Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 2


Kabanata 2

[ATARAH'S POV]

"HINDI maaari." Bumagsak ang dalawa kong balikat nang marinig 'yon. Kahit ano pa lang lambing ang ginawa ko'y hindi pa rin pala siya papayag sa gusto ko.

"Pero, Ama—"

"Kapag sinabi kong hindi, hindi, Atarah." Sumeryoso ang mukha niya kaya alam ko na noong mga oras na 'yon na hindi na mababaluktot ang desisyon niya.

"Bakit ba ayaw ninyo akong pumayag na tumawid sa kabila? Bakit ang mga kababata ko'y malayang nakakalabas-pasok dito sa Biringan at sa mundo ng mga mortal? At nag-aaral pa sila roon na parang normal!" hindi pa rin ako nagpaawat.

"Sila kasi ang mga sugo natin sa kabila, mahal na prinsesa, sila ang mga kinatawan upang mag-aral ng mga makabagong medisina, batas, kaalaman, at teknolohiya sa mundo ng mga tao," sumagot si Uzi, ang pinagkakatiwalaang tigapayo ni Ama.

Bumaling ako sa aking ama na may hinanakit pa rin sa aking dibdib. "Kung gano'n ay bakit hindi n'yo rin ako isugo? Gusto ko ring maranasan ang pamumuhay sa kabila."

Napahilot si Ama sa sentido habang nakasandal sa kanyang gintong trono. "Maniwala ka sa akin, Atarah, higit mong gugustuhing manatili rito sa ating kaharian kaysa sa mabaho at magulong mundo nila."

"Kung gano'n ay bakit nawiwili tayong gamitin kung anong bago na mayroon sila? Bakit maraming mga lumalabas na tiga-Biringan at nagmimistulang turista sa labas?"

Nagkatinginan si Ama at Uzi bago sila muling tumingin sa'kin. Tumayo si Ama at humakbang palapit sa'kin. "Makinig ka, Atarah, ikaw ang aking unica hija, nag-iisang tigapamana ng aking kaharian. Hindi ka pangkaraniwang engkantada na maaari kong hayaang lumabas-pasok sa dalawang mundo." Marahan niyang hinaplos ang aking pisngi. "Malaki ang iyong responsibilidad."

Mas lalo lang sumikip ang aking dibdib noong mga sandaling 'yon sa kabila ng malambot na tinig ni Ama. Alam kong kahit ano pang sabihin ko'y kailanma'y hindi niya ako papayagang makatawid sa mundo ng mga mortal.

"Bakit ba gustong-gusto mong makatawid?" tanong ng isa sa mga kababata ko na si Arun, isang makisig na anak ng isa sa konseho ng aking ama.

Palihim akong nagtungo noon sa bahay ni Lirel kung saan madalas silang magsama-sama. Sa isang malaking silid ay may malaking liwanag sa pader, ang tawag nila roon ay 'screen projector' katulad daw ng mga nasa sinehan sa mundo ng mga mortal. Madalas ay pag galing ang mga kababata ko sa kabila ay nagdadala sila ng mga makabagong gamit dito, at nanonood kami ng mga palabas ng mga mortal.

Pero noong mga sandaling 'yon ay wala sa palabas ang atensyon naming lahat dahil naikwento ko sa kanila ang naging pagtatalo namin ni Ama.

"Tinatanong pa ba 'yan, Arun? Siyempre, kung tayo nga ay nag-eenjoy sa kabila. Gusto ring maranasan ni Atarah ang mga kinukwento natin sa kanya," segunda ni Lirel, isa ko pang kababata, bagong kulay ang mahaba niyang buhok noon.

Natawa bigla si Mirgon, ang pinakamaloko sa kanila. "Mas masarap sa kabila kahit na mas komportable rito, mas masarap kapag may kapangyarihan kang wala ang mga di hamak na mortal."

Wala sa mga sinabi nila ang totoo kong nais. Ang totoo niya'y hindi ko talaga alam noon kung bakit gustong-gusto kong makatawid. Siguro nga, dala lang talaga ng kuryosidad.

"Tigilan n'yo na nga ang panunukso kay Atarah," tumayo bigla si Sidra, "hindi n'yo siya masisisi dahil buong buhay siyang bantay sarado sa palasyo." Sumulyap siya sa'kin at nag-iwas naman ako ng tingin.

"Kaya nga, buti nga pinapayagan ka pa ng mahal na hari na makipagkaibigan sa'min," sabi ni Arun. "Kahit na mga B.I. kami."

"A-anong B.I.?" nahihiya kong tanong.

"Bad influence! Oh ha, mortal things!" sinundan 'yon ni Lirel sabay hagikgik. Sinaway naman siya agad ni Sidra.

"Bakit hindi na lang natin isama si Atarah kahit isang beses lang?" Tumingin kaming lahat kay Mirgon na napakibit balikat. "Para maranasan man lang niya." Natawa ito at napakunot lang ako. "And then, she can decide for herself kung talaga bang maganda ang kabila. Dalhin natin siya sa siyudad nang makita niya."

"Gusto mo bang mapugutan tayo ng ulo sa ideya mong 'yan?" kontra agad ni Sidra. "Paano kung malaman ng mahal na hari?"

"Agree ako kay Mirgs, para naman for once maging tao 'tong si Atarah," tumawa na naman si Lirel.

Nangibabaw ang pagtatalo-talo nilang apat. Wala silang kamalay-malay na pinatay ko 'yung screen projector kaya natahimik sila nang mapansin 'yon.

"Akong bahala, basta isama n'yo lang ako."

Thrill. Iyon daw tawag sa balak na ipuslit ako sa mundo ng mga mortal sa oras na tumawid sila. Isang gabi lang naman. Walang kamalay-malay si Ama na tumakas ako at isang alipin ang nagawa kong magpanggap na ako gamit ang mahika.

Dahil sugo ang mga kababata ko, nang oras na para bumalik sila sa mundo ng mga mortal dahil ayon kina Arun ay tapos na ang tinatawag na sembreak sa mga university na pinapasukan nila. Walang nakapansin nang itago nila ako sa isang malaking maleta.

At pagdating na pagdating namin sa kabila, dinala nila ako agad sa isang lugar para raw iparanas sa'kin ang kasiyahan na mayroon sa kabila. Dinala ako ng apat kong kababata sa isang night club.

Tiningnan ko ang aking sarili sa repleksyon ng salamin, si Lirel at Sidra ang nag-ayos sa'kin. Malayo sa itsura ko noon sa kaharian, hindi ganoon kaning-ning ang aking damit pero maging ako'y nasurpresa sa sarili ko.

"You looked so smoking hot, Atarah, relax!" bulong sa'kin ni Mirgon. "Just enjoy and act like a normal human. Maglibot ka, magsayaw, uminom, at makipagkilala."

Sa isang iglap ay naglaho ang mga kasama ko sa aking paningin. Sinubukan ko silang hagilapin pero natangay ako ng maraming tao habang tumutugtog ang malakas na musika. Noong mga sandaling 'yon ay naisip ko na parang noon lang ay sa mga pelikula lang na dinadala nila ko nakikita ang ganitong senaryo.

"Hi, Miss." Napapitlag ako nang may humawak sa baywang ko na lalaki. "Wait lang—"

Hinanap ko ang mga kababata ko pero nakita ko silang may kanya-kanyang mundo, si Sidra lang ang hindi ko namataan. Si Arun, may kahalikang babae. Si Mirgon naman ay nagpapaulan ng alak. At si Lirel ay napagigitnaan ng dalawang lalaki sa gitna, halos ikiskis ang mga katawan sa kanya habang sumasayaw.

Napailing ako. Hindi ganito ang mundong kinukwento sa akin noon ni Ina. Hindi ito ang kasiyahan na inilarawan niya sa'kin noong paslit pa lamang ako.

"Hi, sexy!" may isang lalaki ulit ang lumapit sa'kin na humipo sa puwitan ko kaya mabilis kong hinablot ang kamay niya. "Ah! Aray!" walang kahirap-hirap ko siyang naitulak. Nagtinginan ang marami sa'kin at bago pa ako makahatak ng atensyon ay dali-dali akong umalis.

Himalang nahanap ko ang pintuan palabas. Dinala ako ng mga paa ko sa paradahan ng mga sasakyan kung saan ay wala gaanong tao. Tumingala ako at natanaw ang buwan, naisip ko noon na tila nagsayang lang yata ako ng oras para mapunta sa isang lugar na sinasabi nilang masaya.

Malapit na sana akong maniwala sa mga sinabi noon ni Ama sa'kin nang bigla akong may narinig na kalabog 'di kalayuan. Nakita ko ang isang lalaki na nakasalampak sa tabi ng isang basurahan. Nilapitan siya ng isang grupo at hinigit siya ng isa makatayo.

"Hoy, lampa, akala ko ba gusto mong sumali sa frat namin, ha? Bakit ngayon ayaw mo nang sundin 'yung mga utos namin? Hindi ba, master mo kami?" sabi ng isang malaking bulas habang hinahampas-hampas ang ulo ng kaawa-awang payat na lalaki.

"I-I don't want anymore."

"Ha? Bakit? Naduduwag ka na? Sisiw ka pala, eh!" nagtawanan ang mga kasama nila. "Dapat nga magpasalamat ka sa'min dahil hindi ka namin pahihirapan, sarap lang ang option na binibigay namin sa'yo, ayaw mo?"

"Mukhang natatakot dahil baka masarapan!" katyaw ng isa at nagtawanan na naman sila.

"Bugbog na lang daw! Pero mata lang niya walang latay!"

"N-no!" Hinigit nila muli ang lalaki at akmang hihilahin papasok ng sasakyan pero may kung anong tumulak sa'kin na lapitan sila.

"Tigilan n'yo siya!" parang ganoon din ang napanood ko sa palabas na pinapanood sa'kin nila Sidra. Trying hard to become a hero? Parang naririnig ko na ang mapang-asar na boses ni Lirel.

"Aba, pare, may chicks! Hi, Miss? Do you want to join—" sa inis ko'y binato ko ang basurahan sa kanila.

"W-what the fuck?!" lumapit ang isa para hablutin ako pero sa isang kumpas ko'y tumilapon siya.

Nanlaki ang mga mata nila at dali-daling sumakay ng kotse saka pinaharurot 'yon palayo. Nang mawala sila'y napatitig ako sa aking kamay. I-ito ba ang sinasabi nila na pakiramdam? 'Yung may kapangyarihan ka na wala ang mga mortal?

Natauhan ako nang mapansin ko ang payatot na lalaki na nakahandusay sa tabi. Dinaluhan ko siya't nakita na basag ang kanyang salamin, nagdurugo rin ang gilid ng bibig niya at sentido. Nahabag ako nang mapansin ko ang pagtulo ng kanyang luha at panginginig ng kanyang katawan.

"Sshhh..." niyakap ko siya upang masigurong hindi na siya masasaktan pa.

...

TANDANG tanda ko pa rin ang gabing 'yon, pati ang pakiramdam ng panginginig niya habang nakadantay sa'kin ang kanyang ulo. Hindi ko namalayang nakaawang pala ang aking labi habang nakatitig sa kanya, kulang na lang yata ay tumulo ang laway ko.

Sinong mag-aakala na makikilala ko siya kahit na malayo na siya sa pagiging patpatin noon? Napalunok ako nang makita ang suot niyang polo na halos mamutok. Wala na rin siyang suot na salamin ngayon.

"You're fired."

Fired? Sino raw?

"Ako?" tinuro ko pa 'yung sarili ko.

"Just get out of my face."

Tuluyan na nga akong napanganga.

Kasalanan ko rin dahil nahuli niya akong naglalaro sa trabaho.

Pero... Higit doon ang kinabigla ko.

Hindi pala niya ako natatandaan. 


-xxx-


Author's Note: Thank you again for reading! Curious talaga ako noon sa mystery ng Biringan City kaya sa imagination ko na-imagine ko na lang na may mga engkanto na nakikihalubilo rito sa mortal realm ng hindi natin alam, just sharing my wild imaginings haha. Let me know your thoughts, anong alam n'yong story about engkantos or Biringan City? Share nyo naman :) 

Shoutout to @porphura_dahil sa kanya dedicated ang kabanata na ito, bilang first ever commenter ng MBG. Thank you! :)

#MyBiringanGirlWP 

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro