Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter Three

🌹🌹🌹

Kinabukasan, pagdating ni Chelsea sa ospital ay agad niyang sinilip si Mr. X sa kama nito. Natutulog ito at marahil ay pinagmalasakitan din ito ng mga nurse na pumalit sa kanya dahil napalitan na ang hospital gown na suot nito kahapon.

Nakakabit pa rin ang oxygen kay Mr. X dahil hirap pa rin itong huminga. Isang student nurse ang nagpupunas dito ng basang bimpo dahil mataas pa rin ang lagnat nito.

Bumalik siya sa nurse station, inumpisahan agad niya ang pagkuha ng mga kakailanganin na gamot at gamit ng umagang iyon. Sasama siya sa mga doktor mamayang rounds.

Mga ilang minuto ay nagsimula na sila. Inuna muna nila ang mga pasyenteng bagong opera, kasunod niyon ang nagpapagaling na sakit at huli iyong ilalabas na sa ospital.

Si Chelsea na rin ang nagaasikaso ng mga information sheet ng pasyente at pagkatapos ay ibibigay na 'yon sa isang nurse nagbabantay sa station.

Sa tanghalian ay paksa pa rin ng usapan si Mr. X at ang isang pasyenteng kamamatay lang nang umagang iyon.

"Hindi naman puwedeng magreklamo iyong asawa n'ong pasyente dahil hindi naman nagpabaya ang mga doktor. Mahigpit namang ipinagbilin sa kanila na bawal painumin at pakainin ang pasyente. Mag-iwan ba naman ng tubig na maaabot ng pasyente? Hayun, ininom. Patay" nanghihinayang inaalala ni Sarah ang pasyenteng namatay.

"Baka gusto na lang talagang magpakamatay n'ong pasyente" sabi ni Maribeth kay Sarah

Napatingin si Sarah kay Maribeth na kunot ang noo. " Ano'ng ang ibig mong sabihin?" tanong niya rito.

"Ang sabi ng mga katabi nila, kahapon pa raw inaaway ng asawa iyong pasyente. Sinabihan pa nga raw na sana mamatay na lang" sagot niya.

"Grabe naman iyon....." reaksiyon niya. Hindi makapaniwala sa sinabi ni Maribeth.

Nakikinig lamang si Chelsea sa mga hinanakit at paghihinayang ng dalawa kasamahan niya. Napangiti siya kay Maribeth, minsan kasi maganda magkaroon na kaibigan na chismosa. May pakinabang kasi ang bawat chismis niya sa'min, lalo sa mga pasyente ang paksa nila.

"Ikaw, Chelsea, kumusta na iyong pasyente mo?" baling ni Sarah sa kanya.

Inaalala niya sa sarili, kung sinong pasyente ang tinutukoy ni Sarah. Marami naman siyang pasyenteng naaasikaso "Sinong pasyente?" bored niyang tanong.

"Si Mr. X!" sabi ni Sarah

"Ang tiyaga mo rin. Ikaw pala ang naglinis sa kanya kahapon?" tanong nito

"Oo" tanging sagot niya.

Nagkibit-balikat siya. Umiiwas siyang pag-usapan si Mister X, lalo na sa dalawang kasama niya. Hindi naman sa ayaw niyang pag-usapan, ayaw niyang tinutokso siya. Nakakahiya.

"Kawawa naman kasi" ulit niyang sabi.

"Bumubuti na ang lagay niya, Sarah. Kasama ako nina Doctor Layos kanina nang tingnan siya" singit ni Maribeth

Nakaramdam ng kaginhawaan nang marinig ni Chelsea ang pahayag ni Maribeth. Hindi na kasi siya madalas nakakasama sa rounds kapag do'n kay Mister X.

"Talaga? Mabuti naman kung ganoon. Kaya lang problema pa rin iyon kapag gumaling siya. Sino ang magbabayad ng hospital bill niya?" natatawang sabi ni Sarah

"May social service naman tayo" kaswal na sabi ni Maribeth

"At siguro, kung talagang wala siyang kamag-anak, ipapadala siya sa DSWD"

Tapos na siyang kumain kaya iniwan na niya sina Maribeth at Sarah sa pantry. Patuloy ang dalawa sa pagtsitsismisan.

*****

Pinuntahan ni Chelsea si Mr. X at inalam kung bumuti na ang kalagayan nito. Normal na ang blood pressure nito bagaman may sinat pa rin.

"Baka naman ma-in love ka riyan kay Mister X" sabi pa ni Arazo na hindi na tumigil sa pang-aalaska.

Natatawa na lamang si Chelsea sa ginagawa ni Arazo sa kanya "Tumigil ka na nga, tuturukan kita sa puwit kapag naiinis ako sa iyo!" seryoso niyang banta sa makulit na pasyente, pero sa isip niya ay natatawa siya sa kanyang inaasta.

"Uy, nagbibiro na si Miss Ganda!" ang laki ng ngiti na ipinakita ni Arazo na waring wala lamang sa kanya ang sinasabi.

Napangiwi na lamang si Chelsea. Wala rin pala epekto ang pagpapanggap niyang seryoso mukha. Lalo tuloy siyang inaasar nito.

"Sige nga, turukan mo nga ako sa puwit" hamon niya.

Umasta pa itong ibababa ang shorts nito sa harap niya.

Natatawang pinigilan ito ni Aling Nora. Pabirong hinampas nito ng bimpo ang puwit ni Arazo.

"Tumigil ka na nga dyan, Arazo. Huwag mo nga ipakita ang pangit mong puwit, baka masuka pa 'yan si Nurse Chelsea sa'yo" natatawang sabi ni Aling Nora

"Kayo naman po, Aling Nora. Binibiro ko lang naman si Miss Ganda" Tatawa-tawang nagbalik ang huli sa kama nito.

Napangiti at natawa si Chelsea sa pagtatanggol ni Aling Nora. Binalik niya ang tingin kay Mr. X na kasalukuyang malayo ang iniisip.

"Nakapagsasalita pa kaya iyan?" tanong ni Aling Nora sa kanya patungkol kay Mr. X

"Naririnig kaya niya tayo?"

"Siguro naman ho" sabi niya habang patuloy sa pagpupunas dito. Sa isip niya, sana nga makapagsalita na ito. Hindi siya naniniwala na pipi si Mister X, siguro sa tamang panahon makakausap nila ito.

"Tingnan mo iyong mga mata niya, brown, ano? Siguro guwapo iyan kapag naahitan" sabi ni Aling Nora.

Napatingin tuloy siya sa mata ni Mister X. Tama nga ito, kulay brown.


"Ahitan mo, Ate. Para makita natin kung ano ang hitsura" suhetsyon ni Arazo

"Gamitin mo iyong pang-ahit ko rito, tutal, papalitan ko na iyon" sabi nito.

"Baka magalit ang doktor" kinakabahan siya sa suhetsyon nito. Hindi sila basta-basta mag-ahit, kailangan nila ng permiso sa head nurse.

"Bakit naman ho magagalit?" takang-tanong ni Arazo.

"Okay lang iyon" pangumbinsi ni Aling Nora.

"O, okay naman pala, eh. Ahitin n'yo na" sabi niya.

Tumayo si Arazo at kinuha sa drawer ang pang-ahit nito.

"O, lagyan na rin ninyo ng shave cream para madaling ahitin iyong balbas niya" wika nito.

Walang magawa si Chelsea dahil sa mga pagkumbinsi nila na ahitan ito. Sa isip-isip niya ay gusto rin naman niyang makita ang kabuuang hitsura ni Mister X. Kinuha ni Aling Nora ang pang-ahit at shave cream mula kay Arazo at magkatulong na inahitan nila si Mister X. Habang nawawala ang balbas at bigote ng lalaki ay lumilinaw sa kanila ang anyo nito.

"Aba, guwapo pala si Mister X! Tingnan mo, Arazo, mas guwapo pa sa iyo!" natatawang sabi ni Aling Nora

Habang siya ay hindi makapaniwalang nakatitig lang sa guwapong mukha nito-----sa matangos na ilong, pangahang mukha at makakapal na labi. Kaunting laman lang sa butuhang mga pisngi nito at tiyak na mas magiging prominente ang magagandang mata nito.

"Ano sa tingin mo, Nurse Chelsea? Mga ilang taon na kaya siya" tanong ni Aling Nora na nakapagbalik sa kanya sa kasalukuyan.

"Late thirties? Forties?" panghuhula niya sa edad.

Hindi niya tiyak ang sagot niya. Sa tingin niya ay mas matanda ang anyo nito kaysa sa tunay na edad dala marahil ng paglaboy sa kalsada.

"Nasa singkuwenta na iyan" sabat naman ni Arazo.

"Ang tanda-tanda na niyan, o. Mukha nang ermitanyo" ang panguso niya kay Mr. X.

"Sinasabi mo lang iyan dahil mas guwapo pa si Mister X sa iyo ngayong naahitan na" biro naman ni Aling Nora sa lalaki..

"Malabo na siguro ang mga mata ninyo" sabi nito iniwagayway ang isang kamay na sinasabing imposible ang sinasabi ni Aling Nora, bago tumalikod.

Nang tumalikod si Arazo ay may nakita siya sa labas "O, 'andiyan na ang aparador. Kunin n'yo na ang mga stainless ninyo!" sigaw nito sa mga kasamang pasyente at bantay roon.

Mayamaya pa ay pumasok na ang lalaking tagapaghatid ng pagkain para sa mga pasyente roon. Ang tinatawag na "aparador" ay ang stainless rolling cabinet na pinaglalagyan ng rasyon na pagkaing nakalagay sa stainless na tray.

"Iyan talagang si Arazo, basta pagkain, hindi mo mauunahan" natatawang sabi ni Aling Nora

Pero hindi siya nakitawa sa sinabi nito dahil ang atensiyon niya ay nabaling sa mga mata ni Mr. X na nakatitig sa kanya!


Ilang sandali siyang natigilan habang nakatitig siya sa mga mata nito. Hindi niya alam kung ano ang nasasaisip nito nang mga oras na iyon.

🌹🌹🌹
ABANGAN.....

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro