Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 6: Crayola


       Wala sa sariling hinahalo-halo ni Jia ang sabaw na nakasilbi sa hapag sa harap niya. Kung magana pa sana siyang kumain, marahil kanina pa nalintikan sa kanya ang sabaw na 'yon na kasama nang in-order niyang pananghalian. Kaso, mula nang malaman niyang nagdadalang-tao siya, parang nag-inarte na rin ang dila at ilong niya. Pihikan na siya sa pagkain at lahat ng klase ng pabango. Kahit pa ang gamit ng mga shala, para sa kanya, amoy anghit.

       Bumuntong-hininga siya. Sandali niyang tinantanan ang sabaw na nasa mangkok at walang ganang sumubo ng kanin.

        Tanghalian na at kapag ganoong oras, sadyang maingay sa DLVDC Canteen. Kaso ang isip ni Jia, wala sa kasalukuyan­­— nasa malayo at parang shungang nagpaparoo't parito sa nakaraan at sa hinaharap.

       Dalawang linggo.

       Dalawang linggo na ang nakararaan mula nang malaman niya na buntis siya. At ganoon katagal na rin niyang hindi nakikita si Tyrone. Maliban na lamang nang bigyan siya nito ng vitamins isang araw matapos nilang malaman na nagdadalang-tao nga siya. Bukod doon daig pa ng tukmol ang mumu, waley itong paramdam.

        Ang arte ha? Sino ka ba? Ikaw lang naman ang aksidenteng kina-chuk chak ganern ganern niya no!, anang kontrabidang lohika niya.

       Napangiwi si Jia. Nag-umpisa na namang mang-inis ang isip niya. Asar niyang binitiwan ang hawak na kubyertos at tuluyang napasandal sa upuan.

       "Ay, may warla girl?" takang tanong ni Albie sa kanya. Kasama niya ito sa table pati na rin si Aleli na nang lingunin niya, nakatingin din sa kanya.

       "W-wala. May naalala lang ako," pagdadahilan niya bago alanganing uminom ng tubig.

       "Sa true?" si Aleli.

       "Naman! Truli!" sagot niya.

       Humugong si Albie. "Alam mo Jia, ilang araw ko nang napapansin na parang may mali sa 'yo."

        Ipinaikot niya ang eyeballs niya. "Jusko! Nagtaka ka pa, lahat naman sa 'kin mali! Ang dila ko, ang toyo ko, ang slight kong ganda, wiz korekted by!"

        "Knows ko naman na sablay ka talaga sa maraming bagay, girl. Pero hindi, may kakaiba sa 'yo hindi ko nga lang talaga alam pa sa ngayon kung ano," anang bakla bago sumubo ng kanin.

        "May problema ka ba, Jia? Alam mo, ganito lang hilatsa ng mga mukha namin lalo na 'tong si Albie, pero mga tootong friends kami. Puwede mong sabihin sa amin kung ano man 'yang problema mo, baka matulungan ka pa namin," si Aleli ulit na panay ang halo sa inorder nitong sisig.

        Nakagat ni Jia ang loob ng pang-ibabang labi niya. Hindi niya pwedeng sabihin sa mga ito na buntis siya dahil sigurado magtatanong ang mga ito kung sino ang tatay ng baby niya. E kasi kahit naman wala sa usapan nila ni Tyrone na hindi niya puwedeng sabihin sa iba na nabuntis siya nito, pinili na niya talagang itikom ang bibig niya. Kumplikado kasi ang sitwasyon lalo na kay Tyrone. Ikakasal na ito pero heto siya ipinagbubuntis ang baby nito.

       Jusko! Ang habang eksplanasyon!

       "'Y-yong tutor ko ano... waley na naman," pagdadahilan niya bago muling uminom ng tubig.

       "In fairness ha, napagtiyagaan ka niya ng halos isang buwan. Bongga 'yon! Record holder!" si Albie sa nang-iinis na tinig.

       "'Yon lang naman pala ang problema mo. E 'di maghanap tayo ng iba," ani Aleli nasa plato pa rin ang atensyon.

       "True! Meron akong puwedeng i-recommend. 'Yong pinsan ko. Dating trainor sa call center 'yon. Maboka talaga. Pak sa Englishan. Kaya lang nagka-issue sa dating pinasukan kaya ayon, ligwak-ganern. Naghahanap ng trabaho ngayon. Gusto mong subukan?" ani Albie.

       "S-sige," alanganing sagot niya.

      "Naku tamang-tama, nag-aayang lumabas ngayon. Marami kasing hanash sa life ang isang 'yon. Gogora kami mamaya nitong si Aleli. Ano, sama ka?" si Albie ulit.

      Napasulyap siya kay Aleli. Naghihintay din ito sa isasagot niya.

       "S-sige, g-gorabels," alanganing sagot niya.

      "Ay bongga! Daanan ka na lang namin sa inyo ng bandang 8? Keri?"

     "Keri," mabilis na sagot niya. Kahiyaan na e.

      Pumalakpak naman si Albie bago bumaling kay Aleli. Nag-usap ang dalawa tungkol sa isusuot daw ng mga ito sa pagpunta sa bar. Siya naman tahimik na sinaid ang laman ng kanyang baso.


*****


       Pasado alas-otso na ng gabi nang daanan siya nina Albie at Aleli sa kasera niya. Muntikan na nga siyang makatulog kahihintay. Kung hindi nga lamang ba nagdududa ang mga kaibigan niya sa kalagayan niya, hindi siya talaga sa lalabas ng gabing 'yon. Kahit pa kasi sabihing Sabado bukas at walang pasok, inaalala niya ang pagtulog niya. Sabi sa mga grupo ng mga nanay na sinalihan niya sa Facebook, bawal daw mapuyat ang buntis.

        Tahimik lang siya buong byahe habang panay ang kuwentuhan ng mga kaibigan niya. Lumilipad pa rin kasi ang isip niya. Nakakatanga pero iniisip niya kung kumusta na ang tukmol na tatay ng anak niya. Kung magpapakita pa ito sa kanya— sa kanila. At kung truli ba ang sinabi nito na susuportahan siya— sila nito.

        "Dito na tayo!" excited na balita ni Albie, na noon ay kasalukyang nasa manibela. Hiniram nito ang sasakyan ng tatay nito para may magamit sila sa pagrampa. Matapos nilang mag-park ay agad silang pumasok sa loob ng club. Nasa loob na raw ang pinsan ni Albie, naghihintay.

        Sinalubong sila ng dilim, usok at ingay sa loob ng club. Kung siya nga ang masusunod, baka kanina pa siya nag-walk out. Sensitibo kasi talaga ang pang-amoy niya ngayon, pero dahil nakakompromiso na siya, dineadma na lang niya ang pag-iinarte ng ilong niya.

       Iginiya sila ni Albie sa isang mesa sa may bandang gilid ng club. May nakaupo roon na isang lalaki. Nakahulma ang matipunong katawan sa fitted black shirt nito. Kahit sa malayo, hindi maipagkakailang guwapo ito kaso nga lang mukhang problemado. Nang marating nila ang table, agad na tumayo ang lalaki. Iyon pala ang pinsan ni Albie na si Nathan. Mabilis silang ipinakilala ni Albie rito bago sila naupong apat. Magkatabi sila ni Aleli, sa harap naman nila, magkatabi ang magpinsang Albie at Nathan.

       "Kanina ka pa?' ani Albie sa lalaki.

        "Oo, ang tagal ninyo," nangingiting sagot ni Nathan bago sumulyap sa kanya. "Ikaw 'yong magpapa-tutor ng English?"

       "Ha? A, e... truli... este ang ibig kong sabihin oo."

       Ngumiti lang si Nathan.

       "'Wag kang kabahan, hindi ako nangangain ng tao. Nambabatok lang." Ngumisi ang lalaki bago tumungga sa bote ng alak. Hindi siya nakaimik.

        "Uy, 'wag mo takutin 'yang si Jia. BFF 'yan ng Big Boss. Gusto mo bang kagaya mo ma-tegi rin ang career ko?" saway ni Albie sa pinsan nito.

        "Nagbibiro lang naman ako a," depensa ni Nathan bago bumaling sa kanya at ngumiti. "Harmless ako. No joke."

        "A..." sabi na lang niya bago pinilit ngumiti. Alanganin siya kasi kay Nathan e. Baka kapag ito ang kinuha niyang tutor, baka sa unang pagkakataon, siya ang unang susuko. Iba kasi ang dating nito sa kanya. May kakaibang awrahan ang lalaki na 'di niya mawari.

        Maya-maya pa lumapit na sa kanila ang waiter. Nag-order ng beer at tequila ang mga kasama niya habang juice ang sa kanya. Nagdahilan na lang siya ulit na bawal sa kanya ang alak dahil sa anemia niya.

        Mabilis lumipas ang oras. Kung saan-saan na nga napunta ang usapan nila. Maya-maya pa, nag-aya nang pumunta sa dance floor si Albie upang sumayaw. Sumegunda si Aleli. Medyo bangenge na ang mga kaibigan niya pero mataas pa rin ang energy. Ilang minuto lang ang lumipas, nagpaalam rin si Nathan na pupunta sa CR.

        Naiwan na mag-isa ang ganda niya sa sulok ng bar. Ipinagala niya ang tingin sa kabuuan ng lugar. Punum-puno na ng tao ang club, hindi gaya kanina na halos iilan lang sila sa loob niyon. Kung sabagay, malalim na ang gabi. Nabubuhay ang mga ganoong establisimiyento sa kalaliman ng gabi hanggang sa madaling-araw.

        Ilang minuto rin niyang tiniis ang pagtanga nang mag-isa sa table nila kaso, ni isa wala pang bumalik sa mga kasama niya. Sinilip niya ang oras sa cellphone. Juskolerd! Pasado ala una na ng madaling araw. Kaya naman pala higang-higa na siya. Dinaig pa niya ang bampira sa pagha-hunting ng biktima!

        Mabilis siyang naglabas ng pera at inipit iyon sa plato ng pulutan. Nag-text siya kina Albie at Aleli at nagpaalam. Malapit na siya sa pinto ng bar nang may humawak sa braso niya mula sa kanyang likuran.

        "T-Tyrone?" nauutal niyang sabi nang lingunin ang humawak sa kanya.

        "What the hell are you doing here, Jia?" Magkasalubong ang mga kilay nito, animo nagbabaga ang mga mata.

         Sasagot pa sana siya kaso mabilis nitong ipinulupot ang kamay nito sa bewang niya bago siya iginiya palabas ng club.

        Nasa labas na sila ng club pero hindi pa rin siya binitiwan nito. Nang magpumiglas siya ay nagbanta ito. "I will stay still if I were you."

       Magtatanong pa sana siya kaso, mukhang wala sa mood sa mga tanong niya ang lalaki. Base sa mararahas na pagbitiw nito ng hininga, mukhang truli, may warla nga. Tahimik silang nagpatuloy sa paglalakad hanggang marating nila ang sasakyan nito sa parking lot.

       "Sakay, Jia." utos nito.

       Natataranta siyang tumalima.

       "Alam mo bang bawal sa 'yo ang mag-puyat?" inis na tanong nito habang minamaniobra palayo sa club ang sasakyan. "Dammit Jia! Napaka-basic no'n. Hindi na kailangang ituro!"

       "A-alam ko naman—"

       "Alam mo?" Pumalatak ito. "Alam mo pero ginagawa mo pa rin. That's the lamest excuse of stupid people," patuloy pa nito, ang mga mata nasa daan.

      Stupid.

       Napangiwi siya sa insultong binitawan nito. Alam na alam niya ang salitang 'yon. Ilang beses na ba niyang narinig 'yon tungkol sa kanya? Maraming beses na. Hindi na niya halos mabilang. Pero ngayon lang niya nalaman na mas masakit pala kapag nanggaling 'yon mismo sa bibig ni Tyrone.

        Wala na silang imikan sa kabuuan ng biyahe. Kahit pa kasi gusto niya sanang magsalita at magpaliwanag, hindi niya kaya. Mabigat ang dibdib niya at may bikig sa lalamunan niya na ayaw matanggal.

        "Hindi ko inisip na makikita kita doon ngayon, Jia," anito nang nasa tapat na sila ng inuupahan niya. Mababa na ang tinig nito, kalmado. Bumuntong-hininga ito at sinubukang abutin ang kamay niya ngunit mabilis siyang umiwas

        Sandaling nagpakalma ng sarili si Jia bago siya nagsalita. "B-boba lang ako sa Englishan at marami pang bagay pero h-hindi naman ako tanga gaya ng sinabi mo." Hindi na niya napigilan pa ang mapaluha. "Alam ko kung paano alagaan ang sarili ko at ang baby ko. Ako pa ba ang mananakit sa anak ko, e ako na nga lang ang meron siya," puno ng hinanakit na sabi niya.

        Sandali itong natigilan bago, "Jia, I'm sor-"

        "'Wag kang mag-alala, hindi mapapaano ang anak mo," putol niya sa sana'y sasabihin nito. Mabilis siyang nagpunas ng luha. "Salamat sa paghatid," aniya bago tuluyang bumaba ng sasakyan.

        Nasa gate na siya nang habulin siya ni Tyrone. Hinawakan nito ang kamay niya upang pigilin siya.

        "Jia, I'm sorry. Hindi ko sinasadya. It's a club. Mausok, magulo, hindi 'yon ang lugar para sa kagaya mo. Nag-aalala lang naman ako—"

        "Umalis ka na, Tyrone. Kaya ko ang sarili ko," malamig na sabi niya bago tuluyang pumasok sa gate.

        Natulog si Jia na masama ang loob.


###

1812words/2:01pm/07022019

#MyUnexpectedYouWP

A/N: I'm currently writing the next part. Will be posting it in a while. :)




Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro