Chapter 1
Visitor
Para akong nakalutang sa ere habang naglalakad ako pabalik sa may garden. Nakakagat ako sa aking pang-ibabang labi habang hawak sa aking magkabilang kamay ang cupcake.
Mula sa kabilang parte ng malaking garden ay nakita ko ang matalim na tingin ni Ms. Nova sa akin. Dahil sa takot ay kinakabahan akong bumaba sa hagdanan. Kada hakbang na binababaan ko ay tumitingin ako sa kanya sa takot na lapitan niya ako.
Halos takbuhin ko ang pwesto kung nasaan si Nanay. Nag-angat siya nang tingin sa akin at nakita ko ang gulat sa kanyang mukha dahil sa aking dala.
"Saan mo kinuha iyan, Vesper?" tanong niya sa akin.
"B-bigay po ni Senyorito August," mabilis na sagot ko sa kanya.
Mula sa akin ay nag-angat siya ng tingin sa paligid. Marahan niya akong hinawakan sa balikat para palapitin sa kanya. Sinundan ko ang tingin ni Nanay at nakitang si Ms. Nova na masama ang tingin sa amin ngayon siya nakatingin.
"Sige na at kainin mo na 'yan. Magtrabaho na pagkatapos," sabi ni Nanay sa akin. Hindi na niya ako tinanong pa ulit kung totoo bang ibinigay iyon sa akin at hindi ko kinuha. Alam naman niya na hindi ko kayang magsinungaling sa kanya.
"Ito naman daw po...para sa inyo," sabi ko sa kanya at itinaas ang isa pang cupcake.
Tipid na ngumiti si Nanay at hinaplos ang ulo ko. "Sayo na ang lahat ng yan," sabi niya sa akin.
"Pero po..."
"Busog pa si Nanay," sabi niya sa akin bago niya muling itinuon ang buong atensyon niya sa ginagawa.
Dahan dahan at ma-ingat kong kinain ang cupcake. Hindi mawala ang ngiti sa labi ko habang ginagawa ko iyon. Ang tamis na dala niya ay nakakapag-pagaan ng loob. Sa sandaling iyon ay parang nakalimutan ko ang lahat ng problema namin sa buhay. Hindi ko din alam.
Tahimik akong kumakain nang mag-angat ako ng tingin. Natigilan ako nang makita kong pababa sa garden ang magkapatid na sina Senyorito August at Senyorito Julio. Hindi ko din alam kung bakit ibang pangalan ang itinawag ko sa kanya kanina. Marahil ay dahil na din sa kaba.
Sinundan ko silang dalawa nang tingin. Seryoso silang nag-uusap. Hindi din kasi nagkakalayo ang itsura nila. Parehong gwapo at matangkad.
Si Senyorito Julio ang bunso, hindi kagaya ni Senyorito August ay palaging walang ekspresyon ang mukha nito. Hindi siya yung pwede mong lapitan kung kailan mo gusto. Mukha naman siyang mabait kahit ganoon pero nakakatakot pa din dahil hindi palangiti.
Halos magkasing tangkad din silang dalawa. Pareho ang built ng kanilang katawan at kung umasta at kumilos ay parang mas matanda sa kanilang totoong edad. Bata pa lang ay makikita mong mga responsable na talaga.
Clean cut ang buhok ni Senyorito Julio, mas kontrolado din niya ang galaw niya. Para bang kung ano ang gusto niyang ipakita sayo tungkol sa kanya...iyon lang ang makikita mo.
Lumipat ang tingin ko kay Senyorito August, panay ang ngisi niya habang nakikipag-usap sa kapatid. Siya yung tipo na kahit intimidating ay pwede mo pa din namang lapitan.
May kahabaan lang buhok nito kesa sa kapatid. Mas nangungusap ang kanyang mga mata at mas gusto ko...ang kanyang mga mata. Mas maputi din siya ng kaonti kesa kay Senyorito Julio. Wala namang dapat ikumpara sa kanilang dalawa dahil bagay sa kanila kung anong katangian ang meron sila.
Dumiretso sila sa may malaking fountain sa gitna ng garden. Marami na ding ibang kalalakihan doon na mukhang magtutulong tulong para itayo ang arko.
Huminto silang magkapatid sa harapan at may kinausap na lalaki. Mas maraming sinabi si Senyorito Julio kaya naman nagkaroon ng pagkakataon si Senyorito August na igala ang kanyang buong paningin sa palagid.
Nahigit ko ang aking hininga ng magtama ang mga mata naming dalawa. Gusto kong ngumiti pero hindi ko magawa, nahihiya ako. Gusto kong magpakita ng ekspresyon sa kanya pero hindi ko alam kung paano. Pwede ba? Pwede ko bang gawin iyon sa aking amo?.
Nagtagal ang tingin niya sa akin, bumaba pa iyon sa hawak kong cupcake bago siya ngumisi at marahang tumango sa akin. Tsaka lang niya tinaggal ang tingin niya nang kuhanin ng kanyang kapatid ang kanyang atensyon.
"Vesper..." tawag ni Nanay sa akin.
Nilingon ko siya at nakita ko ang mapupungay na tingin niya sa akin.
"Hindi ka pa tapos kumain, Anak?" tanong niya. Hindi pa man ako nakakasagot ay nakita ko na ang sandali niyang pagsulyap sa gawi nina Senyorito.
"T-tapos na po, Nay. Ititira ko na lang po ito para mamaya," sagot ko sa kanya.
Itinabi ko ang cupcake ko at kaagad na bumalik sa trabaho. Bigla akong nakaramdam ng kung ano kaya naman hindi na muli akong sumubok na mag-angat ng tingin sa kanilang gawi.
Alam kong tumulong sila sa pag-tatayo ng arco pero pinilit ko ang aking sarili na wag na munang bigyan ng pansin.
Hindi nagtagal ay umingay ang paligid nang dumating ang kanilang mga kaibigan. Nang mula din ang mga ito sa mayayamang pamilya dito sa Sta. Maria. Isang beses akong sumulyap at nakitang malaki ang ngiti ni Ma'm Fiona habang kausap siya nito.
Hindi ko ipagkakaila na hinahangaan ko si Senyorito August, pero alam ko din naman ang mga limitasyon ko. Hindi naman ibig sabihin na naging mabait siya sa akin ay bibigyan ko iyon ng kahulugan.
"Ilang taon na nga ulit itong si Vesper?" masungit na tanong ni Ms. Nova sa amin ni Nanay.
Hindi nanaman siya nakapagpigil na lapitan kami.
"Kaka-sampu lang," sagot ni Nanay sa kanya.
Napangiwi si Ms. Nova nang tingnan niya ako mula ulo pababa.
"Palayuin mo ito kila Senyorito...masyadong feeling close," sabi niya sa amin. Inirapan pa niya kami bago kami tuluyang tinalikuran.
Mas lalo akong nakaramdam ng hiya dahil sa sinabi niyang iyon. Dumagdag pa ang paglingon ni Nanay sa akin. Pakiramdam ko tuloy ay may nagawa akong kasalanan kahit wala naman.
"Matagal ba kayong nag-usap ni Senyorito August?" tanong ni Nanay sa akin na maagap kong inilingan.
"S-sandali lang po," sagot ko.
"Wag ka na muna ulit lalapit sa kanila...para walang masabi ang iba," payo ni Nanay sa akin.
Tipid lang akong tumango. Parang kung kanina ay mababa ang tingin ko sa aking sarili...mas lalong bumaba ngayon.
Inabala ko na lamang ang aking sarili sa pag-aayos. Kailangan na rin naming mag madali dahil ayon kay Miss Nova ay hindi kami pwedeng maabutan ng mga bisita dito. Espesyal ang okasyon na ito at malalaking tao ang mga bisita.
Isang beses akong nang-angat nang tingin sa grupo nina Senyorito August nang magkaroon nanaman ng ingay sa gawi nila.
Nakikipagtawanan siya sa mga kasama, kahit ang pag ngiti niya ay bagay na bagay din sa kanya. Kaya ko atang pagmasdan si Senyorito August buong araw.
Habang nakatingin sa kanya ay nagulat pa ako ng isang beses siyang sumulyap sa akin na nakangiti. Matapos niyang makumpirma na nakatingin ako sa kanya ay bahagyang kumunot ang noo niya at ibinalik sa kausap ang buong atensyon.
Bigla nanaman akong nahiya. Baka ayaw niya na tinititigan siya at nahuli pa niya akong ginagawa iyon.
Matapos naming ayusin ang garden ay kaagad na kaming tinipon ni Ms. Nova para daw ibigay ang bayad sa amin. Iba na kasi ang mga taong maghahanda para naman para sa pagdating ng mga bisita.
"Makakauwi na kayo pagkatapos. Wag na kayong magpalaboy-laboy dito," masungit na sabi niya habang isa isang inaabutan ng sobre ang mga kasama namin.
"Pero ang sabi ni Madam Alexandra...pwede kaming kumain pagkatapos ng trabaho," laban ng isa kaya naman ngumisi si Ms. Nova.
"Bisita ba kayo? Tapos na ang trabaho niyo. Ano? Uunahan niyo pang kumain ang mga totoong bisita?" mapanuyang tanong niya dito.
Nagkaroon kaagad ng bulungan dahil sa sinabi niya. Hindi na lang kami umimik pa ni Nanay. Trabaho lang naman ang pinunta namin dito, wala namang kaso kung pagkatapos kaming bayaran sa serbisyo ay aalis na.
Mas lalong sumama ang timpla niya nang huminto siya sa harapan namin ni Nanay.
"Sa susunod wag ka na ulit magsasama ng bata dito," masungit na sabi niya kay Nanay kaya naman mahigpit akong napakapit sa braso nito.
Bumaba ang tingin niya sa kamay kong hawak ang natirang cupcake na ipinasok sa plastick. May ibinulong pa siyang alam ko namang insulto sa amin bago siya napailing.
Pagkatapos makuha ang bayad ay umalis na din kami ni Nanay. Halos maiwan naman ang tingin ko sa maguumpisa ng party. Kung pwede lang sanang manuod kahit hindi na makakain.
Dumaan kami sa tindahan para bumili ng aming magiging hapunan.
"Anong gusto mong ulamin, Vesper?" tanong ni Nanay sa akin.
Nalipat ang tingin ko sa nakahilerang de lata sa loob ng tindahan.
"Sige na, kahit ano. Tumulong ka naman sa akin sa trabaho," panghihikayat niya sa akin dahil gusto ko sanang sabihing kahit ano na lang basta yung mura.
"Hindi ba't paborito mo yung cornbeef?" tanong ni Nanay sa akin.
"Opo, Nay. Pero mahal po..." sabi ko sa kanya. Hindi naman ako bulag sa estado ng buhay namin.
Tipid siyang ngumiti sa akin bago niya hinarap ang tindera para sabihin ang bibilhin.
"Isang kilong bigas at isang cornbeef."
"Yung malaki na?" anya ng tindera.
"Yung maliit lang," sagot ni Nanay.
Mahigpit pa din ang hawak ko sa plastick na pinaglagyan ko ng cupcake na ibinigay ni Senyorito August sa akin.
Ang sabi niya sa akin hintayin kong matapos ang party dahil bibigyan niya ako ng mas malaking cake. Hindi ko naman na inaasahan iyon dahil siguradong nakalimutan na niya ang sinabi niya sa akin dahil masyado silang abala.
Wala pa si Tatay pagkauwi namin sa bahay. Minsan ay mas gusto kong wala na lang siya sa bahay namin. Pag nagtatagal kasi siya dito ay wala naman siyang ginawa kundi ang awayin si Nanay.
"May mga assignment ka ba para bukas?" tanong ni Nanay sa akin.
Sinabi niyang gawin ko na muna ang mga assignement ko habang hinihintay ko na maluto ang hapunan namin.
Habang nagsasagot sa libro ay pa-unti-unit kong kinakain ang cupcake ko. Hindi ko mapagkakaila na masarap iyon at halatang hindi basta basta. Ninamnam ko na ang bawat kagat dahil hindi ko naman alam kung kailan ulit ako makakatikim ng ganoon.
"Vesper, halika na rito't kakain na," tawag ni Nanay sa akin matapos niyang magluto.
Mabilis kong binitawan ang ginagawa ko. Habang niluluto pa lang niya ang ulam namin ay mas lalong kumakalam ang sikmura ko.
"Andyan na po, Nay..." sagot ko sa kanya.
Kakaupo ko pa alng sa may lamesa nang kaagad akong makaramdam ng takot dahil sa pagdating ni Tatay. Kagaya ng dati ay lasing nanaman siya pag umuuwi sa amin.
"Aba't himala at may pagkain tayo," nakangising sabi nito habang gumegewang gewang pa nang umupo sa kaharap kong upuan.
Nagulat ako nang kuhanin niya ang pinggan ko na may laman ng kanin.
"Victor para kay Vesper iyan," suway ni Nanay sa kanya.
Hindi siya pinakinggan ni Tatay ay kaagad na kumain na para bang wala siyang pakialam kung may matitira para sa amin.
"Wag niyo akong binibwiset na dalawa...tatamaan kayo sa akin," banta niya sa amin.
Pagod akong tiningnan ni Nanay. Hindi na lang din ako umimik pa at hinayaan naming matapos kumain si Tatay para naman wala nang gulo.
Matapos niyang kumain ay naghugas lang siya ng kamay at iniwan pa ang pinagkainan sa ibabaw ng lamesa.
"Matutulog na ako, wag kayong mag-iingay..." pinal na sabi pa niya bago siya pumasok sa kwarto.
Tumingin ako kay Nanay nang tingnan niya ang natirang ulam para sa aming dalawa. Ni hindi na nga ata aabot iyon para sa ilang kutsara.
"K-kumain ka na...Vesper," sabi niya sa akin.
"Paano po kayo, Nanay?"
Tipid siyang ngumiti sa akin. "Busog pa si Nanay," sagot niya sa akin kahit alam ko namang hindi iyon totoo.
Mas tahimik sa bahay sa tuwing wala si Tatay. Hindi man namin maalis na mag-alala para sa kanya ay mas nakakahinga naman kami ng maluwag kung kami lang at hindi sila palaging nag-aaway ni Nanay pag nagkikita.
"Vesper! Ipagtimpla mo ako ng kape!" sigaw ni Tatay.
Umaga na at kararating lang niya. Kahit sa ganitong oras ay alam na kaagad na lasing siya at mukhang unumaga na ang inuman nila.
"S-sige po, Tay..." sabi ko at kaagad na iniwan ang malunggay na hinihimay ko para tumakbo sa kusina at ipagtimpla siya ng kape.
May kape pa kami ngunit kaunti na lamang ang asukal. Kahit ganoon ay pinagtimpla ko pa din si Tatay. Lasing naman siya at hindi naman siguro niya mapapansin na kulang sa tamis ang kapeng ibibigay ko sa kanya.
Paupo siyang humilata sa aming kahoy na upuan. Nakapikit pa siya at dumilat lang nang mapansin niya ang aking pagdating.
"Ito na po ang kape niyo, Tay."
Halos matakot ako ng padarag niyang kinuha iyon sa aking kamay. Ni hindi man lang siya nag-ingat na baka mapaso siya...o mapaso ako ng mainit na tubig.
"Akin na nga 'yan. Ang bagal bagal mo," reklamo pa niya.
Pinanuod ko kung paano siya sumimsim ng kape. Ilang pagsimsim pa ang ginawa niya hanggang sa magulat ako ng ibato niya pabalik sa aking ang tasang may lamang mainit na kape.
"Aray ko po!" sigaw ko dahil sa sakit na naramdaman.
Mabilis kong narinig ang pagsigaw ni Nanay. Mabilis siyang dumalo sa akin para tingnan kung anong nangyari.
"Punyeta! Bibigyan mo ako ng kape na walang lasa!?" sigaw niya sa akin.
Kaagad akong niyakap ni Nanay. Hindi ko na nasundan pa ang mga pangyayari sa paligid dahil sa hapdi ng aking katawan dahil sa tumapong kape.
"Victor, ano bang ginagawa mo!?" sigaw ni Nanay sa kanya habang yakap ako para protektahan laban kay Tatay.
Parang nagising si Tatay sa pagkalasing niya at kaagad na nagalit dahil sa pagsigaw ni Nanay laban sa kanya.
"Lumalaban na kayong dalawa!?" sigaw niya sa amin at kaagad niyang pinagbuhatan si Nanay...nanaman. Plagi niyang pinagbubuhatan si Nanay ng akamay sa tuwing hindi nasusuno ang gusto niya.
Hindi pinansin ni Nanay ang pananakit ni Tatay sa kanya at kaagad akong hinarap. Hindi ko pa din magawang magsalita dahil sa sakit at hapdi ng mainit na kapeng tumapon sa aking katawan.
"Ano!? may ipagmamalaki na kayong dalawa!?" sigaw pa niya sa amin.
"Nay...umalis na po tayo dito," pakiusap ko sa kanya. Ilang beses ko nang gustong sabihin sa kanya iyon pero wala akong lakas ng loob.
Tumulo ang luha sa mga mata ni Nanay habang pinapanuod niya ang aking pag-iyak.
"Kunin mo na lahat ng mga gamit mo," sabi niya sa akin kaya naman kaagad akong tumango at tumakbo papasok sa kwarto.
Habang nag-aayos ng mga gamit namin ay rinig na rinig ko kung paano sila magsigawan ni Tatay mula sa may sala. Ilang pagsampal din ang natamo ni Nanay galing sa kanya kaya naman mas lalo kong binilisan ang kilos ko.
"Hinding hindi mo na ulit kami masasaktan ng anak ko. Sawang sawa na ako sa panankit mo, Victor!" sigaw ni Nanay sa kanya bago niya ako hinawakan ng mahigpit sa kamay at hinila palabas ng bahay.
Binalak pa kaming habulin ni Tatay. Kung ano anong masasakit na salita pa ang sinabi niya sa amin na kesyo hindi daw namin kakayanin na umalis sa poder niya dahil wala naman kaming ibang matutuluyan.
Ramdam ko ang tingin ng mga kapit bahay namin habang naglalakad kami palayo ni Nanay doon dala ang ilang mga damit at gamit. Tahimik na umiyak si Nanay habang naglalakad kami sa kung saan, ni hindi nga namin alam kung saan kami pupunta.
"Fae?"
Kaagad din kaming napahinto ni Nanay dahil sa magarang sasakyan na huminto sa aming harapan.
Pareho kaming napa-ayos nang tayo dahil nakita naming si Madam Alexandra Escuel iyon.
"Anong nangyari sa inyo?" tanong niya sa amin. Ramdam ko ang pag-aalala niya.
Mula kay Nanay ay bumaba ang tingin niya sa akin. Hindi na niya kinaya at kaagad nang bumaba para lapitan kami.
"Vesper, anong nangyari sa balat mo? Bakit namumula ito?" tanong niya sa akin.
Nagawa pa niyang lumuhod para pantayan ako.
Hindi ako nakapagsalita. Nanatili lang ang nanlalabong tingin ko sa kanya.
"N-nilayan na po namin ang walanghiya kong asawa," sagot ni Nanay sa kanya.
Mas lalo kong nakita ang pag-aalala sa mukha niya.
"Saan kayo tutuloy ngayon?"
Mula kay Madam Alexandra ay nag-angat ako ng tingin kay Nanay.
"Hindi pa po namin alam," sagot ni Nanay dito.
"Sumama kayo sa akin. Sa bahay na muna kayo tumuloy..." pinal na sabi niya na ikinagulat naming pareho ni Nanay.
Hindi na kami nakapalag pa nang pasakayin niya kami sa kanilang magarang sasakyan. Pinagbuksan pa kami ng driver para makapasok.
"Matagal mo na dapat ginawa iyon. Nasaktan pa tuloy si Vesper," nagaalalang sabi nito habang nakatingin sa akin.
Ramdam ko pa din ang hapdi sa katawan ko dahil sa paso. Tahimik lang kami hanggang sa nakarating sa malaking bahay nila. Hindi ko nanaman napigilang mamangha dahil sa laki at ganda nito.
"Pasok kayo sa loob," yaya niya sa amin.
Inasikaso kaagad kami ng mga kasambahay nila kagaya na din ng utos ni Madam Alexandra.
"Mom, anong nangyari?" tanong nang kabababa lang na si Senyorito Julio mula sa kanilang second floor.
Sinabi nito sa anak ang rason kung bakit kami nandito. Hindi na ulit ako nag-angat pa ng tingin kay Senyorito Julio dahil kahit hindi naman siya tumutol na nandito kami ay masungit pa din talaga ang mukha niya. Walang ekspresyon at mukhang suplado.
"Naka-uwi na ba ang Kuya at Daddy mo?"
Nakapamewang si Senyorito Julio sa tabi ng Mommy niya habang nakatingin sa pagaasikaso ng mga kasambahay nila sa amin.
"Not yet."
Binigyan nila kami ng kwarto para matuluyan. Kahit ilang beses na akong nakapasok sa bahay nila ay parang maliligaw pa din ako pag lumibot ako mag-isa.
"Pumunta lang kayo sa kitchen pag may kailangan kayo o nagugutom. Bisita kayo dito...o kaya naman ay iutos niyo na lang sa mga kasambahay," sabi ni Madam Alexandra sa amin.
Hindi tumigil si Nanay sa pagpapasalamat dahil sa trato niya sa amin.
"Nay, nauuhaw po ako..." sumbong ko sa kanya.
Nakapagpalit na ako ng damit at nalagyan na din ng ointment ang ilang parte ng katawan kong pulang pula dahil sa paso. Gusto pa nga sana kaming dahilin ni Madam Alexandra sa hospital pero tumanggi na si Nanay.
"Maki-inom ka. Wag kang malikot...bumalik ka din kaagad dito pagkatapos," sabi niya sa akin na mabilis kong tinanguan.
Pamilyar pa din naman ako sa daan patungo sa kusina. Ilang hakbang pa lang ang layo ko ng makarinig na ako ng mga boses mula sa loob.
"She's cute...I like her," rinig kong boses ni Senyorito August.
"Masyadong bata iyon para sa'yo, Kuya. At hindi naman ganoon ang tipo mo," masungit na sabi ni Senyorito Julio. Kahit hindi ko nakikita ang mukha niya ay ramdam ko kaagad na naka simangot siya.
Narinig ko ang mahinang pagtawa ni Senyorito August. "It's not like magpapakasal na kami ngayon. I'll wait till she turns 18 or so..."
"Ayokong maging sister in law ang batang 'yon," giit ni Senyorito Julio.
"Bakit ba mainit ang dugo mo kay Vera? Wala naman siyang ginagawa sayo. She's nice...I like her. Payag ako sa kasunduan," si Senyorito August.
"Bahala ka...Malaki ka na, Kuya. Pakasalan mo kung sinong gusto mo...pakasalan mo ang lahat," inis na sabi ni Senyorito Julio bago ko narinig ang pag-alis niya.
Bigla akong nakaramdam ng lungkot dahil sa narinig. Hindi pa man ako nakakabawi ay natigalan nanaman ako ng makita ko si Senyorito August sa harapan ko.
"Vesper...kamusta na ang paso mo?" tanong niya sa akin.
"A-ayos na po."
"Pag may kailangan kayo magsabi lang kayo. O, kung may kailangan ka...sabihin mo sa akin," marahang sabi niya sa akin.
Hindi kaagad ako nakasagot.
"S-sino po yung papakasalan niyo?" tanong ko, hindi ko na napigilan.
Ngumisi siya sa akin. "Narinig mo yung pag-uusap namin?" nakangising tanong niya kaya naman nakaramdam ako ng hiya.
"Matagal pa iyon. Masyado pa kaming bata ni Vera...mag-aaral pa at magta-trabaho," sagot niya sa akin.
"Vera po ang pangalan?" tanong ko kahit narinig ko naman.
Marahan siyang tumango. "Mabait siya at maganda, ipapakilala ko siya sayo pag bumalik siya dito," sabi niya sa akin.
"K-kahit wag na po..."
Ngumisi siya. "Bakit naman?"
Tumulis ang nguso ko. "Ayoko pong makilala ang magiging asawa niyo," sagot ko at mariing napakagat sa aking pang-ibabang labi pagkatapos.
Hindi ko alam kung bakit...pero nakakapantampo.
(Maria_CarCat)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro