Chapter 7: Ano Daw?
Araw ng Sabado
Alas-dos ng hapon ang check up ni Jia kay Dr. Pedroza. Talagang ni-request niya na kung maari, i-schedule ng doktora ang check up niya ng weekend upang wala siyang trabaho. Hindi pa siya kasi handang sabihin sa mga katrabaho niya, lalo kay Json, na buntis siya.
Wala man sa budget niya, nag-taxi siya papunta sa ospital. Masyado kasing mainit ang panahon. Hindi siya gaanong nakatulog kagabi at inaalala niya na baka mahilo siya sa daan.
Pagbaba niya sa taxi, sumalubong agad sa kanya ang isang lalaking naka-baseball cap at face mask na kulay itim. Sa takot at gulat niya, bigla na lang niyang inihambalos sa estranghero ang bag niya. Kung miyembro man ito ng gang o holdaper, uunahan na niya ang walanghiya!
"Aray! Stop it, Jia. It's just me!" anang lalaki bago nito nagmamadaling inalis ang face mask nito.
Lalong sumulak ang inis niya nang magpagtantong si Tyrone ang lalaking nasa harap niya. Nanggigigil niyang muling inihambalos ang bag niya rito.
"Lintek kang tukmol ka! Nanggugulat ka pang talaga! Nag-cry me-a-river na nga ako dahil sa pang-ookray mo, nagpakita ka pang talaga! Nakariding-in-tandem costume ka pang talagang lintok ka! Ano sisindakin mo 'ko? Jusko! Miyembro ako ng Kapisanan ni Gabriela! Atapang atao 'to, hindi atakbo!" tuloy-tuloy na litanya niya habang panay naman ang salag ni Tyrone sa bag niya.
"Jia, tama na! Nandito lang ako kasi check up mo 'di ba?" rason nito, ang mga braso nakasalag pa rin sa mukha nito.
Natigilan siya sa sinabi ng lalaki. Panay ang taas-baba ng dibdib niya habang nakatingin dito. Namumula na ang mga braso at mukha ng lalaki. Natanggal na rin ang cap nito. Hantad na hantad tuloy ang kagwapuhan nito.
"N-naalala m-mo?" hindi makapaniwalang sabi niya.
Bumuntong hininga ang lalaki. Ipinasada ang kamay sa buhok bago muling isinuot ang cap nito.
"Of course, I remember," anito sa mababang tinig.
Umirap siya kunwari upang sana palisin ang nararamdaman niyang tuwa dahil mukhang totoo nga, susuportahan siya nito sa pagbubuntis niya. May kaunting moment na nga sana ang kunsensya niya kaso nang-agaw agad ng eksena ang lohika niya at ipinaalala ang ginawa nito kagabi.
Bitbit ang inis at asar mula pa kaninang madaling araw, nagpatiuna si Jia sa pagpasok sa ospital.
"Jia, wait up," sabi Tyrone bago mabilis na humabol sa kanya. "Jia, walk slowly. Baka kung mapano kayo ng baby natin," anito na inunahan pa siya sa paglalakad at kunwari hinahawi ang daraanan niya.
Baby natin.
Nanikwas na ang nguso niya. Muntik nang maglunoy ulit sa kilig ang puso niya. Kaso, pinaalalahanan niya ang sarili na galit pa siya rito. Baka isipin nito, isang salitang pakilig lang mula rito ang katapat niya. Ano ito sinuswerte?
Manigas ito!
At dahil matindi pa rin ang pagngingitngit ng dibdib niya, tahimik siyang nag-iba ng direksiyon at mas pinili niyang maghagdan kaysa mag-elevator. Nasa third floor ang clinic ni Dr. Angel Pedroza, iyon ang nakalagay sa calling card na binigay nito sa kanya.
Ginamit niya ang oras na nasa hagdan siya upang pakalmahin ang kanyang sarili. Nagtotoyo kasi siya. Kahapon lang gusto niyang makita si Tyrone. Pero ngayong umaparisyon na ito, nabubuwisit naman siya sa presensya nito.
So, pa'no? Ang hirap ispelengin ng toyo niya. Juskolerd!
Pagdating niya sa klinika ni Dr. Pedroza naroon na si Tyrone. Naka-costume na naman ito ng riding in tandem. Kasalukuyan nitong tinatanong ang nurse na naroon kung nasaan siya.
"Tyrone," pormal na tawag niya sa lalaki.
"Sa'n ka galing?" tanong nito nang tuluyan na itong makalapit sa kanya.
"Naghagdan ako."
Kumunot ang noo nito. "Ba't 'di mo 'ko sinabihan? Para tuloy akong baliw na salita nang salita, wala pala akong kausap sa loob ng elevator."
Hindi niya napigilan ang mapahagikgik sa sinabi nito. Nai-imagine niya na nagsasalita itong mag-isa habang walang kausap. Pihado pinagkamalang krung-krung ang guwapo ng mga nakasabay nito sa elevator.
"Natawa ka pa talaga. Sige magtawa ka lang. I deserve that," naghihinanakit na komento nito bago naupo sa bench sa waiting area. Umirap naman siya at dineadma ang pagpapa-awa effect nito.
Dumiretso siya sa nurse at sinabi ang pangalan niya. Mabilis namang kinuha ng nurse ang blood pressure at timbang niya. Sinabihan siya nito na maupo muna sa waiting area dahil may kausap pa na pasyente si Dr. Pedroza.
Walang imik niyang tinabihan si Tyrone sa waiting area. Mabilis naman itong bumaling sa kanya.
"Sino bang balak mong holdapin at naka-riding-in-tandem costume ka?" mahinang tanong niya.
"Allergy. Napilitan akong kumain ng lobster sa luncheon meeting ko kahapon e. Namamantal ang mukha ko, nakakahiya," paliwanag nito bago inalis ang face mask nito.
May mga pantal nga ang pisngi ng lalaki. Akala niya kanina, resulta ng paghambalos niya rito ang pamumula ng pisngi nito. 'Yon pala nangati lang ito sa kinain nito kahapon.
At saka anong sinasabi nitong nakakahiya? Namumula lang ang pisngi nito nakakahiya na.
"Guwapo ka pa rin," naisatinig niya ang nasa isip niya. Gulat na tinutop niya ang bibig pero huli na ang lahat, ngumiti na ang tukmol dahil sinabi niya.
"Talaga?"
Tumikhim si Jia at umiwas ng tingin. "Bakit hindi ka ba tumitingin sa salamin?" aniya sa pormal na tinig bago kinagat ang pang-ibabang labi niya upang pigilin ang bibig na disgraya yata ang dulot sa kanya tuwing ibinubuka niya.
"Tumitingin. Pero ngayon mo lang kasi sinabi na guwapo ako." Ngumisi ito na parang bata.
Tumikhim siya ulit nang makaramdam siya ng windangang ganap sa loob ng dibdib niya. "Bakit wala pa bang ibang nagsabi na guwapo ka? Sigurado ako, marami na. Pila-pila nga ang mga billboards mo sa EDSA e. Hindi naman nila siguro ihahambalang 'yang mukha mo kung saan-saan kung hindi ka macho gwapito 'di ba. At saka, hindi mo ba alam, pinagpala ang lahi mo. Crush ka kaya ng buong universe tapos—"
"E ikaw, crush mo rin ako?"
Natigilan si Jia sa tanong ni Tyrone. Mabilis niya itong sinulyapan. Seryoso ang guwapo sa tanong nito at hinihintay talaga ang isasagot niya. Umiwas na lang ulit siya ng tingin dahil ayaw man niya, pinamulahan na siya ng pisngi dahil sa tanong nito. Bakit ba ito nagtatanong ng gano'n. E, honesto pa naman siya. Baka may masabi na naman siya na isusumpa niya mamaya.
Isang minuto ring nawindang si Jia dahil sa tanong ni Tyrone. Buti na lang maganda ang timing ng nurse at tuluyan na siyang tinawag sa loob ng clinic.
"Hello, kumusta ka?" bungad ni Dr. Pedroza. Pinahiga siya nito sa kama at sinimulan siyang ieksamen. Maganda ang doktora, angat na angat ang pagiging mestisahin nito. Lalo pang nagpaganda rito, ang masayahing ngiti nito. Tantya niya, matanda lang sa kanya ito ng ilang taon, kaedaran siguro ni Tyrone. Pero bata itong tignan.
Siyempre, shala, paalala ng isip niya.
Masuwerte talaga ang sosyal at elistista. Haggardo na pero fresh pa ring tignan. 'Di katulad niya kaunting usok lang ng traffic, daig pa niya ang nakipagdigma ng isandaang taon.
"Gusto mong marinig ang heartbeat ng baby mo?" tanong nito maya-maya. Excited siyang tumango. "May kasama ka?" tanong pa nito.
Tumango lang siya. Inutusan ni Dr. Pedroza ang nurse assistant nito na tawagin si Tyrone sa labas. Pagbalik ng nurse, kasama na nito si Tyrone.
Nailang pa siya nang ilislis ng doktora ang blouse niya hanggang sa ibaba ng bra niya habang nakaharap ang lalaki. Pero agad din niyang nalimot ang pag-iinarte niya nang idampi ng doktora ang isang aparato sa tiyan niya.
Ilang sandali pa, nakarinig siya ng tibok. Mahina nang una, hanggang sa lumakas iyon nang lumakas.
"You hear that? That's your baby's heartbeat," masayang balita ng doktora.
Hindi alam ni Jia kung bakit parang sasabog ang dibdib niya sa sobrang tuwa. Sa loob ng tatlong buwan, kasama niyang tumitibok ang pusong iyon sa loob niya kahit hindi niya alam.
"Gusto mo ng first picture ng baby mo?" tanong ulit ni Dr. Pedroza.
Tumango siya ulit. Mabilis na sinet-up ng doktora ang isang machine na parang may TV sa bandang itaas nito. Ilang sandali pa, may aparato ulit itong pinadaan sa ibabaw ng tiyan niya at doon niya nakita sa monitor ang itsura ng baby niya.
"That black spot right there, that's your baby," paliwanag pa ng doktora habang patuloy itong nag-eexplain tungkol sa iba-iba pang bagay na may koneksyon sa pagbubuntis.
Hindi napigilan ni Jia ang mapaluha. Paano naging posibleng mahalin ang isang taong hindi mo pa nakikita o nahahawakan man lang? Hindi alam ni Jia, pero 'yon ang nararamdaman niya. Aksidente man o hindi ang pagkakabuo sa baby niya, hindi na 'yon ang importante. Iisa lang ang alam niya, mahal na mahal niya ang anak niya.
Bumaling siya kay Tyrone. Kasalukuyang nakatutok ang mga mata nito sa monitor. Napangiti siya nang mabanaag niya sa mga mata nito ang parehong emosyon na nararamdan niya— tuwa.
Nang matapos ang check-up niya, nagprisinta si Tyrone na ihatid siya pauwi. Hindi na siya nag-inarte pa. Mahirap humagilap ng taxi dahil hapon na at sigurado, mata-traffic na naman siya.
"Sana malusog siya paglabas niya," wala sa sariling sambit ni Jia. Kasalukuyan siyang nakaupo sa passenger's seat ng sasakyan ni Tyrone. Pero hindi talaga mawala sa isip niya ang first picture ng baby niya. Pagdating niya sa bahay, ipapa-frame niya talaga 'yon.
Bumaling siya kay Tyrone. Wala na ang face mask nito at naghahasik na naman ng kaguwapuhan ang mukha nito. "Ano siya sa tingin mo, girlalo o lalash?"
"Honestly, I don't have a preference. Basta malusog siyang lalabas, I'd be more than thankful," nakangiting sagot nito ang mga mata nasa daan pa rin.
"Ako gusto ko lalaki, para guwapo rin kamukha mo," wala sa sariling komento niya bago prenteng sumandal sa upuan.
"So, naga-guwapuhan ka talaga sa akin?" nanunudyong tanong ng lalaki. "So ano, crush mo na 'ko?"
"Hindi kita crush, 'no," mabilis niyang depensa. Lihim niyang pinagalitan ang dila niyang wala 'atang makuhang reception sa lohika niya kaya tumatrabahong mag-isa.
Nagtawa ang lalaki bago sinabing, "Don't worry babe, you'll get there."
There? Saan naman?
Minsan si Tyrone talaga, kung anu-anong hanash ang pinagsasabi.
Hindi na siya nagsalita pa ulit dahil ayaw na niyang muling magkamali. Pero si Tyrone, ganadong magdaldal. Lalo na nang dumaan sila sa Guadalupe, kung saan naroon ang hilera ng mga billboards nito. Nagkuwento ito tungkol sa pagmo-model nito at iba pa nitong pinagkaka-alabahan. Ang iba naiintindihan niya pero mas marami ang hindi. Pakiramdam nga niya, mag-ooverheat na ang utak niya e. Pero nagtiyaga siyang pakinggan ito. Tipid din siyang sumasagot kung kailangan. Iniisip niya na kahit papaano, base sa pagku-kuwento nito, nakakasilip siya sa pribadong buhay ng lalaki kahit na talaga namang hindi siya invited sa buhay nito.
"Jia," tawag nito sa kanya nang nasa tapat na sila ng kasera niya. "About last night, I'm really really sorry. Hindi ko sinadyang saktan ka. Mali ang mga sinabi ko. Nag-alala lang talaga ako sa... s-sa baby ko. Hindi mo naman maiaalis sa akin ang mag-aalala 'di ba?"
A, balik na naman pala ito sa baby 'ko'.
Bumuntong-hininga siya. "Naiintidihan ko. Kaya lang naman ako sumama sa mga kaibigan ko kasi nagdududa sila na may problema ako e. H-hindi pa kasi nila alam na... b-buntis ako."
"You should've told them. Dapat alam nila—"
"Na ikaw ang tatay ng baby ko?" putol niya sa sana'y sasabihin nito. "Gusto mo ba talagang malaman ng iba na nakabuntis ka ng babaeng hindi na nga elitista, tatanga-tanga pa?"
"Jia—"
"Alam ko, Tyrone. Kahit 'di mo sabahin, alam ko ang dapat kong gawin sa harap ng ibang tao pagdating sa ating dalawa. Ikakasal ka na. Hindi dapat malaman ng ibang tao na magkaka-anak ka sa iba."
Natigilan ang lalaki. Ilang sandali pa, ginagap nito ang kamay niya.
"I'm sorry, Jia. Hindi ko inisip na mahihirapan ka ng ganito. Kung may magagawa lang sana ako—"
"Pero wala, 'di ba? Wala ka namang magagawa. Wala rin akong magagawa."
Katahimikan.
Nagyuko siya ng ulo, bumibigat na naman ang dibdib niya at ayaw na niyang umiyak. Quota na sa drama ang mata niya. Nagbuga siya ng hininga at pinilit ngumiti.
"'Wag kang mag-alala. Ayos lang ako. Ayos lang din si baby. Tatawagan kita kapag kailangan ko ng tulong mo. Sige na, umuwi ka na. Baka may makakita pa sa 'yo rito, maintriga ka pa," malumanay niyang sabi maya-maya.
Akma na niyang bubuksan ang pinto ng kotse nang muli siya nitong tawagin.
"Jia."
Nilingon niya ito. "Hmm?"
Hindi ito umimik bagkus ay maingat siya nitong kinabig payakap. Mukhang may magic din ang mga bisig ni Tyrone. Dahil parang milagro, panandaliang lumipad ang mga agam-agam niya tungkol sa hinaharap.
"Thank you, Jia," anito bago siya binitiwan.
"Salamat din sa paghatid sa 'kin," aniya bago siya tuluyang bumaba ng sasakyan.
Pagpasok ni Jia sa loob ng kuwarto niya, agad niyang kinuha ang isang garapon na may label na Dream House. Huling bilang niya, nasa abot singkwenta mil na 'yon. Iyon ang ipon niya para sana sa pagpapagawa niya sa bahay nila sa Batangas. Kaso... Hinawakan niya ang kanyang tiyan. Mabilis niyang inilabas sa bag niya ang ultrasound report na 'first picture' ng baby niya.
Makakapaghintay naman siguro ang bahay nila sa Batangas. Hindi naman siguro aariin ng mga tsismosang kapitbahay nila ang lupang kinatitirikan ng sirang bahay nila. Basta ang prayoridad niya ngayon, ang kapakanan ng baby niya. Kahit kasi panay ang suporta ni Tyrone sa kanya ngayon, hindi niya alam kung hanggang kailan 'yon magtatagal. Mabuti nang handa siya sa kung ano pa mang maaring mangyari sa hinaharap.
Muli niyang ibinalik sa ilalim ng kama ang garapon. Determinado siyang dagdagan pa iyon sa mga susunod na araw. Kung paano niya gagawin 'yon, bahala na si Batman. Basta raraket siya para sa baby niya.
*****
Naalimpungatan si Jia nang tumunog ang cellphone niya. Singkit ang mga matang tinignan niya ang orasan na nakasabit sa dingding. Juskolerd! Alas-dos pa lang ng madaling araw!
Patamad niyang kinuha ang kanyang cellphone. Hindi niya kilala ang caller pero sinagot na rin niya.
"Jia! Thank God you picked up."
"Tyrone?" naguguluhang sabi niya.
"Yes, it's me."
"P-paano mo nakuha ang—"
"Nasa labas ako ng bahay niyo," nagmamadaling balita nito.
"Ha?"
"Labas ka muna saglit, please."
"S-Sandali," alanganing sagot niya bago tinapos ang tawag.
Paglabas niya ng kwarto, sumilip muna siya sa bintana sa salas. Totoo nga, nando'n ang lalaki, matiyagang nag-aabang sa labas ng mababang gate ng kasera niya. Muling nag-iba ang pagkabog ng dibdib niya. Napapansin niya, simula kagabi nang muli niyang makita ito sa club, palagi na 'yong ginagawa ng puso niyang mukhang namimihasa dahil hindi niya sinasaway.
Mabilis niyang pinatungan ng jacket ang manipis niyang pantulog bago siya tuluyang lumabas ng bahay. Ngumiti ang lalaki ng makita siya.
"Tyrone, b-bakit—"
"Would you like to live with me?" putol nito sa sana'y sasabihin niya.
Live?
Ano daw?
###
2382words ed 2434/3:08pm/07022019
#MyUnexpectedYouWP
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro