Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Parada ng mga Patay

GULAT na gulat si Clinton nang malamang sa San Agustin ang susunod na destinasyon nila. Hindi na siya nakapagsalita magmula noon. Nais man niyang huwag sumama ay hindi puwede dahil kailangan siya roon bilang isa sa mga camera man.

Sa mga araw na lumipas ay naging sobrang tahimik niya. Halos wala siyang imik tuwing papasok sa trabaho. At tuwing magkakaroon ng mga pagpupulong tungkol sa susunod na proyektong gagawin nila ay palagi lang siyang nasa dulo, tikom na tikom ang bibig. Walang ganang makipag-participate sa anumang paraan.

Halos isumpa niya ang San Agustin. Nangako siya sa sarili na hinding-hindi na babalik o tatapak pa sa lugar na ito. Ngunit tila nakabuntot yata sa kanya ang kamalasan mula nang ianunsyo ng kanilang team na ito ang susunod na lugar na kanilang pupuntahan.

Nagtatrabaho siya bilang camera man sa isang programa sa telebisyon na kung tawagin ay KMKS o Kapamilya Mo Korina Sanchez. Nagtatampok sila rito ng mga kakaiba at nakakaaliw na mga kuwento mula sa iba't ibang panig ng bansa.

At dahil nalalapit na ang Halloween, nangongolekta sila ngayon ng samu't saring mga kuwento at lugar na may mga kababalaghan para puntahan at gawan ng dokyumentaryo. Kabilang na nga sa mga napagkasunduan ng team ay ang San Agustin.

Tuwing undas lang natatampok sa mga Halloween special programs ang lugar na ito pero araw-araw ay may kakatwang nangyayari dito. Mayroon kasing kakaibang tradisyon ang mga taga-San Agustin na malayong-malayo sa nakagisnan ng mga pangkaraniwang tao.

Agustinos ang tawag sa mga taong naninirahan dito. Nakilala sila dahil sa kakaibang seremonyas na kanilang ginagawa tuwing may namamatay sa kanilang mahal sa buhay.

Oras na pumanaw ang isang tao rito, gagawan ito ng higanteng Papier-Maché puppet at ipaparada sa daan habang inihahatid ito sa huling hantungan. May pagkakahalintulad ito sa mga Higante festival ng ibang lugar kung saan bumubuo sila ng malalaking mga tao na gawa sa puppet para iparada sa kalsada. Ang pinagkaiba lang, ang mga puppet na ipinaparada sa San Agustin ay base mismo sa mukha ng isang tunay na taong namayapa na.

Hindi lang ito basta puppet. Dahil ang mismong katawan ng namatay na tao ay nasa loob din niyon. Tinatadtad muna ang buong katawan ng tao hanggang sa ito'y magkapira-piraso saka ipapasok sa dibdib na bahagi ng puppet para magsilbing puso nito.

Dadasalan muna iyon ng pamilya bago iparada sa kalsada. Tulad ng normal na kaganapan sa mga patay na inihahatid sa huling hantungan, puwede ring sumama sa paradang iyon ang mga kaanak, kaibigan o kakilala ng namatay na tao bilang pakikiramay.

At kapag naihatid na sa huling hantungan ang naturang puppet, doon na ito susunugin bilang katumbas ng paglilibing dito. Oras na maging abo na ang puppet ay awtomatiko itong mahahalo sa mga lupa bilang dagdag pataba.

Ang kakaibang tradisyong ito ng mga Agustinos ang dahilan kung bakit hati ang opinyon sa kanila ng maraming tao sa iba't ibang mga lugar at bansa. Marami ang natatakot sa ginagawa nila. Pero marami rin ang humahanga.

Hindi lang kasi basta normal na giant puppet ang ginagawa nila sa kanilang mga higante. Hinahaluan din nila ito ng matinding creativity. Kinakabitan nila ito ng makakapal na mga string o tali sa bawat sulok ng katawan. Bukod doon, may isang tao rin na pinapapasok sa loob para kumontrol naman sa pagkilos ng mata at bibig nito.

Oras na iparada ang higanteng puppet, hindi lang ito basta nakatayo nang diretso at walang ekspresyon. Gumagalaw rin ito na parang tao sa pamamagitan ng puppetry. Nagtutulungan ang mga taong nagpaparada dito para igalaw ang mga kamay at paa nito kaya nagmumukha itong tunay na taong naglalakad.

Bukod doon, buhay na buhay rin ang mukha nito dahil sa paggalaw ng mga mata nito na tumitingin-tingin pa sa mga taong nagdadaan pati sa bibig nito na bumubuka-buka at ngumingiti pa.

Sa lahat ng mga higanteng puppet sa bansa, ang mga higante lang sa San Agustin ang talagang kakaiba at buhay na buhay habang ipinaparada. Para bang may sarili rin silang buhay at isip kung maglakad.

Pero sa kabila ng lahat ng ito, hindi pa rin maiiwasan na may matakot dito. Kabilang na nga roon si Clinton. Pero hindi siya sa mismong mga higante natatakot kundi sa lugar mismo. May kakaibang pangyayari kasi siyang nasaksihan doon na tanging siya lang ang nakakaalam. At kapag nalaman ito ng iba, maaaring magdulot ito ng matinding pagkasindak sa lahat.

Dalawang araw na lang ang natitira bago sila pumunta roon. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakaisip si Clinton ng idadahilan para maka-absent siya sa proyektong iyon. Kinulang kasi sila sa mga staff ngayon. Dalawa pa sa camera man nila ang nag-resign noong nakaraang mga buwan lamang kaya kailangan na kailangan talaga siya roon.

Ito sana ang pagkakataon niya para magpakitang-gilas sa mga boss nila. Nais niyang ipakita ang kanyang kasipagan na hindi mapapantayan ng mga kasama niya. Itong lugar na pupuntahan lang talaga nila ang humahadlang sa kanya ngayon.

Sa huli, bigong makaisip ng dahilan si Clinton para makapag-absent. Hindi talaga siya makapagsalita sa sobrang takot. Pakiramdam niya'y pag-iisipan siya ng masama kapag tumanggi siyang makipag-participate sa proyektong ito. Kaya naman nang dumating ang araw ng kanilang pagbiyahe sa San Agustin, isiniksik na lamang niya ang sarili sa pinakadulo ng sasakyan kung saan nakatambak ang mga equipment nila. Siya ang nagsilbing tagabantay roon. At least doon ay naitatago niya ang kanyang kaba.

Sa di kalayuan ay natanaw nila ang isang paradang paparating. May dala-dalang higante ang mga ito. Agad na lumiko ang drayber at saglit na itinabi ang sasakyan para bigyang-daan ang mga ito.

"Sayang! Hindi pa natin nasi-set ang mga equipment. Puwedeng-puwede na sanang kuhanan ng camera ang mga ito," anang producer nila.

Inilabas ng isang staff ang cellphone nito at doon pansamantalang kumuha ng video para i-record ang paparating na parada.

Sabik na sabik ang mga kasama niya, habang si Clinton naman ay parang gusto nang manginig sa takot. Habang papalapit ang parada ay palakas nang palakas ang kabog ng dibdib niya.

Sa kabila ng takot na umaalipin sa kanya ay nagawa pa rin niyang silipin ang kaganapan sa labas. Nakita niya ang hitsura ng higanteng ipinaparada ng mga tao. Isang matandang lalaki iyon na may bigote. Humihithit pa ito ng tabako habang naglalakad.

Sa pamamagitan ng puppetry, para talaga itong tunay na taong naglalakad at nililibot nang tingin ang paligid. Buhay na buhay kung gumalaw ang mga mata at bibig nito. Pati ang hawak nitong tabako ay may usok pa. Kung malikot lang ang kanilang imahinasyon, iisipin nilang may kaluluwa ang higanteng iyon at totoo talaga itong buhay.

Tuwang-tuwa rito ang mga kasama niya. Larawan sila ng pagkamangha dahil sa angking creativity ng mga tao rito. Sino'ng mag-aakala na posible pala ang ganitong style ng higante? Na puwedeng bigyan ng buhay?

Unti-unting napawi ang takot ni Clinton nang lampasan na sila ng parada. Doon lang muli sumulong ang kanilang sasakyan at nagpatuloy sa kanilang destinasyon.

Malawak ang Agusin City. Kaunti lang ang mga gusali rito at magkakalayo pa sa isa't isa. Maraming mga kalsada rito na triple ang lawak. Sinadya iyong gawin ng kanilang lokal na pamahalaan upang bigyang daan ang mga parada at higante gaya niyon.

Hindi pa man sila nakakarating sa destinasyon ay may sumunod na namang panibagong parada. Itinabi muli ng driver nila ang sasakyan upang bigyang daan ito.

Kahit natatakot ay pilit sinilip ni Clinton ang papalapit na higante sa paradang iyon. Nanlaki sa gulat ang kanyang mga mata nang masilayan ang isang batang babae na dumidila pa ng lollipop.

Maamo ang mukha ng higanteng iyon. Gumagalaw-galaw rin ang mga mata nito at tinitingnan ang mga taong nanonood sa paligid. Mayroon itong matipid na ngiti sa bibig nitong maya't maya ang pagbuka at paglabas ng dila habang dinidilaan kunwari ang lollipop nito.

Tulad ng naunang parada kanina, maraming mga tao ang nagtutulungan sa paghawak ng mga taling nakadikit dito upang pagalawin na parang tao ang higante. Siyempre, may tao ring nakatoka sa loob para pagalawin ang mga mata, bibig at dila nito.

Dito ay lubos na nagwala ang puso ni Clinton. Parang mahihimatay na siya sa sobrang takot. Hindi na niya kayang itanggi pa sa sarili ang tunay na dahilan kung bakit siya takot bumalik sa lugar na ito.

Mahigit dalawang linggo na kasi ang nakalilipas mula nang mapadaan siya sa San Agustin. Habang nagmamaneho nang lasing nang gabing iyon, isang batang babae ang humarang sa dinadaanan niya at binuhusan ng tubig ang windshield ng kanyang sasakyan.

Gulat na gulat siya rito. Pagkatapos iyon buhusan ng bata, dinukot nito ang basahan sa bag at nilinis ang windshield. Iisa lang ang ibig sabihin niyon. Isang modus na naman ito ng mga tagaroon para makalimos ng pera sa kanya.

Hindi lang sa Kamaynilaan maraming gumagawa nito. Pati sa San Agustin ay talamak din ang mga tao at mga batang binubuhusan bigla ang mga sasakyang dumadaan saka nila iyon lilinisin para manglimos ng pera.

At hindi lang sila basta-basta tumatanggap ng kahit magkanong halaga. Nasa limang daan lamang ang pinakamababang tinatanggap nila. Kapag mas mababa pa roon ang ibinigay, wawasakin naman ng mga batang ito ang sasakyan. Pagbabatuhin ng kung anu-ano hanggang sa mabasag at masira.

Labis na ikinagalit ni Clinton ang pagbuhos ng tubig sa harap ng kanyang sasakyan. Bukod sa wala na siyang pera dahil naubos na sa pag-ambag ay nakainom pa siya at malakas na ang tama ng alak sa kanya.

Kaya naman hindi niya napigilang bumaba ng sasakyan at tinutukan ng baril ang batang ito. Bago pa ito makatakbo, tumama na sa ulo nito ang bala ng kanyang baril. Bagsak sa lupa ang katawan ng batang babae.

Luminga-linga pa siya sa paligid bago muling pumasok at pinaharurot ang sasakyan. Dahil doon, hindi lang niya basta nabaril ang batang babae. Nabali pa ang mga buto nito dahil sa pagharurot niya.

Ang hindi niya alam, may nakatagong mga CCTV roon at dahil na rin sa paglinga niya sa paligid, nakita sa isang anggulo sa CCTV ang mukha niya.

Hindi alam ni Clinton na may CCTV roon hanggang ngayon. Ang alam lang niya ay nakapatay siya ng tao. Kung kailan nagising siya at wala na ang epekto ng alak, saka lang niya napagtanto kung gaano katindi ang pagkakamaling nagawa niya.

Nang tumapat na sa sasakyan nila ang higanteng puppet ng batang babae na pinatay niya, mabilis niyang ipinikit ang mga mata at pilit nilabanan ang pagwawala ng kanyang puso. Buong katawan na niya ang nanginginig sa sobrang takot. Lalo na tuwing maririnig niya ang awit ng mga taong kasama sa parada. Para bang umuusal ng orasyon ang mga ito para mabuhay ang higanteng iyon.

Mukhang magkaka-phobia pa yata siya sa mga higante nang hindi oras. Dalawang linggo na ang lumipas mula nang mangyari ang malagim na insidenteng iyon. At ngayon lamang ipinarada ang higanteng puppet ng babae. Ibig sabihin ay maaaring tumatagal ng mahigit isang linggo ang proseso sa paggawa ng puppet sa isang taong namatay na.

Wala nang pakialam doon si Clinton. Ang nais na lang niyang mangyari ngayon ay matapos na agad ang trabaho nila rito para makaalis na siya. Ayaw na talaga niyang bumalik sa San Agustin kung saan naganap ang pinakamatinding bangungot sa buong buhay niya.

Gabi na sila nakarating sa destinasyon. Bukas na bukas ay mag-aabang muli sila sa daan ng mga higanteng ipaparada para kuhanan ng video. Nakahanda na rin ang kanilang mga script at mga questionnaire na itatanong sa mga taong kukuhanan nila ng panayam para maging bahagi ng programang iyon.

Dahil medyo bata pa naman ang gabi ay marami pang bukas sa mga pasyalan sa San Agustin. Naisipan ng mga crew na maglibot-libot muna para i-explore ang lugar. Ang iba ay naghanap ng makakain.

Pero si Clinton, nagpaiwan lang doon at hindi na sumama. Natatakot siyang gumala-gala dahil baka may makakilala sa kanya roon. Hindi kasi siya sigurado kung mag-isa lang ba talaga siya nang mapatay niya ang batang babae.

Sa labis na pagkapraning, inisip niyang baka may nakakita nga sa kanya at ngayon ay hinahanap na siya. O baka mamaya ay bigla na lang niyang makita ang sariling mukha sa wanted list sa mga paligid doon.

Habang nagpapahinga sa loob ng sasakyan, biglang nabasag ang salamin sa bintanang nasa harap niya. Gulat na gulat siya. At mas lalo pa siyang nagulat nang makita ang isang lalaking nagbabaga ang mga mata sa kanya. Marahil ay isa ito sa mga tagaroon.

"Ikaw! Ikaw ang pumatay sa anak ko!"

Muling dumagundong ang dibdib ni Clinton sa sinabing iyon ng lalaki. Agad siyang napatayo sa kinauupuan at naghanap ng malulusutan. Subalit hindi niya alam, kanina pa pala siya pinaliligiran ng ama ng batang napatay niya kasama ang ilang mga kaanak nito.

Nagsilabasan ang mga ito at pinalibutan ang sasakyan. Wala na siyang kawala. Napaiyak na lamang siya at saglit niyang nakalimutan ang pagkalalaki niya. Parang batang humagulgol siya at hinahanap ang magulang.

Sinira pa ng ibang mga tauhan ang bintana sa likuran niya at doon siya pinagtulungang dukutin ng mga ito. Makalipas ang ilang sandali ay nailabas siya ng mga ito. Pilit siyang kinaladkad palayo sa kanilang sasakyan.

Wala siyang nagawa sa dami ng mga ito. Napasigaw na lamang siya ng patawad sa mga kaanak ng batang babae. Paulit-ulit. Ngunit tila masyado nang madilim ang utak ng mga ito para marinig pa ang kapatawaran niya.

KINABUKASAN, habang hinahanap ng ibang mga crew si Clinton, ang mga producers naman ng programa ay naisipang sumilip sa panibagong parada sa daan. Tatlong magkakasunod na parada iyon.

Ang isa ay matandang babae na tumatawa habang may hawak na libro. Ang isa ay batang lalaki na may hawak na bola. At ang isa naman ay dalagita na nakatirintas ang buhok at nakapatong sa kabilang balikat nito.

Kinuhanan agad iyon ng video ng kanilang team. Ngunit makalipas ng ilang sandali, may panibagong parada na naman ang sumunod.

Sa pagkakataong iyon, pare-parehong napamulagat ang kanilang mga mata sa nakita. Hindi higante ang ipinaparada ng mga ito kundi isang bangkay. At ang bangkay na iyon ay walang iba kundi si Clinton!

Kasuka-suka ang naging hitsura ng bangkay nito. Binalatan ito ng buhay at dinukot ang lahat ng lamang-loob sa katawan nito hanggang sa buto't kalansay na lamang ang matira. Suot pa nito ang damit nito noong huli nila itong makita. Punong-puno na iyon ng dugo. May mga string din na nakalagay sa mga kamay, paa, ulo at bewang nito habang pinagtutulungan iyong pagalawin ng mga tao.

Sa harapan nito ay may nakasabit pang karatula na ang nakasulat: "Mamamatay tao ako. Huwag tularan!"

Wakas.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro