Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 1

"Cara, anak, kakain na tayo," tawag sa akin ni Tita Samantha mula sa labas ng aking kwarto.

Mabilis kong isinara ang kurtina ng aking bintana saka ako tumakbo patungo sa pintuan. Isang matamis na ngiti ang isinalubong ni tita sa akin pagkabukas ko ng pinto.

"Sige po, Tita. Susunod na po ako," nakangiting paninigurado ko.

"Sumunod kaagad, anak ha, habang maiinit pa ang pagkain," paalala niya na kaagad ko rin namang tinanguan.

Kaagad kong isinara ang pinto pagkaalis nito. Muli akong bumalik sa may bintana at tinanaw ang malaki nilang swimming pool. Wala na pala si Lucas; marahil ay nakapasok na sa loob ng bahay.

Simula pa noon, palagi ko na siyang pinanonood mag-swimming. Ang swerte ko nga dahil sisilip lang ako sa bintana ng kwarto ko ay makikita ko na siya. Hindi naman pwedeng doon ako mismo sa baba manood dahil paniguradong mapapaso na naman ang tainga ko sa mga maaanghang na salitang sasabihin niya sa akin.

Pagkatapos mag-ayos ay kaagad din naman akong bumaba sa may dining. Nandoon na sina Tito Luke at Suzy, ang kakambal ni Lucas.

"Daddy, can I go?" malambing na tanong ni Suzy sa ama.

"Hija, kain na," ani Tita Sam.

Kaagad akong umupo sa tabi ni Suzy na hanggang ngayon ay hinihintay pa rin ang sagot ni Tito Luke.

"Saan ba ang tungo niyo?"

"Sa mall lang po, Daddy. Kasama si..." Sandaling napahinto si Suzy at nagdadalawang-isip pa kung itutuloy niya ang kanyang sasabihin.

Nagtaas ng kilay si tito. "Kasama sino?"

Napakagat-labi si Suzy. "Sina Ate Zena po," sagot niya, tukoy sa pangatlong anak nina Tito Matteo at Tita Zyrene. Mga kaibigan ni Tito Luke.

"Sino pa?" muli pang tanong ni Tito Luke, maging si Tita Samantha ay naghihintay na rin ng sagot. Napalingon naman ako sa may entrance ng dining, nagtataka pa rin kung bakit hindi pa bumababa si Lucas.

"Ba-baka po sumama rin sina Zafara at Tammarie. Nagpapatulong po kasi sila para sa prom," sagot ni Suzy rito.

Si Zafara ay ang bunsong anak ni Tito Zach. Samantalang si Tammarie naman ay anak nina Tito Timothy at Tita Tine. Halos ang mga kabarkada namin ay anak din ng mga kabarka ni Tito Luke kaya naman halos magkakapatid na rin ang turingan ng mga ito.

"Sina Zafara at Tammie lang? How about Kendall?" Si Tita Samantha naman ngayon ang nagtanong. Si Kendall naman ay ang nag-iisang anak na babae nina Tito Kervy at Tita Grace.

"Maybe?" alanganing sagot ni Suzy.

"If kasama si Kendall, siguradong kasama rin si Ken. It's a no, Suzy," biglang singit ng kararating lang na si Lucas.

Napanganga na lang ako dahil sa kanyang pagdating. Basa pa ang buhok nito, mas lalo siyang gumwapo. Kahit ano naman yata ang ayos niya, ganoon na talaga siya. Gwapo.

"Daddy..." tawag ni Suzy rito, humihingi ng tulong.

"Suzy, wag nang makulit," ma-awtoridad na sabi ni Lucas sa kapatid habang abala sa pagkuha ng pagkain.

Hindi na nakaimik pa si Suzy, napayuko na lamang at itinuon ang buong atensyon sa kanyang pagkain.

Ang aking buong atensyon ay nasa kay Lucas. Ganoon talaga siya pagdating kay Suzy. Kahit nga yata lamok ay hindi niya hahayaang makalapit sa kapatid. Nagrereklamo si Suzy minsan sa akin dahil sa sobrang higpit sa kanya nito. Imbes naman na sumang-ayon ay nakararamdam ako ng inggit minsan.

Nanlaki ang aking mga mata nang makitang kong matalim ang tingin ni Lucas sa akin. Nakabusangot na naman ang kanyang mukha at para bang ako na naman ang may kagagawan kung bakit masisira ang araw niya.

"Stop staring at me," matigas na utos niya. "Damn it," dugtong pa niya.

Maging ako ay napayuko na lang din. Sanay naman na ako sa kanya.

"Lucas, may lakad ka ba ngayon?" tanong ni Tita Sam.

Hindi ko na sinubukan pang muling tumingin sa kanya. Nakuntento na lang ako sa pakikinig.

"Yes, Mom. Sasama ako kina Tito Axus at Eroz," magalang na sagot niya rito.

"Magkakarera ka na naman," may bahid ng pag-aalalang pahayag ni tita.

Nakita ko kung paano hinawakan ni tito ang kamay nito para pakalmahin. "Baby, sina Axus naman ang kasama. Nothing to worry about," nakangising sabi nito.

Si Tito Axus naman ay ang asawa ni Tita Elaine na kapatid ni Tito Luke. Sikat na racer ito kaya naman gustong gusto ni Lucas na sumama pag tinuturuan din nito ang anak na si Eroz tungkol sa pagkakarera at sa mga sasakyan.

"Just be careful," paalala ni tita. Kahit pumayag na ay ramdam pa rin ang pag-aalala sa kanyang boses.

"Aryt," tipid na sagot ni Lucas.

Bumalik na ako sa aking kwarto pagkatapos kumain. Kailangan ko pa kasing mag-review para sa exams namin. Nasa kalagitnaan na ako ng pagme-memorize nang bigla na lang pumasok si Suzy sa aking kwarto, nagdadabog.

"Nakaiinis talaga si Lucas!" pagmamaktol niya.

Napangisi ako. "Nasaan na yung kuya?" pang-aasar ko sa kanya.

Humalukipkip ito at inirapan ako. Kuya ang turing niya sa kakambal dahil na rin sa kung ituring siya nito ay parang hindi sila magkaedad, mas mature mag-isip si Lucas.

"Hayaan mo na lang, sundin mo," payo ko sa kanya.

"Naku, Cara! Hindi ko alam kung sino ba talaga ang best friend mo sa amin ni Kuya, eh. Palagi mo na lang siyang kinakampihan. Palibahasa, crush mo siya," pagtatampo niya.

"Eh wala naman kasi tayong magagawa. Alam mo naman iyon, kung ano ang sinabi niya, 'yon ang masusunod."

Hindi na siya sumagot pa. Halos tumalon na lang ito pahiga sa aking kama."Pinayagan niya ako. Ang kaso ay dapat kasama ko raw siya," kwento niya habang nakatulala sa may kisame.

Dahan-dahan kong nabitawan ang hawak kong reviewer. Tumayo ako mula sa aking study table papunta sa kanya. Mukhang napansin niya iyon kaya naman bumangon siya.

"Ikaw ha! Gusto mo siyang mapanood no?!" pang-aasar niya sa akin. Walang pagdadalawang-isip akong tumango.

"Pero nagre-review ka," paalala niya sabay turo pa sa reviewer ko.

Mabilis kong binitawan iyon. "Pwede naman mamaya, pagkauwi natin."

Nginisian niya ako at pabiro pang inirapan. "Ewan ko sa 'yo, magbihis ka na nga." Pagkatapos sabihin iyon ay lumabas na siya sa aking kwarto.

Wala na akong sinayang na oras. Kaagad akong nagtungo sa aking walk-in closet para makapagbihis. Simpleng baby pink na polo at faded jeans ang sinuot ko. Alanganin ko pang tiningnan ang sarili ko sa salamin. Hindi ako katulad ni Suzy na pang-model ang katawan at artistahin ang mukha. Kahit anong isuot niya ay siguradong babagay sa kanya. Ako hindi. Walang wala ako kung itatabi sa kanya.

"Saan ka pupunta?" malamig na tanong sa akin ni Lucas. Pababa pa lamang ako ng hagdan ay iyon na kaagad ang bungad sa akin.

Dahan-dahan kong inangat ang tingin ko sa kanya. Sumalubong kaagad sa akin ang matalim niyang tingin. Ganyan naman siya palagi sa akin, palaging galit.

"Sa...sasama kay Suzy," nauutal pang sagot ko dahil sa kaba.

Mas lalo kong naramdaman ang lamig sa kanyang boses. "Hindi ka pwedeng sumama." Matapos akong irapan ay sinangga pa niya ako nang madaanan ako.

"Pero Lucas..." pigil ko sa kanya.

Masungit niya akong nilingon. "Si Suzy lang naman ang niyaya kong manood. Wala akong natatandaan na sinabi kong isama ka."

"Manonood lang naman ako, eh. Hindi naman ako manggugulo," paninigurado ko.

Mas lalong naglapat ang kanyang mga labi, halatang inis na. "Pagsinabi kong ayoko, ayoko! Naiintindihan mo ba 'yon!?" Tumaas na ang kanyang boses dahil sa inis.

Parang may kung anong bumara sa aking lalamunan dahil sa nagbabadyang pagluha. "Sabi kasi ni Suzy, pwede raw."

Kinain nito ang distansiya namin. "Kaunting kaunti na lang talaga, Cara. Wag mo akong sagarin, naiintindihan mo!? Akyat!" sigaw niya sa pagmumukha ko.

Hindi ko na napigilan ang paghikbi. Tumakbo na ako paakayat at nagkulong sa aking kwarto. Ilang beses akong kinatok ni Suzy. Sinabi ko na lang na sumama ang pakiramdam ko kaya hindi na ako sasama. Hindi pa siya naniwala nung una. Tumigil lang siya nang marinig ko rin ang pagtawag sa kanya ni Lucas dahil aalis na sila.

Buong araw na lang akong nag-review, hindi ko rin alam kung anong oras sila nakauwi. Maaga akong gumising kinaumagahan dahil may pasok.

"Girls, na kay Lucas na ang mga allowance niyo. Kunin niyo na lang," ani Tito Luke. Handa na rin siyang umalis para pumasok sa office. Mayroon silang sariling kompanya. More on sa construction and real estate.

Naunang umalis si Lucas, maaga talaga siya laging pumapasok. Ahead siya sa amin ng isang taon; na-accelerate kasi siya kaya naman mas nauna. Nasa kanyang pre-med course na siya dahil ipu-pursue niya ang medicine kahit pa nung una ay gusto sana ni tito na sumunod ito sa yapak niya—mag-manage ng kanilang kompanya. Masyadong matalino si Lucas, kahit mga higher years ay nasasabayan niya. Minsan napatatanong si Tita Sam kung normal pa ba ang anak niya.

"Cara, kay Kuya ka na lang sumabay mamaya pag-uwi, ha," bulong ni Suzy sa akin. Kahit ang driver ay ayaw niyang marinig iyon.

Kumunot ang noo ko. "At saan ka na naman pupunta?" tanong ko.

"Susunduin ako ni Ken," bulong pa niya at kinikilig pa.

"Pag 'yan nalaman ng kuya mo, lagot ka na naman," suway ko sa kanya.

"Sus, kunwari ka pa. Solo mo naman si Kuya mamaya," asar niya at tumili pa. Hindi pa siya nakuntento at tinusok pa ako sa tagiliran.

Nailing na lamang ako at itinuon ang atensyon ko sa may kalsada. Ilang beses na kasing ginawa ni Suzy na iwanan kaming dalawa ni Lucas. Buong akala niya ay sinasabay talaga ako nito sa pag-uwi pero ni minsan hindi nangyari iyon.

"Basta hintayin mo na lang siya sa quadrangle. Alam mo naman 'yon," paalala pa niya.

Pareho naman silang matalino, ito nga lang si Suzy ay madalas atakihin ng katamaran. Minsan nga sa mga quiz namin eh mas mataas pa siya sa akin gayong hindi naman siya nag-review. Samantalang ako itong kulang na lang ingudngod yung nguso ko sa libro ay hindi pa makapasa.

Gusto ni Lucas maging doctor. Sabagay, walang problema. Matalino at mayaman siya kaya walang hahadlang para maging ganap siyang doctor. Gusto ko rin sanang kumuha ng course related sa medical profession pero maging si Lucas ay sinabihan akong wag nang magtangka pa dahil sigurado raw na babagsak ako at sasayangin ko lang ang pera ng mga magulang niya. Bata pa lang kami ay kinupkop na ako nina Tita Sam, at hindi nila ako kailanman itinuring na iba.

Pagkatapos ng unang subject ay nakaramdam ako ng gutom ilang minuto pagkaalis ni Suzy. Hindi ko tuloy natanong kung nakuha na niya yung allowance niya kay Lucas. Kinuha ko ang wallet ko at nakitang kulang isang daan na lang ang laman n'on. Last week pa kasi ito na allowance. Minsan kasi ay hindi ko nakukuha yung allowance ko kay Lucas. Ang sungit kasi niya, iaabot na lang sa akin, kung ano-ano pa ang sasabihin.

"Anong pwede kong mabili rito?" Pamomroblema ko. Dito pa naman sa cafeteria namin ay kulang na lang ginto ang kainin mo para masabi mong worth it yung binayaran mo.

Nagbilang ako ng barya nang may tumabig sa akin. Nahulog ang mga barya ko dahil sa nangyari. "Ang laking harang kasi," inis pang sabi ni Lucas. Akala mo talaga may nagawa akong kasalanan sa kanya.

Hindi na lang ako kumibo at lumuhod para pulutin ang mga barya ko. "Nag-text si Suzy sa akin na isabay raw kita. Ilang beses ko bang sasabihin sayong wag mong utusan yung kapatid ko," reklamo niya.

Tiningala ko siya. "Wala akong inuutos," depensa ko.

Hindi ito nagpakita ng kahit anong emosyon. Yumuko na lang ulit ako para pulutin ang natitirang barya. "Excuse..." sabi ko nang makitang may limang piso na naaapakan siya.

"Lucas..." tawag ko sa kanya nang hindi man lang ito gumalaw.

"Hanggang kailan ka ba kailangan supportahan ng pamilya ko? Eh ang sarap ng buhay mo, ah! Wala kang iniintindi. Libre lahat sa 'yo kaya ka lumalapad, eh!" pang-iinsulto niya sa akin. Nasaktan ako pero nasanay na. Araw araw naman 'yan, eh.

Hindi ko siya pinansin. Pinilit kong dukutin yung limang piso sa ilalim ng sapatos niya kahit mahirap. "Alis nga diyan." Bahagya niyang pagtulak sa akin saka niya inangat ang paa niya bago sipain yung pera ko kung saan.

Naawa ako para sa aking sarili. Pero wala naman akong magagawa, totoo naman lahat ng sinabi niya.

Hindi ibinigay ni Lucas ang allowance ko para sa buwan na ito. Wala na talaga akong pera, buti na nga lang may alkansya ako. Nabasag ko na iyon nung nakaraang araw, 'yon ang sumuporta sa pang-araw-araw ko. Matagal pa ang susunod na buwan para sa allowance na naman. Hindi pwedeng tumunganga lang ako.

Ayoko namang humingi ng extra kina Tita Samantha. Kahit sinabi nito na kung kukulangin kami ay wag mahihiyang magsabi sa kanila.

"Saan ka?" tanong ni Suzy sa akin nang magpaalam ako sa kanyang hihiwalay ako sa kanya nung mag-uwian.

"Gagawa kami project ng mga classmate ko. Ako na lang uuwi mag-isa," paalam ko rito.

Balak kong mag-apply kahit sa fastfood o kahit casier sa mga grocery. Nahihiya na rin naman kasi ako na kina Tito Luke at Tita Samantha. Kahit wala akong narinig na kahit na anong reklamo mula sa kanila ay alam ko naman at naiintindihan ko ang sinasabi sa akin ni Lucas.

Nilakad ko ang halos tatlong kanto bago makarating sa hilera ng mga fastfood at maliliit na tindahan. Punuan karamihan dahil maraming nagwo-working student.

Napagpasyahan kong ituloy na lang ang paghahanap ko bukas pagkatapos ng klase. Ayokong gumastos kaya naman sinubukan kong maglakad. Sa kalagitnaan ng paglalakad ko ay may humintong kulay itim na Mustang sa gilid ng kalsada at kaagad itong bumusina. Alam ko kung kanino iyon.

"Lucas..." tawag ko sa kanya.

"Ang alam ni Mommy kasama kita pauwi. Pag tinanong ka mamaya, sabihin mo sinabay kita," utos niya sa akin na kaagad kong tinanguan.

Nadismaya na naman tuloy ako. Akala ko naman ay isasabay na rin niya ako. Bago pa man ako umalis ay tinawag niya ulit ako. Nagulat na lang ako nang binato niya ako ng pera, nahulog iyon sa lupa.

"Oh ayan, pamasahe," mayabang na sabi niya bago pinaharurot ang kanyang sasakyan palayo sa akin.

Napabuntonghininga na lamang ako. Pikit mata kong pinulot ang perang ibinato niya.  

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro