Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 18: Kakampi


       Panay ang kurap ni Jia habang pinagmamasdan ang kanyang Tiyang Bebang na abala sa pagbabalat ng orange. Silang magtiyahin na lang ang naiwan sa loob ng silid niya sa ospital. Kusang lumabas sina Json at Ms. Alexa upang makapag-usap silang magtiyahin. Kanina 'yon, ilang minuto na rin ang nakararaan. At dahil wala siyang imik, pinagdiskitahan ng tiyahin niya ang pagbabalat ng orange. Marami siyang gustong itanong sa tiyahin niya kaso parang napipi na 'ata siya. Dahil bukod sa ibang-iba na ang awrahan ng tiyahin niya, hindi rin siya makapaniwala na sa nakalipas na isang dekada mahigit, muli pa silang magkikita.

       Napaigtad pa si Jia nang bigla itong magsalita, ang atensyon nito nasa pagbabalat ng orange pa rin.

       "Hay naku Jianna Elise! Kung questioning and answer portion na, gora na. Pipilitin sagutin ng kagandahan ko 'yang mga questionings mo na 'yan." Itinabi nito sa mesa ang binalatan nitong orange at tinanggal ang malapad na shalang sumbrero nito at shades bago lumapit sa kanya. Umupo ito sa tabi ng kama niya, kinuha ang malayang niyang kamay bago siya tinitigan. Ilang sandali pa, malungkot itong ngumiti. "Tama ako, maganda ka paglaki. Mana ka sa akin e. Sa amin ng Nanay mo."

       Nangilid na rin ang luha niya. "Ang tagal-tagal ninyong bumalik, Tiyang. Ang tagal-tagal po ninyo..." Humagulgol na siya at tuluyang yumakap sa tiyahin niya. Agad naman siyang inalo ng Tiyang Bebang niya.

        Dumaan sa isip ni Jia ang lahat ng pinagdaanan niya. Ang mga gabing itinutulog niya ang kanyang gutom. Ang mga araw na kahit inaapoy siya ng lagnat, kinailangan niyang magbanat ng buto para sa pangkain niya. Ang bawat Linggo na ginugol niya sa simbahan upang magdasal sa pagbabalik ng Tiyang Bebang niya. Gayunpaman, kahit na anong sakit ng mga pinagdaanan niya, hindi niya magawang magalit sa tiyahin niya. Pamilya niya ito at kahit na anupaman ang kasalanan nito, alam niya sa puso niya, kayang-kaya niya iyong patawarin.

      "Patawarin mo ako, Jianna. Alam ko marami akong pagkukulang sa 'yo. Pero maniwala ka, hindi ko sinasadya," paliwanag ng Tiyang Bebang niya nang kumalma silang dalawa sa pag-iyak. "Si Stefan, akala ko siya na ang sagot sa mga mga dasal ko. Na siya na ang puwedeng mag-ahon sa ating dalawa sa hirap. Kaso ang lintok, miyembro pala ng gang-gang at gung-gong! Hindi ko rin alam na may balak pala siyang maging boksingero at ako lagi ang pinagpa-praktisan ng leshe!" Umingos ito. "Tapos sugarol din siya, ginawa pa akong bayad utang nang minsang matalo siya. Hindi ako makaalis-alis sa poder niya kasi tinatakot niya 'ko. Alam mo naman ako always afraidful. Hanggang salamat sa mahabaging langit, nadedo rin ang lintok matapos ang anim na taon. Kaya carefree na ako." Nagpunas ito ng luha. "Siyempre hindi naman ako makauwi agad dahil nga waley akong anda. Kaya pumasok akong chimini-a-a sa mga shala. Suwerte naman, pumatok ang alindog at kagandahan ko sa amo kong maraming anda na Italyano at pinakasalan niya ako noong isang taon. Natagalan dahil hinintay rin naming madedo 'yong fudrakels niya na hindi boto sa mga kagaya kong chimini-a-a lang." Muli nitong ginagap ang kamay niya. "Hinanap kita agad, Jianna pagkatapos naming makasal ng Zio Anton mo. Kaso, wala ka na raw sa Batangas. Pero may I seek seek seek until I finally find someone kita. Kaya nandito na ako, my byutipol niece. Marami na tayong anda. Hindi ka na maghihirap at ang magiging apo ko." Hinaplos nito ang tiyan niya. "Jusko! Masaya akong hindi man ako nabiyayaan ng bambino, mayroon na naman dagdag sa pamilya nating maaalindog at magaganda."

       Napangiti si Jia sa sinabi ng tiyahin niya. "Salamat po, Tiyang. Binalikan niyo 'ko."

       Sinapo ni Tiyang Bebang ang mukha niya. "Puwede ba namang hindi kita balikan. Blood is thicker than butter kaya."

       Muling niyakap ni Jia ang tiyahin niya kahit na may dalang windangan ang huling sinabi nito sa kanya. Masayang-masaya siya talaga sa muli nilang pagkikita ng tiyahin niya. May pamilya na ulit siya— sila ng baby niya. Hindi man kumpleto gaya ng pinapangarap niya, basta ba may matatawag siyang pamilya.

       "My byutipol niece, asan ang fudrakels ng iyong bambino?" Hinawakan ulit ng tiyahin niya ang tiyan niya. "Nag-runaway by the way highway ba ang lintok? Tell me, my byutipol niece nang makita niya ang powers ni Signora Tortilliani-Zechinini!"

       Ayaw man niya, nakanguso siyang nagkuwento tungkol sa nangyari sa pagitan nila ni Tyrone. Mula sa pagkabangenge niya sa Japan at kung paano siya humantong ngayon sa ospital.

       "Aba! Sa kagandahan mong 'yan tinawag kang basura? Jusko ha! Ano nga uling pangalan ng mudrakels, my byutipol niece?" Nagmamadali nitong inilabas ang cellphone nito.

       "T-tiyang ano pong gagawin niyo?" natatarantang niyang tanong nang pagalit na mag-dial sa cellphone nito ang Tiyang Bebang niya.

        "Papahanap ko 'yang mahaderang hukluban na 'yan nang magkaharap kami at makita niya ang hinahanap niya!"

       "E teka lang po muna, Tiyang. Maghunos-kilikili este dili po muna kayo!" Mabilis niyang pinigil ang kamay nitong nakahawak sa cellphone. "'Wag na po, Tiyang. Ipakita po natin sa kanila na lumaki man tayo sa hirap, mas mayaman naman tayo sa magandang asal at pakikipagkapwa-tao."

       Sandaling nag-isip ang tiyahin niya bago nagbuga ng hininga. "Ku-u! 'Yan na nga ba ang sinasabi ko e, masyado kang mana sa Nanay mo. Kahit inaabuso na, hindi pa rin lumalaban. O, siya ikaw ang masusunod, Jianna. Pero 'wag lang nilang ulitin na pahiyain ka o kung ano pa man dahil ako ang makaka-away nila." Tumaas ang kilay ng tiyahin niya bago nito isinuksok muli sa bag ang cellphone nito.

         "Move on na po tayo, Tiyang," malungkot na sabi niya.

        "May tama ka! Ka-career-in natin ang pagmo-move on sa Italy. At hindi ka puwedeng tumanggi, Jianna. Pagbalik ko sa Italy, isasama na kita," anito bago muling hinawakan ang kamay niya.

       Isang tipid na ngiti lamang ang naisagot niya. Sa hindi maipaliwanag na dahilan, namimigat na naman kasi ang nagtutumangang puso niya. Heto na nga at hinahainan na siya ng pagkakataon para magbagong-buhay, nagdadalawang-isip pa rin siya. Siguro nga, gaga talaga siya. May sapak. Feeling artista. Nagmamaganda.

       Mayamaya pa, bumalik na rin ang mag-asawang dela Vega sa kuwarto niya. Ibinalita ng mga ito na maari na raw siyang lumabas ng ospital. Mabilis na inasikaso ni Tiyang Bebang ang bayarin niya sa ospital. Ang dalawang bruskong bodyguards din nito ang umalalay sa kanya habang palabas sila ng ospital. Ngunit bago siya sumasakay sa magarang kotse ng Tiyang Bebang niya, may nahagip ang mata niya sa 'di kalayuan— ang bulto ni Tyrone na matamang nakamasid sa kanya.

        Sandali rin siyang napatanga nang magtama ang kanilang mga mata ng lalaking mahal niya. Hindi alam ni Jia kung dinadaya lang ba siya ng mata niya pero, halata sa mata ni Tyrone ang pagkabalisa at pagkatuliro. Noon lang din niya nalaman na posible palang magkasabay na maramdaman ng puso ang pagmamahal at galit. Kung hindi nga lamang siya tinawag ng tiyahin niya, baka 'di siya bumitiw sa pagtitig sa mga mata nitong may magic.

        Habang palayo sila sa opsital, nalaman na ni Jia ang dahilan kung bakit nagdadalawang-isip siyang umalis ng Pilipinas. Nakakatanga man, ayaw niyang iwan si Tyrone— ang lalaking nanakit sa kanya pero hanggang ngayon, mahal na mahal pa rin niya.


*****


       Sa bahay nina Json at Ms. Alexa tumuloy sina Jia at ang tiyahin niya. Gusto raw kasing makikilala ng Tiyang Bebang niya ang pamilya na nagmalasakit sa kanya nitong nakalipas na mga taon.

       "Sigurado ka na ba riyan sa plano ninyong kunin itong si Jianna, Senyora Kulani de Chikinini?" ani Madam Cion, ang nanay ni Ms. Alexa. Ito ang pansamantalang nag-alaga kay Baby Zeke habang binabantayan siya ng mag-asawa sa ospital.

        "No, no, no! Tortilliani-Zechinini. Ze. Ze. Zechinini," pagtatama ng tiyahin niya bago humigop sa tasa ng tsaa nito. Naroon sila sa salas ng mansyon at nagme-merienda ng panghapon.

        Umikot ang mata ni Madam Cion. Natatawang kinakabahan si Jia dahil baka birahan nito ng katarayan ang tiyahin niya at mauwi sa sabungan ang pagbisita nila sa mansyon ng mga dela Vega. Kilala niya ang nanay ni Ms. Alexa. Kaleveling nito ng ugali si CDV, mapagmahal pero istrikta. Wala ring preno ang bunganga. Pero naiintidihan naman niya si Madam Cion dahil maging siya, hirap pa ring tandaan ang apelyido ng tiyahin niya. Kanina nga natawag niya itong Senyora Tsitseryang may Chikinini e. Pinaulanan siya tuloy nito ng irap habang lulan sila ng kotse nito.

        Tumikhim si Madam Cion. "Bueno, kung ano mang ngalan ang taglay mo Senyora, ang tanong ko pa rin ay iisa. Siguradong-sigurado na ba kayo na dadalhin ninyo sa Italya itong Jianna?"

        "Aba siyempre!" mabilis na sagot ng tiyahin niya.

        "Pero paano ang tatay ng bata? Hindi ba man lang ninyo kakausapin o ipapaalam sa kanya ang plano ninyo?"

        Umiling si Tiyang Bebang "Ay sus! 'Wag na! At saka wala naman nang iba pang dahilan para manatili rito sa Pilipinas itong si Jia. Tutal naman nag-donation lang ng semilya ang ama ng batang dinadala ng byutipol niece ko, kaya isasama ko na siya sa Italya para naman injured na future nila ng kanyang bambino."

        "Injured?" si Madam Cion ulit, nakataas hanggang anit ang kilay.

        "Si, si! Iyon bang sigurado na," paliwanag ng tiyahin niya bago muling humigop ng tsaa.

        Napangiwi si Jia at nahihiyang nagkamot ng ulo. Assured, iyon ang ibig sabihin ng tiyahin niya. Hanggang ngayon talaga parehas pa rin sila nitong sablay sa Englishan.

        Lalong nalukot ang mukha ni Madam Cion. "Saang diksyunaryo ka nagkukuha ng—"

        Maagap na tinutop ni Ms. Alexa ang bibig ni Madam Cion pagkatapos ay alanganing ngumiti. "Gail," tawag nito sa yaya ng mga anak nito. "Kuhanan mo si Nanay ng paracetamol, masakit daw ang ulo."

         "Ay naku may mindgrain ka?" sabat ulit ng Tiyang Bebang niya, nanlalaki pa ang mata. "Delikado raw 'yan. Puwedeng sintomas ng kanser."

        "Tiyang!" saway niya sa tiyahin niya. Sapilitang pinatayo ni Ms. Alexa ang nanay nito at inilayo sa salas, tutop pa rin ang bibig nito.

        Umingos si Tiyang Bebang. "Aba'y bakit ba? Masama bang magsabi ng truth at consequence. Palibhasa hindi ka pa sanay sa sosyalan. Sa Italy nga bilib na bilib sila sa pagi-English ko doon, bentang-benta! Panay nga ang tawa ng mga Italyano doon tuwing ako ang kausap nila. Happiness lang sila lagi. 'Di ba no, JM? Gano'n ang mga shala?"

        Tumango si Json habang pigil na pigil sa paghagikgik. Si Jia naman panay ang tikwas ng nguso, hiyang-hiyang sa pagkakalat ng ganda ng tiyahin niya.

       Mayamaya pa may narinig silang komosyon sa labas ng gate ng mga dela Vega. Nang labasin nila 'yon, naro'n si Tyrone habang kausap ang gwardya.

       Nang makita siya nito, lala itong nag-ingay. "Jia, mag-usap tayo! Kahit ito na ang huli, please!"

       "Umalis ka na, San Miguel. You have no business here," si Json.

       "Jia!" muling sigaw ng lalaki, mahigpit ang kapit nito sa gate kahit itinutulak na ito palayo ng mga guwardya.

        Nakagat ni Jia ang pang-ibabang labi niya. Gusto niyang maiyak. Bakit ba ito sunod pa ng sunod sa kanya e nagkusa na nga siyang lumayo para mapakasalan nito si Ashley? Hindi ba nito alam na habang nakikita niya ito, nananatiling tanga-tangahan ang puso niya? At hindi 'yon maganda para sa plano niya— nila ng baby niya sa pagmo-move on.

       "'Yan ba ang fudrakels ng magiging apo ko?" tanong ni Tiyang Bebang na kasama niyang nakatayo sa portico ng bahay, ilang metro ang layo mula sa gate.

        "O-opo."

        "Guwapo, matikas, nakakapagpasalaula ng paniniwala," bulong ng tiyahin niya, ang mga mata nakatutok pa rin kay Tyrone.

        "Tiyang?"

         Tumikhim ang tiyahin niya, pumormal. "Ang ibig kong sabihin, hayop, hinayupak, hinayupest." Pumormal ang mukha nito bago naglakad patungo sa gate. Sumunod din sa tiyahin niya ang mga bruskong bodyguards nito. Kaya naman ayaw man niya, napasunod na rin siya sa tiyahin niya.

         "Anong pinag-iingay mo riyan lalaki?" nagtataray na bungad ng Tiyang Bebang niya kay Tyrone.

         Sandali siyang tinignan ni Tyrone bago ito sumagot. "Gusto ko lang po sanang makausap si Jia kahit sandali lang."

         "And why, why, why, Delilah?" Humalukipkip ang Tiyang Bebang niya.

          Nangunot-noo si Tyrone. Sigurado siya, may dalang windangan dito ang sinabi ng tiyahin niya. Kaya imbes na sumagot, muli itong bumaling sa kanya. "Jia, let's talk. Magpapaliwanag lang ako," pakiusap nito.

        Nameywang ang tiyahin niya. "Aba! Aba! Ano pang ipapaliwanag mo lalaki? Nag-usap na kayo nitong pamangkin ko, hindi ba? Malinaw na sa 'yo ang lahat. Matapos mong piliin ang girlfriend mo, hahabul-habulin mo ngayon itong pamangkin ko na nilait-lait ng nanay niyang girlfriend mong maputla! Aba naman! Kung noon minamaliit ng mga kalahi ninyong shala itong si Jianna Elise ngayon ay no, no, no, no, no! Ako na ang magdedesisyon. Kapag sinabi ni Signora Vivian Tortilliani-Zechinini na hindi na puwede, hindi na puwede! Compredere?"

        Pumagitna ang mga bodyguards ng tiyahin niya at tinulungan ang mga guwardiya sa pag-papaalis kay Tyrone. Panay tuloy ang piksi nito.

        "Sandali lang po. Gusto ko lang po talagang mayakap ang mag-ina ko," 'di natitinag na pakiusap ni Tyrone.

        "Wala kang mag-ina dito, San Miguel. You lost that right days ago when you've hurt Jia. Sige na umuwi ka na bago ka pa masaktan," si Json na ang nagsalita. Hindi niya namalayang nasa tabi na niya pala ang mga ito kasama sina Ms. Alexa at si Madam Cion.

         "I did not hurt her!" giit ni Tyrone.

         "You almost got her baby killed!" si Json ulit, may diin ang bawat salitang sinabi nito.    

         Inis na isinuklay ni Tyrone ang kamay sa buhok nito bago matamang tumitig sa kanya. "Jia, please, I only need a few minutes."

         Natahimik ang lahat at bumaling sa kanya. Tila hinihintay ang isasagot niya. Wala sa sarili siyang napahawak sa tiyan niya. Sa totoo lang, gusto rin niya ring makausap si Tyrone, pero natatakot siya. Natatakot siya na baka kumpirmahin lang nito ang mga sinabi ng nanay ni Ashley sa kanya. Natatakot siya na kahit alam naman niya ang katotohanan noon pa, sabihin nito sa kanya na totoong iba nga ang mahal nito. Natatakot siya sa... katotohanan.

        "Please, babe..." bulong ni Tyrone, nangingilid na ang luha.

        Marahan siyang umiling. Hindi niya kayang sumagot. Tinutop niya ang bibig, tumalikod bago naglakad pabalik sa mansiyon ng mga dela Vega.


*****


        "Wag ka nang babalik! Sa susunod, ipapapulis na kita," banta ni Json kay Tyrone bago ito tuluyang pumasok sa bahay nito.

        The guards pushed him until he reached his car. Napilitan tuloy siyang sumakay sa kotse niya kahit wala pa sana siyang balak na umalis. He ran his fingers on his hair and frustratedly pounded the steering wheel.

        He felt so useless. Wala siyang magawa para bawiin ang mag-ina niya. Akala niya si Json lang ang puwedeng humarang sa kanya, pero bumalik na rin pala ang tiyahin ni Jia. Hindi siya puwedeng magkamali, tiyahin ni Jia ang babaeng may bitbit na bodyguards. Bukod sa kapangalan nito ang tiyahin na laging kinukwento ni Jia, the woman also had some semblance with Jia.

       Pero hindi 'yon dapat ang iniiisip niya ngayon. Dapat mag-isip siya ng paraan para makausap si Jia. Kailangan malaman nito ang mga paliwanag niya. Kailangan masabi niya rito na mahal na mahal niya ito at handa na niya itong pakasalan sa lahat ng simbahan kung nanaisin nito. Kailangan—

       Naagaw ang atensyon niya nang muling bumukas ang gate ng de la Vega. Lumabas doon si Madam Cion, ang nanay ni Alexa. Lumapit ito sa kotse niya at kumatok sa bintana. Muli siyang lumabas ng kotse.

         The woman surveyed him from head to toe. Higit na mas matangkad siya rito pero pakiramdam niya nanliliit siya. The woman had always that intimidating look on her face. One that could make you confess to a crime you didn't even commit.

        "Kahilatsa mo ng mukha ang manugang kong si Json. Sigurado akong kauri mo rin, may pagka-gago pero may mabuti namang puso. Nararamdaman ko rin ang sinseridad mo, hijo. Kahit na ano pang sabihin ng Senyorang may kulani at chikinini."

          "P-po?"

           "Ang ibig kong sabihin, tutulungan kitang kausapin si Jia. Para naman bago sila tumulak pa-Italya ng tiyahin niya ay masabi mo ang mga dapat mong sabihin."

           "Aalis po sila?"

            Umirap ang ginang. " O, di ba, kasasabi ko lang. Maganda ang lahi mo. Hindi ka lang siguro regular na naglilinis ng mga tenga mo." Naguguluhan siyang napahawak sa tenga niya. "Mabalik ako. 'Yon ang sabi ng tiyahin ni Jia, isasama na raw niya ito papuntang Italya. Kaya naman gusto kitang tulungan. Dahil naniniwala ako na sa anumang gusot ng mga magulang, laging kawawa ang mga anak. Tandaan mo 'yan."

        Tumango-tango siya. "T-tatandaan ko po."

        "Mabuti kung gano'n." Umirap ulit ito bago nameywang.

        "P-paano po ninyo 'ko tutulungan?" 'di na niya natiis na tanungin maya-maya.

        Ngumisi ang ginang bago, "Magandang katanungan."


###

2704words/3:24pm/07232019

#MyUnexpectedYouWP







Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro