n a r a r a p a t
“Do not be unequally
yoked with unbelievers.
For what partnership has righteousness
with lawlessness? Or what fellowship
has light with darkness?”
2 Corinthians 6:14
—
Anong gagawin mo sa pagmamahal na itinaboy at pinabayaan? Paano ba indahin ang sakit na dulot ng kawalang-lakas para ipaglaban ang pag-ibig na itinapon at ipinagpalit sa isang mas karapat-dapat?
Ako? Ewan.
Ayos naman kaming dalawa no’n, eh. Masaya naman kaming dalawa. Sabi niya, ako ang perfect boyfriend niya. Ang swerte niya nga raw na naging kami. Pero siyempre, dehins ako pumayag na gano’n ang lagi niyang sinasabi. ‘Ka ko, mas swerte ako na mahal niya ako.
Ano lang naman ako dati? Barumbadong lalaki. Walang pangarap sa buhay. Malakas mag-angas kahit wala namang maipagmamalaki.
Kahit hanggang ngayon, nagtataka ako kung paano niya ako nagustuhan. Pero ngayon lang naman iyon. Hanep! Malakas lang pala talaga ang kompiyansa ko no’n. Pakiramdam ko kasi, swak din naman ako para sa kaniya noong panahong kami pa. Mas perfect nga lang siya.
Napagtanto kong gago pala ako para isipin iyon.
“Happy three years of love, Panget!” Hindi ko maipaliwanag ang halo-halong emosyon sa puso ko noon. Naninikip ang dibdib ko sa sobrang tuwa na nasa harapan ko siya. “Mahal kita. Sobra-sobra.” Natawa ako nang parehas kaming kumagat sa labi.
Ako, dahil sa tuwa.
Siya, sa tuwa rin naman. . .
. . .siguro?
Hindi ako sigurado no’ng mga panahong iyon. Mali lang talaga siguro ako ng akala. Baka umiiyak siya kasi ang panget ng regalo ko?
“Bakit mo ginawa ‘to?” Nangiti na rin siya sa wakas. Napahinga ako nang maluwag. “Nag-abala ka pa. . .”
“Ano ka ba? Hindi ka naman abala sa akin, ‘no!” Pinunasan ko ang luha niya. “Isa pa, three years na tayo kaya deserve mo ‘to!”
Parehas kaming bente anyos nang mga panahong iyon. Fourth year college. Isang buwan na lang, ga-graduate na kami. Parehas naman kaming ready na panatilihin ang relasyon naming dalawa. Kung tutuusin, pwede ko na nga siyang ayain na magpakasal.
Pero hindi ko naman siya minamadali.
Gusto ko lang na malaman niyang siya ang gusto kong makasama habang humihinga kami.
Natahimik kami saglit. Mahina pa rin siyang humahagulgol. Napapangiti naman ako kasi mukhang sobrang nagustuhan niya ang hinanda ko para sa kaniya. Nasa Ministop kasi kami noon, lugar kung saan kami unang nagkakilala. Doon niya rin tinapos ang hirap ng panliligaw sa kaniya.
Nagdikit ako sa glass wall ng mga litrato namin noong mga panahong kumakain kami sa Ministop. Bumili rin ako ng paborito niyang chocolate kariman na nakaayos na parang bouquet. Mga tatlong piraso lang naman tapos napapaligiran na ng bulaklak.
“Pasensiya ka na, Ngets.” Binigay ko sa kaniya ang bouquet ng bulaklak. “Ito lang nakayanan ko kasi, ano. . .alam mo na. . .” Nakamot ako sa ulo. “Kinuntsaba ko lang sila ateng cashier kung puwede kitang surpresahin—” Hindi ko na napagpatuloy ang pagsasalita ko nang bigla niya akong hapitin para yakapin.
“Sorry. . .”
Humigpit ang yakap niya. Natawa pa nga ako at hinalikan siya sa noo, nag-aakalang unconscious word lang iyon.
“Bakit ka nagso-sorry? Hindi naman ‘to masiyadong mahal.” Ginulo ko ang buhok niya. “Atsaka, pinag-ipunan ko rin ‘to, Ngets. Ayoko namang maisip mo na hindi kita kayang bigyan ng mga bagay na gusto mo. . .”
Mas mahigpit na hapit at yakap.
Parang ipinaparating na ayaw kumawala
at gustong mas humawak.
Matagal kami sa pwestong ganoon. Isang magandang araw para ipagdiwang ang lumalalim na pagmamahalan.
Noong una, natatawa lang ako na naiiyak siya. Akala ko kasi talaga, hindi niya inakalang maghahanda ako ng supresa. Pero lalo akong nabahala no’ng mahina pa rin siyang humihikbi at parang hindi na dahil sa kasiyahan kung bakit siya umiiyak.
“Ngets, tahan na nga. Kain na tayo.” Marahan kong itinaas ang ulo niya para magkatinginan kami. “Favorites mo—”
“Russel. . .”
Kinagat ko ang labi ko.
“Bakit ang seryoso mo ngayon?” Tangina. Kinakabahan na ako. “Nag-away ba tayo? Hindi ka ba masaya ngayon? Mali ba ako ng akala?”
Mabilis siyang umiling. Kinagat niya rin ang labi niya, nagpipigil ng iyak. “Hindi tayo nag-away. Masaya ako, Sel, sobrang thankful ako kasi nakilala kita. . .”
Ngumiti lang ako. Tapos tumalikod. Inayos ko ang lamesang pagkakainan namin. Nakakaramdam ako ng kakaiba pero pilit kong hindi pinansin.
“Tara, kain na tay—”
“Mag-break na tayo, Sel.”
Napatingin ako sa kaniya.
“Ngets naman. . .wala namang ganyanan.”
Sunod-sunod ang pagpatak ng luha niya. Ako naman, pinilit kong wag umiyak. Pero hindi ko kaya noong oras na iyon. Kasi umiiyak lang siya na parang ipinaparating niya na seryoso siya sa gusto niyang mangyari.
“Akala ko ba, hindi tayo nag-away?” May pumipiga sa puso ko. Sobrang sakit. Tangina. “Bakit may break, Ngets? Ayoko. Ayokong makipag-break.”
Parehas kaming nagpupunas ng luha.
“Sel, wala tayong problema. Mahal kita, palagi mong tatandaan ‘yan. Pero ayoko na. . .”
“Anong ayaw mo na? Kung mahal mo ako, bakit ka aayaw? Bakit naman ngayon pa? Ang daya naman, oh.” Nanginginig ang labi ko. “Mahal din naman kita kaya nga hindi ako umaayaw. . .”
Humakbang siya palapit. Tumingkayad. Atsaka marahang idinampi ang labi niya sa akin. May nalasahan akong patak ng luha.
“Bakit naman ganito? Bakit mo tayo ginaganito?”
“Ayaw ni Lord sa ganitong relasyon, Sel.”
Sarkastiko akong napatawa. Si Lord? “Ayan na naman tayo sa Diyos na ‘yan. Dati naman, masaya tayo no’ng hindi mo pa siya kilala.” Buntong hininga. “Hindi niya ba naiintindihan na mahal natin ‘yong isa't isa? Bakit kailangan niyang mangialam?”
“Russel naman!” Medyo napataas ang boses niya. “Bakit ka ba ganiyan magsalita?”
“Inaagaw ka niya sa akin, Anne. . .” Napatakip siya ng bibig. Hindi ako makatingin nang diretso sa mata niya. “Ako nauna, eh. Bakit ipinagpapalit mo ako sa kaniya?”
“Sorry, sorry, sorry.” Nakayuko lang siya habang humihikbi. “Mahal kita, Sel. Sobra-sobra rin. Paalam. . .”
Doon natapos ang relasyon namin ni Anne. Tatlong taon kami. Isang buwan pa lang niya kinikilala ang Diyos. Pero nagawa niya pa rin akong ipagpalit.
Ilang minuto rin kaming umiyak sa presensya ng isa’t isa. Nagluksa kami sa pagmamahalan naming hindi namin kinayang ipaglaban. Pinaliwanag niya lahat sa akin. Na kung kami raw talaga, magkikita ulit kami.
Alam kong parehas kaming nasaktan dahil hindi kami nagkaintindihan. Siya, hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lang ako magreklamo sa Diyos. Ako, hindi ko maintindihan na mas mahalaga ang Diyos para sa kaniya kaysa sa akin.
Nagpakabarumbado ako lalo sa buhay. Noong panahong kami pa, hindi ako umiinom ng alak. Nang maghiwalay kami, tanggero na ako. Napabarkada. Kung sino-sinong babae ang pinatos. Gusto ko kasi siyang kalimutan.
Mahal na mahal ko kasi siya, eh. Pero, oo nga naman, mas mahal nga naman talaga siya ng Diyos, ‘di ba? Kung pagmamahal lang naman ang pag-uusapan, wala nga naman talaga akong panama. Pero hindi ba ako mahal ng Diyos? Bakit ginusto niyang ipagkait si Anne sa akin? Hindi ba niya gusto na maging masaya rin ako?
Dahil doon, mas nalayo ako sa Diyos. At sa tao. Mas ginusto kong mapag-isa at magpakalango sa espiritu ng alak. Nagka-motto pa nga ako noon, eh.
“Ang alak, ang iwan ka ang hindi niya kailanman binalak.” Isang shot. “Ashtig, pare, noh? Beer ish layf! Cheersh!”
“Lasing ka na, ugok!”
“Hindi kaya. Ikaw ang lasheng. Huwag mo nga akong pinagbibintangan!”
Nakikipag-inuman ako noon kay Joaquin. Siya ang naging karamay ko nang mga panahong sobrang wasted ako sa buhay. Walang araw na hindi niya ako sinamahan kapag umiinom ako. Hindi nga lang siya tumatagay dahil ‘Kristiyano’ raw siya.
“Utot mo! Kristiyano ka? Wala kang maloloko dito,” ang lagi kong sagot sa kaniya tuwing sasabihin niya iyon.
Siya tagaubos ng pulutan, ako naman sa alak. Naniniwala naman talaga akong Kristiyano siya. Gusto ko lang siyang asarin. Lagi niya akong pinagbabawalan na uminom pero ako lang ang matigas ang ulo. Napagod na lang siguro siyang manaway kasi alam niyang hindi niya ako kayang i-convert. Panigurado, sinasamahan niya na lang ako kasi halatang nag-aalala siya sa akin. Kung malisyoso lang talaga ako, pagkakamalan ko siyang may gusto sa akin, eh.
“Bakit niya ako niloko, Kin?” Isang shot ulit. “Shagutin mo ko!” Dinabog ko iyong hawak kong baso.
Nanliliit lang iyong mata niya na nakatingin sa akin noon habang kumakain ng chichirya. Kahit lasing ako, alalang-alala ko pa ang sinabi niya.
“Mas mahal niya lang talaga si Lord kaysa sa ‘yo.”
“Gano’n?” Lagok ng alak. “Eh, bakit niya pa ako syinotah, hah? Doon na siya sha Lord niya! Hindi naman siya mabibigyan ng shokoleyt kariman no’n!” Lagok ulit. Tapos kain pulutan. “Ako lang! I am the only one!”
Nailing na lang siya habang umuubos ng pulutan.
Pero hindi na nakapagtiis si Joaquin. Isang araw, habang umiinom kami—ay, ako lang pala—ni-realtalk niya na ako. Umiiyak kasi ako noon sa kaniya. Nakaubos na kasi ako ng apat na bote no’n. Iyon ang panahong nalaman kong may nanliligaw na Kristiyano kay Anne.
Sobrang natakot ako. Alam ko kasing hindi ko kayang pantayan iyong standards ng lalaking nagkakagusto sa kaniya. Mabait, maka-Diyos, tapos balita ko, may kotse raw. Ako? Tambay lang kaya ako. Tapos hindi agad ako nakapagtapos ng pag-aaral. Gago kasi ako, eh.
“Alam mo, pare, nangako ako sa 'yo na hindi kita papakialaman, di ba?”
Tumango ako. Nagiging dalawa na siya sa paningin ko. “Oo, Kin. Kashe shabe moh—” Sinok. “—hindi naman talaga ako magbabagoh kung hindi pa ako tinatawag ni Lord.” Tumawa ako. “Akshuli, hindi nga kitah nagetsh no’n.” Tinungga ko iyong alak.
“Nakakausap ka pa pala nang maayos kahit lasing ka, eh.” Umiling-iling siya. “Pero, pare, hindi mo ba naiisip? Na mas pinapatunayan mong hindi ka karapat-dapat kay Anne? Imbis na inaayos mo ‘yong sarili mo, lalo kang nagpapakawala. Umayos ka nga!”
Solid lahat ng sinabi ni Joaquin. Habang inuubos niya ulit ang pinupulutan namin, nagulat siya nang makilantak na rin ako. Simula ng gabing iyon, natauhan ako bigla.
Kinabukasan din, ang ugok na Joaquin, inaya ba naman akong magsimba sa Christian church. Hindi ko maintindihan sa kaibigan kong iyon kung anong klase ng saltik ang tumama sa utak niya! Ewan ko ba doon!
“Pilit ka naman nang pilit! Ayoko nga!”
Inipit niya ang ulo ko ng braso niya atsaka ako kinutus-kutusan. “Nag-usap na tayo kagabi! Calling na sa ‘yo ni Lord ‘to!”
“Heh! Ayoko pa rin!”
Kinutusan niya ulit ako.
“Aray naman! Ang sakit na nga ng ulo ko, Kin, eh!”
“Alam mo, Sel, kakainom mo, lalaki na lang talaga ‘yang tiyan mo. Mas lalo kang hindi magustuhan niyan ni Anne, eh.”
Tiningala ko siya, nakaipit pa rin ang ulo sa kaniyang braso. “Talaga?”
“Ewan ko sa ‘yo!” tatawa-tawa niyang sagot. “Magbago ka hindi para kay Anne. Kahit magbago ka na lang para sa sarili mo, Sel.”
Natigilan ako.
“Magtapos ka ng pag-aaral. Tapos sumama ka na palagi sa akin sa church.”
“Kailangan pa ba ‘yong church?”
“Nangako ka kagabi!”
“Lasing ako no’n, eh!”
“Kasalanan mo ‘yan!” Tinawanan niya ako saka siya tumakbo paalis.
Wala akong nagawa. Tuwing Linggo, sinusundo ako ni Joaquin sa bahay. Consistent siyang nangungulit. Minsan, nawiwili na rin siya’t inaaya niya ako sa youth service tuwing Biyernes nang gabi. Hanep. Pero dahil sobrang bait sa akin ni Joaquin, kahit napipilitan, sumama ako.
Atsaka isa pa, gusto ko ring malaman bakit nagawa akong iwan ni Anne para sa Diyos.
“In Romans 5:8, we are assured of Jesus Christ’s unconditional love! Ang problema sa atin, masiyado tayong nagse-settle sa pag-ibig na hindi ka kayang ipaglaban. Iyong pag-ibig na puwede kang biguin. Pero nakakalimutan natin iyong pinakadakilang pagmamahal ayon sa salita ng Lord. Iyon ay ang nagkatawang-tao si Hesus, iniwan ang karangyaan ng langit, pinagdusahan ang parusa ng kasalanang ikaw mismo ang gumawa, tiniis ang panlalait at panghahamak ng mga taong gusto niyang iligtas at ininda ang kamatayan para magkaroon ka ng buhay na walang hanggan. Nabuhay siyang muli para sa ‘yo, patunay lang na siya ang pag-asang hindi kailanman mawawala! Palagi mong tatandaan ‘yan!”
Nagpatuloy ang preaching sa church na pinagdalhan sa akin ni Joaquin. Tinapik niya ako sa balikat dahil bigla akong umiyak. Nag-share din siya ng Romans 6:23 dahil gusto niya raw akong makasama sa langit.
“For the wages of sin is death but the gift of God is eternal life in Christ Jesus our Lord.”
Kaya mahal ko talaga ang pare kong iyon, eh. Isang tunay na kaibigan. Sa panahong iyon, tinanggap ko si Jesus. Mas napagtanto ko na kung bakit siya ang pinili ni Anne.
Higit pa pala sa chocolate kariman
ang kaya niyang ibigay.
“Happy six years of love, Ngets!” bungad ko kay Anne nang makarating na siya sa wakas. “Surprise!”
Siyam na taon na ang nakalipas pero alalang-alala ko pa rin ang nakaraan naming dalawa ni Anne. Kahit paulit-ulit kong isipin, hindi na ako nagsisisi sa mga nangyari. Tatlong taon akong nagpaayos ng buhay sa Lord bago ko niligawan ulit si Anne.
Masaya ako sa tatlong taong paghihintay dahil mas nalaman namin kung sinong mas mahalaga.
Nasa Ministop kami ulit, as usual. Dito na talaga yata kami titira. Kulang na lang, mag-franchise kami ng sariling store para araw-araw ko siyang mai-date dito nang walang istorbo.
Hindi na siya nagulat. Agad lang siyang lumapit habang nangingiti atsaka ako binigyan ng isang mabilis na halik. “Thank you, Ngets. Ang bago ng gimik mo, ha!” Natatawa siya.
“Siyempre, ‘no!”
Sumimangot lang siya. Alam kong sawang-sawa na siya sa Ministop. Pero siyempre, paborito niya pa rin iyong chocolate kariman.
Magkaharapan kaming nakaupo. Inusog ko sa kaniya iyong meal box ng Ministop. “Oh, kumain ka muna.”
Medyo padabog siyang kumuha ng tinidor at kutsara. Nang buksan niya iyong box, nanlaki lang iyong mata niya at napasinghap.
Binato niya ako ng hawak niya.
“Aray naman, Ngets!”
“Nakakainis ka!”
Nalululuha na siya. Ang iyakin.
“Seryoso ‘to?!”
Tumango ako, ngiting-ngiti. “Salamat, Ngets. You bring out the best in me. Siguro, kung hindi tayo naghiwalay dati, baka hindi ko nakilala si Joaquin at siyempre, si Lord.”
Putek. Naiiyak na rin ako.
“Mahal kita, Ngets. Pero tama ka, mas kailangan kong mahalin si Lord bago kita tuluyang mahalin nang tama at buo. Masaya ako na ikaw ang binigay ni Lord sa akin. Ang bait niya sa akin kasi ikaw lang ang hiniling ko na makasama habambuhay, eh. Tapos, ngayon, nandito ka, kasama ko. . .”
Humawak kami sa kamay ng isa’t isa.
“I love you, Anne. Pakasalan mo ako, please.”
Nang tumango siya, nanginginig ang kamay ko habang isinusuot sa kaniya ang singsing. Pinunasan ko ang luha niya. Hinalikan ko siya sa labi.
“Thank you sa pagtitiis sa akin ng 12 years. Mahal din kita, Sel.”
“Hindi ka naman na ulit makikipag-break, di ba?”
“Gusto mo ba?”
Mas hinigpitan ko ang yakap.
“Wala ka nang kawala sa akin ngayon.”
Ninamnam namin ang tamis ng tawanan at ipinagdiwang ang pag-ibig na ipinaglaban ng pag-ibig na mas dakila sa lahat.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro