Chapter 32
Wedding
Imbes na alalahanin pa ang mga bagay na wala naman akong control ay hinayaan ko na lang. Bakit ko naman papagurin ang sarili ko kakaisip sa mga pangyayaring wala naman akong laban. Inabala ko ang sarili ko sa trabaho, samantalang ang iba kong mga kasama kabilang na si Melanie ay hindi pa din tapos sa pag-uusap tungkol sa family portrait at sa bagong mamamalakad sa companya.
"Dati walang interest yung bunso sa negosyo...nagbago siguro isip nung nagkaroon ng pamilya," rinig kong pag-uusap nila.
Hindi ko man gustong makisali sa topic na 'yon ay wala naman akong magagawa. Paanong hindi ko maririnig ang pinag-uusapan nila, e nasa iisang kwarto lang kaming lahat.
Nang makaramdam ng pangangalay ang likuran ko dahil sa halos ilang oras na pag-upo sa harapan ng computer ay sandali akong nagpahinga. Inabot ko ang notebook ko na pinagsusulatan ko ng mga gastos, mga bills na kailangang bayaran.
Inilipat ko sa pahina kung saan isinulat ko ang lahat ng kakailanganin para sa first birthday ni Verity. Hindi naman ganoon ka bongga ang birthday na kailangan. Ang mahalaga ay ma-celebrate namin ang pag-iisang taon ng baby ko.
Mas special lang ngayon dahil madami na kaming magce-celebrate para sa kanya. Nandito na sina Ruth at Jade kasama ang mga asawa nila, makikilala na din ni Verity ang anak nina Ruth, magkakaroon na din siya ng kaibigan.
Tumatayo lang ako para kumuha ng kape pag nakakaramdam ako ng antok. Matapos 'yon ay babalik din kaagad ako sa lamesa para tapusin ang mga report.
"Vesper, ayos lang ba na mauna ka na? May kailangan pa kasi kaming tapusin," sabi sa akin ni Melanie.
Kaagad akong tumango. "Inuna mo pa kasi ang daldal kanina," biro ko sa kanya kaya naman tumulis ang nguso niya.
"Sorry, Mama Vesper," balik niya sa akin kaya naman pinanlakihan ko siya ng mata at pabirong hinampas sa braso.
"May makarinig sa 'yo," suway ko.
Mas nauna akong umalis sa office kesa kay Melanie. Kailangan ko din kasing dumaan sa grocery para bumili ng gatas at ilang kailangan ni Verity. Hindi ko alam kung bakit nag-eenjoy akong bumili ng mga baby wipes, diapers, maging yung mga sabon panligo. Nag-eenjoy ako sa pagpili na akala mo ako ang gagamit kahit hindi naman.
Palabas ako ng office ng sandali akong huminto para mag-focus sa pagtitipa ko ng message para sa taga bantay ni Verity. Nasa ganoon akong position ng mapansin ko ang paghinto ng pamilyar na sasakyan sa labas ng main entrance, mula doon ay lumabas ang nakaputing lalaki.
Sinundan ko ng tingin ang lakad niya hanggang sa makita ko kung sino ang nilapitan niya. Kinausap niya ang kalalabas lang na si August, nagulat pa ako dahil nandito pa pala siya sa office. Ang buong akala ko ay umalis na siya kanina matapos niya akong irapan.
Kumunot sandali ang noo niya habang nakikinig sa sinasabi ng kausap, habang ginagawa niya 'yon ay hindi sinasadyang gumala ang tingin niya sa palagid, hanggang sa magtama nanaman ang tingin naming dalawa.
Nakakunot ang noo niya, kumunot din ang noo ko. Pamilyar talaga ang sasakyan na 'yon. Parang nakita ko na, hindi ko lang ma-alala.
Matapos kong i-send ang message ay umalis na din ako doon. Hindi ko na nasundan kung umalis na din ba siya o nananitili pa doon. Walking distance lang naman ang grocery na pupuntahan ko doon kaya naman naglakad na ako.
Habang naglalakad ay hindi ko ma-iwasang hindi isipin kung saan ko talaga nakita ang sasakyan na 'yon.
Naka-budget ang mga bibilhin ko ngayon. Hindi naman problema ang bills dahil hati kami ni Melanie. May pamilyang sinusuportahan si Melanie sa probinsya kaya naman kailangan din niyang magtipid.
"Yung pinaka malaki na po," sabi ko sa lalaki.
Medyo mataas ang pinaglalagyan ng gatas ni Verity. Malaking karton na ang binili ko dahil pakiramdam ko ay mas makakatipid kami duon, kesa naman maya't maya kami bumibili.
Ang pushcart na tulak tulak ko ay puno ng mga gamit para kay Verity. Sobrang sarap sa mata ng kulay ng gamit pang bata. Pag medyo malaki na siya ay isasama ko na siya sa pamimili ko. Kagaya namin ni Nanay noon. Wala man kaming sapat na pera pambili ng mga kailangan namin...iba pa din ang pakiramdam na magkasama kaming bumili.
"Box po o plastick na lang?" tanong sa akin ng kahera.
"Uhm...may dala akong eco bag," sabi ko sa kanya.
Mula sa loob ng bag ko ay inilabas ko ang bitbit kong eco bag para paglagyan ng mga pinamili ko. Dalawa na ang dinala ko dahil hindi naman ganoon kalakihan 'yon, ang gatas pa nga lang niya ay sakop na ang isa.
"Salamat..." sabi ko pagkatapos ibigay sa akin ang sukli at ang resibo.
Habang naglalakad ay hindi ko ma-iwasang tingnan ang bawat sasakyan na dadaan sa harapan ko. Hanggang sa maalala ko na kung saan ko nakita ang pamilyar na sasakyan kanina. Ganoong klase ng sasakyan ang nakita kong humarurot paalis noong gabing hinalikan ako ni Damien sa harapan ng apartment.
Nakaramdam ako ng kung ano nang ma-isip kong may posibilidad na si August 'yon. Ibig sabihin alam na niya kung saan kami nakatira? Paano kung bigla niyang makita si Verity? Paulit-ulit ko 'yong tinanong sa isip ko hanggang sa maalala kong may isa pa pala akong tanong na kailangang isipin...
Paano kung nakita niyang naghalikan kami ni Damien? E, ano naman ngayon? Pwede ko namang halikan ang kahit sinong gusto kong halikan dahil wala naman akong nobyo...at mas lalong wala akong asawa.
Sumagi tuloy sa isip ko na baka kaya niya ako inirapan? Pero ayokong mag-assume. Hindi ko na dapat intindihin ang bagay na 'yon. Ni hindi nga niya 'to naisip noong nakita ko sila ni Dennice na naghalikan.
"Baby ko..." malambing na tawag ko kay Verity pagka-uwi ko.
Mabilis kong inilapag ang mga pinamili ko para lapitan siya. Niyakap ko siya ng mahigpit, kahit ilang oras lang akong wala sa tabi niya ay iba pa din talaga ang pagka-miss ko sa kanya. Hindi naman kasi pwedeng buong araw kaming magkasama...tapos ano? Wala naman kaming panggastos.
"Inom lang ng inom ng gatas...bibili ulit si Mama pag naubos," pagkausap ko sa kanya. Hindi ko siya titipirin sa parteng 'yon. Gusto kong ibigay kay Verity ang lahat kaya nga nagt-trabaho ako ng mabuti.
Pinatayo ko siya sa binti ko at pinaharap sa akin para makapag-usap kami ng maayos. Ang likot likot na ng kamay niya, pilit niyang inaabot ang mukha ko kaya naman sa tuwing nahuhuli ko 'yon ay kaagad kong iniipit sa mga labi ko kaya naman natatawa siya.
Nakakandong si Verity sa akin habang isa-isa naming inilalabas ang mga gamit niyang pinamili ko. Kahit hindi pa na-aappreciate ni Verity 'yon sa ngayon ay alam kong masaya siya, masaya din naman ako na nai-ibibigay ko sa kanya ang mga gamit na 'yon. Lahat ng kailangan niya ay nabibili namin.
"Mas lalong babango ang baby ko," pagkausap ko sa kanya bago ko siniksik ang mukha ko sa leeg niya para halikan siya doon.
Maging ang baby powder ay pinili ko talaga yung pinakamabango. Tuwang tuwa si Verity na para bang nakikiliti siya sa ginagawa ko.
Late na nang umuwi si Melanie, pinagtabi ko na lang siya nang pagkain. Mahimbing na din ang tulog ni Verity sa kwarto namin. Bago ako matulog ay nagkausap pa kami ni Ruth.
"Pwede naman akong mag-alok sa mga ka-trabaho ko," sabi ko sa kanya.
Inalok niya ako ng mga prutas na tinda niya. Para makatulong na din sa kanya ay nag-presinta akong mag-alok sa mga katrabaho namin. Mahal ang bilihin ngayon, mas lalong mahal ang mga prutas. Direkta sa angkatan ng prutas ang mga binibenta niya kaya naman di hamak na mas mura 'yon kesa nasa pamilihan.
"I-send mo sa akin yung listahan ng mga prutas na meron ka. Tapos titingnan ko kung may order," sabi ko sa kanya.
Hindi na ata talaga ma-aalis sa akin ang pag-aalok ng prutas, parte na ata talaga 'yon ng buhay ko. Wala namang masama, gusto ko ang ginagawa ko, at mas maganda dahil natutulungan ko ang kaibigan ko.
'Yon kaagad ang pinagka-abalahan ko pag dating sa trabaho. Hindi naman bawal ang pag-aalok dito, ang bawal ay yung maka-istorbo kami sa trabaho. Kakapasok pa lang halos namin at hindi pa nagsisimula kaya naman kinuha ko na ang oras na 'yon para mag-alok.
"Pwede ba 'to utang?" biro ng isa sa akin kaya naman tinawanan ko siya.
"Totoo ba? Itatanong ko muna sa may-ari..." sabi ko.
Tinawanan niya ako at pabirong hinampas sa braso.
"Biro lang. Sige, o-order ako," sabi niya sa akin.
Kaagad kong inilista ang mga order ng ka-trabaho ko.
"Tingnan mo 'tong dalawang 'to. Simula ng dumating dito naging cheap na yung office natin," rinig kong pag-uusap ng ibang ka-trabaho na hindi namin ganoong kasundo ni Melanie.
"May kapit kasi sa may-ari kaya ganyan. Tingnan mo yung Melanie...kung maka-asta akala mo may alam talaga. Ang alam lang naman ng dalawang 'yan ay magtinda," mapanuyang sabi nila bago sila nagtawanan na dalawa.
Malakas ang pakiramdam ko na hindi ko lang 'yon basta narinig, sinadya nilang iparinig sa akin. Imbes na manahimik ay nilapitan ko na sila, ako na mag-isa ang magreresolba nito. Hindi magiging maganda kung makakarating pa kay Melanie.
Ang isang 'yon pa naman, hindi din magpapatalo.
Matamis ko silang nginitian. "Baka gusto niyong umorder..." alok ko sa kanila.
Nakita ko kung paano umikot ang mga mata nilang dalawa.
"Ay...wala pala kami ng kailangan niyo...magandang ugali," nakangiting sabi ko kaya naman nanlaki ang mata nila bago sila tuluyang na-inis.
"Anong sabi mo?"
"Ang sabi ko mukhang kailangan niyong humanap ng magandang pag-uugali. Ang kaso hindi 'yon na-oorder online," nakangiting sagot ko pa din sa kanila.
Nakita ko ang gigil sa mukha nila, ramdam kong gusto nila akong sugurin pero pinipigilan lang nila.
"Ang yabang mo na din. Akala mo kung sino kang mabait. Kung hindi niyo naman ka-close si Sir Damien hindi naman kayo makakapasok dito...mga asal squatter," asik nila sa akin.
Pigil lang din ang lakas ng boses nila. Mukhang ayaw ding makagawa ng kahit anong ingay para hindi kami pag-usapan.
"Hindi ba't ugali mo 'yang tinutukoy mo? Wala kang karapatang kutyain kami ni Melanie dahil sa pinanggalingan namin. Kung ano mang meron kami ngayon...pinaghirapan namin 'to," pagpapaintindi ko sa kanya.
Wala na sana akong kailangang pang ipaliwanag sa kanya, alam ko namang hindi din niya ma-iintindihan. Hindi mo mababago ang iniiisip ng taong sarado na ang utak pag dating sa mga ganito.
"Hindi lahat ng pakiramdam mo hindi mo ka-level...tatawagin mo ng ganyan. Yung mindset mo ang kailangan mong baguhin," sabi ko pa sa kanya bago ko siya tuluyang tinalikuran.
Tinigil ko muna ang paghingi ng order dahil sa nangyari. Mamaya ko na lang itutuloy sa lunch break, baka gutom lang ang dalawang 'yon kaya ganyan sila mag-isip.
"Conference room na...marketing team," anunsyo ng team leader namin.
Kinuha ko sa lamesa ko ang mga kailangang kong dalhin. Bago pa man ako makalabas ay naka-received na ako ng message mula kay Jade na nakakuha na sila ng schedule ni Lino para sa kasal nila sa munisipyo.
Nakangiti ako habang nagtitipa ng reply. Masaya ako para sa kanilang dalawa.
Sinabihan kaagad niya ako na samahan namin siya ni Ruth na maghanap ng isusuot niya para sa civil wedding nila. Walang pagdadalawang isip akong um-Oo na sumama.
Nauna ang grupo namin sa conference room. Ibinalita ko kaagad kay Ruth na maraming interesado sa prutas habang hinihintay namin ang nagpatawag sa amin dito.
Nagulat ang mga kasama ko dahil nandoon si August kahit hindi naman daw kailangan na pumunta siya. Hindi naman siya nagsalita o ano, tahimik lang siyang nakikinig.
Habang nasa kalagitnaan ng meeting ay hindi ko naiwasang tumingin sa kanya, nakapalungbaba siya na para bang tamad na tamad siya. Nang magtagal ang tingin ko sa kanya at mukhang napansin niya 'yon ay tumingin din siya sa akin at dalawang beses akong inirapan.
Halos masamid ako sa sarili kong laway dahil sa ginawa niya. Yung totoo, anong problema ng isang 'to?
"Pupunta din po ba kayo mamaya para sa meeting ng Accounting and Finance department?"
Marahang umiling si August. "Hindi na, may ibang meeting pa ako..." sagot niya dito.
Dahil sa nangyaring 'yon ay binigyan nanaman 'yon ng kahulugan ng mga kasama namin.
"Favorite tayo!" natutuwang sabi nila. Proud na proud, hindi ko alam kung saan banda doon ang nakaka-proud.
Pagsapit ng sabado ay natuloy kaming tatlo nina Ruth at Jade sa divisoria para humanap ng susuotin ni Jade para sa kasal nila. Dahil nanduon na din naman kami ay humanap na din kami ng susuotin namin ni Ruth.
"Kahawig nung wedding gown ni Megan young, ang ganda..." puri ni Ruth sa nakitang putting dress.
Ipinakita ni Jade sa amin ang mga wedding dress na nakita niya online, isa na doon ang wedding gown ng isang artista. Hindi man kahawig dahil siguradong mahal ang nasa litrato ay hindi naman nalalayo.
"Bagay kaya 'to sa akin?" tanong niya sa amin na kaagad naming tinanguan.
Nakapili na si Jade ng isusuot niya, kami naman ni Ruth ang susunod bilang kami daw ang abay niya. Habang naglilibot kami ay nagse-search sina Ruth online ng mga pwede naming kuhaning idea para ipapakita na lang namin at hahanap ng katulad.
May nakita kaming para sa akin, kulay beige kahawig nung scimam spaghetti strap sleeveless bodycon midi dress na sinearch ni Ruth sa google.
"Ganda! Bagay sa 'yo. Parang wala kang Verity ah!" puri nila sa katawan ko.
"May Verity ako!" laban ko kaya naman tinawanan nila ako.
Wala naman sa akin kung may nagbago sa katawan ko o ano. Ang mahalaga sa akin ay may Verity ako.
Maging ang sapatos ay duon na kami bumili, di hamak na mas mura talaga sa divisoria kesa sa mall kami pumunta. Ang pera na dala namin ay marami ng napuntahan.
Matapos mamili ay kumain na muna kami. Hindi din kami naka-uwi kaagad dahil napadaan kami ni Ruth sa bilihan ng mga damit pang bata. Halos mapuno ang mga mata ko ng magagandang dress para sa baby ko.
"Magkano po dito?" tanong ko sa cute na baby blue dress.
"Dalawang daan na lang," sagot sa akin ng tindera.
"180?" tawad ko.
Tiningnan niya lang ako, nag-iisip pa din.
"Dalawa kukunin ko," pahabol ko pa.
Napakamot siya sa batok niya at walang nagawa kundi ang pagbigyan ako. Dalawang dress tuloy ang nabili ko para kay Verity, isang baby blue at isang color yellow.
"Hindi mo ba madadala si Verity sa kasal ni Jade?" tanong ni Ruth sa akin.
"Inimbita ni Lino si August," pahabol ni Jade.
"E, bakit inimbita?" tanong ni Ruth sa kanya.
"Syempre...may pinagsamahan naman yung mga asawa natin," sagot na lang ni Jade. Totoo naman 'yon.
"Asawa ko lang, at magiging asawa mo...walang ng asawa 'tong si Vesper," pagtatama ni Ruth sa kanya.
"Makikita niyo naman si Verity sa susunod. Pero hindi muna sa kasal ni Jade," sabi ko habang nasa jeep kaming tatlo.
"Hind mo siya ipapakilala kay August?" tanong nila sa akin.
Marahan akong umiling. Hindi na siguro kailangan pa.
Hindi ko naman masyadong ramdam na parte si August ng companya namin dahil halos hindi na siya nagpakita ng mga sumunod na araw. Mas naging magaan tuloy ang trabaho para sa akin hanggang sa dumating ang araw ng kasal nina Jade at Lino.
Alam kong sa pagkakataong 'to ay hindi ma-iiwasang magtagpo ang landas naming dalawa.
"Kumpleto na ba ang lahat?" tanong ni Jade sa amin at sa pinsan niya.
"Oo, kumpleto na," sagot ni Ruth.
"Wala pa si August," sabi ni Bruce.
Kaagad siyang nilingon ng asawa at sinamaan ng tingin. Napailing na lamang kami ni Jade, mag-aaway nanaman ang dalawang 'yan. Mabuti na lang at tulog ang baby nila na karga ni Bruce.
"Ang alam ko nasa ibang bansa si August, pero ang sabi niya susubukan niyang humabol," sabi ni Lino sa amin.
Nasagot na kung bakit ilang araw siyang wala sa opisina.
Papasok na sana kami sa Mayor's office ng bigla siyang dumating, halos habulin pa niya ang hininga niya na para bang tinakbo niya ang papunta dito.
"Pare, buti nakahabol ka," sabi ni Lino.
Doon niya sinabi na galing siyang airport, dumiretso siya dito para talaga sa kasal nina Lino at Jade. Hindi ako umimik, pero nakita ko kung paano naglakbay ang mga mata niya sa kabuuan ko.
Sinadya niyang umubo kahit hindi naman siya inuubo. Nakita ko pa sa peripheral vision ko ang pag-aayos niya ng suot niyang dark blue button down shirt. Bukas ang ilang buttones no'n na para bang nagmamadali din siyang isuot 'yon.
"Pwedeng magpatulong?" tanong niya sa akin.
Itinaas niya ang kamay niya sa harapan ko, gusto niyang tulungan ko siyang itupi ang sleeves ng suot niya para maging three fourths na lang 'yon.
Hindi ko pinansin, malay ko ba kung kanino siya nagpapatulong. Ang daming tao doon.
"Vesper, pwedeng patulong?" tanong niya ulit na may pangalan ko na ngayon, at mas malumanay.
"Pasok na," tawag ni Ruth.
Kaagad akong naglakad para sumunod kina Ruth nang hindi pinapansin ang katabi ko kanina. Iiwasan ko na lang siya hangga't maaari.
Hindi na lang siya umimik pa, sumunod na lang siya sa amin habang abala sa pag-aayos ng sleeves ng suot niya. Nasa kalagitnaan ng ceremony ng palihim akong sumulyap sa sleeves niya, natupi naman niya pareho...hindi nga lang pantay.
Nagising ang baby nina Ruth. Katabi ko 'to kaya naman pasimple kong pinipisil ang matambok nitong pisngi. Siguradong matutuwa si Verity pag may nakita siyang baby din.
Nagpalakpakan ang lahat ng ianunsyong mag-asawa na sina Jade at Lino. Matapos ang pirmahan ay nagkaroon ng picture taking kasama si Mayor. Pagkatapos ay kami naman ang tinawag. Pumwesto sina Ruth at Bruce sa kaliwang side nina Jade at Lino. Kaagad akong pumunta sa kanan para maayos sa litrato.
Nakita ko ang pagsunod ni August sa akin, pumwesto siya sa tabi ko. Hindi ko na sana papansinin pa, hanggang sa maramdaman kong may kamay sa likuran ko.
Nilingon ko 'yon at nakita kong kamay nga niya. Nilingon ko siya at sinamaan ng tingin.
"Sorry, akala ko likod ni Lino," nakangising sabi niya sa akin kaya naman halos maglapat ang mga labi ko dahil sa gigil.
Inalis nga niya ang kamay niya sa likuran ko, pero kung makadikit naman sa akin ay akala mo hindi siya kakasya sa litrato. Halos ma-amoy ko tuloy ang bango niya, ramdam na ramdam ko ang tela ng suot niyang damit sa braso ko.
May malaking painting ng bulaklak sa loob ng office ni Mayor. Ginawa 'yong background nina Ruth para sa picture taking.
"Kay Tita Vesper naman," sabi ni Ruth at ma-ingat na inabot sa akin ang baby niya.
Tinanggap ko 'yon, inayos ko ang pagkakakarga sa kanya para paharapin din siya sa camera. Matamis ang ngiti ko habang kinukuhanan nila kami ng litrato. Sa tabi ni Bruce na may hawak ng camera ay nakita ko kung paano tumingin si August sa akin.
"Isa pa," sabi niya at halos inisang hakbang lang ang pagitan namin.
Pumwesto siya sa tabi ko, hindi na nahiya at humawak pa sa bewang ko.
"'Yan, para kayong pamilya...baby niyo na lang ang kulang," wala sa sariling sabi ni Bruce na sa huli ay napahiyaw dahil sa pagkakapingot ni Ruth sa tenga niya.
Hindi umimik si August, parang hindi naman niya nahalata.
"Uhm...ikaw naman ang humawak," sabi ko at hinarap siya.
Ma-inggat kong inabot sa kanya ang baby, nag-aalangan pa siyang tanggapin nung una dahil hindi daw siya sanay. Pero sa huli ay nahawakan din naman niya ng maayos.
Lumayo kaagad ako doon para ma-picturan silang dalawa. Habang nanunuod ay hindi ko ma-iwasang isipin na buti pa ang ibang bata...nakakarga niya. Ni hindi man lang maranasan ni Verity 'yon.
Pero sino bang niloloko ko? May kasalanan din naman ako, pinili kong itago si Verity kay August kaya ganito.
"Pwede na maging Daddy?" tanong niya kay Bruce habang ibinabalik niya ang baby dito.
"Pwede na...pwede na," alanganing sagot ni Bruce bago tumingin kay Ruth. Takot na takot na may masabing mali dahil malalagot nanaman siya sa asawa niya.
Matapos sa munisipyo ay naghanda na kami para pumunta sa reception. Nagka-ubusan ng pwesto sa dala nilang sasakyan kaya naman medyo nagtagal pa kung saan sasakay sino.
"May dala akong sasakyan..." sabi ni August mula sa likuran ko.
Walang nagtatanong. Kahit eroplano pa ang dala niya, wala kaming pake.
"Ang sungit porket ang ganda..." bulong bulong niya.
Hindi ko pinansin, baka may kausap siyang hindi namin nakikita.
Hanggang sa maramdaman ko ang pagkuhit niya sa braso ko.
"Sabay ka na sa akin," yaya niya.
"Ayoko. At bakit mo ba ako pinapansin ngayon?" tanong ko. Ayoko lang sana ang sasabihin ko, hindi ko na napigilan yung sumunod na salita.
"Hindi na ako nagtatampo ngayon," sagot niya kaya naman kumunot ang noo ko.
"Ano?"
"Galit ako nung nakaraan, nakipaghalikan ka sa iba..." sabi niya na ikinagulat ko.
"Ano naman sa 'yo?" laban ko.
"Gusto ko, ako lang."
Inirapan ko siya, "Nababaliw ka na," akusa ko.
Kaagad siyang tumango. "Oo nga," pag-sangayon niya.
(Maria_CarCat)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro