Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Endangered Species

MAHIGIT sampung taon nang trabaho ni Angelo ang manghuli ng mga endangered animals para ibenta sa black market. Ang mga hayop na naibebenta niya ay kadalasang dinadala sa mga illegal laboratory upang pag-eksperimentuhan.

Halos kalahating milyon ang madalas na kinikita niya sa bawat hayop na naibebenta niya. At kapag sinuwerte, o nagkataon na sobrang rare ng hayop na iyon, ay aabot na sa mahigit milyon ang bayad sa kanya.

Ang mas nakamamangha pa rito, mag-isa lang siyang tumatrabaho sa lahat. Kahit limpak-limpak na salapi ang kanyang kinikita, hindi niya naisip na kumuha ng makakasama para mas mapadali ang trabaho niya.

Bagkus ay ini-invest niya ang mga ito para makabili o makapagpagawa sa black-market ng mga customized weaponries at high tech equipment na ginagamit niya para sa panghuhuli ng iba't ibang rare at exotic animals.

Sa sobrang tindi ng mga weapon at equipment na ito, kahit yata dragon at mababangis na dinosaur ay kayang-kaya niyang hulihin. Sa ganitong paraan mas napapadali ang trabaho niya at hindi na rin niya kailangang magpasahod pa ng mga tao. Masosolo lang niya ang lahat ng kita.

Sa loob ng sampung taon, hindi na mabilang ni Angelo kung ilang mga rare animals na ang nahuli niya. Mayroong ahas na sa halip na tumutuklaw ay nagbubuga ng nakasusunog na kemikal, may isang paniki na halos kasing laki ng tao, may isang tigre na asul ang kulay, at mayroon pa ngang octopus na napalilibutan ng malalaking mga mata ang buong ulo at mga galamay.

Sa dami ng mga nahuli niyang kakaibang hayop, napagtanto niya na sobrang dami pala talagang misteryo na itinatago ang mundong ito. Mga bagay o mga nilalang na maaaring hindi pa nadidiskubre ng tao. Mabuti na lamang ay ito ang naging expertise niya na kanyang maipagmamalaki sa buhay.

Ang hindi lang niya puwedeng ipagmalaki ay ang pagiging illegal ng kanyang gawain. Lalo na't sa mga black market sa deep web niya ibinebenta ang mga hayop na nakukuha. Kung saan madalas pinag-eeksperimentuhan sa hindi tamang paraan ang mga hayop. O ang mas masaklap pa, pinapatay lamang.

Hindi siya nanghihinayang sa buhay ng mga endangered animals na hinuhuli at binebenta niya. Para sa kanya, mas mabuti nang pagkakitaan ang mga ito kaysa hayaang pakalat-kalat pa sa kalikasan. At kapag nagkataong ibang tao ang nakahuli rito, maaaring mapatay lang din nila iyon.

At least sa ginagawa niya, napakikinabangan pa niya ang panghuhuli sa mga ito para gawing salapi. Malaking tulong sa kaunlaran na tinatamasa niya ngayon.

Isang araw iyon habang nagha-hunting ng mga hayop si Angelo sa isang gubat, nakatawag sa pansin niya ang isang kumikinang na bagay sa may batis. Nang lapitan niya iyon, nanlaki ang mga mata niya sa gulat.

Isang malaking pagong iyon na kulay ginto ang talukab. Matutulis ang gilid-gilid nito at sa bandang gitna ay dikit-dikit ang tila maliliit na mga diamanteng kulay pilak.

Totoo ba itong nakikita niya? Pinagmasdan pa niya ito nang malapitan. Nang makita niyang gumalaw ito at nagsubok na umahon sa batis, doon niya napatunayang totoong pagong nga ito. May buhay! At kapag may buhay, may pera!

Ngayon lang siya nakakita ng ganitong uri ng pagong. At sa lahat ng mga endangered species na nahuli niya, kabilang na ang iba't ibang uri ng pagong, ngayon lang siya nakaingkuwentro ng ganitong klase ng pagong na tila yari sa diamante at ginto ang talukab.

Sa sobrang luxurious nitong tingnan, puwedeng-puwede niya itong ibenta ng mahigit milyon. Hindi siya nagdalawang-isip na hulihin ito. Mabuti na lang at hindi agresibo ang pagong kaya binuhat na lang niya ito at ipinasok sa sasakyan niya.

Hindi na niya itinuloy ang panghu-hunting ng mga hayop nang araw na iyon. Sa pagong pa lang na ito ay tila naka-jackpot na siya sa lotto.

Inilapag ni Angelo sa sahig ng kanyang kuwarto ang gintong pagong at kinuhanan ng litrato sa magkakaibang angulo. Saka niya iyon ipinadala sa kliyente niyang boss ng isang black market na suki niya sa bentahan.

Ito ang palaging bumibili at kumukuha sa kanya ng mga hayop. At tuwang-tuwa naman ito nang makita ang mga litrato ng kakaibang bagong.

"Name your price. I want this so badly!" sabi pa sa kanya ng lalaki sa kabilang linya na kilala sa alyas na Boss Emerald.

"Puwede na kaya ang ten million dito, boss?" tumatawa ngunit kabadong sagot niya.

"Sampung milyon lang ba? Sige, sige! Ihatid mo na 'yan dito bukas na bukas din! Aabangan ko 'yan, ah?"

"Aba, sige, sige, boss! Aagahan ko ang pagpunta bukas d'yan," excited na sagot niya. Agad niyang nilapitan ang pagong at hinagod-hagod sa talukab. "Bakit ka pa tataya sa lotto kung may pagong ka naman sa bahay?" natatawang banat niya rito kahit medyo nako-kornihan siya roon.

Ikinulong muna niya ang pagong para makasiguradong hindi ito mawawala. Paggising niya kinabukasan, agad niya itong isinakay sa compartment ng kanyang sasakyan.

Habang nagmamaneho sa bago niyang sasakyan, naisipan niyang buksan ang tablet na nakadikit sa harapan niyon para manood ng mga random videos sa internet.

May isang video sa recommended section ang nakatawag sa pansin niya. May gintong talukab iyon sa thumbnail at sa bandang itaas ay nakasulat ang caption na: "If You See This, Run Fast and Ask for Help!"

Na-curious siya sa video na iyon kaya ini-click niya nang wala sa oras. Nagtatagal iyon ng five minutes kung saan tinalakay ng narrator ang sampu sa mga pinakadelikadong hayop sa mundo.

Ang pinakahuli niyon ay ang Diamond Gold Turtle na kamukhang-kamukha ng pagong na nahuli niya. Nang lumabas na ang red light sa traffic signal, sinamantala niya ang pagkakataon para panoorin nang buo ang bahaging iyon ng video habang nakahinto ang sasakyan niya.

Ayon dito, kapag daw nakakita ng pagong na kulay ginto at may mga diamante sa gitnang bahagi ng talukab, huwag na huwag mo raw itong lalapitan at kailangan mo raw tumakbo nang sobrang layo.

Mayroon daw kasing kakaibang abilidad ang pagong na ito kung saan kaya nitong magsagawa ng self-destruction kapag nakaramdam ito ng threat sa paligid. Wala pa raw nakakaalam kung ano ang epekto niyon sa tao. Pero may mga naniniwala na marami na ring nabiktimang tao ang pagong na ito.

Nagtaka tuloy si Angelo pero hindi na siya natakot. Tinawanan lang din niya sa huli ang video. Inisip niyang baka gawa-gawa lang ito ng naturang uploader lalo na't uso pa naman ngayon ang mga fake news o maling mga impormasyon na kumakalat sa online.

Isa pa, magdamag na nasa bahay niya ang pagong. Ilang beses pa niya itong hinawakan at binuhat pero wala namang masamang nangyari sa kanya. Talagang mahilig lang gumawa ng kuwento ang mga tao ngayon, gaya ng writer ng istoryang ito na kasalukuyan namang isinasatinig ni Mark Lapena ng Sandatang Pinoy.

Nang makarating na siya sa secret headquarters ni Boss Emerald na malayo sa kabihasnan nang lugar na iyon, agad niyang ipinarada sa garahe ang kanyang sasakyan. May mga nakaparada na ring sasakyan doon pero walang tao sa paligid. Mukhang abala ang lahat sa loob.

Bumaba na siya at nagtungo sa compartment ng sasakyan kung nasaan ang gintong pagong. Pagbukas niya rito, bumungad sa kanya ang pagong na nasa loob pa rin ng kulungan. Inilapit niya ang mukha rito at muli itong kinausap.

"Paano na 'yan. May kukuha na sa 'yo. Huwag kang sasabog, ah? Para makuha ko agad 'yung ten million!" tumatawang sabi pa niya.

Ngunit ilang sandali pa, bigla na lang lumingon pataas sa kanya ang ulo ng pagong. Bahagyang namulagat din ang mga mata nito na para bang aware sa mga sinabi niya.

Nagtaka siya rito at napatitig din. Nagtitigan sila. Hanggang sa mapansin na lang niya na tila natutunaw ang gintong kulay ng pagong. Nagiging likido iyon na kumakalat ngayon sa loob ng compartment niya.

Tila napakatapang din yata ng likidong ito at nagawa nitong tunawin ang kulungan na kinalalagyan ng pagong. Ilang sandali pa, lumantad na ang tunay na kulay nito. Kasing kulay na lamang ito ngayon ng mga pangkaraniwang pagong.

Nangunot ang noo ni Angelo. Ano ang nangyari dito? Ito na kaya ang sinasabi sa video na self-destruction ng naturang pagong? Ang matanggal ang pagiging ginto ng kulay nito? Ngunit paano naman iyon naging delikado sa tao?

Sa isang iglap lang, isang malakas na pagsabog ang naganap sa likod ng sasakyan ni Angelo. Isang pagsabog na bagamat malakas ang impact ay hindi lumikha ng ingay. Kumalat lamang sa mukha niya ang nadurog na katawan ng pagong.

Napaatras siya sa gulat. Ngunit di nagtagal, unti-unti niyang naramdaman ang labis na panlalambot ng buong katawan niya. Para siyang matutunaw. Hanggang sa mapansin niya ang kanyang mga kamay at paa. Unti-unti iyong nagiging likido at tumutulo sa lupa!

Sindak na sindak si Angelo. Bago pa may makarinig sa kanyang sigaw, tuluyan nang natunaw ang kanyang katawan at naging likido. At ang likidong iyon ay unti-unting bumula, nagkaroon ng kulay, hanggang sa kusa itong bumuo ng panibagong anyo.

Hindi na namalayan ni Angelo kung paano naging pagong na kulay ginto ang kanyang sarili. Sa pagpapakamatay ng nahuli niyang pagong sa pamamagitan ng self-destruction, sa kanya nalipat ang katauhan nito bilang Diamond Gold Turtle. Sa ganoong paraan ipinapasa ng mga pagong na ito ang kanilang lahi.

Oras na malapit nang mamatay ang isa sa kanila, o kapag nakaramdam sila ng panganib sa paligid, maghahanap sila ng tao o kahit anong hayop na hindi nila kauri, saka nila pasasabugin ang kanilang sarili rito. At ang sinumang masabugan, tao man o hayop, ang siyang magiging bagong silang na ginintuang pagong. Isang kakaibang paraan ng pagsasalinlahi.

MAKALIPAS ang ilang oras, bumaba sa garahe si Boss Emerald kasama ang kanyang assistant para hanapin ang kanilang sasakyan. May pupuntahan silang isang mahalagang business meeting sa iba pang mga leader sa black market na kanilang kinabibilangan.

Umagaw sa pansin niya ang naglalakad na ginintuang pagong sa gitna ng daanan. Nanlaki ang mga mata niya sa labis na tuwa. "Wow! A golden turtle?" sambit pa niya. "Hindi kaya ito 'yung sinasabi sa akin kahapon ni Angelo? Naku! Asan na ba ang lalaking 'yon? Dinala rito 'yung pagong nang hindi man lang nagpapakita sa akin! Anyway..." Pinabuhat niya sa assistant ang pagong at pinaakyat sa taas.

"Ikulong mo na lang muna ito sa lab at pagdating natin pag-eeksperimentuhan ko 'yan. Mukhang kakaiba ang hitsura ng pagong na 'yan, ah. Titingnan din natin kung puwedeng kainin, lalo na't mahilig pa naman sa mga exotic foods ang mga amo nating Tsino!" nakangising wika niya rito.

Iniakyat nga ng assistant ang gintong pagong. Ihinilera niya ito sa iba pang mga endangered na hayop na isasailalim mamaya sa madugo at karumal-dumal na eksperimento.

Wakas.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro