Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 35

Nahanap




Hindi ko ma-alis ang tingin ko sa litratong ipinakita ni Melanie sa akin. Gusto kong tumakbo papunta doon para puntahan si Nanay, pero hindi din maalis ang pagdadalawang isip sa akin. Paano kung kamukha lang? Paano kung hindi si Nanay 'yon?

Nanlabo ang tingin ko dahil sa mga luha, kaya naman marahas kong pinawi 'yon para matingnan ulit ng mabuti ang babae sa litrato. Magkamukha sila ni Nanay, pero hindi ko mapagkakaila na may ilang pagkakaiba din. Na kung titingnan mo ng matagl ay makikita mo.

Mahaba at kulot ang buhok nito, mas maputi din kesa kay Nanay, makinis ang balat, halatang may kaya sa klase ng kanyang pananamit. May ilang colorete din ito sa mukha, bagay na hindi ugaling gawin ni Nanay.

Pero sa tagal naming nagkahiwalay, hindi naman impossible na baka natutunan niya ang mga bagay na 'yon. Pero kung talaga ngang buhay siya...bakit ngayon lang siya nagpakita? Bakit hindi niya ako hinanap?

"Kumalma ka. Inhale exhale," sabi ni Melanie sa akin.

Inilayo niya ang phone at pilit akong pinabalik sa pagkaka-upo. Hinawakan niya ako sa magkabilang balikat.

"Sige, kumalma ka muna...saan mo balak pumunta ha?" tanong niya sa akin ng mapansin niyang gusto kong tumayo, tumakbo at pumunta kung saan,

"Hindi ko din alam...kay Nanay?" hindi siguradong sagot ko sa kanya.

Mariing napapikit si Melanie, napabuntong hininga at muli akong hinarap.

"Hindi ba't wala na ang Nanay mo? Paanong naging si Ma'm Fae?"

"Si Nanay ko 'yon. Alam ko...maraming pagbabago, pero alam kong si Nanay 'yon," laban ko sa kanya.

Huminahon na ako, pero patuloy pa din ang pagtulo ng luha sa aking mga mata. Sobrang bigat ng dibdib ko, may gusto akong gawin pero hindi ko magawa. Gusto kong tumakbo papunta sa kanya pero hindi ko magawa dahil hindi naman ako sigurado.

Paano kung kamukha nga lang talaga ni Nanay, sa oras na umasa ako at hindi naman pala...mas masakit 'yon. Babalik lahat ng sakit kagaya noong mga panahong nawala siya sa akin.

"Kailangan muna nating makasigurado bago tayo gumawa ng hakbang," pagpapa-intindi ni Melanie sa akin. Naiintindihan ko naman ang sinasabi niya, 'yon naman talaga ang tama.

"Sa totoong lang...natatakot din ako," sumbong ko kay Melanie.

"Tutulungan kita," sabi niya sa akin bago niya ako niyakap ng mahigpit.

"May meeting bukas sa De Galicia, sumama ka na. Malay mo nandoon ulit siya," sabi ni Melanie sa akin.

Hindi ako nakatulog ng maayos ng gabing 'yon kakaisip tungkol kay Nanay. Para bang gusto kong hilahin kaagad ang araw para mag-umaga na. Mugto ang mata ko dahil sa pag-iyak at puyat.

"Oh, magkape ka muna at halatang lutang ka," puna sa akin ni Melanie.

Ramdam ko ang kaba, para akong masusuka dahil sa nararamdaman. Si Nanay naman 'yon pero kung makapag-react ang katawan ko ay parang ibang tao ang kakausapin namin. Biglang pakiramdam ko ay ang layo layo na ng agwat naming dalawa dahil sa itsura niya sa litrato.

Eh, paano nga kasi kung hindi naman talaga siya 'yon?

Pero si Nanay 'yon, kilala ko ang Nanay ko.

'yon ang mga tanong na pabalik-balik na naglalaro sa isip ko. Marami akong tanong na paano. Hindi ko na alam kung ano pa ba ang dapat kong isipin, ayokong mag-isip ng negatibo tungkol dito pero napapangunahan din talaga ako ng takot.

"Makikita na natin si Lola," pagkausap ko kay Verity ng magpaalam ako sa kanya.

Niyakap ko siya ng mahigpit at paulit-ulit na hinalikan sa pisngi. Kay Verity ako kumukuha ng lakas, nagiging positibo ang pananaw ko sa buhay at sa mga bagay bagay dahil sa baby ko.

Hapon pa ang meeting sa De Galicia kaya naman kailangan kong magtrabaho kahit ang isip ko ay mukhang nauna na doon, kagabi pa.

"Rapunzel...may delivery ka nanaman," anunsyo ng isa sa mga katrabaho ko.

Nasanay na silang tawagin akong Rapunzel dahil ang haba daw ng buhok ko dahil sa kung ano-anong ipinapadala ni August. Kung hindi bulaklak ay mga pagkain naman. Mabuti na lamang at kahit pinagkakaguluhan nila ang mga 'yon minsan ay hindi naman nila pinapakialaman ang envelope na nakakabit dito.

"Breakfast...coffee, sosyalin!" puna nila.

"Sa inyo na..." sabi ko sa kanila.

Wala doon ang isip ko, halos hindi nga ako makapag-concentrate dahil sa pag-iisip tungkol mamaya. Excited ako at the same time kinakabahan. Para talaga akong masusuka dahil sa nararamdaman. Dumagdag pa ang migraine ko dahil sa puyat.

Hanggang sa hindi ko kinaya, naduwal ako at kaagad na tumakbo palabas papuntang banyo. Sa tuwing grabe ang migraine ko ay nasusuka talaga ako, sobrang pagkahilo at panghihina na din. Gumiginhawa naman ako pagkatapos kong makasuka.

Wala si Melanie sa department namin dahil may iba siyang inaasikaso. Nagtaka ako sa kakaibang katahimikan pagkabalik ko sa office. Kumunot ang noo ko ng mapansin kong hindi makatingin sa akin ang mga katrabaho ko.

Ano kayang nangyari sa kanila?

Hanggang sa dumating si Melanie bago maglunch break. Past nine nangyari 'yon pero ganoon na lamang ang gulat ko na mabilis kumalat ang balita.

"Ano 'tong nabalitaan kong buntis ka?" bungad ni Melanie sa akin.

Nagulat ako. Unti-unti ng nawala ang sakit ng ulo ko, pero dahil sa tanong niya ay parang sasakit ulit.

"Sinong buntis, Ako?" gulat ding tanong ko sa kanya.

'Yon ang pinaka-impossibleng tanong na narinig ko.

"Oo, buntis ka daw at sumuka ka...parang mga siraulo," inis na sabi ni Melanie sa kung sino man ang nagpakalat no'n.

Mariin akong napapikit at ipinagsawalang bahala na lang. Sa sobrang pag-iisip ko kay Nanay ay walang dating sa akin ang usap usapan na 'yon kahit pa alam ko pwede 'yong maka-aapketo sa akin at sa trabaho ko.

"Hayaan mo na muna, lilipas din 'yan...ang importante sa akin ngayon ay makausap ko si Nanay," sabi ko kay Melanie.

Pero mukhang hindi siya pabor sa sinabi ko.

"Sa oras na malaman ko kung sino nagpakalat ng fake news diyan...naku! Mawawalan ng dila," pagpaparinig niya sa mga kasama namin sa department.

Kahit papaano ay nakaramdam ako ng pagkadismaya sa kanila. Kahit pala gaano ka talaga kabait, at kahit magaling kang makisama ay hindi pa din mawawalang gawan ka ng kwento ng iba.

Wala ata talagang makakapigil pag chismis na ang usapan.

Matapos naming kumain ni Melanie ay nagtungo na din kami sa mga De Galicia para sa meeting. Kahit si Melanie lang ang pumunta sa meeting ay walang problema, ang kaso ay may ibang pakay ako kaya naman nagpaalam kami sa head ng department namin.

"Ganito, habang nasa meeting ako...hanapin mo na ang Nanay mo," sabi ni Melanie sa akin.

"Maraming salamat, Melanie..."

"Ikaw pa ba! Basta, huminahon ka...siguraduhin mo muna bago ka yumakap, mahigpit ang security no'n. At pag-confirm...wag mo akong kakalimutan ha," sabi pa niya sa akin kaya naman kahit seryoso na ang usapan ay natawa pa tuloy kaming dalawa.

Tumuloy si Melanie sa meeting room, naiwan ako sa may hallway. Itinuro din niya sa akin kung saan niya nakita si Nanay kahapon. Sobra sobra ang pagtatambol ng dibdib ko, halos mamawis na din ang mga palad ko sa kaba.

Ilang dasal na din ang nagawa ko, sana si Nanay. Sana talaga siya.

Halos mangalay na ang paa ko sa pagtayo kakahintay. Mukhang mas mauuna pang matapos ang meeting nila Melanie kesa magkita kami ni Nanay.

Lumipat ako ng pwesto sa may bandang elevator, baka sakaling doon siya dumaan paakyat ng building. Halos lahat naman ay doon ang daan palabas at papasok, mas malaki ang chance na makita ko siya doon, pwera na lang kung may ibang daan pa kung ikaw ang may-ari ng companya.

Si Nanay ang hinihintay ko, pero iba ang nagpakita sa akin.

"What are you doing here?" tanong ni Dennice.

Lumagpas ang tingin ko sa likuran niya, maging sa mga kasama niya. Hindi ba niya kasama si Nanay?

"Sinong hinahanap mo?" tanong niya sa akin, ramdam ko ang iritasyon sa boses niya.

"S-Si Ma'am Fae de Galicia..." sagot ko sa kanya.

Mas lalong nalukot ang mukha niya dahil sa isinagot ko sa kanya.

"Anong kailangan mo sa Tita ko?"

"Gusto ko lang siyang makita...maka-usap, may itatanong lang ako," laban ko.

Ngumisi siya, hanggang sa tumawa.

"Hindi siya kumakausap ng kung sino sino lang. Sino ka ba sa akala mo para pag-aksayahan niya ng oras?"

Na-ikuyom ko ang kamao ko.

"Hindi ikaw ang gusto kong maka-usap," seryosong sagot ko sa kanya.

Nilingon ko ang elevatot button. "Paakyat ka? Ayan umakyat ka na..." sabi ko pa.

Lumalabas talaga ang pagiging matapang ko sa oras na kailangan ko 'yon. Gagawin ko 'to para kay Nanay.

Nagulat ako, bigla akong nagising sa lakas ng sampal na ibinigaya niya sa akin.

"Bastos ka. Akala mo kung sino ka kung kausapin mo ako. Tandaan mo, nasa teritoryo kita, kayang kaya kitang ipatapon palabas!" asik niya sa akin.

Ramdam ko ang gigil niya sa akin, gigil na may pinanghuhugutan. Umpisa pa lang ay alam ko naman na mainit na ang dugo niya sa amin, sa akin. Hindi ko tuloy ma-intindihan, hindi ko alam kung saan niya 'yon kinukuha.

Sinamaan ko siya ng tingin, hindi ako nagsalita. Umayos ako ng tayo, pwede niyang sabihin ang kahit anong gusto niyang sabihin, pero hindi ako aalis dito. Hihintayin ko si Nanay.

Mukhang napansin niya ang balak kong gawin kaya naman natawa siya.

"Palabasin niyo dito ang babaeng 'to. Sabihin sa mga guard na wag na wag papapasukin ulit ang hampas lupang 'to," utos niya sa mga bodyguard na kasama niya.

"Ano bang ginawa ko sa 'yo at galit na galit ka sa akin?" giit ko.

Hindi niya ako sinagot, nilabanan niya lang ang tingin ko sa kanya.

"Alisin niyo 'to sa harapan ko. Alisin niyo 'to sa loob ng companya ko," madiing utos niya sa mga kasama.

Sinubukan kong magpumiglas ng hawakan nila ako, pero alam kong gagawa lang 'yon ng eksena sa loob at ako lang din naman ang mapapahiya sa huli.

Sa labas, sa labas na lang ako maghihintay. May possibilidad pa din namang makita ko siya dito. Gusto kong umiyak sa trato ni Dennice sa akin, gusto kong lumaban sa kanya sa karapatang hindi ko naman alam. Pakiramdam ko ay may karapatan akong labanan siya, pero hindi ko alam kung anong klaseng karapatan ang panghahawakan ko...ang hinahawakan ko.

Kung si Nanay nga 'yon at siya ang taga pagmana ng mga De Galicia...ibig bang sabihin no'n ay may karapatan din ako sa building na 'to dahil anak niya ako?

Ibig sabihin ba no'n ay mayaman din ako kagaya niya? Hindi 'yon ang intensyon ko kaya ko siya gustong kausapin. Pero hindi ko din naman maaalis na isipin ang mga pwedeng mangyari.

Nakita ko ang paglakad ni Melanie palabas ng building kaya naman mas lalo akong napanghinaan ng loob. Ni anino ni Nanay ay hindi ko nakita ngayon.

"Tumawag si Sir, papalitan na daw niya tayo sa paghandle dito. Iba na ang hahawak sa project na 'to," sabi sa akin ni Melanie.

"Ano? Hindi 'yon pwede. Tayo ang naghirap dito," giit ko.

Halata sa itsura niya na lungkot. "Tinakot sila ng mga De Galicia...ni Dennice bruha na iwi-withraw tayo kung hindi nila gagawin 'yon," sagot niya sa akin kaya naman napahilamos ako sa aking mukha.

"Paano na?"

"May ball pa...siguradong nandoon siya, wag kang mawalan ng pag-asa," sabi niya sa akin.

Ang sama sama talaga ng Dennice de Galicia na 'yan. Mukhang ayaw niyang magkita o magkausap kami ni Nanay. Bakit? Anong tinatago niya?

"Masquerade ang theme ng party kaya naman hindi tayo mahihirapang pumasok," sabi ni Melanie sa akin habang nasa byahe kami pabalik sa Gallego.

Halos hilahin na nga niya ako paalis doon. Sobrang bigat ng mga paa ko, ayokong umalis doon.

Kung kaninang umaga ay wala ako sa aking sarili, mas wala na ako sa aking sarili pagkabalik namin sa companya. Kalat pa din ang chismis dahil sa pagsuka ko kanina. Ang swerte naman nila kung hindi sila nakakaramdam na parang masusuka sila kung may migraine sila.

Tsaka ko lang naramdaman ang antok pagdating ng hapon kaya naman pumunta ako sa may pantry para kumuha ng kape. Nasa kalagitnaan pa lang ako ng pagtitimpla ay naramdaman ko na kaagad na may pumasok.

"Anong..." hindi ko na natuloy ang tanong ko nang makita ko kung gaano siya ka-seryoso.

"Tigilan mo na ang pagpapadala sa akin ng kung ano," tamad na sabi ko sa kanya.

"Vesper..." tawag niya sa akin.

Kung anong seryoso ng mukha niya ay marahan naman ang boses niya ng tawagin niya ako.

"Totoo bang buntis ka?" tanong niya sa akin.

Natigil ang pagsimsim ko sana ng kape, nasamid ako sa sarili kong laway dahil sa naging tanong niya.

"Ano?"

"At kung Oo?" pahabol kong tanong sa kanya.

"Papanagutan ko," sagot niya na mas lalo kong ikinagulat.

Mabilis kong ibinaba ang hawak kong tasa ng kape dahil malakas ang pakiramdam ko na mabibitawan ko 'yon dahil sa mga pinagsasabi niya.

"Kahit hindi ako ang ama...pananagutan ko," pag-uulit niya.

"Nababaliw ka nanaman ba?" tanong ko.

"Baliw na kung baliw, Vesper. Hindi kita hahayaang na palakihin ng mag-isa ang baby mo. Tutulungan kita, magiging ama ako sa kanya..." giit niya.

Sobrang gulo na ng isip ko, mas lalong ginugulo ni August.

"Pwede ba..."

"Ako ang piliin mong maging ama ng baby mo. Babawi ako..." sabi pa niya sa akin.

"Wag mong pakasalan ang Gallego na 'yon dahil may anak kayo. Tatanggapin ko ang bata...ituturing kong parang akin," pahabol pa niya.

"Wag mo akong ihawa sa pagiging baliw mo, August. Layuan mo nga ako," sabi ko at sinubukang itulak siya palayo sa akin pero masyado siyang malakas.

Mas lalo akong hindi naka-imik ng itukod niya ang magkabila niyang kamay sa magkabilang gilid ko para hindi ako makaalis.

"Alam mo kung gaano ko kagustong magka-anak na tayo noon..."

"Hindi ko 'yan alam. Hindi 'yan ang ipinakita at ipinaramdam mo noon sa akin," laban ko sa kanya.

Inipon ko ang lakas ko para itulak siya palayo, hindi naman ako nabigo dahil nagawa ko 'yon.

"Hindi ako buntis, pwede ba. Ang problema sa 'yo, mabilis kang maniwala sa sinasabi ng kung sino sino."

Tatalikuran ko na sana siya ng mapansin kong wala naman ata siyang sumagot pa o wala na siyang sasabihin pa.

"Gaano mo kakilala si Dennice De Galicia?" tanong ko sa kanya.

"Nakasama ko siya sa America, classmate hanggang sa naging kaibigan," sagot niya sa akin.

"At naging girlfriend..."

"Hindi ko siya naging girlfriend," laban niya sa akin pero hindi ko pinansin.

"Y-Yung Tita niya...nakita mo na?" tanong ko.

Kung nakita na ni August, impossibleng hindi niya ma-isip na si Nanay 'yon, impossibleng hindi niya makilala.

Iling ang una niyang isinagot sa akin.

"Wala pa akong nakikilalang kamag-anak ni Dennice. Hindi naman niya ipinakilala..." sagot niya sa akin.

Napasinghap ako. Kung sa kanya ako humingi ng tulong?

Pero kaya ko naman siguro na ako lang? Ayokong magkaroon pa ako ng utang na loob sa kanya.

"Bakit?" tanong niya sa akin.

"Wala," tipid na sagot ko at kaagad siyang tinalikuran.

Naging mabilis ang araw hanggang sa dumating na ang araw ng party. Mayroon na din kaming susuotin ni Melanie, handa na din ang mascara.

"Wag lang tayong magpapakita kay Dennice. Kukuha tayo ng maganda tiempo para makausap natin ang Nanay mo," sabi niya sa akin habang nasa sasakyan kami, nasa parking lot na kami. Bago bumaba ay ipinaalala niya muna sa akin ang mga gagawin namin sa loob.

Ma-ingay na sa loob, may pa-red carpet at marami kumukuha ng litrato sa labas papasok sa venue. Bago bumaba ng sasakyan ay isinuot na namin ang dala naming mascara ni Melanie.

"Tanggaling muna ang mask," sabi ng ilang camera man. Ang ibang bisita kasi ang ganoon ang ginawa.

"No picture, No picture," sabi ni Melanie pero panay ang hinto niya sa harap ng mga 'to ay kumukuha pa ng anggulo.

"Ikaw talaga," sita ko sa kanya.

Tinawanan niya ang sarili habang papasok kami sa loob ng venue. Kinabahan kami habang nakapila na papasok. Isa isang tinitingnan ang mga dalang invitation.

"Baka pati dito ay ipinagbawal din ako ni Dennice," bulong ko kay Melanie.

"Sa sobrang daming tao hindi na nila mapapansin 'yan, at mas lalo kang gumanda ngayon, ibang iba ang make up mo..." sabi niya sa akin.

Pabiro ko siyang hinampas sa braso.

"Dahil naka-maskara ako," giit ko na mas lalo niyang ikinatawa.

Alam kong kinakabahan din si Melanie. Sa tagal na magkasama kami ay isa 'yon sa napansin ko sa kanya. Ginagawa niyang biro ang lahat para bawasan ang kaba niya.

Tsaka lang kami nakahinga ng maluwag nang makapasok kami na hindi na pinatanggal pa ang suot naming maskara. Pareho kaming napa-wow na dalawa pagkapasok namin sa loob.

"Bongga," sambit ni Melanie.

Kahit ako ay hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag kung gaano kaganda ang disenyo sa loob.

Marami na ding bisita, hindi naman namin malalaman kung sino ang mga 'yon dahil sa mga maskarang suot namin. Hindi din naman kailangang mahiya dahil hindi din naman nila kami kilala.

Sa kalagitnaan ng paghahanap ko kay Nanay ay napansin ko si August. Itim na itim ang suot niya, maging ang maskara niya ay itim din. Kahit hindi ko nakikita ang mukha niya ay alam kong siya kaagad 'yon.

Napansin kong nakatingin siya sa akin. Impossible namang nakilala niya din ako. Sa dami ng babae dito na kagaya ng-built ng katawan ko. Nanatili ako sa kinatatayuan ko, kahit pa nakita kong dahan dahan na siyang naglalakad palapit sa akin.

"Miss...or Mrs.?"

Tinabig ko ang kamay niya. Nagawa ko pa ding umirap kahit may takip ang mukha ko.

"Umirap ka nanaman...panigurado," nakangising sabi niya sa akin na hindi ko pinansin.

Sinubukan kong lagpasan siya para ipagpatuloy ang paghahanap kay Nanay, pero ganoon na lamang ang gulat ko ng hawakan niya ang kamay ko at hinila ako sa kung saan.

"August, ano ba..." hindi siya nakinig sa akin. Hanggang sa mapunta kami sa may terrace sa may second floor.

"Naaalala mo...nung mga bata pa tayo, sa may veranda namin," tanong niya sa akin.

Hindi ako sumagot, pero naalala ko 'yon.

"Tuwing gabi..." dugtong pa niya.

Sandaling naghari ang katahimikan sa pagitan naming dalawa hanggang sa muli siyang magsalita.

"I miss us, I miss you..."

Napabuntong hininga ako.

"Nauuhaw ako," sabi ko. Out of topic.

"You want something? Ano?"

"Kahit anong juice," sagot ko sa kanya.

Isa sa paraan para makatakas ako sa kanya at tantanan niya ako. May iba akong pakay dito. Wala sa plano ko ang tumambay dito sa may veranda kasama siya.

Nakita kong nagdalawang isip pa si August na umalis para kumuha ng inumin, pero sa huli ay nagpaalam din siya sa akin. Nang masigurado kong malayo na siya ay kaagad akong naglakad sa kabilang gawi para iwala siya kung sakali.

Ilang hakbang ang layo ko mula sa isa pang pintuan ng makita kong may lumabas mula doon. Mahaba ang kanyang suot na dress, bagsak ang kulot na buhok. Naglakad siya palapit sa may veranda bago niya dahan dahang hinubad ang takip sa mukha.

Napasinghap ako, nasa harapan ko na ngayon ang hinahanap ko. Dahan dahan ang nagawa kong paglakad palapit sa kanya.

"N-Nay..." tawag ko.

Ilang hakbang lang ang layo naming dalawa, napansin ko ang gulat niya dahil sa biglaan kong pagpapakita. Nilingon niya ako, nanatili pa din ang takip sa aking mata. Sa likod no'n ay kusa nang tumulo ang aking mga luha. Mas malapitan...mas nakumpirma kong tama ang hinala ko, siya nga 'yon.

"Nanay..." tawag ko ulit, mas malakas na ngayon, mas sigurado.

Ngumiti siya sa akin, kita ko ang pagtataka sa mukha niya.

Dahan dahan kong tinanggal ang suot kong maskara, hanggang sa narinig ko ang pagsinghap niya.

"Vesper," tawag niya sa akin.

Wala pagdadalawang isip akong tumakbo at yumakap sa kanya. Sinalubong niya ako ng mas mahigpit na yakap.

"Vesper...ang anak ko," umiiyak ding sabi niya sa akin.

Nasa ganuoon kaming posisyon ng marinig ko ang pagdating ni Dennice.

"Tita," tawag niya dito.

"Nahanap po si Vesper, nahanap mo ang anak ko. Maraming salamat, Dennice," sabi niya dito.

Nahanap ako ni Dennice? Kalokohan.




(Maria_CarCat) 

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro