Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 5


"Ito na lang kaya, Nak? Maganda ba itong ipost?"

"Hmm," wala sa isip kong tugon kay Mama dahil sa pagiging abala sa cellphone.

"Ano ba kasi 'yan? Kanina ka pa tutok na tutok d'yan sa cellphone mo ah."

Inilapag ko sa sofa ang cellphone ko at tiningnan na si Mudra. Kung makapagsalita siya ay para bang hindi rin siya tutok na tutok sa kanyang cellphone. Itinaas niya ang napakanipis niyang kilay. Mas manipis pa yata kaysa sa kanyang pasensya.

"Si Johnny maylabs kasi. Akala ko hihiritan na ako kanina noong nag-aabang kami ng jeep na masasakyan pauwi dahil bigla na lang niyang hiniram ang cellphone ko. Tapos naki-text lang pala. Sa girlfriend niya pa!"

"Bakit? Ano ba ang laman ng message niya?"

Kinuha ko ang cellphone at muling binuksan ang message ni Johnny para kay Jasmine. Pagkatapos ay iniabot ko ito kay Mudra para mabasa niya.

"Love, kumain ka na. 'Wag kang magpapagutom. Si Johnny 'to," malakas niyang pagbasa na parang punyal naman na tumama sa marupok kong puso.

"Ano ba talaga ang problema ng lalaking iyan? Bakit hindi ka pa niya napapansin? Aba'y maganda ka naman! May trabaho. Galing sa matinong pamilya. At higit sa lahat, may magandang ina!"

Ngumiwi ako at muling kinuha ang cellphone mula sa kanya.

"Hindi po ako sure sa panghuli, Ma. At talaga namang naihirit niyo pa iyon ah."

"Ang kupad niya ha. At bakit nakikitext pa siya sa'yo? Pupwedeng sa messenger naman, " pagpapatuloy niya na inignora lang ang sinabi ko.

"Baka raw kasi hindi mabasa ni Jasmine. Mabuti na raw iyong naninigurado," pagpapaliwanag ko sa marahang pamamaraan kahit na sa kaloob-looban ay nanggagalaiti na ako dahil sa selos kahit wala naman akong karapatan.

"Naku, Antoinette, i-uncrush mo na 'yan. Hindi ka na talaga uusad sa kanya. Mas may pag-asa pa yatang manalo sa lotto iyong kapitbahay nating si Isko." Kinuha niya ulit ang kanyang cellphone, "Heto kaya, Nak? Mas maganda ba ito?" tanong na naman niya habang ipinapakita ang picture niya.

"Akin na nga iyang phone niyo. Ako na ang pipili ng magandang picture." Mabilis namang iniabot ni Mudra ang kanyang cellphone sa akin.

Sinimulan ko ang pagpili ng magandang picture dahil gusto niya raw mag-post sa social media. Dalawang oras na kaming nakaupo sa sofa. Kanina pa ako dumating sa bahay. Napairap na lang ako nang makita ang mga pictures na nakuha niya.

"Ma, bakit nahihirapan ka pang pumili eh halos pare-pareho lang naman 'tong naka-sideview? Tapos bakit may nakakubli sa kurtina pa?"

"Alam mo namang iyan ang angle ko talaga. Maganda ako kapag naka-side view. Matulis ang ilong. At saka iyan na ang trend ngayon, Nak. May pakurtina na talaga," depensa naman niya.

"Weh? Angle ba talaga ang pinupuntirya niyo? O baka gusto niyo lang ipakita ang gold earrings niyo?"

Natahimik siya bigla kaya nagpatuloy ako.

"Hindi ba nga, sinabihan ka na ni Papa na 'wag ebalandra ang mga alahas mo? Kapag nakita 'to ni Papa, tatalon iyon mula barko at lalangoy pauwi rito sa Philippines."

"Aysus. Hindi naman iyon masyadong nag-oonline sa facebook. Hindi niya makikita. Siya lang yata ang nag-iisang seaman na hindi mahilig mag-video call."

Hay. Ito talagang si Mudra, simula nang madiscover ang Facebook halos kada-oras na kung mag-post. Kaunting kebot lang, post agad. Pati electric fan,  finiflex. Umiling na lang ako at  nagpatuloy sa pag-scroll sa pictures.

"Ito na lang kaya? Mas maganda 'to," suhestiyon ko sabay turo ng pangatlong picture.

Kinuha niya ang cellphone at kritikal na tiningnan ang napili ko.

"Sige, Nak. Ito na lang. Parang lit na ito kaya pwede na."

Ilang minuto pa ang lumipas bago ako muling nagsalita.

"Ma, may pera ka?" pagsisimula ko nang makahanap ng tiyempo.

"Oo. Bakit?" aniya na nakatutok pa rin sa cellphone. Hindi man lang ako binalingan ng tingin.

"Pautang ako. Kailangan kong bayaran iyong utang ko kina Anding. Babayaran din kita siguro sa katapusan na ng mundo—este taon."

"Wala akong twenty thousand ngayon, Nak. Inutang ng Ate mo. Gagamitin daw ng Kuya Jason mo pang-asikaso ng papers niya. Mag-aabroad daw sa Canada. Hiring daw ng nurses doon."

Sumikip bigla ang dibdib ko. Kahit papano may dibdib din naman ako, ano.

"Eh 'di ba last year lang iyang papers na 'yan? Ano bang klaseng papel 'yan? Research paper? Ba't hindi matapos-tapos?Akala ko ba nag-loan si Ate sa bangko para ilaan diyan?"

"Ang dami mong tanong, Nak. Daig mo pa ang TWBA. Hindi na niya itinuloy. Alam mo naman ang Ate mo, takot umutang."

Pero hindi takot umutang sa'yo!

"Ay nalowbat na! Buti na lang tapos ko ng i-post. I-heart react mo 'to mamaya ah. Pakiabot nga ng charger, Nak. Nasa pangalawang drawer."

Binuksan ko ang drawer ng  cabinet na nasa gilid ko lang. Kinuha ko ang charger mula rito at iniabot ito sa kanya.

"Baka bayaran ka na noong Brandon," pagpapatuloy niya sabay saksak sa charger.

"Braxton po. At hindi na po ako umaasa do'n. Nasa Bohol iyon o saan mang lupalop ng world. Wala 'yong pera. Isa pa, ako po ang nakabasag ng vase at hindi siya," pagpapaalala ko.

Alam na rin ni Mama ang nangyari sa Bohol. Wala akong isinisekreto sa kanya. Ganito kami ka-close sa isa't-isa. Lahat yata ng nangyayari sa buhay ko ay alam niya.

Sixteen pa lang si Mama noong ipinagbubuntis niya si Ate Juliette. Halos itakwil siya ng pamilya niya dahil nga menor de edad pa siya samantalang si Papa ay twenty noon. Masyado nga silang naging mapusok. Sa kabila noon hindi pa rin sila tumigil na ipaglaban ang pagmamahalan nila para sa isa't-isa hanggang sa ipanganak na nga si Ate. Doon na tuluyang lumambot ang puso ng mga magulang ni Mama.  

Pagkatapos ay twenty years old naman siya noong ipinagbubuntis ako. Doon pa lang sila nagpakasal ni Papa. Ewan ko rin ba kung bakit mahilig si Mudra sa mga -ette na pangalan. Ang sabi niya sa akin, noong ipinagbubuntis niya raw kami, nahilig daw siya sa kapeng mapa-ette. Humirit lang yata ng joke eh kaya naman naging Juliette at Antoinette ang mga pangalan namin ni Ate.

"Naniningil na ba sa iyo ang mga kaibigan mo?"

"Hindi pa naman po. Pero syempre,  nahihiya ako. Ayoko namang hintayin na singilin ako. At hindi marunong maningil iyong mga 'yon."

"Sige, Nak. Pauutangin kita sa susunod na buwan kapag nagpadala na ang Papa mo."

Kaagad kong niyapos si Mama. "I love you, Ma!"


Maaga akong nagpunta ng clinic kinabukasan. Kailangan ko talagang maging maaga dahil ako ang naatasan para magbukas nito.

"Angel Loctin?" pangatlong beses na pagtatawag ko sa pasyente. Nangangawit na ako sa kakatayo. Uupo na sana akong muli sa swivel chair nang may biglang kumaripas papasok ng pinto sa loob ng clinic na isang babae na may mahabang buhok. Dere-deretso ang paglapit niya sa kinatatayuan ko.

"Ako po 'yan!" Maliit at matinis ang timbre ng kanyang boses. Bagay na bagay sa kanyang maliit at balingkinitang pangangatawan.

"Kayo po si Angel Loctin?" pagkokompirma ko.

Taray ng pangalan ah! Lakas maka-artista.

Tumango siya kaya iniabot ko sa kanya ang form.

"Pakikumpleto po ng form."

Nahihiya siyang ngumiti sa akin sabay tanggap ng form.

"Patintya na po kayo. Lumabat kati ako."

Napaubo ako ng wala sa oras dahil sa pagkakasamid sa sariling laway. Kaya pala Angel Loctin!

"Mukhang alam ko na ang ipapa-check niyo."

Natihil siya sa pagsusulat dahil sa sinabi ko. Nag-angat siya ng tingin at mangha akong pinagmamasdan.

"Tar! Naget mo? Ano?"

"Dila niyo."

"Oo nga eh. Matatabi mo talaga na may mali. Napantin mo ba? Ay tyempre! Nurt ka kati." Pagdadaldal niya habang nagfifill-out ng form sa mesa.

Nang makumpleto na niya ang form ay ipinasa niya itong muli sa akin at naupo na sa silya. Naupo na rin ako at nagpatuloy na sa pagiging abala. Ako lang kasing mag-isa. Mag-aalas onse na ay wala pa si Ate Eve dahil may dinaanan pa. Sana lang talaga eh, dumaan lang at hindi na tumambay.

Pagkalaon ng limang minuto ay pumasok ako sa loob ng silid ni Doc Jose para alalayan sana siya. Tumambad sa akin ang isang nakangangang pasyente na lalaki. Literal na nakanganga talaga siya habang nakaupo sa silya at nakatingala kay Doc Jose na nakatayo sa harap niya.

"Oh, Tonya, mabuti at nandito ka. Halika at pakihawakan ang baba nito," utos sa akin ni Doc Jose.

"Sure, Dokey!" Mabilis na akong nagtungo sa kinauupan ng pasyenteng lalaki na nasa tapat ng mesa ni Doc Jose. Kaagad kong hinawakan ang baba nito.

"Lakihan mo pa ang pagnganga," utos ni Doc sa pasyente na kaagad namang sinunod nito.

Halos mahimatay naman ako sa amoy. Naamoy ko pa yata pati ang kinain niya last year. Hindi ko kasi nasuot ang face mask ko. Sinuri ito ni Dokey at makalipas ang dalawang minutong literal na makapigil hiningang insedente ay napa Thank God ako dahil natapos din sa wakas.

"Wala pa ba si Eve?" tanong ni Doc pagkalabas ng lalaking pasyente.

"Wala pa po."

"Ah. Sige, balik ka muna sa front desk. Kaya ko naman rito ng mag-isa. Asikasuhin mo na lang iyong nasa labas at baka may pasyente na naman na bagong dating. Kailangan na talaga nating mag-hire ng isa pang empleyado dahil masyado ng abala ang clinic. Hindi na natin kakayanin kung tayong tatlo lang."

"Oo nga, Dokey. Sige po. Balik na ako sa labas. Baka parating na rin po si Ate Eve."

Tumango lang si Doc habang umiinom ng kape gamit ang tasa na mukhang kasing-edad din niya dahil sa kalumaan nito.

Nang makalabas na ako ng silid ay nagtawag na naman ako ng ibang pasyente.

"Vilma Santol!"

Kaagad na nagtaas ng kaliwang kamay ang isang maputing dalaga. Impyernes. Pretty siya. Kamukha ni Jasmine. Kainis! Bakit naisip mo pa iyon, Tonya? Nakurot ko tuloy ang sarili ko.

"Hi. At last ako na rin. Kanina pa sumasakit ang pwet ko sa kauupo roon." Garalgal na boses ni Vilma. Nasa harapan ko na pala siya.

"Ano ang iniinda mo ngayon?" pagsisimula ko. Kailangan kong maging propesyunal.

"Masakit kasi ang lalamunan ko, Ate. Feeling ko may gasgas yata kaya ipapasuri ko kay Doc."

"Paano nangyari iyan?"

Bigla siyang napahawak sa leeg na para bang dinaramdam niya pa ito.

"Nakalunok kasi ako—"

"Alam ko na kung ano ang nalunok mo."

Nagtagpo ang dalawa niyang kilay.

"Ano po?"

"santol!"

"Hehe. Tama ka. Ang galing niyo talagang mga nurse, Ate. Papasa na kayo bilang manghuhula."

"Sige. Pumasok ka na sa silid ni Doc. Buksan mo na lang iyong pinto sa may gilid."

"Ah pwede na pala? Sige salamat po." Ngumiti lang ako at nagpatuloy na sa pag-aayos ng iba pang forms.

Ilang minuto pa ay dumating na rin si Ate Eve. Mukha siyang pagod na pumasok sa clinic at napabagsak ng upo sa katabing upuan ko.

"Ano'ng nangyari sa iyo, Ateng?"

Huminga pa siya ng malalim at saka pagod na pumikit.

"Mahabaging langit, Tonya. Napakahaba ng pila sa BIR kanina. Mantakin mo iyon, 7:30 akong dumating dahil nga nanigurado na akong maaga talaga. Eh nawindang na lang ako dahil pagkahaba-haba na."

"Aw sa BIR po pala kayo dumaan? Ganyan talaga, Ateng  kapag sa ahensya ng gobyerno. Sa dulo ng walang hanggan ang pila. Anyways, alam ko pong feel niyo pa ang pag-rest diyan kaya lang wala pong assistant si Dokey doon sa loob. Baka kung ano pa ang matusok no'n," pagpapaalala ko.

"Oo nga pala!  Sige sige. Papasok na muna ako sa loob."

"Hmm. . ." wala sa isip kong tugon dahil nasa computer na ang buong atensyon ko. Pero batid ko pa rin na nanatili siyang nakaupo sa tabi ko.

Kukumbinsihin ko na sana siya ulit na pumasok na sa loob ng silid ni Doc Jose nang bigla na lang siyang eksaheradang napasinghap. Nakaawang ang labi niya habang may tinitingala. Sinundan ko ang kanyang tingin. Doon na bumungad sa akin ang nakangiting Australyanong nakasama ko sa bilibid. Titig na titig ito sa akin.

"Hey. I finally found you."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro