
Chapter 16
Bakit
Halata ang pagiging tahimik ni August ng sumunod na araw. Gustuhin ko mang punahin 'yon ay hindi ko magawa. Natatakot din talaga ako.
"Sumakit nanaman?" tanong ni Jade sa akin.
Bago ko sagutin ang tanong niya ay nilingon ko muna ulit sina August. Nakikipag-kwentuhan na siya ngayon kina Bruce at Lino, kahit papaano ay nawawala na din sa isip niya yung napanaginipan niya kagabi.
"O-Oo..." sagot ko sa kanila.
"Naku, ipatingin niyo na 'yan. May mga libreng konsulta naman diyan sa may health center. Baka mamaya kung ano na 'yan," suwestyon ng mga kaibigan ko sa akin.
Hindi kaagad ako nakasagot sa kanila. Kung ganoon lang sana kadali, bakit naman hindi?
Kung sigurado lang sana akong normal lang 'yon na pag sakit ng ulo ay ako pa mismo ang pumilit kay August na magpatingin kami. Pero hindi ko din kasi ma-iwasan na isiping baka dahil 'yon sa pagka-wala ng kanyang mga ala-ala.
"S-sige, magpapa-check up kami," sabi ko na lang para matigil na ang pag-uusap namin tungkol doon.
Umalis sina August para mag-deliver. Pagkabalik nilang tatlo ay ibinalita nila sa amin na may kumuha sa kanilang kargador sa bagsakan ng bigas sa may bungad ng palengke.
"Oh, bakit e-extra pa kayo? Pagod na nga kayo sa pagde-deliver," puna ni Ruth.
Imbes na sumagot si Bruce ay kaagad niyang nilapitan ang asawa at niyakap ito mula sa kanyang likuran.
"E, di ba nga nag-iipon tayo para magkabili ng motor," sabi niya dito.
Humaba ang nguso ni Ruth habang pilit na itinatago ang ngiti, mukhang may nai-isip nanamang kapilyahan.
"Basta ba...may lakas ka pa din para mamaya," sabi niya sa asawa bago sila nagtawanan na dalawa.
Nagkaroon nanaman sila ng sarili nilang mundo kaya naman napa-iling na lang sina Jade at Lino.
Lumipat ang tingin ko kay August nang lumapit siya sa akin.
"Ikaw din?" tanong ko.
Marahan siyang tumango at tipid na ngumiti sa akin.
"B-bakit, gusto mo din ng motor?" tanong ko sa kanya.
Kaya ko din naman mag-extra ng trabaho kung gusto niyang bumili kami ng motor. May mga motor naman na hulugan, kaya naman siguro kung pareho kaming mag-iipon.
Marahang umiling si August bilang sagot.
"Mag-iipon ako para magpa-check-up. Para hindi na din natin magalaw yung pera na sinasahod natin," sagot niya sa akin kaya naman hindi ako naka-imik.
"M-may libreng konsulta daw diyan sa may center...gusto mo bukas magpa-check up kagaad tayo doon?" tanong ko sa kanya. Hindi ko matago ang kaba sa boses ko.
Hinarap ako ni August at hinawakan ang aking mga kamay ng mukhang mapansin niyang kinakabahan ako.
"Wag kang kabahan. Ayos lang ako...baka normal na pagsakit ng ulo lang 'to," sabi niya sa akin.
Hindi ko magawang sumang-ayon. Hindi ko magawang hindi kabahan. Hindi lang naman kasi kaba ang tawag dito...takot din.
"Kung ganoon, bakit kailangan sa hospital pa?"
Sandali siyang natahimik, hindi din kaagad niya nasagot ang tanong ko sa kanya. Para bang may malalim pa siyang iniisip, may mas malalim pa siyang dahilan...at para bang ayaw niyang sabihin 'yon sa akin.
"Baka may ibang test pa na ipagawa? Kasi kung sa may center lang baka bigyan lang ako ng kung anong pain reliver...gusto ko sana yung malaman talaga kung anong dahilan," sagot niya sa akin.
Hindi na ako sumagot pa. Baka kung kumontra ako ay mas lalo siyang makahalata. Hindi ko din naman gusto na maramdaman niyang ayokong makapagpa-check up siya.
Tipid akong ngumiti at marahang tumango.
Buong araw akong wala sa sarili habang nagta-trabaho. May ilang minutong pagmamasdan ko lang si August. Panunuorin ang mga ginagawa niya, susulitin ang mga araw na ganitong may karapatan akong tingnan siya, hawakan, halikan...at tawaging akin.
Kahit ang lahat ng 'yon ay pawang gawa-gawa ko lamang...mga kasinungalingan.
"Pag mahal mo...kaya mong patawarin?" tanong ni Jade kay Ruth.
Kakatapos lang ng kwentong pinapakinggan nila sa radio. Ni hindi ko nga nasubaybayan 'yon dahil lumilipad ang isip ko.
"Depende sa kasalanan," sagot ni Ruth.
"Paano kung niloko ka?" tanong ni Jade sa kanya.
"Paanong niloko? May kabit?" tanong ni Ruth at medyo tunog galit pa. Para bang nabuhay ang galit sa katawan niya dahil sa isyu na ganon.
Natawa si Jade sa naging reaksyon ng kaibigan namin. Bago pa man niya sagutin si Ruth ay nakita ko pa ang pagsulyap niya sa akin.
"Paano pag niloko ka...halimbawa, tinago yung totoong katauhan mo," tanong niya kay Ruth bago siya nag-iwas ng tingin sa akin.
Nakaramdam ako ng panlalamig.
Normal na usapan lang naman 'yon pero pakiramdam ko ay may alam sila. Mukhang napa-praning na ata ako dahil din sa guilt na nararamdaman ko.
"Paano? Halimbawa nagka-amnesia ka tapos tinago ka sa totoo mong pamilya? Ano 'to, teleserye?" natatawang tanong ni Ruth sa aming kaibigan. Hindi magawang seryosohin ang topic.
"Ano ka ba, may nangyayaring ganoon sa totoong buhay..." sabi ni Jade at muling sumulyap sa akin.
"Di ba, Vesper?"
Nanginig ang kamay kong may hawak na mga prutas.
"H-hindi ko alam. P-parang impossible din..." pagtanggi ko at nag-iwas ng tingin.
Hindi na lang umimik si Jade, pero ramdam kong hindi siya sang-ayon sa amin ni Ruth, na hindi nangyayari ang ganoong klase ng scenario sa totoong buhay.
Sabay kaming tatlo na naglakad palabas ng palengke ara sunduin ang mga asawa naming s amay bigasan sa may kanto. Gusto kong makisali sa masaya nilang usapan pero wala talaga ako sa sarili ko ngayon.
"Naku...ito nanaman tayo," sabi ni Ruth nang makita naming ang grupo nina Susan.
Nakatambay sila sa kaharap na kainan ng bigasan, pinapanuod nila ang pagta-trabaho ng mga asawa namin na para bang nanunuod sila ng sine.
Walang suot na pang-itaas na damit si August. Dahil sa pagbubuhat niya ng sako ay mas lalong nakikita ang ganda ng hubog ng kanyang braso at katawan. Halos sumilip din ang kurba sa kanyang pantalon.
"Pwedeng maging modelo si August," puna ni Jade.
Nilingon ko siya at nakitang sa asawa ko siya nakatingin. Nilingon ko si Ruth at ganoon din, tumango siya bilang pag-sangayon sa sinabi ni Jade tungkol dito.
"Matangkad, gwapo, maganda ang katawan...tapos ang laban pag sinali mo 'yan sa contest dito sa barangay," sabi pa ni Ruth at nilingon ako.
"Hindi mahilig si August sa mga ganoon," sabi ko sa kanila.
"Or dalhin sa manila ang itsura ni August. Siguradong makikilala 'yan. O, I-video natin para mag-viral," sabi pa niya kaya naman na-alerto na ako.
"W-wag..." suway ko sa kanila.
Natawa si Ruth dahil sa naging reaksyon ko.
"Kung ganyan din ka-gwapo si Bruce, hindi din ako papayag no, ayoko ng maraming kaagaw," sabi niya sa amin.
Nanatili ang tingin ni Jade sa akin.
"Ano namang dapat katakutan ni Vesper?" tanong niya.
Hindi din kaagad nakasagot si Ruth. Hinarap ako ni Jade para itanong ulit sa akin ang tanong niya.
"Ano namang kinakatakutan mo, Vesper? Kita naman kung gaano ka kamahal ni August."
"A-ayoko lang ng magulong buhay. Ayaw namin ng magulong buhay...ayos na kami sa simple at tahimik na buhay," paliwanag ko sa kanila.
Hindi na nagsalita pa ulit si Jade, tumango na lang siya sa akin bilang pagsuko.
Nalipat ang tingin ko sa grupo nina Susan habang papalapit ako sa aking asawa, tiningnan ko si Susan sa mata, wala akong nararamdamang takot sa kanya o kahit sa sino sa kanila. Napansin kong nag-iwas ng tingin si Susan sa akin.
Takot siya? Takot siya sa akin?
"Vesper..." marahang tawag ni August sa akin ng mapansin niyang masama ang tingin ko sa grupo.
"Ayos ka lang?" tanong niya sa akin ng ibigay ko sa kanya ang buong atensyon ko.
Marahan akong tumango at pilit na ipinakalma ang aking sarili.
"M-mag...damit ka na," puna ko sa kanya.
Masyado ng exposed ang katawan niya sa mga babae dito.
Walang pagdadalawang isip niya akong sinunod, sa mismong harapan ko niya isinuot ang kanyang damit.
"Tara na...uwi na tayo," yaya niya sa akin kaya naman tumango ako.
Napa-buntong hininga na lamang ako. Masyado na akong dinadala ng kung anong emosyong nararamdaman ko dahil sa takot.
Bumili na lang kami ng lutong ulam ni August para sa aming hapunan. Dahil sa dobleng trabaho niya ngayong araw ay mukhang hindi na niya kakayanin pang magluto, matatagalan din naman kung magluluto pa.
"Masakit ang katawan mo?" tanong ko sa kanya ng makita kong hinahawakan niya ang kanyang braso hanggang sa balikat.
Naka-upo na siya sa gilid ng aming kama. Walang suot na pang-itaas at tanging basketball shorts lang. Gumapang ako paakyat at pumwesto sa kanyang likuran.
Sinubukan kong hilutin ang magkabilang balikat niya. Natawa si August na para bang nakiliti siya dahil sa paghawak ko sa kanya. Hinawakan niya ang kamay kong nakapatong sa kanyang balikat.
"Matulog na tayo, alam kong pagod ka din," sabi niya sa akin.
Imbes na sundin siya ay niyakap ko pa siya, isinubsob ko ang mukha ko sa leeg niya bago ko siya hinalikan sa pisngi, papunta sa kanyang tenga.
"H-hindi ako pagod," sabi ko.
Halos manginig ang labi ko dahil sa sinabi. Hindi ko ugali na ako ang magyayaya sa aming dalawa. Pero ito na lang talaga ang na-iisip kong pwedeng panghawakan sa oras na magka-alaman na.
Hinayaan ni August na halik-halikan ko siya. Hindi din naman niya tinanggihan ang imbitasyon ko. Umayos siya ng upo hanggang siya na ang gumalaw para sa aming dalawa.
Kahit alam kong pagod siya ay wala namang nagbago sa mga galaw niya. Walang kahit anong pagbabago sa tuwing ginagawa naming 'yon. Ramdam ko pa din ang pag-iingat niya sa akin...ramdam ko pa din ang pagmamahal niya sa bawat halik na ibinibigay niya sa akin.
"G-gusto kong magka-anak na tayo," nakangiting sabi ko sa kanya habang dinarama ko ang pagsasalin niya sa akin ng lahat ng sa kanya.
Marahan siyang tumango, hinalikan niya ako sa noo.
Kahit ramdam kong may gumugulo sa isip ni August ay hindi naman siya nagbago sa akin. Walang nagbago sa kanya bukod sa kung minsan ay natatahimik siya at napapatulala, malalim ang kanyang iniisip...at para bang ayaw niya akong isama doon. Hindi siya nag-k-kwento sa akin.
"May libreng konsulta sa may center. Pumunta na kayo," sabi ng kararating lang na si Ruth sa amin.
Nagkatinginan kami ni August. Napag-usapan na kasi naming sa hospital niya gustong magpa-tingin. Pero gusto ko pa ding subukan.
"Gusto mong subukan?" tanong ko sa kanya.
Hindi pa man nakakasagot si August ay sina Jade na ang sumagot para sa amin.
"Sige na, kami na muna ang titingin sa pwesto niyo."
Sandaling natahimik si August, gusto niyang tumanggi pero masyado ding mapilit ang mga kaibigan namin.
Natuloy kami sa may center. Nakipila din kami kagaya ng ibang magpapa-konsulta.
"Pupunta pa din naman tayo sa hospital pag nakapag-ipon na," sabi ko sa kanya habang nasa pila kami.
Ngumiti siya sa akin at tumango.
Tahimik kaming dalawa habang nakatingin sa paligid. Ang mga kasama namin sa pila ay kung hindi matanda ay mga bata. Hindi ako masyadong nakakaramdam ng kaba ngayon, hindi naman kasi malalaman ng Doctor dito ang tungkol sa kalagayan ni August kung hindi namin sasabihin ang parteng 'yon.
Pakiramdam ko tuloy hinahadlangan ko ang paggaling niya. Na para bang nagpapanggap lang ako na sinusuportahan ko siyang gumaling, pero ang totoo ay ayoko.
Nilingon ko si August, ngayon pa lang gusto ko ng mag-sorry sa kanya dahil sa klase ng pagmamahal na meron ako para sa kanya. Maka-sarili, sarili ko lang ang inisiip ko sa relasyong meron kami.
Na pag dumating ang araw ay mai-intindahan ko ang galit niya. Tatanggapin ko ang galit niya dahil sa panlolokong ginawa ko sa kanya.
Bumaba ang tingin ko sa kamay niyang nakapatong sa aking hita. Kinuha ko 'yon at pinagsiklop ang aming mga kamay. Sandali kong binitawan ng maramdaman ko ang gaspang ng kanyang palad.
Iniharap ko sa akin ang palad ni August at marahang hinaplos, para bang umaasa akong matatanggalang ang kagaspangan n'on dahil lang sa paghawak ko.
Nanatili ang tingin ko doon, malaking parte ng buhay niya ang ipinagkait ko dahil sa mga naging desisyon ko. Hindi man ako ang naka-isip na gawin ang bagay na 'to ay may partisipasyon pa din ako.
"Magandang umaga po, Doc," bati namin sa Doctor.
Marami siyang itinanong kay August. Habang tahimik akong nakikinig ay doon ko lang naramdaman ang kaba. Natatakot akong may masabi siya tungkol sa pagka-wala ng memorya niya.
"Para ba kamong pumipintig dito sa may bandang sintido?" tanong nito kay August.
"Opo," magalang na sagot niya dito.
"Migraine, bibigyan kita ng gamot sa migraine..." sabi ng Doctor kaya naman kahit papaano ay nakahinga ako ng maluwag.
Hindi nakapagsalita si August. Para bang madami pa siyang gustong itanong pero na-isip din niyang marami pang nakapila.
"Pwede niyo ng bilhin ang gamot na 'to, para naman maka-inom ka. As needed lang, kung wala namang nararamdaman kirot o pananakit ay hindi kailangang inumin."
Binili namin ang gamot na ini-reseta sa kanya. Tahimik pa din si August habang naglalakad kami pabalik sa pwesto. Alam kong hindi siya nakuntento sa nalaman niya.
"Migraine lang pala 'yan," sabi ko para kuhanin ang atensyon niya. Masyado siyang nalulunod sa lalim ng inisiip niya.
"Baka nga. Pero mas maganda kung magpapa-check-up pa din tayo sa hospital."
Hindi ako naka-imik.
"Wala namang mawawala di ba?" tanong niya sa akin.
Nanatili ang tingin ko sa kanya. Meron...Siya.
Ang mahirap lang sa aming sitwasyon ay pwede siyang mawala sa akin ano mang-oras. Yung galit na pwede kong matanggap, kaya ko pa...pero yung isipin na iiwan niya ako at maghihiwalay kami...hindi ko kaya.
Sobra akong nasaktan ng mawala si Nanay. Hanggang ngayon ay masakit pa din. Hindi ko alam kung kakayanin ko pa kung pati si August ay mawawala sa akin.
Isang araw ay nagpaalam na lang siya sa akin na bibisitahin si Tay Vinci. Wala namang kaso sa akin, pero lubos kong ikinagulat ng malaman kong wala pala sa plano niyang isama ako.
"Pwede naman kitang samahan," pamimilit ko.
"Ayos lang naman. Mapapagod ka lang din sa byahe. Trabaho naman ang pupuntahan ko don."
"Paano kung biglang sumakit ang ulo mo habang nasa byahe?" tanong ko.
Mukhang desidido na siya, na siya lang ang aalis at hindi niya ako isasama.
Nginitian niya ako habang inaayos ang mga gamit na dadalhin niya.
"Maayos naman ang pakiramdam ko ngayon."
Humaba ang nguso ko, hindi ko ma-intindihan kung bakit ayaw niya akong isama ngayon.
Natahimik ako at hindi na namilit, mukhang napansin 'yon ni August kaya naman naramdaman ko ang tingin niya sa akin. Napabuntong hininga siya at kaagad na binitawan ang hawak para lapitan ako.
"Gusto kong isama ka...bakit naman hindi. Ang kaso..." hindi niya na-ituloy ang sasabihin niya. Para bang hirap siyang dugtungan 'yon.
"Ang kaso ano?"
Sandali niyang pinagmasdan ang mukha ko, para bang inaaral niyang mabuti kung dapat ba niyang ituloy ang gusto niyang sabihin.
"Ano 'yon? Sige, sabihin mo..."
"Nandoon na yung unang asawa ni Tay Vinci," sagot ni August sa akin kaya naman nagulat ako.
"Y-yung una niyang asawa?" pag-uulit ko.
Tumango si August. Kagaya ng inaasahan niyang magiging reaksyon ko at natahimik na lamang ako.
Sumama daw ito kay Tay Vinci dahil may pinagtataguan din. Tinanggap ni Tay Vinci ang dati niyang asawa matapos niyang sabihin sa akin na mahal niya din si Nanay.
"Alam kong hindi ka magiging kumportable kung makikita mong magkasama sila kaya..."
Doon ko lang naintindihan ang gustong mangyari ni August. Dahil sa nalaman ko ay hinayaan ko na lang siyang umalis na hindi ako kasama.
"Uuwi ako kaagad. Maaga akong uuwi," pangako niya sa akin.
Para hindi ko gaanong maramdaman na wala si August ay inabala ko na lamang ang aking sarili. Maya't maya din naman siya nagt-text sa akin sa mga ginagawa niya doon.
Dumating si Ate Vilma para kuhanin ang benta para kahapon. Nagulat nga ako na hindi siya nakapunta kahapon para doon.
"Inimbitahan kami ni Sir Damien, may handaan sa kanila kagabi. Buong barangay imbitado," kwento ni Ate Vilma sa amin.
"E, bakit hindi niyo po kami isinama?" tanong ni Ruth sa kanya.
"Malay ko ba. Biglaan lang...at naging abala ako sa paghahanap ng susuotin ko. Sa susunod ay isasama ko kayo."
Maraming kwento si Ate Vilma sa party daw kagabi. Isang beses ko ng nakita si Sir Damien na may-ari daw ng prutasan namin. Marami silang hawak na pwesto ng prutasan sa iba't ibang luagr dito sa pilipinas.
Bukod doon ay marami din daw silang mga Negosyo. Hindi ko alam kung bakit alam halos lahat ni Ate Vilma ang mga bagay na 'yon. O baka talagang kilala lang ang mga Gallego.
"Gaano ka-gwapo? Mas gwapo pa kay August ni Vesper?" tanong ni Ruth.
Sandaling napa-isip si Ate Vilma. Sa huli ay tumango siya na hindi ko naman sinang-ayunan. Nakita ko na si Sir Damien, Oo gwapo nga siya, matipuno din ang pangangatawan...pero si August pa din ang pinaka-gwapo para sa akin.
"Single pa?" hindi makapaniwalang tanong nina Ruth.
Dahil sa mga kwento ni Ate Vilma ay bigla silang naging interisado sa buhay ng ibang tao.
"Abala pa ata sa mga Negosyo...at doctor 'yon!" pagbibida pa niya na para bang proud na proud siya dito. Konti na lang iisipin kong anak ni Ate Vilma si Sir Damien...
"Crush ko nga 'yon, e. Naku! Kung kasing edaran niyo lang ako...Naku!" si Ate Vilma.
Nag-aagaw na ang liwanag at dilim nang umuwi kami. Kagaya dati ay inihatid ako ng aming mga kaibigan hanggang sa aming bahay dahil wala si August.
Sobrang tahimik ng bahay, para akong hindi maka-hinga. Nakaka-suffocate ang katahimikan. Ayoko na tuloy ulit pumayag na umalis siya na hindi ako kasama.
Nagluto ako ng hapunan dahil sinabi niya sa aking nasa byahe na siya pa-uwi at sabay kaming kakain ng hapunan. Naghanda ako, hanggang sa halos pumuti ang mata ko kakahintay.
Pasado alas-diyes ng gabi nang dumating siya.
"Bakit ngayon ka lang?" tanong ko. Hindi ko na napigilan ang tono ng boses ko.
Kita ang pagod sa mukha ni August dahil marahil sa byahe, pero nahaluan 'yon ng gulat dahil sa ibinungad ko sa kanya.
"Traffic..." hindi na niya na-ipagpatuloy ang sagot niya ng pinutol ko 'yon.
"Akala ko hindi ka na uuwi, e," sita ko sa kanya.
"Vesper..." marahang tawag niya sa akin.
"Alas-sais nasa byahe ka...alas-diyes na, sa edsa ka ba dumaan?"
Hindi siya nakapagsalita, nanatili siyang nakatingin sa akin. Para bang ayaw niyang sabayan ang galit ko.
"Sobrang traffic," marahang sabi niya ulit.
"Kailan ba hindi nag-traffic? Pero yung ilang oras!?" maging ang boses ko ay tumaas na din.
Grabe ang kabang naramdaman ko habang hinihintay siya. Naghalo-halo na.
"Nilakad ko ang Bocaue hanggang dito sa atin...sobrang traffic lang talaga dahil may nangyari ding aksidente," mahinahong paliwanag niya sa akin.
Napabuntong hininga na lamang ako dahil sa sinabi niya.
"Hindi ka man lang nag message...nag-alala ako," pagod na sabi ko, sobrang bigat ng dibdib ko.
Nilapitan ako ni August, marahan niya akong hinawakan sa braso bago niya ako hinila para yakapin.
"Sorry...sorry. Nagmamdali lang din talaga akong maka-uwi kaya hindi ko na nahawakan ang cellphone ko."
Ramdam ko ang pagod at hingal sa katawan ni August. Humingi din ako ng tawad dahil sa isinalubong kong galit sa kanya.
Hinayaan ko siyang makapagpalit muna ng damit bago kami kumain ng hapunan. Gutom na din daw siya kaya naman ininit ko muna ang mga pagkain.
Habang ginagawa ko 'yon ay tumunog ang cellphone ko dahil sa tawag ni Tay Vinci. Nagdalawang isip pa akong sagutin 'yon pero sa huli at sinagot ko din.
"Nandyan na si August?"
"O-opo."
"Nag-aalala ako sa batang 'yan. Pero mas kinakabahan ako," sabi ni Tay Vinci kaya naman kaagad akong lumabas ng bahay sa takot na marinig ni August ang pinag-uusapan namin.
"Ang dami niyang tanong sa akin. May mga na-aalala daw siya, minsan panaginip..." kwento ni Tay Vinci sa akin.
Mas lalo akong kinain ng takot.
"A-ano pong gagawin natin?" tanong ko sa kanya.
Sandaling natahimik ang kabilang linya.
"Alam naman natin na hindi habang buhay matatago natin kay August ang lahat. Pero sa oras na magka-alaman...wag kang mag-alala, ako ang may kasalanan nito," sabi niya.
Tumulo ang masasaganang luha sa aking mga mata.
"Hindi niyo po naiintindihan...siya na lang ang meron ako. Ayoko..."
"Ayaw mo ang alin, Vesper?" tanong ni Tay Vinci.
Lumabas maging ang hikbi mula sa aking bibig.
"A-ayoko pong maka-alala siya...ayokong bumalik ang ala-ala niya," pag-amin ko kay Tay Vinci.
Bago ko pa man marinig ang sagot ni Tay Vinci ay nagulat na ako dahil sa paglabas ni August.
"Vesper," tawag niya sa akin.
Para akong nakakita ng multo dahil sa gulat.
"Kanina ka pa diyan?" kinakabahang tanong ko sa kanya.
Nanatili ang pagiging seryoso ng kanyang mukha.
"Bakit?" seryosong tanong niya sa akin. Hindi ko alam kung para saan ang tanong na 'yon, pero parang lalabas ang puso ko sa aking dibdib.
"Bakit ayaw mong gumaling ako?" malungkot na tanong niya. Alam kong nasasaktan siya, nasasaktan din naman ako.
(Maria_CarCat)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro