Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter Six

🌹🌹🌹

"Salamat sa tinapay..."



Tanghali na at katatapos lang niyang kunan ng blood pressure si Mr. X nang marinig niya ang sinabi nito. Kunot noong napasulyap siya sa mukha nito at napangiti siya nang makitang sa kauna-unahang pagkakataon ay ngumiti ito sa kanya.



"Ano'ng sinabi mo?" tanong niya, nais makasiguro sa narinig niya.



"Salamat sa tinapay..."



Nagsasalita na siya!



"Walang anuman...."



Parang sa tumama sa raffle ang pakiramdam niya habang nakatitig sa mukha nitong kababakasan na ngayon ng emosyon.



"May gusto ka pa bang sabihin? Magsalita ka..."



"Alam kong inuusyoso ako ng lahat ng tao rito"



Hindi niya inaasahan ang sumunod na sinabi nito. Nabakas niya ang galit sa mukha nito, ang unang solidong emosyon na nakita niya.



"Wala na ba akong privacy?"



"N-nagsasalita ka na?" hindi pa rin makapaniwalang tanong niya rito.



"Of course!" tila naiinis na bulalas nito.



"Hindi ako pipi! At lalong hindi ako taong grasa gaya ng inaakala ninyo"



"Kung ganoon....sino ka?"



Nakita niyang natigilan ito at napatiim-bagang. Ang sumunod doon ay nabakas niya sa mga mata nito ang pagtatalo ng kalooban. Tila iniisip kung dapat nitong sagutin o hindi ang tanong niya.



"Xerxes..." mayamaya pa ay sagot nito sa kanya.



"Xer-xes?" gagad niya sa sinabi nito



"Iyon ba ang pangalan mo? Xerxes?"



Hindi niya naikubli ang excitement niya nang mga sandaling iyon.



"Natatandaan mo ba ang apelyido mo?"



Pero hindi na nito sinagot ang pag-uusisa niya. Tila ayaw nitong pag-usapan ang anumang bagay na may kinalaman sa pagkatao nito.

*****

Sa tulong ng endorsement mula kay Dr. Layos ay naisagawa ang CT scan kay Xerxes aka Mr. X. Sinagot ng mabait na siruhano ang bayad sa CT scan. Nang lumabas ang resulta ay napag-alamang nagkaroon ito ng head injury na maaaring naging dahilan ng pagkakaroon nito ng temporary amnesia.



Ayon pa sa doktor na tumingin dito, isa o dalawang buwan na raw na nasa ganoong kondisyon si Xerxes. Makukumpirma nila iyon kapag tuluyan nang naalala ng lalaki ang nakaraan nito.



Ang papel na nakadikit sa kama nito na may nakasulat na Mr. X ay tinanggal at pinalitan nito. He became an instant celebrity. Halos lahat ng mga bantay ng mga pasyente sa fourth floor ay pumupunta upang usyosohin ito. Maging ang mga pasyenteng nakakalakad na ay sumisilip din doon.



Nakita niyang hindi na nagugustuhan ni Xerxes ang pag-uusyoso ng mga tao kaya nakiusap siya sa mga ito na hayaan na munang magpahinga ito. Nang sila na lamang ay isinatinig nito ang saloobin.



"Bakit nila ako tinitingnan na para akong isang palabas sa karnabal?" galit na tanong  nito habang nakatitig sa kanya.



"Ganoon din ba ang tingin mo sa akin?"



"Hindi. Curious lang siguro sila dahil may pangalan ka na ngayon. Mahigit isang linggo ka rin kasing wala sa sarili mo. Wala ka ba talagang natatandaan?"



Umiling ito. "Wala akong natatandaan"



"Okay... pagpasensiyahan mo na lang sila. Ganyan talaga ang mga tao, mapag-usyoso. Hayaan mo at magsasawa rin sila"



Pumatlang ang katahimikan.



"Ano ang mangyayari sa akin pagkatapos nito?"



Nalito siya sa tanong ni Xerxes. Sa sarili lang ba nito sinasabi iyon?



"Ano'ng ibig mong sabihin?"



Bumuntong-hininga ito.



"Wala. Kalimutan mo na ang sinabi ko"

*****

Nang wala na si Chelsea ay tahimik na bumaba sa kama si Xerxes at nagtungo sa balkonahe. Tiningnan lang niya si Aling Nora na nagtatanong kung saan siya pupunta. Wala siyang gustong sabihin sa kahit kanino.



Noong una pa lamang siyang dalhin sa ward ay nalalaman na niya ang mga nangyayari sa paligid niya pero pinili niyang magsawalang-kibo. Alam din niyang nabundol siya ng isang itim na kotse at pagkatapos ay iniwan siya sa daan. Ang mga barangay tanod na nakakita sa pangyayari ang nagdala sa kanya sa ospital.



Kung siya lang ang masusunod, hindi na niya nais pang mabuhay. In fact, he had been asking for it. Gusto na niyang sumunod sa mag-ina niya.



Pero talaga yatang ipinag-aadya siya ng kapalaran. Na habang hinahanap niya ang kamatayan ay lalo lang siyang nilalayuan niyon.



Pinagmasdan niya ang Central Bank building na matatanaw mula sa kinaroroonan niya. Pero wala ang isip niya sa tanawin sa labas dahil ang isip niya ay muling nagbabalik sa araw na pilit niyang binubura sa alaala niya.



Isang araw nang Linggo iyon.....



Sunday was family day. Madalas sabihin iyon ni Suzy sa kanya. Kaya naman nang dumalo siya sa isang business conference sa Tagaytay, at abutin siya ng Linggo roon, ay pinasunod na lang niya ang kanyang mag-ina.



"I'm not familiar with the place" sabi ni Suzy nang makausap niya ito sa telepono bago ito umalis ng Quezon City kasama ang anak nila na si Yana.



" 'Tapos, si Yaya, nagpaalam dahil may emergency sa kanila. Kaming dalawa lang ni Yana ang bibiyahe"



"Magpamaneho ka na lang kay Mang Cardo"



"Wala rin si Mang Cardo dahil off niya ngayon. Sige, huwag ka nang mag-alala, kaya ko naman, eh. Hindi naman malikot ang anak mo kapag nasa loob ng sasakyan"



"Okay, I'll be expecting you, darling. Don't text while driving"



"Alam ko po iyon. Kailan ba ako gumamit ng cellphone kapag nagmamaneho? My hands are exclusive for the steering wheel" biro pa nito.



"Bye, darling, see you!"



Mahigit isang oras ang hinintay niya bago muling tumawag si Suzy. Huminto ito sa isang grocery store para tumawag gamit ang isang pay phone. Tiniyak lang sa kanya ng asawa niya kung tama ang direksiyong tinatahak nito. He said yes, at para hindi ito maligaw ay aabangan na niya ang sasakyan nito sa highway.



Which he did. Pagkatapos nilang mag-usap ay umalis na siya ng hotel and resort na pinagdausan ng business conference. Sumakay siya sa kanyang Land Cruiser. Pagdating sa highway ay ipinarada nia iyon sa tabi ng mga nagtitinda ng pakwan at doon nag-abang. Bumaba siy at namili ng paboritong prutas ni Suzy. Siniguro sa kanya ng tindera na matamis iyon.



Pababa ang highway sa bahaging iyon kaya agad na natanaw niya ang kotse ng asawa. Hindi siya maaaring magkamali dahil bihira lang ang pink Toyota Altis na kagaya ng kotse nito.



Siguro ay nasa layong mahigit dalawandaang metro na lang ang kanyang mag-ina nang mula sa likuran ay bumubulusok na paparating ang isang trailer truck. Sa pakaliwa at pakanang galaw niyon ay agad niyang natanto na walang kontrol ang driver sa manibela.



Nagsigawan ang mga tindera sa mga stall at nagtakbuhan sa takot na baka bumangga ang truck sa mga iyon.



"No!" sigaw niya, pinanlalamigan, fearing for the life of her child and wife.



"No! Huwag ang mag-ina ko!" sigaw niya nang makitang tinumbok ng truck ang Toyota Altis.



Binangga niyon ang puwitan ng kotse at dahil nawalan ng kontrol si Suzy ay umikot ang kotse at sa isang iglap ay napailalim iyon. Parang latang nayupi ang kotse nang madaanan ng mga gulong ng truck.



"Suzy! Yana!" he shouted at the top of his lungs.



Parang isang masamang panaginip iyon. Parang isang sine na nangyayari sa mismong harap niya.



"Nooo!"



It was a fatal day. Kung ilang beses niyang hiniling na sana ay nabura na lang sa kalendaryo ang araw na iyon. Na sana ay hindi na nag-exist at nang hindi na rin nangyari ang malagim na aksidenteng kumitil sa buhay ng kanyang mag-ina.



Hanggang sa mailibing ang asawa at anak niya ay hindi pa rin matanggap ng isip niya na wala na ang mga ito. Naging kaulayaw niya sa malulungkot na maghapon at magdamag ang bote ng whisky.



Napabayaan niya ang negosyo niya maging ang sarili. Maging ang mga magulang at kapatid niya ay hindi na niya kinilala. Hindi siya nakinig sa mga payo. Sa mga sumunod na buwan ay nanaig ang galit niya sa nangyari.



Hanggang isang gabing lasing na lasing siya ay lumabas siya ng bahay at naghamon ng away. Lahat ng makasalubong niya ay hinamon niya sa isang duwelo.



Nakalabas siya ng subdivision pagkatapos niyang pukpukin ng bote ng alak sa ulo ang guwardiya. Nakarating siya sa isang squatters area hanggang sa bugbugin siya ng mga nag-iinumang tambay roon. Kinuha ng mga ito ang mga alahas niya sa katawan.



Natatandaan niyang itinapon siya ng mga ito sa isang creek. Tinangay siya ng agos hanggang sa mawalan siya ng malay....paggising niya ay wala na siyang maalala.



Inaruga siya ng isang matandang lalaking nakatira sa gilid ng estero sa malayong bahagi ng Manila. Nabubuhay ito sa pagbabasura at paminsan-minsang pagiging albularyo. Isang linggo siyang nilagnat at nagdeliryo bago bumuti ang kalagayan niya.



Nang bumalik ang memorya niya, umalis siya sa poder ng matanda. Tumatawid siya sa kalsada habang nasa malalim at samut-saring isipin, di niya napansin ang parating na sasakyan. Nabundol siya. Nang magkamalay siya ay nasa ospital na siya.



Naikuyom niya ang mga kamay niyang nakatuon sa pasimano ng balkonahe. He was a broken man. Mas madali na lang sana kung namatay na lang siya noong bugbugin siya at itapon sa creek o kaya ay nang masagasaan siya para hindi na niya maalala ang sakit ng pagkawala ng dalawang mahal niya sa buhay.



Pero nang makita niya si Chelsea ay nakita niya sa katauhan nito si Suzy. May pagkakahawig ang dalawang babae sa pisikal na anyo at sa ilang bagay. Nagpapaalala ito sa kanya sa yumaong asawa. At ang presensiya nito ay nagbigay sa kanya ng masiglang pakiramdam. Unti-unti, sa kabila ng sakit na iniinda ng puso niya, ay nabubuhay sa dibdib niya ang pag-asa.


🌹🌹🌹
ABANGAN.....

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro