Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 25


"Beh, sige na. Uminom ka na ng beer," malumanay na pangungumbinsi sa akin ni Amore. Kung makapagsalita siya ay daig pa ang naghahandog ng gamot at vitamins.

Nasa apartment kami ni Anding dahil nagtawag ang mga ito ng emergency meeting. Ang sabi sa akin ng dalawa, para raw tulungan si Anding sa pagpili ng susuoting wedding dress. Pero imbes na designs ng wedding dress, mga bote ng beer ang bumungad sa akin.

Marahan ang pag-iling ko. "Hindi ako nauuhaw ngayon."

Hinawakan ni Anding na nakaupo sa tabi ko ang aking balikat.

"Ilang linggo ka ng ganyan, Tonya. Ano ba? Para ka nang zombie. Natatakot na kami para sa'yo."

"Bakit ba? Hindi ko naman kakainin ang brains niyo ah. Okay naman ako. Pumapasok naman ako ng trabaho. Kumakain naman ako. Nakakausap naman ako. Ano pa ba ang gusto niyo?" sumbat ko.

Nagkatinginan sina Amore at Anding. Alam ko na labis silang nag-aalala sa akin.

"Oo nga. Ginagawa mo nga ang mga normal na bagay na iyon pero daig mo pa ang isang robot na de baterya. Ngumiti ka naman. Magpakita ka naman ng kahit isang emosyon," litanya ni Anding.

Tumango naman si Amore. "Trulalo, beh. Umiyak ka! Mag-warlalo ka! Maging shunga ka! Huwag ganyan. Natatakot na kami para sa'yo."

"Tapos na akong maging shunga sa harapan niya. Nagwarlalo na rin ako at hinampas siya. Umiyak? Hindi ko na nga mabilang kung ilang beses ko siyang iniyakan," tugon ko na parang nagbabasa lang ng nutrition facts sa likod ng chichirya.

"Ano ba ang gusto mong gawin, beh? Gagawin natin. Gusto mo bang mag-mountain climbing-" Natihil si Amore nang kurutin siya ni Anding sa tagiliran. Napapikit siya at napakamot sa kanyang anit. "Awts! Forgiveness. Nagawa pala natin iyon with him. Ahm. Ano na lang, gusto mo mag-island hopping-" Muli na naman siyang naputol nang sipain siya ni Anding nang palihim. "Kalerks, nag-butanding time ka pala with him."

"Heto na lang, Tonya. Ano ba ang pinakagusto mong gawin?" sumabad na si Anding. Siguro ay natakot na maaksidente na naman ang bibig ni Amore kung magpapatuloy pa ito.

"Gusto ko lang magpahinga," sambit ko sa may pinalidad na tono.

"Magpahinga? Bakit? Sino ba ang may sakit or terminal disease? Ikaw ba o siya?"masarkasmong tanong ni Anding.

Hindi ako umimik. Hinawakan niya ako upang humarap sa kanya.

"Alam ko na dalawang taon lang ang agwat ko sa'yo. Pero makinig ka sa'kin. Nakaya mong mabuhay noon ng masaya noong hindi pa siya dumating. Kaya ngayon kakayanin mo na wala siya."

"Yes, beh. Tumpak si Anding! Shalala lang sa life. Supporn ka namin," segunda ni Amore naman.

"Hindi niyo ako naiintindihan. Kahit kailan hindi niyo ako maiintindihan. Madali lang sabihin ang bagay na 'yan dahil hindi niyo naman ako nauunawaan!" asik ko.

Nanliit ang mga mata ni Anding. Napakunot-noo siya.

"Tonya, bakit ka ba parang nagagalit sa amin? Concern lang naman kami sa'yo-"

Inis akong napatayo.

"Puwes hindi ko kailangan ang concern niyo! Hindi niyo naman kasi ako mage-gets eh. Dahil masaya na kayo sa mga love life niyo! Ikaw, Anding, kahit noon pa lang sure na sure ka na talaga kay Jeshu. Tapos ikakasal ka na! Ikaw naman, Amore bago mo pa lang nakilala iyong si Kurt pero masaya na kayo! P-pero bakit ako? B-bakit ako. . ." Hindi ko na matuloy-tuloy ang sasabihin dahil sa pait ng nararamdaman.

Napasabunot si Anding sa kanyang buhok habang napatingala sa kisame.

"My God, Tonya! Kasalanan ba namin iyon? Kasalanan ba namin na masaya kami ngayon? At kasalanan ba namin na may sakit ang lalaking gusto mo?!"

Tumayo si Amore at nilapitan si Anding. Hinawakan niya ito sa balikat.

"Tama na, Anding."

"Hindi, Vakla eh! Kailangan malaman ng babaitang ito na wala tayong kasalanan. Na sa relasyon namin ni Jeshu marami rin kaming pinagdaanan. Alam mo dapat iyon, Tonya eh. Dahil sa lahat ng tao, ikaw iyong pinakamay-alam sa lahat ng problemang pinagdaanan ng relasyon namin! Hindi iyon naging madali. Dahil ang pagmamahal hindi madali! Hindi ka nagmamahal kung hindi ka nasasaktan, Tonya!"

Wala akong kabuhay-buhay na humakbang papuntang pintuan.

"Aalis na ako."

"Sige umalis ka! Diyan ka naman magaling 'di ba? Ang umalis! Kaya mo nga iniwan si Doc Brax hindi ba? Kaya ka bumitiw . . ."

"Tama na, Anding . . ." dinig kong saway ni Amore sa kanya.

"Magaling ka lang magmahal pero hindi ka naman magaling lumaban."

Nasa bukana na ako ng pintuan nang natigilan ako at muli silang nilingon. Nakita ko ang paghangos ni Anding samantalang si Jeshu naman ay nakahawak sa braso niya.

"Lumaban?" miserableng bulong ko, "Sige sabihin mo nga sa akin, Anding kung paano ako lalaban kung sa umpisa pa lang alam ko na ako iyong magiging talunan? Paano ako lalaban sa isang bagay na . . . na sa huli ako 'yong masasaktan?"

"Kaya ba susuko ka na lang? Dahil takot kang masaktan sa huli susuko ka na lang? Paano naman si Doc Nurse?"

Pumikit ako nang mariin. Gusto kong sabihin na 'Paano naman ako?' Ngunit sa huli ay hindi na ako sumagot at tumalikod na lang para umalis. Naninikip ang dibdib ko pero wala na akong luha na maiiyak pa. Siguro ay naubos na sa nagdaang mga araw.

Tama si Anding. Ako ang bumitiw. Ako ang unang nagmahal pero ako ang unang bumitiw. Duwag ako. Natatakot ako na maiwan sa huli. Hindi ko kaya.

"Nak, pagbuksan mo nga iyong kumakatok sa pinto. Baka 'yan na iyong payong na in-order ko online," utos sa akin ni Mudra.

Weekend ngayon kaya sa bahay nila ako umuwi. Inilapag ko ang cellphone sa ibabaw ng center table. Ilang messages na ang nisend ko kina Anding at Amore. Pero sa loob ng dalawang araw na iyon, tanging si Amore lang ang nag-reply.

Bumuga ako nang malalim na hininga at tinungo na ang pintuan. Nang buksan ko ito ay tumambad sa akin ang napakapamilyar na mukha. Ang mukhang ilang buwan ng hindi ko nakikita sa personal. Ang taong miss na miss ko na.

"Papa . . ." Kaagad ko siyang niyakap habang umiiyak. Niyakap niya naman ako pabalik.

"Aba! Dapat talaga hindi na lang ako umuwi. Pinaiyak ko pa tuloy ang bunso ko," pagbibiro niya habang tinatapik ako sa balikat.

Kumalas ako sa yakap para maharap siya nang maayos.

"Tonya, ang payong ko na ba-. . . Henry? Mahal!" Tumili na si Mudra nang makita si Papa at nagyakapan na ang mga magulang ko.

Matapos maipasok ang mga bagahe ni Papa sa loob ng bahay ay naupo na kami sa sala.

"Bakit hindi ka man lang nagsabi na ngayon pala ang uwi mo? Ang akala namin sa isang linggo pa," wika ni Mudra na nakaupo sa tabi ni Papa.

"Eh 'di hindi na sorpresa iyon."

"Aysus." Ibinaling ni Mudra ang tingin sa akin. "O Tonya, nai-chat mo na ba ang Ate mo? Sabihan mo dito na maghapunan."

"Opo. Tapos na. Hindi ko pa nga naise-send nag-reply na siya ng YES!" pagbibiro ko.

Pagsapit ng gabi ay dumating na rin si Ate Juliette kaya ay magkasabay na kaming naghapunan. Nagkukuwentuhan kami habang kumakain. Ibinahagi ni Mudra ang mga nangyari noong wala si Papa. Nagkuwento rin si Ate Juliette tungkol sa asawa niya na nakaalis na ng Canada. Ikuwenento rin niya kay Papa ang success ng salon niya.

Tahimik lang ako habang nakikinig sa masayang usapan nila. Hindi naman nila ako tinatanong. Pakiramdam ko, hinayaan na muna nila ako na maging mapag-isa sa mga iniisip ko.

Matapos kumain ay nagpunta na ako ng kuwarto para magpahinga. Hindi na ako tumulong kina Ate Juliette na ire-pack ang mga sabon at tsokolate na dala ni Papa galing abroad para sa mga kapitbahay. Hindi naman nila ako pinilit. Kahit pa nga si Ate Juliette ay hindi na umangal. Nginitian pa niya ako. Iniisip ko tuloy kung naging alien na siya o hindi kaya ay nakasalubong niya ang Santo Papa.

Nakahiga na ako sa malambot na kama. Magtatalukbong na sana ako ng kumot nang bigla na lang akong may narinig na katok sa pinto. Napabalikwas ako ng bangon at pinagbuksan ko ito.

"Naistorbo ba kita?" tanong ni Papa sa akin.

"Hindi naman po, Pa. Bakit po?"

"Puwede ba akong pumasok sa loob?"

"Oo naman, Pa. Sige po. Tuloy po kayo."

Pumasok na siya at nilinga ang buong silid. Naupo siya sa kama at tumabi na rin ako.

"Hindi na talaga nagbago ang kuwarto na ito. Ten years old ka pa yata noong huli itong napinturahan ah. Ayaw mo bang papinturahan ito ulit?"

Marahan akong napailing at ngumiti.

"Naku, Pa. Oks na 'to. Keribells na. Saka hindi naman na ako parating natutulog dito dahil sa trabaho ko."

Matagal pa bago siya muling nagsalita. Sa pagsasalita niyang muli ay tiningnan niya ako nang deretso sa mata.

"Ikaw ba, okay lang talaga?"

Nag-iwas ako ng tingin. Ibinaba ko ito sa mga kamay ko na hindi ko namalayang pinagsiklop ko na pala ito.

"Sinabihan po ba kayo ni Mama?"

"Hindi ah. Alam mo naman ang Mama mo. Kapag tungkol sa mga sekreto ninyong dalawa eh hindi masusuhulan kahit ng bagong alahas," aniya na may bahid panunukso.

Nag-angat ako ng tingin sa kanya at napapikit. Nagsimula na naman kasing humapdi ang mga mata ko.

"Alam ko na hindi ako marunong pagdating sa mga talk talk na 'yan kumpara sa Mama mo pero handa naman akong makinig. Alam mo na, habang hindi pa bungol itong Papa mo."

Natawa ako nang mahina. "Pa naman . . ."

"Seryoso nga, Nak. Sabihin mo sa akin. Braxton ba iyon? Braxton lang naman ang sinabi ng Mama mo. Eh hindi naman ako marunong mag-search sa internet. Brand ba iyon ng sapatos? Magpapabili ka ba?"

"Pa naman eh!" Humagikgik na ako. Natuwa na rin ako dahil sa pagpapagaang niya ng usapan. Nagpapasalamat talaga ako sa Diyos dahil biniyayaan niya ako ng isang napakabuting ama.

Ngumiti si Papa. "Hindi ba? Kaya nga magkuwento ka na. Alam mo bang ilang araw na akong nananaginip ng sapatos dahil akala ko brand ng sapatos iyang Braxton na iyan?"

Kahit para akong tinutusok sa puso ay ikuwenento ko na kay Papa ang lahat-lahat. Ni minsan ay hindi niya ako pinutol o ni-interrupt. Nakinig lang talaga siya. Nang matapos ako ay bigla na lang akong nakaramdaman ng kapayapaan. Gumaang ang pakiramdam ko at naibsan na ang dinadala kong bigat sa puso.

"Nagsisisi ka bang minahal mo siya?" kauna-unahang tanong niya matapos akong magkuwento.

"Hindi po."

"Masaya ka ba noong minahal mo siya?"

"Opo."

"Mahal mo pa ba siya?"

Napapikit ako nang mariin. "Opo."

"Eh ano ang ginagawa mo rito?"

Dumilat ako at tinitigan siya sa mukha.

"Pa, iiwan naman niya ako! Darating ang panahon na . . . na mawawala siya. Darating ang panahon na baka . . . na baka masaktan ako nang husto at hindi ko na makayanan . . . "

Pinagmasdan niya ang bawat sulok ng mukha ko na para bang may hinahanap siya rito.

"Bakit? Wala na ba siya ngayon? Hindi ka pa ba nasasaktan nang husto sa lagay na iyan?"

Tuluyan ng bumagsak ang mga luha na kanina pang nagbabadya sa mga mata ko. Suminghot ako at pinalis ang mga ito gamit ang likod ng kamay.

Marahang tinapik ni Papa ang balikat ko. Namutawi sa kanyang mga mata ang pinaghalong habag at matinding determinasyon.

"Anak, Tonya. Pumili ka. Mamahalin mo siya ngayon at darating ang panahon na mawawala siya pero wala ka sa tabi niya. O, mamahalin mo siya at magkasabay niyong harapin ang panahon na mamamaalam siya?"

Humihikbi na ako at walang tigil na pinupunasan ang mga luha gamit ang palad. Niyakap ako ni Papa nang mahigpit.

"Umiibig na nga ang bunso ko," malamyos na bulong niya.

"Ano'ng gagawin ko, Papa?" Mistulan akong bumalik sa pagiging bata. Bumalik ako sa panahon na humihingi ako ng opinyon niya kung ano ang gagawin ko matapos makagawa ng kasalanan. Kung ano ang maaaring magawa ko upang maitama ito.

Hinaplos niya ang likod ko at mas hinigpitan pa ang pagyakap sa akin.

"Sundin mo lang ang puso mo ng walang pag-aalinlangan at walang pangamba."

Sa mga yapos ng Papa ko, tuluyan ng naliwanagan ang puso at isipan ko.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro