ANTONIO HIDALGO
ANTONIO HIDALGO
"Ang pagbabayad na lamang ng buwis ang gawain ninyo, hindi niyo pa magawa ng maayos!" Sinipa ng Cabeza de barangay ang mga inaning gulay ng aking tatay Nestor at galit niya itong dinuro. "Sa susunod, magbabayad kayo sa oras!"
"Paumanhin, ginoo," nakayukong paghingi ng tawad ni tatay Nestor. Hindi na nagsalita pa ang cabeza de barangay at nagpupuyos na umalis sa aming bakuran. Mula sa malayo, tinitigan ko ang aking tatay na pulutin ang pinaghirapang ani.
Ganito ang bayang aking kinalakhan. Sa bayang napakalawak, ang mga tulad namin ay nabibilang sa pinakababang baitang ng lipunan. Kinakailangan manilbihan sa mga taong mas mataas ang katungkulan sa lipunan upang makakain ng sapat sa isang araw. Kinakailangang magbayad ng buwis na mas malaki pa sa aming mga gastusin. Ipinagkait rin sa mga tulad namin ang karapatang makapag-aral. Minsa'y ang trato sa amin ng mga kastila, maski mga kapwa namin Pilipino, ay mas mababa pa sa hayop. Sa mura kong edad, mulat na ako sa mga pagmamalupit at pang-aaping ginagawa ng mga dayuhan at ng mga mayayamang pilipino.
Itinapon ko laruang gawa sa papel at nilapitan ang aking tatay Nestor. Pinulot ko ang mga gulay na tumilapon sa lupa.
"Oh, Antonio, tapos ka ng maglaro?" nakangiting tanong ni tatay Nestor habang nakatingin sa akin.
"Wala naman pong gustong makipaglaro sa akin," sagot ko saka inilagay ang mga pinulot na gulay sa basket. "Kaya umuwi na lamang ako."
"Ganoon ba? Huwag kang mag-alala, magkakaroon ka rin ng mga kaibigan."
Tinitigan ko ang mga gulay. Ang kakarampot na mga ito ang isang buwang pinaghirapan ng aking mga magulang. Kung mabilis namin itong maibebenta sa palengke habang sariwa pa, malaki ang aming kikitain. Makakabayad na kami ng buwis.
Nilingon ko si tatay Nestor, "Tutulong po ako sa pagtinda ng mga ito sa bayan. Mababawasan po ang mga gawain niyo at hindi kayo masyadong mapapagod. At mas mabilis natin itong maibebenta."
"Antonio..."
"Kung sa pagbibilang naman po, wala pong problema riyan. Maaari niyo akong turuan, mabilis naman akong natututo."
Bumuntong-hininga si tatay Nestor. Inilagay niya ang mga gulay sa basket saka lumapit sa akin. Binigyan niya ako ng ngiti saka ginulo ang aking buhok. "Antonio, ang dapat na ginagawa ng mga bata ay maglaro. Hindi dapat nila pinoproblema ang problema ng kanilang mga magulang. Hayaan mo na kami ng Inay mo. Dapat masasayang bagay lang ang iyong inaatupag dahil makita ka lamang naming palaging nakangiti, nawawala na ang aming pagod."
Palaging nakangiti si tatay Nestor upang itago ang hirap na dinaranas nila. Ngunit kahit ilang beses man nila itong itago, napapansin ko pa rin ito.
Isang gabi, narinig kong nag-uusap sila ni nanay.
"Nestor, inalok ako ng aking kapatid ng trabaho sa pamilyang pinagdadalhan nila ng gamot. Malaki ang sahod doon. Mga gawaing bahay lamang ngunit malaki ang kikitain ko doon," ani ni nanay Isay habang nililinis ang hapag-kainan.
"Ngunit, Isay-"
"Ilang beses man nating itanggi, kakaunti lang ang salaping nakukuha natin sa pagsasaka. Sapat lamang ito sa pagbabayad ng buwis at sa kakarampot na pagkain. Ngunit kung mamamasukan ako bilang katulong, matutustusan natin ang pangangailangan ni Antonio lalo na ngayong lumalaki na siya." Nilapitan ni nanay si tatay at hinawakan ang kamay nito. "Huwag kang mag-alala, sa bayan lang naman ako mamamasukan. Uuwi rin ako bago lumubog ang araw."
Kahit na ilang beses nilang itago sa akin ang mga problema, nananaig pa rin sa akin ang kagustuhang mabawasan ang problemang kanilang pinapasan.
"Nanay!" tawag ko kay nanay Isay nang lumabas na ito ng bahay upang pumunta ng bayan. Unang araw niya ngayon sa trabaho.
"Oh, Antonio, ang aga mong nagising."
"Sasama po ako," wika ko. Mabilis kong sinuot ang aking sapin sa paa at lumapit sa kanya. "Sasama po ako sa trabaho niyo."
Napangiti si Inay, "Anak, dito ka na lamang. Maganda ang sikat ng araw, masayang maglaro ngayon kasama ang mga kaibigan mo."
"Wala po akong kaibigan, nay. Hindi ko rin po gusto ang paglalaro kaya imbes na ubusin ko ang oras sa paglalaro, mas mabuti siguro kung sasama na lamang ako sa inyo upang matuto sa mga gawain para paglaki ko ay agad akong makakapagtrabaho at makatulong sa inyo."
Natahimik si nanay. Tinitigan niya lamang ako at ilang sandali lang ay napansin kong tumutulo na ang luha mula sa mga mata nito.
"N-nay?"
Ibinaba niya ang mga dala at niyakap ako, "Antonio, masaya ako at dumating ka sa buhay namin."
Malaki ang bahay na pinagtatarabahuan ni nanay. Bago mo marating ang bahay ay kailangan mong dumaan sa malawak nitong hardin. Maraming makukulay at magagandang bulalak, mga punong luntian at mga damong tila ba araw-araw ginugupitan. Ang daanan papunta sa mansyon ay gawa sa iba't ibang uri ng bato. Ang mansyon naman ay may dalawang palapag. Hindi ito tulad ng mga bahay sa barrio. Imbes na gawa sa kawayan at dahon ng niyog, gawa ito sa bato. Marami itong bintana kaya marahil marami rin itong silid. May iba't ibang disenyo ring maingat na inukit sa mga pader nito. Napapaligiran ito ng mga luntiang halaman.
Habang hinihintay namin ang may-ari ay inilibot ko ang tingin sa malawak na lupain sa likod lamang ng mansyon. May malawak itong taniman ng palay at iba't ibang uri ng prutas.
Nakakamangha. Tila ba mga hari at reyna ang nakatira sa mansyon.
"Isay!" napalingon ako sa babaeng tumawag sa aking nanay. Isang napakagandang babae. Kahit na matanda na ito ay lumilitaw pa rin ang kagandahan niya. "Nagagalak ako at tinanggap mo ang aking alok na trabaho," wika nito saka nakipagkamay kay nanay.
"Maraming salamat, doña Catalina. Malaking tulong po ang binigay ninyong pagkakataon," sagot naman ni nanay.
"Nasabi sa akin ng iyong kapatid na magaling ka raw sa gawaing bahay kaya palalampasin ko ba iyon?" Napaayos ako ng tayo nang mapansin ako ng doña. "Sino naman ang batang ito?"
Ipinatong ni nanay ang kamay niya sa balikat ko, "Ah, siya po ay aking anak. Sumama po siya dahil nais niyang matuto sa mga gawain rito. Hindi ko po sana papayagan, ngunit mapilit. Ipagpaumanhin niyo-"
"Ano ka ba, Isay! Walang iyong problema sakin. Natutuwa nga ako at sa mura niyang edad ay ganito na siya mag-isip. Samantala ang aking bunsong anak, naku! Teka, ilang taon ka na ba, hijo?"
Napakurap ako at agad na sumagot, "Siyam na taong gulang po, s-señora."
Napatawa ng mahinhin ang babae, "Naku! Malapit lamang ang edad niya sa aking bunso. Natitiyak kong magkakasundo sila."
"Hindi siguro," mahina kong sagot.
"O siya, Isay, maari ka ng magsimula ngayon. Sasabihan ko na pamang si Nene na ituro sa iyo ang pasikot-sikot sa bahay. Ako'y mauuna na," nakangiti itong tumalikod sa amin. Ngunit bago pa man ito makapasok ng bahay ay muli itong lumingon. "Darating nga pala ang mga Villaroman mamayang hapon at ang iyong kapatid kasama ang asawa nito kaya iwan mo muna ang trabaho mo mamaya at sumalo sa amin."
Mabait si doña Catalina gayundin ang mga tao sa mansyon. Nakangiti sila kahit na pagod na. Nagagawa pa rin nilang tumawa sa kabila ng hirap ng trabaho. Habang tinitignan ko sila, naitatanong ko sa aking sarili, "Hindi sila nakakaranas ng pangmamaliit?"
Inutusan ako ni Aling Nene sa dalhin ang mga tinuping kumot sa isang silid sa loob ng mansyon. Halos hindi ko na makita ang aking dinadaanan dahil sa dami ng pinadala sa akin. Ngunit tiniis ko ito dahil ako rin naman ang nagpilit na sumama rito. Liliko na sana ako nang biglang may bumangga sa akin. Sa sobrang lakas ay pareho kaming natumba. Napahiga ako sa sahig at natabunan ng mga puting kumot.
Napabuntong-hininga na lamang ako at nanatili saking pwesto. "Hindi pala biro ang mga gawaing bahay," bulong ko sa aking sarili.
"Bulag ka ba? Hindi ka ba tumitingin sa dinaraanan mo?" sabi ng isang matinis na boses.
"Bernarda, anong nangyari?" tanong ng isang batang lalaki.
"Itong katulong ninyo hindi tumitingin sa dinaraanan, ayan tuloy, natumba ako at muntik ko pang madaganan ang bulaklak na pinitas ni ama."
Sandaling tumahimik at nakarinig ako ng mga yapak ng paa na papalapit sa akin.
"Anong ginagawa mo riyan? Tumayo ka! Natatakot ka ba kaya ka nagtatago sa mga kumot na iyan?" maangas na tanong ng batang lalaki.
Muli akong napabuntong-hininga at umupo habang nakatabon pa rin sakin ang kumot. "Paumanhin," walang buhay kong sagot. Tinanggal ko ang kumot at dumapo ang tingin ko sa dalawang batang nakatayo sa harap ko. Pareho silang gulat na nakatingin sakin.
"B-bata?" gulat na tanong ng batang babae. Maganda ang kasuotan nito kaya halatang nagmula ito sa mayamang pamilya. Mukha ring kaedad ko lang ito.
"T-teka, anong ginagawa mo rito?" tanong ng batang lalaki. Ganun din ito, mukhang nanggaling rin sa mayamang pamilya. Mas matangkad ito sa amin at mukhang mas matanda rin sa amin.
Tumayo ako at pinagpag ang damit, "Ako'y anak ng isa sa mga katulong rito. Paumanhin kung naabala ko kayo." Hindi ko na sila hinintay na magsalita at pinulot ang mga nahulog na kumot. Napakaliit ko para tupiin ang malalapad na kumot na ito.
"Sa tingin mo papalampasin ko ang iyong ginawa? Isusumbong ko ito sa aking ina at tinitiyak kong ma-"
"Huwag na, Santiago," pagputol ng batang babae sa batang lalaki. Hindi ko tuloy maiwasang mapatingin dito. "Hindi naman ako nasaktan. Ayos lamang ako. Huwag na natin itong isumbong sa iyong ina."
Nagsitayuan ang balahibo sa buong katawan ko nang mapansin ko ang ningning sa mga mata nito habang nakatingin sa akin.
"Anong kahibangan ito, Bernarda? Hindi ko naman siya isusumbong para sayo-"
Hinarap ng batang babae ang batang lalaki at inirapan ito, "Tumahimik ka na lamang, Santiago! Mas mayaman ang pamilya ko sa pamilya ninyo."
Agad kong iniwas ang tingin sa kanilang dalawa. "Mga baliw," bulong ko.
"Kuya Antonio!" Nabitawan ko ang mga pinulot na kumot at napalingon sa isa pang matinis na boses. Tumatakbo ito palapit sa amin suot-suot ang nakakasilaw niyang ngiti.
"Corazon."/"Corazon."
Napatingin ako sa batang lalaki at nanlalaki ang mata rin itong nakatingin sakin. Hindi namin inalis ang tingin sa isa't isa. Teka, kilala niya ang pinsan ko?
Pagkatapos ng salu-salo ay umuwi na kami ni nanay. Gusto pa sana niyang makipagkwentuhan sa kapatid niya ngunit kailangan naming umuwi bago pa dumilim. Unang beses sa buong buhay ko na nakasama ko sa iisang hapagkainan ang mga taong nabibilang mas mataas na baitang ng lipunan. Ngunit hindi parin kami nakaiwas sa mapangmatang tingin ng mag-asawang Villaroman.
Habang kumakain rin ay may dalawang pares ng mata ang palaging nakatingin sakin. Sina Santiago at Bernarda. Si Santiago pala ang bunsong anak ni doña Catalina habang si Bernarda nama'y anak ng mag-asawang Villaroman. Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay naninindig ang balahibo ko sa mga tinging ibinibigay sa akin ni Bernarda. Maski ang kay Santiago, pakiramdam ko may gusto siyang sabihin sakin na hindi niya masabi. Ibinaling ko na lamang ang aking pansin sa pagkain at sa pakikipag-usap kay Corazon. Napag-alaman ko ring kaya pala naroon sina Corazon sa mansyon ng mga Iglesias ay dahil sila ang gumagawa ng gamot para sa asawa ni doña Catalina.
"Antonio, kumusta ang araw mo?" tanong ni tatay Nestor.
Hininto ko ang pag-aayos ng aking higaan at hinarap ang aking tatay. "Maayos naman po. Wala pa ring ipinagbago maliban sa marami akong natutunan doon sa mansion ng mga Iglesias."
"Nasabi sa akin ng iyong nanay na nagkaroon ka raw ng mga bagong kaibigan," nakangiting sabi nito.
"Hindi ko po sila kaibigan. Tanging si Corazon lang po ang nakausap ko doon."
"Bakit naman?"
Napayuko ako. Bakit nga ba? "Dahil hindi ko sila kapantay."
Kumunit ang noo ni tatay at lumapit sakin. Naupo siya sa tabi ko. "Anong ibig mong sabihin?"
"Dahil mayaman sila at mahirap lang ako."
Mahinang natawa si tatay at ginulo ang buhok ko, "Itong batang ito. Masyado kang malungkutin." Hinawakan niya ang magkabila kong balikat at tinitigan ako sa mata. "Ito ang pakatatandaan mo. Hindi nasusukat sa yaman ang pagkakaibigan. Ang mahirap at ang mayaman ay maaaring maging magkaibigan dahil tayong lahat ay pantay-pantay sa mata ng Diyos. Kaya, Antonio, huwag mong huhusgahan ang tao base sa kanyang katayuan sa buhay."
Tumango ako kahit na pilit ko pang iniintindi ang sinabi ni tatay. Muli niyang ginulo ang aking buhok, "Matulog ka na at maaga pa kayong aalis ng nanay mo bukas."
Nahiga na ako at pinatay ang lampara. Ngunit hindi ako agad na nakatulog. Inisip ko pa rin ang sinabi ni tatay. Hindi dapat husgahan ang tao base sa katayuan nito. Kanina, si doña Catalina, kahit na naging mabait siya sakin ay mailap pa rin ako sa kanya. Akala ko kasi tulad rin siya ng iba sa kabila ng pag-iimbita niya sa amin na sumalo sa hapagkainan nila.
Araw-araw na akong sumasama kay nanay sa kanyang trabaho. Marami na rin akong natutunan. Natuto akong maglaba at magtupi ng mga damit, maghugas ng mga pinagkainan, magwalis at magpunas ng sahig, maging ang pag-aalaga ng hardin ay natutunan ko rin. Marami rin akong nakakausap na mas matatanda sa akin. Marami silang ikinukwento kaya kahit papano'y may natututunan rin ako.
Ngunit, sa kabila ng mga iyon, may gusto akong bagay na gustong matutunan. Ang magsulat, magbasa, at magbilang.
"H-hoy, Antonio!" natigil ako sa pagdidilig ng tubig mula sa balon nang marinig ko ang boses ni Santiago.
Nilingon ko siya ngunit hindi ako nagsalita.
Lumapit siya sakin at tumikhim bago nagsalita. "N-nais kong... ano... Nais kong makipagkaibigan."
"Bakit hindi na lamang si Corazon ang iyong tanungin?" diretsong tanong ko.
Nanlaki ang mata niya at dahil maputi siya ay nahalata ang kanyang pamumula. Kung ganun, tama ako. Interesado nga siya sa pinsan ko.
"A-anong ibig mong iparating? Na may pagtingin ako sa kanya? Lapastangan."
Ibinalik ko ang atensyon sa ginagawa, "Wala akong sinabi. Saka, bakit naman ako mag-iisip ng ganun? Mga bata pa lamang kayo at sinabi sa akin ng aking tatay na mga matatanda lang ang pwede sa mga ganiyang bagay."
"Kung makapagsalita ka para kang hindi bata. At parang ipinararating mo sa tanong mo kanina na m-meron nga akong pagtingin kay Corazon-"
"Bakit? Meron ba?"
"Wala!" mabilis niyang sagot. "Teka! Narito ako upang makipagkaibigan hindi para makipagtalo sa iyo at sagutin ang mga tanong mo! At kahit na tumaggi ka, kailangan mo pa rin akong sundin dahil ako ang may-ari ng bahay na ito."
Sa totoo lang gusto kong matawa ngunit hindi nga siguro sanay ang aking mga bibig kahit ngumiti man lang.
Ibinaba ko ang timba at bubuhatin na sana ito nang mapansin ko ang hawak ni Santiago. Isang libro. Marahil ay napansin niyang nakatitig ako sa aklat na hawak niya kaya itinaas niya ito.
"Kanina mo pa tinititigan ang aking aklat, nais mo ba itong basahin?" tanong nito.
Umiling ako, "Ah, hindi-"
Ngunit bago ko pa man matapos ang aking sasabihin ay biglang lumiwanag ang mukha ni Santiago na para bang may magandang ideya itong naisip.
"Alam ko na! Halika!" nagulat ako nang bigla niya akong hinila papunta sa loob ng mansyon.
"Teka! Saan tayo-"
"Sumunod ka na lamang, may ipapakita ako sayo!"
Hindi na ako nagsalita pa at hinayaan na lamang siyang hilaan ako papunta sa kung saan man niya ako gustong dalhin. Hindi nagtagal ay pumasok kami sa isang malaking silid.
Napanganga ako nang makita ko kung ano ang mga nasa loob ng silid. Isa itong silid na puno ng aklat. Sa sobrang dami ay umaabot na ito sa kisame. Sa sobrang dami ay wala ng mapaglalagyan ang ibang aklat kaya sa sahig na lamag ito inilagay. Sa sobrang dami ay aabutin ka ng isang dekada upang mabasa ang lahat ng ito. Nakakamangha! Kung mayroon akong mga aklat na ganito karami, marahil ay uubusin ko ang aking oras sa pagbabasa.
"Nakakamangha, hindi ba?" nakangiting tanong ni Santiago habang tinitignan rin ang mga buong silid.
Tumango ako bilang pagsang-ayon.
"Ito ang silid-aklatan ng pamilya Iglesias. Mahilig mangolekta ng mga aklat ang aking ama at mga nakakatandang kapatid. Karamihan ng mga aklat rito ay nagmula sa ibayong-lupain."
Tila ba nagningning ang aking mga mata dahil sa sinabi niya.
"Ibayong-lupain?"
Tumabgo siya, "Oo. Sa ibang bansa. Karamihan ng mga aklat ay nagmula sa bansang Inglatera at Pransya. Mayroon ring nagmula sa bansang Amerika. May mga aklat rin sa bansang Tsina at Hapon ngunit hindi ko ito binabasa dahil hindi ko rin naman maintindi ang kanilang paraan ng pagsusulat."
"Nabasa mo na ang mga ito?" Hindi ko na mapigilan ang aking mga ngiti. Ngayon lamang ako nakakita ng isang silid-aklatan. Parang pinto ang bawat aklat at dadalhin ka nito sa iba't ibang lugar, sa iba't ibang mundo.
"Nangangalahati pa lamang ako. Bawat taon, may inuuwing bagong aklat ang aking mga kapatid. Teka," nagtataka akong tinignan siya. Nanlalaki ang mga mata nito at bigla na lamang ngumiti. "Ngumiti ka! Nakangiti ka!"
Napakurap ako at napahawak saking bibig. Nakangiti nga ako.
"Ha! Ngumiti ka! Aklat lang pala ang makakapagpangiti sayo!" masayang sabi ni Santiago. "Kung ganun, dahil kaibigan na kita maaari mong basahin ang mga aklat rito. Kahit ilan! Kahit kailan!"
Nawala ang ngiti saking mga labi, "Iyon nga lang. Hindi ako marunong magbasa."
"Hindi ka maru- hindi ka marunong magbasa?"
Tumango ako.
"Imposible! Walang tao na hindi marunong magbasa."
Napabuntong-hininga ako, "Nagkakamali ka. Maraming tao ang hindi marunong magbasa. Magsulat. Magbilang. Isa akong halimbawa doon. Hindi ko nga alam kung paano ko isusulat ang aking sariling pangalan. Hindi naman ako kayang turuan ng akong nanay at tatay dahil wala din naman silang pinag-aralan."
Teka, bakit ko ba sinasabi ang mga ito sa kanya?
"T-totoo ba iyan?"
"Oo, subukan mong lumabas minsan at nang makita mo ang mundo sa labas ng malaki niyong mansyon. " Tinalikuran ko na siya at tinungo na ang pinto palabas.
Akala ko mababago na ang tingin ko sa mga tulad ni Santiago ngunit nagkamali ako.
Tahimik akong pumasok ng bahay at didiretso sana sa aming silid ngunit napansin ako ni nanay. "Antonio?" Tumigil siya sa pagluluto at mabilis na lumapit sakin. Pinahid niya ang kamay sa kanyang saya at hinawakan ang aking pisngi. "Bakit may pasa ka sa iyong pisngi? B-bakit may mga sugat ka?"
Hindi ko siya tinignan sa mata sapagkat alam kong malalaman niya kung nagsisinungaling ako o hindi. "N-nadapa lang po ako."
"Hindi, Antonio. Ang mga sugat na iyan ay hindi gawa ng pagkadapa." Iniharap niya ang mukha ko sa kanya, "Sabihin mo sa akin ang totoo, anak."
/Anak?
Nagunahan sa pagtulo ang aking mga luha nang marinig ko ang huli niyang salita.
"A-Antonio?"
"T-totoo po ba ang sinasabi nila?" umiiyak kong tanong.
"A-anong ibig mong sabihin?"
"Totoo po ba ang sinasabi nila? N-na hindi niyo po ako tunay na anak?"
"Antonio..."
"Kanina, habang naglalakad ako pauwi. Nakita kong pinagtatawanan ng ilang kaedad ko si tatay. Nilapitan ko sila upang ipagtanggol si tatay ngunit napaayaw ako. Doon... tinawag nila akong ampon."
"Hindi..."
"Nay, nais ko pong malaman ang totoo. Sabihin niyo po sa akin."
Ikinuwento sa akin ni nanay Isay ang lahat. Lahat ng tungkol sa tunay kong ina. Ang aking ina ay si Rosalinda Hidalgo. Siya ay ang nag-iisang anak ni nanay Isay at tatay Nestor. Siya'y itinuturing na rosas sa aming lugar sapagkat taglay nito ang kagandahang hindi maihahalintulad sa ibang babae. Kinahuhumalingan siya ng lahat hindi lamang sa panglabas niyang itsura ngunit pati sa kanyang kalooban. Kahit na sinong lalaki ay nahuhulog ang loob sa kanya. Kabilang na ang anak ng kasalukuyang gobernadorcillo ng aming pueblo. Naging masugid itong manliligaw ng aking ina ngunit sa panahong iyon ay may ibang lalaki na ang nagmamay-ari ng kanyang puso. Hindi tinanggap ng aking ina ang pagmamahal na ibinigay ng manliligaw na siyang naging dahilan upang ipagpilitan nito ang sarili sa aking ina.
Itinago ito ni ina kina nanay Isay ngunit makaraan ang ilang linggo, nalaman nilang buntis ito at ang ama ay ang anak ng gobernadorcillo. Itinanggi niya ang ginawa kay ina. Itinanggi niya ako. At dahil dito, naging masama ang tingin ng mga tao sa babaeng itinuring nilang rosas. Lubhang nalungkot ang aking ina, hindi lamang dahil nilapastangan siya,hindi lamang dahil nag-iba ang tingin sa kanya ng mga tao, kundi dahil sa iniwan siya ng lalaking kanyang pinakamamahal. Dahil dito, namatay siya pagkatapos niya akong isilang, bago ko man lamang siya nakilala.
"Lola.. Lola po ang nararapat kong itawag sa inyo," walang buhay kong sambit. Pilit kong iniwas ang tingin sa aking nanay Isay at tumayo. "N-nais ko pong mapag-isa."
Hinawakan niya ang aking kamay, "Patawarin mo ako, Antonio. Patawarin mo kami dahil hindi namin sinabi sa iyo ang totoo. D-dahil naglihim kami sa iyo. Nais lamang namin na mamuhay ka ng normal."
Hinarap ko siya at niyakap, "Naiintindihan ko po. Maraming salamat at sinabi niyo."
Mahirap magpanggap. Mahirap ngumiti sa harap ng mga taong mahalaga sayo upang hindi sila mag-alala. Kahit na nasasaktan ka na. Kahit na pakiramdam mo dinudurog ka na. Kahit na gusto mong umiyak ng umiyak ng umiyak, hindi mo magawa. Dahil... Dahil nangako kang poprotektahan ang kasiyahan ng mga taong nakapalibot sayo.
Sa murang edad, marami na akong naranasan. Namulat na ang aking mga mata sa kadilimang bumabalot sa buhay ng tao.
Tinitigan ko ang laruang ibon na gawa sa papel. Itinaas ko ito at itinapat sa sikat ng araw.
"Hindi ko man lamang mararanasan ang maging bata," bulong ko sa hangin at napasandal sa katawan ng puno.
Ipinikit ko ang aking mga mata at sinubukang umidlip ngunit agad rin akong napamulat nang marinig ko ang isang pamilyar na boses.
"Hoy, Antonio!"
"S-Santiago?" nanlalaking mata kong tinignan ang batang naglalakad palapit sakin dala-dala ang isang kahon.
"Anong... Anong ginagawa mo dito?" tanong ko sa kanya nang makalapit siya sakin.
Ibinaba niya sa harapan ko ang kahon at naupo. "Hindi ka na sumasama sa iyong ina papunta sa amin. Hindi ba't nangako ako sayong tuturuan kitang magbasa't magsulat? Puwes, narito ako upang tuparin ang pangakong iyon!"
"H-hindi ka naman nangako-"
"Nangako ako at bilang isang Iglesias, tutuparin ko iyon. Dahil ang mga Iglesias, hindi sinisira ang pangakong ibinigay nila sa isang tao."
"Teka... Umalis ka ng inyong mansyon?" Tumango siya. "Paano mo nalaman kung saan kami nakatira? Teka, hindi ka natakot na lumabas mag-isa sa inyong mansyon?"
"Kasama ko si Bernarda at si... si Corazon. Alam ni Corazon kung saan kayo nakatira. Nahirapan kaming pumunta rito dahil walang kutsero ang pumayag na ihatid kami dito. Hindi sila naniniwala na may salapi akong pambayad. Pero hindi ako natakot. Bakit ako matatakot kung para naman sa isang kaibigan ang aking pag-alis sa mansiyon?"
Natahimik ako sa sagot nito. Ka-kaibigan? Kaibigan ang turing niya sakin? Umalis siya ng mansiyon upang tuparin ang pangako niya sakin kahit na hindi pa siya nakakatapak sa mundo sa labas nito.
"Santiago!" sabay namin naibaling ang tingin kay Bernarda na tumatakbo palapit samin. Sa likod naman niya ay si Corazon. "Bakit mo kami iniwan, ha?" mataray nitong tanong nang makalapit siya samin.
"Hindi ko kayo iniwan. Sadyang mabagal lamang kayo."
"Aba-"
"Kuya Antonio!" masayang bati ni Corazon sa akin. Nakapaskil sa kanyang mga labi ang nakakasilaw niyang ngiti.
"Corazon," nakangiti kong bati pabalik.
"A-Antonio... kumusta?" nakangiting bati ni Bernarda.
"Mabuti naman," sagot ko. "Ah, oo nga pala.. Corazon, nais makipagkaibigan sayo ni Santiago."
Nabato sa kinauupuan si Santiago at nagtataka namang napatingin sa kanya si Corazon. Pinigilan ko ang sarili kong mapatawa nang mapansin kong nag-uumpisa ng mamula si Santiago.
"Bakit, kuya Antonio? Magkaibigan naman na kami," inosenteng sabi ni Corazon.
Hindi ko na napigilan at napatawa ako ng malakas dahil sa naging sagot ni Corazon.
"Sabi ko sa inyo, eh! Tumatawa si Antonio!" sambit ni Santiago na para bang ito ang unang beses akong tumawa.
"Ang ganda tumawa ni Antonio..." komento ni Bernarda.
"Palagi namang tumatawa si Kuya Antonio... ngunit parang mas totoo nga lang ngayon."
"T-teka, Antonio, ibig sabihin ba nito... magkaibigan na tayo?" tanong ni Santiago.
Pinahid ko ang nangingilid kong luha dahil sa sobrang tawa. Tumango ako bilang sagot.
"May bago ba akong kaibigan!"
"Ang daya! Ako rin, Antonio!"
"Ako rin, kuya Antonio!"
"Magpinsan kayo!"
"Huwag mong sisigawan si Corazon!"
"Di ka niya kasintahan!"
"K-kasintahan? L-lapastangan! H-hindi ako papatol sa bata!"
"Bata ka rin naman! Ilang taon lang ang agawat natin!"
"Anong kasintahan, kuya Santiago?"
Hindi ko alam ngunit napakagaan ng aking pakiramdam. Ang sakit at lungkot nung nalaman ko kung sino ang aking tunay na mga magulang ay biglang napawi noong dumating sila. Lahat ito'y napawi nang makita ko silang masayang nagtatawanan sa harap ko. Nang makita ko ang mga ngiti nilang tatlo.
Kaibigan? Ganito ba ang pakiramdam sa tuwing kasama mo ang iyong mga kaibigan? Ganito ba ang pakiramdam ng may kaibigan?
Tinignan ko si Santiago at Bernarda. Hindi man ako tulad nila na may gahiganting bahay, may malawak na lupain, nakapag-aral, ngunit tinanggap nila ako. Nakipagkaibigan sila sa akin.
Corazon, Bernarda, Santiago... Aking mga kaibigan.
"Oo nga pala, Antonio." Binuksan ni Santiago ang kahon at tumambad sa aking ang iilang papel, aklat at panulat. Inilabas niya ang isang papel at ang panulat. "Ano ang kompleto mong pangalan at isusulat ko at gagayahin mo."
"Ah... Antonio..."
"Antonio, Del Bosque ang apelyido ng iyong ama. Maaari mo itong gamitin kung gusto mo."
"Iyong apelyido?"
"Hidalgo... Antonio Hidalgo."
-
Hi. Did you like this chapter? I hope you did. Don't forget to vote and comment. Thank you.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro