan ako ng sandata. Kaya nang muli ko siyang sinaksak--sa tiyan-- inuna niya ang pagtabon sa natamaang bahagi para pigilan ang pagdanak ng dugo.
Tinulak ko ang sarili paalis sa ilalim niya. Panibagong sigaw ang kumawala sa kanya na sinalihan na ng panggagalaiti. Sa kanyang pagbagsak ay ang kabilang gilid niya ang tumama sa lupa. Ang kanang bahagi kung saan nakaligpit ang baril sa lalagyan ay malaya sa ilalim ng paningin ko.
Walang takot kong binunot ang baril at nang makatayo, agad ko siyang tinutukan.
"Sige, lumapit ka..." nanginig ang boses ko.
Panandalian kong nilakbay ang paningin sa naglililiyab na paligid. Marahan akong naginhawaan nang hindi ko na makita sina Dino at Daisy. Wala na rn ang mga sigaw at iyak. Mas mabuti na iyong wala sila rito. Napanatag akong malaman na tumakbo sila at hindi na ako hinintay nang sa ganoon, maaabutan nila ang tulong na pinapaniwalaan kong galing sa ginang kanina.
Gumalaw si Sebio. Kahit duguan ay nagawa pang mangutya sa pagtawa nito. Umubo siya ng dugo pero hindi nagtagal ay natawa na naman ito.
"Whooh!" sigaw tawa niya. "Ang tapang tapang mo talaga! Sigurado kang magagawa mo iyan? Makakatakas ka nga sa impiyernong 'to pero sa kulungan pa rin ang babagsakan mo! Kaya kung ako sa 'yo..."
Parang wala lang ang mga saksak ko dahil may lakas pa rin siyang makaupo. Sapo ng kamay ang duguang tiyan, kalaunan ay nagawa na nga niyang tumayo! Isang makahulugang hakbang niya, umatras ako nang hindi binababa ang pagkakatutok ng baril sa kanya.
Ngumisi siya. Kitang kita ang mantsa ng dugo sa kanyang ngipin. Patuloy niya akong nilalapitan habang pinapantayan din ang mga hakbang niya ng mga pag-atras ko.
"Gagawin mo talaga iyan, ha?" May banta sa kanyang panunuya. "Hindi mo kaya. Bata ka pa pero naisip kong malaki ang pakinabang mo sa grupo kaya sumama ka na lang sa akin. Ilalapit kita kay bossing. Pangako ko sa 'yo, bata, palalagpasin ko ang ginawa mo sa 'kin. Hindi ako gaganti. Ibaba mo 'yan!"
Umiling ako. Kahit nangangalay na ang mga braso ko sa bigat ng armas, pinipilit kong hindi maibaba iyon at panatilihin ang pagkakatutok ng baril sa kanya.
Muli siyang natawa. "Hindi mo alam kung paano gamitin iyan, noh? Hindi lalabas ang bala sa tulak lang ng gatilyo, bata..."
Mabilis ang hininga ko. Inalala ko ang ama na rating sundalo. Tinandaan ang isang beses na aksidenteng pagkakahuli ko sa kanyang kinakasa ang baril at kung paano niya tinatanggal ang bala.
Sinubukan kong kasahin ang baril na hawak ko at mas malakas pa ang loob na inasinta sa kanya. Huli ko ang bahagyang pagkakatunaw ng kanyang ngisi ngunit singbilis ng kidlat ang paghulma ng galit sa mukha niya't tumatakbong nilalapitan ako!
Hinila ko ang gatilyo. Umalingawngaw ang paglaya ng bala sabay sa pagkakatigil ni Sebio. Nagyelo ako sa kinatatayuan sa pag-aakalang natamaan ko siya ngunit sa sumasabog niyang tawa, dinambahan ako ng kaba.
Mas matingkad ang pang-aasar niya ngayong nagbubunyi na hindi ko natamaan. Hindi ko alam ano ang naiisip ko at hindi man lang pumigil sa akin ang pag-iinit ng pistola nang sa muli'y hinila ko ang gatilyo. Walang tigil ang buhos ng pagbubunyi sa lumalakas pang tawa ni Sebio na sumasabay sa alingawngaw ng nabibigong bala.
"Bata, sige na. Hindi ako gaganti sa 'yo pramis. Ibigay mo na 'yan sa akin. Hindi mo ako matatamaan. Hindi ka marunong. Akin na..."
Bakit pa nga ba ako nag-aaksaya ng minutong tamaan siya? Kung tumakbo nalang ako? Tutal sa duguang kalagayan niya ay hindi na niya siguro ako maaabutan.
Pero... gusto ko pa ring makasiguro.
Ano ba ang dapat kong gawin, Mama? Kung hindi ako lalaban, mamamatay ako. Ayaw ko pang mamatay. Ayaw ko ring pumatay! Pero sa sitwasyong ito, kailangan kong mamili. Mamatay o papatay?
Umiling ako. Sa mariing pagpikit ay napisil ang mga luhang magkasunod na bumuhos. Naliligo na sa pawis, apoy at sabayan pa ng pagaan ng aking ulo, ramdam ko ang pagbagal ng paligid nang sa ikatlong pagkakataon, kinasa ko ang baril at itinutok na sa kanyang dibdib.
Sa paningin kong himahamog ng mga luha, tinututukan kong mabuti ang ngisi sa duguan niyang bibig.
The third explosion echoed that night. Deafening the dark skies and the wasteland.
And when I pulled the trigger for the third time, it was the moment I declared my first kill. Not because I shot someone straight to the chest. But it was the death of morality on my end. The absolute fall of innocence. At only eleven.
Tatlong ilaw para sa pagtakas. Tatlong bala rin para sa pagwawakas.
Hindi ko na namalayan ang mga dinaanan ko nang tumakbo. Basta't tumigil lamang ako nang tuluyang tumiklop ang aking mga tuhod at nanginginig ang mga balikat nang humagulhol habang nakaluhod sa gitna ng lansangan. Tumingala, natagpuan ko ang malaking orasan na sakto ang pagkakatuntong sa alas dose ng hatinggabi.
Bumalot ang silbato ng mga sasakyan, sirena ng pulis at ambulansiya. Mga sasakyang himpapawid at matinding kalabog sa dibdib ko habang nasisilaw ako sa iba't ibang ilaw ng mga gusali ng sentro.
Nag-angat ako ng tingin sa lumuhod sa harapan ko. Napasinghap ako at lalo pang umiyak na makita ang magandang ginang. Kinuwadro niya ang aking mukha at pinupunasan ang bakas ng mga luha kong patuloy pa rin sa pagbuhos.
"Ssh... it's okay. You are safe now, hija. I will take you home with me, okay?"
Umiiling akong yumuko. Masaya akong makita siya pero sa huli, estranghero pa rin siya sa akin at ako'y palaboy lamang sa kanya.
"Hindi ko po kayo kilala..." impit akong humihikbi.
I recalled the motherly kiss on top of my dirty greasy hair.
"Call me Tita Giorgia or..."
Mommy. She's always been Mommy Giorgia to me.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro