Chapter 50
Gusto
Hindi ako na ako nakapagsalita pa, nagtagal ang titig ko kay August, halos malunod ako sa klase ng tingin na ginagawa niya sa akin. Kita ko kung paano mangusap ang kanyang mga mata. Na para bang bukod sa mga salitang lumalabas sa bibig niya ay ramdam ko pa 'yon dahil sa tingin niya.
Patuloy na nakalahad ang kamay ni Verity sa harapan ng Daddy niya. Gusto niya pa ding magpabuhat dito. Para bang alam din ng baby namin na aalis siya. Ayaw din niyang umalis si August. Ilang beses siyang gumawa ng ingay para magpapansin sa Daddy niya, tipid na ngumiti si August.
Ramdam ko ang kagustuhan niyang kuhanin ang anak namin, yakapin at halikan pero nagdadalawang isip siya dahil sa sakit niya.
"Baka mahawa ka...may sakit si Daddy," malambing na pagkausap niya dito.
Sandaling natigilan si Verity, nakikinig siya ng mabuti kay August. Doon ko nakumpirma na mukhang mag mga oras na nagkakaintindihan talaga silang dalawa.
"Pag balik ni Daddy, ok?" malambing na sabi pa niya kay Verity. Na ngayon ay kalmado na.
Mula kay Verity ay lumipat ang tingin niya sa akin. Alam ko namang kabado siya at problemado dahil sa hindi inaasahang problema, pero heto't nagagawa pa din niya kaming ngitian para ipakita sa amin na ayos lang siya, na wala kaming kailangang ipag-alala.
"Babalik ako mamaya," marahang sabi niya sa akin.
Sa sinabi niyang 'yon ay hindi lang si Verity ang binigyan niya ng assurance, hindi lang si Verity ang pinakalma niya, maging ako din.
Hindi ko naman mapagkakailang nakita ko kung gaano kahaba ang pasencya ni August pag dating sa akin. Sa mga ginagawa ko, sa pagtrato ko sa kanya. Kahit minsan iniisip ko na dapat lang 'yon, tama lang na mahaba ang pasencya niya dahil may kasalanan siya, dahil sinaktan niya ako.
"Let's go," yaya sa kanya ni Nanay.
Magkasabay namin siyang nilingon, ramdam ko ang pagiging seryoso niya, alam ko kaagad na handa siyang tulungan si August sa bagay na 'to. Na hindi namin kailangang mag-alala dahil nandyan si Nanay.
"Sasamahan ko po kayo, Nay," sabi ko.
Lumapit siya sa amin ni Verity, tipid siyang ngumiti at bahagyang umiling.
"Dito na lang kayo ni Verity. Sandali lang naman kami ni August doon. Hindi kami magtatagal," paninigurado niya sa akin.
Nanatili ang tingin ko kay Nanay, gusto kong magpumilit na sasama ako, pero hindi ko na rin naman nagawa. Kailangan na nilang umalis ngayon, at ano namang gagawin ko doon? Baka wala naman akong ma-itulong.
Habang kausap si Nanay ay ramdam ko ang tingin ni August sa akin. Hanggang sa sumuko na lang ako at hinayaan silang umalis.
"Wag niyo na kaming ihatid sa labas," pigil ni August sa akin.
Nagtaas ako ng kilay, hindi ko alam kung bakit. Nagkatinginan sila ni Nanay, para bang may nagpagkasunduan silang dalawa sa simpleng tingin lang na 'yon.
"Dito na lang kayo," tipid na ngiting sabi ni Nanay sa akin.
Hindi na ako nagtanong pa, tahimik naming pinanuod ni Verity ang paglabas nila.
"Ako na titingin," sabi ni Melanie.
Hindi ko na siya napigilan pa. Hinayaan kong siya ang sumunod sa paglabas nila Nanay at August. kaagad na nawala ang atensyon ko sa kanila nang umiyak si Verity.
Umiyak siya dahil sa pag-alis ng Daddy niya.
"Babalik si Daddy..." marahang pag-aalo ko sa kanya.
"Sandali lang daw siya," patuloy na pag-aalo ko sa baby ko.
Alam kong sa mga oras na 'to, hindi ko na talaga pwedeng tanggalin si August sa buhay ng anak namin. Kaya naman pagkatapos ng lahat ng 'to, aayusin na talaga namin ang pagpapalaki kay Verity, kahit pa hindi na maging kami ulit.
Pagsisikapan naming maging maayos ang kaswal naming relasyon para sa baby namin.
Hindi nagtagal ay bumalik na din sa loob si Melanie. Kita ko kaagad ang pag-aalala sa tingin niya sa akin.
"Umalis na sila," sabi niya sa akin kahit alam niyang alam ko na ang parteng 'yon.
Sandaling naghari ang katahimikan sa pagitan naming dalawa, hanggang sa napabuntong hininga siya.
"Kaya siguro hindi na siya nagpahatid sa labas kasi ayaw niyang makita niyong sumakay siya sa police car," nakangusong sabi ni Melanie.
Humigpit ang yakap ko kay Verity, marahal 'yon nga ang isa sa dahilan.
Hindi ko rin alam kung anong mararamdaman ko kung sakaling makita nga namin ni Verity ang tagpong 'yon. Hindi ko kailanman naisip na makikita ko si August sa loob ng presinto, o kaya naman ay dalhin siya doon sakay ng sasakyan ng pulis.
Halos hindi ako mapakali ng mga oras na 'yon. Hindi din naman kami iniwan ni Melanie, ni hindi ko nga magawang umalis sa may salas. Pakiramdam ko kasi ay kung mag-s-stay kami sa kwarto ay hindi ako makakahinga. Sa sobrang bigat ng nararamdaman ko ngayon ay hindi ko kayang makulong sa kung saan.
"Sa tingin mo pauwi na sila?" tanong ko kay Melanie.
Ni hindi ko na mabilang kung ilang beses kong tinanong 'yon sa kanya. Ni hindi na din ako nakaramdam ng hiya.
"Sabi ko na e. Mahal mo pa si Papa August, galit ka lang dahil sa mga nangyari sa inyo noon," puna niya.
Tiningnan ko lang si Melanie, wala akong lakas na sagutin pa 'yon, kumpirmahin o itanggi. Bumaba ang tingin ko kay Verity na abala sa paglalaro ng mga laruan niya sa loob ng crib niya.
Sa sobrang bigat ng dibdib ko ay ni hindi ko magawang pumirmi sa isang lugar, kung hindi ako tatayo ay uupo naman ako. Halos ma-upuan ko na ang lahat ng pwedeng upuan sa may sala namin. Halos mag-iwan na din ako ng foot prints sa bawat parte nito.
Narinig namin ang pagtunog ng phone sa may kitchen, agad ding nawala ang tunog dahil sa pagsagot ng isa sa mga kasambahay. Hindi namin pinansin ni Melanie dahil baka kung ano lang. Hanggang sa hindi nagtagal ay lumapit sa amin ang isa sa mga kasambahay para may itanong.
"Ma'am Vesper, may gusto daw po ba kayong ipaluto?"
"S-sinong nagpapatanong?"
"Si Ma'am Fae po. Hindi daw po sila dito kakain ng tanghalian," sagot niya sa akin.
"Bakit daw?" tanong ko na may kasama pang pagtayo.
Hindi man lang baa ko ipinatawag ni Nanay para ako ang kausapin niya? Tiningnan ko ang phone ko, wala ni isang text o tawag mula sa kanya.
"Hindi pa po ata sila tapos sa presinto. Pero nagpapadala po ng lunch," sabi pa niya sa akin.
"Sige, pahanda na lang po. Ako na ang magdadala sa kanila," paki-suyo ko sa kanya.
Mas lalo akong nataranta, mas lalong hindi ako mapakali. Bakit hindi pa din sila tapos doon hanggang ngayon? Bakit ang tagal? Ano bang mga tanong ang itinatanong nila kay August na kailangang umabot ng ganito katagal.
"Ikaw pa ang magdadala?"
Marahan akong tumango sa tanong ni Melanie.
"Ang sabi ay dumito ka lang," paalala niya sa akin.
Mariin akong napapikit at napahilamos sa aking mukha.
"Hindi ko kayang maghintay lang dito. Gusto kong malaman kung ano ba talaga ang nangyayari doon," sagot ko sa kanya.
Ibinilin ko na kaagad sa kanya si Verity. Wala namang problema kay Melanie.
"Pero kumain ka muna bago umalis ha," suway pa niya sa akin.
Maging ang pag-aayos ng pagkain na dadalhin sa presinto ay pinanuod ko pa. Wala akong ganang kumain, ni hindi ko alam kung kaya kong kumain. Isipin ko pa lang ay parang hindi ko na kayang lunukin.
May kung anong mabigat na bagay ang nakadagan sa dibdib ko, para bang rason 'yon para hindi ko malunok ng mabuti ang pagkain kung nagkataon.
"Vesper, kumain ka muna!" tawag sa akin ni Melanie na hindi ko na napakinggan pa.
Matapos kong makuha ang lunch bag ay kaagad akong naglakad ng mabilis palabas ng bahay. Hindi na din ako nag-abala pang magpahatid sa driver, ako na mismo ang drive ng sarili kong sasakyan.
Kahit nagmamadali, kahit wala sa sarili, ay nagawa ko pa ding makarating sa presinto ng ligtas.
"Kay August Escuel," sabi ko sa may front desk.
Nagkatingin muna yung dalawang pulis na nandoon bago tumango yung nasa unahan at ipinahatid ako sa kasama niya papunta sa kwarto kung nasaan sila.
"Vesper?" gulat na tawag ni Nanay sa akin.
Naabutan ko silang seryosong nag-uusap kasama ang abogado nila. May six seater na lamesa sa loob, walang kahit ano doon, mukhang pinag-uusapan nilang mabuti ang tungkol sa kaso.
"Bakit ikaw pa ang naghatid?" tanong ni Nanay.
Seryosong nakikinig si August sa sinasabi ni Attorney ng dumating ako, pero kaagad na napalitan ng pagtataka at gulat ang mukha niya nang makita niya ako.
"A-ako na po ang naghatd para mabilis," palusot ko.
"Hindi pa po ba kayo uuwi?" tanong ko kaagad.
Natahimik sila, sandaling nagkatinginan.
"Hindi pa tapos ang pagtatanong kay August," sagot sa akin ni Nanay.
Doon lang ako nagkalakas ng loob na lingonin ulit siya. Nakatingin lang siya sa akin, ramdam kong parang kumalma siya? Kumalma siya nang makita ako?
Hindi ako umimik, marahan kong inilapag ang pagkain na dala ko.
"Nagpaluto talaga ako ng may sabaw..." sabi ni Nanay.
Nasagot niya ang tanong ko kanina pa. Madali lang naman kung magpapadeliver sila ng pagkain, isang tawag lang ay dadating na.
"Bakit po?"
"Para gumaan kahit papaano ang pakiramdam ni August, para maka-inom na din siya ng gamot," sagot niya sa akin.
"May sakit ka na talaga?" tanong ko kahit alam ko naman na 'yon kanina bago pa siya umalis ng bahay.
Akala ko kasi ay pwedeng mawala din kaagad 'yon. Na baka dala lang ng pagbangon kaya mabigat ang pakiramdam niya. Hindi ko inakala na magtutuloy-tuloy 'yon sa sakit talaga, napaka-wrong timing naman no'n para sa kanya.
"Hindi naman ganoon kasama ang pakiramdam ko," sabi niya kaagad sa akin.
Wala sa sarili akong humilig, wala na akong pakialam, sinalat ng likod ng aking palad ang kanyang noo, bago 'yon bumaba sa kanyang leeg.
Mabilis lang 'yon, pero nakita ko kung paano natigilan si August. Nakita ko kung paano bahagyang lumaki ang mga mata niya, hanggang sa pumula ang kanyang mga tenga.
"Mainit ka nga. Hindi ba pwedeng pauwin muna siya?" tanong ko kay Attorney. Siya na ang nilingon ko.
Marahan siyang umiling. "Hindi pa nila pwedeng i-release si August," sagot niya sa akin.
Kumunot ang aking noo.
"B-bakit? Napatunayan ba na may ginawa siyang masama?" tanong ko pa din.
Hindi ako nasagot sa tanong ko. Kaya naman muli kong nilingon si August.
"May ginawa ka bang masama?" tanong ko sa kanya, pero hindi ko na hinintay pa ang sagot niya sa akin.
Kahit wala siyang sabihin, alam ko na kaagad ang sagot.
"Wala ka namang ginawang masama para i-hold ka nila dito," sabi ko pa.
Nakita ko kung paano siya parang naginhawaan dahil sa sinabi ko.
"Wala akong ginawang masama."
Tumango ako. Alam ko 'yon, alam ko naman 'yon.
"Umuwi ka na," sabi ko sa kanya.
Naramdaman ko ang hawak ni Nanay sa braso ko.
"Vesper, anak...hindi pa pwedeng umalis si August dito," pagpapa-intindi ni Nanay sa akin.
Napabuntong hininga na lamang ako. Hindi na ako umimik pa at hinayaan sila sa dapat nilang gawin. Pinagpatuloy nila ang pag-uusap habang kumakain.
Ilang beses nila akong inalok pero tumanggi ako at nagsinungaling na kumain na ako sa bahay.
Nag-angat ako ng tingin ng tumayo si August mula sa kinauupuan niya. Napapagitnaan kasi siya ni Nanay at Attorney. Masyadong abala ang mga ito para punahin ang ginawa niyang pagtayo kaya naman naka-alis siya doon at nakalapit sa akin ng walang pumupuna bukod sa akin.
"B-bakit?" tanong ko nang umupo siya sa katabi kong upuan.
"Hindi ka pa kumakain."
"Huh? K-kumain na ako," laban ko pero nagtaas lang siya ng kilay.
Bumaba ang tingin ko sa hawak niyang lunch box, dalawa ang kutsara doon.
"Hatian mo ako dito," yaya niya sa akin.
Nagtagal ang tingin ko doon, hanggang sa kinuha niya ang kutsara at siya mismo ang nag-abot sa akin.
"Kain tayo," pag-uulit niya.
"Kumain na ako," laban ko pa din.
Ngumisi siya, isang beses na sumubo bago ako nginisian.
"Alam kong hindi pa. May sakit ako kaya magkaibang kutsara muna tayo," paliwanag pa niya.
Nagpabalik-balik ang tingin ko sa kanya at sa hawak niyang lunch box, hanggang sa sumuko ako, kinuha ko ang kutsara at nag-umpisa na ding kumain.
Ramdam ko ang isang beses na pagsulyap ni Nanay sa amin, pero pinili niyang mag-focus sa sinasabi ni Attorney.
"Anong ginagawa ni Verity pag-alis mo?" marahang tanong niya.
Ramdam kong gusto niyang mag-usap kami ng kaswal. Ibibigay ko 'yon sa kanya.
"Umiyak lalo nung umalis ka. Akala siguro hindi mo siya pinansin," sagot ko.
Tipid siyang ngumisi matapos niyang mapanguso.
"Babawi ako pag magaling na ako," paninigurado niya sa akin.
Tumango ako. Basta para sa baby ko, susuportahan ko siya. Hahayaan kong bumawi siya kay Verity.
Konti lang din ang nakain ko kahit sabihin ni August na kumain ako ng madami, gumaan man kahit papaano ang bigat na nararamdaman ko sa dibdib ko ay nandoon pa din yung kaba. Yung kaba na hindi namin siya kasamang umuwi ngayong araw.
Hanggang sa dumating yung kinakatakutan ko, unti-unting dumili sa labas.
"August needs to stay here," anunsyo ni Attorney pagkabalik niya mula sa labas, may kinausap siya at 'yon ang sagot.
"Bakit? Under investigation pa di ba? Bakit hindi papaalisin si August dito? Sumama tayo ng maayos sa kanila dahil ang sabi...may mga tanong lang daw," galit na laban ni Nanay.
Sa gulat ay hindi na ako naka-imik pa, tahimik ko silang pinanuod, tahimik akong nakinig.
Napabuntong hininga si August, wala akong nakitang pag-protesta sa kanyang mukha. Para bang sumuko na siya at tinanggap na niya 'yon.
"Sige na po, Nay Fae. Ayos lang ako dito," sabi niya sa akin.
"Hindi. Kausapin mo ulit, Attorney...hindi 'to tama, pwede natin silang ireklamo. Illegal detention 'to," laban pa din ni Nanay.
Napabuntong hininga si Attorney. Alam niyang may point si Nanay, pero alam din niyang wala na kaming magagawa pa. Minsan, hindi talaga patas ang batas.
"May ginawa na si Lolo. Wala na tayong magagawa, bukas na po ako uuwi, Nay Fae..." sabi ni August sa kanya.
Mas lalong nagalit si Nanay.
"Kausapin ulit natin," sabi niya kay Attorney. Si Nanay pa ang unang naglakad palabas ng kwarto kung nasaan kami.
Naiwan kaming dalawa ni August dahil sa pag-alis nila. Tipid siyang ngumiti sa akin.
"Give Verity a good night kiss from me..." sabi niya sa akin.
Marahan akong umiling.
"Umuwi ka at ikaw ang magbigay," masungit na sabi ko sa kanya kaya naman tipid siyang natawa.
"Bukas..."
"Ngayon. Uuwi tayo ngayon, August," giit ko.
Lumapit siya sa akin, hinawakan niya ako sa aking magkabilang braso. Halos mapatingala ako dahil sa tangkad niya at sa lapit naming dalawa.
"Uuwi ako bukas," marahang sabi niya.
"Ngayon," giit ko pa din.
Naramdaman ko ang dahan dahang paghigpit ng hawak niya sa aking magkabilang braso.
"Pangako, uuwi ako bukas," marahang pag-uulit niya.
Napapikit na lamang ako ng maramdaman ko ang paghilig niya at marahang paghalik niya sa noo ko.
"Bumalik ka na lang kasi sa Lolo mo," emosyonal na sabi ko.
"Susundin kita, pero hind isa parteng 'yan," sabi niya sa akin.
"Mapapagod din siya. Darating ang araw na makikita niyang kahit ano pang gawin niya...buo na ang desisyon ko."
Sa huli, umuwi kami na hindi kasama si August. Ramdam ko ang galit at disappointment ni Nanay. Sinigurado niyang kahit wala kami doon ay may magbabantay kay August, paraan daw 'yon para kahit paaano ay makampante kami.
"Gusto lang pahirapan ng Lolo niya si August, hindi naman siguro niya hahayaan na may mangyaring hindi maganda sa apo niya," sabi ni Nanay sa akin.
Mas lalo naming nakumpirma na may kinalaman si Don Escuel sa nangyayari ngayon dahil ni hindi man lang nabanggit ang apelyido nila maging ang pangalan ni August kahit kalat na sa news ang tungkol sa scammer na pinaghahanap na ngayon.
Makakalaya lang daw si August pag napatunayan na wala siyang kaugnayan dito, at biktima lamang din siya nito.
Hindi kami nakatulog ng gabing 'yon, paano nga naman kami makakatulog kung alam naming nandoon siya sa presinto mag-isa.
"Ano ba yang nararamdaman mo? Awa lang ba talaga 'yan para sa kanya...o mahal mo pa din?" tanong ni Nanay sa akin.
Paulit-ulit 'yong tumakbo sa isip ko, hindi ko sinagot si Nanay ng direkta, pero pilit ko ding sinasagot 'yon sa utak ko. Ano nga ba 'tong nararamdaman ko? Hindi ko din alam...alam ko, pero hindi pa ako sigurado.
Hanggang sa nakuha namin ang magandang balita kinaumgahan, nakita na ang scammer na pinaghahahanap nila, hindi lang 'yon. Marami ding pumunta sa presinto para i-reklamo siya. Dahil doon ay mas lumaki ang tsansya na maka-uwi na si August.
Napatunayan niyang biktima lamang siya, kagaya ng iba ay niliko lang din siya.
"File a case. Illegal detention..." sabi ni Nanay kay Attorney bago niya kami niyayang umuwi na ni August.
Maging ang pagsundo sa kanya kinaumagahan ay sumama din ako. Hindi kami nakapag-usap na dalawa, kita ang panghihina niya dahil sa iniindang sakit.
Kaya naman pagka-uwi sa bahay ay pinadiretso na siya ni Nanay sa kanyang kwarto para magpahinga. Buong araw na 'yon ay nasa kwarto niya lang siya, ang sabi ay halos buong araw tulog, sa tuwing dadatnan daw kasi ng mga kasambahay ay tulog ito. Ni hindi nga makakain ng maayos.
"Pupuntahan ba natin? Gusto mo ba?" tanong ko kay Verity.
Karga ko siya habang kanina pa kami nakatayo sa may hallway papunta sa kwarto ng Daddy niya. Ilang beses na akong nag-urong sulong, gusto ko ng tumuloy pero pag nakakaramdam ng hiya ay aatras.
Sa tuwing tinatanong ko naman si Verity ay sinasagot niya ako.
"Sa tingin mo? Baka tulog pa," pagka-usap ko sa kanya.
"Puntahan niyo na po, Maam," nakangiting sab isa akin ng isa sa mga kasambahay. Nagulat pa ako dahil sa biglaan niyang pagdating.
"P-po?"
Mas lalong tumamis ang ngiti niya. "Puntahan niyo na po si Sir, kanina po nung naghatid kami n kape gising na po," sabi pa niya sa akin.
"Ah, sige po. Gusto kasi siyang makita ni Verity," palusot ko na mas lalo niyang ikinatawa.
Nag-ingay ang baby ko na para bang gusto niyang kontrahin yung sinabi ko.
Pinanlakihan ko siya ng mata. Magkakampi kaming dalawa pero mukhang ilalaglag niya ako ngayon.
"Sige na po, sige na..." pagsuko ko sa gusto ni Verity.
Dahil sa kagustuhan ng baby ko ay tumuloy kami sa kwarto ng Daddy niya. Kumatok kami ng tatlong beses, hanggang sa marinig ko mula sa loob na sinabi ni August na pwede ng pumasok. Marahil ay inakala niyang isa 'yon sa mga kasambahay at may ihahatid lang.
Pagkabukas namin ng pintuan ay naabutan namin siyang saktong kakatayo lang mula sa kama. Magulo pa ang buhok niya dahil sa matagal na pagkakahiga, wala din siyang suot na pang-itaas na damit maliban sa kulay gray na cotton shorts.
Nang lingonin ko ang kanyang kama ay nakita kong magulo 'yon, lukot na lukot ang comforter, para bang buong magdamag siyang nagpagulong gulong doon.
Tili ni Verity ang nagpabalik sa akin sa wisyo, tuwang tuwa nanaman dahil nakita niya ang Daddy niya.
Ngumisi si August dahil sa reaksyon ni Verity. Sandali niyang pinasadahan ng suklay gamit ang mga daliri niya ang kanyang buhok.
Alam kong si Verity ang sadya niya sa ginawa niyang paglapit, pero sa hindi malamang dahilan ay napa-atras ako. Napansin niya 'yon kaya naman mas lalong bumagal ang lakad niya at bahagyang nagtaas ng kilay.
"Magaling na ako," sabi niya sa akin.
"Ah...ok," sabi ko na lang.
Hindi siya nagpatinag at pinagpatuloy ang paglalakad palapit sa amin para kuhanin si Verity sa akin.
"Breathe, Vesper..." marahang sabi niya sa akin.
Nanlaki ang mata ko, tsaka ko lang na-realize na dahil sa ginawa niyang paglapit ay parang bigla kong nakalimutang huminga.
Karga si Verity ay naglakad siya pabalik sa kanyang kama. Walang kahirap hirap niyang hinawi ang magulong comforter, inilapag niya si Verity doon at kiniliti dahilan para tumawa ang baby ko.
"Tara dito..." yaya niya sa akin.
"H-hindi na..."
Humilig siya para pantayan si Verity, may ibinulong siya dito bago niya binuhat ang anak namin para paharapin sa akin.
"Lapit ka daw, Mommy..."
Hindi pa din ako natinag, parang nag-ugat na ang mga paa ko sa sahig.
Tumikhim si August.
"Baby, come here..." marahan pero may diing utos niya.
Sinamaan ko siya ng tingin, naramdaman ko kasi ang pag-init ng magkabilang pisngi ko.
"Let's stay here. It's family time..." nakangiting sabi niya kay Verity.
Gusto ko din 'yon.
(Maria_CarCat)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro