Chapter 16: Decision
Marahang ibinukas ni Jia ang kanyang mga mata. Maliwanag ang paligid at nasisilaw siya. Mabilis niyang isinalag sa kanyang mukha ang kanyang kamay upang mapatigil lamang nang mapansing may nakakakabit na suwero sa kanya.
Napasinghap siya at mabilis na sinapo ang kanyang tiyan nang magbalik sa kanyang alaala ang mga nangyari kani-kanina lang.
"Ayos lang ang baby mo, Jia. Siniguro 'yon ni Doc Angel sa akin kanina," ani Json na nakaupo pala sa tabi ng kanyang kama. Puno ng katanungan ang mata nito at dahil wala pa siyang kakayahang sumagot, ipinagala na lang niya ang tingin sa silid na kinaroroonan niya. "Nasa private room ka dito sa ospital. Hindi pa raw kasi kita puwedeng iuwi, under observation ka pa rin ng mga doktor," patuloy na paliwanag ni Json.
May ilang sandali ring nanahimik silang magkaibigan hanggang sa hawakan ni Json ang malaya niyang kamay at marahan iyong pinisil.
Napahagulgol na siya. May kasalanan siya rito at kinakain siya ng kanyang konsensya. "S-sorry, JM. Sorry talaga. Hindi ko naman gustong magsinungaling sa 'yo kaso-"
Niyakap siya ni Json. Hindi ito nagsalita, nanisi, o kaya namumbat. Hinayaan lang siya nitong umiyak sa bisig nito nang walang panghuhusga. Nang kumalma siya nang kaunti, saka ito nagsalita.
"Wala kang dapat ihingi ng tawad. Naiintindihan ko. Hindi mo naman obligasyong sabihin sa akin ang lahat, Jia. Kaso, kung nagsabi ka lang, hindi ka sana nahirapan. I am always willing to help you, Jia. Kahit na ano pa 'yan. Naalala mo noong ako naman ang patapon ang buhay? You've stayed with me kahit pa sinukuan na ako ng lahat. I found the sister that I never had in you, Jia. Kaya naman ngayon, hayaan mo 'ko, kami ni Alexa na alagaan ka at ang magiging baby mo."
Nagyuko siya ng ulo. Hiyang-hiya siya kasi kay Json. Lagi na lang siya nitong sinasalo sa mga kashungahan niya hindi lang sa opisina kundi pati na rin sa mga maling desisyon niya sa buhay.
"S-salamat, JM."
Ngumiti lang ulit ito at marahang pinalis ang luha niya. "That's what families are for, Jia- helping hands. Kaya tumigil ka na sa pag-iyak mo. 'Pag nadatnan ka ni Lexie na umiiyak, babatukan ako no'n. Sinabihan na niya ako kanina na 'wag kitang aawayin e."
"K-kasama mo si Ms. Alexa?"
Tumango ito. "Bumili lang ng pagkain saglit."
"E paano si Baby Zeke, sinong nag-aalaga?" Ang Baby Zeke na tinutukoy niya ay ang ikalawang anak ng mag-asawa. Mahigit isang buwan pa lang nang isilang ito ni Ms. Alexa pero nandito na ang agad ang mag-asawa para tulungan siya. Nakakahiya talaga.
"'Wag kang mag-alala, we got all the help we need," anito bago muling ngumiti.
Maya-maya pa dumating na rin si Ms. Alexa, marami itong bitbit na pagkain. Gaya ni Json, binigyan din siya nito ng mahigpit na yakap at sinugurong tutulungan siya sa anumang kinakaharap niya. Nang sandaling magpaalam si Json upang kusapin si Dr. Pedroza, dinaig pa ni Ms. Alexa ang reporter sa pagtatanong sa kanya.
Siyempre sinabi na niya ang totoo. Kung paano siya nabangenge noong kasal ng mga ito at nakipag-chuk chak ganern ganern sa tatay ng baby niya na sinadya niyang 'wag pangalanan. Sinabi rin niya ang dahilan kung bakit siya na-stress nang bongga kanina na siyang dahilan ng muntikang pagkapahamak ng baby niya. Pero dahil gusto niyang i-achieve ang pag-aartista, puro blind item ang pagkuwento niya, pulos mga walang pangalan ang mga tauhan.
"Jia," pukaw ni Ms. Alexa sa kanya maya-maya habang ipinaghahanda siya nito ng pagkain. "Tutal tayong dalawa lang naman dito and I know this sounds too personal, puwede mong sagutin at puwede rin namang hindi. But who's the father of your baby? Kung sa kasal namin kayo nagkita at nagkemerlu ng tatay ng baby mo, ibig sabihin, bisita namin siya. Taga-DLVDC ba siya?"
Kumurap siya bago umiling. Ngumiti si Ms. Alexa.
"Taga -ibang kumpanya?" hirit ulit nito.
Kumurap ulit siya at hindi sumagot.
"Nasa conglomerate?" Umiling siya.
"A, so from the other partners. Guwapo ba?"
Nanikwas ang nguso niya. "Crush po siya ng buong universe," walang gana niyang sagot, nagmamapait.
"May abs?"
"Nagbebenta po siya ng pandesal tuwing wala siyang suot na t-shirt at doon siya kumikita nang malaki."
"Truli?"
"Truts!" masiglang sagot niya.
Pinigil nilang dalawa ang maghagikgikan.
"Malaki este ang ibig kong sabihin matangkad?"
Tango ulit. Umupo na si Ms. Alexa sa gilid ng kama. Determinado talaga siyang paaminin, pero sisiguruhin niyang tikom ang bibig niya at wiz siya magto-talk.
"Knows ko ba siya?"
"Knows niyo po." Napasinghap ito.
"Guwapo, may abs, malaki este matangkad at knows ko." Nangingislap ang mga mata nitong tumingin sa kanya. "Ang apelyido ba niya ay kagaya ng sa santo?"
"Opo pero demonyo siyang talaga-" Tinutop niya ang kanyang bibig kaso, huli na ang lahat. May nasabi siyang hindi niya dapat na-kanfrimed!
"Si Tyrone?" nanlalaki ang mga matang tanong nito. Hindi pa man siya nakakasagot bumalandra na pabukas ang pinto.
"Si Tyrone?" segunda ni Json, madilim ang mukha.
Mukhang buking na siyang talaga kaya tumango na lang din siya. Kung sabagay, hindi naman siya makakapaglihim sa mga ito nang matagal.
Hindi naglipat sandali, may kausap na sa cellphone si Json. "Sophie, pakisabi sa kaibigan mong gago, mag-uusap kami."
*****
Gabi na pero nasa daan pa rin si Tyrone. Magulo ang isip niya at puno ng kaba ang dibdib niya, hindi lang para kay Jia kundi para sa anak nila.
Where are you, Jia? Lihim niyang tanong sa sarili.
Kagagaling lang niya sa bahay nila Albie. Pero maging ito hindi alam kung saan naroon si Jia. Ilang oras na rin ang nakalilipas mula nang lumapag ang private plane na nirentahan niya para sa biglaang biyahe nila ni Ashley sa Palawan kagabi. He was expecting to see Jia at home pero wala ito. He had tried calling her countless times pero hindi ito sumasagot. He checked on her things, wala ang casual gym bag nito at ilang mahahalagang mga gamit. Nakapatong din sa dining table ang mga papeles ng bahay at may note iyon na 'Hindi ko 'to kailangan.'
Para na siyang mababaliw sa kaiisip kung bakit ito umalis, gayong nag-text pa siya rito bago siya bumiyahe paalis ng Palawan. Unang pumasok sa isip niya si Albie. Ito lang kasi ang ka-close nitong kaibigan na alam niya. Pero wala talaga doon si Jia. And now, hindi na niya alam kung saan ito hahanapin.
Tumunog ang cellphone niya. Napabuga pa siya ng hininga nang mag-flash sa screen ang pangalan ni Sophie at hindi nang kay Jia. Alanganin niyang sinagot ang tawag.
Pang-angat na pag-angat niya ng linya, galit na tinig ni Sophie ang agad na bumungad sa kanya.
"Where the hell are you, idiot?"
"Nasa daan-"
"Jeez! What the hell did you do, Tyrone? Anong ginawa mo kay Jia?"
"What? Anong 'anong ginawa ko? Hinahanap ko nga-"
"Nasa ospital si Jia for pre-term labor!"
Agad siyang namutla. He felt his heart jumped out of his chest and he found it hard to breathe.
Oh God, please, no! he silently prayed.
"Meet me at Angelicum Hospital in thirty minutes," she declared with so much urgency.
"Okay, I'm on my way."
"And Ty, alam na ng mga dela Vega na ikaw ang ama ng bata. Sila ang kasama ni Jia ngayon sa ospital," iyon lang bago tuluyang tinapos ni Sophie ang tawag.
He drove like a madman afterwards.
*****
Hindi mapakali si Jia sa loob ng kwarto niya. Marami kasi siyang naririnig na komosyon sa labas. Mukhang nariyan na nga sa labas ang tukmol na ginagawa nang hobby ang pananakit sa kanya.
Ilang sandali pa, natahimik ang paligid. Pagkatapos niyon, marahang umingit pabukas ang pinto. Sumungaw doon ang bulto ng taong kahuli-hulihan niyang gustong makita, si Tyrone.
Alanganin itong lumapit sa kanya, tila nahihiya. Anong kinakahiya nito? E, guwapo pa rin naman ito kahit pawisan at bahagyang namumula ang gilad ng labi. Gusto man niyang iiwas ang tingin dito, hindi niya magawa. Bihag ulit siya ng mga mata nitong may magic.
Kahit kailan talaga 'di na siya natuto. Ayan na naman siya, nagpapakagaga.
Hindi ba kaya sila humantong ngayon dito sa ospital dahil sa kagagahan niya. Alam naman niya noon pa, bawal si Tyrone sa mga kagaya niya. Kagaya niyang bihisan man ng magara, magsumikap man sa buhay, magtrabaho man nang marangal, sa iba, mananatili pa rin na basura.
Sinubukan nitong hawakan ang kamay niya pero umiwas siya.
"'Wag mo 'kong hawakan. N-nakakahiya sa 'yo. M-madudumihan 'yang kamay mo," aniya bago iniiwas ang tingin sa lalaki.
"Jia-"
"Ba't ka nandito?" bulong niya, walang emosyon.
"I want to know kung ayos lang kayong dalawa ni baby."
"Maayos naman kami, sa awa ng Diyos. Ngayong alam mo na, puwede ka na sigurong umalis."
Hindi ito umimik, ni hindi rin umalis sa tabi niya gaya ng hiniling niya. Ilang beses rin itong humugot at nagbuga ng hininga bago nagsalita.
"Jia, bakit ka umalis? I've been looking for you. Galit ka ba kasi hindi ako nakapagpaalam nang maayos sa 'yo kagabi? Nagawa ko lang naman 'yon kasi-"
"Alam ko na lahat, Tyrone," nanginginig ang tinig na umpisa niya bago ito muling tinitigan. "Wala ka nang dapat ipaliwanag pa. Naiintindihan ko nang lahat. Alam na ni Ashley ang tungkol sa akin, tungkol sa amin ni baby, 'di ba?"
Hindi ito nagsalita. Tumitig lang sa kaniya na parang nanlulumo bago nagbuga ng hininga.
Kumpirmasyon 'yon na alam na nga ng fiancée nito ang tungkol sa kaniya. Bumigat ang dibdib niya. Naalala na naman niya ang pang-iinsultong ginawa sa kanya ng nanay ni Ashley kanina.
"Sana sinabi mo na lang sa akin nang harapan. Maiintindihan ko naman e. Sanay ako sa insulto. Makapal ang mukha ko, di ba? Nagawa ko ngang mamalimos." Pumiyok siya sa huling salitang kanyang binitiwan. Ngumiti siya upang itago sana ang tunay niyang nararamdaman ngunit tuluyan na siyang napaluha. "Alam mo ba, lagi na lang akong namamalimos. Namamalimos ako ng pagkakataon, ng awa, ng pang-unawa para sa mga mali-mali kong 'di ko naman talaga sadya. At nakakapagod 'yon, Tyrone. Minsan iniisip ko, hindi naman ako masamang tao pero bakit lagi akong nanghihingi? Bakit lagi akong binabalewala? Bakit lagi akong iniiwan?" Napahagulgol na siya sa puntong iyon. Ayaw na niya sanang umiyak pa para sa baby niya pero alam niya, kapag hindi niya nasabi ang mga gusto niyang sabihin, lalo siyang mahihirapan.
"Jia..." Pilit nitong hinawakan ang kamay niya ngunit mabilis niya iyong binawi.
"Ayokong pati pagmamahal lilimusin ko rin, Tyrone. Pagmamahal na hindi lang para sa akin kundi para rin sa anak ko." Wala sa sarili niyang hinaplos ang kanyang tiyan. "Tama sila, hindi mo ako kauri. Hindi niyo ako kauri. Ako 'yong ambisyosang mali-mali na walang kinabukasan na sa kamalas-malasan ay nabuntis mo dahil sa isang gabi ng pagkakamali. Alam ko naman 'yon. Alam na alam ko ang lugar ko sa lipunan, sa buhay mo. Hindi naman ako nanghingi sa 'yo nang kahit na ano. Hindi rin kita inobliga na panindigan kami ni baby. Pero nagbigay ka sa sarili mong pagkukusa at pinagpapasalamat ko 'yon. Ngayon, kung nagsasawa ka na, sana sinabi mo na lang. Hindi naman ako magrereklamo. Hindi sana ganito, Tyrone. Hindi ganito," aniya sa hirap na hirap na tinig.
Lalong nagdikit ang mga kilay nito. "Jia, nothing you're saying make sense to me now. Hindi ko maintindihan-"
"Wala ka nang dapat intindihin pa, Tyrone. Umalis na 'ko sa bahay na binigay mo. Bumalik ka na kay Ashley. Hindi ko na kayo guguluhin."
Maingat nitong ikinulong ang mukha niya sa mga palad nito. "Jia, Ashely and I-"
"Alam ko na, siya lang ang mahal mo at siya lang ang papakasalan mo. K-kaya, 'wag mo na kaming isipin n-ni baby." Tinabig niya ang kamay nito.
Umingit naman pabukas ang pinto. "Your three minutes is up, San Miguel. Umalis ka na," matigas na sabi ni Json na siyang nasa pinto.
"Jia, please let's fix this," pakiusap nito halos pabulong.
Bumaling siya rito. "Fix? I can't be fixed, Tyrone." Natawa siya habang lumuluha. Isang perpektong English na linyahan ang nasabi niya. Pero bakit ganon? "English 'yon pero masakit pa rin, Tyrone. Masakit na masakit pa rin."
Tumagilid na siya ng higa patalikod dito. Pinapaalis niya ito pero ayaw niya itong makitang umaalis. Kapag talaga may inaangkin kang hindi iyo, hindi pa rin iyon madaling bitawan kahit pa pilit na iyong kumakawala sa kamay mo at sinusugatan ka.
Ilang sandali pa itong nakiusap kay Json, pero nagmatigas na ang kaibigan niya. Nang magdesisyon si Json na hindi na muling makakalapit si Tyrone sa kanya, hindi siya tumutol. Alam niya kasi na dapat noon pa niya 'yon ginawa kaso nga lang hindi niya kaya, mahal niya e. Mahal na mahal niya.
###
1973words/7:53pm/07172019
#MyUnexpectedYouWp
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro