Chapter 1
Lunes na naman. Wala na naman akong magagawa kundi ang bumangon sa higaan at maligo ng malamig na tubig. Pagkatapos ng dalawang buhos ay aabutin ko ang sachet ng shampoo at sisimutin iyon kahit pa gakulangot na lang ang lumabas doon. Pipilitin kong ikuskos iyon sa aking buhok para bumula. At muling magbubuhos ng malamig na tubig gamit ang tabo.
Araw-araw ko iyong laban pagsapit ng alas-singko ng umaga. Muli akong haharap sa salamin sa loob ng aming banyong may pintong plywood at kukuhanin ang sipilyo kong magtatatlong buwan na yata. Natalo pa nito ang walis tambo ng janitor namin sa school.
Pasalamat ako dahil marami-rami pa ang laman ng sachet ng toothpaste na kaka-utang ko lang kagabi sa tindahan. Sinipilyo ko ang aking ngipin. Inayos ang sarili at saka ako lumabas ng banyo.
Nakatapis ako ng tuwalyang mukhang mas matanda pa sa akin, may iilang butas na rin iyon kaya naman patakbo na ang ginawa ko papunta sa aking kwarto.
Si Mama, siguradong may kasama na naman iyon sa kanyang kwarto. Itinapat ko ang buhok ko sa may electric fan para patuyuin. Ilang araw bago ang aming high school graduation ay heto pa rin at kailangang pumasok nang maaga para sa rehersals.
Matapos kong masuot ang aking uniform ay naghanap ako ng medyas sa aking drawer. Kung hindi butas ay nawawala ang kapartner n'on. Mayroong maayos pero parang bacon naman ang garter. Sa inis ay sinuot ko ang medyas ko na butas at padabog na umupo sa aking kawayang higaan na may nakalatag na foam.
Kaunting pulbos sa mukha at baby cologne na binili ko lamang sa botika ay lumabas na ako ng aking kwarto para sana mag-almusal.
Pagbukas ay tutong at ulo ng isda na lamang ang laman ng aming lamesa. Dahil sa inis ay kaagad kong padabog na isinara iyon at saka naghanap ng kape. Kung swertihin ka nga naman ay may kape kami pero walang asukal.
Sira na kaagad ang araw ko. Nagmamaktol akong kumatok sa kwarto ni Mama para humingi na ng baon pero ilang katok pa ang ginawa ko nang walang nagbukas sa akin kaya naman kaagad ko iyong binuksan at nakitang walang tao roon. Saan na naman kayang kama ng lalaki humilata si Mama? Tanong ko sa aking sarili.
Wala na akong nagawa kundi tanggapin na ang natirang baon ko kahapon ang gagamitin ko para itawid ang aking sarili buong araw sa eskwela. Ayos lang. Kayang-kaya ko namang mamburaot sa aking mga kaklase.
Naghintay ako ng masasakyang tricycle sa tapat ng aming bahay nang kaagad akong sinigawan ng aking kaklase at sinabing sumakay na at sumabay. Hindi na ako nagdalawang-isip pa pero kung minamalas ka nga naman, halos sumabit na kami sa likod ng tricylce dahil sa over loading. Isama mo pang halos humarurot si manong driver kahit ang tricycle parang ano mang oras ay mababaklas na.
Napahiyaw kaming lahat nang pumutok ang gulong n'on. Kaya naman sa huli ay sabay-sabay kaming nag-death march papunta sa school.
Punyetang buhay!
"Chelsea!" sigaw ni Kathy.
Inirapan ko ito habang pinapahiran ang pawis na tumutulo sa aking noo. Halos maging zombie na ang mga elementary na batang kasabay namin.
"Majoy!" tawag din nito kay Joy na sumigaw kanina para isabay ako.
"Magkasabay kayo?" tanong niya sa amin.
Napahalukipkip ako. "Oo. Dinamay pa ako nito sa kamalasan niya, umagang-umaga," inis na sabi ko pero imbes na magalit ay natawa si Majoy.
Kanina pa rin ako inis na inis sa kanya dahil wala siyang ginawa kundi ang tumawa. Pinagtatawanan nito ang mga kasama naming hirap na hirap at pagod na pagod na sa paglalakad.
"Tuwang-tuwa talaga ako sa buhay! Dahil kung bibigyan niya ako ng kamalasan ay hindi ako nag-iisa," natatawang sabi niya kaya naman gustong-gusto ko siyang hampasin ng bag ko dahil sa inis.
"Nasaan na ba si Bronson? Yung baklang 'yon talaga," inis na sabi ng mga ito.
Init na init akong nagpaypay ng kamay habang pinapanood ang mga magagarang sasakyan na dumadaan sa aming harapan. May malaking private university rin kasi sa tabi ng school namin. Kaharap ng high school at elementary building ang college building namin na katabi ng magarang university na iyon.
"Grabe, 'pag ako nagkakotse, isasabay ko kayong dalawa," sabi ni Majoy at tatawa-tawa na naman.
"Manahimik ka nga riyan. Para kang gaga," inis na suway ko sa kanya kaya naman imbes na tumahimik ay tinakpan lamang nito ang kanyang bibig.
"Girls!" sigaw ni Bronson na fresh na fresh pa.
"Saan ka ba nanggaling?" inis na tanong ko.
"O easy... Na-traffic kasi kami. Sinabay ako nina Sir Matthew, Sir Mikhael, at Ma'am Zena sa malamig nilang van."
Isang kasambahay ang nanay niya at doon ito namamasukan sa pamilya Samonte. Palaging bukambibig ni Bronson iyon dahil sobrang babait daw.
Sa bahay na sila ng mga Samonte naninirahan ngayon. Ang kwento pa niya ay maganda, malaki, at parang hotel ang mansion ng mga ito. Kahit nga raw ang maid's quarters ay iba rin.
Uwian dati ang kanyang nanay kaso ay muntik na itong mamatay dahil sa bugbog ng kanyang lasenggo tatay kaya naman doon na sila pinatira ng mga ito.
"Ang swerte mo pala," ani Kathy.
"Aba siyempre," pagsang-ayon ni Bronson.
Inis akong umalis sa kanilang tabi. "Walang swerte! Magsitigil kayo riyan," inis na asik ko sa kanila sabay walk out.
Tirik na tirik ang araw pero sa covered court kami nagpa-practice. Ang mga kaklase ko tuloy ay halos magsando na lamang dahil sa inis.
"Alas siyete ng umaga ng Biyernes ay dapat nandito na. Tandaan niyo, hindi naman kayo espesyal para magpa-importante..." paliwanag sa amin ng aming titser.
Pagkatapos ng first rehearsal ay alas tres na ang balik. Nagkalat tuloy kaming 4th year students. Limang section kami at 30 kada isang section. Hintayin mo pa lang yung pagmartsa ng section 1 e hulas na hulas ka na. Bakit nga ba kasi ako nasa section 5?
"Ano siomai rice tayo?" tanong sa amin ni Kathy.
"Gusto ko ng shake, mainit," reklamo ni Majoy sabay punas ng pawis sa mukha. Sinang-ayunan na lamang namin siya kaya naman pumunta kami sa nakahilerang tindahan sa tabi ng school namin.
"Aling Gigi!" hiyaw ni Bronson sa suki naming tindera. Hindi kasi nalalayo ang edad nito sa amin kaya naman mabilis namin siyang naging ka-close.
"Anong Aling Gigi ka riyan? Gusto mong sabunutan kita riyan?" pagbibiro nito na inirapan lamang ni Bronson.
"Apat na shake," order nito na kaagad tinanguan ni Ate Gigi.
Kaagad kong kinuha ang barya sa aking bulsa. Tig-pipiso iyon kaya naman mabilis kong binilang.
"Bronson... dose lang pera ko, penge tres," sabi ko sa kanya.
Nagmatigas pa ito nung una pero hindi nagtagal ay bumigay rin siya kaya naman ngiting-ngiti ako.
Busy kami sa panonood ng ginagawa ni Ate Gigi nang kaagad na umihip ang mabangong hangin. Amoy mayaman kaya naman sabay-sabay kaming napatingin sa mga dumating.
"Magkano po yung pinakamalaki niyo?" tanong ng isang gwapong lalaki kay Ate Gigi na biglang napapigil. Grabe, parang hindi ka makakahinga 'pag nasa harapan mo siya.
"Ha, e... yung may takip 30," nauutal pang sagot nito kaya naman napangisi kami.
May kasama itong tatlong magagandang babae na hindi nalalayo ang edad sa amin.
"Kuya Kenneth, gusto ko yung marshmallow, ha," sabi ng isa sa kanila, magkamukha sila kaya naman naisip ko kaagad na magkapatid sila.
"Padamihan na lang yung mallows. Magdadagdag na lang ako," mabait na sabi nito at para bang masisilaw ka sa puti at ganda ng kanyang ngipin.
Wala na kaming pakialam kung nakatitig kami sa kanila. Pero amazed na amazed talaga kami sa presensya nila.
"Hi," bati niya sa amin nang mapansin na niya ang aming pagtitig.
Nagtilian ang mga kasama ko. Dumukot ito ng pera sa kanyang wallet.
"Nakapagbayad na kayo?" tanong niya sa amin na kaagad naming inilingan.
"Sige, bayaran ko na rin yung sa kanila," sabi nito kaya naman napanganga ako.
Lutang kaming apat habang umiinom ng shake habang naglalakad pabalik ng school. Para bang galing kami sa ibang mundo kanina kaya naman na-speechless kami. Pero bago pa man ako makalimot ay kaagad kong siniko si Bronson.
"Huy, yung dose ko baka magkalimutan tayo," sita ko sa kanya.
Katakot-takot na irap ang inabot ko pero kaagad naman niya iyong binalik sa akin.
"Grabe, umiinom din pala sila ng mga gano'n, 'no?" namamanghang sabi ni Majoy.
"Tao pa rin naman 'yon," tamad na sabi ko sa kanila.
Hindi ko alam pero naiinis ako. Naiinis dahil naiinggit.
"Lopez, Arachellie Silva M," pagtawag sa aking pangalan para magmartsa. Araw ng Biyernes ang graduation day namin.
7 ang call time pero alas onse na natawag ang pangalan ko kaya naman inis na inis si Mama.
"Punyeta, dapat ay alas onse na lang ako nagpunta. Katarantaduhan lang talaga ang mga ganito," pagbubunganga niya sa akin habang nagmamartsa kami at hihinto para mag-picture.
"'Wag kang bibili ng litrato na 'yan, mahal 'yan," paalala niya sa akin na mabilis kong tinanguan.
Todo hiyaw ang mga kaibigan ko na tapos nang matawag. Kahit papaano ay masaya ako dahil kasama ko ang mga kaibigan ko.
Walang celebration kaya naman matapos kong makuha ang certificate ko ay mabilis na umalis si Mama. Nagmamadali na naman iyon dahil magsusugal.
"Nagluto si Mama ng spaghetti. Kain muna kayo sa amin," pag-anyaya ni Majoy sa amin.
Magkakasama kaming naglakad palabas ng school pagkatapos naming isauli yung toga sa adviser namin.
"Tara, tara!" yaya ni Bronson kaya naman pumara kami ng tricycle papunta kina Majoy.
Naging mabilis ang dalawang buwan na bakasyon. Wala rin naman akong nagawa bukod sa nag-sideline ako na taga-ihaw sa tindahan doon sa may karinderya sa kanto namin.
Hindi na sana ako magka-college, pero hindi ako pinayagan ni Tita Marie. Nasa Texas ito at walang anak. Gusto niyang mag-aral ako at wala na raw akong dapat pang isipin dahil siya na raw ang bahala.
"O, ayon naman pala, e. Bakit hindi ka sa private university mag-aral?" tanong sa akin ni Bronson.
"Ano ka ba, nakakahiya naman kay Tita... E, kung tutuusin nga wala naman siyang responsibilidad sa akin," sagot ko rito.
Nasa bahay kami ngayon nina Kathy at kanina pa namin siya hinihintay para makapag-enrol.
"Saka gusto kong kasama kayo sa school," sabi ko pa rin kaya naman napa-ahh ito at akmang yayakap pa nang kaagad ko siyang inambahan ng suntok.
"'Wag mo akong dramahan, sisipain kita riyan," sabi ko rito kaya naman napatawa siya.
Sa tapat ng aming high school at sa tabi n'ong private university kami papasok para mag-college.
Mabilis lang ang naging process lalo 'pag doon ka nag-high school sa school namin.
Accountancy ang kinuha naming apat dahil mahilig naman kami sa pera. Wala nga lang kaming pera, pero mahilig kami doon.
"Kailan ang pasukan?" tanong ni Bronson.
"Sa 13," sagot ni Majoy.
"Sabay-sabay ba tayong mamimili ng gamit?" tanong pa ng mga ito.
Hinayaan ko silang mag-decide. Go with the flow lang naman ako palagi sa mga gala nila.
"Divisoria tayo!" suhestiyon ni Kathy na sinang-ayunan ng lahat.
Hindi na naging katulad ng first day ko noon sa high school ang nangyari sa akin. Kumpleto ang lahat ng gamit ko ngayon kaya naman excited akong pumasok.
"Aba, posturang-postura ka yata ngayon, a," sita ni Mama sa akin pagkalabas ko ng kwarto.
Nagkakape ito at kakatapos lamang maligo.
"First day, e," pabalang na sagot ko sa kanya.
Magsasalamin pa sana ako nang kaagad niyang hinila ang bag ko. "Ano ba, Ma!" hiyaw ko dahil sa gulat.
Hindi ito nagpapigil dahil itinaob niya ang bag ko dahilan para kumalat ang lahat ng gamit ko sa may sahig. Kaagad niyang pinuntirya ang aking wallet.
Aagawin ko na sana ang kaso ay naunahan na niya ako. "Ano akala mo sa akin, ha? Tanga!? Akala mo siguro hindi ko malalaman na nagpapadala ang Tita Marie mo sa 'yo. Ang kapal ng mukha mo. Wala kang utang na loob sa akin," sita nito sa akin at tuluyan na niyang nakuha ang pera ko.
Budget ko pa man din sana iyon para sa buong buwan. Tuwang-tuwa siya habang binibilang iyon. "Ako ang nanay rito. Ako dapat ang hahawak ng pera. Bibigyan lang kita 'pag may pasok ka," sabi niya sa akin.
"Pero sa akin ibinigay 'yan ni Tita!" sigaw ko sa kanya pero binatukan niya ako at dinuro-duro sa bandang sintido.
"Gaga! Kung anong sa 'yo, akin din!" sigaw niya sa pagmumukha ko.
"Baka mamaya e pambisyo mo pa ito," dugtong niya.
"Bakit! Sino ba sa atin ang may bisyo? Sino ba sa ating dalawa ang bumubuhay ng lalaki niya!?" mapanuyang sabi ko kaya naman kaagad akong nakatanggap ng mag-asawang sampal mula sa kanya.
"Aba't putang inang 'to! Sino ka para sumbatan ako!? Anak lang kita!" sigaw niya sa akin saka niya ako iniwan doon dala ang aking pera.
Nanghihina at umiiyak ako habang naglalakad papunta sa school. First day na first day pero ito ang inabot ko. Nag-iwan lamang siya ng isang daan at singkwenta pesos.
Nagkalat ang flyers sa labas ng pribadong university sa tabi ng school namin. Mukhang student government election sa kanila.
"Chelsea," nag-aalalang tawag sa akin ni Majoy.
Napaiyak ako at napayakap sa kanya. "Ano ka ba, matapang ka, 'di ba..." pag-aalo niya sa akin kaya naman mabilis kong pinahiran ang luha sa aking mga mata.
Kagaya ng mga karaniwang first day sa school ay nagpakilala kami isa-isa. Pagkatapos noon ay bahala ka na sa buhay mo.
"Um-attend tayo ng swimming competition sa may kabilang school," excited na sabi ni Bronson.
Napatalon naman sina Majoy at Kathy. "Sinabihan ako ni Sir Matthew na open daw ang university nila dahil sa mga booth at olympics. Campaign week din nila for student government," kwento nito sa amin kaya naman hindi na kami nagdalawang-isip pa at kaagad na nangabilang bakod.
Halos mapanganga kami dahil sa ganda ng school. May malawak ding field doon at kung titingnan mo talaga ang mga estudyante ay mamamangha ka rin.
"Hi, welcome to our university. Here's a map and list of activities for today," bati sa amin ng ilang magagandang student na may sash pa. Mukhang may pa-open house nga talaga sila ngayon.
Dumeretso kami sa kanilang covered swimming pool. Para ka talagang nasa olympics dahil sa haba ng pool nila. Maingay at madaming estudyante ang naghihiyawan habang pinapakilala isa-isa ang mga player nila.
"University pride, intercampus three-time champion... Let's welcome, Lucas Eion Jimenez, College of Medicine," anunsyo ng emcee kaya naman mas lalong umingay ang buong lugar.
Halos mapanganga ako sa kisig nito. Ang gwapo niya at sobrang yummy. Para tuloy bulateng nilagyan ng asin ang nga katabi ko. Naka-trunks lamang ito at sobrang kinis ng balat. Mas maputi pa yata siya sa akin at matangkad. Ang ganda rin ng katawan niya dahil sa muscles niya.
"Grabe kung siya ang doctor ko, magpapawarak na ako!" hiyaw ni Bronson kaya naman lumakas ang tawa nina Majoy at Kathy.
Hindi nawala ang tingin ko sa kanya, para akong na-love at first sight. As usual ay yung Lucas ang nanalo. Nag-alisan na rin ang ibang estudyante. Ayoko pa sanang umalis sa pag-asang makikita ko pa ito ang kaso ay mukhang impossible na.
"May libreng pagkain!" hiyaw ni Bronson nang marating namin ang mga nakalatag na booth sa may quadrangle.
Libre ang mga iyon mula sa mga kumakandidato para sa student government nila.
"Mga bayaran din pala ang mga ito," sabi ko sabay subo ng brownies. Sobrang sarap n'on! Lasang mamahalin.
"Gaga! May makarinig sa 'yo riyan, talsik tayong apat palabas," natatawang sita sa akin ni Bronson.
Sulit na sulit ang punta naming apat dahil busog kami sa mga libreng pagkain nila. Iba't ibang klase at sobrang sasarap.
"Hi! Sana ma-visit niyo yung booth namin," paglapit sa amin ng isang magandang babae. Base sa kanyang name plate ay Zena ang kanyang pangalan.
Tinanguan namin siya at saka sumama sa kanya. Isa sila sa pinakamagarang booth, at nakakapanlula rin ang pagkain na treat nila.
Hindi lang iyon dahil para kang nasa isang modeling den sa ganda at gugwapo ng mga tao roon.
"Kuya Thomas, gusto ko n'ong ice cream doon, o. May strawberry sa taas," sabi ng isang babaeng may malaking salamin sa mata. Kulot at parang ma-golden brown ang buhok nito. May suot din siyang makapal na jacket habang may yakap yakap na makapal na libro.
"E di humingi ka," sagot sa kanya ng tinawag niyang kuya.
Napatitig ako rito dahil sa pagiging seryoso ng mukha nito. Ang ganda rin ng labi niya na para bang sinisigawan ako nitong... Kiss me! Kiss me!
"Ayaw nga akong bigyan, e," pagmamaktol ng kapatid niya.
Maya-maya ay may isa pang lalaking lumabas. "Sinong ayaw kang bigyan?" tanong sa kanya ng isa pang lalaki.
Anak ng tokwa.
Gusto kong magmura dahil sa mga nagugwapuhang lalaking nakikita ko. Hindi ko alam pero feeling ko talaga nandito na ang aking forever.
"Zeus, ikaw nang bahala riyan," sabi n'ong Thomas sa kalalabas lang na lalaki.
Muling kinuha ni Zena ang atensyon namin para bigyan pa kami ng iba nilang offer na pagkain.
"Ate, ano siya?" hindi ko na napigilang magtanong.
"Ay, hindi na siya nakapagpigil," natatawang sita ni Bronson sa akin.
"Ang gaganda ng mga kaibigan mo, ha, Bronson," sabi nito dahil sa kasambahay nila ang nanay nito.
"Siyempre po mana sa akin ang mga iyan, Ma'am Zena," sabi niya rito.
"Hay naku! Sabi ko sa 'yo Ate Zena na lang, e," suway niya rito.
Akala ko ay hindi na niya ako papansinin pero muli niya akong tiningnan.
"Si Thomas 'yon. Mag-aabogado 'yan," kwento niya pa sa amin.
"May girlfriend po?" tanong ni Majoy na kaagad kong sinamaan ng tingin dahil inunahan pa ako.
"Wala... at walang may balak lumapit dahil masyadong masungit," natatawang kwento ni Ate Zena.
Hindi nawala sa isip ko ang pangalan ni Thomas. Mabilis kong inilagay iyon at naka-lettering pa sa likod ng aking notebook. Sa lahat sa kanila, siya lang ang tumatak sa akin.
Lumipas ang dalawang linggo at unti-unti na naming naramdaman ang college life.
"Bronson, kailan ulit magkakaroon ng open house sa kabila?" excited na tanong ko.
Nagkibit balikat ito habang umiinom ng kape.
"Malay ko, girl..." sagot niya sa akin kaya naman napanguso ako.
Naglalakad kami palabas ng school nang humiyaw si Bronzon dahil may nakalimutan. Inirapan ko siya at sinabihan sa may gate ko na lamang siya hihintayin.
Katabi ako ni kuya guard dahil may electric fan siya. Pero namawis ang katawan ko nang kaagad na may sumulpot sa guard house namin.
"Excuse me. I just want to set an appointment with the dean of the College of Education," sabi nito sa guard na kakamot-kamot lang.
"Sige po, Sir. Pasok na lang po kayo," sabi nito.
Hindi alam n'ong Thomas kung saan siya pupunga kaya naman kahit nahihiya ay nilapitan ko siya.
"Samahan na kita," pagpresinta ko na ikinagulat niya.
"Ah eh... doon din kasi ako papunta," sabi ko na lamang.
Tumaas ang isang kilay nito, pero nagpaubaya na lamang din. Para akong lumulipad habang humahakbang, dagdag mo pa ang amoy nitong gustong-gusto ng aking ilong.
"Ano'ng kailangan mo sa dean?" tanong ko.
Blanko ako nitong tiningnan. "Do I really need to answer that?" masungit na sabi niya kaya naman napanganga ako.
"In fairness, ang sungit mo, ha," sambit ko pero inirapan niya lamang ako.
"You know what, you can leave now... I can take care of myself," pagtataboy niya sa akin kaya naman kumulo ang dugo ko.
"Aba't ang suplado nito, ah. Sinamahan ka na nga riyan, ikaw pa itong galit," inis na pagmamaktol ko.
"Excuse me, miss. I don't have all the time in this world for your bullshits," sabi pa niya kaya naman hindi ko na napigilang sumabog.
"Hoy gago!" sigaw na duro ko.
"Ms. Lopez! In the guidance office, now!" sita sa akin ng guidance counselor namin kaya naman nginisian ako n'ong gagong si Thomas.
"Hindi pa tayo tapos," pagbabanta ko sa kanya.
Itinaas nito ang magkabilang kamay. "Not guilty," nakangising sabi niya sa akin na sobra kong kinainis.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro