Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 19

Banta




Para akong naputulan ng dila dahil sa itinanong sa akin ni August. Buo na nga marahil ang loob ko na umamin at sumuko, pero sa huli ay nagsinungaling pa din ako. Na para bang kahit gusto kong aminin ang totoo ay hindi ko naman kaya. Hindi ko kayang mawala siya sa akin.

"Hindi...totoo."

Nanatili ang tingin niya sa akin na para bang may naiisip siyang iba habang nakatingin sa akin. Sa tingin niya ay parang alam niyang nagsisinungaling ako, hinuhuli na lang ata niya ako.

Tahimik kaming dalawa pagka-uwi namin. Hahayaan ko na lang ulit sana hanggang sa tawagin niya ako, para bang may gumugulo sa kanya at hindi na niya kaya pang sarilihin 'yon.

"Let's talk," seryosong sabi niya sa akin.

Maging ang pananalita niya ay unti-unti na ding nagbabago. Hindi nagbabago...bumabalik sa dati.

Hinarap ko siya, tatanggapin ko...kailangan kong tanggapin ang lahat ng sasabihin niya sa akin.

"Simula nung makita ko si Julio...may iba akong naramdaman, pakiramdam ko matagal ko na siyang kilala. Pakiramdam ko may nabuo sa pagkatao ko," sumbong niya sa akin.

Kita ko sa mukha niya ang labis na pagtataka. Pumungay ang mga mata ko. Bakit hindi niya mararamdaman ang bagay na 'yon? Kapatid niya si Senyorito Julio, normal lang na maramdaman niya ang bagay na 'yon.

"Pakiramdam ko totoo lang ng sinasabi niya. Hindi ko ma-intindihan, Vesper."

Nanatili akong tahimik. "Gusto kong ikaw ang magpa-intindi sa akin. Kasi kahit may pagdududa...ikaw pa din ang gusto kong paniwalaan. Matagal ko ng ramdam na mayroong mali..." pag-uumpisa niya.

Tumaas ang balahibo sa katawan ko, parang bigla akong nanlamig. Unti-unting namuo ang luha sa gilid ng aking mga mata.

"Matagal ko ng ramdam na parang may mali. Pero natatakot din ako, kasi ang sabi mo...walang mali sa akin. Ikaw lang ang pinaniniwalaan ko," sabi niya sa akin.

Ramdam kong nasasaktan siya at naguguluhan.

"W-walang mali sa 'yo, August. Kasi kahit sino ka pa...wala namang magbabago sa pagmamahal ko para sa 'yo," paninigurado ko sa kanya.

Marahan siyang umiling. "Hindi 'to tungkol sa kung mahal moa ko o hindi. Tungkol 'to sa kung sino ako. Hirap na hirap na ako," paki-usap niya sa akin.

Mas lalong bumuhos ang luha sa aking mga mata.

"W-wala akong kailangang aminin sa 'yo. Kasi walang mali sa'yo," giit ko.

Alam kong malapit na niyang malaman. Alam kong ito na 'yon, pero hindi ko kayang sa akin mismo manggaling na tama ang kapatid niya, tama silang lahat...niloko ko siya, itinago ko sa kanya ang lahat.

Ginawa ko ang lahat ng 'yon dahil sa pagmamahal ko sa kanya.

Nakita ko ang pagkadismaya sa mukha niya dahil sa sinabi ko. Halos manlabo ang paningin ko dahil sa luha.

"I-I need space to think..." sabi niya sa akin kaya naman hindi ko napigilang pumiyok.

Marahan akong tumango. Hahayaan ko siyang ma-diskubre ang lahat. Kung sa akin manggaling ay baka maging biased lang. Hahayaan ko siyang malaman ang totoo, hayaang malaman niya kung sino talaga siya.

Hindi ko na pipigilan.

"H-hahayaan kong hanapin mo yung sarili mo. At tatanggapin ko kung anong magiging desisyon mo sa huli," paninigurado ko sa kanya.

Napasinghap si August. Kita ko sa galaw niya na gusto niya akong lapitan para aluin dahil sa pag-iyak ko, pero may pumipigil sa kanya.

Ang space na hinihingi niya ay mas lalo kong naramdaman. Nasa iisang bahay nga kami pero parang wala naman akong kasama.

Kahit sa kama ay ramdam ko ang pagdistansya niya sa akin. Palagi na na niya akong tinatalikuran. Kaya naman ang likod na lang niya ang pinagmamasdan ko sa gabi sa tuwing hindi ko makatulog.

Hanggang kailan ako matutulog na katabi siya? Nakakatakot lang na ano mang oras ay pwede siyang umalis...mawala.

Buong araw siyang wala sa bahay. Mas lalong tumatagal...hindi ko na nakikilala ang asawa ko. Hindi ko na kilala si August. Para bang bumalik kami sa dati, na bawal kausapin ng kasambahay ang amo nila.

"Hindi na ba magta-trabaho si August?" tanong nina Bruce at Lino.

Ramdam kong malungkot din sila dahil sa biglaang pagkawala nito.

"Kailangan siya ni Tay Vinci kaya doon muna siya," sagot ko sa kanila.

Nag-iwas ako ng tingin sa kanila ng makita ko ang kakaibang tingin nina Ruth at Jade sa akin.

"Umuuwi ba?" tanong ni Ruth, mukhang hindi na nakapagpigil.

Tipid akong ngumiti. "Minsan..."

Inabala ko ang sarili ko sa pagtitinda. Mas lalo kong ramdam na mag-isa ako sa tuwing kakain kami ng tanghalian. Abala si Ruth at Jade sa mga asawa nila, samantalang wala akong kailangang alalahanin kundi ang sarili ko.

Napapadami pa din ang pagbabaon ko ng pagkain, sanay kasi akong naghahanda ng pagkain na para sa aming dalawa ni August.

Matapos ang tanghalian ay naramdaman ko ang pagtuturuan nina Jade at Ruth. Para bang nagtuturuan pa sila kung sino ang unang lalapit sa akin.

"May problem aba?" tanong ko sa kanilang dalawa.

Dahil sa pagpansin ko sa kanila ay tumigil na din sila sa pagtutulakan at magkasabay na lumapit sa akin.

"Bakit?" tanong ko.

"Gusto ka lang naming kamustahin," sabi ni Ruth.

Hindi nagsalita si Jade, nanatili lang siyang nakatingin sa akin. Puno ng simpatya ang mukha niya, para bang alam na niya ang nangyayari.

"O-Oo naman," sagot ko kahit ang totoo ay hindi.

"Bakit ba kasi kayo magka-away ni August? Hindi kami sanay nag anito kayo," sabi pa ni Ruth.

Tipid akong ngumiti. Vocal si Ruth kung gaano siya ka hanga sa pagiging sweet daw ni August sa akin. Gusto ko ding sabihin sa kanila na ako din...ako din hindi sanay na ganito kami ni August.

"May pinagdadaanan lang, pero kaya namin 'to. Babalik din kami sa dati," sabi ko pa kahit walang kasiguraduhan.

Nang magkaroon ng chance na maka-usap ako ni Jade na hindi kasama si Ruth ay kinausap niya ako.

"Alam namin ni Lino ang totoo," pag-amin niya. Hindi na ako nagulat pa.

Nagpasalamat pa din ako kay Jade na kahit may alam sila ay hindi niya 'yon pinagkalat. Hindi niya din ako pinangunahan.

"Noong una...syempre nagduda kami sa 'yo, ano ba talagang pakay mo. Pero naisip namin ni Lino na wala kami sa lugar para i-judge ka, hindi naman kasi namin alam ang buong katotohanan," sabi niya.

"Ginawa ko 'yon kasi mahal ko si August," sagot ko.

'Yon at 'yon lang ata talaga ang ma-isasagot ko sa oras na may magtanong sa akin kung bakit.

"Alam naman namin 'yon, Vesper. Kaya nga nalulungkot kami sa nangyayari sa inyo."

Halos nagkikita na lang kami ni August sa gabi, pagka-uwi niya galing kina Vera.

"Kumain ka na?" tanong niya sa akin.

Marahan akong tumango. Kaswal na lang ang pakikitungo niya sa akin, para bang ang pagiging mag-asawa na lang namin ang pinanghahawakan niya pata kahit papaano ay pakitunguhan ako ng maayos.

"Pupunta ka ba ulit doon bukas?" tanong ko.

Tanong ko kahit alam ko na ang sagot, gusto ko lang siyang makausap ng mas matagal.

"Oo," tipid na sagot niya sa akin.

"Pupunta din ako. Magdadala ako ng prutas."

Tipid siyang tumango. "Ikaw ang bahala," sagot niya sa akin at hindi na muli pang nagsalita.

Maagang umalis si August kinaumagahan. Pumasok na muna ako sa trabaho, nagagalit na si Ate Vilma sa akin dahil halos mas madami pa ang oras na sarado ang tindahan kesa sa bukas.

"Sabihan niyo lang ako kung maghahanap na ako ng ibang tindera," sabi niya.

"Hindi po, may problema lang talaga kaya ganito."

Nagtaas siya ng kilay. May lalong bumilis ang pagpaypay niya dahil sa init.

"At yang mga prutas na 'yan?" tanong niya sa nahandang prutas na dadalhin ko sa hospital.

"Uutangin ko po muna. Ibaw niyo na lang po sa sweldo ko."

Tumikhim siya at nag-iwas ng tingin. "Darating ang pamangkin ko galing probinsya. May makakasama ka na dito sa tindahan, kaya kitang alisin ngayon dahil may papalit na sa 'yo, pero wala pa namang alam 'yon kaya pasalamat ka," sabi niya sa akin.

"Salamat po," sabi ko kaya naman mas lalo siyang na-inis.

Nagpresinta sina Ruth at Jade na sila na muna ang magbabantay sa prutasan habang wala ako. Dala ang plastick na may lamang prutas ay nagpaalam ako sa kanila.

"Grabe talaga 'yang braso mo. Ang nipis pero ang lakas..." pun ani Ruth.

Siguro ay nasanay na ako sa pagbubuhat ng mabibigat. Wala na lang 'yon sa akin.

Isang beses na pumunta ako doon ay naabutan ko pang magkayakap sila ni Vera. Inaamin kong sumama ang loob ko kaya naman imbes na magtagal doon ay umuwi na lang ako.

Kahit hindi ko aminin, ang nangyayaring 'to sa amin ni August ay isang idekasyon na wala na talaga siya sa amin. Na pormal na pag-uusap na lang ang kulang sa amin para sabihin niyang iiwanan na niya ako.

Wala akong contact sa kanya, hindi na din niya halos sinasagot ang mga text at tawag ko. Mas msakit lang na walang pasabi niya akong iniwan. Na uuwi lang siya kung kailan niya gusto, kakausapin niya lang ako kung ramdam niyang kausapin ako.

Nagising na lang ako isang umaga na sobrang bigat ng ulo ko. Hindi na ako halos nakakatulog ng maayos. Tumakbo ako papasok sa banyo dahil sa biglaang pag-ikot ng sikmura ko.

"Kamusta siya? Sumasakit pa rin ba ang ulo niya?" tanong ko kay Jolina.

Siya lang ang kaya kong hingan ng balita tungkol kay August. Nalaman kong nakalabas na si Vera ng hospital at doon na sila tumutuloy sa isa sa mga resthouse nila.

"Jolina..." tawag ko sa kanya dahil sa pananahimik niya.

"Naaalala niya na ang lahat," sabi niya sa akin kaya naman halos mabitawan ko ang phone ko.

"P-pwede ko bang makausap?" tanong ko kay Jolina.

Sinabi ni Jolina sa akin na hindi pa makakabuti sa ngayon kung magkikita kami. Mukhang galit pa din siya sa akin dahil sa nalaman. Sobrang bilis ng pangyayari, ibig bang sabihin ay ganoon na lang 'yon? Walang pasabi...ganoon na lang?

Hindi ako nakinig sa sinabi ni Jolina. Sinubukan tawagan si August. Matapos ang ilang tawag at message ay sinagot na din niya ako.

"What do you need this time?" tanong niya sa akin.

Ibang iba na ang boses niya, may awtoridad at malamig.

"Mag-usap tayo. Hinihintay kita...ang tagal mong umuwi," pakiusap ko sa kanya.

Narinig ko ang pagtikhim niya sa kabilang linya.

"Hindi na ako uuwi," pinal na sabi niya.

"August," tawag ko sa kanya.

"Don't wait for me. Tatawagan ulit kita pag may plano na ako sa kasal," sabi pa niya kaya naman na-iyak na lang ako.

"Mag-usap tayo," paulit-ulit na pakiusap ko pero hindi na siya nakinig.

Hindi ko alam eksakto kung saan ang resthouse nila. Ilang beses akong nagtanong sa kanya kung saan dahil pupunta ako, sinubukan ko ding tanungin si Jolina pero sinabi niya sa aking wag na muna, ako ang inaalala niya kaya naman mas mabuting wag na muna kaming magkita ni August.

"Vesper," nag-aalalang tawag sa akin ng mga kaibigan namin.

Ni hindi na din ako nakakapasok sa prutasan, galit na din si Ate Vilma sa akin. Ilang araw ng masama ang pakiramdam ko, hindi ko na din alam ang nangyayari sa akin.

"May dala kaming pagkain para sa 'yo. Kumakain ka pa ba? Pinapabayaan mo ang sarili mo," suway nila sa akin.

Umiyak ako sa kanila, nagsumbong ako. Humingi ako ng tulong. Tahimik lang sina Bruce at Lino habang nakikinig sa akin.

"Nandito kami para sa 'yo, Vesper..." paninigurado nila.

Matapos ang ilang pamimilit kay Jolina ay ibinigay niya din sa akin ang address nila.

Tiningala ko ang laki at ganda ng resthouse nila, mala-mansion ang laki no'n. Malaki ang gate at may mga bantay.

"Sino ka?" tanong ng lalaki sa akin.

"Nandyan si August?"

"Anong kailangan mo..." nakakatakot na tanong niya sa akin. Bumaba ang tingin ko sa suot niyang damit ng sinadya niyang ipakita sa akin na may naka-ipit na baril sa suot niyang pantalon.

"A-asawa niya ako," pagpapakilala ko.

Nagkatinginan silang dalawa, hanggang sa sabay silang natawa na para bang nagbibiro ako.

"Asawa daw," nakangising sabi pa ng isa bago niya ako tingnan mula ulo hanggang paa.

Hindi ko sila pinansin. "Kakausapin ko lang siya," pakiusap ko pa din.

Hindi nila ako pinakinggan kaya naman sumigaw na lang ako.

"August...kausapin mo naman ako!"

Sinaway ako nung isa, pero hindi ako tumigil hanggang sa tumawag na sila sa loob para sabing nandito ako.

"Papasukin daw," rinig kong sabi kaya naman halos makakita ako ng pag-asa.

Malalaki ang hakbang ko papasok sa mala-mansion nilang bahay. Pumasok ako sa double door, pagkadating sa may living room ay nakita kong nakatayo si August, blanko ang ekspresyon ng kanyang mukha.

Nakaramdam ako ng panlalamig, ibang iba na din ang suot niya. Hindi na talaga siya si August na asawa ko.

Ang kaharap ko ngayon ay si Don August Escuel.

Sinubukan kong lumapit sa kanya para yakapin siya, miss na miss ko na siya.

"Wag kang lalapit," pigil niya sa akin kaya naman mas lalo akong nanghina at na-iyak.

Matalim ang tingin niya sa akin, walang kahit anong emosyon ang nakikita ko sa mukha niya kundi ang galit.

"Miss na miss na kita," pag-amin ko at pumiyok pa.

Napabuntong hininga siya na para bang wala na siyang panahon sa drama at pag-iyak ko.

"Hintayin mo na lang ang annulment papers na ipinapaayos ko," sabi niya sa akin.

Para akong pinagbagsakan ng langit at lupa dahil sa narinig.

"Magpapaliwanag ako. August wag naman ganito," pakiusap ko sa kanya.

Siya na lang ang meron ako.

"Niloko mo ako. Kilala mo ako, alam mo ang buong pagkatao ko pero pinili mong itago sa akin," sumbat niya nap uno ng poot at galit.

Hindi ko pinansin 'yon. Kung kinakailangan kong lumuhod sa harapan niya ay gagawin ko. Hinanda ko na ang sarili ko dito pero sobrang sakit pala talaga.

"Please, ikaw na lang ang meron ako. Nangako ka kay Nanay...sabi mo hindi mo ako iiwan," umiiyak na paalala ko sa kanya.

Alam kong wala akong karapatang isumbat sa kanya 'yon. Pero hindi ko na din alam kung paano ko pa mababawi si August, kung ano pang pwede kong gawin para lang bumalik kami sa dati.

Hindi siya natinag. Nanatili ang walang ekspresyong mukha niya. Wala na talaga siyang pakialam.

"Maghiwalay na tayo, Vesper. Just wait for the annulment papers," pinal na sabi niya na para bang wala ng makakapagpabago ng desisyon niya,

"Auguts...p-patawarin mo ako, ayusin natin 'to. Please..." paki-usap ko pa din sa kanya.

Marahan siyang umiling. Wala na talaga.

Sobrang bigat ng dibdib ko. Sobrang sakit.

"Umalis ka na. Alam ko na ang lahat...wala kang maririnig na kung ano mula sa akin. Ang gusto ko ngayon ay ang makipag hiwalay sa 'yo," kalmadong sabi niya.

Walang kahit anong pag-aalinlangan, walang kahit anong pagdadalawang isip, pinal na. Na para bang kahit ilang beses pa niyang pag-isipan ay iyon lang talaga ang gusto niya...ang maghiwalay kami.

Bumuhos ang luha sa aking mga mata. Hindi ko kayang umalis na hindi siya kasama. Hindi ko kayang bumalik sa bahay namin na ako nanaman mag-isa.

"Bumalik ka na. Umuwi na tayo," umiiyak na paki-usap ko. Hindi ako mapapagod na maki-usap sa kanya.

Pero mas lalo ko lang sinasaktan ang sarili ko.

"Naka-uwi na ako, Vesper. Nandito ang bahay ko...nandito ang pamilya ko," pagpapaintindi niya sa akin.

Kung sabihin niya 'yon ay para bang hindi ako parte ng pamilya, para bang hindi ako naging parte ng pamilya.

"Umuwi na tayo..."

Marahan siyang umiling. Lumapit siya sa akin para tuluyan na akong paalisin.

Nang maramdaman ko ang hawak niya sa akin ay wala na akong nagawa kundi ang yakapin siya.

Mahigpit ko siyang niyakap, dinama kong mabuti ang init ng katawan at maging presencya niya.

"Sorry...Sorry. Mahal na mahal lang talaga kita...ayokong mawala ka," pakiusap ko.

Hindi siya nagsalita, hinayaan niya akong yakapin siya hanggang sa ako na lang ang tumigil.

Buong gabi akong umiyak mag-isa sa aming bahay. Hindi ko gustong umalis doon pero anong magagawa ko? Pinapaalis na niya ako.

"Nay..." sumbong ko sa kawalan.

Halos manikip ang dibdib ko, parang hinihiwa ang puso ko sa sobrang sakit. Sobrang tahimik ng bahay, hindi ko na nagawa pang buksan ang ilaw, hinayaan kong kainin ako ng dilim.

Napabayaan ko ang sarili ko, napabayaan ko ang lahat.

Nagising nanaman ako isang umaga na masama ang pakiramdam ko, umikot ang sikmura ko kaya naman napatakbo nanaman ako sa banyo para sumuka.

Doon lang sumagi sa isip kong baka may iba pang dahilan 'yon.

"Aba! Ang dami mong utang na prutas sa pwesto tapos ang lakas ng loob mong hindi pumasok!" galit na sabi ni Ate Vilma sa akin.

Sinadya niya talaga ako sa aming bahay. Nakita ko ang gulat sa mukha niya noong una ng makita niya ang itsura ko.

Matapos niya akong bungangaan ay nagawa pa niyang magtanong kung nasaan si August at kung anong nangyari sa amin.

"Ang chismis ay mayaman si August," sabi pa niya na ikinagulat ko.

Wala akong lakas ng loob na ikwento 'yon sa kanya. Ngumisi siya sa akin.

"Edi mayaman ka na din pala. Kaya naman pala hindi ka na pumapasok sa prutasan," puna niya sa akin.

"Mag-aayos lang po ako. Papasok ako ngayong araw," marahang sabi ko. Halos mawalan ako ng boses sa magdamag na pag-iyak.

Nagtaas siya ng kilay sa akin.

"O siya, ikaw ang bahala. Basta pumasok ka, wala akong sisingiling sahod sa 'yo kung hindi ka naman pumapasok," paalala pa niya bago siya tuluyang umalis.

Pinilit kong mag-ayos, pinilit kong pumasok sa trabaho ng araw na 'yon. Mahigpit na yakap ang isinalubong sa akin nina Ruth at Jade pagkadating ko.

"Kumain ka ba?" tanong nila sa akin.

Marahan akong tumango kahit hindi.

"Wag mong sukuan si August, mahal ka no'n. Baka nabibigla lang siya sa mga nalaman niya kaya siya ganoon. Nakita naman namin kung gaano ka niya ka mahal," sabi nila sa akin.

Pinanghihinaan ako ng loob, pero alam ko din naman na hindi ko siya kayang isuko ng ganon ganon lang.

Bukod pa kasi doon ay marami talagang problema ngayon. Ang sabi ay wala na daw si Tay Vinci. Pero wala ni isa sa amin ang naniniwala na wala na nga siya. Kagaya nila ay alam kong buhay pa siya.

Kailangan ko din siyang maka-usap. Kailangan kong humingi ng tulong sa kanya para kausapin si August. Baka kay Tay Vinci makinig siya.

Nagpalipas lang ako ng ilang araw, muli akong bumalik sa resthouse nil ana may dalang prutas.

"Ikaw nanaman?" tanong ng mga bantay sa akin.

"Nandito ako para kay August," sabi ko sa kanila.

Tinawanan nanaman nila ako. Marahil ay sa itsura ko na din, ni hindi ko na magawa pang ayusin ang sarili ko.

Mula sa kanila ay napalingon ako sa may veranda. May kalayuan 'yon sa amin pero kahit sa malayo ay kita mo pa din naman mula sa gate kung sino ang mga nandoon.

Narinig ko ang tawa ni Jolina. Tatlo silang nandoon. Si Vera, si Jolina, at si August.

Gusto ko ulit sanang sumigaw para tawagin siya, pero hindi ko nagawa ng makita ko kung paano siya nakipagtawanan sa kanila.

Ang bilis niyang natanggap ang lahat. Kaya na niyang tumawa ngayon, para hindi niya dinamdam ang paghihiwalay namin. Bakit nakaya niya kaagad.

"Alam mo, bagay si Sir August at si Jolina...di ba?" pag-uusap ng dalawang lalaki sa harapan ko. Sinadya nilang iparinig 'yon sa akin.

"Oo, bagay sila," pag-sangayon ng isa pa.

Hindi ako naka-imik, hindi ko din naman magawang magalit. Wala akong ibang naramdaman kundi pamamanhid.

"Ano, tutuloy ka pa?" tanong nila sa akin ng mapansin nilang natigilan ako.

Marahan akong umiling. "Sa ibang araw na lang siguro. Pero pwede bang pakibigay na lang 'to," sabi ko at iniabot sa kanila ang prutas na dala ko.

"Hindi na nila kailangan 'yan. Mas kailangan mo 'yan," mapanuyang sabi nila sa akin.

Umiiyak ako habang naglalakad pabalik sa palengke. Doon lang ako nakaramdam ng selos, hindi ko tuloy alam ngayon kung sino ang pagseselosan ko. Si Vera ba o si Jolina.

Malapit na ako sa may palengke ng mapansin ko nanaman ang pamilyar na mga lalaki. Nakatingin sila sa akin. Buong akala ko ay kagaya noong una ay titingin lang sila sa malayo. Halos magulat ako nang kainin ng malalaking hakbang nila ang pagitan namin.

Susubukan ko pa sanang tumakbo pero masyado silang mabilis. Naharangan kaagad nila ako. Napadaing ako sa sakit, napabitawan ko ang plastick ng prutas na hawak ko.

"Anong kailangan niyo?" natatakot na tanong ko sa kanya.

"Layuan mo na ang mga Escuel," banta nila sa akin.

"B-bakit?" tanong ko. Sino ba sila?

Ngumisi ang isa, nainis pa ata dahil sa itinanong ko sa kanya.

Napangiwi ako ng mas lalong humigpit ang hawak niya sa aking braso.

"Kung hindi ka lalayo...papatayin ka namin," banta niya.

Matapos niyang sabihin 'yon ay padabog niya akong binitawan.

"Sa susunod...kilalanin mo ang lolokohin mo. Kilalanin mo ang kinakalaban mo," banta pa niya.








(Maria_CarCat)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro