Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter Ten

🌹🌹🌹

Maaga pa lang kinabukasan ay bumibiyahe na sila patungong Zambales. On the way ay nalaman nila sa Kuya Daniel niya na pag-aari ng pamilya ni Kathryn ang isa sa mga resort na matatagpuan sa Subic bay area. Ganoon kayaman ang pamilya ng dalaga.

"Baka naman nakakahiyang humarap sa parents niya, anak. Hindi ako komportable kapag kahalubilo ko ang mayayaman. Nangangati ako" biro pa ng inay nila na nakaupo sa hulihan.

"Mababait sila 'Nay" ani Daniel na nasa tono ang assurance.

"I've met them before. Dati na silang mayaman kaya bale-wala na sa kanila iyon. Sinisiguro ko sa iyo, makakasundo mo ang mama ni Kathryn"

"Sabagay, mabait naman si Kathryn kaya tiyak na mabait din ang mga magulang niya"

"Bubwit, bakit tahimik ka riyan? May dinaramdam ka ba?" baling nito sa kanya nang mapansin marahil na kanina pa siya walang imik sa kinauupuan niya.

"Sabihin mo lang kapag nasusuka ka, ha? Baka bigla ka na lang magkalat diyan"

"Kuya, hindi na ako bata...."

Napasimangot siya sa pang-aasar nito.

"Nagtataka lang ako kung bakit tahimik ka. Low batt ka ba?"

"Sige, magbiro ka pa para mahilo na ako. Susukahan ko talaga itong kotse mo"

"Hindi ka yata mabiro ngayon, ah"

Dumukwang ito at ginulo ang buhok niya.

"Siyanga pala, ipakikilala ka raw ni Kathryn sa mga pinsan niya"

"Hindi ako interesado" sabi niya bago muling tsinek ang cell phone kung sunagot na sa mensahe niya si Lovern. Pero wala pa rin kaya napasimangot siya.

" 'Nay, masama yata ang gising ng bunso mo" baling nito sa inay nila.

"Hayaan mo na, huwag mo na lang pansinin" nakangiting sabi ng inay nila.

"Kapag nakita ng kapatid mo ang dagat, gaganda rin ang mood niya"

Tama ang sinabi ng inay nila. Pagdating nila sa  resort ng mga Villamonte at makita niya ang dagat na mangasul-ngasul ay gumaan ang pakiramdam niya. Refreshing din ang warm welcome ni Kathryn sa kanila.

Nang makita nila ang pamilya nito ay napatunayan niyang tama ang sinabi ng Kuya Daniel niya. Hindi isyu ang estado sa buhay sa mga ito. Agad na nakapalagayang-loob ng inay nila ang mama ng dalaga. Ang papa naman nito ay agad na hinila ang kuya niya sa isang tabi para makipagkuwentuhan.

Naiwan siya sa dalawang pinsan ni Kathryn na pawang kasing-edad niya. Wala siyang itulak kabigin sa mga ito pagdating sa kaguwapuhan. Nagtatrabaho ang mga ito sa isang kilalang computer firm sa Makati. Masayang kausap ang mga ito pero aywan kung bakit si Xerxes pa rin ang naaalala niya.

Nang magkaroon siya ng pagkakataon ay tinawagan ni si Lovern. Sa wakas ay nakausap din niya ito. Sinabi niyang nasa Zambales sila at gusto lang niyang makibalita kung ano ang ginagawa ni Xerxes.

"Hinahanap ka niya sa akin, girl" ani Lovern

"Nangako ka raw na babalik ka ngayon para dalawin siya"

"Isinama kami ni kuya dito sa Zambales. Golden wedding anniversary ng parents ng girlfriend niya. Kapag nagtanong uli si Xerxes, pakisabi na lang sa kanya...." tugon nito.

"Okay, sasabihin ko. Kailan ang balik ninyo sa Manila?" tanong ni Lovern.

"Sa isang araw pa. I'll keep in touch, okay?"

"Okay. Enjoy ka lang diyan, girl. Huwag mo siyang alalahanin dito. Aalagaan ko si Mister X para sa iyo" biro nito sabay tumawa sa kabilang linya.

"Loka!" bulalas niya nang mahimigan ang malisya sa tono at pagtawa nito.

"Uy, selos siya!"

"Sira ka talaga. Sige na, baka may makarinig pa sa iyo"

"Okay, bye!"

"Chelsea, come on, the Jet Ski's ready" sabi ni Mark nang kumatok sa cottage niya.

"Naghihintay na si Joshua sa atin"

"Sige, susunod na ako" sabi niya

"Okay. Hihintayin ka na lang namin sa aplaya"

"Okay"

*****

Alam na alam ng mga pinsan ni Kathryn kung paano aaliwin si Chelsea. Pagkatapos nilang mag-jet-ski ay nagpahinga sila sandali at kumain. Pagsapit ng hapon ay boating naman ang pinagkaabalahan nila.

Napapansin niyang gustong pumorma ni Mark sa kanya at ganoon din si Joshua pero parehong maginoo ang mga ito. Pakiramdam niya ay safe na safe siyang kasama ang dalawa.

Nang mapagod ay nagpaalam na muna siya sa mga ito at nagbalik sa cottage. Nakita niyang anim ang Missed calls na naka-record sa cell phone niya. Iisa ang number na nakarehistro: kay Lovern.

Agad siyang nag-return call sa dalaga.

"Kanina pa kita tinatawagan. Nasa bahay na ako" sabi nito nang sagutin ang tawag niya.

"Nasa dagat kami. Bakit mo ako tinatawagan?"

"Gusto ka sanang makausap ni Mister X mo. May importante yatang sasabihin sa iyo, hindi ka naman namin ma-contact. Nasabi nga niya sa akin na baka wala ka namang balak na tumupad sa pangako mo. Bago ako lumabas ng hospital, tahimik lang siya"

"Kakausapin ko siya bukas pagdating mo sa hospital, tawagan mo ako.... I will assure him na babalik ako"

"Okay. That is, kung hindi pa siya tumalon mula sa fourth floor" biro pa nito.

"Huwag ka ngang magbiro nang ganyan!" bulalas niya

"That's not funny, Lovern!"

"Ito naman, para nagbibiro lang naman ako. Sige na, enjoy the night. Mwaah!"

Matagal nang tapos ang pag-uusap nila ni Lovern ay wala pa rin siya sa sariling nakaupo sa gilid ng kama. Nag-alala siya sa ibinalita nito. Baka nga iniisip ni Xerxes na nagdadahilan lang siya. Kawawa naman ito.

Kung napansin ng lahat ang pananahimik niya sa hapunan ay wala namang nag-usisa kung bakit ganoon siya. Abala ang inay nila sa pakikipagkuwentuhan sa mama ni Kathryn at ang kuya naman niya ay nakatuon ang atensiyon sa nobya.

Hanggang sa mesa ay napapagitnaan siya nina Mark at Joshua na hindi pa man niya hinihingi ang pagkain ay ibinibigay na ng mga ito sa kanya.

Dapat ay matuwa siya sa espesyal na atensiyong ipinagkakaloob sa kanya ng mga pinsan ni Kathryn, pero kabaligtaran niyon ang nararamdaman niya. Pagkatapos ng hapunan ay nagpaalam na nga siya sa mga ito.

Nauna na siyang pumasok sa cottage para magpahinga. Habang nagpapaantok ay binalikan niya ang mga litratong naka-save sa digital camera niya.

Nami-miss na niya si Xerxes. Ano ba ang nangyayari sa kanya? Nahulog na nga ba sa lalaking iyon ang loob niya?

Laman ng isipan niya ang tanong na iyon hanggang sa makatulog siya.

*****

Festive ang mood sa paligid kinabukasan. Umaga pa lang ay abala na ang lahat sa ise-celebrate na okasyon.

Ikinasal ang parents ni Kathryn ganap na alas-nuwebe ng umaga. Iyon din daw ang oras nang unang ikasal ang mga ito forty five years ago.

Mula sa garden hanggang sa reception ay hindi mapaghiwalay sina Kathryn at ang Kuya Daniel niya. Naging tampulan ng tukso ng mga kamag-anak ni Kathryn na sa susunod na taon ay ang mga ito naman ang tiyak na ikakasal. Tumawa ang dalawa pero walang ibinigay na kumpirmasyon.

"Natutuwa ako para sa kapatid mo, Chelsea" sabi ng inay nila na katabi niya sa upuan nang mga sandaling iyon.

"Sana nga ay sila na ang magkatuluyan"

"Sana nga, 'Nay" sabi niya pagkatapos ibalik sa purse ang kanyang cell phone.

Nagpadala siya ng mensahe kay Lovern na mamaya na lang siya tatawag dito dahil nasa gitna sila ng kasayahan.

"Hay, anak, parang kailan lang ang kuya mo..."

" 'Nay, huwag kayong umiyak dito ngayon. Sa isang taon na lang kapag ikakasal na sila, okay?" biro niya.

Pero hindi niya magawang magsaya nang lubos dahil si Xerxes ang nasa isip niya.

"Hindi naman ako iiyak, ano? Iiyak ako kapag ikinasal ka"

"Naku, malayo pang mangyari iyon, 'Nay. Wala pa nga akong boyfriend..."

"Okay lang naman, huwag lang sa Mister X na iyon"

"Ang inay talaga..."

"Hindi ako nagbibiro, Chelsea. Hindi ko matatanggap na magkaroon ng isang manugang na taong-grasa"

"Nakakatawa ka talaga 'Nay" aniyang hindi sineryoso ang sinabi nito.

"Hinding-hindi mangyayari iyon, I swear"

"Dapat lang"

Sinungaling!

Sinurot siya ng munting tinig sa likod ng kanyang isipan. Ang itinutulak ng bibig niya ay kinakabig ng dibdib niya.

🌹🌹🌹

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro