Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 24

Mall









Hindi nawala ang tipid na ngiti sa labi ko hanggang sa makatawid na kami ni Melanie. Hindi na ako muli pang sumulyap sa malaking screen ng tv na 'yon. Masyado na ata akong tutok sa paghahanda at pag-iipon na maging siya ay nakalimutan ko na.

Nakalimutan ko na din ang nararamdaman ko para sa kanya. Hindi ko alam kung magandang pangitain 'yon pero kahit ang sakit ay wala na. wala na akong pakialam.

Ang atensyon at isip ko ay nasa baby ko na ngayon. Nasa aming dalawa, wala na akong ibang hiling araw-araw kundi ang magkita na kaming dalawa.

Kung ano man ang natitirang nararamdaman ko para kay August ay 'yon ang pasasalamat ko sa kanya, kung hindi kasi dahil sa kanya ay wala akong Verity ngayon.

Verity ang ipinangalan ko sa baby namin. Sa lahat kasi ng mga nangyari ay siya ang tiyak na naging totoo, na minsan naming minahal ni August ang isa't isa at siya ang patunay no'n.

Hindi ako sigurado kung naka-uwi na ba siya o nasa America pa din. Hindi ko naman na dapat pang isipin 'yon. Kagaya nga nang sinabi ni August, Wala ng kami kaya naman ang kailangan ko na lang isipin ngayon ay kami ng baby ko.

Maayos na ang buhay niya ngayon na dapat naman talaga para sa kanya. Ipinagkait naming sa kanya ang maginhawang buhay na nararanasan niya ngayon. Deserve naman niya 'yon.

Unti-unti na din naman kaming nakakabangon ni Verity. Makakabangon din kami ng baby ko, magiging maayos din kami. At pag dumating ang araw na magkita ulit kami ni August...kaya ko ding sabihin sa kanya na natupad ko ang mga pangarap ko.

Natupad naming dalawa ang pangarap namin...nang hindi magkasama.

"Vesper, gusto mong sumama sa amin ni Jericho? Sa labas kami kakain," yaya ni Melanie sa akin.

Nginisian ko siya, may date nanaman sila ng boyfriend niya. Halos maging third wheel na nila ako kaya naman minsan ay nahihiya na ako. Imbes kasi na moment nilang dalawa 'yon ay kasama pa nila ako.

Pero kahit naman ganoon ay hindi nila ipinaparamdam sa akin na out of place ako sa kanila. Mas clingy pa nga si Melanie sa akin kesa sa boyfriend niya sa tuwing mgkakasama kami.

"Hindi na. Kayo na muna...pagod din kasi ako, gusto kong magpahinga," palusot ko sa kanya.

Humaba ang nguso ni Melanie. "Sure? Susubukan pa naman natin yung bagong kainan na nakita namin sa facebook," sabi pa niya sa akin kaya naman natawa na lang ako at tumango bilang sagot sa kanya.

Matapos naming magligpit sa pwesto ay naghiwalay na kami ni Melanie, sinundo na siya ng boyfriend niyang si Jericho kaya naman naglakad na din ako pauwi sa apartment namin.

Nangungupahan kami ni Melanie ng isang maliit na apartment hindi kalayuan sa pwesto. Mas magaan 'yon dahil hati kami sa upa at mga bayarin. Dalawa ang kwarto sa loob, may maliit na sala sa labas na katabi kaagad ng kusina.

"Isang order po nitong ginataang langka...at isda," sabi ko sa tindera.

Bumili na din ako ng hapunan ko. Kahit papaano ay pwede ko ng mabili ang mga pagkain na gusto kong kainin. Kung minsan ay nagtitipid lang talaga ako lalo na kung may gusto akong bilhin at kailangan kong pag-ipunan.

Nasa second floor ang apartment namin ni Melanie kaya naman medyo hirap akong umakyat lalo na't medyo marupok na ang hagdanan nila na gawa sa kahoy.

Nakangiti kong inihelera sa mga naipon kong gamit ni Verity ang bagong baby bottle na nabili ko kanina.

Dahil sa mga pagbili-bili ko ay unti unti na akong nakaka-ipon ng mga gamit niya.

Nasa kalagitnaan ako nang pagkain ng hapunan ng maka-received ako ng message mula kina Ruth at Jade. Nangangamusta sila, sinasagot ko naman ang mga tawag at message nila sa akin, umalis lang ako sa lugar na 'yon pero hindi naman natapos ang pagkakaibigan naming tatlo.

Hindi din nakakaligtaan ni Jolina na kamustahin ako. Kahit nga hindi ko minsan pinapansin ang mga message mula sa kanya ay hindi siya nagsasawa na magtanong sa akin.

Late na umuwi si Melanie ng gabing 'yon kaya naman nauna na akong natulog sa kanya. May sarili naman siyang susi kaya hindi ko na siya kailangan pang hintayin para pagbuksan.

"Good morning, Vesper!" bati niya sa akin pagkalabas ko ng kwarto.

May mga nakahanda ng pagkain sa may lamesa. May isang balot ng pandesal at dalawang plastick na may lamang pancit.

"Kakasahid lang ni Jericho kahapon, libre niya daw 'to sa atin," sabi niya sa akin.

Pinagtaasan ko siya ng kilay. Sa tuwing may pa-ganito siya ay may kasalanan siyang ginawa.

"Ano nanamang bawal ang ginawa mo?" tanong ko.

Natawa siya bago siya napakamot sa kanyang batok. Hindi kasi gusto ng landlady namin na nagpapatulog kami ng lalaki dito sa apartment lalo na't mga estudyanteng babae ang kapitbahay namin.

"Hindi naman kami natulog ni Jericho, nanuod lang kami movie sa cellphone niya..." paliwanag ni Melanie sa akin.

Pinanlakihan ko siya ng mata bago ako dumiretso sa may lababo para magtimpla ng gatas.

"Mapapagalitan ka nanaman. Mapapalayas pa tayo dito," paalala ko.

"Hindi 'yan. Takot lang ni Ate Vicky na mawalan ng nangungupahan. Tsaka sa itsura ng apartment na 'to...tayo nga lang ang nagt-tyaga dito e," laban niya sa akin.

Hindi na lang ako umimik pa. Hindi naman ako nagkulang sa paalala kay Melanie. Pero ayoko din namang maki-alam sa relasyon nilang dalawa. Matanda na sila, alam na nila ang tama at mali.

Sabay kaming umalis ng bahay para pumasok na sa trabaho. Maaga pa lang pero sobrang abala na ng buong lugar. Madilim pa lang kasi ay marami na din ang namimili.

"Hoy, ang gaganda ng mga damit!"

Imbes tuloy na tumuloy na sa pwesto ay napahinto pa kami sa bilihan ng mga dress. Tama ang sinabi ni Melanie. Magaganda nga ang tinda doon, ang sabi pa ng may-ari ay sa kanila lang makikita ang ganoong mga design dahil galing pa daw 'yong Bangkok.

"300? Wala na bang bawas?" tanong niya dito.

"Naku kay aga-aga mo namang tumawad," reklamo ng may-ari sa kanya.

Tipid na lang akong ngumiti, wala nanaman kasing nagawa ang kasama ko kundi ang kumamot na lang sa ulo niya.

Bumaba ang tingin ko sa kulay asul na dress malapit sa akin. Maganda ang design no'n, ang lambot din ng tela at mukhang presko kung isusuot.

"Bilhin mo na 'yan, Vesper. Konti lang ang damit mong maluwag sa'yo. Naiipit na si Baby," sabi niya sa akin.

Tinanong niya kung magkano 'yon. Kaagad kong binitawan ang dress nang malaman kong nasa 400 ang halaga. Ilang gamit n ani Verity ang mabibili ko sa ganoong kalaking halaga.

"Minsan ka lang naman bumili ng para sa'yo, ikaw naman..." suway niya sa akin.

Kaagad ko siyang hinila palayo doon. Gusto ko ang dress na 'yon, pero hindi naman rason 'yon para ma-tempt akong bilhin. Marami pang kailangang paglaanan ng pera.

"May nakita akong bagong bukas na ukay malapit sa kabilang building, doon na lang tayo," yaya ko sa kanya.

Inirapan niya ako noong una pero sa huli ay mas excited pa siya kesa sa akin. Hinahayaan naman kami ni Ate Aria na gamit ang lunch break namin para kumain. Sandali lang naman kaming kumain ni Melanie kaya naman pwede pa kaming sumaglit doon.

"Anong uulamin mo?" tanong ni Melanie sa akin habang nakapila kami sa may canteen malapit sa pwesto, pagkatapos ito ay didiretso na kami sa may mall kung saan maraming ukay-ukay.

"Embotido tsaka hingan mo ako sabaw," sabi ko sa kanya.

Siya na daw ang tatayo at oorder para sa aming dalawa. Maraming tao kaya naman unahan din sa upuan. Hindi na siya nagtanong pa kung bakit 'yon lang ang uulamin ko. Maging siya ay ganoon din ang binili pagkabalik sa lamesa namin.

Dalawang embotido na halagang kinse pesos ang isa, tatlong order ng kanina, tig isa't kalahati kami. Madaming ketchup at may sabaw pa. siguradong busog na kaming dalawa.

"Galawan talaga pag may bibilhing damit e," natatawang puna niya sa ginagawa naming pagtitipid.

Matapos naming kumain ay dumiretso na kami sa bagong bukas na ukay-ukay. Nagkahiwalay kaagad kami ni Melanie pagkapasok doon para maghanap ng kanya kanya naming gustong bilhin.

Halos mapuno ang mga mata ko sa dami ng pagpipilian. Balak kong bumili kahit tatlong tshirt para naman hindi na ako mahirapan sa paglalaba. Mas presko kasi kung maluwag ang suot kong damit habang nasa pwesto, lalo na't sobrang init pag tanghali. Maging ang hangin galing sa electric fan sa ganoong oras ay mainit na din.

Nakakita akong ng dalawang damit na mukha naman kasya sa akin, simple lang 'yon at pwede na sa pang-araw araw. Kumaway si Melanie sa akin ng mapunta siya sad ulo ng store kung nasaan ang mga bag at sapatos.

Tinawag niya ako dahil mukhang may ipapakita siya, yakap ang dalawang tshirt na napili ko ay pumunta ako sa pwesto niya. Ipinakita niya sa akin ang bag na napili niya, tumango naman ako, maganda nga 'yon. Imbes tuloy na bumalik sa pagpili ng mga damit ay napatingin na din tuloy ako doon.

"Tingnan mo," excited na sabi ko sa kanya at ipinakita ang kulay pink na baby bag.

Nang makita ko 'yon ay hindi ko na binitawan. Na-imagine ko na kaagad ang paglalagay ng mga gamit ni Verity doon pag-uwi ko.

"Bibilhin ko na 'to," sabi ko sa kanya.

Binili ko na din ang dalawang tshirt at bag na nakita ko. Mas excited pa nga ako sa bag kesa sa mga damit na nabili ko.

Pabalik na sana kami sa pwesto nang mag-reklamo si Melanie na naiihi siya.

"E, bakit hindi ka pa umihi kanina sa loob?" tanong ko.

Hindi niya na ako sinagot pa. Hinila na niya ako sa sumunod na mall na napasukan naming. Hindi kagaya ng mall na pinanggalingan namin ay mas maayos ang mall na 'to. Kumbaga mall ng pang-mayayaman.

"makiki-ihi lang tayo," sabi niya sa akin.

Naramdaman ko kaagad ang lamig sa loob. Hinanap naming ang cr, nagtanong pa kami sa guard na tiningnan pa muna kami mula ulo hanggang paa bago niya itinuro sa amin.

"Second floor."

Sumakay kaming dalawa sa escalator paakyat sa may second floor. Yakap ko pa din ang plastick na may lamang baby na kabibili ko lang.

Hindi na ako sumama kay Melanie sa loob ng CR. Nagpaiwan na lang ako sa labas, katapat ng cr ang entrance papasok sa department store. Bungad ang mga laruang pambata kaya naman na-enganyo akong pumasok doon.

Kung didiretsuhin papasok sa loob ay nakahilera doon ang mga baby crib, stroller, at iba pang gamit pang bata.

Yumuko ako para tingnan ang crib na kumplet na, may laruang umiikot sa itaas, may mga unan na din.

Marahan 'yong pinasadahan ng mga kamay ko. Gusto ko yung bilhin para sa baby ko, ang kaso ay tipid akong napangiti nang makita ko ang presyo. Libo...hindi kaya ni Mama.

"Baka madumihan," sita sa akin ng sales lady kaya naman napa-ayos ako ng tayo.

Naabutan niyang nakahawak ako doon. Muli kong tiningnan ang crib na hinawakan ko, wala naman dumi at hindi din naman madumi ang kamay ko.

Humalukipkip siya sa harapan ko, tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa. Nagtagal ang tingin niya sa hawak kong transparent na plastick kaya naman kita doon ang baby bag na dala ko.

"Vesper...sabi na't nandito ka, e."

Lumipat din ang tingin ng sales lady kay Melanie.

"May libreng tissue, kumuha na ako ng madami," sabi ni Melanie sa akin at ipinakita pa ang rolyo ng tissue na kinuha daw niya sa CR.

Mas lalong napangisi ang babae sa harapan namin at napa-iling.

"Halika na, Melanie..." yaya ko sa aking kaibigan.

Kumunot ang noo niya, hindi pa niya kaagad napansin ang tingin ng babae sa amin.

"Oh, bakit anong klaseng tingin 'yan?" masungit na tanong niya dito kaya naman mas lalo ko siyang niyaya na umalis na doon.

"Gusto niyong tumawag ako ng guard?" pananakot ng sales lady sa amin.

Nagpamewang si Melanie sa harapan nito.

"Edi tumawag ka, gusto mo tulungan pa kita?" laban ng kaibigan ko sa kanya.

Nakipagtarayan ang kaibigan ko sa babae. Walang may gustong magpatalo sa kanilang dalawa.

"Gusto mo tawagin ko ang may-ari?"

Pagak na tumawa ang sales lady. Napanguso din tuloy ako dahil sa sinabi ni Melanie. Malay naman namin kung sino ang may-ari.

May dumaang isa pang lalaking doon nagt-trabaho.

"Excuse po, sinong may-ari ng mall na 'to?" tanong ng kaibigan ko dito.

"Yung ngayon po o yung dati?" tanong ng lalaki sa amin.

Mas lalo akong napasapo sa aking noo, kung saan saan na umabot ang tanong ni Melanie.

"Yung dati?" tanong niya dito.

"Si Madame Elizabeth De Galicia," sagot naman ng lalaki sa kanya.

Tumango ang kaibigan ko na akala mo talaga may alam siya tungkol sa mga 'to.

"E, yung bago?"

"Melanie...tara na," yaya ko sa kanya.

"Si Ma'am Marie Fa..."

"Tigilan mo nan ga 'yan. Wag mo nang sagutin 'yang mga hampaslupa na 'yan," iritadong suway nung babae sa kasama niya.

"Ay! Anong hampas lupa? Gusto mo 'yang mukha mo ang ihampas ko sa lupa?" galit na asik ni Melanie dito.

Na-alarma ang babae dahil sa sinabi ng aking kaibigan.

Tinitigan ni Melanie ang mukha ng babae kaya naman nakita ko ang takot sa mukha nito. Nawala ang tapang niya kanina.

"Tatandaan ko 'yang mukha mo. Pag nanalo kami sa lotto...bibilhin namin 'tong mall tapos ikaw ang una naming tatanggalin," pananakot ni Melanie.

Imbes tuloy na kabahan ako dahil sa mga nangyayari ay natatawa na lang talaga ako dahil sa mga kalokohan niya.

"Anong nangyayari dito?" tanong nang kararating lang na security guard.

Kaagad na nagsumbong ang babae dito na hinaharassed daw namin siya kaya naman pinalabas kami ng guard at in-escortan pa na para bang may ginawa kaming kasalanan.

Ramdam ko ang pamamanhid ng buong katawan ko dahil sa mga nangyayari, agaw atensyon tuloy kaming dalawa ni Melanie.

"Wag na ulit kayong papasok dito," banta sa amin ng guard.

Tinawanan na lang naming ni Melanie ang nangyari sa loob ng mall habang naglalakad kami pabalik sa pwesto.

Hapon nang magkaroon ng kaguluhan dahil sa nangyaring habulan. May nanakawan daw ng cellphone kaya naman nagkagulo ang mga tao, maging ang mag bumibili tuloy ay kaagad na nakaramdam ng takot.

"Oh, dahan dahan po...yung mga prutas," suway ni Melanie.

Nahawi sila kaya naman halos muntik nang mahulog ang mga prutas naming.

Napangiwi ako nang makita ko kung gaano kagulo doon. Sa halos ilang buwa kong nagt-trabaho dito ay parang hindi na bago sa akin ang mga ganoong klaseng tagpo.

"Balak kong maglagay ng pwesto doon sa may bangketa," sabi ni Ate Aria sa amin nang dumating siya bandang hapon.

"Di ba po bawal doon?" tanong ni Melanie.

Illegal ang pumwesto doon dahil daanan ng tao. Sobrang sikip na nga dahil sa mga itinayong tindahan.

"Anong bawal? Bawal ba 'yon, e ang dami ngang naka-pwesto," iritadong sagot ni Ate Aria sa amin.

"Dapat po sana ay lalaki. Para pag may clearing operation...makakatakbo kaagad," sabi pa ni Melanie.

Bayolenteng napakamot sa batok si Ate Aria, gusto niyang gawin ang bagay na 'yon kahit illegal, e mukhang wala pa nga siyang plano talaga. Kawawa naman ang trabahador na doon p-pwesto, sa oras kasi na mahulihan sila ng paninda ay para sila pa ang may kasalanan, sila pa ang magbabayad.

Excited akong umuwi ng araw na 'yon. Nilabhan ko kaagad ang mga pinamili ko sa ukay-ukay kanina. Sa oras na matuyo ang baby bag ay ilalagay ko na kaagad ang mga gamit ni Verity doon.

"Ano kayang pakiramdam na anak ka ng may-ari nung mall, no?" tanong ni Melanie habang nagd-daydream siya.

Abala siya sa pagp-prito ng galungong na uulamin namin ngayong hapunan.

Tipid akong napangiti. Tanong ko din 'yan noon. Na ano kayang pakiramdam pag ipinanganak kang mayaman.

"Pag nanalo ka sa lotto at nabili mo na yung mall...wag mo akong kakalimutan ha," pang-aasar ko sa kanya na kaagad niyang tinawanan.

"Oo naman! Mag shopping ka pa...sagot ko lahat," sabi niya sa akin.

Nagpaalam akong liliban sa trabaho kinabuksan para sa check up ko.

Mahaba ang pila sa clinic kaya naman medyo nagtagal ako doon.

Healthy naman daw kaming pareho ni Baby, pero isa lang ang paalala ni Doc sa akin, ang mag-ingat ako. Wag na din daw akong magbuhat ng mabibigat, lalong wag magpapa-stress.

"Si Melanie po?" tanong ko kay Ate Aria nang siya ang maabutan ko sa pwesto pagkadaan ko.

Ihahatid ko sana kay Melanie ang minatamis na saging na binili ko para mirienda bago ako dumiretso ng uwi sa apartment.

"Nasa bangketa. Doon ko muna siya pinapwesto," sagot nito sa akin na ikinagulat ko.

Wala akong nagawa kundi ang pumunta doon. Itinuloy pa din pala niya kahit wala naman siyang solusyon kung sakaling magkagulo.

"Hindi nag-iisip e. Pag ako nakulong dito...mumultuhin ko siya," reklamo niya habang sunod sunod ang subo ng minatamis na saging na dala ko para sa kanya.

Matapos kong pakinggan ang mga rant ni Melanie ay pinag-usapan namin kung anong gusto niyang ulamin. Ako naman ang maagang uuwi kaya ako na ang nagpresinta na magluto.

"Kahit ano namang i-luto mo gusto ko. Galing ko kaya!" puri pa niya kaya naman inirapan ko muna siya bago ko siya pabirong hinampas sa braso.

"Anong kailangan mo?" tanong ko na mas lalo niyang ikinatawa.

"Pabantay naman sandali, kanina pa ako ihing-ihi," sabi niya sa akin.

Natawa ako sa itsura niya kaya naman kaagad akong tumango.

"Sige na, ako na ang bahala dito."

Patakbong umalis si Melanie. Mukhang ihing-ihi na talaga siya. Umupo ako sa upuang inuupuan niya kanina.

Marahan akong napapaypay gamit ang kapirasong karton na ginawa niyang pamaypay. Tahimik naman ang lahat, may ilang bumibili pero hindi pa ganoon kasikip. Tanghali kasi, karaniwan sa dagsa ng tao ay bandang hapon na.

Humaba ang leeg ko nang makarinig ako ng kung anong sigawan mula sa kabilang kalsada. Ganoon na lamang ang gulat ko nang makita kong may clearing operation nanaman.

"Melanie..." tawag ko sa kung saan kahit hindi pa naman siya bumabalik.

Hindi ko alam kung anong una kong gagawin. Tatakbo baa ko? Iiwan ko ang mga paninda namin.

"Vesper!" tawag ni Melanie sa akin.

Mabilis ang takbo niya palapit sa akin. Kaagad niyang inayos ang mga paninda namin tsaka namin magkasabay na tinulak 'yon. Mabuti na lang at de gulong ang pinaglalagyan. Kung hindi kasi ay sigurong magbubuhat kaming pareho.

Nakatakas kami doon nang masigurado naming malayo na kami at hindi na maabutan pa. Kapwa namin habol ang aming hininga dahil sa hingal.

"Muntik na tayo."

Nang makabawi kaming dalawa ay pareho na lang kaming natawa dahil sa mga nangyari.

Napagpasyahan namin ni Melanie na bumalik na sa pwesto. Hindi namin napansin ang paparating na sasakyan kaya naman kaagad tumama ang kariton namin na may lamang prutas.

Nahigit naming pareho ang aming hininga dahil sa nangyari. Kaagad kaming binalot ng takot, siguradong malalagot kami ni Melanie dito.

Unang lumabas ang driver. Kaagad siyang napakamot sa ulo niya dahil sa gasgas na tinamo ng magarang sasakyan.

"May pambayad ba kayo diyan? Tiningnan niyo nga 'yang ginawa niyo," kastigo niya sa amin.

Hindi nagtagal ay bumukas ang pintuan ng backseat. Lumabas mula doon ang isang magandang babae. Naka-postura siya, kabababa lang din niya ng suot niyang salamin sa mata.

"Anong nangyari?" tanong niya sa driver.

"Ma'am Dennice..." tawag niya sa babae.

Muli kong nilingon 'to. Pamilyar ang mukha niya maging ang pangalan.

Matapos sa kanyang driver ay nilingon niya din kami ni Melanie. Pero mas nagtagal ang tingin niya sa akin. Napaawang ang bibig niya na para bang may naalala siya sa mukha ko kung titigan niya ako.

"Babayaran na lang po namin ang gasgas..." sabi ko kahit ang totoo ay wala naman kaming pambayad.

"Hindi na."

"Hindi na kailangan. Let's go Manong..." nagmamadaling yaya niya dito.

Halos dumikit ang tingin niya sa akin. Para bang gusto na ayaw niyang tingnan ako. Hindi ko ma-intindihan.

"Takot ata sa'yo," natatawang sabi ni Melanie.

"Tanggal yung angas nung nakita ka e," pahabol pa niya habang natatawa.





(Maria_CarCat)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro