Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 45

Driver




Na-excite kami ni Melanie nang malaman naming nakabalik na sa Pilipinas si Damien. Kahit pa naka-uwi na ay hindi pa muna namin siya makikita dahil mula sa airport ay dumiretso siya sa kanilang Hacienda para ayusin ang ilang negosyo doon.

"Mukhang mas lalong mahihirapan si Papa August na suyuin si Mommy Vesper," parinig ni Melanie na kunwari ay si Verity ang kausap niya.

Hindi ko siya pinansin, nanatili akong nakahiga sa kama habang abala sa mga message ni Damien.

"May karibal na si Papa August...sino kaya ang kakampihan ng Baby Verity namin? Si Daddy Doc o si Papa August?"

"Melanie, walang ganoon. At wag mong sabihin 'yan kay Verity..." suway ko sa kanya pero pinanlakihan niya lamang ako ng mata at inayos ang pagkakakarga sa baby ko na hanggang ngayon ay nag-iingay pa din dahil sa sagot niya.

"Hindi ma-iiwasan 'yan. Kailangan lang natin maghanda...lalo ka na."

Kumunot ang noo ko, umayos ako ng upo sa itaas ng kama para harapin siya.

"Saan naman ako maghahanda? Kaibigan ko si Damien."

Muling nanlaki ang kanyang mga mata, mas malaki kesa kanina.

"Sa 'yo. Pero si Doc, hindi ganoon. Alam mo 'yan," paalala niya sa akin kaya naman hindi na ako naka-imik pa.

Si Melanie ang nakapagpatulog kay Verity, kaya naman nang ma-iayos na niya ang pagkakahiga nito sa gitna ng aking kama ay nagpaalam na din siyang babalik na sa kanyang sariling kwarto.

"Teka, sabay na ako sa 'yo...kukuha lang ako ng tubig," pagpigil ko kay Melanie.

Sinigurado ko munang maraming nakaharang sa palibot ng kama ni Verity bago ako sumama kay Melanie palabas.

"Kain ng kain ng chichirya, e..." sita ko sa kanya kaya naubos ang isang pitsel ng tubig ko.

Tinawanan niya lang ako.

"Hala, madilim na sa baba..." pananakot pa niya sa akin nang makita naming wala ng ilaw sa baba at madilim na din ang hagdanan.

"Hindi ako takot," pagbibida ko sa kanya.

Sa dinamirami ng pinagdaan ko sa buhay ay matatakot pa ba ako sa multo?

Matapos kong sabihin 'yon ay handa na sana akong yayain siyang samahan ako sa baba, pero nakita kong halos bumigat na ang talukap ng mga mata niya dahil sa antok kaya naman hinayaan ko na si Melanie na bumalik sa kwarto niya.

Humigpit ang hawak ko sa pitsel habang pababa ako ng hagdan. Mabilis ang lakad ko papunta sa may kusina, pero bumagal 'yon nang mapansin kong bukas ang ilaw doon, mukhang may tao.

Nag-alinlangan pa ako kung tutuloy ako o hindi, pero masyado ng tuyo ang lalamunan ko para hindi ako maka-inom ng tubig.

"Oh, akala ko tulog na kayo," puna ni August ng mapansin niya ang pagpasok ko.

Kakatapos lang niyang magtimpla ng kape. Malalim na ang gabi pero nagkakape pa siya. Wala ba siyang balak na matulog?

"Kape?" alok niya sa akin na mabilis kong inilingan.

Nag-iwas ko ng tingin sa kanya at dumiretso sa may ref para kumuha ng bagong pitsel na may lamang malamig na tubig. Ramdam ko pa din ang pananatili ni August sa likuran ko, hindi ko alam kung ano pang hinihintay niya.

"Pasencya ka na kung hindi ka kumportable na nandito ako sa inyo," pagbasag niya sa katahimikan.

"H-hindi naman sa ganoon," laban ko.

Nanatili akong nakatalikod sa kanya at walang lakas ng loob na harapin siya.

"I didn't see this coming. Hindi ko alam na magiging ganito kalalim ang galit ni Lolo," kwento niya sa akin habang sumisimsim siya ng kape.

Mukhang balak pa niyang makipag-kwentuhan dahil sa pagkakahilig niya sa may sink. Pwes, hindi ako bumaba dito para makipag-kwentuhan sa kanya.

"Sundin mo na lang siya para tapos ang problema mo," tamad na suwestyon ko sa kanya bago ko tuluyang isinarado ang ref.

"'Yan ang hinding hindi ko gagawin," sagot niya sa akin.

"Edi wag kang magreklamo," giit ko kaya naman sandali siyang natigilan.

Napa-ayos siya ng tayo ng makita niyang handa na akong umalis doon.

"Hindi naman ako nagrereklamo. Gusto ko lang sana na may maka-usap...matutulog ka na ba?" tanong pa niya sa akin.

"Matutulog na," agap na sagot ko kaya naman napatango siya.

Muli siyang sumimsim sa hawak ng tasa ng kape habang hindi pinuputol ang tingin niya sa akin.

"Aakyat na ako," sabi ko at umirap pa. Hindi ko alam kung bakit pa ako nagpaalam.

Bakit naman kailangan ko pang sabihin 'yon sa kanya? Bakit ba nagpaalam ka pa, Vesper? Pwede namang umalis ka na lang kaagad at hayaan siyang mag-isa doon.

"Hatid na kita," presenta niya na kaagad kong inilingan.

"Kaya kong umakyta mag-isa."

Pinal na sabi ko bago ko siya tinalikuran. Ramdam ko ang pagsunod niya ng lakad sa akin. Huminto lamang siya sa dulo ng hagdan, medyo bumigat pa ang bawat paghakbang ko dahil ramdam ko ang panunuod niya sa akin.

Dahil sa pagka-ilang ay kaagad akong napakapit sa hawakan ng muntik na akong masubsob dahil sa bitin na paghakbang.

"Careful," matigas na sabi ni August.

Hindi ko siya pinansin, ni hindi ko nga siya nilingon. Matapos kong makaayat ng tuluyan ay halos takbuhin ko na papasok sa kwarto namin.

Late na akong nakatulog ng gabing 'yon kaya naman tanghali nan ang magising ako. Naalimpungatan ako ng bandang ala-sais ng gisingin ako ni Melanie para kuhanin si Verity. Gising na ang baby ko kaya naman siya na daw muna ang bahala at ituloy ko lang ang pagtulog ko.

Halos ilang oras din pagkatapos no'n ay nagising na ako. Inayos ko muna ang higaan namin, naghilamos, nag-toothbrush at handa na sanang lumabas ng mapagpasyahan kong hawiin ang kurtina sa aming bintana.

May ilan na akong nakitang naglalakad para mag-jogging, at ilang mga nakabisikleta pa. Mula sa kalsada ay nalipat ang tingin ko sa may garden kung saan nakita kong nakatayo doon si August, walang suot na pang-itaas habang hawak si Verity.

Pinapa-arawan niya ang baby ko at isinasayaw-sayaw pa. Nagtagal ang panunuod ko sa kanila, hanggang sa nakita ko kung paano niya kinuha ang hose at nagdilig ng halaman. Mukhang na-eenjoy naman niya 'yon habang karga si Verity.

Nakita ko din kung paano niya kausapin ang anak namin, hindi ko man marinig ang tawa ng baby ko ay alam kong natutuwa siya dahil sa ginagawa nila.

Bago pa man ako mahuli ni August na pinapanuod ko sila ay nagpasya na akong bumaba. Pababa pa lang ako sa hagdanan ay nakita ko na kaagad si Melanie. May hawak na tasa ng kape at pandesal na isinasawsaw niya dito bago niya kainin.

"Magandang umaga, Senyorita Vesper," bati niya sa akin.

Dahil sa pagtawag niya sa akin ng ganoon ay pareho kaming natawa. Sumama ako sa kanya papunta sa may dinning, handa na ang mga almusal at mukhang hinihintay na lang din talaga nila ang pagbaba ko para makapagsimula na sa pagkain.

"Gising na pala si Vesper, tawagin niyo na sina August," ni Nanay sa isa sa mga kasambahay na kumuha ng home phone mula sa kanya.

"Good morning po, Nay."

Lumapit ako sa kanya para humalik sa kanyang pisngi. Kinamusta niya ang naging tulog ko, sinagot ko naman ang lahat ng tanong ni Nanay sa akin hanggang sa pumasok na sina August at Verity. Hindi ko sana siya papansinin kung hindi lang niya hawak ang baby ko.

Kaagad kong kinuha sa kanya si Verity.

"Good morning," malambing na bati ko sa kanya at hinalikan siya sa pisngi.

Tumili kaagad siya ng makita niya ako at pinanggigilan din ang pisngi ko.

"August, sit down. Kumain na tayo," Yaya ni Nanay sa kanya.

Hindi ko alam kung saan niya kinuha ang tshirt na suot na niya ngayon.

Umupo siya sa katabi kong upuan, kaya naman napapagitnaan na namin ang baby chair ni Verity. Hinayaan ko siya at nag-focus na lamang sa baby ko.

"Nagpaalam si Mang Ricky na magbabakasyon na muna sa kanila kahit ilang linggo. Hahanap na muna tayo ng ibang driver para sa 'yo," sabi ni Nanay sa akin habang nasa kalagitnaan kami ng pagkain.

"Kaya ko naman pong mag-drive, Nay."

Marahan siyang umiling. "Pagod ka sa trabaho at sa Masterals mo...mas mabuti kung may sarili kang driver," sabi niya sa akin.

Tama nga naman. Kagaya na lamang nung minsang traffic papasok sa university, nakuha ko ang pagkakataon na 'yon na magbasa pa ng notes habang naghihintay. Malaking tulong nga kung may driver.

Tumikhim si August, he cleared his throat na akala mo kay nakabara doon kahit wala naman.

"Pwede pong ako na muna ang mag-drive para kay Vesper," sabi niya na ikinagulat ko.

Hindi pa nga ako nakakapag-react ng maayos ay narinig ko na ang pagpalakpak ng kaharap kong si Melanie.

"Sigurado ka?" tanong ni Nanay sa kanya.

"Hindi na po talaga kailangan, Nay..." pilit ko.

"Magaling din akong mag-drive kagaya ni Mang Ricky," pagbibida niya sa akin.

Kung makapilit siya ay akala mo empleyado siyang kailangang ligawan ang trabaho para makuha niya ang posisyon.

Ramdam ko ang tingin ni Nanay sa akin.

"Mas makakampante ako kung alam kong safe ka sa tuwing aalis ka ng bahay, Anak."

Mariin akong napapikit. Nahihiya pa din akong tanggihan si Nanay sa mga suwestyon niya pag dating sa akin na sa tingin niya ay para din naman sa ikabubuti ko.

Sa huli, hinayaan ko. Hayaan ko na lang ulit. Pero inaamin kong sa tuwing pinipilit ni August na magkalapit kaming dalawa ay mas lalo lang akong tumitigas. Mas lalo ko lang gustong lumayo na lang muna sa kanya.

"Pwede naman na hindi mo siya kausapin buong byahe. Halimbawa, magkunwari kang may binabasa," suwestyon ni Melanie sa akin, kahit malakas ang pakiramdam ko na pabor din naman siya dito.

Napabuntong hininga na lamang ako. Medyo maraming holiday ngayong buwan na 'to, kagaya ngayon na kahit may pasok sa office ay hindi naman kailangan na nandoon kami.

Magkasama kami ni Melanie sa may garden, kagaya ko ay doon din niya ginawa ang ilang trabahong hindi pa niya natatapos. Bukod sa trabaho ay kailangan ko ding basahin ang mga notes ko para naman handa ako kung sakaling magkaroon ng biglaang exam.

Nasa aming tabi ang baby chair ni Verity, abala siya sa paglalaro ng mga teether niya, na-aaliw na siya doon at hindi umiiyak para magpabuhat sa amin ng Ninang Melanie niya.

"After nito mag-grocery daw tayo sabi ni Nanay. Samahan mo ako, isama din natin si Verity," sabi ko kay Melanie.

Ang unang plano ni Nanay ay ako lang ang aalis at magpa-drive daw ako kay August. Pero hindi ko 'yon gagawin kaya naman niyaya ko si Melanie.

Masyado siyang focus sa binabasa niya, hindi pa niya ako sinasagot kaya naman nagsalita ulit ako.

"Ililibre kita ng mirienda," agap ko.

Dahil sa salitang libre ay kaagad niya akong hinarap.

"Alam mo ang magic word," nakangising sabi niya sa akin.

May sariling mundo sina Nanay at August sa may Veranda. Mukhang trabaho ang pinag-uusapan nila dahil kita naman 'yon sa pagiging seryoso nilang dalawa.

"Ma'am Vesper may naghahanap po sa inyo sa labas...at kay Ma'm Fae din po," sabi ng isa sa mga kasambahay sa amin.

"Po? Sino daw po?"

"Vinci daw po," sagot niya sa akin.

Matapos kong marinig ang pangalan ni Tay Vinci ay muli akong napalingon kung nasaan si Nanay, wala pa ding kamalay-malay sa dumating na bisita.

"S-sige po, papasukin niyo," sagot ko sa kasambahay.

Bahala na. Hindi naman siguro 'to mamasamain ni Nanay.

Napatayo ako ng makita ko ang pagpasok ni Tay Vinci. Bahagya pang kumunot ang noo ko ng makita kong ayos na ayos siya.

"Bisita o aakyat ng ligaw?" tanong din ni Melanie.

Nang makalapit na siya sa amin ay muli kong nilingon ang gawi nina Nanay. Kita ko ang gulat sa kanyang mukha nang makita na niya ang aming bisita.

"Tay Vinci!" tawag ni August sa kanya.

Nilingon ni Tay Vinci ang gawi nila. Mas lalong lumaki ang ngiti niya, hindi dahil kay August kundi dahil sa katabi nito.

"Fae!" tawag ni Tay Vinci kay Nanay at nagtaas pa ng kamay para kumaway.

Nanatiling walang ekspresyon ang mukha ni Nanay habang nakatingin dito. Pinagtaasan ni August ng kilay si Tay Vinci bago niya nilingon si Nanay at may sinabi dito.

"Busy ba siya?" tanong ni Tay Vinci sa akin.

"Uhm...hindi naman po ata?" hindi pa siguradong sagot ko.

Muli kaming napatingin sa gawi nina August hanggang sa makita namin ang paglakad nito paapit sa aming gawi.

"Gusto niyo pong kausapi si Nay Fae, Tay?" tanong ni August sa kanya.

"Pwede daw ba?"

Ngumisi si August dito na para bang may sikreto silang dalawa.

"Oo daw po. Nasabi ko na."

Bago tuluyang maglakad papunta doon ay nakita pa anmin kung paano niya inayos ang suot niyang damit, sinigurado pa nitong hindi 'yon lukot, sandali din niyang pinasadahan ng daliri ang kanyang buhok.

"Binatang binata po tayo, Tay a?" pang-aasar ni August sa kanya.

Hindi man namin dinig ang pinag-uusapan nilang dalawa ay hindi pa din namin ma-iwasan ni August na lingonin ang kanilang gawi.

"Aalis na ba tayo para mag-grocery?" tanong niya sa amin.

Nakaluhod na ito sa harapan ng baby chair ni Verity at kinakausap ang anak namin.

Nilingon ko si Melanie, nasa kanya ang sagot. Kung hindi pa siya ready ngayon dahil may ginagawa pa ay handa akong hintayin siya.

"Pwede naman. Magpapalit lang ako ng pang-itaas," paalam niya sa amin.

Hindi ko na kailangang pag magpalit ng damit. Ayos naman na ang suot kong putting tshirt at maong pants. Ganoon din si Verity na naka-baby blue dress.

"Ikaw, hindi ka na magpapalit?" tanong ni August sa akin.

Marahang iling ang isinagot ko sa kanya ng hindi man lang siya tinitingnan. Hanggang sa maramdaman ko ang pananatili ng tingin niya sa akin doon ko lang napansin na halos pareho pala kami ng suot na damit. Puting tshirt din ang sa kanya at maong na pantalon.

Gustuhin ko mang magpaalam na magpapalit na lang pala ako ay huli na ang lahat, kalalabas lang ni Melanie sa bahay at mukhang handang handa na siya.

Tumayo kaming tatlo dahilan para lingonin kami nina Nanay. Mukhang alam na kaaagd niya kung saan kami pupunta kaya naman kahit hindi na namin siya lapitan at magpaalam ng maayos ay tumango na siya sa amin bilang pagpayag.

"Aalis ang baby ko..." malambing na pagkausap niya kay Verity.

Siya na ang kumuha dito mula sa baby chair nito.

Si August ang nag-drive ng itim na Hiace Grandia, nasa likuran kaming tatlo nila Melanie at Verity habang abala kami sa pag-uusap kung anong mga kailangan naming bilhin o may nakalimutan ba kami sa mga nakalista.

"Tapos mirienda...sigurado akong magugutom tayo. Advance akong mag-isip."

Pagkapasok namin sa may Landers ay hindi nahirapan si August na humanap ng mapaparkingan. Hindi din naman malayo 'yon sa entrance ng establishment kaya naman pwede na naming lakarin.

Naghahanda pa lang kami sa pagbaba ng sasakyan ay narinig na namin ang pagtunog ng phone niya dahil sa isang tawag. Pumintig ang tenga ko ng marinig ko kung sino ang nasa kabilang linya.

"Dennice? Bakit ka tuwag?" tanong niya dito.

Nakaramdam ako ng kung ano. Kung si Nanay ay hirap na hirap ma-contact ang babaeng 'yon, si August ay tinatawagan pa. Hindi ko tuloy ma-iwasang mag-isip ng kung ano.

"Oo sana kung pwede...please. Maraming salamat," rinig kong sabi pa niya bago niya ibaba ang tawag.

Mas lalong kumulo ang dugo ko sa hindi ko malamang dahilan. Hindi naman siguro lingid sa kaalaman niya ang ginawa ng babaeng 'yon sa akin, sa amin ni Nanay. Na imbes na paglapitin ay gusto niyang mas lalo kaming magkalayo.

Anong relasyon niya dito at may pag-please, at pasasalamat pa siya?

Kaagad siyang bumaba sa driver seat para pagbuksan kami. Sinubukan niyang kuhanin si Verity sa akin pero hindi ko binigay.

"Hindi sumasama si Mang Ricky sa amin sa loob," paalala ko sa kanya.

Nakita ko ang pagkabato niya, para bang hindi niya inaasahan ang sinabi ko. Totoo naman 'yon, kahit ilang beses naming niyaya si Mang Ricky na sumama sa amin ay mas gusto niyang manatili sa labas, tumambay sa may sasakyan para manigarilyo na hindi pwedeng gawin sa loob.

"Vesper...sama natin si Papa August," suwetyon ni Melanie sa akin.

Maging 'yon ay hindi ko pinansin. Hindi nagsalita si August, pero nagawa pa niyang abutin ang malaking payong para hindi kami ma-arawan.

"Ihahatid ko kayo hanggang sa may entrance," pagsuko niya at hindi na namilit pang sumama sa amin papasok.

"Maghihintay ako dito sa labas. Text niyo ako pag palabas na kayo para ma-ikot ko yung sasakyan dito sa entrance at hindi na kayo maglakad," sabi pa niya sa amin.

Si Melanie ang tumango sa kanya bilang pagsagot. Nanatili ang tingin ko kay Verity.

"Ang init-init sa labas. Dapat isinama na lang natin si Papa August dito sa loob."

"Mas gusto niya doon. May kausap siya at istorbo lang sa kanila kung sasama pa siya sa atin," sagot ko kay Melanie.

"Naaawa na ako kay Papa August,' sabi niya at ngumuso pa.

Napabuntong hininga ako. Mabigat din naman sa loob ko ang ginagawa ko at pakikitungo ko sa kanya. Pero anong magagawa ko kung hindi pa talaga ako handang patawarin siya?

"Hindi naman siya nakaramdam ng awa nung ginawa niya din sa akin 'to. Yung pinagtabuyan ako," paalala ko kay Melanie.

"Nung iniwan niya ako at kinalimutan..." Dugtong ko pa.

"But the best revenge is no revenge. This is not you, Vesper." Seryosong sabi niya, hanggang sa huli ay napangisi siya.

"Oh ha! Straight English 'yon!" pagbibida niya sa akin.

Hindi ko nga pinasama si August sa loob, pero halos magmadali naman kami sa pamimili para lang makalabas kaagad. Sa tuwing may makakasalubong kasi kami ay rinig na rinig namin mula sa kanila kung paano sila mag-reklamo sa init sa labas.

Pero malaki naman na si August, kaya na niya ang sarili niya. At may aircon naman ang sasakyan. Ewan ko na lang kung hindi niya ma-isip na mag-stay na lang sa loob kesa tumambay siya sa labas.

"Grabe naman ang abs," pun ani Melanie pagkalabas namin.

Nandoon si August, nakatayo habang nakikipag-usap sa iba ding family driver. Namumula na ang balat niya at basa na din ng pawis ang suot niyang damit dahilan para bumakat doon ang hubog ng kanyang katawan.

Nakita pa namin kung paano siya inalok ng sigarilyo ng isa sa mga kausap.

"Hindi pwede kasama ko anak ko..." rinig naming sagot niya dito.

"Papa August!" tawag ni Melanie sa kanya.

Kaagad siyang lumapit sa amin para tulungan kami sa mga pinamili namin. Dalawang punong pushcart at dalawang eco bag ang dala namin.

"Bakit hindi ka nag-aircon sa loob ng sasakyan?" tanong ni Melanie sa kanya.

"Boring," nakangising sagot niya dito.

Dumiretso siya sa likuran para ipasok ang mga pinamili namin. Ibinigay ko si Verity kay Melanie para tumulong sa likod.

"Oh, ako na dito..." sabi niya sa akin na hindi ko pinansin.

Nagbuhat pa din ako, pero kaagad akong pinigilan ni August.

"Ako na dito. Trabaho ko naman 'to bilang driver niyo," sabi niya sa akin na ikinagulat ko.

Seryoso siya ng sabihin niya 'yon.

"Wag mo akong kausapin ng ganyan na para bang nasaktan ko yung ego mo...o kinakawawa kita," paliwanag ko sa kanya.

"Wala akong sinasabing ganoon, Vesper..."

"Ayokong isipin mo na kaya ganito ako sa 'yo dahil sa tingin ko mas mataas na ako sa 'yo dahil wala ka ng pera, o kahit ano...alam mong hindi ako ganoon, August. Alam mo kung saan nanggagaling 'to," paliwanag ko sa kanya.

Hindi ko alam, bigla na lang akong nag-burst out. Na-aapektuhan na din ako sa pakikitungo ko sa kanya.

"Alam mo kung bakit ako ganito sa 'yo..." sabi ko bago ko marahas na pinawi ang tumakas na luha mula sa aking mga mata.

"Alam ko, Vesper. Na-iintindihan kita. Baby, na-iintindihan kita," marahang sabi niya sa akin.

Wala na akong lakas na kumawala pa ng hawakan niya ako sa may siko at hinila palapit sa kanya.

"Shh...ayos lang. Wag ka ng umiyak..." pag-aalo niya sa akin.

Humilig siya para halikan ako sa noo.

"I love you. Damn, I miss you, Vesper. I miss us."




(Maria_CarCat)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro