Chapter 15: The Visitor
Madilim pa nang maalimpungatan si Jia. Alas-tres ng madaling araw, iyon ang sabi ng orasan na nasa bedside table. Mabilis na dumaan sa isip niya ang naganap sa nagdaang mga oras. Hindi niya napigilan ang mainis na naman sa kanyang sarili. Napakarupok talaga niya pagdating kay Tyrone. Dalawang beses siyang sumuko sa mga halik at yakap nito. At sa parehong pagkakataon, sa pamamagitan ng maingat na pag-angkin nito sa kanya, ipinaramdam nito na espesyal siya. Kaso, ngayong tumila na ang ulan at humupa na ang bagyo sa pagitan nila ng lalaki, pilit siyang ibinalik ng reyalidad sa tunay na namamagitan sa kanilang dalawa.
Bumaling siya kay Tyrone na katabi niya sa kama. Mahimbing pa rin ang tulog nito—payapa. Bakit gano'n? Wala itong ginagawa, pero parang natutukso siyang hawakan ito at muling isiksik ang sarili niya sa mga bisig nito. Nababaliw na 'ata siyang talaga. Paanong sa isang pagsulyap lamang niya rito, napupuno na ang dibdib niya ng labis na pagmamahal para kay Tyrone?
Buong buhay niya, hindi siya naghanap ng sobra. Kung anong ibigay ng tadhana, tinatanggap niya nang walang pag-aalinlangan, nang buong puso. Pero pagdating kay Tyrone, hirap siyang tanggapin na may limitasyon ang mga kaya nitong ibigay sa kanya. Naghahanap siya. Naghahangad. Nangangarap nang higit pa.
Napaluha siya dahil sa naisip. Masuyo niyang hinaplos ang mukha ng lalaking mahal na mahal niya kahit bawal.
Siguro nga, pagdating kay Tyrone, makasarili siya. Gusto niya itong ariin kahit pag-aari na ito ng iba.
Pigil na pagil ang paghikbi, mabilis na nagbihis si Jia at lumipat sa kuwarto niya. Ilang sandali rin siyang umiyak bago muling nanalangin ng lakas ng loob upang tigilan na niya itong mahalin. Ang kaso, pagpikit niya, mahal pa rin niya ang lalaki. Mas minahal pa nga ngayon kung tutuusin.
*****
Walang imikan silang kumakain ng pananghalian ni Tyrone. Ipinagluto sila ni Manang Belen, ang cook sa mansyon ng mga San Miguel. Kanina pagkagising niya, abala na sa kusina si Manang Belen. Ipinakilala siya ni Tyrone sa matandang kusinera na tumayo rin daw na yaya ng lalaki nang ilang taon. Magiliw ang matanda. Mukhang siyang-siyang makita siya. Hindi rin ito nagtanong tungkol sa set-up nilang dalawa ni Tyrone. Tuwang-tuwa pa nga ang matanda nang haplusin nito ang tiyan niyang sa anim na buwan at kalahati'y, halatang-halata na ang umbok. Sabi pa nito, kung nabubuhay lang ang mga magulang ni Tyrone tiyak na matutuwa raw ang mga ito kapag nakilala siya at ang baby niya.
Nginitian lang niya ang sinabing iyon ng matanda. Kahit pa sa loob-loob niya, nag-aalangan siya. Insekyora siya e. Paanong matutuwa ang magulang ni Tyrone sa kanya e 'di siya kauri ng mga ito. Siya lang naman ang babaeng bangenge at pagala-gala sa tabi-tabi na aksidenteng nabuntis ni Tyrone. Ni wala siyang kayamanan, pinag-aralan at higit sa lahat, hindi siya diwata.
Tumikhim si Tyrone. "Mula ngayon si Manang Belen na ang magluluto para sa atin," balita nito. "Papalaki na kasi si baby, ayokong mahirapan ka sa paggalaw-galaw dito sa bahay."
Tipid siyang tumango, hindi inaalis ang mga mata sa plato. Alangan siyang makipag-usap dito e.
"Jia, about last night..."
Kinakabahan siyang sumulyap dito.
"B-bakit?"
Tinitigan muna siya nito, parang binabasa ang mukha niya, bago, "What do you think about getting married?"
"Ha?"
Tumikhim ito. Sandaling namula ang mukha bago umayos ng upo. "What I mean is, anong tingin mo sa pagpapakasal?"
Napakurap siya. Balik na naman pala sila sa question and answer portion.
"Siyempre, maganda," kaswal niyang sagot.
Napairap siya ng lihim. Jusko! Ang simple ng tanong ha, pero 'di nito masagot. Pumupurol na siguro ang utak ni Tyrone. Dikit kasi ng dikit sa kanya.
Nangunot-noo ito sa isinagot niya. "Dapat ba talaga mahal ng magpapakasal ang bawat isa?"
Tumaas na ang kilay niya. "Siyempre! Anong silbi ng pagpapakasal kung hindi mo mahal ang papakasalan mo? Magpapatali ka sa taong hindi mo mahal, ganern? Hindi kaya 'yon pupuwede."
"Bakit ang ibang tao ginagawa naman 'yon? Like arrange marriages or like the ones we are seeing in the movies."
Nanikwas ang nguso niya. Achieve na achieve talaga nito ang pag-uusap tungkol sa kasal. Sabagay mas maganda na 'yon ang pag-usapan nila kaysa ang nangyari kagabi.
"Movies? Sus! Puro ka-echosan lang 'yon." Mabilis siyang uminom ng juice na nasa gilid niya. "Nag-iisa lang ang buhay natin tapos maikli pa. Bakit mo 'yon sasayangin kasama ang taong hindi mo naman mahal? At saka ang sabi ni—"
"Have you ever been in love, Jia?" putol na tanong nito sa kanya.
Natigilan siya, kinabahan nang slight. "I-in love?"
Tumango ito.
"H-hindi pa," alanganin niyang sagot bago muling dinala sa bibig ang baso ng juice. Nanuyo kasi ang lalamunan niya sa tinanong nito. Hindi rin niya tantiyado kung konektado ang bibig niya sa isip niya. Baka kung anu-ano na naman ang masabi niya.
"I see," anito bago muling ipanagpatuloy ang pagkain.
Nawi-weirduhan siyang talaga kay Tyrone nitong nakalipas na mga araw. Marami itong hanash na 'di niya maitindihan. Dineadma na lang din niya, baka parte pa rin ng paglilihi nito gaya ng sabi ni Nathan.
Matapos ang pananghalian, nagkanya-kanya na sila ni Tyrone. Siya, nagkulong sa kuwarto niya at nagbasa ng libro. Kuwentong pambata iyon na nakasulat sa English. Sinabihan kasi siya ni Michelle na maganda raw sa mga batang ipinagbubuntis pa lamang kapag binabasahan ang mga ito ng kuwento. Kaya naman kahit napipilipit pa rin ang dila niya, ina-achieve niya ang pagbabasa ng kuwento para sa kanyang baby. At ang tukmol naman, nasa kwarto rin nito. Kung ano ang ginagawa, malay niya. Baka nagpaplano ng ganap para sa fiancée nitong diwata.
Bandang alas-sais nang makatanggap siya ng text kay Tyrone. Lalabas daw ito at may aasikasuhin saglit. Nireplyan niya ang lalaki ng 'K' bago ini-off ang cellphone niya. Naimbiyerna na naman kasi siya. Hindi man lang nito magawang magpaalam sa kanya ng personal. At saka kung anu-ano na naman kasing inirarason nito. Bakit 'di pa nito sabihin na makikipag-date ito kay Ashley?
Nakita niya sa news kagabi, dumating na naman ang diwata sa bansa. Maya't-maya ang uwi nito e, kahit maraming nakalinyang proyekto ang Primebuild-RMM Builders abroad. Halos gawin na nga nitong biyaheng Guadalupe-Boni lang ang biyaheng Paris-Manila. Pero kahit na panay ang biyahe nito, fresh na fresh pa rin ito lagi tuwing nag-aaparisyon sa TV at nai-interview. Kung sabagay, lahing diwata ito e. At siya, sa sitwasyon niya ngayon, kanfirmed, may sa lahing butete siyang talaga.
Lintek talaga ang pagiging insekyora niya. Nanunuot sa bawat himaymay ng kanyang katawan. Hindi naman siya dating gano'n a. Kay Ashley lang talaga.
Alas-siete nang katukin siya ni Manang Belen sa kuwarto niya. Sinabihan siya nito na handa naang hapunan. Naghapunan siyang mag-isa kahit wala siyang gana.
Bandang alas-dies na ng gabi, hindi pa rin umuuwi si Manang Belen. Ang sabi nito, doon daw ito matutulog sa bahay niya dahil hindi makakuwi si Tyrone. May inaasikaso raw ito.
Tumango na lang siya sa ibinalita ng matanda. Nang mahiga siya sa kama, hindi siya nakatulog kahit na anong pilit niya.
*****
Kinabukasan
Alas dos na ng hapon pero wala pa rin si Tyrone. Kanina pa naka-on ang cellphone niya pero wala pa ring tawag ni text man lang ang tukmol at nag-aalala siyang talaga. Kahit nga rin si Manang Belen, hindi nito tinext. Kapag pa naman ganoong kinakabahan siya, masaganang-masagana ang toyo niya. Marami siyang eksenang naiisip. Kung hindi masasama, walang basehan o sadyang nakakatanga.
Napapitlag pa siya nang tumunog ang doorbell. Bumangon ang pag-asa sa dibdib niya, baka ang tukmol na 'yon. Madali niyang tinungo ang gate. Umuwi kasi saglit sa mansiyon si Manang Belen at wala siyang kasama. Kaso, pagbukas niya ng gate, hindi si Tyrone ang nabungaran niya kundi isang babae, na sa tantiya niya nasa singkuwenta pataas pa lang ang edad at humihiyaw ang pagka-shala nito mula ulo hanggang paa.
"You must be Ms. Hidalgo?" Kumurap siya. Ngumiti naman ang babae. "I am Mrs. Lorraine Wilson, the mother of Ashley," pakilala nito.
Lumunok siya. Agad na tinambol ng kaba ang dibdib niya. Anong ginagawa ng motherearth ng diwata sa bahay niya?
"Can I talk to you?" anito.
Malakas ang bulong ng kanyang lohika na 'wag pagbigyan ang babae sa hiling nito. Ngunit sa bandang huli, pinapasok na rin niya ang ginang.
Nang marating nila ang salas, tahimik nitong ipinagala ang mata nito sa kabuuan ng bahay niya.
"This place is nice," komento nito bago siya pinukol ng kakaibang tingin. Ngumiti ang babae, pang-kontrabida. "But, I wonder how such the likes of you could afford this place."
"P-po?"
Bahagyang natawa ang babae. "I'm sorry, my bad. I was told na hindi ka nga pala nakapag-aral kaya hindi ka nakakaintindi ng English."
Awtomatiko ang pagbigat ng dibdib niya sa pang-iinsulto sa kanya ng babae. Gusto niyang sumagot, ngunit parang umatras ang dila niya.
"Tell me, paano mo ginawa? Paano mo inakit si Tyrone, na kahit na alam mo nang ikakasal siya sa anak ko'y ipinagpipilitan mo pa rin ang sarili mo sa kanya? Ganyan ka ba kadesperado magkapera, Ms. Hidalgo?"
Nanikip ang dibdib ni Jia sa ipinaparatang ng babae sa kanya. Kuyom ang mga kamay, nilunok niya ang bikig sa kanyang lalamunan at pinilit niyang magsalita.
"H-hindi po ako ganoong klaseng babae," may nginig sa tinig na sagot niya.
"E ano ka? Babaeng bayaran na sa kamalas-malasan ay nabuntis ni Tyrone? At ngayon nga, ginagamit mo 'yang ipinagbubuntis mo para humingi sa kanya ng kung anu-ano. "
Nagpanting ang tenga ni Jia sa sinabi ng kausap. "'Wag niyo pong idamay ang anak ko sa pangi-insulto ninyo. Kusang nagbigay sa akin si Tyrone. Hindi ako nanghingi ng kahit anuman sa kanya!" mangiyak-ngiyak na paliwanag niya.
Natawa ang babae sa sinabi niya. "That's a classic move for gold diggers like you. Bumenta na 'yan, Ms. Hidalgo. Kunwari walang interes sa kayamanan pero sa huli'y mas higit pa sa sapat ang gusto."
Tuluyan nang sumulak ang galit ni Jia sa kausap. "Kung iinsultuhin niyo lang ako dito sa loob ng sarili kong pamamahay, mas maganda sigurong umalis na kayo!" Nangininig ang mga paang tinungo niya ang pinto at binuksan 'yon.
Muling ngumiti ang babae, matamis ngunit sarkastiko. "Kahit na pigilin mo ako sa pagsasalita at paalisin ngayon, it will never erase the fact na mananatili kang babaeng ambisyosa na nangangarap mapabilang sa mundo namin." Naglakad ito palapit sa kanya. "Kumuha ka na lang ng ibang mabibiktima. Huwag ang mapapangasawa ng anak ko."
Sinalubong ni Jia ang mapangmatang tingin ng babae. Hinigpitan niya ang paghawak sa doorknob bago niluwangan ang pagkakabukas sa pinto. "Mataas ang respeto ko sa mga kagaya ninyo. Elitista kayo e. May pinag-aralan. Pinagpala kayo dahil ni minsan sa buhay ninyo hindi niyo naranasang magutom. Marami kayong pera at buhos kayo sa material na kayaman ng mundo. Pero naaawa ako sa inyo. Dahil kahit gaano karami ang salipi ninyo, hindi niyo mabilhan ang sarili ninyo ng magandang asal."
Humalakhak ang babae pagkatapos ay muli siyang pinukol ng nakakainsultong tingin. "Whatever you say, doesn't matter. Oopss let me rephrase that bimbo, you don't matter. Kaya tumigil ka na sa pag-iilusyon mo. Look around you. You don't belong here, sweetheart. Bakit 'di ka na lang bumalik sa pusaling pinaggalingan mo kung saan kayo nababagay niyang anak mong bastardo." Humakbang ito palabas ng bahay niya upang muli rin lang pumihit paharap sa kanya matapos ang ilang hakbang. "Bago ako umalis, baka lang nagtataka ka kung nasaan si Tyrone. Well, magkasama sila ng anak ko sa Palawan mula pa kagabi. Apparently, masyadong mahal ni Tyrone ang anak ko kaya ipinagtapat niya sa amin na mayroon daw siyang nabuntis na basurang babae at ayaw siyang tantanan. Masyado lang mabait si Tyrone kaya hindi niya masabi sa 'yo nang harapan. That's why I am here, to help him get rid of you. Ikakasal si Tyrone sa anak ko at walang sinumang babae, lalo na ang kagaya mo na puwedeng humadlang."
Nang tuluyang makalabas sa bakuran niya ang ginang, sunod-sunod na pumatak ang luha ni Jia. Sapo ang kanyang dibdib, wala sa sarili siyang napaupo sa sofa. Saulado ng isip niya ang bawat insultong ipinukol sa kanya ng babae. At ngayon, pakiramdam niya isanlibong patalim ang nakatarak sa kanyang dibdib. Hindi man lang niya naipagtanggol nang maayos ang sarili niya. Mahirap lang siya, walang pinag-aralan, pero ni minsan hindi naman siya humiling nang kung anu-ano kay Tyrone. Ngunit ang pinakamasakit, pati ang walang kamalay-malay na anak niyang hindi pa man naisisilang ay binansagang nang basura ng ibang tao.
Sinapo niya ang tiyan niya at muling umiyak. Masamang-masama ang loob niya.
Nang mahimasmasan siya ay umakyat siya sa kanyang kwarto. Mabilis siyang nag-empake ng mga gamit niya. Kung saan siya pupunta, hindi niya alam. Basta ang alam niya, kailangan niyang umalis doon.
Maniniwala ka lang sa mga sabi-sabi kapag may ebidensya. Um-echo sa tenga niya ang madalas na pangaral sa kanya noon ng Tiyang Bebang niya.
Kung kaya't nagdadalawang-isip man, kinuha niya ang cellphone niya at nag-text kay Tyrone kung nasaan ito. Kalmado siyang naghintay ng sagot mula rito. Nag-reply naman ito.
Tyrone: 2:45pm
Jia, I'm sorry hindi ako nakauwi kagabi. Nasa Palawan ako ngayon, kasama ko si Ashley. Will be home in an hour.
Napasinghap siya sa kumpirmasyon mula mismo kay Tyrone. Nanubig na naman ang mata niya.
Kasalanan niya 'yon e. Kasalanan ng puso niyang expectorant at asado. Alam na nga niya noon pa man na walang kahihinatnan ang lihim niyang pagmamahal sa lalaki pero sumige pa rin siya. Tumilapon tuloy ang buong katauhan niya sa kangkungan.
Mabilis niyang itinuloy ang page-empake. Baka kasi maya-maya lang, bumalik na si Manang Belen, baka pigilan pa siya nito sa pag-alis.
Ilang sandali pa, tumunog ulit ang cellphone niya. Tumatawag si Tyrone sa kanya. At dahil hindi pa niya ito handing kausapin, ni-reject niya ang tawag at nagpatuloy sa page-empake.
Wala pang sampung minuto, nakalabas na si Jia sa bahay, bitbit ang isang bag na naglalaman ng mga gamit niya. Habang naglalakad siya palabas ng subdivision, panay ang patak ng luha niya. Iniisip niya kung saan siya puwedeng pumunta. Wala naman siyang kamag-anak na puwedeng kumanlong sa kanya pansamantala. Kumirot ang dibdib niya. Noon lang kasi siya nakaramdam ng matinding awa sa kanyang sarili.
Nang makalabas siya ng subdivision, tuliro siyang nag-abang ng taxi. Wala talaga siya kasing maisip na pupuntahan. Gulong-gulo siya.
Napasinghap siya at napasapo sa kanyang tiyan nang makaramdam siya ng matinding sakit doon. Noong una ay kaya pa niya ang sakit kaya nagpatuloy siya sa paglalakad. Ngunit sa paglipas ng oras, tumindi iyon nang tumindi. Hanggang sa hindi na niya napigilan ang sumalampak sa daan. Mabilis naman siyang tinulungan ng mga nakakita sa kanya at isinakay siya sa taxi patungong ospital.
"Relax ka lang misis," alo sa kanya ng babaeng nagsakay sa kanya sa taxi at kasama niya ngayon papuntang ospital. Panay pa rin kasi ang tulo ng luha at pagsigok niya. Kahit kasi pigilin niya, hindi niya magawa.
Puno ng kaba ang dibdib niya hindi para sa kanya kundi para sa batang dinadala niya. Hindi niya mapapatawad ang sarili niya kung may mangyaring masama sa anak niya.
Lord 'wag naman po please, lihim niyang usal.
Mabilis niyang hinugot ang cellphone sa kanyang bulsa at nag-dial ng number doon. Nang tanggapin ng kabilang linya ang tawag, agad siyang nagasalita. "JM, p-puntahan mo ako sa ospital ni Dr. Pedroza... n-ngayon na."
###
2570words ed 2534/3:54pm/07162019
#MyUnexpectedYouWP
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro