Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 8: Shoot Sa Banga


          Tumunog ang cellphone ni Jia. Alanganin niyang itinigil ang pagtipa sa computer bago pairap na dinukot ang cellphone mula sa bulsa ng kanyang palda.

         Tyrone, 11:30 AM

        Kumain ka na?

         "Tukmol talaga," naiinis niyang bulong. Anong akala nito sa kanya? Gaya nito na boss at kakain kung kailan gustong kumain?

          Tikwas ang mga ngusong nagbuga siya ng hininga bago muling isinuksok sa bulsa niya ang cellphone. Magda-dalawang linggo nang binabagabag ng lalaki ang ganda niya. Mula kasi nang tanggihan niya ang alok nitong tumira sa bahay nito, hindi na siya nito tinantanan. E sino ba naman ang papayag kung ang ibinigay sa kanyang rason ng pag-aya nitong tumira sa bahay nito ay, "Wala si Ashley. Matatagalan siya sa Paris dahil sa project namin doon. I am looking for a housemate."

           Hindi niya napigilan ang muling mapairap. Ano ito si Big Brother at naghahanap ng housemate? Juskolerd! Wala kaya siyang balak mag-artista!

         Ang sabihin mo, expectorant ka! Nage-expect ka na kaya ka niya inayang tumira sa bahay niya kasi espesyal ka sa kanya. Taas din ng pangarap girl. Kape kape rin kasi 'pag may time, pang-ookray na naman ng lohika niya.

       Asar siyang nangalumbaba. Kung tao lang ang lohika niya baka matagal na niyang sinakal. Palaging nang-aano e.

       Pero tama rin naman ang lohika niya, expectorant siya, hopia at asado pa! Kaya siya nasaktan dahil sa sinabi nitong rason. Akala pa naman niya, nakita na rin nito ang bright futuristic future nito na kasama siya at ang baby niya. 'Yon pala housemate lang ang gusto nito. Tapos pagbalik ni Diwatang Ashley, force eviction siya?

       Sa'n pupulutin ang ganda niya 'pag gano'n? Buti sana kung ganda lang niya ang nakasalalay, kaso jumo-join ang puso niya sa pag-iinarte kapag nandiyan si Tyrone— ambisyosa ring nagsha-sharamdaram sa tukmol.

       Kaya, the answer is no. Final answer.

       "Jia, tapos mo na 'yong pinapagawa ko?" ani Ms. Alexa sa intercom.

       Napangiwi muna siya bago sumagot. "Yes ma'am. One moment in time, please."

       Nagmabilis siyang tumipa sa computer. Hindi naman siya kasi talaga nakatoka sa pagta-type ng mga sulat, gawain 'yon ni Aleli. Kaso naka-leave ang bruha kaya tuloy bilad na bilad ang natatarantang huwisyo niya sa gawaing opisina. Nang matapos niya ang pagta-type, agad siyang nag-print at mabilis na inihatid ang dokumento sa opisina ni Ms. Alexa.

       "Ay may visiting visitor po pala kaya, Ma'am," nahihiyang komento niya nang makita niya si Sophie Benitez, isa sa mga matatalik na kaibigan ni Ms. Alexa. Supermodel si Ms. Sophie at halatang-halata iyon sa pag-project nito ng sarili nito mula head, shoulders, knees and toes.

       "Hello," bati nito sa kanya na ipinilantik pa ang mga kamay na para lang itong nagpa-piano sa hangin.

       Ngiti lang at tango ang naisagot niya rito. Idol niya kasi ito sa rampahan. Minsan na niyang ginaya ang paglalakad nito nang sumali siya sa Mr. and Ms. Estrella's Resort. Parte 'yon ng Christmas Program nila sa resort at eksklusibong para sa mga empleyado lamang. Pak naman ang ganda niya kaso sablay siya parati sa Q and A. Ano namang magagawa niya, slight na ganda lang talaga ang meron siya tapos ang brain niya may damage.

       Alanganin siyang lumapit kay Ms. Alexa. Mabilis nitong tinignan ang dokumentong ibinigay niya bago iyon pinirmahan.

       "Pakibigay na lang kay Charlie, Jia. Pakisabi ASAP 'yan," bilin pa ng boss bago ibinalik sa kanya ang folder. Mabilis itong bumaling kay Ms. Sophie pagkatapos. "Wala akong kilalang puwede mong maging assistant, Sophia. Kahit ba isang araw lang 'yan, hindi ko puwedeng ipahiram sa 'yo si Gail. Magwawala si Kylie kapag 'di niya nakita ang yaya niya kahit isang araw lang."

       "Ilang oras lang naman, e. Tapos Sabado pa. Kung hindi lang ba nag-resign 'yong dati kong assistant hindi ko na hihiramin pa si Gail. Wala lang talaga akong magpagkakatiwalang tao pa sa ngayon. At least si Gail, kilala ko kahit papano. Besides, hindi ko naman siya babaratin sa fee niya, I'll give five thousand for a 6 hour job. Promise, Alexa, not an hour late."

       Hindi na tinuloy pa ni Jia ang paglabas sa opisina ni Ms. Alexa bagkus pumihit siya pabalik sa dalawang magkaibigan na nag-uusap at walang hiya-hiyang sinabing, "Truli Ma'am, 5k pesosesoses ang talent fee ng assistant mo?"

       Ngumiti si Ms. Sophie. "Oo. Bakit, gusto mo?"

       "Truli Ma'am! Final answer!"

       "Jia!" saway sa kanya ni Ms. Alexa.

       "Ma'am, Sabado naman po, e. Sayang naman ang anda Ma'am. Dapat hindi 'yon tinatanggihan baka magtampo," pagrarason niya na ikinangiti ng boss niya.

       "Hay naku, Jia. Bahala ka na nga. Ikaw Sophia, kapag may nangyari rito kay Jia, sagutin mo 'yan kay Json. Kung nandito lang 'yon ngayon at wala sa HongKong, sigurado ako, mas dadaigin pa no'n ang reporter kakatanong." Tumayo na si Ms. Alexa at pinulot ang bag nito. "Gutom na 'ko. Yaman din lang namimirata ka ng empleyado, lunch is on you, Mrs. Mendoza."

       "Sure, no problem," mabilis na sagot ng modelo. Tumayo na rin ito bago bumaling sa kanya at hiningi ang number niya. Mabilis naman niya iyong ibinigay. "I'll call you on Friday. Thank you, Jia. Hulog ka talaga ng langit." Bineso pa siya nito bago tuluyang umalis.

       Nang siya na lang ang naiwan, wala sa sarili siyang napahawak sa tiyan niya.

       "May raket na tayo baby," aniya bago tuluyang lumabas ng silid.


*****


       "Sit."

       "Seet."

        "Anong seet?" Nagsalubong ang kilay ni Nathan. "Short 'i' lang 'yan, kaya hindi mo kailangang habaan ang pronunciation. Again, sit."

       "Sit," ani Jia, gayang-gaya ang pagkakabigkas ng lalaki.

        "Good job. Next is sat."

        "Sat," ginaya niya ulit ang pagkakabigkas ng lalaki.

        Ngumiti ang lalaki. "Sit is the present tense and sat is the past tense. Gets?"

        "Ngeks este ang ibig kong sabihin, gets," tarantang sagot niya.

        Wala sa sarili siyang napainom sa juice na nasa tabi niya. Natetensyon siya kasi kay Nathan. Naroon pa rin kasi ang awra nitong misteryosong problemado na ewan. Kahit pa na nasa coffee shop lang sila malapit sa DLVDC Tower at kumportable na siya sa lugar, hindi pa rin niya maiwasang nerbyosin. Baka kasi totoong nambabatok ito.

        "Alam mo okay naman ang pronunciation mo. Mas maganda siguro kung vocabulary words muna ang pag-aralan natin. Lalo na ang workplace terminologies. Mas makakatulong 'yon sa 'yo. Ang pronunciation ng words mas madali 'yang matutunan kaysa sa pagpapalawak ng vocabulary. Bibigyan kita ng assignment." Naglabas ito ng ilang piraso ng papel bago iniabot sa kanya. Muntikan pa siyang malula nang makita niya ang nakasulat sa mga papel. "Those are the first 100 workplace and business terminologies na kailangan mong i-define or bigyan ng meaning. May dictionary naman siguro kayo sa bahay niyo 'di ba?"

       Alanganin siyang tumango. Oo may dictionary siya. Pinabili pa iyon ng pinakaunang tutor niya.

       Tatlong beses sa isang linggo, mula alas-sais hanggang alas-siete ng gabi, lang ang pagtu-tutor ni Nathan sa kanya. Pero heto, kalagitnaan ng Lunes at unang beses pa lang 'yon ng English lessons niya rito pero pagpapadugo na agad ng utak niya ang pinaplano nito. Mukhang tama ang hinala niya, siya ngayon ang unang susuko.

       "Kaya mo 'yan. 'Wag ka masayadong ma-stress sa dami nang kakabisaduhin mo. We will do 20 words per session. Gagawa ka ng sentences or paragraph gamit ang mga bagong vocabulary words mo para malaman natin kung talagang naiintindihan mo sila o hindi." Sumipsip ang lalaki sa ice tea na nasa gilid nito bago nagpatuloy. "'Wag mo masyadong i-stress ang sarili mo. 'Pag natapos mo 'yang listahan na 'yan, sigurado, madali na lang ang iba para sa 'yo."

       Bumaba ang tingin niya sa mga papel na hawak niya. Wala pa yata sa sampu ang pamilyar sa kanya. Juskolerd! Baka kapag natapos niyang kabisaduhin lahat ng 'yon, henya na siya pero ubos na ang dugo niya.

       May itatanong siya sana kay Nathan kaso mukhang abala ito sa pagte-text. Madilim ulit ang awrahan ng guwapong mukha nito. Mas bouncer nga ang datingan nito ngayon kaysa sa tutor dahil sa gray na muscle shirt na suot nito.

       Maingat niyang tiniklop ang papel at isinuksok iyon sa bag niya. Maya-maya pa, may kausap na si Nathan si cellphone nito. Pabulong ito kung makipag-usap pero narinig niyang 'Lea' ang pangalan ng kausap nito.

       Dyowa siguro nito, naisip niya.

       Nang tapusin nito ang tawag, nag-aya na siyang umuwi. Lalo kasing nangunot ang noo ng lalaki. Tumango lang ito bago siya inalalayan palabas ng café. Gaya noong Lunes, hinatid siya nito sa hintayan ng jeep. Matapos magbilin tungkol sa lessons nila sa Miyerkules, tuluyan na itong nagpaalam. Iba kasi ang ruta nito pauwi.

        Rush hour at balik ulit si Jia sa pakikidigma. Nitong mga nakaraang araw, nahihirapan na rin siyang mag-commute pauwi. May ngalay na siya kasing nararamdaman sa mga binti niya kahit na hindi pa naman malaki ang tiyan niya. Sabi ni Dr. Pedroza, maliit daw siyang magbuntis pero malusog naman ang baby niya.

       Abala sa pagpara ng jeep pauwi si Jia nang mula sa likod niya, may tumawag sa kanya.

       "Jia."

       Lumingon siya. "Tyrone?"

       Lumapit sa kanya ang lalaki at binigyan siya ng panyo. "Cover your nose with it. Mausok."

       Alanganin niyang tinanggap ang panyo nito at itinakip sa ilong niya. Napilitan siya tuloy na gumilid sa isang convenience store sa malapit kasama ito.

       "Anong ginagawa­—"

       "Tara, hatid na kita."

       "Naku 'wag na," mabilis niyang tanggi. "Isang sakay lang naman ang uuwian ko."

       Nangunot noo ang lalaki, may bahid ng tampo ang mga mata nito. "Iniiwasan mo ba 'ko, Jia?"

       "Oo este ang ibig kong sabihin h-hindi," tarantang sagot niya.

       Iniiwasan nga ba niya ito?

       Check.

       Pero gusto niya itong makita?

       Check din.

       Expectorant ba siya rito?

       Check na check kahit sana hindi dapat.

       So pa'no? Pag-iwas na lang talaga ang tanging magagawa niya. Pero base sa pangungulit nito sa kanya, mahihirapan siyang gawin 'yon.

       "Dahil ba 'to sa pag-aaya ko sa 'yo na tumira sa bahay ko?"

        Lihim niyang kinagat ang pang-ibabang labi niya. Ayaw niyang sumagot. Hindi siya sasagot. Delikado. Baka kung anu-ano na namang ang masabi niya, malagay na naman siya sa alanganin.

       Bumuntong-hininga ito. "Was that your boyfriend?"

       "Ha?"

       "'Yong kasama mong lumabas ng coffee shop kanina, siya ba ang boyfriend mo?"

       "H-hindi. English tutor ko. Si Nathan," sagot niya. Hindi niya alam pero parang umaliwalas ang mukha ng lalaki matapos niyang sumagot. Masarap bigyan ng meaning ang ganoong eksena pero pinigil niya ang sarili. Expectorant lang siya pero ayaw na niya sa hopia at asado. Alam niya ang lugar niya— nila ng baby niya, sa buhay nito.

       "'Yong truli Tyrone, bakit ka nandito?"

       "Hindi ka kasi nagre-reply sa mga text ko e. Naisip ko na baka may nangyari na sa... sa baby ko."

       "'Di ba sabi ko sa 'yo, tatawagan kita kapag kailangan ko ng tulong. Maayos naman si baby. Wala kang dapat ipag-alala," kalmadong sagot niya.

       Tumango-tango ito bago nagyuko. Para itong pagod at lito.

       "Ano... gabi na kasi, Tyrone. Pagoda ako kaya gusto ko na rin sanang umuwi," alanganing paalam niya sa lalaki.

       "Hatid na kita."

       "'Wag—"

       Mabilis nitong ginagap ang kamay niya. "Please Jia, let me."

       At dahil may magic ang mga mata ng lalaki, napa-oo siya sa pakiusap nito. Tahimik sila buong biyahe. Pansin niyang hulog sa malalim na pag-iisip ang lalaki kaya nag-aalangan siyang mag-umpisa ng usapan. Mabilis naman nilang narating ang destinasyon nila.

       "Thank you, Tyrone," aniya nang nasa tapat na sila ng inuupahan niya.

       "She asked for space again," malungkot na balita nito, ang mga mata nasa unahan pa rin ng sasakyan.

       Bumaling siya rito. "Si Ashley?"

       Tumango ito. "Gusto raw niyang subukan kung kaya naming dalawa ang magkalayo bago kami ikasal."

       "Anong sabi mo?"

       "E 'di, pumayag ako. Gano'n naman siya e. Kahit ayaw ko, gagawin niya pa rin."

       Agad na nag-switch ang buton ng pagkachismosa niya at kahit rendahan niya, 'di niya napigilan ang humopia at umasado. "K-kailan pa?"

       "About a week, before I saw you in the club."

        "A... so keep bleeding in love ka talaga noon," wala sa sariling komento niya bago sumandal sa upuan. Totoo nga, malungkot lang ang tukmol kaya ito naghahanap ng housemate.

       "Ha?"

       "Ha? Wala sabi ko... magkakabalikan din kayo."

        Ngumiti ang lalaki. "'Yan talaga ang tingin mo?"

       "Naman! Truli! Wala ka bang tiwala sa hilatsa ng mukha mo? Hindi nga lang katawan mo puwedeng pagkakitaan. Pati nga hininga mo puwede ring ibenta e. Malas lang ni Ashley 'pag pinakawalan ka pa niya. Mawawalan siya ng negosyo."

      Natawa ang lalaki. "Nakakaaliw ka talagang kausap."

       Aray! Kanfirmed! Pang-aliwan lang talaga ang ganda niya para rito.

       Tumikhim siya at pinasigla ang boses. "Ayan, hapiness ka na. Puwede na siguro akong bumaba."

       Sinilip nito ang inuupahan niyang bahay. "Hindi mo ba ako iimbitahin sa loob?"

       "Ay wiz! Hindi pang-sosyal ang loob ng bahay ko. Nakakahiya."

         Ngumiti lang ang lalaki. "Hindi ka ba nahihirapan sa gabi kapag natutulog ka nang walang kasama?"

        "H-hindi. Borlogs kaya ako hanggang umaga," pagsisinungaling niya. Sa totoo lang hindi maayos ang tulog niya sa gabi. Ginigising siya kasi ng pag-ihi niya nang maya't maya.

       "Jia, you know I'm just here, right?" malamlam ang mga mata nitong tumitig sa kanya. "Kung kailangan mo ng tulong ko sa kahit na anong bagay, just tell me. Lalo na pagdating kay baby."

       Alanganin siyang tumango. Masarap bigyan ng meaning ang titig nito, ang paaraan nito ng pakikipag-usap, at ang kasalukuyang paghawak nito sa kamay niya. Pero...

       "Susunduin kita bukas sa office niyo," anito, habang hawak pa rin ang kamay niya.

       "B-bakit?"

       "We're going somewhere." Nangunot ang noo niya. "And please, say yes. We'll be quick. Promise." Ngumiti ito at marahang pinisil ang kamay niya.

       Tumango na lang din siya para matapos na ang usapan. Babang-baba na siyang talaga. Gusto na niya kasing maging maayos ang paghinga niya. Pakiramdam niya kasi kapos ang hangin sa paligid kapag si Tyrone ang kaharap niya at sa mga nakalipas na araw, palala iyon nang palala.

       "S-sige, mauna na 'ko. Salamat ulit sa paghatid," ani Jia. Kinalag niya ang seatbelt niya ngunit nang mahirapan siya, tumulong na ang lalaki. Nang mag-angat siya ng ulo, ilang pulgada na lang pala ang pagitan ng labi niya sa mga labi ng lalaki.

       Natigilan silang pareho. Sandaling naghinang ang kanilang mga mata bago tuluyang naglapat ang kanilang mga labi. Kung sino ang humalik kanino, hindi na alam ni Jia. Basta ang alam niya, magaan ang paghalik ni Tyrone sa mga labi niya, masuyong dumadama at pinasusuko ang kanyang lohika.

       Busina mula sa kung saan ang nagpahiwalay sa kanilang dalawa.

       "Ay kabayong bakla!" bulalas pa niya. Agad niyang natutop ang kanyang bibig at namumula ang mukhang sinulyapan si Tyrone na tila gulat din sa nangayari. Agad siyang umiwas ng tingin.

       "S-salamat sa p-paghatid. Take care 'coz, I care. Ay mali! Basta, ingat ang daan sa 'yo este ingat sa 'yo ang daan. Ay mali pa rin!" Napangiwi na siya. "M-mag-ingat ka pauwi."

       Natataranta niyang binuksan ang pinto ng kotse bago siya tumalilis pababa. Nang marating niya ang kanyang kwarto, ibinagsak niya ang sarili sa kama at tumitig sa kisame.

       Wala sa sariling hinawakan niya ang kanyang labi. At habang hindi pa siya nakakahuma sa halik ni Tyrone, umakyat na ang kilig mula sa kanyang tiyan patungo sa kanyang dibdib.

       Napasinghap siya at lalong natutula. Kahit hindi dapat, pero mukhang tunay na nga, nahulog na siya sa banga ng pagsintang tunay para kay Tyrone San Miguel.

       At dahil windang pa si Jia sa natuklasan niyang damdamin para sa ama ng dinadala niya, pinagtaguan niya ang lalaki ng sumunod na mga araw.


###

2534words ed 2560 /9:21am/07042019

#MyUnexpectedYou

FB Page: Dazzling Girl WP







Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro