Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 4


"ANO bang nagustuhan mo kay Crosoft, Bria?"

Paulit-ulit na nagpi-play sa isip ni Cambria ang tanong ng kaibigan niyang si Essera kanina. Ano nga ba ang nagustuhan niya kay Crosoft? Bukod sa bakla ito ay masyado pang weird ang pagkakagusto niya kay Crosoft. 'Yong klase na gusto na parang 'di na niya nakikita ang pagiging bakla nito.

Oo, kapansin-pansin naman ang kakaibang paghawi nito sa buhok nito. Pati ang pananalita nito ay may kasamang lambot at landi minsan. Hindi naman kasi ito ang karaniwang bakla na nagsasalita ng gaylinggo. Ang alam nito ay mambara at purihin lagi ang sarili nito. Kapag bumabanat pa ito ng jokes ay masyadong green na napapanga-nga na lang siya sa sobrang inosente ng utak niya. Naks!

Pero iba eh, nababaliw talaga siya sa mga titig at ngiti pa lang nito. Hindi niya mai-explain pero kahit ano paman ang tingin ng tao kay Crosoft ay lalaki pa rin ang tingin niya rito. At sa bawat araw na magkasama sila 'di lang simpleng bagay lamang ang nakikita niya rito na papasang kabaklaan talaga. There is something more about him, something sweet and romantic. Something manly.

Kahit siguro gumawa pa siya ng power point presentation kung bakit niya mahal ang loko ay wala pa ring makaka-gets kung bakit nga ba niya mahal si Crosoft. Kahit i-elaborate pa niya ang mga katangiang nakita niya kay Crosoft iisipin pa rin ng mga taong naka druga siya kaya pati puso at utak niya napapariwara sa kabaliwan.

Naalala niya noong tinanong siya ng kapatid niyang si Misty, kung bakla ba talaga si Crosoft? Gusto niyang sabihin na hindi para inggitin ang kapatid. Ang gwapo kaya ng loko. 'Di kapag sinabi niyang lalaki ito, tapos sobra pa sa magkasintahan ang turingan nilang dalawa tignan lang niya kung 'di mamatay sa inggit ang kapatid niyang feeling Anne Curtis.

Pero hindi, pinairal pa rin niya ang pagiging loyal kay reality. Pikit matang sinagot ang salitang oo na bumara pa sa lalamunan niya nang slight. Syempre, ayaw niya namang mapahiya kapag nalaman nito ang totoo. Lalo na't nililigawan na nito si Jeymes nang mga panahon na 'yon. Kabaliwan ang umasa sa mga panahon na 'yon. Lalo na noong umamin ito sa kanya na bakla ito.

Gusto niyang maiyak 'di dahil sa confession nito kung 'di dahil sa sakit sa puso. Nagkita sila sa paborito nilang pizza restaurant three years ago. Ang unang pumasok sa isipan niya nang mga panahon na 'yon ay magtatapat na ito sa kanya. 'Yong klase na pagtatapat na romantic, syempre. Ang OA naman kasi nito maka-text sa kanya.

Cam, pwde ba tyong mgkta? Sa dting tgpuan. Plz, I ned to tel u sumting.Sna di mgbgo ang pgtngin mo sa sken after my confession. I need u now. – Crosoft

At hanggang ngayon 'di niya pa rin binubura ang message na 'yon sa cell phone niya. She saved it on her phone's note at nilagyan pa ng password. Mahirap ng ang mabuko ni Crosoft. Tataas na naman ang tingin nun sa sarili. Na-i-imagine na niya ang malanding pang-aakit nito sa kanya. Kaya siya naasar lalo sa baliw na 'yon.

Minsan kasi pasimple siya nitong inaakit. At kapag tinupak 'yon masisira na naman ang buong sistema niya at mababaliw na naman siya sa pagpapakalma sa puso niyang gusto nang lumabas mula sa rib cage. Walangya kasi ang baklang Crosoft na 'yon! Kaya ako na i-in love sa mokong dahil sa katupakan niya pagdating sa akin.

Marahas na iniyupyop niya ang ulo sa table. Napadako naman ang tingin niya sa naka-frame na larawan nilang dalawa ni Crosoft na naka-display sa itaas ng mesa niya. Kuha 'yon noong sinurpresa siya ni Crosoft noong birthday niya. She was crying inside their vacant classroom. Umiiyak siya noon dahil 'di na naman naalala ng mama niya ang birthday niya. Nasa Cebu ang papa niya noon dahil sa trabaho nito.

Ayaw niyang umuwi dahil alam niyang maabutan lang niyang wala sa bahay ang ina at kapatid.

Excited na sinagot ni Cambria ang tawag ng ina.

"Ma-" she was cut off.

"Huwag mo na kaming hintayin ni Misty. Sa labas na kami kakain after her play." Imporma nito. Bumagsak ang mga balikat niya at nanlumo siya. "Pag-uwi namin dapat malinis na ang bahay. Nakuha mo ba?

"Ma bir –"

End call.

"Ma, birthday ko po ngayon." Sagot niya sa kawalan. Naramdaman niya ang pag-init ng sulok ng mga mata niya. "Hindi n'yo na naman natatandaan." Kumawala na ang kanina pa niyang pinipigilang mga luha.

Tahimik na umiyak siya habang nakayupyop ang ulo sa mesa. Naramdaman niya ang matinding lungkot at pag-iisa. Lagi na lamang siyang nag-iisa sa birthday niya. Pero bakit 'di pa rin magawa ng puso at isip niyang masanay sa sobrang sakit?

"Happy Birthday to you... Happy Birthday to you..."

Gulat na naiangat ni Cambria ang ulo. Bumungad sa kanya ang nakangiting mukha ni Crosoft. May hawak itong maliit na mamon na may nakatusok na maliit na nakasinding kandila sa gitna. Patuloy pa rin ito sa pagkanta habang papalapit sa kanya.

Napaiyak siya. Hindi dahil sa lungkot kung 'di dahil sa sobrang saya. Ang pag-iyak niya ay may kasama nang ngiti at tawa. Huminto si Crosoft sa harap niya. Huminto rin ito sa pagkanta.

"Happy Birthday Cam," bati nito sa kanya.

Sa halip na magpasalamat ay niyakap niya ito sa baywang. Naramdaman niya ang pagkagulat nito sa ginawa niya pero 'di niya 'yon pinansin. Hinaplos nito ang likod niya.

"Sige, manyakin mo na ako habang 'di pa nauubos ang oras ng birthday mo."

Hindi niya napigilan ang matawa.

Nakatingin lang si Crosoft sa kanya habang hinihintay nitong hipan niya ang kandila na ipinatong nito sa mamon na ginawa nitong cake. Humila ito ng upuan kanina at naupo paharap sa kanya. May ngiting tinitigan niya ang cute niyang cake.

Pinagdaop niya ang dalawang kamay saka humiling. Kung may hihilingin man siya ay isang bagay lang. Simula ngayon, gusto niya lang maging masaya kasama si Crosoft.

"Amen," iminulat niya ang mga mata bago hinipan ang kandila.

Crosoft clapped his hands. Nahawa siya sa ngiti nito kaya lalo lang siyang napangiti. His effort was simple pero umabot 'yon sa puso niya. That was the best birthday she ever had.

"Pagpasensiyahan mo na ang mamon na 'yan," basag nito. "Naubos kasi ang pera ko sa panlalaki ko kanina." He chuckled.

Pabirong itinirik niya ang mga mata. "'Di mo na iginalang ang birthday ko at isiningit mo pa 'yang panlalaki mo, tsk."

Natawa ito. "Alam mo namang panlalaki ang bumubuhay sa hasang ko, girl. Pero dahil birthday mo ngayon. I'll treat you."

"Ililibre mo ako?"

"Yup, libre kang manyakan ako ngayon. Alam ko namang may HD ka sa akin kaya hahayaan kitang pasayahin ang sarili mo ngayon. I'll be your man 'till twelve midnight." Hidden desire talaga?

"Bakit ang laswa pakinggan?"

"Alin ang mas malaswa? Panandaliang kaligayahan o I'll be your man 'till twelve midnight?"

"Oo na!" wala siyang nagawa kundi ang mapangiti. This guy is slowly making his way to her heart. And she is more than happy that she met this guy who like guys like her.

"Cam!"

"Hmm?"

"From now on, we will celebrate your birthday together. So cheer up! Hindi ka na mag-iisa simula ngayon bubuksan natin ang third eye mo awooo."

"Baliw!"

"I know right," hinawi nito ang kunwaring buhok nito at ngumiti nang sobrang landi. Talaga naman!

HINDI niya kailanman malilimutan ang araw na 'yon. Habang buhay niyang aalahanin 'yon. Inabot ng isang kamay niya ang picture frame. Umayos siya ng upo bago hinaplos ang larawan.

"Alam mo bang gulong-gulo na ang buhay ko dahil sa'yo? Pero 'di ako nagri-reklamo dahil pinapasaya mo ako."

She can't help but smiled.



NASA kalagitnaan si Cambria ng pagsisintas ng sapatos sa sala nang magsalita ang kanyang ina mula sa kusina. Maliit lang ang bahay nila kaya nagkakarinigan lamang sila.

"Sinasabi ko sayo Bria na bawas-bawasan mo ang pagsama sa Crosoft na 'yan. Aba'y 'di na kayo mapaghiwalay ng baklang 'yon ah. Kahit bakla 'yon ay mabubuntis ka pa rin nun."

"Aalis na po ako," hindi na niya pinansin ang ina at tinungo ang pinto.

"Sige! Huwag mo akong pakinggan. Umalis ka!"

Napabuntong-hininga siya.

Lagi naman nitong sinasabi sa kanya 'yon. Hindi naman siya tanga para 'di mapansin na 'di nito gusto ang kaibigan. Lagi nitong sinasabing dumadagdag siya sa malas dahil sa pakikipag-kaibigan niya sa isang bakla. Tingin nito sa mga katulad ni Crosoft ay salot, makasalanan, at malas. Nasasaktan siya sa tuwing pinagsasalitaan nito ng masama ang kaibigan pero mas pinili niyang manahimik. Mas mainam na rin 'yon. Iwas gulo at baka kung ano pa ang masabi niya sa kanyang ina.

Buong araw niyang 'di nakita si Crosoft. Tinignan niya ang screen ng cell phone. No messages from him. Napabuntong-hininga siya. Na saan kaya 'yon? Napansin niya nitong nakaraang araw ay iniiwasan nitong pag-usapan nila si Jeymes. Hindi kaya may problema ang dalawang 'yon? Wala rin siyang idea dahil 'di naman na ikuwento sa kanya 'yon ni Crosoft. Nakapagtataka ang pananahimik nito.

Hindi na ito gaya noon na masyadong vocal sa iniisip at nararamdaman nito. Ngayon, parang marami na siyang 'di nalalaman tungkol dito. Hindi niya maiwasang mag-alala para kay Crosoft. Minsan na rin kasing naging sobrang tahimik ito. Noong mga panahon na na realized nito na gusto nito si Jeymes.

Lumipas ang dalawang araw na wala pa rin siyang balita rito. Dahil sa sobrang pag-aalala ay 'di na rin siya makapag-concentrate sa trabaho. Napagalitan pa siya ng boss niya kanina dahil nakabasag siya ng baso. Kung 'di pa siya inalalayan ng isa niyang kasamahan ay baka nasetanti na siya sa rami ng mga nabasag niya.

Napabuntong-hininga siya.

Pang-ilan na ba 'yon ngayong araw?

Napadako ang tingin niya sa orasan na naka sabit sa dingding ng shop. Malapit nang mag-ala-sais ng gabi. Pero 'di pa rin tumatawag o nagti-text si Crosoft. Pagbaba niya ng tingin ay nakita niya si Jeymes na dumaan mula sa labas ng coffee shop. Mabilis na nag-excuse siya sa isang kasamahan niya at lumabas.

"Jeymes!" habol na tawag niya.

Huminto si Jeymes at nilingon siya. Lumapit siya rito. Wala siyang mabasang emosyon sa maamo nitong mukha. Hindi kaya may problema talaga ang dalawa?

"Bria?"

"Jeymes, alam mo ba kung na saan si Crosoft?" hindi ito sumagot. Nakagat niya ang ibabang labi. "Alam kong wala akong karapatang manghimasok sa problema n'yo ni Crosoft pero 'di ko maiwasang mag-alala. Hindi ko na naman nakita si Crosoft sa school kanina, 'di rin kayo magkasama. Dalawang araw na siyang hindi nagpaparamdam. Hindi rin siya tumawag sa akin. May –"

"I'm sorry Bria." Napatitig siya kay Jeymes. "Pero mas mabuting huwag ka na lamang makialam." Natigilan siya.

"Pasensiya na," napayuko siya.

"Mauuna na ako."

Wala siyang nagawa kundi ang tignan ang papalayong si Jeymes. Napabuntong-hininga siya. Tama nga siya, mukhang may problema ang dalawa. Bigla namang tumunog ang cell phone niya. Mabilis na kinuha niya 'yon sa bulsa ng pants niya at sinagot ang tawag.

"Hello?"

"Cam..." anas sa kabilang linya.

Crosoft?

Hindi siya pwedeng magkamali. Boses 'yon ni Crosoft. Namatay bigla ang linya. Hindi na siya nagdalawang-isip pa. Pumara siya ng taxi at sumakay doon. Kailangan siya ngayon ni Crosoft.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro