Chapter 10
Chapter 10: How about a glimpse?
CRISELLA'S POV
HINDI lang iisang beses kung hindi apat; apat na beses kong na-break ang sarili kong record sa pagtakbo kaya naniniwala akong maipapanalo ko ang laban ko ngayon. Sinubukan ko ring makipag-unahang tumakbo kay Sohan noong nakaraan at talagang nakipag-compete siya sa akin para makita ang bilis ko sa pagtakbo.
"Nahasa ka ba naman sa trabaho mo, paanong hindi ka mananalo?" Tawa sa akin ni Sohan. Compliment na may kasamang pang-iinsulto pero sapat na para paniwalain ang sarili ko na mananalo ako.
Maliban doon, may beret na nag-aabang sa akin sa oras na maipanalo ko ang laban ngayon. Plano ko rin sanang panoorin ang magiging laban ni Sohan mamaya ang kaso nagkataon na pareho ng oras ang laban nila kaya i-che-cheer ko na lang siya mula sa malayo.
Napalingon ako sa tabi ko ng may taong tumapik sa balikat ko. Suot ang PE uniform niya at ang bandanang gawa sa manipis na tela ay sinalubong niya ako ng ngiti dahilan upang mabilis akong ngumiwi. "Iyong libro ko ah."
"Iyong beret ko." Bawi ko pero mas lalo lang niya akong nginitian para pigilan ang pagtawa niya. "Oh? Wala kang dalang libro ngayon? Akala ko hanggang doon magbabasa ka."
"Hindi pwede, kailangan ko pang manalo para sa bagong libro eh." At hinayaan ko lang si Kupal na ipatong ang kaliwang braso niya sa kanang balikat ko. "Kaya magpatalo ka na."
"Asa ka."
"Yup. Umasa ka talaga na mananalo ako. Tignan mo sa Saturday, may hawak na akong trophy at may nakalagay na grand winner. Tapos iyong tatlong platform, ako ang tatayo doon na first placer. Makakatayo ka rin naman doon, third place nga lang."
Nahampas ko ang dibdib niya at tinignan siya ng masama. Masyadong nagiging komportable ang Kupal na ito sa akin. "Tulog ka pa ata, gumising ka nga sa panaginip mo!"
"Oo nga ano? Teka, may pinamimigay silang masarap na energizer doon eh." Bahagya niya akong tinapik sa balikat bago siya pumunta sa mga stall kung saan nagpapamigay ng kung anu-anong pagkain ang school committee at school volunteers.
Itinuloy ko na lang ang stretching ko dahil oras na magsimula ang opening remarks ay track and field, tennis table at billiards ang unang sports na pasisimulan. Naaalala ko si Sohan, baka magkita kami after pa ng kanya-kanyang laban namin. Kinuha ko ang cellphone ko para i-message na lang si So at i-goodluck. Hindi ko na hinintay pa ang message niya dahil itinabi ko na ang cellphone ko.
Sakto namang kababalik lang ni Tristan na may dalang dalawang styro cups.."Pampagising." Ngiti niya sabay abot ng kape sa akin na umuusok pa. "Hindi ka naman acidic, ano?"
Tinignan ko lang iyong kape. Sabi ni Sohan ay huwag akong tatanggap o kukuha ng anumang pagkain sa bawat pantry dahil baka isabotahe nina Brooke ang laban ko, ganitong nananahimik sila at hindi pa nag-aabalang lumapit sa akin ay higit na kailangan kong mag-ingat.
"Nyay!"
Umangat ako kay Tristan na napaso sa iniinom niya. "Kupal ka, ba't kasi iniinom mo, ang init pa nga."
"Wala ka bang balak inumin iyan? Grabe, mamahaling kape pa ata ang gusto mo."
"Energy drink dapat ang inumin natin hindi ba?" Alanganing tanong ko sa kanya at nagtangkang ibalik sa kanya ang kapeng inabot niya ngunit inilingan niya ako.
"Mahal ang energy drink, mas okay na iyan."
Bahagya akong ngumiti, hinipan ang kape at marahang ininom iyon. Maliban kay Sohan na siyang pinagkakatiwalaan ko ay isa na rin si Tristan sa taong dapat kong pagkatiwalaan. Bakit nga naman ako ipapahamak ng taong ilang ulit ng nagligtas sa akin?
"Not bad." Saad ko pagkatikim ng kape. "But I prefer chocolate coffee."
Tinawanan lang niya ako dahil sa sinabi ko, bago niya inguso ang taong nasa likuran ko at paglingon ko ay naroroon si Sohan, may dalang tatlong nilagang mais.
"Ba't nandito ka? Magsisimula na ang laban ninyo ah?" Tanong ko matapos kong matanggap ang isang mais. Hindi na ako nag-thank you. "Malayo ang room kung saan kayo maglalaro kaya bumalik ka na roon."
Nabaling ang atensyon ko mula kay Sohan patungo kay Tristan, plano kasing bigyan ng mais ni Sohan si Tristan na ikinagulat ko.
"Allergic ka sa mais, 'di ba?" Tanong ko habang gulat at nagtatakang nakatingin sa akin si Tristan.
"Yes. Nabanggit ko rin pala sayo na allergic ako sa mais...?"
Pansin ko ang mapang-asar na tingin sa akin ni Sohan habang nagtatankang nakatingin si Tristan. Umikot sa ere ang mga mata ko at tumalikod na sa kanila. Hanggang ngayon ay hindi ko pa nalilinaw kay Tristan kung anuman iyong narinig niya noong nagdaang araw.
Hindi ko alam kung papaano ko bubuksan ang usapin na iyon kaya pinili kong manahimik. Maliban doon ay baka kung ano ng iniisip niya ngayong nalaman niya na alam kong allergic siya sa mais.
Napadpad kasi ako sa room ng student council noong nakaraan at pinakialaman ko iyong medical forms. Nakita kong kasama iyong form doon ni Tristan kaya binasa ko dala ng curiosity, doon ko nalaman na allergic si Tristan sa mais. I find it weird kaya natatandaan ko. Usually kasi ay sa nuts at seafoods allergic ang mga taong nakikilala ko!
Pipino! Anong klaseng sitwasyon ba itong napasok ko?
"Malakas ang kutob ko na magfifirst place ka ah." Bulong ni Sohan sa akin mula sa likuran ko. Sa tainga ko pa talaga siya bumulong kaya halos kilabutan ako. "May inspirasyon ba naman."
"Stop talking nonsense, Sohan!"
"Nonsense? I'm spilling facts, Crisella." At nagawa pa niyang humalakhak ng napakalakas. Kung hindi lang nagsalita ang speaker na magsisimula na kami ay hindi pa siya aalis.
Itinabi ko na muna ang mga pagkain na binigay ni Sohan at Tristan, baka hindi ako matunawan at ano pang abutin ko sa gitna ng race.
"Doon muna ako ah." Paalam sa akin ni Tristan na tinapik pa ako sa balikat.
Hindi ko naman inaasahan na magpapaalam pa siya sa akin kaya hindi man lang ako nakatango. Hinayaan ko na lang siya bago ako pumila sa section namin. Ako ang nasa pinakadulo ng mga babae kaya hindi ko na kailangang sumiksik sa mga kaklase ko para lang sa pila.
KILALANG track and field winners ang mga makakalaban ko ngayon. Mga nakalaban ko rin sila noong nagdaang taon, lalo na ang nag-first place at second place last year. Pinaghandaan ko naman na makakalaban ko sila kaya hindi na ako gaanong kinakabahan.
Sa huling pagkakataon ay nag-stretching ako bago inangat ang tingin kay Tristan na nakatingin din pala sa akin ngayon. Nginisian ko lamang siya bago pumusisyon. Tapos na ang laban ng 100 meters sprint at ngayon ay oras na para sa 200 meters sprint na para sa akin, pagkatapos nito ay male category agad ang kasunod.
"Go!"
Mabilis akong tumakbo pagkabigay ng hudyat sa amin. Mabilis ang takbo ng mga kalaban ko at naiiwan ako sa pangatlo kaya mas dinalian ko pa ang pagtakbo, hindi pupwedeng third placer ulit ako ngayong taon.
Sa pagbilis ng takbo ko ay agad akong nakahabol sa nangunguna sa karera na ito. Masyadong siyang mabilis. Nakakahabol ako ngunit hindi ako tuluyang makahabol.
Pissed off! Bakit bumabagal ata ang takbo ko? Hindi ako pupwedeng matalo dito!
Mas lalong bumigat ang pressure na nararamdaman ko ng lumakas ang hiyawan ng mga tao sa paligid habang chinecheer nila ang nangunguna sa laban ngayon. Lumayo lalo ang agwat niya sa akin at malapit na niyang maabot ang finish line!
Crisella, kailangan mong mauwi ang first place!
Minsang may nakapagsabi sa akin, sa isang laban hindi ang hindi nakapag-uwi ng karangalan ang talunan kung hindi iyong pumangalawa. Malapit mo ng masungkit iyong korona kaya bakit hinayaan mo pang makawala sa mga kamay mo? Bakit kailangan mo pang hayaan na dumulas mula sa mga kamay mo ang bagay na siyang abot kamay mo naman na?
"Crisella!" Tila ba napantig ang tainga ko matapos kong marinig ang Kupal na siyang sumigaw sa pangalan ko. Akala ko ay i-che-cheer niya na ako subalit nagkamali ako. Binibigyan niya ako ng dahilan para hampasin siya mamaya. "Iyong libro ko! Gusto ko fantasy ang genre nung librong bibilhin mo ah!"
Kupal ka talaga! Humanda ka sa akin mamaya, papakainin kita ng isang sakong mais!
Mas binilisan ko ang pagtakbo ko at humabol sa nangunguna ngayon. Ako ang mag-uuwi ng grand winner title sa female category ng track 'n field ngayong taon!
"Crisella! Huwag mong kakalimutan iyong libro ko!"
At sa isang iglap ay nakita ko na lang ang sarili ko na humihiyaw sa tuwa habang habol-habol ko ang hininga ko at nakapulupot na sa dibdib ko ngayon ang ribbon na siyang nasa hulihan ng finish line. Huminga ako ng malalim dahil kinakapos pa rin ako ng hininga sa bilis ng takbo ko. Napuno ng mas malakas na hiyawan at palakpakan ang paligid subalit hindi ko magawang batuhin ng tingin ang mga taong humihiyaw sa tuwa matapos ang pagkapanalo ko dahil patuloy pa rin ako sa paghabol sa hininga ko.
"Aish! Sayang, iyong libro ko."
May naglahad ng bottled water at towel sa akin. Nang iangat ko ang paningin ko ay si Tristan ang nasa harapan ko ngayon, nakangiti siyang nakatingin sa akin habang marahang sumasayaw ang mga daffodils na siyang nasa mata niya.
Kusa na lang din akong napangiti bago tanggapin ang tubig at towel na siyang inilahad niya sa akin. Pinunasan ko ang sarili ko bago uminom ng tubig. Sa dami ng energy na nagamit ko ay kulang pa ang tubig na ibinigay sa akin ni Tristan ngunit sa huli ay pinili kong magpasalamat na lang sa kanya.
"I-se-send ko na lang sa iyo iyong picture ng beret na gusto ko." Natatawang sabi ko sa kanya at tinanguan naman niya ako.
Nalilibang na ako sa pakikipag-usap sa kanya ng kalibitin ako ng head ng track and field. Nawala sa isip kong kailangan pa pala naming mag-take ng picture. Sinenyasan ako ni Tristan na babalik muna siya roon sa gilid kaya bahagya na lang akong napatango bago tumabi kay Sir Punzalan na siyang head ng track and field at table tennis. Inabot niya sa akin ang certificate holder na hindi pa naman din official, pati ang ribbon na siyang naputol ko ay inabot niya sa akin bago sila kumuha ng picture.
May ilang schoolmates din akong lalaki na nagpakuha ng picture sa akin, pinagitnaan nila ako kaya hindi agad ako nakatakas at wala akong nagawa kung hindi ang pumayag na lang na magpapicture sa kanila. Nang makakuha ng tiempo ay saka ako gumilid para lapitan si Tristan na umiinom ng energy drink sa isang tabi.
"Grabe, ang daming fans. Baka madiscover ka niyan ah." Biro niya at inalok pa ako ng energy drink na iniinom niya.
Tinanggap ko naman iyon bago makiinom. "Malalagay ako sa bingit ng alanganin 'pag nadiscover ako." Gatong ko naman sa sinabi niya kahit totoo rin namang malalagay sa bingit ng alanganin ang buhay ko. "After 10 minutes kayo naman ang lalaban hindi ba?"
"Mhmm..." Tango niya bago tumayo at itapon ang bote ng pinag-inuman niya. Nang bumalik siya sa tabi ko ay may bitbit na siyang empanada. "Fresh from Ilocos pa ata iyang empanada nila. Masarap iyan, dadamihan ko na sana ng kain kaso baka mapasama pa pagtakbo ko."
Tinanggap ko ang inabot niya sa akin. Sa dami nga naman kasi ng pagkain na nagkalat para sa players ay sinong hindi magugutom? "Sumasali ka rin pala sa sports, akala ko puro pagbabasa lang alam mong gawin." Saad ko na siyang nagpatawa sa kanya. Wala namang nakakatawa sa sinabi ko.
"Chess talaga ang sports na madalas kong pagtuunan ng pansin noon, iyon nga lang halos hindi ko na nagagalaw itong katawan ko. Tamad mag-exercise eh. Kaya naisip kong sumali sa sports kahit papaano, saka pinapagalitan na rin ako ni mama, puro basa na lang daw ginagawa ko." Paliwanag niya na sinundan ng tawa.
Hindi ko alam kung anong mayroon sa tawa ni Tristan pero maging ako ay natawa dahil sa biglaan niyang pagtawa. Napapailing na kang ako sa mga pinagsasabi niya. Wala namang nagsabi sa akin na ang daldal pala nitong Kupal na ito. Kung madaldal ako, doble ng daldal ko ang ingay niya.
Sa loob ng sampung minuto na pagpapahinga ko at paghahanda ni Tristan ay puro daldalan lang ang ginawa naming dalawa. Kain lang din ako ng kain nang mga ibinibigay sa akin ni Tristan.
"Kayo na ang lalaban doon oh." Turo ko kay Tristan dahil napansin kong naghahanda na ang ibang players na nasa starting lane.
Nang makumpirma naming sila na nga ang lalaban ay kaagad akong sumunod sa kanya papunta sa starting lane. Pinabitbit pa niya sa akin ang backpack niya na iilang gamit lang ata ang laman. Inalis pa niya ang dobleng white t-shirt na suot niya at maayos iyong tinupi bago ipasok sa bag na siyang nakasakbit na sa balikat ko.
Ang prim and proper ni Kupal.
Ganito na ba talaga ang mga lalaki ngayon? Mas maayos pa kumilos sa mga babae. Tulad ni Sohan, ang dami niyang arte sa bahay kaya ayun, siya na kumikilos sa lahat habang ako nagpapaka-señorita.
"Iyong libro ko ah." Paalala sa akin ni Tristan bago siya magsimulang mag-stretching. Nagsalubong naman ang mga kilay ko na kaagad niyang napansin dahilan upang tawanan niya ako. "Ang usapan natin, oras na manalo ang isa't isa saka natin ibibigay iyong mga bagay na gusto natin, hindi ba?"
"Eh?"
"Tss! Ang pangit mo naman pa lang ka-deal, Crisella." Tawa niya bago ako tapikin sa balikat. "Doon mo na ako abangan sa finish lane."
"Aba, dapat lang. Para makita kong ikaw ang pinakamabagal na tumakbo, ano!" Ngisi ko at naglakad na papunta sa finish lane.
Saktong kakabigay lang ng hudyat sa players nang makarating ako sa finish lane at hindi nga ako nagkamali ng makita kong nahuhuli si Tristan! Nagtatagisan sa bilis ang mga kalaban niya habang siya ay kalmadomg tumatakbo sa hulihan.
Manalo ang usapan namin at hindi matalo!
Subalit habang inoobserbahan ko si Tristan ay doon ko napansin na sinasadya niyang hindi ibigay agad ang bilis niya. Mas tama atang sabihin na tinatantya niya pa ang bilis ng mga kalaban niya. Hindi ko tuloy alam kung dapat ko ba siyang i-cheer o hindi. Paano ko ba dapat siya i-cheer? Sabagay, kung paano ko i-cheer si Sohan ay ganoon ko lang din dapat na i-cheer si Tristan, hindi ba?
Malakas ang hiyawan ng mga manood sa paligid ko, lalo na at malapit na sa finish lane ang mga players na nag-uunahang makaabot sa finish lane. Maliban doon ay may hitsura iyong ibang players kaya talagang maiingay ang supporters nila.
Hindi ko alam kung maririnig ni Tristan ang sigaw ko subalit pinilit ko pa ring sumigaw. "Tristan! Bagalan mo pa nang hindi ko maibigay sa iyo iyong libro mo!"
At alam kong hindi niya iyon narinig.
Medyo bumilis ang takbo niya kung kaya't hindi na siya ang nasa hulihan, pangalawa na sa huli!
Sisigaw pa sana ulit ako ngunit may babaeng sumigaw hindi kalayuan sa amin. "Tristan! Galingan mo! Kayang-kaya mo patumbahin lahat ng kalaban mo! Go Tristan!"
Sino iyon?!
Nalilito kong hinanap ang taong sumigaw mula sa crowd. Ang nasa isip ko ay Xhera iyong sisigaw ngunit hindi naman niya boses iyon, maliban doon ay paniguradong naghahanda na si Xhera ngayon dahil may laban din siya ng arnis mamaya.
Saglit na nawala ang atensyon ko sa laban ni Tristan dahil sa babaeng iyon. Dumoble ang hiyawan ng mga nanonood sa paligid at nagsimulang isigaw ng mga tao ang apelyidong Stryker.
Bumilis ang takbo ni Tristan dahil sa babaeng iyon, uh?
Kung hindi ko pa agad na-realize na Stryker ang apelyido ni Tristan ay hindi mababalik ang atensyon ko sa race. Nagtatalon ako sa tuwa ng makitang pumapangatlo na si Tristan sa race. Dala ng tuwa ko ay kusa ko na lang siyang na-cheer ng dire-diretso.
Halos mapaos na ako kakasigaw lalo na ng maabutan na niya ang nangunguna sa race. Binuklat ko ang bag ni Tristan na nakasakbit sa balikat ko para kuhain ang extra towel at bottled water niya. Towel at bottled water niya na muntikan ng lumipad sa ere matapos kong magtatalon sa tuwa ng maipanalo ni Tristan ang race at umuwing first placer.
"Oo na, oo na. Ibibigay ko na ang librong gusto mo!" Tawa ko bago iabot ang bottled water sa kanya.
"Inisip mo talagang matatalo ako?" Natatawang tanong sa akin ni Tristan na nagawa pang pisilin ang pisngi ko na siyang ikinagulat ko dahilan upang hindi agad ako makasagot. "You underestimated me, Crisella. I'm hurt." At dinramahan na niya ako.
"Hindi ah! Alam ko namang nagpapacute ka pa doon kaya takbong pagong ang ginawa mo. Iyon lang, hindi nga pala tumatakbo ang mga pagong."
"Bakit nga ba kasi nadamay ang pagong sa usapan?" Aniya habang pinupunasan ang sarili niya.
May sasabihin pa sana siya ngunit sinenyasan niya akong sandali lang dahil kailangan din niyang magpapicture kay Sir Punzalan kasama ang ribbon at unofficial certificate. Ngiti lang ang itinugon ko kay Tristan dahil alam ko namang marami pang selfies na kasunod iyong picture niya kasama si Sir Punzalan.
Kumuha na rin ako ng ilang pagkain sa pantry para iabot sana kay Tristan pagkabalik niya ngunit hindi ko inaasahang mahahanap ko kung kanino nanggaling ang pamilyar na boses na kanina ko pa hinahanap. Nakangiti siya ngayon na kaharap si Tristan habang nakangiti rin pabalik si Tristan na kausap siya. May inabot pang kape iyong babae na galing pang kilalang coffee shop.
Tss! Sino nga ulit iyong kupal na nagsabing ang arte ko sa kape?
Pero bakit nandito si Gheme at bakit magkakilala sila ni Tristan?
──────⊱◈◈◈⊰──────
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro