Chapter 21
Humugot muna ako ng malalim na hininga bago sinimulang katukin ang pinto ng apartment na tinitirhan ni Johnny. Linggo ng umaga naman ngayon kaya't nagbakasakali na akong nasa loob ito.
Matapos katukin ang pinto ay dinig ko ang pagpihit nito. Ilang segundo pa ay bumukas din ito at tumambad sa akin ang nakasuot pa ng pajama na si Johnny.
Nanliit ang mga mata niya habang tinititigan ako.
"Antoinette? Ano'ng ginagawa mo rito? Pasok pala. Pasok ka."
Pumasok na ako sa loob. First time kong nakapunta sa apartment ni Johnny. Napansin ko kaagad na maaliwalas ang loob ng bahay. Kaagad ko rin naamoy ang tila ginigisang bawang at sibuyas.
"Maupo ka muna. Papatayin ko lang yung stove."
Naupo na ako sa silya at hinintay ang pagbabalik niya mula sa kusina.
Matapos ang ilang minuto ay bumalik na rin siya sa sala na may bitbit ng tasa.
"Pinagtimpla pala kita ng kape," aniya at naupo na sa tapat ko.
Tinanggap ko ang tasa ng kape at inilapag muna ito sa mesa.
"Pasensya ka na at nagpunta ako rito na wala man lang pasabi,"pagsisimula ko.
Nginitian niya ako.
"Wala iyon. Masaya nga ako na bumisita ka. Sinubukan kasi kitang tawagan simula pa kahapon. Hindi ka sumasagot."
"Pasensya ka na. Nagpahinga lang ako."
Tumuwid siya sa pagkakaupo.
"Antoinette, gusto ko sanang humingi ng tawad sa nangyari doon sa club. Hindi ko naman inasahan na nandon pala si Jasmine. Kamusta na pala iyang sugat mo?"
Wala sa isip akong napahawak sa pisngi.
"Okay na naman. Gumagaling na."
"Pasensya ka na rin. Nabalitaan ko kasi na napunta pa kayo sa Police Station."
"Wala iyon. Okay na naman ang lahat kaya hindi mo na kailangang humingi ng pasensiya."
Iminuwestra niya ang tasa ng kape na nakalapag sa mesa.
"Inumin mo muna pala iyang kape mo. Baka lumamig na."
Kinuha ko ang tasa ng kape at humigop. Napangiwi ako sa tamis nito kaya ibinaba ko na sa mesa.
"May itatanong lang sana ako sa'yo, Johnny."
Mabilis ang pagkurba paitaas ng kanyang mga labi at masigla niya akong tinanguan.
"Sure! Ano iyon?"
Humugot muna ako ng lakas ng loob bago muling nagsalita.
"Nililigawan mo ba ako dahil alam mong may crush ako sa'yo?"
Just remember to be honest with your feelings.
Mabilis ang pag-iling niya.
"Naku hindi, Antoinette. Siguro natagalan lang bago ko na-realize na gusto rin pala kita."
Tumango-tango ako.
"Ah. Paano kung sagutin kita at kapag tayo na mare-realize mo na mas mahal pala kita?"
True love isn't selfish. If he truly loves you, then he'll tell you to love yourself more.
Lumaki ang ngiti ni Johnny. "Kung gano'n man eh 'di mas magiging masaya ako. Mararamdaman ko na magiging espesyal pala ako sa'yo."
Sinubukan kong ngitian siya.
"Ah. Bakit nga pala Antoinette ang tawag mo sa'kin at hindi Tonya?"
Because you're more of a Tonya. It's who you really are.
Nagkamot siya sa kanyang noo at halatang pinag-iisipan pa ito.
" 'Di ba mas maganda pakinggan ang Antoinette kaysa sa Tonya? Hindi ko rin alam. Nasanay na siguro akong Antoinette ang itawag sa'yo."
Tumayo na ako. Buong-buo na ang desisyon ko sa gagawin.
Napatayo na rin si Johnny. Nagtagpo ang kilay niya at halatang nagtataka sa ikinikilos ko.
"Antoinette? May problema ba?"
Tumango ako, ngumiti at tiningnan siya nang deretso sa mga mata. Wala na akong anumang bahid ng pag-aalinlangan.
"Oo. Mas gusto ko ang Tonya. Ako si Tonya."
"Ha? Hindi kita maintindihan."
"Hindi na kita crush, Johnny. Pinapalaya na kita mula sa pagkaka-crush ko sa'yo," napaisip pa ako, "kung may ganoong bagay man. Anyways, huwag mo ng ituloy ang panliligaw mo sa akin." Matapos itong sabihin ay mabilis kong niyakap ang nakangangang si Johnny at lumabas na ng apartment.
Kaagad naman akong nakaarkila ng taxi sa labas. Pumasok na ako sa loob nito at ibinigay ang address kaya ay pinaandar na ng drayber ang sasakyan.
Mas malalim na hininga ang hinugot ko bago pindutin ang buzzer ng condo unit ni Braxton. Madali kong inayos ang sarili. Maya-maya pa ay lumakas ang kabog ng dibdib ko nang bumukas na ang pinto at dumerekta sa paningin ko si Braxton.
Kung si Johnny ay nakasuot ng pajama, jogging pants naman at sweatshirt ang suot ni Braxton. Bakas sa kanyang mukha ang pagkabigla sa pagdating ko.
"Tonya? What are you doing here?"
Sinubukan kong silipin ang loob.
"Is your mother inside?"
"No. She already went back to Australia."
"Can I come in?"
Napakamot siya sa batok. Bakas pa rin sa mukha ang pagtataka.
"Yeah. Of course."
Pumasok na ako sa loob at dumeretso ng naupo sa sofa.
"Sorry. I just went out for a walk to get some fresh air. Can I offer you something to drink?" pahayag niya.
"Oo. Kape. Iyong magbibigay sa'kin ng tapang."
"Alright. I'll be back in a minute."
Nang makaalis si Braxton papunta ng kusina ay dalawang beses naman akong bumuga ng malalim na hininga.
Paglipas ng ilang minuto ay bumalik na rin siya hawak ang isang tasa ng kape.
Iniabot niya ito sa akin. "Here you go."
"Thanks." Tinanggap ko ito at inilapag muna sa center table.
Umupo siya sa tapat ko. Pansin ko ang mabilisan niyang pag-inspeksyon sa pisngi ko.
"How's your wound?"
Napadampi ako sa band-aid na nakatakip dito at matipid na ngumiti.
"It's healing naman."
"That's good. Is there something you wanna say?"
Napalunok ako at napatingin sa tasa ng kape na nasa mesa. Dahan-dahan ko itong kinuha gamit ang nanginginig na kamay. Dala na rin siguro ng kaba ay mabilis akong sumimsim mula rito—
Nanlaki ang mga mata ni Braxton at napasinghap pa siya.
"Careful! That's —"
Parang itinapon sa kumukulong mantika ang dila ko!
"—hot. . . "pagpapatuloy ni Braxton na mabilis akong inabutan ng tissue.
"Are you alright?" Bakas sa boses at mukha niya ang matinding pag-aalala.
"Lebwjdhdjsb," pilit kong pagtugon. Nagmistulan akong aso na nakaawang ang dila. Parang paulit-ulit na tinutusok ng maraming karayom ang dila ko.
Pansin ko rin na pati suot kong fitted white shirt ay natapunan na rin ng kape sa may bandang dibdib at bakat na ang suot kong maitim na bra.
Kinuha ni Braxton ang hawak-hawak ko pang tasa at inilapag ito sa mesa.
"I'm gonna get you some water and a shirt." Pagkasabi nito ay bumalik siyang muli sa kusina.
Pagbalik niya galing sa kusina ay may dala na siyang isang baso ng tubig. Ibinigay niya ito sa akin at pumasok naman siya sa loob ng kanyang kuwarto.
Mabilis kong ininom ang tubig at inimumog pa. Sinubukan ko ring pahiran ng tissue ang mantsa ng kape na nasa T-shirt ko sa bandang dibdib.
Nang makalabas na ng kuwarto ay inabutan ako ni Braxton ng kulay gray na isang T-shirt na may tatak NYU. Kaagad ko itong tinanggap.
Napasentido siya habang pinagmamasdan ang T-shirt na hawak ko na.
"Sorry. That's the only shirt I could find which isn't too big for you."
"Hindi. Keri lang. Salamat."
"Do you wanna go to the toilet to change or you can change in my room?"
"S-sa toilet na lang. Sige uh m-magpapalit lang ako." Tumayo na ako at nagtungo na ng toilet. Nagpalit ako sa loob at kinausap ang sarili sa harap ng salamin. Nagmistulan akong scarecrow sa suot na T-shirt. Naging parang dress na ito dahil natabunan na ang suot kong shorts.
"Okay, Tonya. This is the moment. Sabi nga ni Braxton 'di ba? Just be honest with your feelings. Malapit naman kayo sa isa't-isa so kapag ni-reject ka niya, hindi siya gaanong magiging harsh sa'yo. Hindi masyadong masakit sa atay. At sa heart. Gorabells. Keri mo ito!"
Naging hudyat sa'kin na dapat maging handa na ako ang pagkatok ni Braxton sa pinto.
"Tonya? You okay in there?!"
Bumuga muna ako ng apoy—este deep breaths bago lumabas.
"Sorry. Natagalan ako sa loob."
Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa.
"The shirt looks good on you."
Jusko! Pati yata kili-kili ko nag-blush na dahil sa sinabi niya kahit echos pa iyon dahil mukha naman akong scarecrow!
"Thanks."
Bumalik na kami sa sala at naupo sa parehas na posisyon kanina.
Matagal na pinagmasdan ni Braxton ang mukha ko. Naninimbang ang tingin niyang ipinupukol sa akin.
"So is there something you wanna say?"
"I like you," deretsahan kong sambit. Hindi na ako nagpaligoy-ligoy pa. Deretso lang ang determinadong tingin ko sa kanyang mga mata.
Napakunot noo si Braxton sa tapat ko. Dalawang beses pa siyang napakurap.
"Well, I like you too, Tonya. We're good friends."
Nanuyo ang gilagid ko. Marahan akong umiling. Parang iba yata ang pagkakaintindi niya sa naging rebelasyon ko.
"I like you, Doc Nurse. I like you as how a woman likes a man."
Pigil ang kanyang paghinga. Tila baga hindi niya mawari kung ano ang susunod na sasabihin.
"Tonya . . ."
"You taught me on how to be honest with my feelings. Kaya ngayon, sasabihin ko sa'yo na nahuhulog na ang loob ko sa'yo. Nagugustuhan na kita, Braxton."
Napapikit siya. Bumalatay sa kanyang mukha ang iba-ibang emosyon. Pagkabigla. Pag-unawa. Pagtanggap. Pighati. Pagsisi?
Nang muli siyang dumilat ay klaro ko ang lungkot sa kanyang mga mata.
"You can't fall for me, Tonya," aniya sa mababang boses. Ngunit dahil sa lakas ng umpog nito sa akin ay dinig na dinig ko.
Nakagat ko ang ibabang labi. Ang katapangan at lakas ng loob na ipinundar ko ay unti-unti ng nagigiba.
"B-bakit? M-may iba ka bang nagugustuhan? Gusto mo pa ba si Debbie? Bakit hindi pwede?"
Yumuko siya. Napahilamos siya sa mukha gamit ang dalawang palad. Matapos nito ay ibinalik niya ang tingin sa akin. Puna ko ang sakit at lungkot nito.
"I'm not the right man for you. I-I can't make you happy."
Umigting ang panga ko. Sa palabas sa telebisyon ko lang naririnig ang ganoong linyahan.
"Paano mo naman nasabi iyan? Braxton, hindi porket psychologist ka alam mo na ang nararamdaman o ang iniisip ko."
"Because I know I'll only break your heart," kalmante niyang tugon. Pakiramdam ko tuloy isa akong bata na pinangangaralan niya.
Napapunas ako sa mga luhang dumadaloy na pala sa pisngi ko. Unti-unti ng sumisikip ang dibdib ko.
"Pwede mo namang sabihin ng deretsahan sa'kin na hindi mo ako gusto." Tumayo na ako at kinuha ang tinuping T-shirt na namantsahan kanina. "Aalis na ako."
Inangat niya ang isang kamay na para bang pipigilan ako. Ngunit para ring naguguluhan siya kung hahawakan niya ba ako o hahayaan na lang kaya nabitin sa ere ang kamay niya.
"Tonya . . . I'm really sorry."
Tinalikuran ko siya. Humihikbi na ako habang naglalakad patungo ng pintuan. Sa nararamdamang sakit sa dibdib ay parang pinipiga ang puso ko. Nang marating na ang pinto ay huminto ako sa paglalakad.
"Ang sakit pala. Akala ko after so much rejections before kay Johnny, magiging manhid na ako. Hindi pala. Ang buong akala ko dahil naging malapit na tayo sa isa't-isa hindi masyadong magiging harsh ang moment na'to. P-pero mali pala ako."
Dinig ko ang miserable niyang pagbuntong-hininga.
"I never meant for you to fall for me."
Suminghot ako at miserableng tumango. Kasabay nito ay ang pagtulo ng luha ko. Marahas akong napalingon sa kanya sapo-sapo ang T-shirt. Tila ba ginawa ko na itong proteksyon sa sarili. Sa mga oras na iyon ay hindi ko na pinigilan pa ang sunud-sunod na pagbuhos ng mga luha ko.
"Pero bakit gano'n? Bakit kahit hindi ka pafall nafall pa rin ako sa'yo? Bakit kahit hindi ka naman paasa, umasa pa rin ako?"
Lumamlam ang mga mata niya.
"I. . . I don't know."
"Akala ko ba alam mo ang lahat ng mga sagot do'n dahil psychologist ka? Hindi ako psychologist pero may sagot ako. Siguro dahil ang emosyon dinadamdam, hindi pinag-aaralan." Pagkabitiw ko sa mga salitang iyon ay lumabas na ako. Isa na namang sawi sa pag-ibig. Kailangan kong makaalis bago niya pa ako makita na tuluyan ng gumuho sa harapan niya.
Doon naintindihan ko na kung bakit mas masakit pa sa pagtanggi ni Johnny noon ang pagtanggi niya. Doon, napagtanto ko na dahil iyon sa mahal ko na pala siya.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro