Prologue
Kilig na kilig na pinagmamasdan ng labing-anim na taong gulang na si Jia ang sarili sa harap ng salamin ng luma niyang aparador. Suot-suot na niya ang gown na nirentahan niya sa bayan para sa prom nila sa makalawa. Katas ng paglalabada niya ng dalawang Sabado sa bahay ni Nyora Pilar ang ipinangrenta niya sa gown na 'yon. Pero sulit ang lahat ng pagod at mga paltos sa kamay na natamo niya dahil umangat ng 100% ang kagandahan niya! Tama nga ang sabi ng baklang si Temi, ang may-ari ng dress shop sa palengke. Lalong umangat ang natural niyang pagka-mestiza dahil sa kulay dilaw na gown.
"Ikaw ang pinakamagandang dilag sa balat ng lupa. Ang kutis mo'y nakasisilaw sa ganda. Ang iyong hininga'y kasing halimuyak ng sampaguita. Sa iyong kagandahan lahat napapadapa. Oh Diyosang Jia, ikaw nga talaga'y biyaya dito sa tigang na lupa."
Nagniningning ang mga matang sambit niya, itinaas pa ang mga kamay na parang nag-aaleluya. Magtutuloy-tuloy pa sana ang pag-iilusyon niya kaso may biglang bumatok sa kanya.
"Ay! Anak ng pating na minalarya!" reklamo niya nang mauntog ang noo niya sa salamin. Aalagwa na sana ang inis niya sa chakang mapagmalabis na panira ng monument niya, pero mukha ni Tiyang Bebang ang nalingunan niya.
"Biyaya sa tigang na lupa pala ha!" nakahalukipkip na komento ng tiyahin niya. Bakas sa pagkakangiti nito ang pag-aasar.
At dahil hindi siya makaganti, napakamot na lang siya ng ulo. "Tiyang naman, e!"
"Tiyang naman, e." Ginaya siya nito sa maliit na tinig bago pinasadahan ng tingin ang kabuoan niya. Umiling ito pagkatapos, bago pumalatak. "Mas maganda pa rin ako kaysa sa 'yo Jianna Elise. Kaya 'wag kang masyadong ilusyonada."
Lihim siyang napa-ismid. Si Vivian Magnaye o mas kilala niyang Tiyang Bebang ay ang nag-iisang kapatid ng kanyang namayapang ina. Trese lamang siya nang mamatay sa isang malagim na aksidente ang kanyang mga magulang. At mula noon, bilang natitirang kamag-anak, ang Tiyang Bebang na niya ang kasama niyang naninirahan sa maliit na tahanan na naipundar ng mga magulang niya sa San Juan, Batangas. Nagta-trabaho ang tiyahin niya sa isang KTV Bar sa bayan. Madalas itong pagtsismisan ng mga kapitbahay nilang malisyoso kesyo nagbebenta raw ito ng panandaliang aliw. Pero, deadma lang siya. Ang sabi kasi ng tiyahin niya dapat maniwala lang daw siya sa mga sabi-sabi kapag may ebidensya. E, sa awa naman ng mahabaging langit, sa loob ng tatlong taon, hindi pa niya nakitang nag-uwi ng lalaki ang tiyahin niya o nakitang itini-take home ito ng mga parokyano sa KTV Bar.
"Tiyang naman e! Nagpapraktis lang para sa prom," napapalabing dahilan niya bago yumuko at plinantsa ng kamay ang suot niyang gown.
Umirap ang tiyahin niya. "O siya, siya, hubarin mo 'yan at pumunta ka ro'n kina Aling Baby. Bumili ka ng isang litro ng Coke at limang pirasong Sky Flakes."
Nagkandahaba ang nguso niya, napapadyak pa ng paa. "E, Tiyang, hindi na nga daw po tayo pauutangin ni Aling Baby kasi mahaba na po ang listahan natin-"
"Bayad na," putol sa kanya ng tiyahin bago ito dumukot ng isandaan sa bulsa nito. "O, 'yan, kasya na 'yan. At saka nga pala bumili ka na rin ng Biogesic." Minasahe nito ang sentido. "Parang mina-mindgrain ako. Bilisan mo ha!" sabi pa nito bago tuluyang lumabas ng kanyang kwarto.
Nagmadali siyang nagbihis at lumabas ng bahay. May napansin siyang itim na kotse na nakaparada sa tapat ng bahay nila. Bisita siguro ng kapitbahay, naisip niya.
Nang makarating siya sa tindahan ni Aling Baby, may session na naman ang mga tsismosang mimosa kahit mag-aalas nuwebe pa lamang ng umaga. Hindi na lang niya ulit pinansin ang mga ito at mabilis na sinabi kay Aling Baby ang mga bibilhin niya.
"Balita ko asensado na daw si Bebang, Jia," pukaw sa kanya ni Aling Lukring, ang BFF ni Aling Baby at nagpapataya ng jueteng sa lugar nila.
"Oo nga, Jia! Totoo bang kinursunada ng foreign-ger do'n sa KTV? Nakita kasi ni Cecille sa mall si Bebang, may kasamang foreign-ger," segunda pa ni Aling Marites. Ang anak nitong si Cecille ang itinanghal na Binibining San Juan noong piyesta at kasalukuyang nag-aaral sa kabisera.
Alanganin siyang ngumiti. Ano bang isasagot niya, e wala naman talaga siyang alam. Hindi naman kasi nagku-kuwento ang tiyahin tungkol sa personal nitong buhay. Basta ang importante raw ay napag-aaral siya nito. Noon naman dumating si Nelly, ang baklang kaibigan ng tiyahin niya.
"O, naka-alis na si Bebang?" tanong nito sa kanya.
"P-po?"
Nangunot-noo ito bago ipinalibot ang tingin sa lahat ng nasa tindahan. "Ngayon ang alis ni Bebang papuntang Maynila. Tapos na kasing lakarin ng dyowa niyang German ang mga papeles ng maswerteng bruhilda. At 'wag kayo, sa Lunes na agad-agad ang flight nila papuntang ng Germany. O, 'di ba, kabogera rin ang byuti ni Bebang. Pang-abroad at—"
Hindi na niya pinatapos ang mga sanay sasabihin pa ni Nelly. Bitbit ang mga binili niya, patakbo siyang umuwi upang kumpirmahin ang tsismis. Oo, tsimis dahil sabi nga ng tiyahin niya, 'wag basta maniniwala kung walang ebidensya. At hindi siya naniniwalang kaya siyang iwan ng tiyahin niya nang mag-isa.
"Tiyang! Tiyang! Nandito na po mga pinabili ninyo!" sigaw niya habang inilalapag sa mesita sa salas ang mga binili niya. Nagmamadali niyang binuksan ang kuwarto nito maging ang kuwarto niya, ngunit ni anino ng Tiyang Bebang niya hindi niya nakita.
Sa puntong iyon, bumigat na ang dibdib niya. At habang naguguluhan siya, nahagip ng mata niya ang isang papel sa hapag sa kusina. Agad niya iyong binasa.
Jianna,
Patawarin mo 'ko sa pag-iwan ko sa 'yo. Hindi ko sinabi sa 'yo dahil alam ko, masasaktan ka nang husto at ayoko 'yong makita mismo. Pero ito lang talaga ang alam kong paraan para makaahon sa hirap. Alam ko, ramdam ko, mahal naman ako ni Stefan. Kaso ayaw niya sa bata. Hindi ko maipilit na isama ka. Kaya sana mapatawad mo ako. Pero pramis, kapag nando'n na 'ko, papadalhan kita ng pera. Makakapag-aral ka na hanggang kolehiyo, bagay na hindi namin nagawa ng mga magulang mo. Pasensiya ka na, wala akong maiwan na pera sa 'yo. Kaya pagtiyagaan mo na lang muna 'yang Coke at Sky Flakes.
Magpakabait ka, ha? Pangako, magkikita tayo ulit, Jianna.
Ang pinakamaganda mong Tiyahin,
Vivian Magnaye alyas Tiyang Bebang
PS. May utang akong treinta pesos na load kay Nelly, pakibayaran muna. Salamat.
Panay ang patak ng luha ni Jia. Kapag kuwan'y inilibot niya ang tingin sa kabuoan ng maliit na bahay. Totoo nga ang chismis, mula ngayon, mag-isa na lang siya.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro