Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 17

Pakiramdam




Ilang sandalling parang naputol ang dila ko dahil sa biglaan niyang pagdating. Sobra ang nararamdaman kong kaba sa dibdib ko, halos hindi ko din mahanap ang tamang salita. Alam kong halata sa mga galaw ko ang takot at kaba.

"Ah...W-wala lang 'yon," magulong sabi ko.

Kaagad kong binaba ang tawag kahit hindi pa ako pormal na nakakapag-paalam kay Tay Vinci.

Nilapitan ko si August na hanggang ngayon ay walang imik na nakatingin sa akin. Para bang pinapanuod niya din ang mga galaw ko...pinag-aaralan.

"Mali ka lang ng pagkaka-intindi...ang ibig kong sabihin..." palusot ko na hindi ko din alam kung saan papunta.

Nanatiling tahimik si August, hinayaan niya akong makapagpaliwanag. Hindi siya nag-conclude o nagalit kaagad.

"Syempre, gusto ko ding gumaling ka...Gusto kong gumaling ka," giit ko.

Hinawakan ko ang magkabilang kamay ni August para hindi lang sabihin, kundi iparamdam din sa kanyang totoo ang sinasabi ko.

"Gusto kong gumaling ka..." pinal at marahang sabi ko.

Sandaling nilabanan ni August ang tingin ko bago pumungay ang kanyang mga mata at marahang tumango sa akin para sumuko.

"Alam ko naman 'yon. Alam ko naman na 'yon din ang gusto mo. Pero aaminin ko sayong nitong mga nakaraan...hindi ko naramdaman yung suporta mo," pag-amin niya sa akin kaya naman mas lalo akong kinain ng kung anong emosyon.

Nahabag ang puso ko dahil sa narinig mula sa kanya. Hindi naman 'yon ang gusto ko talaga, pero maraming dahilan kung bakit nagiging ganoon ang dating ng mga bagay bagay. Iba kasi talaga ang nagagawa ng takot.

"P-pasencya ka na. May...may iniisip lang ako."

Napasinghap ako ng maramdaman ko ang hawak ni August sa aking magkabilang braso pababa sa aking bewang.

"Anong iniisip mo? Anong gumugulo sa isip mo?" marahang tanong niya sa akin.

Marahan akong umiling. Hindi niya pwedeng malaman 'to, hindi niya pwedeng malaman ang sikreto ko.

"Hindi lang naman para sa akin kaya gusto kong gumaling..." pag-uumpisa niya.

Tipid akong ngumiti at tinanggap ang mga halik niya sa ulo ko.

"Para sa 'yo din. Para sa atin," pahabol pa niya kaya naman wala na akong nagawa kundi ang tuluyang sakapin si August.

Ang mga plano ni August ay para sa aming dalawa. Ang mga plano at desisyon ko ay para sa aking sarili lamang, Dito pa lang ay makikita na ang pagiging selfish ko. Sobrang maka sarili ko sa parteng 'to.

"Pwede bang wag ka na mag-sideline sa pagbubuhat sa may bigasan?" tanong ko sa kanya bago kami umalis.

Gumuhit ang pagtataka sa mukha ni August.

"Bakit?"

Hindi kaagad ako nakasagot, masyado akong kinakain ng lalim ng tingin niya sa akin.

"H-hindi kasi ako kumportable na palaging nandoon ang grupo nina Susan," pag-amin ko din.

Bukod sa ayokong mapagod siya na pwedeng mag-trigger sa sakit ng ulo niya ay ayoko din naman talaga na umaaligid sina Susan sa kanya.

"Kailangan nating mag-ipon," pagpapa-intindi niya sa akin.

Marahan akong tumango. "Alam ko, ako na lang ang maghahanap ng sideline," suwestyon ko sa kanya.

Marahang umiling si August. "Ako na ang bahala sa mga sideline, Vesper. Mag-focus ka na lang sa prutasan," suway niya sa akin.

Humaba ang nguso ko dahil sa isinagot niya sa akin. Nilingon niya ako, mula sa aking mga mata ay bumaba ang tingin niya sa nakanguso kong labi.

"Wag kang maglilihim sa akin," pa-alala niya.

"Ayokong nagta-trabaho ka sa may bigasan," pag-uulit ko.

Ayokong mamilit, pero kung ito ang paraan para patigilin siya ay gagawin ko. Kahit pa magmukha akong controlling, para din naman ito sa kanya.

"Halika nga dito," tawag niya sa akin.

Hindi ako umimik at naglakad palapit sa kanya. Sinalubong kaagad niya ako ng yakap.

"Wag ng matigas ang ulo," marahang sabi niya bago ko naramdaman ang paghalik niya sa ulo ko.

Wala akong nagawa ng hindi pumayag si August na huminto sa pagta-trabaho sa may bigasan.

Hindi ko tuloy matago ang lungkot sa mukha ko na kaagad na napansin ng mga kaibigan namin.

"Magka-away kayo ni August?" tanong ni Ruth.

Marahan aong umiling. "Hindi, bakit?"

"Ang tamlay mo kasi. Parang may tampuhan tuloy kayo," sagot niya sa akin.

Mula sa kanya ay lumipat ang tingin ko kay Jade. Imbes na magsalita din siya ay mas nagulat ako ng mag-iwas siya ng tingin sa akin.

Nitong mga nakaraang araw ay pansin kong parang may iba sa kanya. Hindi ko alam kung ganoon nga talaga o masyado ko lang binibigyan ng kahulugan ang mga bagay bagay.

"A-ayos lang kami ng asawa ko," sagot ko kay Ruth, at para kay Jade na din kahit hindi naman siya nagtatanong.

Umalis sina August bandang alas-otso ng umaga para mag-umpisang mag-deliver.

Lingid sa kaalaman niya ay tumatanggap na din ako ng delivery sa prutas kahit ayaw niya.

"Panlalaking trabaho 'yan ah. Bakit hindi mo na lang hintayin ang asawa mo para matulungan ka," sit ani Ruth sa akin.

Abala ako sa paghahanda ng mga prutas na ide-deliver ko sa kabilang bayan. Halos tatlong malalaking plastick na may lamang iba't ibang klase ng prutas ang dadalhin ko.

"Hindi 'to alam ni August. Ayaw niyang mag-side line ako," sagot ko kay Ruth.

"Ang dami mong sikreto sa asawa mo," biglaang sabi ni Jade na ikinagulat ko.

Hindi ako nakapagsalita, nanatili ang tingin ko sa kanya.

Nagpabalik balik din ang tingin niya sa aming dalawa ni Ruth, dahil kagaya ko ay nakuha niya ang pansin ng isa pa naming kaibigan.

"Hindi ba't para maging maganda ang relasyon ng mag-asawa...wala dapat sikreto," pagpapa-intindi niya sa amin na mabilis namang sinag-ayunan ni Ruth.

"Nga naman," si Ruth bago niya ako nilingon.

Hindi ako naka-imik kaagad. Napabuntong hininga na lang ako at marahang bumalik sa paglalagay ng mga prutas sa mga supot na dadalhin ko.

"Pag-aawayan lang naming 'to kung sasabihin ko pa. Ayokong mag-away kami," sabi ko sa kanila.

"Hindi ma-iiwasan 'yan kung marami talagang sikreto," giit pa din ni Jade.

Hindi na ako sumagot. Bahala na din silang isipin ang gusto nilang isipin. Kailangan ko 'tong gawin.

Kahit pa pinagsabihan na nila ako tungkol sa iba ko pang trabaho ay suportado pa din naman ako ni Ruth sa tuwing humihingi ako ng pabor sa kanya na tingnan tingnan muna ang pwesto habang wala ako.

"Ikaw talagang babae ka. Kung kaya mong hatiin ang katawan mo para sa iba't ibang klase ng trabaho...baka paa mo na lang ang kasama namin dito ngayon," sabi ni Ruth na ikinatawa ko.

"Ano...manananggal?" tanong ko sa kanya na ikinatawa niya din.

Tahimik lang si Jade na nakatingin sa akin ng magpaalam din ako sa kanya.

Hindi ko din alam kung bakit parang biglang may nagbago kay Jade, sa kanila kasi ni Ruth ay may gap sa pagitan naming dalawa. Mas close siya kay ruth kesa sa akin. Naiintindihan ko naman dahil mas matagal at mas una silang naging magka-ibigan kesa sa akin.

Dalawang malaking plastick sa kanang kamay at isang plastick naman sa kaliwa. Nilakad ko ang palabas ng palengke para i-deliver ang mga prutas na 'yon sa may subdivision ng suki namin.

Mas magiging madali sana para sa akin kung sasakay ako ng tricycle, pero masyadong mahal ang pamasahe lalo na kung papasok kami sa may Subdivision.

Naghinatay ako ng jeep at kaagad na pumara nang may makita.

Ramdam ko ang iritasyon ng mga nakasakay na pasahero dahil sa malalaking platistick na dala ko. Imbes na pansinin sila ay hinayaan ko na lang.

Sandali kong binitawan ang mga plastick para kumuha ng bayad. Nakita ko kaagad ang pamumula ng palad ko, naramdaman ko din kaagad ang pamamanhid dahil dito.

"Kina Mrs. Santiago po," sabi ko sa guard ng subdivision ng tanungin niya ako kung sino ang pakay ko.

Sandaling bumaba ang tingin niya sa mga dala ko bago siya tumango at hinayaan akong pumasok.

"Dalawang kanto pa 'yon mula dito. Itatawag kita ng tricycle," sabi niya n amabilis kong pinigilan.

"Hindi na po. Mahal ang pamasahe...kaya ko na po 'to," pagtanggi ko.

Nilakad ko ang papunta sa bahay nina Mrs. Santiago. Parang hihiwalay ang mga braso ko sa balikat ng ilapag ko ang mga bitbit kong prutas. Halos hindi ko na din maramdaman ang mga kamay ko dahil sa nangyari.

"Sa susunod, sasabihin ko din sa mga kaibigan ko para naman mas malaki ang extra mo," sabi niya sa akin na kaagad kong ngintian.

"Maraming salamat po."

Mas naging mabilis ang paglalakad ko pabalik dahil wala na akong dalang mga prutas.

Umakto akong walang nangyari pagbalik ko sa pwesto. Ilang minuto pa lang akong nakakabalik ay saktong dumating na din sina August. Nakangiti siyang lumapit sa akin, hinalikan kaagad niya ako sa pisngi pagkalapit niya.

"Hindi traffic ngayon," sabi niya sa akin.

"Kaya nga," pag-sangayon ko. Hindi din kasi ako na-traffic pag-alis ko kanina.

Nagtaas siya ng kilay dahil sa isinagot ko sa kanya.

"Bakit, umalis ka?" tanong niya sa akin n amabilis kong itinanggi.

Ma-agap akong umiling para hindi ako mahuli. Napatingin pa muna ako sa mga kaibigan ko, mas nakahinga ako ng maluwag ng makita kong abala din sila sa mga asawa nila.

"Ang aga niyo, e," palusot ko na lang.

Dalawang kilay ni August ang tumaas dahil sa isinagot ko sa kanya pero sa huli ay tinanggap na lang niya 'yon at hindi na ulit nagsalita pa.

Kumain kami ng tanghalian. Habang nasa kalagitnaan ng pagkain ay ayan nanaman sila sa pakikinig ng mga kwento sa radio. Napansin kong abala din sina Jade at Lino sa seryosong pinag-uusapan nilang mag-asawa, ipinagsawalang bahala ko na lang 'yon ay itinuon ang buong atensyon ko kay August.

"May isang delivery pa kami mamaya...tapos ay didiretso na kami sa may bigasan," sabi niya sa akin kaya naman humaba nanaman ang nguso ko.

Napangisi siya ng mapansin 'yon, pero mula sa mukha ko ay kaagad na bumaba ang tingin niya sa mga kamay ko. Hindi ko na na-itago ang pamumula no'n ng kaagad niyang hinawakan 'yon.

"Anong nangyari dito? Bakit namumula 'to?" tanong niya sa akin.

Nakakunot ang kanyang noo habang nakatingin sa pamumula ng kamay ko, bakas din ang daan ng plastick doon dahil sa higpit ng pagkakahawak ko kanina.

"M-may bumili lang kanina...ang dami ngang binili," nakangiting pagbibida ko sa kanya kahit kinakabahan ako.

"Mahapdi pa?" nag-aalalang tanong niya sa akin.

Matamis kong nginitian si August at umiling.

"Ayos na 'to. Wala lang 'to," sabi ko sa kanya para hindi na siya mag-alala.

Umigting ang panga niya, nakita ko kung paano sumama ang tingin niya sa namumula kong kamay.

"Wag ka na ulit magbubuhat ng mabigat. O kaya naman ay tawagin mo ako," paalala niya sa akin.

Tumango ako at ngumiti. "Opo."

Labag man sa loob ko ng magpaalam siya sa akin na pupunta na sila sa may bigasan para mag-trabaho ay pumayag na lang ako.

Kagaya noong nakaraang araw ay dadaanan na lang namin sila doon para sabay sabay kaming umuwi.

"Nagmamadali ka ata?" nagtatakang tanong ni Ruth sa akin ng mukhang napansin niya ang mabilis kong galaw para makapunta kaagad kay August.

"Miss na miss," nakangising dugtong pa niya ng hindi na ako nakasagot sa kanya dahil sa pagmamadali ko.

Natigil ang pagdaldal ni Ruth nang makarating kami sa may bigasan. Kagaya ko ay mukhang inaasahan na din nila ang ganitong klase ng tagpo.

"Si Susan ba 'yang nakikita ko?" tanong ni Jade.

Kahit ako ay hindi makapaniwala. Hindi kagaya ng mga pangkaraniwan niyang damit ay iba ang ayos niya ngayon. Naka bistida at halos itago ang dibdib niyang palagi niyang binabalandra. Bagsak din ang kanyang mahabang buhok.

"Mala-vesper ang damitan," kantyaw ni Ruth.

Na-ikuyom ko ang aking kamao. Lalong namuo ang galit sa Sistema ko dahil sa sumunod na sinabi ni Jade.

"Baka ginagaya si Vesper para mapansin ni August," sabi niya kaya naman hindi na ako nakapagpigil pa at kaagad na sumugod na.

"Hoy, teka, Vesper..." tawag ni Ruth sa akin pero hindi na ako nagpapigil pa.

Diretso ang tingin ko sa grupo nina Susan. Nakita ko din kung paano napahinto sina August sa ginagawa nila ng mapansin nila ako.

"Pre, asawa mo..." rinig kong sabi ni Bruce dito.

Nawala ang ngiti nina Susan, natigil din sila sa pinag-uusapan nila. Kita ko ang pagtataka sa mga mukha nila dahil sa pagsugod ko.

"Hindi mo ba talaga titigilan ang asawa ko?" galit na bungad ko sa kanya.

"Vesper," rinig kong tawag ni August sa akin pero hindi ko na siya pinansin pa.

Kita ang pagtataka sa mukha ni Susan. Mas lalo ding nakita ang natural niyang ganda dahil wala ng kahit anong kolorete ang kanyang mukha.

"Hindi ko alam ang sinasabi mo," pagmamaangan niya.

"Tigilan mo na ang asawa ko!" giit ko.

"Vesper," tawag ni August sa akin at kaagad ko ng naramdaman ang hawak niya sa braso ko.

"Hindi. Pagsasabihan ko lang 'tong babaeng 'to. Ayaw tumigil, e," laban ko.

"Vesper, hindi mo na-iintindihan..." marahang suway pa din niya sa akin.

Magsasalita pa lang sana ako ng may lumapit na lalaki sa aming gawi.

"Anong nangyayari dito?" tanong niya.

Mas lalo akong hindi nakapagsalita nang makita ko kung paano niya hinawakan si Susan at tumabi siya kay Susan.

"Sir Moris, pasencya na po," paumanhin ni August kaya naman mas lalo akong napanganga.

Lumipat ang tingin ko kay Susan. Imbes na isumbong niya ako dito ay inirapan niya na lang ako at hinarap ang lalaking tinawag ni August na Sir.

"Wala lang 'to. Babalik na muna ulit ako sa pwesto...may gusto ka bang mirienda?" tanong ni Susan dito.

Gusto kong magpakain sa lupa dahil sa nangyari. Walang imik si August habang naglalakad kaming anim pauwi.

"Talaga? Changed person naman na pala si Susan," namamanghang sabi ni Ruth.

Nobyo daw ni Susan ang boss nina August. Nagbago na daw ito at tinalikuran na ang dating gawi simula ng makilala ang kasintahan.

"Ah, kaya pala palaging nandoon."

Mas lalo akong nahiya sa sarili ko dahil sa ginawa kong pagsugod. Tahimik lang na nakikinig si August, hindi na din ako naka-imik at naglakad na lang kasunod sa kanya.

Kahit naka-uwi na kaming dalawa ay walang sumubok na magsalita sa amin. Hindi na din ako sumubok pa, kailangan kong tanggapin na kasalanan ko ang nangyari kanina. Masyado akong nagpakain sa galit at takot.

Mas nauna akong pumasok sa aming kwarto. Humiga kaagad ako sa kama patagilid para hindi niya makita ang kaagad na pagtulo ng aking mga luha.

Mariin akong napapikit at kaagad na inisip si Nanay para gumaan ang pakiramdam ko kahit papaano.

Kinausap ko siya, humingi ako ng tulong. Hindi ko na din alam ang gagawin ko. Hindi ko pa din tanggap na nawala siya, hindi ko alam kung kakayanin ko din pag nawala si August sa akin.

Narinig ko ang pagpasok ni August, nanatili akong nakatalikod hanggang sa maramdaman ko ang paghiga niya sa aking tabi. Hinihintay kong yakapin niya ako o subukang gisingin man lang para lumapit sa kanya pero hindi niya ginagawa.

"Hindi ko na naiintindihan kung anong nangyayari sa 'yo," problemadong sabi niya.

Sumikip ang dibdib ko dahil sa narinig. Mas lalong bumigat ang loob ko ng magpatuloy ang panlalamig ni August sa akin ng mga sumunod pang araw.

"Gusto ko din sanang sumama," sabi ko sa kanya.

Araw ng linggo at naghahanda siya papunta kina Tay Vinci. Ni hindi man lang siya nagtanong sa akin kung gusto kong sumama kahit alam ko namang hindi dahil nagtitipid kami.

"Trabaho naman ang pupuntahan ko doon, at uuwi din ako kaagad," sagot niya sa akin.

"Hindi ba talaga pwede?" tanong ko.

Hindi siya sumagot. Nakita ko pa ang bahagyang pagkunot ng noo niya habang abala sap ag-aayos ng kanyang mga gamit.

"Uuwi ako kaagad," pinal na sabi niya.

Hindi na ako umimik pa dahil alam ko namang kahit anong pilit ko ay hindi siya papayag.

Hinayaan kong umalis si August ng araw na 'yon. Panay tuloy ang tawag ko kay Tay Vinci para alamin kung safe siyang nakaating doon.

"Kasama ko na dito si Vera," sabi niya sa akin. Halos mabitawan ko ang phone ko dahil sa narinig.

Mas lalo akong nag-overthink, mas lalong lumala ang takot na nararamdaman ko. Lahat ng 'yon ay lumabas pagka-uwi ni August ng gabi.

"Ito na ang huling beses na pupunta ka doon," salubong ko kaagad sa kanya.

"Ano?" nagtatakang tanong niya.

Mas lalong magiging delikado kung palagi niyang makikita si Vera. Baka mas lalo lang mapabilis ang pagbabalik ng memorya niya.

"Anong nangyayari sa 'yo, Vesper?" nagtatakang tanong niya sa akin.

"Basta hindi ka na ulit pupunta doon," madiing sabi ko sa kanya.

Kita ko ang pagtataka sa mukha ni August. Pero pinal na ang desisyon ko, kailangan niyang sundin ang gusto ko. Para din 'to sa kanya.

Kahit ng mga sumunod na araw ay mas lalo akong naging mahigpit sa kanya. Maging ang pagsama nga niya kina Bruce at Lino ay pinipigilan ko na.

"Kung lumipat na lang kaya tayo ng lugar?" suwestyon ko.

"Bakit? Ayos naman tayo dito," sabi niya sa akin.

Nagkibit balikat ako, hindi ko din alam. Basta ang gusto kong gawin ngayon ay itago si August sa lahat. Kung pwede lang na wag ko na lang siyang palabasin ay gagawin ko.

Halos hindi ako makatulog sa gabi, ni hindi ko magawang kumain ng maayos.

"Maayos na ang buhay natin dito, Vesper. Alam mo naman kung gaano kahirap ang magsimula ulit sa ibang lugar..." paalala niya sa akin.

Gusto kong magsumbong kay August. Gusto kong sabihin sa kanya na natatakot akong mawala siya, natatakot akong maghiwalay kami, na magalit siya sa akin.

Sumama ang pakiramdam ko isang araw dahil sa mga inisiip ko. Naulanan pa ako ng minsang mag-deliver nanaman ako ng mga prutas sa kakilala ni Mrs. Santiago.

"Wag ka na munang umalis, sabihan mo na lang si Tay Vinci..." paki-usap ko kay August.

Masama talaga ang pakiramdam ko, mukhang tutuloy na talaga ang sakit ko ngayon.

"Nangako na ako sa may-ari ng sasakyan na pupuntahan ko ngayon 'yon," sagot ni August sa akin.

"Pero masama kasi ang pakiramdam ko..." pag-amin ko. Kahit ayoko sanang sabihin dahil ayokong mag-alala siya.

Nilingon niya ako. "Masama ba talaga ang pakiramdam mo...O ayaw mo lang akong pumunta doon?" tanong niya na ikinagulat ko.

Hindi kaagad ako nakasagot, para bang hindi magawang i-proseso 'yon ng utak ko.

"Masama talaga..." sambit ko, halos ibulong ko na lang dahil nasaktan ako sa sinabi niya.

"Hindi pa rin tayo tapos sa ganito? Nasasakal na ako...Vesper," pag-amin niya na mas lalo kong ikinagulat.

Imbes na magalit ako sa kanya ay natakot akong mas magalit siya sa akin.

"S-Sige, umalis ka na lang..." pagsuko ko.

Iniyak ko ang bigat ng dibdib ko pagka-alis niya. Ni hindi ko nagawang kumain ng tanghalian, natulog ako buong umaga dahil sa bigat ng pakiramdam ko. Halos umikot kasi ang ulo ko dahil sa hilo, wala din akong ganang kumain.

Tsaka lang ako tumayo para kumain ng makaramdam ako ng gutom. Naghanap ako ng pwedeng kainin, pero nang makakita naman ako ay halos tumakbo ako sa may lababo ng umikot ang sikmura ko.




(Maria_CarCat)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro