Chapter 2
"Bebeko, kape ka ba?" tanong ni Jeshu kay Anding na kumakain ng pasta. Kasalukuyan kaming nag-aalmusal sa food hall ng resort. Kagabi pa kami dumating sa Bohol.
"Bakit?"
"Kasi, masaya ako kapag kapeling ka."
Humagikgik si Anding sabay ipit ng tikwas ng buhok sa likod ng kanyang tenga.
"Ayiieee. Bebeko, pasta ka ba?"
"Bakit?"
"Kasi kumpleto ako pasta kasama ka."
Sabay na bumungisngis ang dalawa.
"Wiwi ba kayong dalawa?" bigla kong tanong. Hindi ko na talaga napigilan ang sarili na sumabat sa ka-cheesy-han ng dalawa.
Tiningnan ako ni Anding. Nagtagpo ang dalawang kilay niya.
"Ha? Bakit?"
"Kasi, kayo na lang ang nagpapakilig sa akin. Kaya tama na at baka mapawiwi talaga ako rito. 'Di ba, Vakla?"
"Hmm?" tugon ni Amore sa tabi ko na wala ang atensyon sa akin. Sinundan ko ang tingin niya na nasa kabilang mesa, sa may dalawang porener na kumakain din.
"Sino'ng tinititigan mo riyan? Si itim o si puti?"
Napahawi siya sa iilang hibla ng buhok niya sa ulo.
"Bet ko si itim. Sayo na iyang si puti."
Nangasim ang mukha ko.
"Pass ako."
Ibinaling na ni Amore ang tingin sa akin at mataray akong inirapan.
" 'Di ba nga, sinabi ko na hahanapan kita ng fafa rito sa Bohol. Ang dami kayang Afam at bet nila ang beauty mo!"
"Bakit? Dahil exotic? Ganern?"
"Jusko, day! Kamukha mo kaya si Venus Raj!Pak na Pak ang ganda mo. Napakaitim ng iyong mahabang hair. Long legged ka pa. At ang kutis mo, beh, kayumangging-kayumanggi."
"Ayoko. Gusto kong pumuti."
"Hay nakerd! Shungaerd ka talaga! Hanggang kailan mo ba talaga papangarapin ang pumuti? Napakaraming nagkakandarapa para lang maging kakulay mo ano!"
Napatingin ako sa mga braso ko. Naaalala kung ilang sabong pampaputi na ang tinira ko pero wa epek pa rin.
"Kahit na. At ayaw ko rin sa mga foreigner. Dudugo lang ilong ko, " naisagot ko na lang sabay nguya sa bacon.
Iginala naman niya ang tingin sa mga taong nasa loob ng food hall habang sumisimsim sa kanyang mango juice. Kinagat ko naman ang piraso ng natitirang sandwhich ko.
"Oppa na lang kaya. Gusto mo?"
Sinundan ko ang kanyang tingin na ngayo'y nasa kabilang mesa na nakatapat, sa may kumakaing mga koreano.
"Hindi ko bet. Sarangsarang lang ang alam ko," agap ko.
"Anong sarangsarang? Saranghe!" pagwawasto ni Anding na diehard kpop fan kuno. Nakikinig pala siya sa usapan at hindi ko man lang ito namamalayan. Naghaharutan lang naman sila ng boyfriend niya kanina.
"Ayaw mo ng puti. Ayaw mo ng itim. Ayaw mo ang Oppa. Ano ba'ng gusto mo girl?" eksaheradang reklamo ni Amore.
"Ang gusto ko lang naman ay—"
"si Johnny mylabs ko." At sabay pa talaga akong pinutol ng dalawa.
"Hindi ka na talaga magkaka-boyfriend sa kahihintay mo sa kanya," ani Anding.
Umiling ako bilang pag-apila.
"Feeling ko naman kasi may chance—"
"Bzz bzz. May naririnig ka ba, Amore?"
"Wala nga eh. Choppy yata."
Ibinaling ko ang atensyon kay Jeshu na kasalukuyan ay abala sa kanyang cellphone.
"Baka naman gusto mo akong tulungan, Jeshu."
Nag-angat siya ng tingin at inilapag ang cellphone sa mesa.
"Hayaan niyo na si Tonya. Naniniwala ako na makikita rin niya ang taong mamahalin niya. Kagaya ng pagmamahal ko sa bebeko." Lumagkit na naman ang tinginan ng magnobyo sa isa't-isa.
"Hay. Sana all talaga," nasambit ko na lang.
Matapos naming mag-breakfast sa food hall ay napagpasyahan namin na mag-swimming na sa pool ng resort. Parang nanunukso ang lawak nito. Tanaw mula rito ang dagat. Kakaunti lang din ang nagswiswimming dahil na rin siguro sa init ng araw. Sinuot ko na talaga ang kabibili ko lang na bikini. Kulay red ito. Siguro kung makikita ako ni Johnny mylabs ngayon ay baka maakit ko siya. Choks!
Hay. Dalisay ang simoy ng hangin. Napakasarap sa pakiramdam ang mainit-init na tubig. Napapikit tuloy ako. Feeling ko talaga isa akong turista. Pachill-chill lang na nagbabakasyon. Balik trabaho na naman sa mga susunod na araw.
"Hoy! Tonya! Hanggang diyan ka lang ba talaga?" tawag sa akin ni Anding na nasa gitna ng malawak na pool. Kasama niya sina Jeshu at Amore.
Napadilat ako at pinagmasdan ang kinauupoan kong hagdanan ng pool. Keribells lang naman ako rito ah. Oks na oks na ako.
Nilinga ko sila at medyo napabusangot pa ang mukha ko dahil sa sinag ng araw.
"Okay lang ako rito! Malalim na kaya riyan. Alam niyo namang hindi ako marunong lumangoy!"
"May kiddie pool sa kabila, Girl. Try mo doon!" panunudyo ni Amore na nagpahagalpak sa kanila.
Inismiran ko lang sila. Sanay na naman ako sa mga barkada ko. Tuwing nag-aawting kami at naliligo sa beach o di kaya'y sa pool, sa may gilid lang talaga ako. Nagpipicture-picture at siyempre post kaagad sa social media.
Nahinto ako sa pag-iisip nang may biglang umubo sa likuran ko, dahilan para luminga ako sa pinagmulan nito.
"Hi, dear," sambit ng Amerikanong lalaki na nasa singkuwenta anyos na siguro. Pinasadahan ko siya ng tingin. Napansin ko na medyo panot na siya. Malaki ang bilbil niya. Nagulat ako nang bigla na lang siyang tumabi sa akin.
"I'm Billy," pagpapakilala niya habang nakangisi.
"Belly?" tanong ko at muling ibinaba ang tingin sa kanyang bilbil.
"No. Billy. B-I-L-L-Y. Billy," marahan niyang pagkakasabi.
Aba't inispelingan pa talaga ako.
Umusog ako sa may dulo para mapalayo sa kanya. Iminuwestra ko ang pool.
"You can go. Swim. Sho! I mean go!"
Umusog naman siya papalapit sa akin dahilan at halos mahulog na ako sa tubig.
"Aren't you going to tell me your name?" subok niya gamit ang pilit na pinapalalim na boses.
"It's Roberto," sagot ko na gaya-gaya ang boses lalaki.
Ngumuso naman ang bruho. Hindi talaga nagpapatinag.
"Do you wanna go to America? I can help you."
Aba-aba. Inaakala siguro niyang social climber ako ha!
"Do you want to go to cemetery? I will deliver you!" singhal ko.
Bumagsak ang balikat niya at bumaba na ng hagdanan para lumangoy. Hindi na niya ako nilingon pa.
"Saan ba tayo magdi-dinner?" tanong ko sa katabing si Amore. Kasalukuyan kaming nakasakay sa kotse na nirentahan namin para hassle free. Matapos naming magbabad sa swimming pool ay dinalaw na kami ng matinding gutom.
"Sa kabilang resort. Dollar kasi ro'n sa resort na tinutuluyan natin. Nakakabutas ng bulsa. May na-browse ako sa internet na place na mas mura. Marami pang choices of drinks!"
"Hindi tayo talagang maglalasing ah," babala ng nagmamanehong si Jeshu.
"Heto talagang bebeko, napakaistrikto," mangitingiting kumento ni Anding na nakaupo sa tabi niya sa may front seat.
"Hindi naman sa gano'n. Alam niyo naman 'yang si Tonya kapag nalalasing. . ."
Ako na naman talaga ang nakita. Humalukipkip lang ako at napasandal sa backrest ng upuan.
"Okay lang iyan, bebeko. Hindi naman masyadong nakababahala ang ginagawa niya," depensa ni Anding.
"Haler? Nandito lang kaya ako sa may backseat. Dinig na dinig ko kayo!" paalala ko.
Ini-snob lang ako ng dalawa at nagpatuloy sa pag-uusap.
"Ha! So ipapaalala ko ha. August, three years ago. Sa Camiguin. Tonya at Kalsada," pagsisimula ni Jeshu.
Nalunok ko ang bukol na biglang bumara sa lalamunan ko. Heto na naman ang istoryang hindi mamatay-matay. Humalakhak naman sina Anding at Amore.
"Grabe. Nakakatawa talaga iyon. Impyernes! Galing mong mag-moonwalk dance no'n, Girl ah. Sa gitna nga lang ng kalsada," panunukso ni Amore.
Uminit na ang magkabilang pisngi ko. Nagpatuloy naman si Jeshu na halatang enjoy na enjoy pa sa takbo ng usapan.
"September, two years ago. Boracay. Tonya at Mikropono."
Napapikit ako at nangungulay kamatis na siguro kung kaya lang ng balat ko.
"Well. Mas maganda naman ang boses ni Tonya compared sa bokalista noong banda." Bahagya akong sinulyapan ni Anding, "Siguro next time, mas maigi na magpaalam ka muna, girl bago manulot," saad niya na may bahid ng panunukso.
"October. Just last year. Palawan. Tonya at Buhangin," paglilitanya na naman ni Jeshu. Wala yata talagang balak na tumigil.
Hindi ko na napigilan at sumabad na ako sa usapan na ako naman talaga ang topic.
"O ako na! Sa susunod na malasing ako, hindi ko na ililibing ang sarili sa buhangin."
Napuno ng tawa ang loob ng sasakyan kaya ipinagpatuloy ko ang pagtatanggol sa sarili.
"At pwede ba, kung malasing man ako ngayong gabi makakaasa kayo na wala akong kababalaghang gagawin. Promise ko 'yan. Behave lang ako!"
Hindi na umimik ang tatlo hanggang sa makarating na nga kami sa kabilang resort.
"Bakit? Ginawa ko naman ang lahat-lahat? Pero bakit parang may kulang? Ang sakit-sakit! Mas masakit pa sa dysmenorrhea," daing ko habang tinutungga ang beer.
"Beh, huwag kang mag-alala. Maraming pang ibang fafa riyan. Magiging chakabells rin si Johnny mylabs mo!" sambit ni Amore na lango na rin sa alak. Nilinga ko sa katabing upuan sina Anding at Jeshu na naghahalikan. Halatang mga lasing na rin dahil wala ng pakealam sa paligid.
Iginala ko ang paningin sa kabuuan ng bar na nakapuwesto lang sa gilid ng dalampasigan. Marami nga'ng mga pogi pero hindi naman sila si Johnny.
Makalipas ang ilang oras ay nagpaalam sina Anding at Jeshu na babalik na sila ng hotel. Kinakati na siguro. Hindi na mapigilan ang gigil sa isa't-isa. Iniwan din naman nila ang sasakyan para raw may magamit kami pagbalik. Eh talagang hindi naman namin ito pwedeng imaneho. Sa lagay ba namin na halos hindi na makatayo dahil sa kalasingan. May mga motorista naman sa labas kaya doon na lang daw sila sasakay.
Hindi ko na namalayan kung ilang bote na ng beer ang naubos ko at siguro nga ay namalayan naman ito ng pantog ko.
"Vakla! Wiwi muna ako," pagpapaalam ko kay Amore na nakasampa na ang ulo sa mesa. Lasing na talaga. Tatlong bote lang naman ang naubos niya.
"Hmm. Umihi ka na lang ng deretso," suhestiyon niya sa garalgal na boses habang nanatiling nakapikit.
"Loka-loka. Nakamaong shorts ako. Sige na. Hanapin ko lang CR dito."
Kaagad akong tumayo at hinanap ang balanse. Kinusot ko ang mata at tinapik ang magkabilang pisngi para maging matalas pa rin ang ulirat. Nagpagiwang-giwang pa ako habang naglalakad papuntang CR. Medyo malayo-layo rin kasi ito sa bar.
Nang marating ko ito ay nairita ako dahil sa haba naman ng pila. Namimilipit na ako dahil parang sasabog na talaga ang pantog ko.
Umalis na lang ako at naghanap ng ibang CR. Sakto naman at may nakita akong guwardiya sa may gilid ng pasilyo.
"Kuya, saan pa ba ang ibang may CR dito?"
"Doon po." Ininguso niya ang pinanggalingan ko.
"Galing na po ako ro'n. Sobrang haba ng pila."
"Ah. Doon na lang po." Ininguso naman niya ang kabilang daan.
Hay naku. Wala bang parang waze? Ingunguso lang talaga ang deriksyon? Hinayaan ko na lang at nagpatuloy na sa paglalakad. Ako na ang mismong maghahanap.
Unti-unti nang nanlalabo ang paningin ko kaya kinurot ko ang aking pisngi. Hindi ko na alam kung nasaan na ako. Mukhang malayo-layo na rin ang narating ko. Basta ay sinuyod ko na lang ang daan hanggang sa mapatigil ako sa mukhang establisyemento.
Pumasok ako sa loob. Tama ba ito? Bongga rin ah. May maliit na pool. At buhanginan pa rin ang naaapakan ko. Naglakad pa ako hanggang sa may nahagilap akong isang silid. CR na yata iyon!
Akma na sana akong hahakbang patungo rito nang may naapakan ako. Nagbaba ako ng tingin at bumulagta sa akin ang isang ulo! Mukhang ulo ng tao!
Nahindik ako sa kinatatayuan. Hindi ko na naramdaman ang hinaing ng pantog ko. Marahan kong sinampal ang sarili at muling ibinaba ang tingin sa may buhangin. Tinitigan ko talaga ito. Hindi ako pwedeng magkamali kahit lasing ako. Sure na talaga akong isa itong ulo ng tao!
Mariin along pumikit. Marahan kong inapak paatras ang nanginginig kong paa. Napaigtad ako nang may biglang humawak sa kaliwang paa ko!
Napadilat ako! Nagulantang ako nang makitang kamay ito! Goodness! Tatlong beses akong napalunok habang nanginginig ang aking mga labi. Mabilis akong tumalikod para tumakbo at nabitawan na ng kamay ang paa ko. Sa pagmamadali ko ay natabig ko ang malaking babasaging vase. Natumba ito at nabasag kasabay ng pagkatumba ko. Napatingin uli ako sa ulo.
"Help me," usal ng ulo.
Nawalan na ako ng ulirat kasabay nang pagtunog ng alarma.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro