Chapter 27
Merry Christmas, Everyone! I love you, always. love, Maria.
Ring
Sa tinagal ng mahabang panahon, muli akong nakaramdam ng kung ano dahil sa narinig ko mula kay Melanie. May girlfriend na siya? Ano naman ngayon sa akin? Hindi ko na siya asawa, wala na akong karapatan sa kanya.
Kung nagawa ni August na magmahal muli bukod sa akin, wala na dapat akong pakialam pa doon. Hindi na niya problema o kasalanan kung ako hindi. Hindi ko magawang magmahal muli, hindi ko nagawa.
Doon pa lang, mas lalong ipinamukha sa akin na wala na talaga. Matagal ng wala, pero ang mga kumpirmasyon ay mas lalong nagpapatibay no'n. Nagbagong buhay na si August, dapat ako din.
Dapat ko na ding ipagpatuloy ang buhay na hindi binabalikan ang mga ala-ala ng nakaraan. Kagaya ng ginagawa ko ngayon...kailangan ko lang ipagpatuloy 'to.
"Mahal na mahal kita, Verity. Ayos lang kahit tayong dalawa lang...di ba, anak?" malambing na tanong ko sa kanya. Marahan kong hinaplos ang pisngi niya, ang tungki ng kanyang ilong. Ang tangos ng ilong niya ay nakuha niya kay August. Ang mga mata niya...sa akin.
"Kami nga ni Lola Fae..." pag-uumpisa ko ng kwento.
Hanggang sa lumaki si Verity at magka-isip, hindi ako mapapagod na ikwento sa kanya si Nanay. Hindi ako magsasawang sabihin sa kanya ang lahat ng sakripisyo at pagmamahal na ibinigay ni Nanay sa akin kaya ako ganito ngayon.
Sobra akong minahal ni Nanay kahit maraming kulang sa amin. Sa sobrang pagmamahal niya ay walang kahirap hirap kong nagawang mahalin din ang anak ko.
"Ang ganda ganda naman ng inaanak kong 'yan!" bati ni Melanie sa amin ni Verity kinaumagahan.
Gumagawa na din siya ng iba't ibang tunog. Marunong nang makipagusap ang baby ko.
"Pag na promote si Ninang...may regalo ka sa akin," pagkausap niya dito.
Gusto kong kausapin si Melanie na tatanggi ako sa bagong project, pero nang malaman kong nakasalalay dito ang promotion niya ay hindi na ako nakapagsalita pa. Kita ko sa mga mat ani Melanie kung gaano niya kagusto ang promotion na 'yon.
Marami ding nagbago sa buhay niya simula ng magkaroon kami ng bagong trabaho. Unti-unti na nga din daw niyang napapagawan ng bahay ang pamilya niya sa probinsya.
"Wala na nga pala akong balita kay Jericho," puna ko sa kanya.
Matagal ko nang napapansin 'yon, pero ngayon lang ako nagkaroon ng lakas ng loob na magtanong sa kanya.
"Hiwalay na kami. Nakipaghiwalay ako," sagot niya sa akin na ikinagulat ko pa din kasi may namuo ng konklusyon sa isip ko.
"Bakit?"
Nagkibit balikat si Melanie. "Hindi niya ako kayang suportahan sa bago kong trabaho. Mas gusto niyang manatili ako sa dating apartment, sa dating trabaho sa prutusan. Hanggang doon lang ang pangarap ni Jericho...ayoko sa ganoon," paliwanag ni Melanie sa akin.
"Hindi sa naghahangad ako ng sobra. May pangarap ako...pangarap na para sa pamilya ko. Gusto ko silang bigyan ng maginhawang buhay," dugtong niya na kaagad kong naintindihan.
Mahirap naman talagang magkaroon ng relasyon sa isang taong hindi kapareho ng tingin mo sa buhay. Ang hirap naman no'n kung hindi kayo pareho ng pangarap, hindi kayo pareho ng gustong mangyari.
Hindi din naman daw niya masisi si Jericho kung ayos na siya sa ganoong trabaho, marangal naman 'yon. Walang mali, ang kaso ay may iba pang pangarap si Melanie para sa pamilya niya.
"Kung para kami sa isa't isa...kami pa din sa dulo. Pero kung hindi...edi, tanggapin," sabi niya sa akin.
Mas lalo akong nagfocus kay Verity matapos kong marinig ang tungkol kay August. Maliit ang mundo, pero hindi ko hiniling na magkita pa ulit kami, na magtagpo pang muli ang mga landas namin. Tahimik na kami ni Verity, ayos na kami ng baby ko.
Kung minsan ay dumadalaw si Damien sa apartment namin. Doon kumakain ng dinner, kaya naman naging malapit na din siya kay Verity.
"Daddy Damien," kantyaw ni Melanie nang kuhanin niya si Verity sa akin para kargahin.
Hindi umiiyak ang baby ko sa tuwing kinukuha niya. Kita ko ngang kumportable siya dito. Napangiti ako ng makita ko kung paano niya halikan sa ulo si Verity, kahit pagod sa trabaho ay nagawa pa niyang tumayo para isayaw si Verity.
Pinanlakihan ko ng mata si Melanie. Kahit pa ganoon ay hindi naman ako nakarinig ng kahit anong pagprotesta kay Damien. Parang gustong gusto pa nga niya sa tuwing naririnig niya si Melanie na sinasabi 'yon.
Habang hawak ni Damien si Verity ay tumulong na ako kay Melanie na mag-ayos para makapaghapunan na kami.
Sabay sa company celebration ang birthday ni Damien. Bukod kay Manang ay wala naman siyang malapit na pamilya dito, halos lahat ng kamag-anak niya ay nasa ibang bansa. Kaya naman na-isip ng employee na surpresahin siya sa birthday niya.
Kinakabahan pa din ako para sa bagong project na ibinigay sa amin. Pero naisip ko, kung wala na para sa kanya ang lahat ng nangyari noon...dapat sa akin din.
"Feeling ko spy tayo ngayon," nakangising sabi ni Melanie pagkapasok namin sa isa sa malaking mall ng mga De Galicia.
Inirapan ko na lang siya, buhat ko si Verity. Wala kaming pasok ngayon kaya naman kinuha ko na din ang pagkakataon na 'to para ma-ipasyal ang baby ko.
Nakasuot siya ng kulay pink na romper. May headband din siyang suot, nakita ko ang paggala ng tingin niya sa lugar, maliwanag at puno ng ilaw. Mukhang naninibago pa siya. Si Melanie ang may dala ng baby bag ni Verity. May dala din kaming stroller na nasa sasakyan kung sakaling kailanganin.
Pero hangga't maaari, mas gusto kong hawak ko ang baby ko. Kahit mangalay ang kamay ko, walang kaso sa akin. Mas gusto kong karga ko siya.
"Marami din pala tayong competitors dito, kailangang mag-focus sa marketing," sabi ni Melanie.
Tumango ako bilang pagsang-ayon. Matapos naming maglibot sa mall, at makabili ng ilang gamit para kay Verity ay nagpasya kaming kumain na muna.
Ang mga bagay na 'to ay hindi namin nagagawa noon. Kaya naman kung minsan, habang nasa kalagitnaan ng aming pagkain ay namamangha pa din kami ni Melanie.
Bilog talaga ang mundo. Na kung ngayon hindi sumasangayon sa 'yo ang tadhana...malay mo bukas, o sa isang araw.
Ilang customer sa kinainan naming restaurant ang pumuna kay Verity. Ang ganda daw ng baby ko at ang cute.
"Ipag-artista natin," yaya tuloy ni Melanie sa akin.
Humigpit ang yakap ko sa baby ko. Ilang beses din kaming natawa ni Melanie sa tuwing nakikita naming sinusundan niya ng tingin ang bawat pagsubong ginagawa ko.
Panay din ang paglabas niya sa kanyang dila, busog naman siya, pero mukhang natatakam sa pagkain.
"Hindi pa pwedeng kumain ang baby ko," malambing na pagkausap ko sa kanya.
Pero sa oras na pwede na. Ipinapangako kong ibibigay ko sa kanya ang lahat, makakain niya ang mga pagkaing gusto niya.
Pagkatapos kumain ay nagpasya na kaming umuwi. Bago 'yon ay nagpaalam na muna ako kay Melanie na pupunta ako sa cr. Kinuha niya sa akin si Verity kaya naman dumiretso na ako. Hindi din naman ako nagtagal, pero ganoon na lamang ang gulat ko ng makita ko ang hindi inaasahang tao pagkalabas ko ng cubicle.
Abala siya sa harapan ng salamin, nagre-retouch ng lipstick niya. Hindi pa niya ako napansin nung una, pero tiningnan niya ako mula sa salamin ng maramdaman niya ang pagtagal ng tingin ko sa kanya.
"Vesper?" gulat na tawag niya sa akin.
Nilingon niya ako, nakita ko ang gulat sa mukha ni Vera.
"Vesper!" tawag ulit niya sa akin ng masigurado niyang ako nga 'to.
Bago pa man makapagsalita si Vera ay kaagad na akong tumakbo palabas ng comfort room.
Narinig ko pa ang tawag niya sa akin pero hindi ko na pinansin. Sa hallway palabas ng cr ay nakita ko pa si Sir Julio, papunta din sila sa comfort room, karga niya ang anak nila.
Kumunot ang noo niya habang nakatingin sa akin. Bumukas ang pintuan ng banyo.
"Julio, si Vesper," sabi niya sa asawa kaya naman mas lalo kong binilisan ang pagtakbo doon.
Habol ko ang aking hininga pagkadating ko sa may parking lot. Panay din ang tingin ko sa likuran para kumpirmahing hindi nila ako nasundan. Muli akong napatalon sa gulat ng bumusina si Melanie.
Sumakay kaagad ako sa sasakyan.
"Umalis na tayo, umalis na tayo."
"Anong nangyayari sa 'yo?" nagtatakang tanong niya sa akin.
Marahan akong umiling, habol ko pa din ang hininga ko.
Kinuha ko si Verity mula sa kanya para makapagdrive na siya.
"Basta, umalis na tayo," sabi ko na lang.
Hindi pa din ako hand ana ikwento kay Melanie ang tungkol kay August at sa pamilya nila.
Bakit nga ba ako tumatakbo sa kanila? Hindi naman sila si August. Bakit ko naman sila tatakbuhan? Wala namang pakialam ang mga 'yon sa akin.
Baka dahil hanggang ngayon, nahihiya pa din ako sa kanila. Nahihiya pa din ako sa ginawa ko.
Kinaumagahan, araw ng linggo ng magpasya kaming mamalengke ni Melanie. Mas gusto pa din naming mamili sa palengke, doon na kasi kami nasanay. At kahit naman may pera na kami ay alam pa din namin ang pagtitipid.
Naghiwalay kami ni Melanie para mapabilis ang pamamalengke namin.
"Kami na ni Verity sa mga prutas." Presinta ko.
Humiwalay kami kay Melanie. Hindi naman maselan ang baby ko kaya naman nadadala ko siya sa palengke.
Sa aking kanang kamay ay hawak ko ang dalawang malaking plastick ng mga prutas, sa kaliwa naman ay karga ko si Verity.
Buong weekend kami naging abala ni Melanie, hanggang sa kinailangan na naming harapin ang trabaho pagdating ng lunes. Nakakalungkot lang na kailangan ko iwanan si Verity sa tagapag-alaga niya.
"Kayo na po munang bahala sa kanya," marahang sabi ko kay Ate Bing.
Paulit ulit kong hinalikan si Verity, halos matawa pa nga ako ng hindi kaagad ako naka-alis dahil sa pagkakahawak niya sa ilang hibla ng buhok ko.
Ngayong araw ang meeting namin sa mga De Galicia. Ang sabi ni Melanie, base sa naging experience niya sa mga dating project ay mga representative ng company ang kumakausap sa kanila. Kahit papaano ay nabawasan naman ang kabang nararamdaman ko.
"Masyado ka namang balot!" sita niya sa akin.
Nakasuot ako ng itim na slacks at kulay putting long sleeve. Doll shoes lang din ang sinuot ko, hindi kagaya ni Melanie na sanay na sa mataas.
"Mas kumportble ako dito, e," sabi ko sa kanya kaya naman wala na siyang nagawa.
Sa pagpunta naming sa Flagship company ng mga De Galicia ay nalaman naming ilang buwan pa lang ng mawala ang CEO nila.
"So, sino ang CEO ngayon?" tanong ni Melanie.
Hindi ko na siya sinita pa, parte naman kasi 'yon ng trabaho.
"Si Ms. Dennice De Galicia ang acting CEO ngayon," sabi niya sa amin.
Medyo madaldal ang representative na nakausap namin. Naging magka-vibes din kaagad sila ni Melanie ng malamang galing sila sa iisang probinsya.
"Corporation ang De Galicia dati. Family owned. Pero simula ng pumalit si Ms. Dennice...nagpapasok na siya ng ibang investors, pinagbili ang mga shares, kaya naman marami ng may-ari," kwento niya sa amin.
Naging interisado kami ni Melanie sa kwentong 'yon kahit hindi naman 'yon parte ng project. Ang kailangan lang naman namin sa kanila ay ang Oo nila pata maipasok ang products namin.
"Baka isang araw magising na lang ang lahat na hindi na De Galicia ang may-ari ng mga mall," sabi pa niya.
Ramdam ko ang pagmamahal niya sa trabaho at sa dating namamalakad ng companya.
"Naku, baka may bisyo 'yan!" sabi pa ni Melanie na kaagad kong sinuway.
Hindi naman namin kilala yung Dennice para pagbintangan ng mga ganoong klaseng bagay.
Nagkibit balikat ang kausap namin. "Basta, ang daming nagbago. Bumaba ang sahod, mga benefits, kahit Christmas bonus...nawala," sabi niya pa.
Nagkatinginan kami ni Melanie. Matapos naming malaman ang mga 'yon ay dumiretso na kami sa totoong pakay namin.
"Tatapatin ko na kayo ha. Matagal na kasing may binding angreement ang mall sa competitors niyo, pero pwede pa din namang ipasa ang proposal...tutulungan ko kayo," nakangiting sabi niya sa akin.
Kahit papaano ay masasabi naming maganda ang progress ng unang meeting namin sa kanila. Kung ang representative nila ang palagi naming kakausapin ay walang magiging problema sa akin.
"Sa tingin ko, may ginagawang hindi maganda 'yang Dennice na 'yan," sabi ni Melanie.
Nakabalik na kami sa opisina pero hindi pa din maalis sa isip niya ang tungkol sa nalaman.
"Hindi naman tama na makinig tayo sa mga sabi sabi," suway ko sa kanya.
Minsan nagiging masama talaga tayo sa kwento ng ibang tao, ganoon naman talaga. Kaya nga kailangang pakinggan ang bawat panig bago magbigay ng saloobin sa mga bagay bagay.
Hindi lang ako nagsasalita, pero hindi din maalis sa isip ko ang nalaman. Hindi ko din alam kung bakit parang bigla akong nagkaroon ng simpatya sa mga De Galicia kahit hindi ko naman sila kilala.
Matapos ang ilang araw na paghihintay sa desisyon ay muli kaming tinawagan para sa isang meeting. Kinakabahan kami ni Melanie sa pwedeng maging desisyon pero may tiwala naman kami sa produkto namin kaya alam naming makakapasok 'to.
"Pasencya na, hindi talaga...ayaw ni Madam," malungkot na sabi niya sa amin.
Ipinakita niya din sa amin ang ilang produkto na hindi pumasa, at ilang tinanggap nila.
"Ito? Nagka-issue ang product na 'to last year ah," sabi ni Melanie.
Nagkibit balikat ang kausap namin.
"Baka naman may ibang paraan pa. Subukan ulit natin," sabi niya dito.
Nasa kalagitnaan kami ng pag-uusap ng sandaling magpaalam ang kausap naming dahil sa isang tawag. Nakita ko ang lungkot at pamomorblema sa mukha ni Melanie.
Malaking account din 'to kung sakaling makuha namin. Pero wala naman kaming magagawa, hindi naman namin pwedeng ipilit ang lahat ng bagay.
"Good news!"
"Pagbibigyan kayo ng marketing department, nakita nilang may potential ang product niyo para ihilera sa leading brand sa market," paliwanag niya sa amin.
Kaagad kaming napatayo ni Melanie sa tuwa. Napayakap pa siya sa akin na ikinatawa ko.
Isa kami sa mga binigyan ng chance na i-present ang products namin para makasali sa list ng bago nilang approved products.
Bukod sa mga crafts at ang main product na gusto namin ipasok ay mga pagkain, mga canned goods, fresh goods, at ilang mga condiments na galing mismo sa mga farm namin.
Ibinigay sa amin ang schedule para sa pagpunta namin sa company. Dahil sa chance na ibinigay sa amin ay mas lalo naming kailangang doblehin ni Melanie ang effort. Nagumpisa 'yon sa pamimili namin ng susuoting damit.
Si Melanie ang pumili ng isusuot ko. Ipinasuot niya sa akin ang black boston proper square neck dress at belt para makita daw ang totoong hugis ng bewang ko.
"Wag masyadong mataas ha," paalala ko sa kanya.
Ang balak kong isuot ay ang itim kong doll shoes pero pinagalitan niya lang ako.
"Hindi bagay. Maniwala ka sa akin, hindi kita pagsususotin ng hindi bagay sa 'yo," paninigurado niya.
Hinayaan ko si Melanie na pumili ng isusuot ko. Matagal na niya akong sinisita sa mga damit ko, ngayon ay hindi naman masamang pagbigyan ko siya.
Isang black ankle strap heel sandal ang ipinasuot niya sa akin.
Inipit niya ang mga labi niya habang pinagmamasdan ang kabuuan ko.
"Ang ganda mo!" puri niya sa akin kaya naman inirapan ko siya.
"Bola ka," sita ko sa kanya.
"Totoo nga!" laban niya.
Hinayaan kong nakalugay ang itim kong buhok, si Melanie na din ang nag-apply ng light make up sa mukha ko.
"Kaya natin 'to!" pagpapalakas ng loob niya para sa aming dalawa.
Tumango ako. Kaya naming dalawa 'to. Madami na kaming pinagdaanan.
Ilang minuto bago ang napagusapang oras nang dumating kami sa companya ng mga De Galicia. Walang kaso sa akin ang suot ko, pero kaagad akong nakaramdam ng pagkailang nang mapansin ko ang tingin ng ilang empleyado sa akin.
"Melanie..." pagkalabit ko sa kanya habang naghihintay kami sa pagbukas ng elevator.
"Oh?"
"Madumi ba ang mukha ko?" tanong na bulong ko sa kanya.
Humilig siya sa akin para bumulong din.
"Nagagandahan lang 'yang mga 'yan sa 'yo," sabi niya sa akin.
Nanahimik na lang ako, diretso ang tingin ko sa pinto ng elevator. Ngayon pa lang kinakabahan na ako, paano pa kaya mamaya.
Dumiretso kami sa isang malaking conference room, bukod sa amin ay may ibang representative din mula sa ibang companya. Ang ilan doon ay competitor namin, ang iba naman ay hindi.
Mga ilang minuto pa kaming naghintay, hanggang sa inanunsyo na dumating na ang ilang members ng board.
Lahat kami ay naghintay sa pagpasok nila. Parang akong lumutang sa hangin nang makita ko kung sino ang huling pumasok.
"Uy, si Sir August Escuel. Exciting...para akong nakakita ng artista," natatawang sabi ni Melanie sa akin.
Abala siya sa kausap niya habang naglalakad sila palapit sa table kung saan siya dapat...sa gitna.
Nag-iwas kaagad ako ng tingin, gusto kong magtago...ayokong magpakita.
"Ngiti lang. Daanin natin sa ngiti," sabi ni Melanie sa akin.
Hindi ako sumagot kaya naman nilingon ako ni Melanie. Nagulat siya dahil sa pagtatago ko at pagkakayuko.
"Uy, gamitin mo 'yang ganda mo. Ngumiti ka," sabi niya sa akin. Tinuruan pa niya ako kung paano.
"Ayoko...umalis na tayo dito," sabi ko sa kanya.
"Ano? Anong aalis?" naguguluhang tanong niya sa akin.
Hindi na ako nakasagot pa ng magsalita ang nasa harapan. Ipinakilala nila isa isa ang mga board members at ilang importanteng tao na nandoon ngayon. Mas lalo akong napapikit ng mariin dahil maging kaming representative ng mga companya ay ipapakilala din.
Hindi ko siya nilingon, wala akong lakas ng loob na lingonin siya. Wala na akong pakialam kung nakita na niya ako o hindi. Basta ayoko lang na magtama ang mga tingin naming dalawa.
"Next, we have the Gallego's Company, represented by...Ms. Melanie Pascual and Ms. Vesper Morano," pagpapakilala niya sa amin.
Nanatili ang tingin ko sa folder na nasa harapan ko. Hindi ko sila kayang lingonin. Hindi ko kayang harapin si August.
"Vesper," tawag ni Melanie sa akin.
Hinila niya ako patayo, wala akong nagawa kundi ang magpahila sa kanya. Napabuntong hininga ako, dahan dahan akong nag-angat ng tingin sa kanya.
Pero mas nagulat ako nang makita kong walang kahit anong ekspresyon ang mabasa sa mukha niya. Tamad siyang nakatingin sa akin. Isang mabigat na buntong hininga ang pinakawalan ko.
Ayos lang 'yan, Vesper. Ano bang aasahan mong muling pagkikita niyo? Yung maiiyak siya sa tuwa, hahangos na lalapit sa 'yo at yayakapin ka? Nakalimutan mo na bang galit siya sa 'yo nung maghiwalay kayo?
"Anong nangyari sa 'yo?" tanong ni Melanie sa akin na kaagad kong inilingan.
Nanatili ang tingin ko sa harapan, hindi na ako nangahas na lingonin pa ulit siya. Matapos magpresent ang halos kalahati sa amin ay binigyan kami ng break, may pa-mirienda din sila. Kaya naman nang yayain ko si Melanie na mag-cr kami ay nagpaiwan siya.
Pasimple kong nilingon si August, abala siya sa mga kausap niya. Dahan dahan akong tumayo at lumabas ng conference room ng walang nakakapansin sa akin.
Kahit ang mga tuhod ko, ramdam ko ang panlalambot. Tsaka lang tumulo ang masasaganang luha sa aking mga mata habang naglalakad ako sa hallway papunta sa banyo.
Bumigat ang dibdib ko, hindi ko maintindihan. Miss ko ba siya? Galit ako sa kanya? Hindi ko alam.
Ibang iba na ang itsura niya, kung dati ay parang impossibleng maabot ko siya, ngayon parang ang tingnan o makipagtitigan sa kanya ay wala na din akong karapatan.
Pakiramdam ko wala akong karapatan na balikan yung mga ala-ala na magkasama kami, mag-asawa kami.
Hahawakan ko pa lang ang doorknob ng may nagbukas no'n para sa akin. Hindi na ako nakapagsalita pa sa gulat. Tinulak niya ako papasok sa loob ng banyo bago niya ni-lock ang pintuan.
"What are you doing here?" seryosong tanong niya.
Hindi ako naka-imik. Lalo na ng mapansin ko ang lapit niya sa akin.
"Hindi ko..." hindi ko maituloy ang sasabihin ko.
Tinitigan niya ako, patuloy pa din ang pagtulo ng luha sa aking mga mata.
Nagulat kaming dalawa nang may kumatok sa pintuan.
"Vesper," tawag ni Melanie.
"N-Nandito ako!" sagot ko.
"Buksan mo yung pinto, naiihi ako..." sabi niya. Halos sirain na niya ang pinto.
"May kasama ka ba diyan?" tanong niya mula sa labas.
Nagulat ako nang si August ang sumagot para sa akin.
"Oo. Asawa niya," sagot niya dito na ikinalaki ng mata ko.
"Hindi na tayo mag-asawa," laban ko.
Hindi siya sumagot. Itinaas niya lang ang kamay niya, ipinakita sa aking suot pa din niya ang wedding ring.
(Maria_CarCat)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro