Chapter 14: Bahay-bahayan
Twenty five. Kung hindi nagkakamali si Jia, pangtwenty-five nang buntong-hininga iyon ni Tyrone. Katabi niya ang lalaki sa kama, sa kuwarto mismo ni Albie. At isang walang malay na unan lamang ang nakapagitan sa kanila ng lalaki.
Hanggang ngayon hindi siya makapaniwala na pumayag si Albie na patulugin si Tyrone sa kuwarto nito. At take note, nag-alsabalutan ang bakla. Nakitulog sa kuwarto ng kapatid nito.
'Kaya mo 'yan girl. 'Wag nang pabebe ha,' sabi pa nito kanina.
Napairap siya. Taksil talaga ang bakla. Nagpadala rin siguro sa magic sa mga mata ni Tyrone.
Pinakiramdaman niya ang katabi, panay ang lundo ng kama sa bahagi nito. Patagilid siyang nakahiga sa kaliwang bahagi ng kama. At hindi man niya ito makita, mukhang hindi ito makahanap ng maayos na pwesto. Maliit lang kasi ang kama ni Albie, hindi kagaya ng mga higaan sa bahay niya na sadya yatang para sa mga kalahi ni Tyrone na higante.
"This feels weird," maya-maya ay komento nito. "I can't imagine a room full of pictures of me."
Sandaling prumoseso ang braincells niya. "Bet na bet ka ni Albie kaya ganyan," walang gana niyang sagot kapagkuwan.
"Where can I learn that?"
"Learn? Ang alin?"
"'Yang mga salita mo. Gusto kong matuto."
Pabalikwas siyang bumangon at tinignan ito. "Gusto mong matuto ng bekinese?"
Ngumiti ito, bumangon at umupo na rin sa kama kagaya niya. "Oo. Para maintindihan kita."
"Wiz! Hindi puwede!" mabilis niyang tutol. Baka kasi kapag natuto ito ng bekinese 'di na siya makapaglihim dito.
"Bakit naman? Ako nga tinuturuan kitang mag-English." Nahimigan niya ang kaunting tampo sa tinig nito pero dineadma lang niya.
"Basta! Hindi pwede! Mae-expose ang ganda ko este ang ibig kong sabihin i-inaantok na 'ko. Matulog na tayo." Nahiga na siya. Sa pagkakataong 'yon, nakalapat ang likod niya sa kama. Nahiga na rin si Tyrone sa tabi niya.
May mahinang pag-awit ng aleluya sa tenga niya dahil maliban noong may mangyari sa kanila sa Japan, 'yon ang unang pagkakataon na matutulog silang dalawa na magkatabi sa kama. Kung talagang lukaret siya, baka kanina pa siya kapit-tuko sa lalaki. Pagkakataon na niya e. Kaso, hindi pa naman tuluyang bumigay ang katinuan niya. Alam niya ang lugar niya sa buhay ni Tyrone. Si Ashley ang nasa sentro at siya— sila ng baby niya, nasa gilid lang.
"Can I hold your hand, Jia?" anito maya-maya, ang mga mata nasa kisame.
Nagdalawang-isip siya. Pero hindi pa man siya nakakasagot, inabot na nito ang kamay niya at ipinaloob iyon sa kamay nito.
Nangilid ang luha ni Jia. Pakiramdam niya naglaho na lahat ng pinaglalaban ng lohika niya kanina sa simpleng paghawak lang nito sa kamay niya. At nakakatanga 'yon. Kahit saang anggulo, malabo 'yon. Dahil kapag hindi siya nito tinantan sa mga ganoong galawan, bukas, aasa na naman siya at masasaktan.
"A-alam na ba ni Ashley n-na buntis ako?" lakas-loob na tanong niya.
"Hindi pa."
"K-kailan mo balak sabihin sa kanya?"
"I don't know. Kapag siguro nagtanong siya."
"At kapag hindi siya nagtanong?"
"Then, I'll never tell her," mabilis na sagot nito.
Binawi niya ang kamay niya rito at tumalikod ng higa. Tuluyan nang tumulo ang luha niya. Nasaktan siya kasi sa isinagot nito. Kumpirmasyon iyon kung ano ang hinaharap nila ng baby niya. Magpapatuloy ang buhay ni Tyrone kapiling si Ashley. At silang mag-ina, mananatiling lihim.
"Goodnight, Jia," bulong nito sa kanya na bahagya pang dinampian ng halik ang balikat niya.
Hindi niya nagawang sumagot. Nananalangin kasi siya. Nagmamakaawa siya sa Diyos na kung maari lang, tanggalin na nito ang pagmamahal na nasa puso niya para kay Tyrone dahil ngayon alam na niya na sa hinaharap, hindi talaga ito magiging kanya.
*****
"It's a boy!" masiglang anunsyo ni Dr. Pedroza habang panay ang hagod nito sa aparato sa tiyan ni Jia. Limang buwan at kalahati na ang tiyan niya at ngayon ang schedule para sa ultrasound. Kuntodo ngiti ang tukmol sa balita. Ilang beses pa siyang sinulyapan at gusto yata siyang lapitan, pero alam niya nag-aalangan na ito. Nahahalata na 'ata nito na iniiwasan niya ito.
Mula kasi nang mangyari ang eksena sa bahay nila Albie dalawang linggo na ang nakararaan, idinistansya na niyang talaga ang sarili sa lalaki. Na hindi naman talaga mahirap gawin lalo pa at naiimbyerna siya talaga kapag sinusumpong ito ng kasungitan. Paano pati sina Albie at Nathan pinagdidiskitahan nito. Lalo na kay Nathan na laging driver ni Albie tuwing binibisita siya nito. Ang magpinsan na nga lang ang nakaka-usap niya nang matino kapag inaatake siya ng lungkot tuwing mag-isa siya sa bahay niya, sinusungitan pa ng tukmol. Nag-aalangan tuloy bumisita ang mga kaibigan niya sa kanya.
"Tara sa mall," aya ni Tyrone sa kanya matapos ang check up niya.
"Bakit?"
"Bili tayo ng gamit ng baby boy ko," anito bago mabilis na hinagod ang tiyan niya.
Umirap siya at tinabig ang kamay nito. "Mata sa daan, Mr. San Miguel. Baka mabangga tayo."
Lumabi ito. "Ito naman para hinahawakan lang si baby." Muli nitong inabot ang tiyan niya ngunit pinanatili nito ang mga mata sa daan. "Ang sungit ng Mama mo ngayon baby buti na lang maganda pa rin siya kahit nagagalit 'no? Gutom ka na ba? Anong gustong kainin ng baby boy ko?"
"Gusto ko nang umuwi," walang gana niyang sagot bago tinabig ulit ang kamay nito.
Titiyagain na lang niya siguro ang pagsa-shopping online. Bukod kasi sa insekyora siya at ayaw niyang mas maraming tao ang makakita sa kanyang kasama si Tyrone, hindi niya rin talaga gusto ang pambobola nito sa kanya. Nakakauto kasi 'yon at madalas kahit ayaw niya, humohopia pa rin siya.
"Sige na. Tulungan mo akong mamili ng ilalagay natin sa nursery."
"Ayoko. Ikaw na lang," tanggi niya ulit.
"Bakit bibisita na naman si Nathan?" tanong nito, iba na ang tono.
"Mali! Sina Albie at Nathan!" pagtatama niya, iritado na rin.
Wala pa man ang mga bisita niya, naiimbyerna na siya rito. E bakit ito, kapag sinasabi nitong magkikita ito at si Ashley, nagmamaktol ba siya nang harapan? Ngumangawa lang naman siya nang patago a. Hindi naman siya nakikipaglandian sa ibang lalaki. Mga kaibigan na nga lang niya ang kausap niya, nagagalit pa ito. Nahawaan na niya siguro ito talaga ng toyo.
Hindi sumagot ang lalaki pero panay ang buga nito ng mararahas na hininga. Hindi na lang din umimik si Jia. Mas maganda na 'yon para sa kapayapaan ng sangkalupaearth.
Alas-singko ng hapon nang dumating sina Albie at Nathan. May dala ang mga itong ube cheesecake na gawa mismo ni Michelle. May cake shop na kasi si Michelle ngayon— negosyo nito at ni Nathan. Madalas rin silang magka-chat ni Michelle lalo na kung tungkol sa pagbubuntis ang usapan. Namamangha siya na hindi pala talaga ito laging pala-warla hindi tulad noong buntis ito na kulang na lang lipulin nito ang lahat ng mga taong kumakausap kay Nathan.
"Si Fafa Tyrone?" bulong ni Albie bago sila makapasok sa front door.
"Nasa taas," sagot ni niya.
Napahinto ang magpinsan, sandaling nagkatinginan. "Maaga kaming uuwi ngayon Jia," si Nathan na sumulyap pa sa relo nito.
"May lakad kayo?" nanunulis ang ngusong tanong niya.
"Gusto pa kasi naming makalabas ng buhay sa bahay mo, girl," nawiwindang na sagot nit Albie.
"Ha?"
"Ang ibig niyang sabihin, oo may lakad kami. 'Di ba, 'no?" Siniko ni Nathan si Albie.
"T-truli, girl!" sagot naman ng bakla habang ibinababa ang cake sa dining table.
Mabilis siyang kumuha ng platito at kutsara mula sa cupboard at inaya ang dalawa upang magmerdyenda sa lanai malapit sa pool. Presko kasi doon lalo na tuwing hapon. Ilang minuto pa, masaya na siyang nakikipagkwentuhan sa mag-pinsan. 'Yon ang namimiss niya, ang may kakuwentuhan. Mahirap kayang magpakaburo sa loob ng bahay nang mag-isa.
Pagpatak ng alas-otso y media ng gabi, busog na silang tatlo sa pagkukuwentuhan at ubos na rin ang cake na dala ng magpinsan. Sa kaparehong oras, umaparisyon si Tyrone sa lanai. Binati ito nina Albie at Nathan, kaso nagsusuplado na naman ang tukmol. Madilim ang mukha nitong tinanguan ang mga bisita niya bago humirit ng, "Bawal mapuyat ang buntis."
Wala na siyang nagawa nang nagmamadaling magpaalam ang mga bisita niya. At imbes na kausapin si Tyrone na noon ay nasa salas at nanonood ng TV, dumiretso siya sa kuwarto niya at kinuha ang English textbook na pinagdiskitahan niyang basahin upang 'di niya maisip ang lalaki. Buwisit na buwisit na siyang talaga sa tukmol. Lagi siya nitong pinapahiya sa mga kaibigan niya. Kung makapal lang talaga ang mukha niya, baka matagal na niya itong pinatalsik sa bahay niya na bigay nito.
Ilang sandali pa, bumukas ang pinto ng kuwarto niya.
"Puwede ba tayong mag-usap, Jia?" bungad ng magaling na lalaki.
Umirap siya ngunit 'di inaalis ang mata sa libro. "Wala ba kayong lakad ni Ashley? Sabado ngayon, masarap mag-date."
"Bakit parang pinagtatabuyan mo ko?" may halong inis ang pagkakasabi nito.
"Ayoko kasing makipag-usap sa 'yo," pag-amin niya, 'di na naitago ang inis.
"C'mon, Jia. Ano na naman bang kinakagalit mo? Dahil ba sa sinabi ko sa mga kaibigan mo? Bakit totoo namang bawal kang mapuyat a. Nagagalit ka ba sa akin dahil do'n?"
"Hindi Mr. San Miguel, nakakatuwa 'yang ugali mo. Pagbutihin mo," sarkastikong sagot niya bago inilipat ang pahina ng libro.
Mahinang nagmura ang lalaki. "Naiinis na ako sa 'yo, Jia. Ang hirap-hirap mong intindihin!"
Aray ha! Hindi talaga sapat dito na alam niyang hindi siya kagalingan at madalas na mali-mali. Kailangan talaga sabihin pa nito iyon nang harapan.
Ibinagsak niya ang libro sa kama. "Puwes, 'wag mo nang pilitin. Gifted child ka e. Talagang hindi mo maiintidihan ang katulad kong bobita!"
"That's not what I meant!" usal nito bago pinisil ang pagitan ng mga mata nito. "This is so frustrating!"
Pinatay na niya ang night lamp at humiga patalikod dito. "Pagod ako. Matutulog na ko."
Bumuntong-hininga ulit si Tyrone. Matapos ang pag-click ng pintuan, sunod-sunod na pumatak ang luha ni Jia.
*****
God is good to me
God is good to me
He holds my hand and let me stand
God is good to me
Masiglang nakikanta si Jia sa mga bata sa bahay ampunan na binisita nila ni Tyrone. Sa totoo lang, si Ms. Sophie ang nag-aya sa kanilang dalawa na pumunta doon. Sponsor kasi ang Primebuild-RMM Builders doon kaya damay silang dalawa ni Tyrone.
Kung hindi nga lamang ba si Ms. Sophie ang personal na nag-invite sa kanya, 'di talaga siya pupunta. Iwas pa rin kasi siya kay Tyrone kahit na magkasama sila sa iisang bahay. Nag-uusap naman sila kaso, tungkol lang sa mga pangangailangan ng bata. Nitong nakaraaang linggo nga hindi ito pumasok ng buong linggo dahil ito mismo ang umayos sa nursery. Windang na windang siya sa presensya nito. Iwas siya nang iwas dito pero lapit naman ito nang lapit na parang nanadya. Hindi tuloy nakabisita si Albie at Nathan sa kanya. Sabi ni Nathan, baka raw ganoon ito dahil daw si Tyrone ang naglilihi sa kanilang dalawa. Siguro nga. Bugnutin kasi ito lalo na tuwing nasisilayan nito ang magpinsan sa bahay niya. Warla kung warla.
"Water?" alok nito sa kanya maya-maya.
Tipid siyang ngumiti at tinanggap ang bigay nitong bottled water. "Salamat."
Tahimik nilang pinagmasdan ang mga batang umaawit sa harap ng maliit na hall. Si Ms. Sophie ang nagpapakanta sa mga bata.
"Alam mo, si Raine ang may pakana nito. Siya talaga ang nagi-sponsor sa mga bata dito sa ampunan. Pero noong kinasal na si Sophie kay Rob, we thought that the company also need to share any blessing that has been given to us," paliwanag nito.
Tumango-tango siya bago muling ibinalik sa mga bata ang tingin niya. Ang Raine na tinutukoy nito ay isa pang matalik na kaibigan ni Ms. Sophie at asawa ng pinsan ni Ms. Alexa na si Carlo na siyang kasalukuyang CEO ng Diamant Empire. Ang pinakamalaking supplier ng diamante sa buong mundo.
"Ang suswerte ng mga bata. Kahit na wala silang mga magulang, may mga mabubuting tao na nag-aalaga sa kanila," wala sa sarili na sabi niya.
Sandali siyang natahimik nang kusang bumalik sa alaala niya ang mga naranasan niya habang lumalaki siya. Kapagkuwan'y hinawakan ni Tyrone ang kamay niya. Bumaling siya rito.
"Anong iniisip mo?" anito.
"Naalala ko lang noong walang-wala ako. Naranasan kong pumasok sa eskwela na pudpod ang sapatos at hindi pa kumakain ng dalawang araw. Kulang-kulang isang buwan 'yon matapos akong iwanan ni Tiyang Bebang. Hindi naman ako makapag-sideline noon dahil marami na akong kailangang tapusin sa eskwela. Graduating na kasi ako noon sa junior high school. Alam mo na, maraming requirement na kailangang tapusin. Nabuhay ako sa patubig-tubig at panghihingi ng tigpipisong sitserya sa canteen." Ibinalik niya ang mga mata sa mga batang kumakanta. "Alam mo, no'ng hindi ko na natiis ang gutom ko, namalimos ako sa harap ng simbahan. May mga nakakilala sa akin pero ni piso 'di nila ako binigyan kahit na magmakaawa ako. Naisip ko noon, kahit pala awa mahirap din limusin."
Muling bumaha ang lungkot sa dibdib ni Jia. Pilit niyang nilunok ang bikig sa kanyang lalamunan. Ang mga alaala talaga, may espesyal na kapangyarihan upang pasakitan ka tungkol sa mga bagay na napagdaanan mo na.
"Ngayon naman, kakain na tayo!" anunsiyo ni Ms. Sophie. "At tutulungan tayo ng mga ate at kuya natin sa likod." Nagpalakpakan ang mga bata. Sumenyas naman si Ms. Sophie sa kanila ni Tyrone at sa iba pang volunteers na kasama nila. Pinapapunta sila nito sa mess hall. Pinauna niya muna ang mga bata at ang iba pang volunteers bago siya sumunod sa mga ito. Ngunit bago pa siya makalayo, hinigit ni Tyrone ang kamay niya at marahan siya nitong kinabig payakap.
"You don't need to beg anymore, Jia," anito bago masuyong dinampian ng halik ang buhok niya.
Kung ano man ang ibig sabihin nito, hindi niya alam. Basta ang alam niya, ayaw man niya, kusang gumanti ng yakap ang mga kamay niya.
*****
Nanatili pa sila ni Tyrone sa ampunan hanggang hapon. Nakapangako kasi ito kay Miguel, isa sa mga batang nasa ampunan, na tuturuan nito itong mag-basketball. Pabibong nakipaglaro si Tyrone sa mga bata habang siya naman nagkasya na lamang na panoorin ito mula sa malayo. At sigurado si Jia, kahit bugnutin si Tyrone ngayon at sadyang may pagkagago nang slight lalo na pagdating sa sitwasyon nila, magiging mabuting tatay ito sa baby niya.
"Love mo na, 'no?" Nakangising si Ms. Sophie ang nalingunan niya. Hindi niya namalayang nakalapit na pala ito sa pwesto niya.
"S-sino po?" namumula ang mukhang tanong niya.
"Kunwari ka pa," biro nito sa kanya bago umupo sa tabi niya. Nasa bench sila sa lilim ng isang puno. "Alam mo, the world would be a much better place if we can all just be honest to ourselves."
Lumunok si Jia at ngumiti. May dalang windangan ang sinabi ni Ms. Sophie. Maliit lang kasi na linyahang English ang sanay siyang iproseso nang mabilis.
Ilang sandali pa, bumuhos ang malakas na ulan. Mabilis na bumalik ang mga bata sa loob ng ampunan. Sandali pa silang tumigil sa ampunan, ngunit nang gumabi na at hindi pa tumitila ang ulan, napilitan na silang mag-paalam. Tinakbo nila ang sasakyan ni Tyrone nang sukuan ng ipinahiram sa kanilang payong ang malakas na buhos ng ulan. Halos basa silang pareho na bumiyahe. At sa kamalas-malasan, brownout nang dumating sila sa bahay niya. Mukhang may bagyong paparating at nagngangalit ang langit.
"Stay here," anito na mabilis na umakyat sa taas. Pagbalik nito sa salas, may dala na itong tuwalya at ipinunas iyon sa kanya.
"Sandali, bakit ako lang? Basa ka rin," aniya na mabilis pang inagaw ang tuwalya sa kamay nito. Marahan niyang ipinunas sa basang mukha nito ang tuwalya upang matigilan lamang nang magtama ang kanilang mga mata.
Sa madilim na paligid, may nangyayaring 'di mawari ni Jia kung ano. Basta ang alam niya kusang bumilis ang pagtibok ng kanyang puso. Mukhang pinagagana nang husto ni Tyrone ang magic sa mga mata nito. Hinihigop niyon ang tino ng kanyang lohika. Pinaguguho niyon ang pader na kusa niyang ginawa sa pagitan nilang dalawa nitong nakalipas na mga linggo. At inuutusan siya niyong limutin ang kung ano mang mga pangakong binitiwan niya tungkol sa sitwasyon nilang dalawa ng lalaki.
Hindi gaya noong nasa Japan sila, hindi nagtanong si Tyrone. Kusang bumaba ang ulo nito at tinawid ang pagitan ng kanilang mga labi. At wala siyang ginawang pagtutol. Bagkus ay sadya niyang ipinulupot ang mga kamay niya sa leeg nito na nagpangyari upang lalong lumalim ang paraan ng paghalik nito sa kanya. Muli, sumuko ang lohika niya sa mga halik ni Tyrone.
Ilang sandali pa, maingat siya nitong inalalayan paakyat sa kuwarto nito at pinahiga sa kama. Nang hubarin nito ang kanyang bestida, hindi rin siya tumutol, bulag siyang nagpaubaya. Hinalikan ni Tyrone at bawat sulok ng kanyang katawan. Hinaplos. Sinamba. At nang tuluyan siya nitong inangkin, limot na lahat ni Jia ang anumang nararamdaman niyang pag-aalinlangan. Mahal niya si Tyrone nang buong puso. Saka na lang niya iisipin ulit ang bukas— kapag sumikat na ang araw at tapos na ang bagyo.
Ngunit ngayong gabi, hahayaan niya ang sariling isiipin na sa kanya si Tyrone at wala siyang kahati.
###
2815words ed 2836/10:55pm/07152019
#MyUnexpectedYouWP
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro