Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Nang Dahil sa Pad Paper (Rewritten)

Micca's POV

"Girls look oh! Si Nathan, my love, dumating na!"

"Ang gwapo niya talaga!"

A las siete pa lamang ng umaga pero naririnig ko na ang aking mga kamag-aral na nagbubulungan at nagtitilian dahil sa pagdating niya. Napangiti na lamang ako ng bahagya nang makita ko siyang pumasok mula sa gate ng aming paaralan. Naroon na sa kanyang maamong mukha ang mga ngiting nakakapagpabuo na ng araw ko kahit na hindi pa man nagsisimula ang klase.

"Hey! Nakatingin siya rito!" isang matinis na tili ang aking narinig at napasimangot na lang ako. Ganito naman ang eksena araw-araw. Halos lahat ng kababaihan sa paaralan ay pinagpapantasyahan ang boyfriend este crush ko.

Crush. Paghanga. Hinahangaan ko siya sa lahat ng kaya niyang gawin. Pero bakit ba kapag nakikita ko siyang masaya kasama ang iba, mas nagiging makahulugan ang ingles na katumbas ng salitang "paghanga"?

"Hoy! Tigilan mo na nga 'yang kakatitig kay Mr. Heartthrob," matigas na sabi ng isang pamilyar na boses. Hindi ko na kailangang lumingon pa para lang malaman na si Loida, ang isa sa mga pinakamatalik kong kaibigan, in short, bes, bff, best friend, bestie—ganern.

Napa-rolyo na lamang ako ng mga mata sabay tugon ng, "Bakit? 'Di naman bawal na titigan crush mo ha? Inggit ka? Wala kang lovelife?"

"Love life? Love life ang tawag mo sa pang-i-stalk mo? 'Yang mga ganyang tingin? Seryoso? Love life?" Sabay sarkastikong tumawa.

"Well." Napa-isip ako. Habang naglalakad kami papunta sa silid-aralan, halos nakikini-kinita ko na ang hinaharap naming dal'wa. 'Yong first kiss, first date, marriage proposal, mismong kasal, hanggang sa magka-anak kami ng lima. Nang makarating kami, tumingin ako kay Loida. "Wala pa. Magsisimula pa lang love life naming ni Papi Nate."



"Class, take your seat. May good news ako sa inyo," sabi ni Miss Perez habang nakangisi. Opinyon ko lang naman, pero sa tingin ko, walang naidudulot na maganda ang mga taong madalas ngumisi.

At biruin niyo nga naman, tama ako. Dahil 'pagkaupo pa lamang ni Papi Nate, nagsalitang muli ang ginang. Limang salita na kumumbinsi sa 'kin na iuntog ang ulo ko ng paulit-ulit sa pader habang umaasa na mawalan ako ng malay.

"We have a quiz today," sambit niya.

Cue in ang mga reklamo ng mga kabataang parang tinanggalan ng karapatang pantao. "Pero Ma'am, wala pong nag-review samin," angal ng isa kong classmate. Halos lahat ng mukha nila ay nakasimangot at napabuntong-hininga na lamang ako dahil sa nalalapit na sermon galing sa ginang.

"Hindi lang dapat kapag may quiz or exam kayo nagre-review. Not because you're all in the star section, you shouldn't be reviewing your lessons!" Malakas ang boses ni Miss Perez kaya hindi ko maiwasan na mapabalikwas sa kinauupuan ko. "Now, take a one whole sheet of paper!" sigaw pa niya.

Mga wala kaming magawa kaya halos lahat kami ay sabay-sabay na yumuko para kumuha ng papel. Hinipan ko na lamang ang buhok na nalaglag sa harapan ng mga mata ko bago hinila palabas ng bag ang padpaper. Kasama ang ballpen, inilapag ko na 'to sa mesa, at napatawa na lamang ako ng makita ang unang pahina.

Isang damakmak na doodle at message balloons ang iginuhit ko sa papel na may mga katagang gaya ng, "I love you, Nathan" o 'di kaya naman ay "Please let me be your only one, Nate" at kung anu-ano pang kagagahan para lang kay Papi Nate. Matuwain lang siguro talaga akong tao kaya tumatawa ako ng kaunti (unti lang) habang pinapagapang ang aking mga daliri sa mga tintang nakaukit na sa papel noon pa lamang nagsimula ang taon. Siguro sobrang natuon ang atensyon ko kay Nathan at hindi ko napansin na masama na pala ang tingin ng gurang este ng ginang sa 'kin.

"NATIVIDAD, WHY ARE YOU GRINNING LIKE A DOG?" sigaw ni Miss Perez. Gusto 'kong mag-whoa pero baka lalo siyang magalit. Gusto ko siyang tarayan at sabihin na, "Hindi lahat ng tumatawa aso na. Mema ka, Ma'am?" At isang milyon pang gusto ko, pero magpakatotoo tayo, hindi ko kaya. Lalo na't mas nagmumukha siyang aso kaysa sa aming dalawa.

"NATIVIDAD! I'M TALKING TO YOU. WHY ARE YOU LAUGHING? KAPAG HINDI MO SINABI ANG DAHILAN, BAGSAK KA SA QUIZ NATIN NGAYON!" sigaw ulit niya. Hindi ko alam kung hilig ba niya ang sumigaw o dahil siguro sa matandang dalaga siya, no offense po, kaya laging malakas ang boses niya kapag nagsasalita.

Ikinagulantang ko na lang ng may marinig ako'ng nagsalita sa gilid. Saka ko naalala na katabi ko pala ang ultimate crush ko. 'Jusko. Lamunin na sana ako ng lupa sa kahihiyan na 'to.'

"Nag-joke po kasi ako, Ma'am, kaya po siya natawa. Sorry po," ika niya at napalingon naman ako sa kanya. At ayan na naman tayo sa nakaka-in love niyang mga ngiti. Hay, Nathan. Ano ba 'tong ginagawa mo sa puso ko?

"OK." Tumango siya. Sabay sama ng tingin sa 'kin. "Pero sa susunod, 'wag ka ng tatawa ng ganyan, Micca, nakakagulat e," pabirong sabi ng aming guro na tila-baga may saltik sa kokote.

Kinalabit ko ang balikat ni Nathan ng makita ko na pumunta na si Miss Perez sa kabilang dulo para ipamigay ang questionnaire. Lumingon naman siya sa 'kin ng may pagtataka.

"Salamat ha? Muntik na 'ko ro'n," ani ko.

"Welcome." Heto na naman ang ngiti niya at ang puso ko na para bang hinahabol ng kung ano'ng halimaw. "'Wag mo na nga lang sana gagawin ulit, nakakatakot kaya," sabi niya habang tumatawa ng mahina.

Jusko. Ang tawa niya. Sobrang nabighani ang puso ko. Para bang bigla na lang akong nawalan ng hangin sa katawan at tanging ang mga labi niya lang ang makakapagbalik ng aking tamang paghinga. Ni para bang nawalan ako ng ulirat sa ilang segundong tumatawa siya, at pakiramdam ko, magiging masuwerte ako sa mga natitirang buwan ng taon na 'to.

Napakurap ako ng mga mata ng sinabi niya, "Poker face lang?" Nginitian ko na lamang siya at kinuha na ang ipinapasang questionnaire sa 'kin.


Makatapos ang halos isang oras, nakasimangot na ko habang nakatitig lang sa pad paper at sa mga equations sa mathematics na hindi ko na maintindihan kung tama ba ang ginagawa ko o hindi. Tumunog na ang school bell, nagpapaalala na tapos na ang klase at oras na para magtanghalian. Napataas naman ako ng ulo ng marinig ko ang mariing paghampas ni Ma'am Perez sa lamesa niya.

"Pass your papers, now!" sigaw ni Ma'am. Nangangamba ako sa pagsigaw niya dahil sa dal'wang bagay: una, baka masira ang voice box ng ginang at hindi na siya makapagsalitang muli; at pangalawa, baka bago pa man matapos ang taon na ito'y mahina na ang aking pandinig. Mas natatakot ako sa ikalawa.

"Ano ba yan!"

"Ma'am, 5 minutes pa po, please."

"'Wag na po munang ipasa! Wait lang po!"

Iilan lamang 'yon sa mga umaalingawngaw na pakiusap ng mga kaklase ko. Lahat sila ay may ekspresyon sa kanilang mukha na para bang nakikita na nila ang end of the world. Napabuntong hininga na lamang ako dahil sa kahit na ako ay hindi sigurado sa pinaggagagawa ko sa eksaminasyon na 'to.

Masyado yata akong na-okupa ng sarili ko kaya't hindi ko napansin ang mga matang nakatitig na pala sa 'kin, hanggang sa magsalita ang may-ari ng mga magagandang matang iyon.

"Uy, Micca," sabi ng pamilyar na boses. Lumingon naman ako kay Nathan, at halos matunaw ako sa mga mata niyang pinagmamasdan ako.

Ayoko namang magmukhang weirdo, kaya nginitian ko siya sabay sagot ng, "Hm? Bakit?"

Napakamot siya ng ulo. "Uh, itatanong ko lang kung nasagutan mo lahat?"

Napakurap ako. Seryoso ba 'to? "Oo, bakit? May hindi ka ba alam at balak mong mangopya?" biro ko sa kanya. Imposible rin naman kasing mangyari 'yon, at kung mangongopya man siya, mas gugustuhin ko ng itago ang papel ko. Ayokong magpakopya sa kanya lalo na't alanganin ako sa mga sagot ko.

Tumawa siya ng mahinhin. Parang dalagang Pilipina. Kung tutuusin, ako dapat iyon ha? Nakatakip pa sa bibig niya ang isang kamay, ultimo nahihiya sa kanyang pagtawa. Dalagang pilipina nga.

"Hindi. Nag-alala lang ako sa'yo." Totoo ba 'tong naririnig ko o sadyang nagdedeliryo ako dahil sa exam? "'Yong mukha mo kasi, para kang nalugi." At 'yon na naman ang tawang para bang mga kampana sa simbahan.

"Hindi lang ako sigurado. Pero, salamat sa pag-aalala," banggit ko. Sinuklian niya lang ako ng ngiti, at pareho na kaming tumingin sa ginang na nasa harap sabay abot ng mga papel.


Patakbo akong lumabas ng classroom, ang mga ngiting dahil kay Nate ay nanatili sa aking mukha. Kinausap niya 'ko. Kinausap talaga ako ni Papi Nate. As in kinausap a-

"Hoy! Nagde-daydreaming ka na naman," puna ni Loida. Napatalon naman ako dahil sa gulat sa biglang pagsulpot ng mangkukulam este kaibigan ko. Nakataas ang kilay niya at nakapamewang habang naka-simangot sa 'kin. Napa-pout na lamang ako ng labi dahil pakiramdam ko'y tinititigan ako ng nanay ko. At ang masasabi ko lang, ayaw niyong matititigan ni Nanay.

Sasagot sana ako, pero mas minabuti ko na lamang na manahimik at sundan siya papasok ng canteen. Mahaba na naman ang pila sa barbecue-han. "Ugh!" angal ko. Napatingin naman sa 'kin si Loida.

"Hindi ka na naman kakain?" tanong niya habang inilapag sa bakanteng mesa ang kanyang baunan.

Nakatitig pa rin ako sa mahabang pila. Kumulo ang tiyan ko ng maamoy ko ang iniihaw na barbecue. Sa totoo lang, marami namang ulam sa canteen pero 'yong BBQ lang naman talaga ang masarap. At saka ang porkchop na hindi ko na makita dahil malamang ay naubos na rin agad.

Bumalik ang tingin ko kay Loida na nakatingin pa rin sa 'kin. "Hindi ulit. Wala ng pagkain e," sagot ko.

"Micca?" tawag sa 'kin sa pangalawang pagkakataon. Lumingon ako. Si Nathan, nakatayo at may hawak na dal'wang plato na may tig-isang kanin at tig-dalawa na BBQ. Awtomatiko namang iniangat ko ang maliit ko na bag na nasa isang upuan.

"Huy. Makikiupo ka? Dito oh," alok ko sa ngayong bakante ng upuan sa tabi ko. Inilapag niya ang isang plato sa harap ko at napataas ako ng kilay. Nilingon ko si Loida at napansin ko ang ngiting namumutawi sa kanyang mga labi. Pero ang mga mata niya ay pilyang palipat-lipat ng tingin mula sa 'kin papunta kay Nathan. "Hala, ano 'to?"

"Pagkain, malamang," sarkastikong sagot ng napakagandang lalaki na ngayo'y katabi ko na. Humagikgik naman ang kaibigan ko na nagpahalakhak sa lalaki. At dahil sa kahihiyan, utal akong nagpasalamat at kumain.


Tumunog muli ang school bell, ngayo'y hinuhudyat ang pagtatapos ng araw. Kasabay kong lumabas ng silid-aralan si Loida. Habang ako'y tulala sa kawalan dahil sa hindi ako maka-get over sa nangyari kaninang lunch, siya naman ay nagdadadaldal tungkol sa bagong anime na pinapanood niya.

Napahinto na lamang kami sa paglalakad ng biglang may sumampa sa 'king likod. Napalingon ako at nakita si Xylene. Hingal na hingal ang hitsura na; pawisan ang mukha, naghahabol ng hangin, habang hawak ang dibdib.

"Okay ka lang?" tanong ko. Habang sinabayan naman ito ni Loida ng, "Mukha kang gusgusin."

Sinimangutan lang ni Xylene si Loida at nagkibit-baikat ito. "Oo. Pero pahingi ng papel. Nagmamadali lang ako," bigkas niya habang hinihingal pa rin.

Binuksan ko ang bag ko at kinuha ang bungkos ng papel. Pupunit pa lang sana ako ng isang piraso ng hinablot sa 'kin ni Xylen ang buong pad paper. Pinanood na lang namin siya habang patakbong umalis sa kinatatayuan namin papasok ng classroom.

Nagkatinginan kami ni Loida. "Baliw nga talaga," sambit niya at nagpatuloy na kami sa paglalakad.


Tatlong oras makaraang makarating ako sa bahay ng mapagdesisyunan kong gawin na ang aking mga takdang aralin. Inilabas ko ang kulay bughaw 'kong kwaderno na naglalaman ng tala ng mga kailangan kong gawin. Nakita ko na may takda pala kami sa Agham at Sipnayan. Nangangailangang ilipat ko sa papel ang sagot sa mga tanong kaya't kukunin ko na sana ang pad paper ko ng mapansing wala ito sa bag ko.

Walang kaabog-abog na binaligtad ko ang bag ko. Nagkalat agad ang mga gamit. Nagliparan ang mga kwaderno't libro, at tumalsik ang mga panulat ko.

Pero ni anino ng pad paper ko ay hindi ko nakita.

"Hala siya. Nasa'n na 'yon?" tanong ko sa sarili ko. Medyo mukhang may sayad pero mas ramdam ang impact kung sasabihin ko ng may boses. Saka ko naalala, ipinahiram ko nga pala ang pad paper ko kay Xylene...

"PINAHIRAM KO 'YONG PAD PAPER KO?! WATDAPAK?!" sigaw ko at halos namumutla ang aking mukha ng tumingin ako sa salamin. Nakarinig naman ako ng mabibilis na yabag at maya-maya pa'y narinig ko na ang mga katok ni Nanay.

"Hoy, Micca! Sino'ng kausap mo r'yan?" tanong niya sa labas ng pinto.

Nanginginig ang buong katawan ko. Napalunok ng ilang beses bago magsalita. "Wala ho! May hinahanap lang!" sagot ko. Ilang beses na 'kong sinasabihan ni Nanay na may saltik. Nako! Mas lalong mang-aasar 'to!

"Nababaliw ka na talagang bata ka," sambit niya sabay palatak ng dila. Narinig ko naman ang mga hakbang niya palayo sa pinto ko. Isang malalim na hininga ang naibuga ko. Pero daig ko pa ang nagha-hyperventilate ng muli kong maalala ang sitwasyon.

Titig sa bag ko na wala nang laman, tanging, "Patay," ang aking nasabi.


Alas-sais pa lang ng umaga ay nakaayos na 'ko at handa ng pumasok sa paaralan. Mga ala-siete pa lang kasi ay naroon na kadalasan si Xylene dahil sa mga organisasyon niyang sinalihan. Inaasahan ko kasing makita siya agad at mabawi ang pad paper ko bago magsimula ang klase ng alas-otso y media. Nagtataka naman ang buong pamilya ko, lalo na si Nanay, nang maaga akong bumaba sa kusina upang kumain ng almusal. Sobrang tahimik sa hapag kainan na ultimo hilik ni bunso sa itaas ay rinig namin. Nagsusulyapan lang din ang aking mga magulang. Wala namang halong duda na ako ang pinag-uusapan nila sa kanilang isip.

Hindi na siguro nakatiis si Nanay kaya't nagtanong na ito. "Bakit ang aga mo yata ngayon?"

"Himala at ang aga mong gumising, hija?" puna naman ni Tatay.

Kay aga-aga pero napa-rolyo na lamang ako ng mga mata dahil sa mga tanong nila. Napansin nila ito at mahinang tumawa. Buntong-hininga. "May naiwan po kasi ako sa school. Kailangan ko para sa assignment namin," sagot ko sabay subo ng pagkain.

Tumango lamang sila at nag-usap ng mga bagay na pinili ko na lamang na hindi intindihin. Mas minabuti ko na kumain na lang para makarating na agad sa eskwelahan.


Hindi ako nagkamali sa hinala ko. Naroon na nga si Xylene. Tanaw ko siya mula pa lamang sa pagkakatayo ko sa gate. Karamihan ng estudyante ay nakatingin din sa 'kin. Mga hindi sanay na makita ako ng ganoong kaaga sa paaralan. Sabihin na lang natin na kilala ako ng karamihan dahil madalas nilang marinig ang pangalan ko sa intercom dahil sa palaging huli akong dumarating sa unang klase.

Nagmamadali akong naglakad patungo kay Xylene para iwasan ang mga mapang-matiyag na tingin. Iniisip ko na lang ang nahaharap na komprontasyon sa babaeng daig pa ang newscaster sa pag-usisa at pagkakalat ng impormasyon. Kailangan ko rin ba siyang i-bribe para lang hindi maglabas ng dumi ko?

Napansin niya rin siguro ako dahil lumingon siya at kinawayan ako. Tumakbo siya papalapit sa 'kin. Napa-hinga na lamang ako ng malalim at nginitian siya.

"Wait. Nananaginip pa ba ako? Nandito na talaga si Micca? Ang babaeng kilala sa pagiging late?" natatawa niyang puna.

Hinampas ko siya sabay kibit-balikat. "Kailangan ko pad paper ko. Hindi pa 'ko nakakagawa ng assignment."

Napakunot-noo siya at halos gumuho ang mundo ko ng bigla niyang sinabi, "Wala sa 'kin. Na kay Nathan."

Pakiramdam ko huminto talaga ang heart beat ko, seryoso. Parang nahihilo ako na nasusuka na hindi ko na maintindihan. Isa lang ang nasa isip ko, nalaman na ni Nate. At kung suswertehin ka nga naman, isang pamilyar na boses ang masayang bumati sa amin.

"Morning, Xy! Uy, Micca, ang aga mo ata?"

"Ah, eh, may nakalimutan ako," sagot ko na lang. Sa paglingon ko, nakangiti ng malawak si Nate. Tapos iyong puso ko, dug dug nang dug dug. Masisiraan na ata ako ng bait, at partida, ni hindi pa nagsisimula ang unang klase.

'Tila baga may naalala si Xy at napasinghap siya. "Oo nga! Huy, Nathan! 'Yong papel pala raw ni Micca," ika niya at nagsimulang maglakad palayo. "Kayo na mag-usap. Tinatawag na 'ko eh. Kita na lang mamaya sa class!" At tuluyan na siyang tumakbo palayo.

Ipinasok ko sa suot ko na hoodie ang aking mga kamay at tumitig sa puno ng acacia kung saan may mga mag-aaral na umiidlip o 'di kaya nama'y masayang mga nag-uusap habang nakaupo sa ilalim nito.

Uimihip ang malaming na hangin at napabuntong hininga ako. Ganito pala rito kapag umaga, masarap sa pakiramdam. Kakaunti pa lamang ang tao at pakiramdam ko, ang tahi-tahimik. Payapa. Para bang walang pakialam ang paaralan sa kung ano mang gulo ang nangyayari sa labas ng mga metal na bakod nito.

Pero teka. Gusto kong sabunutan ang sarili ko ng maramdaman ko ang kamay ni Nathan sa balikat ko. Dahil sa pagmumuni-muni ko ay nakalimutan ko siya. Isa nga talaga akong malaking tanga.

"Tara, upo na muna tayo sa bench. Ibibigay ko sa'yo 'yong papel mo," mahinhin niyang bigkas na para bang bata ang kausap.

Tumawa ako ng pilit at umiling. "Hindi na, kailangan ko pa kasing gawin 'yong takda."

Ngumiti siya ulit, pero ngayon, mas malungkot. Hindi na abot sa kaniyang mga mata ang matamis niyang ngiti. Hinila niya lang ako at inakay papunta sa tinutukoy niya na upuan. Umupo siya at tinapik ang tabi niya. Ang malungkot na ngiti, tuluyan ng nawala at napalitan ng naka-simangot na mukha.

Walang salita ang namutawi sa aming dal'wa. Binuksan niya lang ang bag niya at kinuha ang papel ko. Naroon, sa taas na pahina, ang mga doodle ko na may mga pangalan niya. Iniabot niya sa'kin iyon, ang mukha niya wala pa ring bahid ng kasiyahan.

Nanginginig 'kong kinuha ang papel ko. Nararamdaman ko na rin ang mga luhang nagbabadyang pumatak sa aking mukha. Tumingala ako para pigilin ang lungkot na nais magpakita. Hindi, Micca. 'Wag kang iiyak. Lalaki lang iyan, ano ka ba. Napatawa na lang ako ng mahina sabay ibinalik ang tingin sa kaniya.

"Thanks! Una na ko ha, may gagawin pa ko eh. Ingat-"

Bago ko pa matapos ang sasabihin ko, hinila niya ang braso ko at napalapit naman ako sa kanya. Sa totoo lang, alam ko na ang mangyayari bago pa man dumampi ang kanyang labi sa 'kin. Hindi lang siguro na-proseso ng utak ko kasi, hello? Hinalikan kaya ako ng taong gusto ko!

Sigurado akong imahinasyon ko lang iyon pero nung iniatras niya ang mukha niya at tinitigan ako sa mga mata, bumalik ulit 'yong ngiti niyang kayang buuin ang araw ko. 'Yong mga ngiti niyang iniisip ko bago matulog at nagiging dahilan ng mga magagandang panaginip.

Napalunok ako. Pucha, lahat na ata ng laway ko nalulon ko dahil sa sobrang nerbyos at pagkakilig. Nagtaasan ang balahibo ko at tila hindi na tumalab ang lamig ng hangin sa 'kin. Mas lalo pa nga yata akong nainitan sa suot ko dahil sa pagmamahal na bumalot sa katawan ko.

"Ah, ano," bulong ko na nauutal.

Tumawa siya ng mahina at bumulong din, "Pareho pala tayo."

Napalunok ako. Ang lapit kasi ng mukha niya. Tapos parang dinadaluyan ng kuryente ang mga labi ko. Siguro gaga ako, o baka manyak lang talaga. Pero hinalikan ko siya. Matagal. Nilalasap ang lasa ng malambot niyang labi na daig pa ang akin. Lasang ulap. Bahag-hari. Lahat ng natural sa daigdig na ultimo pinagsama-sama sa taong kahanga-hangang gaya ng lalaking nakahawa sa bewang ko.

Mayroon kaming narinig na tumili kaya kami naghiwalay. Nilingon namin ang ibang mga estudyante na gulat na nakatingin sa 'min. Sobrang hiya ko sa panahon na iyon pero hindi noon matutumbasan ang saya na nararamdaman ko. Kaya imbis na magtago at pilitin ang lupa na lamunin ako nito, napatawa na lang ako na sinabayan ng tawa ni Nathan.

Niyakap niya ako paupo. Nakadikit ang likuran ko sa dibdib niya. Kahit pa makapal ang suot ko, ramdam ko ang bilis ng tibok ng puso niya. Sumandal ako ng tuluyan at bumuntong-hininga siya.

Pumikit ako. Nilasap ang pagkakataong 'yon. Bago pa man ako tuluyang makatulog, narinig ko siya. Mga salitang nagsilbing kompormasyon sa nararamdaman niya mula noon at pangako para sa hinaharap.

"Nagsusulat din ako ng tungkol sa'yo sa papel ko. Micca, I love you too."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro