2nd Goodbye : College Classmate
SECOND GOODBYE
College Classmate
* * * * *
Yeah you'll lose the side of your circles
that's what I'll do if we say goodbye.
* * * * *
PARIS' POV,
HINDI ko alam kung anong nagawa kong kasalanan ngayong araw. Kung bakit ba naman sa dami ng taong p'wede kong makita ngayong araw, bakit ito pang kumag na 'to na sobrang kapal ng apog?!
"Ako ang nauna sa librong 'yan," mahinahon kong saad. Pilit kong pinapakalma ang sarili ko dahil ako lang ang mapapahiya kapag sumabog ako rito. Isa pa, malaking kahihiyan 'to para sa pangalan ko kung sakaling makaagaw ako ng maraming atens'yon.
"Really?" Tanong niya bago tiningnan ang libro at ang bookshelf kung saan 'yon nakalagay kanina. "Alam mo bang ako ang nagtago nito sa likod ng mga libro para walang makabili nito hangga't hindi ko pa nibibili?" Aniya pa.
Kaya naman pala nagiisa nalang ang librong 'yon. Tinago pala niya sa likod ng iba pang mga libro para masure niya na siya ang makakabili ng last copy.
"Anong paki ko?" Tanong ko rito. Bahagyang kumunot ang noo niya sa tanong ko.
"Ibig sabihin no'n Ms. Cookies and cream, ako ang may karapatan sa libro na ito dahil ako ang tunay na nauna rito," nakangisi niyang saad pero pumaweywang lang ako sa harapan niya bago siya duru-duruin.
"Hindi mo ba alam Mr. Kumag kapal apog, na ang ginawa mo ay hoarding?"
"Hoarding?"
"Malinaw na itinago mo ang last copy ng libro na 'yan para masigurong may makukuha kang kopya. You did it for your own sake. Hoarding 'yan," matapang kong saad.
"Well Ms. Cookies and cream, sorry ka nalang. First come first serve. Dahil nareserve ko ang libro na ito in my own logistic way, akin na 'to," aniya bago ako talikuran. Itinaas pa niya sa ere ang libro na animo'y nangaasar.
Kalma Paris. Kalma.
"Mr. Kumag kapal apog, sandali!" Pigil ko rito kaya huminto ito at lumingon sa akin nang may ngisi sa labi.
Paano niya nagagawang maging gano'n kayabang? Hindi ba siya nahihiya sa itsura niya? Sa suot niya?
"Bakit Ms. Cookies---"
"Stop with that shit!" Madiin kong saad kaya mas lumawak ang ngisi sa labi niya.
Argh! Gusto ko na siyang hagisan ng mga libro dahil sobrang yabang niya!
"Pikon?" Nakangisi niyang saad.
"Sa ganda kong 'to? Pikon?" Sagot ko sa kaniya. "Bibilhin ko sa'yo ang librong 'yan," sabi ko.
Tumingin siya sa libro bago tumingin ulit sa akin. "Ito? Eh hindi ko pa nga nabibili, bibilhin mo na agad sa akin?" Nakangisi pa rin niyang tanong.
"No, I mean. Kung bibilhin mo 'yan, bibilhin ko nalang sa'yo. Tutal ayaw mong magpatalo at gusto mo 'yang bilhin 'di ba?" Saad ko.
"Ano ako tanga?"
"Ay hindi ba?" Giit ko.
"Bibilhin ko tapos ibebenta ko sa'yo? Edi sana binigay ko nalang sa'yo 'di ba? Para ikaw ang nagbayad sa cashier," aniya. "Kaya ang sagot ko, hindi."
"Hindi mo nalang bibilhin?"
"Hindi ko ibebenta sa'yo," aniya bago ako ulit talikuran.
Ramdam kong gusto ko na talagang sumabog.
Kalma Paris.
Libro lang 'yang pinag-aawayan niyo.
Pero argh! Libro 'yon ni Raphael Santos. Ang paborito kong author. Buti sana kung may iba pang copies, pero last na 'yung hawak ng kumag na 'yon!
Paano ko ba makukuha sa kaniya 'yon?
"Hoy kumag!" Sigaw ko nang habulin ko siya.
"Bakit nanaman? Hindi mo ba narinig ang sinabi ko? Sabi ko hindi ko ibibigay sa'yo 'to. Lalong hindi ko ibebenta sa'yo," madiin niyang saad habang naglalakad papunta sa cashier.
"Hindi ka ba nahihiya sa akin?"
Napahinto siya bago tumingin sa akin. "Ako? Mahihiya sa'yo? Why should I?"
Kumuyom ang mga kamay ko.
Isa pa mr. Kumag kapal apog. Isa pa masusuntok na kita.
"Una kasi ako ang nagbayad ng mga pinamili mo sa 7/11. Kung hindi dahil sa akin, baka hindi ka pa rin tapos sa pakikipag-away sa staff do'n. Pangalawa, sumakay ka lang naman sa kotse ko ng walang pahintulot mula sa akin. Ang nakakatawa pa, ginawa mo pa akong driver para ihatid ka sa bahay mo. At pangatlo, hindi ka manlang nagthank you sa akin dahil sa mga pabor na ginawa ko sa walang k'wenta mong buhay!!" Bulyaw ko.
Hingal na hingal ako pagkatapos kong magsalita.
"Wa-walang kwentang buhay..." saad ng lalaki.
Hindi ko alam kung tama ba ang mga sinabi ko sa kaniya. Pero naiinis na ako sa kaniya. Gusto ko na siyang suntukin at batuhin ng libro dahil sa kakapalan ng mukha niya.
"Tama... walang kwentang buhay nga ang meron ako. Salamat sa pagpapa-alala," aniya bago ihagis sa akin ang libro. "Sa'yo na 'yan. Mas may k'wenta kasi ang buhay mo kaysa sa akin," dagdag pa niya.
Buti nalang at nasalo ko ang libro. Kung hindi, baka nasapul ang ilong ko.
Umalis na 'yung lalaki. Iniwan niya akong nakatayo habang hawak-hawak ang librong pinag-aawayan namin.
"I won..." wala sa sarili kong saad bago napangiti. "I won!" Sigaw ko bago nagtatalon papunta sa pila sa cashier.
Sa wakas!
Nakuha ko rin ang librong 'to.
Muli akong napatingin sa entrance-exit ng National bookstore, kung saan lumabas si Mr. Kumag kapal apog.
Did I really won over him?
* * * * *
"HOY Ris okay ka lang ba?"
"H-ha?"
"Kanina ka pa lingon nang lingon sa likod. Ano bang meron? May nakalimutan ka bang bilhin? O may..." napalingon siya sa likuran. "...sumusunod sa atin?" Bulong niyang dagdag bago siya lumapit sa akin.
"Wa-wala," sagot ko bago umayos ng tingin sa nilalakaran.
Papunta na kami ngayon sa Starbucks kung nasaan sila Mama ngayon at ang parents ni Mavy.
Halos sabay kaming nagbayad ni Mavy sa mga binili namin sa National.
Heto nga't ngayon, ang daming bitbit ni Mavy so I lend her a hand. Dala ko ngayon ang ilang bagong set ng paintbrush niya. Siya naman may bitbit na dalawang canvas na may magkaibang size. May dala rin siyang calligraphy pens at bagong mga ink.
Tinanong ko siya kanina kung bakit sa National pa siya bumili ng mga 'to. Hindi naman sa pagtingin ng mababa sa National, pero kilala ko kasi si Mavy. Hindi siya bibili ng mga low class lang na art materials. Lalo na ng mga paintbrush dahil alam ko kung saan siya madalas bumili. And believe me, umuubos ng libo-libo si Mavy para lang sa mga art material.
Sabi niya sa akin, hindi naman para sa kaniya ang mga ito. 'Yung dalawang canvas na bitbit niya ay binili niya for herself. 'Yung mga paintbrush, calligraphy pen at inks naman ay para sa foundation na binuo naming dalawa.
We have this foundation na ang layunin ay para sa mga batang mahilig sa arts. Since pareho kami ni Mavy na mahilig sa arts, naisipan naming bumuo ng foundation na tutulong para sa ibang mga bata na maging creative pa lalo.
Usually, nasa mga orphanage kami at namamahagi ng mga art materials. Nagbibigay din kami ng art tips at minsan, tinuturuan namin sila ng simple art techniques.
"Anong wala? Eh para ka ngang balisa. Ano 'yun? Trip mo lang lumingon sa likod maya't-maya?" Sabi ni Mavy bago dumistansya sa akin ng kaunti.
Muli akong napabuntong hininga.
Kanina kasi, habang nakapila sa cashier, hindi pa rin nawawala sa isip ko 'yung kumag na lalaking 'yon.
Ewan ko.
Bigla akong nakonsensya sa mga sinabi ko sa kaniya.
Hindi ko siya kilala, oo.
Pero hindi yata tamang sinabihan ko na walang k'wenta ang buhay niya.
Baka mamaya may sakit siya tapos may taning na siya. Tapos sinabihan ko pa siya na walang k'wenta ang buhay niya. Eh nakapang-ospital pa naman na damit 'yun. Baka nga mamaya may sakit siya.
"Mavy huhu!" Agad akong yumakap kay Mavy dahil hindi ko na makayanan ang konsensiya ko.
"Ayan. Sinasabi ko na nga ba. Bakit ba? Ano bang nangyari? Dumaan lang tayo sa National may nambully na agad sa'yo?" Aniya kaya agad akong humiwalay sa kaniya.
"Hindi 'yun!"
"Eh ano nga?" Tanong niya. Nagpatuloy ulit kami sa paglalakad. Nasa kabilang dulo kasi ng Mall ang Starbucks kaya ang layo sa National.
"Kasi ano..." hindi ko alam kung dapat ko bang sabihin kay Mavy ang nangyari. Baka kasi awayin lang ako nito dahil masiyadong puting tupa 'tong kaibigan ko. For sure sasabihin niyang mali talaga ang ginawa ko.
"Ano?"
Huminga ako ng malalim. Mavy's opinion matters the most as of now.
"May... may lalaki kasi akong nakaaway sa librong 'to," pagsisimula ko. "Ayaw kasi niyang ibigay sa akin dahil nauna raw siya. Ayun. Inaway ko nang inaway hanggang sa..."
"Sa? Alam mo Ris ang hilig mo mambitin. Bitin na bitin na ako oh. Diretsuhin mo na!" Inip na saad ni Mavy kaya muli akong napabuntong hininga.
"Hanggang sa nasabihan ko siyang walang k'wenta ang buhay niya," saad ko bago bumagsak lalo ang dalawang balikat ko.
"Oh? Ano naman ngayon?"
Napatingin ako sa kaniya. "Mukhang nasaktan siya dahil sa sinabi ko. Kasi hinagis niya sa akin 'yung libro. Tapos sabi pa niya akin na raw 'tong libro kasi mukhang mas may k'wenta ang buhay ko," sabi ko. "Para akong nanliit sa sarili ko Mavy. Ewan ko. Feeling ko nakasakit ako ng tao," dagdag ko pa.
"Hmm..." ani Mavy. "Siguro nga nasaktan mo siya. Pero ano namang gagawin mo ngayon? Hahayaan mong maging ganyan ka dahil lang nakasakit ka ng kap'wa?"
"Eh anong gusto mong gawin ko? Maging masaya na nasaktan ko si Kumag?"
"Kumag!?" Taka niyang tanong pero hindi ko siya sinagot. "Hindi sa sinasabi kong maging masaya ka gaga! Sinasabi ko lang, forget and move on. O 'di ba parang hugot lang. Ang gawin mo nalang, 'wag mo na ulitin. Gano'n naman 'di ba? Natututo lang tayo kapag nangyari na 'yung bagay na may life lesson," paliwanag niya. "Tsaka magsorry ka sa kaniya kung magkikita kayo ulit. Para naman manahimik na ang kaluluwa mo," natatawa pa niyang dagdag.
Muli akong napasinghap ng hangin.
Napaisip ako sa mga sinabi ni Mavy.
"Tama ka. Kapag nakita ko ulit 'yung kumag kapal apog na 'yon, magsosorry ako kahit siya ang nagpush sa akin para sabihin kong walang k'wenta ang buhay niya," sabi ko.
"Nagsisisi ka ba talaga sa ginawa mo o sinisisi mo pa rin 'yung lalaki?" Natatawang sabi ni Mavy kaya natawa na lang din ako.
Nakarating na kami sa Starbucks.
Kita ko mula sa salamin na walang gaanong tao. Hindi ko alam kung bakit. Dapat sa ganitong panahon na malamig, mas maraming tao rito. Tapos gabi pa ngayon kaya nakakapagtaka na kaunti lang ang tao sa loob.
Binuksan ko ang glass door dahil mas may kakayanan akong buksan 'yon kaysa kay Mavy. Hindi nga niya magawang tumingin ng maayos sa dinadaanan namin dahil 'yung isa sa mga canvas na dala niya ay malaki. 'Yung isa naman kabaligtaran, maliit.
"Thanks," sabi ni Mavy nang makapasok siya sa loob.
"Anything Manang," sabi ko kaya natawa ako. Siya naman sinamaan lang ako ng tingin.
Naging madali sa amin na hanapin ang mga parents namin dahil kaunti nga lang ang tao sa loob.
Masaya silang nag-uusap-usap.
Pero agad kong napansin na hindi lang sila apat.
May isa pa silang babae na kasama.
Hindi ko kilala 'yung babae. O baka kilala ko siya pero hindi ko makilala dahil nakatalikod siya sa gawi namin ni Mavy.
Si Mavy diretso lang na naglalakad papunta sa table ng mga magulang namin. Hindi nga ata niya napansin 'yung babae na kasama nila Mama dahil sa dala-dala niya.
Agad naming pinatong ni Mavy 'yung mga dala namin sa table. Ngalay na rin kasi ang mga kamay ko dahil sa hawak kong libro at mga paintbrush. Sa dami ng mga paintbrush, naging mabigat 'yon para sa kamay ko.
"Oh, nandito na pala sila," sabi ni Tito Tim kaya ngumiti kaming pareho ni Mavy.
"Natagalan kami ng kaunti dahil malandi 'yung babaeng cashier. Nilandi muna niya 'yung customer sa harapan namin ni Paris," sagot ni Mavy kaya natawa ako sa kaniya.
Ang totoo no'n, ang dami niyang pinamili kaya kami natagalan. Kahit kailan talaga, ang galing niya magsinungaling. Bakit kaya gano'n? Kapag good girl ka, maraming naniniwala sa'yo. 'Yung tipong umutot ka pero hindi ka pagbibintangan kasi nga alam ng lahat na mabait ka.
"No worries," nakangiting sabi ni Tita Dally.
"Mabuti nga't nandito na kayo. Nakita namin 'tong si Sandra na umoorder ng kape niya. Hindi ba't college classmates kayo?"
Sandra.
Napatingin ako sa babaeng kasalo sa table ng mga parents namin ni Mavy.
Humaba ang buhok niya kumpara sa huling beses ko siyang nakita.
At mas...
Mas gumanda siya.
"Cassandra?"
END OF SECOND GOODBYE.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro