Chapter 22
Autumn
Ilang sandali pang nagtagal si Sir Damien doon sa pwesto, nagpabili pa siya ng mirienda para sa aming lahat. Halos si Ate Vilma lang ang kumakausap sa kanya. Bukod kasi sa tungkol sa Negosyo ang topic nila ay nahihiya kaming kausapin siya.
"Ibig sabihin tagapagmana siya ng malaking hacienda at doctor pa? grabe 'yon..." namamanghang sabi ni Ruth.
Kahit ako din naman ay namamangha sa mga kagaya nilang mayaman. Ano kayang pakiramdam na nakatira sa mala-mansyong bahay? Yung wala kang problema kahit lumakas ang ulan dahil may bubong kang masisilungan ay nasisigurado mong hindi masisira?
Anong pakiramdam na sumakay sa sariling sasakyan? Yung hindi ka na makikipagsiksikan sa jeep para lang ipaglaban yung karapatan mo bilang pasahero din.
Anong pakiramdam na madami kang pera? Hindi mo po-problemahin yung kakainin mo, lahat ng kailangan at gusto mo ay makukuha mo.
Hindi naman ako naghahangad pa ng mas, naiisip ko lang kung paano kaya kung ipinanganak din ako sa mayamang pamilya...kami ni Nanay. Siguro hindi iisipin ng iba na pera lang ang habol ko kay August, siguro hindi namin mararanasan ang lahat ng 'to. At higit sa lahat...buhay pa siguro si Nanay.
"Anong gusto mong kadalasang kainin?" tanong ni Sir Damien sa akin.
Mukhang tapos na silang mag-usap ni Ate Vilma kaya naman ako na ang nilapitan niya para kausapin.
Tipid akong ngumiti. "Wala naman pong ganoon ka espesyal, hindi din naman po maselan ang baby ko," kwento ko sa kanya.
Ngumiti siya sa akin, lumabas ang dimples sa pisngi niya, ang puti din ng ngipin niya na para bang nasa commercial siya ng toothpaste. Kayang kaya niyang dalhin ang sarili sa suot niyang simpleng damit.
"Kung may kailangan kayo...wag kayong mahihiyang magsabi," sabi niya sa amin nina Ate Vilma bago siya magpaalam sa amin na aalis na.
Todo kaway si Ate Vilma pagkaalis ni Sir Damien. Ang lokong si Ruth ay ginaya 'yon para asarin siya. Nang mapansin n ani Ate Vilma ang ginagawa niyang pangagaya ay natawa na lang siya sa sarili niyang kalokohan.
Masungit tuloy kaming hinarap ni Ate Vilma para sa ilang mga bilin.
"Magiging hands-on na si Senyorito Damien sa mga pwesto. Aalis siya ng bansa sa susunod na buwan kaya naman ipakita natin sa kanya na tayo ang pinakamagaling na branch niya ng prutasan...galingan niyo sa pagbebenta," paalala niya sa amin.
Wala kaming nagawa kundi ang tumango sa lahat ng sabihin ni Ate Vilma. 'Yon din naman ang gusto naming, ang kumita ang pwesto para na din makabawi kami sa kabaitan ni Sir Damien.
"Gamitan niyo ng ganda..." sabi pa niya na parang na-irita pa.
Umalis din si Ate Vilma pagkatapos niya kaming kausapin. Apat na branch ang hawak niya. Sa kabilang palengke ay may pwesto din doon at siya ang nangangalaga.
Tumatanggap naman ako ng bagong kaibigan, ang kaso ay may takot na din ako. Na baka lahat sila ay umalis din. Kung aalis lang din naman...mabuti pang hindi ko na papasukin sa buhay ko. Pagod na akong magpaalam sa mga taong lumayo sa akin.
Natanggap naming ng sumunod na araw ang sweldo naming sa trabaho. Ang kalahati no'n ay kaagad kong itinabi para ipunin. Marami akong kailangang paghandaan, ang panganganak ko at ang pagdating ng baby ko.
"Sa ganito po? Yung plain na puti lang..." turo ko sa mga damit pang bata.
"Sige, bigay ko na sa'yo tatlo isang daan na lang," sab isa akin ng tindera.
Tumango ako at kaagad na pumili. Damit 'yon pang newborn. Hindi ko pa naman alam ang gender ng baby ko kaya naman plain na puti muna ang iipunin ko.
Unti-unti na akong mag-iipon ng mga gamit niya habang maaga pa. Na budget ko na din ang pera ko hanggang sa susunod na sahod.
"Oh, ikaw pala 'yan, Vesper. Anong uulamin mo ngayon?" tanong ng mabait na tindera sa may karinderya na palagi naming binibilhan noon ni August.
Nitong mga nakaraang araw ay bumibili na lang ako ng lutong pagkain. Mag-isa lang naman ako kaya naman sayang kung magluluto pa ako sa bahay. Kung minsan ay sa tanghali lang naman ako kumakain, sa gabi pagkauwi galing trabaho ay inaantok na kaagad ako kaya naman diretso na sa pagtulog.
"Isang order po nitong gulay po," turo ko sa ginataang sitaw at kalabasa. Paborito ko 'yon simula pagkabata.
Tumango siya at sumandok ng pagkain para ibalot.
"Pritong isda?" tanong niya sa akin.
Tipid akong ngumiti at marahang umiling. Kailangan kong magtipid hanggang sa susunod na sweldo.
Habang inaayos niya ang ulam at kanin na inorder ko ay nakita ko ang pagbaba ng tingin niya sa dala kong plastick.
"Ano 'yang dala mo?" tanong niya sa akin.
Itinaas ko pa ang plastick na may lamang damit pang baby.
"Damit po ng baby ko. Nag-iipon na ako," kwento ko sa kanya.
"Totoo ba ang balita na iniwan ka ni August?" tanong niya sa akin dahilan kung bakit unti-unting nawala ang ngiti sa labi ko.
"Nag-abroad po si August para mag-aral..." sagot ko sa kanya. 'Yon naman ang totoo.
Nagtaas siya ng kilay. "Pero hiwalay na kayo?" pang-uusisa niya.
Tipid lang akong ngumiti sa kanya. "Magkano po ang sa akin?" tanong ko para ibahin na ang usapan.
Mukhang nakuha na niya ang gusto kong mangyari kaya naman hindi na ulit siya nagsalita pa. matapos kong magbayad ay umalis na din kaagad ako.
Gusto lang nila ng chismis. At kung iisipin nilang magpapakalat ako ng balita dito para magmukhang kawawa ako at masama si August dahil sa pag-iwan sa akin...hindi ko gagawin 'yon.
Sinigurado kong maayos na naka-lock ang pintuan ng bahay. Ang tanging bukas na ilaw lang ay ang ilaw sa may dinning kung nasaan ako. Kailangan ding magtipid sa kuryente. Sayang kasi ang ibabayad.
Habang kumakain ay nakalatag sa ibabaw ng lamesa ang mga damit na binili ko. Sobrang liit no'n, habang nakatingin ako ay mas lalo tuloy akong na-e-excite para sa baby ko.
Alam kong sobrang dilim ng bahay kung titingnan mo mula sa labas pero mas kumportable na ako sa ganito, mula sa dilim ay hindi ko nakikitang mag-isa ako, hindi ko ramdam na ako lang ang tao dito sa bahay.
Umingay ang pwesto naming kinabukasan ng malaman namin ang magandang balita mula kina Ruth at Bruce.
"Buntis ako!" anunsyo niya.
Kaagad namin siyang niyakap ni Jade. Masaya kami para sa kaibigan, matagal nilang 'tong hinintay. Matagal na din kasi nilang sinusubukan na magkaanak.
"Congrats, Bruce!" bati din namin sa kanya.
Halos hindi mawala ang malaking ngiti niya, kung sweet at clingy siya kay Ruth ay mas mukhang doble pa ngayon.
Nagkasundo kaagad kami ni Ruth, marami siyang tanong sa akin kaya naman natatawa na lang ako.
"Ano ka ba, first time lang din ni Vesper...pareho pa kayong nangangapa," suway ni Jade sa kanya.
Sobrang excited niya, ganoon din naman ako.
"Gawin nating mag-bestfriend yung mga baby natin...sana parehong babae," sabi pa nito.
Gusto ko din na babae ang baby ko, pero kung lalaki walang kaso sa akin. Tatanggapin ko kung ano ang ibinigay sa akin.
Kahit hiwalay na kami ni August ay nakaka-received pa din ako ng message mula kay Jolina, nangangamusta pa din siya kahit minsan ay hindi na ako sumasagot.
"Iniimbita tayo ni Senyorito Damien, birthday daw ni Manang..." sabi ni Ate Vilma sa amin.
Nasa probinsya daw ang mga kamag-anak ni Manang. Gusto siyang paghandaan ni Sir Damien sa birthday niya. Mas magiging masaya daw ito kung may mga bisita kaya naman inimbita niya kami.
"Sarado ang prutasan bukas. Dito tayo susunduin ng van," si Ate Vilma pa din.
"Ate Vilma, ipagpaalam mo naman kami sa amo naming," sabi ni Ruth sa kanya.
Umirap si Ate Vilma sa kawalan. "Hindi kami close ng amo niyo," sabi niya dito.
"E, di ba...bestfriend mo 'yon?" sabi pa ni Ruth kaya naman mas lalong na-inis si Ate Vilma.
Kahit matagal na kasing magkakatabi ang mga pwesto dito sa palangke ay hindi niya kasundo ang amo nina Ruth.
"Sabay sabay naman tayong pupunta doon sa hapon. Hindi din naman ako sasama kung hindi kayo kasama. Nahihiya din ako," sabi ko sa kanila.
Naghanda kami para sa pagpunta sa hacienda ng mga Gallego ng sumunod na araw. May van na sumundo sa amin para daw hindi na kami mahirapang mag-commute.
Nakapunta na ako dito, pero kagaya nina Ruth at Jade ay halos mabali ulit ang leeg ko sa pagtingala sa malaki nilang gate, hanggang sa bahay nila.
"Resort ata 'yo, e."
"Ang daming kabayo...ang daming sasakyan!" puna ng mga lalaki naming kasama sa likuran.
Nakahilera sa mahabang garahe ang iba't ibang klase ng sasakyan.
Huminto ang van sa tapat ng kanilang pintuan. Nandoon na kaagad sina Manang at Sir Damien, mukhang hinintay talaga nila ang pagdating namin.
Matamis ang ngiti niya sa aming lahat, isa-isa niya kaming binati.
"Happy birthday po, Manang!" bati nina Ruth at Jade sa kanya.
Tumagal ang tingin ko kay Manang nang mapansin kong hindi niya alam kung ngingiti ba siya o ano. Napanguso ako, bakit parang hindi naman birthday ni Manang?
Matapos siyang batiin ng mga kasama ko ay ako naman ang lumapit sa kanya.
"Happy birthday po, Manang."
Kung nakakalula ang ganda sa labas ng mansion nila ay mas pa pag nakapasok ka na.
"Kasya na ako dito, oh..." natatawang sabi ni Ruth.
Napuna kaagad nila ang malalaking vase na naka-display sa may living room nila. Halos lahat ng gamit doon ay mukhang mamahalin, mukha ng antigo.
Nawala ang atensyon ko sa mga kaibigan ko ng maramdaman ko ang paglapit ni Sir Damien sa akin.
"Nagpaluto ako ng madami. Sana magustuhan mo...niyo," dugtong niya.
"Naku, lahat naman po kinakain namin," nakangiting sabi ko sa kanya.
Ngumiti siya, bago siya napakamot sa batok niya ng magtagal ang tingin niya sa akin. Para bang may gusto pa siyang sabihin...pero hindi niya matuloy.
"Senyorito...pakainin na natin sila," pagkuha ni Manang sa atensyon niya.
Napangisi siya at para bang natawa sa sarili niya bago niya hinarap ang iba pa naming kasama.
"Sayang at gabi na kayo nakarating. Kung maaga pa sana ay pwede ko kayong ipasyal sa buong hacienda...pwede din kayong mangabayo," sabi niya sa amin na kaagad na pinaghinayangan din ng mga kasama ko lalo na ang mga lalaki.
Nang sabihin ni Sir Damien na madami siyang pinaluto ay literal na madami nga ang nakahain. Ang ibang putahe ay ngayon lang halos naming nakita.
Naging magaan kaagad ang loob ng mga kasama ko kay Sir Damien.
"May dessert pa," nakangising sabi niya sa amin ng naging vocal ang mga kasama ko na busog na sila.
Matapos kumain ay hinayaan kami ni Sir Damien na maglibot libot sa bahay nila.
"May internet dito? May wifi?" tanong ng mga kasama ko.
Naki-connect sila ng internet para daw makapag-post ng mga litrato. Narinig 'yon ni Sir Damien kaya naman ganoon na lamang ang gulat naming ng hayaan niyang ipagamit sa mga kasama ko ang laptop niya.
"Ang bait talaga...at ang bango pa!" puna nina Jade ng humilig siya malapit sa aming gawi para ilapag ang laptop niya sa may center table.
"Kailangan niyo pa ba isa?" tanong niya sa amin kaya naman mas lalo kaming namangha.
"May isa pa po kayong laptop?" tanong ni Ruth.
Tipid siyang ngumiti at tumango. "For work," tipid na sagot niya sa amin.
Magkatabi kaming tatlo sa may malaki nilang sofa. Si Ruth ang nasa gitna at ang pumipindot sa laptop, nasa magkabilang gilid lang kami ni Jade at nakikinuod sa kanya.
"Ma-iingit nanaman mga inggitera kong friends nito sa facebook," natatawang sabi niya kaya naman kaagad na umirap si Jade sa kanya at natawa na lang din.
Wala akong social media account, ni hindi ko nga alam kung para saan ang mga 'yon.
"Yan, na-post ko na.'
Tahimik lang akong nanunuod sa ginagawa niya doon ng kaagad siyang may ma-isip.
"Stalk natin si August," sabi niya sa akin.
Hindi kaagad ako nakapag-react, si Jade ang unang sumaway sa kanya.
"Ok lang ba sa'yo, Vesper? O ayaw mo?" tanong ni Ruth sa akin.
Nagpabalikbalik ang tingin ko sa kanilang dalawa, pagkatapos ay sandali akong sumulyap sa laptop.
"T-tingnan lang natin kung nasa america na talaga siya," nahihiya pang sabi ko.
Napabuntong hininga si Jade dahil sa disappointment.
"Oh, gusto ni Vesper," sabi ni Ruth at kaagad nanamang nagtipa doon.
Hinanap niya ang pangalan ni August sa social media. Hindi naman kami nabigo dahil mabilis na lumabas ang account daw niya na mukhang kagagawa lang.
Bago pa man namin mabuksan ang account niya ay may mga lumabas na kaagad na news tungkol sa kanya at sa pagbalik niya sa company nila.
"Sa kanila 'tong building?" gulat na tanong ni Ruth.
Isang post 'yon mula sa isang news account.
Magkasabay silang tumingin sa akin para kumuha ng sagot, nagkibit balikat lang ako. Hindi ko din alam. Ang alam ko lang kasi noon ay ang malaki nilang mansion sa may Sta. Maria. Hindi ko nga alam talaga kung gaano sila kayaman at kung ano ang mga business nila sa Manila.
"Ang yayamanin naman pala talaga ni August," namamanghang sabi nila.
Tahimik akong tumingin sa screen ng laptop. Wala na akong masabi, wala din naman akong sasabihin. Iyon naman kasi ang buhay na para talaga sa kanya.
Matapos magbasa ng ilang business news ay tuluyan ng binuksan ni Ruth ng account daw ni August.
"Buti hindi naka-private," sabi ni Jade.
Ngumisi si Ruth. "Baka hindi alam ni August kung paano mag-private ng account. Chat ko nga tapos maniningil ako."
Ang profile picture niya ay anino niya sa ilalim ng isang puno na may mga kulay orange na dahon.
"Fall season na pala doon. Autumn," sabi ni Jade habang nakatingin pa din siya sa laptop.
Wala halos makita sa account ni August. Nag-scrol pa pababa si Ruth hanggang sa mapahinto kami ng makakita kami ng litrato niya sa isang coffee shop, hindi siya nag-iisa...may kasama siyang babae.
"Oh, may nag-tagged kay August na babae," sabi ni Ruth na kaagad nagbago ang mood.
Halos manginig ang kamay ko habang nakatingin sa picture. Parehong malaki ang ngiti nila sa picture, mukhang hiyang na hiyang si August sa bagong buhay niya ngayon at sa lugar kung nasaan siya.
"Mukhang yayamanin..." sabi ni Ruth tukoy sa babaeng kasama ni August.
Naramdaman ko ang pagbigat ng talukap ng mga mata ko habang nakatingin sa kanila. Maganda nga ang babaeng kasama niya, unang tingin mo pa lang ay alam mo ng may sinabi sa buhay, mukhang hindi din nalalayo ang edad nilang dalawa.
Dennice De Galicia
Sinubukan pang i-stalk ni Ruth yung babae pero pinigilan na siya ni Jade. Nakita ko ang tingin nilang dalawa sa akin pero hindi na lang ako umimik.
"Sorry, sana hindi na lang natin binuksan," si Ruth.
Tipid ko siyang nginitian.
"Ayos lang, Ang mahalaga nalaman nating...ayos lang siya doon," sabi ko sa kanila kahit ang totoo ay nakaramdam ako ng kirot...ng selos.
Pinatay kaagad nina Ruth ang laptop. Ipinakita ko sa kanila na ayos lang ako, pero alam kong ramdam nil ana hindi.
Hindi mawala sa isip ko yung litratong nakita ko. Malaki ang ngiti ni August doon. Halatang masaya siya. Masaya din naman ako para sa kanya, pero hindi lang din kasi talaga mawala sa aking hindi makaramdam ng selos.
Hindi pa nagtatagal simula ng maghiwalay kami...may iba na kaagad siya?
"Tapos na kayo? May ice cream sa dinning," si Sir Damien.
"Tapos na po. Nakita na namin ang dapat naming makita," si Ruth.
Kaaagd siyang sinuway ni Jade.
"K-kuha lang kami ng ice cream..." paalam nilang dalawa kaya naman naiwan ako kasama ni Sir Damien.
"Ayos ka lang?" tanong niya sa akin.
"Opo..."
Ngumisi siya at umupo sa may kahoy na center table para humarap sa akin.
"Wag mo na akong i-po," suway niya sa akin.
Hindi ko siya sinagot, bumaba ang tingin ko sa hawak niyang ice cream ng ilahad niya 'yon sa akin.
"Para sa'yo. Ikinuha na kita."
Nagdalawang isip pa akong tanggapin 'yon nung una, pero sa huli ay kinuha ko na lang din at nagpasalamat.
"Na-stress ang baby pag stress si Mommy," puna niya sa akin.
Hindi ako nakasagot, wala naman akong sinasabi sa kanya. Halata ba masyado sa akin na malalim ang iniisip ko?
"Pag kailangan mo ng kausap nandito lang ako..." sabi niya, nagulat din siya matapos niyang sabihin 'yon.
"Kami ni Manang," pahabol pa niya kaya naman napanguso ako para itago ang pag ngiti.
"S-salamat...Damien," sabi ko.
Gumuhit ang gulat sa kanyang mukha dahil sa narinig. Pero mas dumoble ang laki ng ngiti niya nang makabawi.
Nagkaroon ako ng bagong kaibigan sa katauhan ni Damien. Pero hindi pala doon natatapos ang lahat, mas lalo ko tuloy napatunayan nap ag may dumadating ay may umaalis.
"Bakit kailangan niyo pang umalis?" malungkot na tanong ni Jade kina Ruth at Bruce.
Napanguso si Ruth, kanina pa siya emosyonal nang sabihin niya sa aming uuwi na sila sa Tarlac kung nasaan ang pamilya nila.
"Gusto kasi ni Nanay na doon muna kami hanggang sa manganak ako. Alam mo na, pangalawa na 'to. Ayaw naming maulit pa yung dati," paliwanag niya.
Nabalot ng lungkot ang buong araw namin dahil sa balitang 'yon. Uuwi sila doon hanggang manganak siya, hindi din sigurado kung babalik pa.
"Tayo tayo na nga lang, e..." nagtatampong sabi ni Jade.
Hindi ako nakapagsalita, nabalot din ako ng sobrang lungkot. Sa kanila na nga lang ako nakakaramdam na may kasama pa ako...aalis pa ang isa.
"Sisikapin naming makabalik ni Bruce. Pag balik namin may baby pang kasama."
Napabuntong hininga na lang ako dahil sa bigat ng dibdib na nararamdaman.
Bago magtanghali ay umalis ako para muling mag-deliver ng prutas. Nanlalata ang katawan ko sa hindi malamang dahilan, para bang tamad na tamad ako.
Pilit ko din kasing iniiwasang isipin ang tungkol kay August at sa babaeng kasama niya.
"Magandang umaga po, nandito na po yung mga prutas na..."
"Hindi ko na kukunin 'yan," bungad niya sa akin, hindi ko pa natatapos ang sasabihin ko.
"P-po?" naguguluhang tanong ko.
Dalawang malaking plastick bag 'yon ng prutas.
"Hindi ko na kukunin. Hindi na din ako oorder sa'yo," sabi niya sa akin.
Hindi ko maintindihan, isa siya sa mga una kong naging suki.
"May problema po ba?"
Tumaas ang kilay niya, tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa.
"Ayoko sa mga taong kagaya mo...sinungaling."
Para akong binuhusan ng malamig na tubig dahil sa narinig. Hindi ko din alam kung saan niya nakuha ang ideya na 'yon.
"Ayoko ding madamay. Kalat na kalat na dito na niliko mo ang asawa mo...itinago mo pala si August Escuel," sabi niya.
"P-po? Hindi ko po kayo maintindihan."
Napabuntong hininga siya.
"Ito, Vesper ha. Last na 'tong concern ko sa'yo. Hindi titigil ang mga Escuel na pahirapan ka...may pumuntang mga lalaki dito sa amin, pinagbantaan kami."
"Wag ka daw naming suportahan...itigil ang pagbili namin sa mga tinitinda mo. Wala ka ng makukuhang customer dito sa subdivision," sabi pa niya.
"B-bakit naman po nila gagawin 'yon?" tanong ko. Bakit kailangang idamay ang trabaho ko?
Sila din ba yung mga lalaking nanira ng gamit sa bahay namin.
"Malaki ata atraso mo, e...mukhang mali ka nang kinalaban mo. Mukhang hindi titigil hangga't hindi ka mahirapan."
Wala ako sa sarili habang naglalakad palabas ng subdivision na 'yon. Dala dala ko pa din ang dalawang malaking plastick ng prutas. Halos mamanhid na ang magkabila kong braso dahil sa bigat no'n.
Hindi sila titigil hangga't hindi ako nahihirapan? Hindi pa ba sapat ang kalagayan ko ngayon? Anong gusto nilang mangyari...gumapang ako?
Hindi ko napigilang ma-iyak habang naglalakad. Nagsisimula pa lang ako pero mukhang mauudlot pa.
"Oh, bakit dala mo pa din 'yan?" tanong ng mga kaibigan ko sa akin.
Hindi ko sinabi sa kanila ang totoo. Ayokong madamay sila dito.
"Mabubulukan nanaman tayo ng mga saging," reklamo ni Ate Vilma.
Tiningnan ko ang mga saging na 'yon. Malapit nan ga pero pwede pa naman.
"Kung payag po kayo...bibilhin ko na lang sa kalahating halaga," sabi ko sa kanya.
"At bakit? Anong gagawin mo?"
"Pwede ko pong gawing turon o maruya..." sagot ko sa kanya.
Baka wala na talagang pag-asa ang pagd-deliver ko ng mga prutas. Kailangan kong mag-isip ng iba pang pagkakakitaan.
"Ikaw ang bahala," tamad na sagot niya sa akin.
Panay tuloy ang tingin ko sa palagid sa takot na baka nandito lang din yung mga lalaki, pinapanuod ang mga galaw ko.
Buong akala ko ay titigilan na nila ako sa oras na pumirma ako sa annulment. Lumayo na ako kay August, hindi ako naghabol. Ano pa kayang gusto nila?
"Ingat, Vesper! See you bukas!" paalam ni Ruth sa akin.
Muli nila akong hinatid na apat hanggang gate ng aming bahay. Binuksan ko ang ilaw sa may sala pagkabukas ko ng pintuan. Ganoon na lamang ang gulat ko ng makita kong magulo ang loob ng bahay.
Kaagad akong kinabahan, tumakbo kaagad ako sa kwarto para hanapin yung lagayan ko ng pera na iniipon ko.
Halos mapasinghap ako at kaagad na nanlumo nang makita kong wala ng laman 'yon. Ni piso ay wala silang itinira.
Nangilid ang luha sa aking mga mata, nanginginig ang aking mga kamay.
"Tama na...hindi naman ako lalaban. Hindi ako lalaban sa inyo," umiiyak na sabi ko sa kawalan.
Wala akong laban sa kung anong meron sila, alam ko naman kung saan ako lulugar. Pero bakit kailangan pa nilang gawin 'to? Bakit kailangan pang gawin 'to?
Natigil ako sa pag-iyak nang makaramdam ako ng kirot sa bandang sinapupunan ko. Bigla akong nakaramdam ng kaba para sa baby ko.
Kahit hirap dahil sa nararamdamang sakit ay pinilit kong tumayo, hindi ko alam kung paano hihingi ng tulong.
Wala akong ibang nagawa kundi ang dalhin ang sarili ko sa hospital para sa amin ng baby ko.
(Maria_CarCat)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro