
Chapter 64
JACKSON?!
Lumapit siya habang nakatutok pa rin ang hawak na baril. Nakatulala ako sa kanya hanggang sa huminto siya sa tapat mismo ng nakahandusay na gunman. Binaril niya pa ito ng isa sa dibdib.
"Tama na..." anas ko sa halos hindi na marinig na boses. Pero kahit gaano kahina, narinig niya ako.
Marahan niyang ibinaba sa gilid ang baril at nilingon ako.
"Tama na. P-patay na siya. Tama na..."
"Calder!" Agad na inangat ni Vice ang katawan ni Calder para makaupo.
Napaubo si Calder. May dugo siya sa bibig. "Ugh!"
"'You okay?" tanong ni Vice.
"M-mukha ba akong okay?" Pinahiran ni Calder ang gilid ng bibig na may dugo.
"Si Calder!" pagkasabi ko'y napakurap si Jackson.
Dinaluhan namin si Calder at inalalayang tumayo. Sa may gilid ng balikat niya sa kaliwa ang tama.
"Malayo naman sa bituka 'to," aniya pero nakangiwi ang mga labi.
"We need to go," malamig na sabi ni Jackson.
Saglit na natigilan si Vice at saka nanlalaki ang mga matang nagsalita. "Yeah. Kailangan na nating makaaalis. Hindi ko alam kung tama ang kutob ko na parang may nakasunod sa akin kanina—"
Hindi na natapos ang pagsasalita nang may dalawang lalaking nakabonet ang bigla na lamang pumasok sa pinto.
"Pasensiya na, Vice, napag-utusan lang kami para itumba 'yang babaeng 'yan!"
Nakatutok ang mga baril nila sa amin. Nakahawak ako kay Calder habang hinaharangan kami ni Jackson.
Napaatras ang Vice. "Sino kayo?! Sino ang nag-utos sa inyo?!"
Napa-tsk ang isa sa mga nakabonet na gunmen. "Mayor, malinaw ang utos sa amin na itumba 'yang babae sa likod mo. Kapag hindi ka umalis, madadamay ka."
Pero hindi tuminag si Jackson sa harapan.
"Manolo, dalhin niyo na si Vice at si Mayor. Kami nang bahalang magligpit sa maiiwan."
"No!" sigaw ni Vice. "Kung sino man ang nag-utos sa inyo, tell him na hindi ako papayag sa plano niya!"
"Vice, may Plan B ito. Kapag hindi kayo nakisama, madadamay ka at si Mayor. Mawawalan kayo ng pakinabang at mas gugustuhin na lang ng amo namin na lahat kayo, pare-parehong dispatsahin."
Marahan ang pag-atras namin. Si Vice naman ay patuloy sa pakikipagusap sa mga gunmen na may suot na mga bonet.
"Si Hynarez ba ang nag-utos sa inyo? Sino sa kanila? Si Congressman o si Gov?! Answer me!"
"Vice, wala kang kasama nang nagpunta rito, wala ring may alam na nandidito kayo. Kung lahat kayo, ililigpit dito, wala ring makakaalam kahit ikaw pa ang bise presidente ng bansa."
"I will not let you kill any of them—"
Isang putok ang nagpatigil sa pagpapalitan nila ng salita. Napatulala ako nang bumuga ng dugo ang isa sa mga naka-bonet. Umuusok ang noo nito nang bumagsak sa sahig.
"Jackson!" napatili ako dahil itinulak niya kami.
Nanlisik ang mga mata ng isa pa sa mga lalaki na katabi ng binaril ni Jackson. "Putangina ng anak mo!"
"Mga anak ko! Mga anak ko ang mga ito at hindi ako papayag na saktan niyo isa man sa kanila!" Nakitulak na rin si Vice papunta sa likod ng mahabang sofa.
Akala ko iisa na lang ang kalaban pero meron pa mula sa labas. Dalawa pa ang pumasok at kapwa nakabonet ang mga ito. Tatlo ngayon ang nagpapakawala ng putok ng baril habang hindi kami magkadatuto sa pagtatago sa mga antigong sofa, cabinet hanggang sa makarating sa island table ng kusina.
Mabulit at malawak ang paligid ng nag-iisang malaking bahay na ito sa isang tagong resort. Mga antigo rin ang malalaking gamit na salit-salitan naming tinataguan.
Nasa harapan ko si Jackson habang hawak pa rin niya ang baril na hindi ko sigurado kung may bala pa ba.
"M-may baril ako sa kuwarto..." may paghingal sa boses ni Calder.
"Buhay ka pa?" Nilingon siya ni Jackson.
Ngisi lang ang sagot ni Calder sa kanya.
"Here. Cover me!" Inabot ni Jackson ang baril saka siya nakatungong nanakbo patungo sa pinto ng nag-iisang kuwarto.
Nanggagalaiti ang mga nasalisihang gunmen. "Putangina mo, Mayor! Siyam ba buhay mo?!"
Sunod-sunod naman ang pagkalabit ni Calder sa gatilyo. Nagmumura ang mga lalaking nakabonet sa sala.
"Vice, putangina talaga ng anak mo!"
"Putangina mo rin!" sigaw ni Calder sabay angat sa island table para magpakawala ng dalawang bala.
"Pakialamero kang guwardiya ka! Isa ka pang putangina!"
"Agh!" Sigaw ni Calder.
Pagbaba niya ay namilog ang mga mata ko. Duguan ang kanyang kaliwang braso habang sapu-sapo iyon ng kamay niya.
"Daplis lang!" Nakangiwi niyang sabi pero todo ang paghingal niya.
Agad na lumapit si Vice sa kanya. Nanlilisik ang mga mata ng matandang lalaki ng agawin niya ang hawak na baril ni Calder. Umangat siya at pinagbababaril ang mga nasa sala.
"Para sa ginawa niyo sa anak ko, putangina niyo!" Vice yelled at them.
Takip na takip naman ako sa tainga ko.
"Badass!" nakangising ani Calder kahit halatang hirap na hirap na siya.
Pagbaba ni Vice ay putlang-putla ang matanda. "Wala ng bala!"
"Inubos mo e, pasikat ka masyado!" Napailing si Calder. "Pano tayo niyan? Mukhang nakatulog na sa kuwarto iyong paborito mong anak. Di na bumalik e."
"Shut up! Wag ka nang magsalita at baka lalo lang dumugo iyang mga sugat mo!"
"Daplis nga lang..."
"Sa braso, oo! Pero iyong sa likod mo?!" Hinaltak siya ni Vice sa kwelyo ng suot niyang polo. "Let me see!"
"Ano ba—ugh!" Hindi na nakapalag si Calder ng hilahin siya ni Vice.
Nagluha ang mga mata ko nang makitang umaagos ang dugo mula sa tama ng bala sa likod ni Calder.
Hinubad ni Vice ang suot na amerikana at inabot sa akin. "Fran, pressure on the wound!"
Tumango ako at idiniin ang pinaikot na amerikana sa mismong tama ni Calder. Kandangiwi siya sa sakit.
"Ano wala na kayong bala?!" nanunuyang sigaw ng isa sa mga goons. "Pwede na ba kayong bisitahin diyan?!"
"Walang tao sa kuwarto!" sumigaw ang isa sa kanila.
Kahit ngiwing-ngiwi sa sakit ay nakuha pang magsalita ni Calder. "Umuwi na yata si Mayor."
Pinandilatan ko siya. "Sinabi na wag ka na magsalita!"
Pausod-usod na lumayo sa amin si Vice hanggang sa makarating siya sa kanto kung saan naroon ang oven. Inalis niya ang dulo ng baston niya at nakakagulat na ang totoong dulo pala nito ay patalim. "Hindi lang sila ang may plano," bulong niya.
Namumutla man ay proud siyang ngumiti sa akin.
"Pag wala akong nasaksak nito..." Itinaas niya ang baston. "Papasabugin ko na lang ito." Siko niya sa katabing kalan. Saka ko lang napansin na ang kaliwang kamay niya ay may hawak na lighter.
Nang tingnan ko si Calder ay nakatingin din pala siya kay Vice. "Tuso talaga si Thunderbird..." anas niya.
Minuto na lang ang bibilangin, pwede na kaming lapitan ng mga goons dahil wala ng bala ang baril ni Calder. Todo na ang pagkaputla ni Vice sa kanto ng kusina habang mahigpit ang hawak niya sa kanyang baston.
Pasimple nang binubuksan ni Vice ang tangke ng kalan.
Napasinghap ako. "Pag sumabog 'yan, mamamatay tayong lahat..."
Alanganin ang ngisi ni Vice. Sumenyas siya nang wag maingay. "Ako lang. Tatakas kayo!" pabulong niyang sabi sa amin.
"Siraulo..." Calder sighed.
Nakarinig kami ng palitan ng putok kaya agad umangat ang mukha ni Vice. "My Jackson!"
Someone threw us a gun, dumulas iyon sa tiles papunta sa gilid mismo ng island table na pinagtataguan namin dito sa kusina. Padaskol na inabot iyon ni Calder gamit ang isa niyang paa.
Pagkakuha sa baril ay kinasa niya agad iyon at nilingon ako. "Help me to get up..."
Nakatanga lang ako sa kanya. Sobrang putla niya na at hinang-hina na kasi siya para tumayo pa at makipagbarilan.
"Come on, Fran!" inis na untag sa akin ni Calder.
"P-pero..."
"Just help me so I can back him up!"
Kahit si Vice ay tila tutol habang nakatingin sa akin, pero anong magagawa namin? Nagpupumilit makatayo si Calder kahit pa halos kulay papel na siya sa putla.
"What?!" singhal niya kay Vice. "Pabayaan kong mamatay paborito mong anak?"
"Calder!" sigaw ko nang makatayo na siya.
Pumapalatak pa siya habang iika-ika sa pagpunta sa sala. "Ang daya talaga! Sa kanya armalite sa akin handgun lang!"
Kino-cover siya ni Jackson kaya walang makaangat sa mga kalaban.
Sunod-sunod ang palitan ng putok sa sala. Nang sumilip ako ay nasa may likuran ng poste si Jackson at may hawak siyang armalite. He was licking his lower lip while while firing at the gunmen.
Nakaikot pa si Calder sa kabilang dulo ng sala, sa may papasok sa banyo. "Ako naman!" sabay kalabit niya sa gatilyo ng baril.
"Fran!" sitsit sa akin ni Vice.
Tumango ako at pagapang na pumunta sa pwesto niya. Inabot niya sa akin ang hawak na phone at sinenyasan ako. Nang tingnan ko ang screen ng phone ay connected ito sa isang tawag. "Help is coming," he said.
Nanubig ang mga mata ko. "We'll be okay..."
He nodded. "I hope so..."
Sunod-sunod pa rin ang barilan. Parang hindi sila nauubusan ng bala. Halos dumugo na ang magkabilang tainga ko dahil sa nakakarindi ang mga putok.
"Bro, keri mo na?!" sigaw ni Calder na kahit pinipilit maging matigas ay kararamdaman ng panghihina.
"Stay where you are," kalmado ang boses ni Jackson na papalayo ang tunog.
"Sure! May tama na naman ako e!"
Ginapangan ako ng takot dahil ang iba na ang boses ni Calder ngayon.
"May tama siya sa tiyan..." naluluha ang mga mata ni Vice nang magsalita siya. Nakasilip siya sa kinaroroonan ni Calder. "H-hindi na makatayo ang anak ko..."
Pinisil ko ang kamay ng matanda. "He'll surely be glad to see your concern. Pag nakaalis tayo, alagaan mo siya, ha?"
Umismid man si Vice ay masisinag sa mga mata niya ang pag-aalala.
Itinuro niya ang nakasaradong pinto palabas ng garden na ngayon ay malapit-lapit na sa amin. "We'll go there!"
Patayo na kami nang masilip kong nakahandusay na ang isa sa mga gunmen sa sala. Hinila ko pabalik si Vice dahil naglalakad na si Jackson patungo sa natitirang isang gunman.
Nakatayo ang gunman at nakatutok din ang hawak na baril kay Jackson. "Napakayabang mo talaga, Mayor! Ano bang pinagyayabang mo, ha? May siyam na buhay ka ba?!"
"Kneel and I will not shoot you," He said, his voice sounding incredibly calm.
"Robot ka ba, Mayor? Wala ka man lang kakaba-kaba ah!"
"I said, kneel."
"Ano? Di ko maintindihan inglesh eh!" Tumawa ito. "Mas naiintindihan ko pa ungol mo noon tuwing tinitira mo ang anak ng boss namin!"
Humigpit bigla ang pagkakahawak ko sa kamay ni Vice kaya napangiwi ang matanda.
"Inggit na inggit ako sa 'yo, Mayor! Hindi mo lang alam pero pinagnanasaan ko nang matindi si Ma'am Val! Tuwing nagtitirahan kayo, kung hindi sa garahe, sa ibabaw ng kotse, sa hagdan ng mansiyon nila, at kahit sa kuwarto mismo ng babaeng iyon... nandoon ako!" Tumawa ulit ang gunman.
Parang balewala na rito kung mapatay siya ni Jackson, o kung sinong mauuna sa kanilang magpaputok.
"Ang sarap-sarap ba? Tapos iyong ampon mo rin, ang ganda-ganda; parang manikin! Masarap din ba? Sino mas masarap sa kanila— Ugp!"
Napaluhod ang gunman nang barilin siya ni Jackson sa binti.
"Putangina mo talaga, Mayor!"
Nakarinig kami ng click na walang kasunod na putok ng baril. Nakatalikod si Jackson sa gawi ko kaya hindi ko alam ang kanyang reaksyon. Nakatutok ang armalite niya pero wala na iyong bala dahil sabaw na ang bawat kasa at kalabit niya sa gatilyo.
Parang baliw ang tawa ng natitirang gunman. "Supot ka na, Mayor! Wala ka nang ibubuga!"
"Go!" pasigaw na bulong ni Vice sa akin.
Binilisan ko ang pag angat at patakbo na sana ako papunta sa kinaroroonan ng pinto palabas ng garden nang mapahinto ako. Paano'y nakatingin sa akin ang gunman na kausap ni Jackson.
Agad na lumingon sa akin si Jackson kasunod ng nakakangilong putok ng baril.
"F-Fran..." Blood spilled from his mouth.
Akmang magpapaputok uli ang gunman nang may naunang putok na umalingawngaw. Kasunod niyon ang pagbagsak nito sa likuran ni Jackson.
"Jackson..." Hindi iyak ko ang aking naulinigan.
Sa pinto ngayon nakatayo ang dahilan kung bakit wala ng buhay ang gunman na may tama sa ulo ng bala. Nakatayo ngayon si Valentina habang hawak pa rin ang baril na ginamit.
"I heard about my dad's plan..." she said, her voice trembling.
Nanginginig ang babae habang luhaan ang mga mata.
"I can't let him kill Jackson... I can't let him kill the man I love!" Saka niya sunod-sunod na pinaulanan ng bala ang nakahandusay na gunman. "I'm tired of all this! I'm so fucking tired!"
Nakatakip ang magkabilang palad sa tainga na marahan akong lumapit.
Nang mahimasmasan si Valentina ay nabitawan niya ang baril at nanlalaki ang mga matang napatingin siya sa akin kaya ako nahinto sa paglapit.
"I just killed..." Gulat na gulat ang reaksyon niya. "Oh my god... Hindi kita napatay pero nakapatay ako ng ibang tao. Gamit ang sarili kong kamay!" She dropped her face to her hands.
Mayamaya lang ay humahagulhol na si Valentina.
Nang mag-angat siya ng paningin ay nagsalita siya. "But it's worth it, right, Fran? You'll do the same for Jackson, right? You will kill for him too, right? O ako lang? O ako lang?!"
Mapait ko siyang nginitian. "You just saved the man we both love, Val..."
Napakurap siya at tumulo ang luha.
"Paparating na ang mga pulis, Val... Tatanungin nila kung bakit ito nangyari at sino ang may gawa..."
"F-Fran..." malat na boses ni Jackson.
Bigla na lang nawala ang pag-aalala ko kung gagamitin ba ulit ni Valentina ang baril niya. Agad kong tinakbo si Jackson. "Shhh... Don't talk please..." I took his face into my hands. "You'll be fine."
Pagkatapos ay diniinan ko ang dibdib niya kung saan nandoon ang tama ng bala.
Sige ang pagluwa niya ng dugo habang nakatitig sa akin ang magagandang uri ng mga mata niya.
"Paparating na ang mga pulis, ang ambulansiya... Please... Hold on..."
"I... m... glad you're... safe..."
"I said, don't talk!" sigaw ko. Halo na ang luha at pawis ko. Diin-diin ko pa rin ng magkapatong kong palad ang sugat niya.
Si Valentina naman ay tulala habang nakamasid sa amin.
Nakarinig kami ng sirena ng pulis. Pumasok ang mga pulis sa loob ng bahay. Kasunod ng mga ito ang mga lalaking may dalang stretcher.
Si Vice ay halos ayaw pang bitawan si Calder para mailagay sa stretcher. "Ngayon ka magyabang, wag kang mamamatay!"
Nang mailagay sa stretcher si Jackson ay sumunod ako sa labas. Sa loob ng ambulance ay nilagyan siya ng oxygen. Ayaw ko pa rin siyang bitiwan kung hindi lang ako pinatabi ng isa sa mga nurse dahil iaakyat ang stretcher na kinaroroonan ni Calder.
Itinabi si Calder sa kuya niya. Si Vice ay sumampa rin sa loob ng ambulance.
Hindi na tumigil ang pag-iyak ko nang makitang halos maligo na sa sariling dugo si Calder. "Calder, hold on, okay? Dadalhin na kayo sa ospital."
Magaan siyang ngumiti sa akin. "W-we used to be okay..."
Hinaplos ko siya sa pisngi. "Shhh..."
"Fran..." Inalis niya ang oxygen niya. "You... have to hear what... I'm gonna say..."
"Calder naman..."
"Tinanggap mo... ako di ba kahit ayaw sa akin ni Vice... Ikaw ang tumanggap sa akin..." putol-putol na sabi niya.
He was crying now.
"Fran kung... ano man mangyari sa akin, wag mong sisisihin sarili mo dahil ikaw lang... Ikaw lang ang magandang nangyari sa buhay ko."
Napahagulhol na ako sa kamay niya.
"Ito..." tukoy niya sa katabing si Jackson.
"Calder, please..." I pleaded.
Pero patuloy sa paputol-putol at hirap na pagsasalita si Calder.
"Ito, Fran... Ito kahit may topak 'to... Mahal ka nito. Ibinuwis pa nga buhay para sa 'yo..."
"Please wag ka na sabing magsalita!"
"Calder, stop talking!" sumabat na si Vice na wala na ring pakialam kahit naghahalo na ngayon ang sipon at luha sa mukha.
"I think I'm gonna die now, old man..." Calder shut his eyes and gasped.
Inagaw ni Vice ang kamay ni Calder mula sa akin. "Shut up! I said, stop talking, you brat!"
Hindi na ulit nagsalita si Calder. Nakatitig na lang ang luhaan niyang mga mata kay Vice.
"No, no! Don't you fucking dare die on me!" Vice yelled, grabbing Calder, pulling his body to his.
"Vice..." Pinigilan ko sa braso ang matanda na pilit niyayakap si Calder.
Nang matapos ang mga nurses kay Jackson ay binalingan nito si Calder at inayos ang oxygen. Patuloy sa pagawa ng first aid ang dalawang nurse sa loob.
Pikit na ang dalawa sa buong byahe. Pagkarating sa ospital ay nauna na kaming pinababa dahil naghi-hysterical na si Vice. Sa Emergency palang ay sandamakmak na ang media kaya kinailangan pa namin ang tulong ng mga guwardiya at pulis para makalampas.
Kalmado na ang matanda pero wala pa ring tigil sa pagluha. Katulad ko lang rin siya na parang mauuna pang bawian ng buhay dahil sa takot at kaba.
Nagulat ako nang bigla siyang magsalita sa mababang tono. "Mahal ka nila. Mahal ka ng mga anak ko."
Inalalayan ko siya patungo sa bench na kaharap ng operating room. Nang lumabas ang doktor ay ako ang naunang sumalubong. Hindi ako makapagsalita kaya mga mata ko na lamang ang nagtanong.
May mga sinabi ang doktor pero para akong bingi na hindi iyon maintindihan. Si Vice ang sumunod na kinausap. Paatras ako nang paatras. Sumisigaw si Vice pero parang echo lang iyon sa tainga ko. Umiiling ako at pilit na umaalis.
Ang dalawang nurse na sumalubong sa ambulansiya kanina sa labas ng ospital ay nadaanan ko. Malungkot na nakangiti sa akin ang isa sa kanila. Kinakausap ko na pala sila nang hindi ko alam. "We are very sorry, Ma'am..."
Umawang ang mga labi ko.
"Maam, dead on arrival na po iyong isa."
JF
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro