Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

CHAPTER 48

Maaliwalas ang umaga. Kahit paano, dama ni Isla ang bahagyang kaginhawaan sa simoy ng hangin habang nakaupo siya sa balkonahe ng bahay.

Ang tasa ng kape sa kanyang mga kamay ay nagbibigay ng init sa malamig na simula ng araw. Ngunit higit sa lahat, nasa isip niya ang sinabi ni Clay kagabi—ang kanilang napagkasunduang humingi ng tulong upang muling ayusin ang mga nasirang bahagi ng kanilang relasyon.

Mula sa loob ng bahay, narinig niya ang mahinang tawa ni Cerius. Napangiti siya nang bahagya. Kahit na maraming unos ang dumaan, ang kanilang anak ang tanging nagbigay ng liwanag sa kanyang mundo. Ngunit sa bawat ngiti ng bata, may kirot din siyang nararamdaman—ang pangambang baka hindi nila maibigay kay Cerius ang pamilyang nararapat sa kanya.

“Good morning,” bati ni Clay mula sa likuran, dala ang sariling tasa ng kape. Maingat itong umupo sa tabi ni Isla, ngunit hindi nagpilit na sirain ang katahimikan.

“Good morning,” sagot ni Isla nang walang emosyon. Sa kabila ng bahagyang pag-usad kahapon, nanatili pa rin ang dingding sa pagitan nila—isang pader ng sugat at mga alaala.
“May nakausap na akong counselor,” wika ni Clay pagkatapos ng ilang sandaling katahimikan. “Siya ang tumulong sa pinsan kong si Eric noong dumaan sila sa ganitong sitwasyon. Sabi niya, pwede niya tayong kausapin bukas ng umaga.”

Hindi agad sumagot si Isla. Pinagmasdan niya ang laman ng kanyang tasa, ang tila walang katapusang pag-ikot ng kape. Isang bahagi ng kanyang sarili ang gustong tanggihan ang ideya—hindi dahil ayaw niyang ayusin ang lahat, kundi dahil sa takot na muling masaktan.

“Okay,” sagot niya sa wakas, hindi itinataas ang paningin.

Nakita ni Clay ang bahagyang pagdadalawang-isip sa sagot ni Isla. Naintindihan niya ito. Sa dami ng nagawa niyang pagkakamali, alam niyang kailangan niyang maghintay. Ngunit sa kabila ng lahat, nanatili siyang determinado.

“I promise, Isla,” wika niya nang mahina ngunit puno ng sinseridad. “I won’t let you down this time.”

Tumango naman si Isla ngunit hindi niya maintindihan ang isinisigaw ng kanyang isipan. Kanina pa siya nito hindi pinapatulog nang maayos kahit na magkahiwalay sila ng kwarto ni Clay. Hindi pa siya handang makatabi ito kahit na nag-alok itong matulog silang dalawa sa iisang kwarto ay tinanggihan niya.

Kailangan niyang gawin ang kanina niya pang iniisip upang sa gayun ay matahimik na siya at makapagpatuloy sa kanyang buhay.

Kung iyon nga ang magiging sagot sa lahat. . .

Sa kabila ng lahat ng mga nangyayari ngayon at matagal na niyang hinihiling noon pa man ay tila ba may hinahanap siyang iba. Wala na ang dating siya. Ang dating siya na habol nang habol at nagsusumamo ng pag-ibig kay Clay ay tila naupos ng kandila. Hindi niya maintindihan ang kanyang nararamdaman. Kailangan niyang gawin ang tama dahil iyon ang nararapat. Hindi dapat siya maging makasarili at dapat na isipin ang kinabukasan ng kanyang anak.

Ngunit sa gayun ay kailangan niyang sundin ang sinisigaw ng kanyang puso at iyon ay ang kausapin si Matthias. Kailangan niyang kausapin ito sa huling pagkatataon. Kailangan niyang makita ito sa huling pagkatataon.

Ngunit papaano niya ito sasabihin kay Clay? Ayaw niyang magtago ng kahit na anumang sekreto rito sa kanya. Mahal niya si Clay ngunit tila hindi na tulad ng dati.

"Clay," mahinang tawag niya rito dahilan upang lingonin siya nito. "I need to do something and I need you to trust me on this," dagdag niya ngunit kita sa mga mata nito ang tila pag-aalinlangan at tila alam na nito kung ano ang kanyang tinutukoy.

Kita sa mga mata ni Clay ang takot at pangamba. Tumaas-baba naman ang lalamunan niya ngunit ngumiti na lamang ito na hindi naman abot sa kanyang mga mata.

"Do I have to be worried?" tanong ni Clay habang hawak-hawak ang kanyang mga kamay.

Umiling naman si Isla at tinitigan ito sa mga mata na puno ng sinsiridad. "No, and I guess I just need to do this to start anew."


KINABUKASAN, pumunta sila sa opisina ng counselor. Ang maliit na silid ay puno ng mga libro, larawan, at halaman na nagbibigay ng mapayapang ambiance. Umupo sila sa magkasalungat na upuan, si Isla ay nanatiling tahimik, habang si Clay naman ay halatang kinakabahan.

Pumasok ang isang babaeng nasa edad kwarenta na may malumanay na ngiti. “Good morning. Ako si Dr. Angela Ramirez,” wika nito habang umupo sa harap nila.
“Salamat sa pagpunta. Alam kong hindi madali ang hakbang na ito, pero gusto kong malaman ninyo na ito ang unang hakbang tungo sa paghilom.”

Nagpalitan ng tingin sina Isla at Clay. Sa pagkakataong iyon, tila nagkaroon sila ng bahagyang lakas ng loob.
“Bago tayo magsimula, gusto kong itanong: Ano ang layunin ninyo sa pagpunta rito?” tanong ni Dr. Angela, ang boses ay puno ng pagtanggap at pagkalinga.

Muling nagsalita si Clay. “Gusto kong ayusin ang pamilya namin,” aniya, halatang pinipigilan ang emosyon. “Alam kong marami akong pagkukulang... mga pagkakamali. Pero gusto kong magsimula muli para kay Isla at kay Cerius.”

Si Isla naman ay nagdalawang-isip bago nagsalita.
“Gusto kong maintindihan kung kaya ko pang magtiwala... kung kaya ko pang umasa na maibabalik ang dati. Pero hindi ko alam kung paano.”

Tumango si Dr. Angela. “Maraming sugat ang kailangang harapin, at hindi ito magiging madali. Ngunit ang mahalaga ay nandito kayo, parehong handang subukan. Dito tayo magsisimula—sa katapatan, sa pag-unawa, at sa layuning umusad nang magkasama.”

Habang nagsisimula ang sesyon, unti-unting nawala ang tensyon sa paligid. Ang mga unang salita ay mabigat, puno ng panghuhusga at pagsisi, ngunit sa bawat hakbang, natutunan nilang pakinggan ang isa’t isa. Sa unang pagkakataon, naramdaman ni Isla na hindi siya nag-iisa sa laban.

Sa kanilang paglabas ng opisina, isang bahagyang ngiti ang sumilay sa labi ni Isla. Sa kabila ng takot at duda, ramdam niya ang posibilidad ng paghilom—ang pag-asa na baka nga may pagkakataon pa silang magsimula muli.

“Lunch?” alok ni Clay, sabay tingin sa kanya.

“Sure,” maikli ngunit matamis na sagot ni Isla.


Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro