Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 10: Secret Is Out


      Tahimik na nakamasid si Jia habang nakaupo sa harap ng hapag nang kinaroroonan nilang bahay. Kanina pa pagala-gala ang mga mata niya sa kabuuan ng bahay. Sinasadya niya iyon dahil ayaw niyang tignan si Tyrone. May dala kasing pagbabanta ng delubyo ang mga mata ni Tyrone na nakaupo sa tapat niya.

      Kanina habang sakay sila ng kotse nito, wala silang imikan. Hanggang sa pumasok sila sa isang ekslusibong subdivision at bumaba sa tapat ng isang dalawang palapag na bahay. Kahit na nang pumasok sila roon, wala sa kanilang dalawa ang nagsalita. Basta nang pumasok ang lalaki sa gate, sumunod lang din siya.

      Maganda ang bahay, moderno. Gusto niya ang disenyo, hindi masyadong shala, simple pero may tinatagong ganda. Parang siya.

      "Jia," tawag ni Tyrone sa kanya maya-maya.

      "Maganda itong bahay mo," komento niya, gumagala pa rin ang mga mata.

      "Jia, bakit mo 'ko pinagtataguan?" anang lalaki, seryoso ang tono. Lalong nataranta si Jia.

      "M-maganda ang kurtina, bagay na bagay sa sofa! Y-yayamanin. Tapos itong kusina..." Tumayo siya upang libutin kunwari ang kusina. "Pak din ang disenyo! Shala kung shala! At saka—"

      Nabitin sa ere ang mga sasabihin pa niya nang sa isang iglap, nasa harap na niya si Tyrone. Pumulupot ang kamay nito sa beywang niya upang lalo siyang hapitin palapit dito. Ilang sandali pa, bilanggo na siya ng bisig at mga mata nito.

      "Kapag hindi mo sinagot ang tanong ko, hahalikan ulit kita, Jianna Elise," seryosong pahayag nito.

      Napalunok si Jia. Nanuyot kasi ang lalamunan niya sa sinabi ng lalaki. Juskohan! Wiz na niya bet ang tukaan! Zombie mode na nga siya gabi-gabi dahil sa pantog niya tapos magpapabaon pa ito sa kanya ng halik na bibigyan na naman niya ng iba't ibang meaning. Suko na siya! Baka tuluyan nang masaid ang ganda niya.

      "So, sasagot ka ba o hindi?" ani Tyrone, tutok na tutok ang mga mata nitong may magic sa kanya.

       "S-sasagot p-po, y-your honor," windang na sagot niya.

       Ngumiti ito bago pinisil ang tungki ng ilong niya. "Good. So, anong sagot mo?" Bahagyang lumuwag ang kapit nito sa kanya.

       "O-oo. Sinasagot na kita."

       "Ha?"

       "Ha?" natatangang balik tanong niya. Mabilis siyang umiling bago tumikhim. "A-ang ibig kong sabihin, nagtagu-taguan ako k-kasi... k-kasi..." Nanirik ang utak niya. Ayaw tumulay ng lohika patungo sa dila niya.

        "Kasi?"

       "K-kasi, kinabag ako." Napangiwi na siya sa lumabas na rason sa dila niya. Tuluyan na siyang napayuko upang itago ang pamumula ng pisngi niya.

       Juskolerd! Ano bang klaseng nilalang siya? Slight na nga ang ganda, pilipit ang dila sa Englishan tapos ututin pa?

       "Kabag?" tanong ng lalaki bago siya tuluyang binitiwan.

       Muli siyang nag-angat ng tingin. "T-truli! Alam mo 'yon... when you... eat many many. And you have to... to..." Juskolerd! Ano bang nakain niya at naisipan niyang mag-English! Nagkamot siya ng ulo. "You have to... evacuate but no evidence."

       Nangunot noo ang lalaki bago kumurap-kurap. Halatang parehas silang nawindang sa isinagot niya. Ilang sandali rin itong nakatitig lang sa kanya bago pagod na bumuntong hininga.

        "Okay, let's just forget about that, shall we?" Pinisil nito ang pagitan ng mga mata nito bago muling tumingin sa kanya. "I have one more question? Bakit ka nasa fashion event kanina?"

        "Uhm... Raket?" nakangiwing sagot niya.

        "Raket?"

        "Truli, assistant ni Ms. Sophie."

        "Hindi ka na personal secretary ni Json?"

       "Julalay pa rin ako ni JM, kaso rumaket lang akong assistant ni Ms. Sophie. Wala daw siya kasing assistant ngayon, kaya nag-volunteer na ako. Sayang kasi ang anda," tuloy-tuloy na paliwanag niya.

         "Anda?" Magkadikit ang mga kilay na tanong nito.

        "Oo. Anda, pera, moneybells."

        "And you need money because?"

        Sandali siyang natigilan sa tanong nito. "Para kay baby..." nahihiyang sagot niya maya-maya. Hindi umimik ang lalaki, marahan lang itong nagbuga ng hininga. "K-kasi... kasi alam ko naman, hindi ka parating nand'yan para sa aming dalawa. Ikakasal ka na, at—"

       "Wala si Ashely dito," putol nito sa kanya.

       "Kahit pa!" Nilunok niya ang bikig sa kanyang lalamunan. "Sa mata ng ibang tao, sa mga kaibigan mo, kaibigan niya, pamilya mo, pamilya niya, ikakasal pa rin kayong dalawa. Isa pa, 'di ba, sabi mo, mahal mo siya? Alam mo, kapag mahal mo ang isang tao, hindi mo sinusukuan, pinaglalaban mo."

        Hinintay niyang pasubalian nito ang sinabi niya kaso, nanatiling tahimik ang lalaki. Umiwas siya ng tingin. Bumibigat na naman kasi ang dibdib niya.

       "Kaya sana, hayaan mo akong magtrabaho. Kaya ko pa naman e," Pabiro niyang pinag-flex ang muscles niya bago muling bumaling sa lalaki. "Kaya namin 'to ni baby."

       "Sometimes, I admire and hate your positivity at the same time," bulong ng lalaki habang matamang nakatitig sa kanya.

        "Ha?"

        Umiling ito. "Wala. Sabi ko ang ganda mo."

         "Kaso bingi, ganern?" Kunwari siyang umirap. Nahiya pa talaga itong ituloy ang pamimintas sa ganda niya. At para 'wag nang mamuro sa banga ng kahihiyan ang braincells niya, iniba niya ang usapan. "In fairness, bengga 'tong balur mo. Simple pero shala sa loob." Naglakad siya patungo sa salas. "Maganda 'tong carpet, may nakita akong ganito sa SM e—"

         "I bought that in Monaco."

        "Truli? Abroad?"

         Ngumiti ang lalaki, labas ang mapuputi nitong ngipin. "Yes, Jia. Truli, abroad."

        "E, itong sofa? Abroad din?" Umupo siya sa kulay puting sofa na may makukulay na throw pillows.

       "I have that customized in Cebu. It's of good quality," anito bago tumabi sa kanya. "So, do you really like the place?"

        "Like?" Nakamulagat na tanong niya. "Jusko! Kung ako may bahay na ganito, magpapa-burger ako araw-araw!"

        Ngumisi ang lalaki. Kinuha nito ang isang folder na nakapatong sa ibabaw ng center table at inabot sa kanya. Kinuha niya iyon at binuksan. Dokumento iyon ng naturang bahay at lupa. Hindi niya gaanong maintindihan ang ibang nakasulat doon pero nagulat siya nang makita niya doon ang pangalan niya bilang owner. Laglag ang mga pangang tumingin siya kay Tyrone.

        "Yes, Ms. Hidalgo, this is your house. No'ng Miyerkules ko pa ito gustong ipakita sa 'yo kaso pinagtaguan mo naman ako. Naisip ko kasi, hindi naman puwede na doon ka lang sa kasera mo habang lumalaki ang tiyan mo. Baka pag-usapan ka. Magaling pa namang mag-matyag si Aling Pene." Ngumiti ito. Inipit sa likod ng tenga niya ang ilang makukulit na hibla ng buhok na nakatakas mula sa pony tail niya. "At saka mas panatag ako na nandito ka lang sa malapit sa akin. Our family house is just 4 blocks away, by the way. Itong bahay na 'to, binili ko noong nag-aaral pa ako sa London." Iginala nito ang tingin sa kabuuan ng bahay. "Gusto ko kasi meron akong sarili kong bahay na puwede kong uwian at matatawag kong akin. Pero may dumating na trahedya sa pamilya namin kaya napilitan akong manatili sa family house. Last month ko nga lang naalalang ipaayos 'to. Kaya pala, kasi may patitirahin na 'ko dito."

        Walang sali-salita niyang niyakap ang lalaki. Masyado siyang masaya at hindi niya napigilan ang sarili niya.

        "S-salamat, gifted child ka talaga," maluha-luhang sabi niya.

        "'Di ba sabi ko sa 'yo, susuportahan kita, kayo ni baby. Seryoso ako do'n, Jia. Sa totoo lang, halos gabi-gabi, iniisip ko kayong dalawa. Kung maayos ba kayo. Kung may kailangan ba kayong dalawa na hindi ko maibigay. Kung... basta marami pang kung. Kaya kita inayang tumira sa bahay ko. Para mabantayan kita— kayo ni baby. Kaso mukhang ayaw mo naman. Pero, nag-aalala talaga ako. Lalo na at wala ka namang kamag-anak na pwedeng tumingin-tingin sa 'yo."

        Binitiwan niya ang lalaki. "P-paano mo nalaman?"

       "I have you checked."

        Mabilis siyang nagpunas ng luha. "Check? Bakit may exam ba?"

        Ngumiti ito at nakisama sa pagpupunas ng pisngi niya. "I mean, pinaimbestigahan kita?"

        Nanlaki ang mga mata niya. "Jusko! Wala akong kaso, Tyrone! Ganito lang ako, madalas mag-toyo pero wala pa akong nabibiktima. At saka iba lang talaga ang hilatsa ng pagmumukha ako. Lumaki ako na napapaligiran ng mga nambubudol pero tagapagtaguyod ako ng world peace!"

         Tuluyan na itong natawa. "When can I ever get a serious talk with you, Jianna Elise?" anito bago umiling. "Ang ibig kong sabihin, pina-background check kita. At nalaman ko ang tungkol sa pamilya mo. Basically, nalaman ko ang lahat tungkol sa 'yo."

         Suminghap siya. "L-lahat?"

         "Lahat."

        "P-pati nunal ko sa katawan?"

        Umiling ito. "But I know you have three. One on your neck, one on shoulder blades, and one on your tummy. Apparently, tama sila. Ang mga hindi mo naaalala isang araw matapos mong maglasing, bumabalik sa 'yo pagkalipas ng ilang araw."

         Agad siyang pinamulahan ng pisngi. Gets na gets niya ang ibig sabihin ng lalaki. Dahil maging siya, nag-it's-all-coming-back-to-me rin sa mga braincells niya ang lahat ng alaala sa isang gabi ng pagkakamali nila ng lalaki. Hindi niya tuloy mawari kung paano at saan siya magtatago.

         Buti na lang inaya siya ni Tyrone na lumibot pa sa bahay. Umakyat sila sa second floor. Mayroong apat na kwarto sa taas. Tatlong guest rooms at isang master's bedroom. Sabi ni Tyrone, balak daw nitong gawing nursery ang isang guestroom. Umoo na lang din siya. Siyempre, sino ba naman siya para tumanggi pa, para rin naman 'yon sa baby niya. Malaki ang master's bedroom, may closet na singlaki ng kasalukayang kuwarto niya, may CR na mayroong malaking bathtub, at may terrace sa labas ng glass sliding door, kita mula roon ang pool na nakapwesto sa gilid ng bahay. Juskolerd! Mali talaga ang unang impresyon niya sa bahay. Kanfirmed! Shala iyon!

        "So, pa'no Ms. Hidalgo, pa-burger ka naman," nakangiting tudyo nito sa kanya habang pababa sila ng hagdan.

       "Paano ako manlilibre, 'di ko pa nakuha 'yong sweldo ko kay Ms. Sophie," tikwas ang ngusong sabi niya.

       "'Wag kang mag-alala, akong kukuha," anito bago siya inakbayan. Agad na kumabog ang dibdib niya. Kaso, 'di siya makaangal, nasa hagdan sila. Baka kung mag-inarte siya, mamali siya ng hakbang, mapaano pa sila ng baby niya.

       "Oh shoot! It's almost midnight!" Nag-aalalang sabi nito nang nasa salas na sila bago siya hinawakan sa balikat. "At hindi ka pa kumakain! Nagugutom ka na ba?" Pumikit ito. Umiling. "That's a stupid question. Of course you are. Sa'n mo gustong kumain?"

         Sandali siyang natahimik, hindi dahil nag-iisip siya. Pinipigilan niya ang sariling mag-maganda.

         "C'mon tell me."

        "Sinigang na Bangus sana," nahihiyang sagot niya.

        "Perfect! Magaling magluto si Manang Belen, 'yong cook namin sa bahay. Tara sa bahay namin, para maipakilala kita," excited na yakag nito sa kanya bago hinawakan ang kamay niya. Kaso, mabilis niya rin 'yong binawi.

        "Tyrone," pigil niya sa lalaki. "'W-wag na. Dito na lang ako."

       "C'mon, Jia—"

       "Please," paki-usap niya. Sandali siya nitong pinakatitigan. Nakasalamin sa mga mata nito ang maraming katanungan. Mga tanong na kahit siguro itanong nito nang tuluyan sa kanya, marahil hindi rin niya sasagutin ng totoo.

       "Okay." Sinapo nito ang magkabilang pisngi niya. "Just lock the doors. I'll be back."

       Matapos niyang tumango, agad na lumabas ng bahay si Tyrone.


*****


         Linggo

        Alas-dos na ng hapon at kahahatid lang ni Tyrone kay Jia sa kasera nito. Matapos kasi nilang magsalo sa Sinigang na Bangus na siya mismo ang nagluto kaninang ala-una ng madaling araw, agad silang nakatulog— ito sa master's bedroom at siya naman sa isa sa mga guest rooms. At kanina, nang magising si Jia bago mananghalian, nagpumilit na itong umuwi. Wala naman siyang magawa dahil nabasa niya sa mga baby books na inirekomenda sa kanya ni Dr. Pedroza, hindi puwedeng pasamain ang loob ng mga buntis.

        Kaya heto siya, pagod at balak na itulog na lang ang natitira pang oras ng hapon. Pagbukas niya ng front door ng bahay niya, bumungad sa kanya ang nakangising pigura ni Sophie sa salas.

         Agad niyang inilahad ang kamay niya sa harap nito. Nalukot ang magandang mukha nito. "What's that for?"

         "'Yung bayad mo kay Jia. C'mon pay up," seryosong pahayag niya.

         Humalakhak ang kaibigan. "What are you, Jia's financial manager?"

         "More than that," seryosong sagot niya.

         Bahagyang naningkit ang mga mata nito, nananantiya. "The media is going frenzy over your little stunt on stage last night. And you have to thank me because, I kept my mouth shut. I even gave Jia a screen name so no one would pry on her private life. So, you really have to thank me, you know."

        Nagbuga siya ng hininga. Kilala niya si Sophie. Hindi siya nito tatantanan hangga't hindi nito nakukuha ang gusto nito. "What do you want, Mrs. Mendoza?"

        "Answers. I want answers," nakangising sagot nito.

       "Fine. Fire away," kalmadong sagot niya, kahit na papabangon na ang inis niya sa makulit na kaibigan.

       "Who is Jia to you? When and how did you meet? And finally, why do look at her the way you look at her?"

        "What look?" iritadong sagot niya.

         Lumapit ito sa kanya. Pinagpag ang mga balikat niya. "The look." Nangunot-noo siya. "Ty, I know how you look when you claim you are in love with someone. I saw that look in your eyes when you are with Ashley and when you courted me ages ago. But the way you look at Jia last night, it's far beyond that look. It's the look."

         Naguguluhan niyang inihagod ang kamay sa kanyang buhok. Hindi niya alam kung siya ba ang puyat o ito. "What the hell are you talking about?"

         Ngumisi ito bago muling naupo sa sofa, nakakurus ang mga hita. "You're not answering my questions, Ty."

         "Sophia Ysabelle, puwede ba, puyat at pagod ako. Kahahatid ko lang kay Jia."

          Suminghap ito, nanlalaki ang mga mata. "She slept here? Oh my God!"

          Nasapo na niya ang kanyang ulo. "It's not what you think."

          "Then what should I think?" Hindi siya umimik. "C'mon Ty, talk. I have the rest of the day."

          Naiiling siyang umupo sa sofa.


*****


          Lunes

          Maagang pumasok si Jia nang araw na 'yon. Balik opisina na kasi si Json matapos ang business meeting nito sa isang investor sa Hong Kong. At habang haggardo na naman siya sa pagkembot para sa ekonomiya, may dumating siyang 'di inaasahang bisita. Si Ms. Sophie.

           Malapad ang ngiti nito habang tinutumbok ang maliit na opisina niya. Hindi niya tuloy alam kung ngingiwi siya o ano. Basta nagkakagulo ang mga braincells niya sa pag-alala ng mga isasagot niya sa question and answer portion nito.

            "Hi, Jia. Kumusta ka na?" magiliw na bati nito sa kanya.

            "A... e... Ma'am... ano po, pasensya na po k-kayo no'ng Sabado—"

            "Never mind. It's okay," nakangiting putol nito sa sasabihin niya bago inilapag sa table niya ang mga dala nitong paper bags na pulos shala ang tatak.

            "E Ma'am, wala po si Ms. Alexa ngayon dito e. Pinagpahinga ni JM baka daw kasi napagod noong isang linggo. Malapit na rin po kasing manganak si Ms.—"

            Pinutol nito ang sasabihin niya nang ilapag nito sa ibabaw ng mesa niya ang dalawang sobre. "This one, 'yong bayad ko sa 'yo bilang assistant ko. And this one, this is your talent fee for being the prettiest ramp model the other night."

           Nag-angat siya ng tingin. "Naku M-ma'am—"

           "And these papers bags here, are also for you..." Yumuko ito. "And for the baby," bulong nito.

          Napasinghap siya.

          "Alam ko na. Sinabi sa akin ni Tyrone. But don't worry, your secret is safe with me." Ngumiti ito at magaan pa siyang tinapik sa balikat. "Ingatan mo 'yang inaanak ko, ha." Muli nitong isinuot ang shalang shades nito bago tuluyang lumabas ng maliit niyang opisina.


*****


             Pasado alas-sais na ng gabi at nasa cafe na si Jia kung saan sila magmi-meet ni Nathan para sa English tutorials niya. Panay ang pasada niya ng tingin sa papel na hawak niya. Kinakabisado niya kasi ang mga salita na naroon. Hindi siya nakapag-review kahapon dahil matapos siyang ihatid ni Tyrone sa kasera niya, nagmaganda pa siyang ulit at bumorlogs hanggang hapunan. Kaya ngayon, hilong talilong na naman ang braincells niya.

            Abala siya sa pagbabasa ng assignment niya nang may umupo sa silyang nasa harapan niya. Babae, kulot ang buhok nitong hanggang balikat ang haba— taglay nito ang gandang morena ng isang Pilipina at higit sa lahat buntis ito.

           "Ikaw ba si Jia?" nagtataray na tanong nito. Alanganin siyang tumango. "Bakla ka ba?"

           Napanganga siya. "Hala, judgement day! Maghunos-kilili este dili naman kayo, misis. Babae po ako. Hindi nga lang talaga halata kung dadaanin natin sa madibdibang usapan, pero may matris po ako. At saka for you information, parehas tayo ng kalagayan ngayon."

          "Buntis ka rin!" nanggigigil na bulalas nito. "Hayop ka talaga, Nathan! Hayop ka!" Hinampas nito ang table at biglang tumayo. Sinubukan siya nitong abutin upang sabunutan sana kaso, mula sa kung saan, biglang umaparisyon si Tyrone at pinigil nito ang kamay ng babae.

         "Touch her and I swear to God, manganganak ka sa bilanguan," banta nito sa mababa ngunit nagbabantang tinig.

          At habang hindi pa siya nakakahuma sa eksena, may jumoin sa pag-aaparisyon sa café— sina Nathan, Albie at isa pang babae. Ay wrong, lalaki. Ay wrong ulit, lalaki na... babae?

         Juskolerd! Ano bang nangyayari?

###

2700words ed 2789/9:51pm/07082019

#MyUnexpectedYou














Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro