CHAPTER 8
Kasalukuyang nasa loob ng isang silid sina Isla at Clay. Isang linggo na rin ang nakalipas simula ng insidente. Naikulong na rin ang binatilyong namboso sa dalaga ng ilang buwan. Ipinatawag mismo ni Clay si Isla dahil may masinsinan silang pag-uusapan.
Noon pa niya ito dapat na kauusapin ngunit lagi lamang itong napupurnada dahil sa kanyang mga photo shoots para sa kanyang commercials. Humiling siya ng isang linggong pahinga pagkatapos niyang tapusin lahat ng mga nakalinyang iskedyul niya.
Hindi mapakali si Isla sa kanyang kinauupuan at hindi makatingin ng diritso sa mga mata ni Clay. Halos mag-iisang oras na rin kasi silang walang imikan at tinititigan lamang siya ng binata.
"Maybe it's time for you to have a life. You're not a bird in this cage that you are imagining. You have a life, Isla. We're not even a husband and wife. Legally yes, but on papers. I want you to go on with your life. Get out of here," pagbasag ng binata sa katahimikan na siyang ikinagulat naman ni Isla.
Ilang gabing pinag-isipan din ito ni Clay dahil na rin sa nangyari kay Isla. Gayun na rin dahil sa mga nararamdaman niya na hindi naman dapat. Kung kaya niyang waksiin ito sa madaling panahon ay wawaksiin niya na agad ito. Bukod sa hindi naman sila mag-asawa kung magturingan ay wala ring saysay kung iisipin na kailangan pa nilang magsama sa iisang bahay at magpanggap bilang masayang mag-asawa. Gagawa na lamang sila ng rason kung mapapansin mang hindi na sila gaanong nagsasama.
Naikuyom naman ni Isla ang kanyang mga palad habang hawak-hawak ang kanyang palda. Gusto niyang magsalita laban dito ngunit walang lumalabas na salita sa kanyang bibig. Dahil kung magsasalita lamang siya ay baka pumiyok lamang siya at maiyak at ayaw niyang mangyari iyon sa harapan mismo ni Clay.
Dahan-dahan namang nilingon ni Isla si Clay na siyang nakatitig din sa kanya. Tumango ito at kahit masakit sa dibdib ay maluwag niyang tinatanggap ang alok sa kanya ng binata. Humugot ng malalim na paghinga si Isla at tumayo mula sa kanyang kinauupuan. Pinilit niyang magpakatatag sa pagtayo at nagsimulang maglakad.
Parang nanghihina ang kanyang mga tuhod at parang naglalakad siya sa isang kumunoy na unti-unti siyang hinihigop pababa. Sa ilang taon na kanyang tiniis at umasang iibigan din siya ni Clay ay mauuwi rin pala ito sa wala.
Nang mahawakan ni Isla ang busol ng pinto at pinihit upang buksan ito ay muli niyang nilingon ang kinaroroonan ni Clay. Walang emosyon nakatingin pa rin pala ito sa kanya. "Goodbye, Mr. Verdera," wika ni Isla saka tuluyan nang lumabas.
Nang makarating si Isla sa kanyang kwarto ay ang siya namang pagbuga niya ng paghinga. Agad niya itong isinara at naupo sa gilid ng kanyang kama. Hindi niya mawari ang kanyang dapat na maramdaman dahil gusto niyang umiyak pagkatapos ng nangyari ngunit wala siyang luhang mailabas.
Ang tanging nararamdaman niya lang ngayon ay hinanakit para kay Clay. Dahan-dahan naman siyang tumayo at kinuha ang kanyang maleta. Aalis na rin siya ngayong gabi. Magdadahilan na lamang siya sa kanyang magulang na pansamantalang magbabakasyon na muna siya sa Batanes.
Marahil tama ang binata at kailangan nga nilang maghiwalay dahil sa papel lamang naman sila kasal at hindi sa totoong buhay. Ginawa lamang nila 'yon dahil sa kagustuhan ng kanilang mga magulang at hindi sa kanilang kagustuhan.
Natawa naman ng mapakla si Isla habang sinusuyod ng tingin ang kanyang kwarto. Para na nga isinampal sa kanya na hindi nga sila tunay na mag-asawa dahil sa kwarto pa lang ay magkaiba na sila ng tinutulugan. "Matagal na rin pala akong naging tanga," wika niya saka inayos ang pagkalalagay ng kanyang mga damit sa loob ng maleta.
Kukuha pa sana siya ng isang maliit na bag nang biglang may kumatok sa pinto. Sigurado siyang si Manang Faroda ito kaya walang atubiling binuksan niya ang pinto.
"Iha, kumain ka na ba?" tanong ni Faroda at umiling naman si Isla saka tinalikuran ito at bumalik sa kanyang ginagawa.
Napansin naman ni Faroda ang ginagawa ni Isla at hindi makapaniwalang aalis ito. Wala naman kasi itong binabanggit sa kanya sa pag-aalis.
"Saan ka pupunta, iha?" tanong ni Faroda at tila nag-aalala kay Isla.
Nilingon naman siya ni Isla at imbes na sumagot at lumapit ito sa matanda at niyapos ito ng yakap. Nagitla naman si Faroda ngunit niyakap naman niya pabalik si Isla. "Ano bang nangyari?" nag-aalalang tanong ni Faroda at bakas sa mga mata ni Isla ang kalungkutan.
"Kailangan po yata muna naming maghiwalay pero pansamantala lang naman po, Nanang. Nag-usap po kami kanina at kasal pa rin naman po kami sa papel. Ipinahiwatig niya sa akin na may sarili rin po akong buhay at hindi ko na dapat ikulong pa ang sarili ko rito," sagot ni Isla at hindi naman malaman ni Faroda kung ano ang magiging reaksyon niya para rito.
"Saan ka naman pupunta? Ganoon na lang ba iyon, iha? Alam kong mahal na mahal mo siya at ramdam ko 'yon. Saksi ako sa lahat ng mga pagtitiis mo simula pa nang magbukod kayong dalawa," wika naman ni Faroda habang tinutunglan si Isla na itupi ang ilang damit na kinukuha nito sa mga hanger.
"Magbabakasyon po sa Batanes. May bahay naman po kami roon at pansamantalang doon na po muna ako. Ipagpapatuloy ko kahit papaano ang kahiligan ko sa pagpipinta. Maganda po roon at tahimik na lugar," sagot naman ni Isla at unti-unting isinara ang maleta.
Tumango-tango naman si Faroda at tila naiiyak. "Kung iyan ang makabubuti sa inyong dalawa ay wala naman akong magagawa. Isa lang naman akong hamak na utusan sa bahay na ito. Sa paningin ko rin ay maigi na rin siguro iyon para sa iyo upang hindi araw-araw ay nagmumukmok ka lang sa malaking bahay na ito," mahabang lintanya ni Faroda at niyakap naman siya ni Isla dahil dito.
"Hindi ka po isang hamak na utusan lamang dahil ikaw ang tumayong magulang ko rito sa bahay na ito. Mahal na mahal ko po kayo at marahil ay tama rin si Clay. Kailangan ko ring ibaling ang atensyon ko sa iba."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro